Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Ezekiel 3-4

Sinabi(A) pa sa akin, “Kainin mo ang aklat na ito. Pagkatapos, magpahayag ka sa sambahayan ni Israel.”

Ngumanga ako upang kanin ang aklat. Sinabi niya sa akin, “Kainin mo ito at magpakabusog ka.” Kinain ko nga ang aklat. Sa aking panlasa ito'y kasintamis ng pulot-pukyutan.

Sinabi niya sa akin, “Ezekiel, anak ng tao, pumunta ka sa sambayanang Israel at sabihin mo ang ipinapasabi ko sa iyo. Ang pupuntahan mo ay ang sambayanang Israel, at hindi ibang bansang mahirap unawain ang salita. Ang pupuntahan mo'y mga taong nakakaunawa sa mga sasabihin mo. Ngunit hindi sila makikinig sa iyo pagkat ako mismo'y ayaw nilang pakinggan. Matigas ang ulo nila. Ngunit ikaw ang gagawin kong katapat nila. Patitigasin ko ang iyong kalooban, tulad nila. Patatatagin kita tulad ng isang batong-buháy. Huwag kang matatakot sa mapaghimagsik na sambayanang iyon.”

10 Sinabi pa niya sa akin, “Pakinggan mong mabuti at tandaan itong sasabihin ko: 11 Pumunta ka sa mga kababayan mong dinalang-bihag na tulad mo. Sa makinig sila at sa hindi, sabihin mo ang ipinapasabi ko.”

12 Ako'y itinaas ng Espiritu, at narinig ko ang ugong ng isang malakas na tinig na nagsasabi: Purihin ang kaluwalhatian ni Yahweh, ang Panginoon ng kalangitan. 13 At narinig ko ang pagaspas ng pakpak ng mga nilalang na buháy at ugong ng kanilang mga gulong na parang ugong ng malakas na lindol. 14 Naramdaman ko ang kapangyarihan ni Yahweh at nag-aalab ang galit ko habang ako'y inililipad ng Espiritu. 15 At dumating ako sa Tel-abib, sa baybay ng Ilog Kebar, sa lugar ng mga dinalang-bihag. Pitong araw akong natigilan at hindi makapagsalita.

Ang Bantay ng Israel

16 Pagkaraan ng pitong araw, sinabi sa akin ni Yahweh, 17 “Ezekiel, anak ng tao, ginagawa kitang bantay ng bansang Israel. Makinig ka sa aking sasabihin, at bigyan mo sila ng babala. 18 Kapag sinabi kong tiyak na mamamatay ang mga taong masama, at hindi mo sila binigyan ng babala upang sila'y makapagsisi, ang mga tao ngang iyon ay mamamatay dahil sa kanilang kasalanan; ngunit pananagutan mo sa akin ang kanilang kamatayan. 19 Subalit kapag binigyan mo sila ng babala, at hindi sila nagsisi sa kanilang kasamaan, mamamatay nga sila dahil sa kanilang mga kasalanan; ngunit hindi mo iyon pananagutan. 20 Kapag nagpakasama ang isang matuwid, ilalagay ko siya sa panganib. Mawawalan ng kabuluhan ang kabutihang ginawa niya noong una at mamamatay nga siya dahil sa kanyang kasalanan. Kapag hindi mo siya binigyan ng babala, pananagutan mo sa akin ang kanyang kamatayan. 21 Ngunit kapag binigyan mo ng babala ang mga taong matuwid, at sila'y lumayo sa kasamaan, hindi sila mamamatay; at wala kang pananagutan.”

Pansamantalang Ginawang Pipi si Ezekiel

22 Hinawakan ako ni Yahweh at sinabi sa akin, “Tumayo ka. Magpunta ka sa kapatagan at may sasabihin ako sa iyo.” 23 Tumayo nga ako at nagpunta sa kapatagan. Pagdating doon, nakita ko ang kaluwalhatian ni Yahweh, tulad ng nakita ko sa baybayin ng Ilog Kebar. Nagpatirapa ako sa lupa. 24 Ngunit nilukuban ako ng Espiritu, itinindig niya ako at sinabi sa akin, “Umuwi ka at magkulong sa iyong bahay. 25 Doon ay gagapusin ka upang hindi ka makasama sa iyong mga kababayan. 26 Ididikit ko ang dila mo sa iyong ngalangala para hindi mo mapagsabihan ang mapaghimagsik mong mga kababayan. 27 At kung may gusto akong ipasabi sa iyo, muli kang makapagsasalita. Kung magkagayon, sasabihin mo sa kanila ang ipasasabi ko. Kung gusto nilang makinig sa iyo, makinig sila; kung ayaw nila, huwag; sapagkat sila'y tunay na mapaghimagsik na sambayanan.”

Ang Halimbawa ng Pagkubkob sa Israel

Sinabi pa sa akin ng Diyos, “Ezekiel, anak ng tao, kumuha ka ng tisa. Ilagay mo iyon sa iyong harapan, at iguhit mo roon ang lunsod ng Jerusalem. Upang ipakita ang isang pagkubkob, paligiran mo ito ng muog at mga tanggulan, at umangan ng malalaking trosong pambayo. Kumuha ka ng platong bakal at ilagay mo na parang pader sa pagitan mo at ng lunsod. Huwag mo itong iiwan ng tingin. Ito ay kukubkubin at ikaw ang kukubkob. Magiging palatandaan ito sa bansang Israel.

“Pagkatapos, mahiga ka nang nakatagilid sa kaliwa at ipapataw ko sa iyo ang bigat ng parusa sa Israel. Kung gaano katagal kong ipataw sa iyo ang parusa, ganoon din ang pagpaparusa sa kanila. Sa loob ng 390 araw, mananatili ka sa ganoong ayos; bawat araw ay katumbas ng isang taon. Pagkatapos, bumiling ka sa kanan upang dalhin ang kaparusahan ng Juda sa loob ng apatnapung araw. Bawat araw ay katumbas ng isang taon. Pagkatapos, humarap ka sa Jerusalem. Iunat mong paharap doon ang iyong kamay na nakalilis ang manggas ng iyong baro, at magpahayag ka laban sa lunsod na iyon. Ngunit gagapusin kita hanggang hindi natatapos ang gagawin mong pagkubkob, para hindi ka makabiling.

“Ngayon, kumuha ka ng trigo, sebada, bitsuwelas, lentil, batad, at espelta. Paghalu-haluin mo ito sa isang sisidlan at lutuin. Ito ang kakanin mo sa loob ng 390 araw habang ikaw ay nakahigang patagilid sa kaliwa. 10 May takda ang pagkain mo araw-araw: isang beses maghapon at mahigit na isang kilo lamang araw-araw. 11 May takda rin ang iyong pag-inom: isang beses maghapon at halos isang litro lang sa isang araw. 12 Magluto ka ng bibingkang sebada na dumi ng tao ang panggatong. Kanin mo nang nakikita ng mga tao. 13 Ganyan ang magiging pagkain ng Israel saan ko man sila itapon.”

14 Sumagot ako, “Ngunit Panginoong Yahweh, alam mong hindi ako nagpapakarumi sa aking sarili. Mula sa aking pagkabata ay hindi ako tumikim ng anumang namatay nang kusa o nilapa ng hayop. Hindi rin ako tumikim ng anumang karumal-dumal na karne.”

15 Sinabi niya sa akin, “Kung gayon, dumi ng baka ang igatong mo sa halip na dumi ng tao.”

16 Sinabi pa niya sa akin, “Ezekiel, anak ng tao, babawasan ko na ang tinapay na kinakain araw-araw sa Jerusalem. Tatakalin na nila ang kanilang kakanin at iinumin. Paghaharian na sila ng pangamba at kabalisahan. 17 Gagawin ko ito sa kanila hanggang sa sila'y pagharian ng sindak. Gayon sila pahihirapan dahil sa kanilang kasamaan.”

Mga Hebreo 11:20-40

20 Dahil(A) sa pananampalataya, iginawad ni Isaac kina Jacob at Esau ang pagpapala para sa hinaharap.

21 Dahil(B) sa pananampalataya, iginawad ni Jacob ang pagpapala sa dalawang anak ni Jose bago siya namatay. Humawak siya sa kanyang tungkod at sumamba sa Diyos.

22 Dahil(C) sa pananampalataya, sinabi ni Jose, nang siya'y malapit nang mamatay, ang tungkol sa pag-alis ng mga Israelita sa Egipto, at ipinagbilin sa kanila na dalhin ang kanyang mga buto sa kanilang pag-alis.

23 Dahil(D) sa pananampalataya, ang mga magulang ni Moises ay hindi natakot na sumuway sa utos ng hari; nang makita nilang maganda ang sanggol, itinago nila ito sa loob ng tatlong buwan.

24 Dahil(E) sa pananampalataya, tumanggi si Moises, nang siya'y mayroon nang sapat na gulang, na tawagin siyang anak ng prinsesang anak ng hari. 25 Inibig pa niyang makihati sa kaapihang dinaranas ng bayan ng Diyos kaysa magtamasa ng mga panandaliang aliw na dulot ng kasalanan. 26 Itinuring niyang higit na mahalaga ang pagtitiis sa hirap dahil sa Mesiyas kaysa ang mga kayamanan ng Egipto; sapagkat nakatuon ang kanyang paningin sa mga gantimpala sa hinaharap.

27 Pananampalataya din ang nag-udyok kay Moises na lisanin ang Egipto nang hindi natatakot sa galit ng hari. Matatag ang kanyang kalooban sapagkat para niyang nakita ang Diyos. 28 Dahil(F) din sa pananampalataya, itinatag niya ang Paskwa at iniutos sa mga Israelita na pahiran ng dugo ang pintuan ng kanilang mga bahay upang huwag patayin ng Anghel na Mamumuksa ang kanilang mga panganay.

29 Dahil(G) sa pananampalataya, nakatawid ang mga Israelita sa Dagat na Pula na parang lumalakad sa tuyong lupa, samantalang nalunod naman ang mga Egipcio nang ang mga ito'y tumawid.

30 Dahil(H) sa pananampalataya ng mga Israelita, gumuho ang pader ng Jerico matapos silang maglakad sa palibot nito nang pitong araw. 31 Dahil(I) sa pananampalataya, si Rahab, ang babaing nagbebenta ng aliw, ay hindi napahamak na kasama ng mga ayaw sumunod sa Diyos, sapagkat malugod niyang pinatuloy ang mga espiyang Israelita.

32 Magpapatuloy(J) pa ba ako? Kulang ang panahon para maisalaysay ko ang tungkol kina Gideon, Barak, Samson, Jefte, David, Samuel, at mga propeta. 33 Dahil(K) sa pananampalataya, nagwagi sila laban sa mga kaharian, nagpatupad ng katarungan, at nagkamit ng mga ipinangako ng Diyos. Napaamo nila ang mga leon, 34 napatay(L) ang naglalagablab na apoy, at nakaligtas sila sa mga talim ng tabak. Sila'y mahihina ngunit binigyan ng lakas upang maging magiting sa digmaan, kaya't natalo ang hukbo ng mga dayuhan. 35 Dahil(M) sa pananampalataya, ibinalik sa ilang mga babae ang kanilang mga mahal sa buhay na namatay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay.

May mga tumangging sila'y palayain, sapagkat pinili nila ang mamatay sa pahirap upang sila'y muling buhayin at magtamo ng mas mabuting buhay. 36 Mayroon(N) namang hinamak at hinagupit, at mayroon ding ikinadena at ibinilanggo. 37 Ang(O) iba naman ay pinagbabato, nilagari sa dalawa, [tinukso],[a] at pinatay sa tabak. Ang iba'y nagdamit ng balat ng tupa at kambing, ang iba'y namulubi, inapi, at pinagmalupitan. 38 Hindi karapat-dapat sa kanila ang daigdig! Nagpagala-gala sila sa mga ilang at kabundukan. Nagtago sila sa mga yungib at lungga sa lupa.

39 At dahil sa kanilang pananampalataya, nag-iwan sila ng isang kasaysayang hindi makakalimutan kailanman. Ang lahat ng mga ito, bagama't may mabuting patotoo dahil sa kanilang pananampalataya, ay hindi tumanggap ng ipinangako, 40 sapagkat may mas magandang plano ang Diyos para sa atin, upang sila'y hindi maging ganap malibang kasama tayo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.