Old/New Testament
Parusa, Pagsisisi at Pag-asa
3 Naranasan ko kung gaano kahirap ang maparusahan ng Diyos.
2 Itinaboy niya ako sa lugar na wala kahit bahagyang liwanag.
3 Walang awa niya akong hinahampas sa buong maghapon.
4 Tadtad ng sugat ang buo kong katawan at bali-bali ang aking mga buto.
5 Ibinilanggo niya ako sa kalungkutan at pagdurusa.
6 Isinadlak niya ako sa kadiliman, laging nasa bingit ng kamatayan.
7 Ginapos niya ako para hindi makatakas, pinalibutan ako ng pader na mataas.
8 Nanambitan man ako at humingi ng tulong, hindi niya dininig ang aking dalangin.
9 Susuray-suray ako sa tindi ng hirap, at kahit saan ako bumaling
ay may pader na nakaharang.
10 Siya'y parang osong nag-aabang sa akin; at parang leong nag-aantay.
11 Hinabol niya ako saka niluray; at iniwang nakahandusay.
12 Iniakma niya ang kanyang pana, at ako ang ginawang tudlaan.
13 Tinamaan ako sa aking puso ng kanyang mga palaso.
14 Buong araw ako'y pinagtatawanan; sa mga kwentuhan ako ay biruan.
15 Pawang kapaitan at kalungkutan ang ipinalasap niya sa akin.
16 Inginudngod niya sa lupa ang aking mukha at idinikdik sa bato ang aking bibig.
17 Naglaho sa akin ang bakas ng kalusugan, maging kapayapaan at kaligayahan man.
18 Kaya't sinasabi ko, “Nawala na ang aking lakas at ang aking pag-asa kay Yahweh.”
19 Simpait ng apdo ang alalahanin sa aking paghihirap at kabiguan.
20 Lagi ko itong naaalaala, at ako'y labis na napipighati.
21 Gayunma'y nanunumbalik ang aking pag-asa kapag naalala kong:
22 Pag-ibig mo, Yahweh, ay hindi nagmamaliw; kahabagan mo'y walang kapantay.
23 Ito ay laging sariwa bawat umaga; katapatan mo'y napakadakila.
24 Si Yahweh ay akin, sa kanya ako magtitiwala.
25 Si Yahweh ay mabuti sa mga nananalig at umaasa sa kanya,
26 kaya't pinakamainam ang buong tiyagang umasa sa ating kaligtasang si Yahweh ang may dala.
27 At mabuti sa isang tao na siya'y matutong magtiyaga mula sa kanyang kabataan.
28 Kung siya'y palasapin ng kahirapan, matahimik siyang magtiis at maghintay;
29 siya'y magpakumbaba sa harapan ni Yahweh, at huwag mawalan ng pag-asa.
30 Tanggapin ang lahat ng pananakit at paghamak na kanyang daranasin.
31 Mahabagin si Yahweh at hindi niya tayo itatakwil habang panahon.
32 Bagaman siya'y nagpaparusa, hindi naman nawawala ang kanyang pag-ibig.
33 Hindi niya ikatutuwang tayo'y saktan o pahirapan.
34 Hindi nalilingid kay Yahweh kung naghihirap ang ating kalooban,
35 maging ang ating karapatan, kung tayo'y pagkaitan.
36 Kung ang katarungan ay hayagang tinutuya, siguradong si Yahweh ay hindi magpapabaya.
37 Walang anumang bagay na mangyayari, nang hindi sa kapahintulutan ni Yahweh.
38 Nasa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos ang masama at mabuti.
39 Bakit tayo magrereklamo kapag tayo'y pinaparusahan kung dahil naman ito sa ating mga kasalanan?
40 Siyasatin nati't suriin ang ating pamumuhay, at tayo'y manumbalik kay Yahweh!
41 Dumulog tayo sa Diyos at tayo'y manalangin:
42 “Kami'y nagkasala at naghimagsik, at hindi mo kami pinatawad.
43 “Sa iyong matinding galit ay hinabol mo kami at walang awang pinatay.
44 Ang galit mo'y tila makapal na ulap na hindi malampasan ng aming mga dalangin.
45 Ginawa mo kaming tambakan ng kasamaan ng sanlibutan.
46 “Kinukutya kami ng aming mga kaaway;
47 nagdaan na kami sa pagkawasak at kapahamakan, naranasan namin ang mabingit sa panganib at manginig sa takot.
48 Hindi mapigil ang pagbalong ng aking mga luha, dahil sa kapahamakang sinapit ng aking bayan.
49 “Walang tigil ang pagdaloy ng aking mga luha,
50 hanggang si Yahweh ay tumunghay mula sa langit at kami'y lingapin.
51 Nagdadalamhati ako dahil sa sinapit ng mga kababaihan sa aking lunsod.
52 “Para akong ibong binitag ng aking mga kaaway, gayong wala silang dahilan upang kamuhian ako.
53 Ako'y inihulog nila nang buháy sa isang balon, at tinakpan ng bato ang bunganga nito.
54 Lumubog ako sa tubig, at nasabi ko, ‘Wala na akong pag-asang mabuhay pa.’
55 “O Yahweh, tinawag ko ang iyong pangalan nang ako'y nasa kailaliman ng balon;
56 narinig mo ang aking samo, ‘Huwag mong takpan ang iyong pandinig sa aking paghingi ng tulong!’
57 Nilapitan mo ako nang ika'y tawagan ko; sinabi mo sa akin, ‘Huwag kang matakot!’
58 “Tinulungan mo ako, Yahweh, at iniligtas mo ang aking buhay.
59 Hindi kaila sa iyo ang kasamaang ginawa nila sa akin; bigyan mo ako ng katarungan.
60 Nakita mo ang kanilang paghihiganti at masasamang balak laban sa akin.
61 “Narinig mo, Yahweh, ang pangungutya nila't mga pakana laban sa akin.
62 Nagsasalita at nag-iisip laban sa akin ang mga kaaway ko.
63 Mula umaga hanggang gabi kanilang panunuya'y walang pasintabi.
64 “O Yahweh, parusahan mo sila, ayon sa kanilang ginawa.
65-66 Pahirapan mo sila, at iyong sumpain;
habulin mo sila at iyong lipulin!”
Naganap ang Pagpaparusa sa Jerusalem
4 Kupas na ang kinang ng ginto,
nagkalat sa lansangan ang mga bato ng Templo!
2 Ang mga ipinagmamalaking kabinataan ng Jerusalem ay kasinghalaga ng lantay na ginto,
ngunit ngayon ay para na lamang putik na hinugisan ng magpapalayok.
3 Kahit mga asong-gubat ay nagpapasuso ng kanilang mga tuta,
subalit ang aking bayan ay naging malupit, gaya ng mga ostrits sa kanilang mga inakay.
4 Namamatay sa gutom ang mga batang pasusuhin;
namamalimos ang mga bata, ngunit walang magbigay ng pagkain.
5 Ang mga taong dati'y sagana sa pagkain dahil sa gutom ay namatay na rin.
Ang dating mayayaman ay naghahalungkat, umaasang sa basurahan ay may mabubulatlat.
6 Ang(A) pagpaparusa sa aking bayan ay higit pa sa sinapit ng Sodoma
na sa isang kisap-mata'y winasak ng Diyos.
7 Dati, ang aming mga pinuno[a] ay matuwid at sindalisay ng yelo;
sila'y matipuno, malakas at malusog.
8 Ngayo'y mukha nila'y sing-itim ng alkitran, kanilang mga bangkay sa Jerusalem ay naghambalang.
Nangulubot na ang kanilang balat, parang kahoy na natuyo ang kanilang mga buto.
9 Mabuting di hamak ang masawi ka sa digmaan kaysa naman sa gutom ikaw ay mamatay;
at dahil walang makain, labis kang nanghina.
10 Kalagim-lagim(B) ang naging bunga ng kapahamakang sinapit ng aking bayan.
Upang ang ina ay may makain, kanilang supling ang siyang isinaing.
11 Ibinuhos ni Yahweh ang kanyang matinding poot,
sa lunsod ng Zion, lahat kanyang tinupok.
12 Hindi naniniwala ang lahat ng hari sa sanlibutan, ni ang kanilang mga nasasakupan
na mapapasok ng kaaway ang lunsod ng Jerusalem.
13 Ngunit ito'y naganap dahil sa kasalanan ng mga propeta, at sa kasamaan ng mga pari
na nagpapatay sa mga walang sala.
14 Ang mga pinuno'y parang bulag na palabuy-laboy sa lansangan
at natitigmak ng dugo, kaya walang mangahas lumapit sa kanila.
15 “Lumayo kayo, kayong marurumi! Huwag kayong lalapit sa amin!” sabi ng mga tao;
kaya't sila'y naging pugante't palabuy-laboy, ni isang bansa'y walang nais tumanggap sa kanila.
16 Hindi na sila pinahalagahan ni Yahweh, kaya sila'y pinangalat niya.
Hindi na niya kinilala ang mga pari at ang mga pinuno.
17 Nanlabo na ang aming paningin sa paghihintay sa tulong na hindi na dumating;
naghintay kami sa isang bansang wala namang maitulong.
18 Ang kaaway ay laging nakabantay kaya't hindi kami makalabas sa lansangan;
nabibilang na ang aming mga araw, malapit na ang aming wakas.
19 Ang mga humahabol sa amin ay higit na mabilis kaysa mga agila sa himpapawid;
tinugis nila kami sa mga kabundukan, maging sa ilang ay inaabangan.
20 Nabihag nila ang aming tagapagtanggol, ang itinalaga ni Yahweh,
na inaasahan naming mangangalaga sa amin laban sa mga kaaway.
21 Magalak ka't matuwa, bayan ng Edom at Uz;
subalit ang kapahamakang ito'y inyo ring mararanasan, malalagay ka rin sa lubos na kahihiyan.
22 Pinagdusahan na ng Zion ang kanyang mga kasalanan kaya't lalaya na siya mula sa pagkabihag;
ngunit paparusahan ni Yahweh ang Edom dahil sa kanyang kalikuan, at ibubunyag ang kanyang mga kasalanan.
Dalanging Paghingi ng Awa
5 Gunitain mo, Yahweh, ang nangyari sa amin;
masdan mo ang sinapit naming kahihiyan!
2 Ang aming mana ay ibinigay sa mga dayuhan,
at ang aming mga tahanan nama'y ipinagkaloob sa mga taga-ibang bayan.
3 Ang aming mga ama'y pinatay ng mga kaaway;
kaya't aming mga ina, wala nang kaagapay.
4 Kailangang bayaran namin ang tubig na iinumin,
pati ang panggatong ay binibili na rin.
5 Pinagtrabaho kaming parang mga hayop,
hindi man lamang pinagpapahinga.
6 Para lang magkaroon ng sapat na pagkain,
nakipagkasundo kami sa Egipto at Asiria.
7 Nagkasala nga ang aming mga ninuno,
at dahil sa kanila kami ay nagdurusa.
8 Mga alipin ang namamahala sa amin;
walang makapagligtas sa amin mula sa kanilang mga kamay.
9 Sa paghahanap ng pagkain, nanganganib ang aming buhay,
sapagkat naglipana ang aming mga kaaway.
10 Dahil sa matinding gutom, nag-aapoy ang aming katawan,
para kaming nakalagay sa mainit na pugon.
11 Ang aming mga asawa ay ginahasa sa Zion,
ang mga dalaga nama'y pinagsasamantalahan sa mga bayan ng Juda.
12 Ginagapos at ibinibitin ang mga pinuno;
at ang matatanda ay hindi na nirespeto.
13 Ang mga kabataang lalaki'y pinagtatrabahong parang alipin;
nakukuba sa bigat ng pasan nilang kahoy ang mga batang lalaki.
14 Ayaw nang magpulong ang matatanda ng bayan,
ayaw nang tumugtog ng mga kabataan.
15 Naparam ang kagalakan sa aming puso;
ang aming pagsasaya ay naging pagluluksa.
16 Walang natira sa aming ipinagmamalaki;
“tayo'y nagkasala kaya tayo'y nagdurusa!”
17 Nanlupaypay kami,
at nagdilim ang aming paningin,
18 pagkat iniwan ng tao ang Bundok ng Zion,
mga asong-gubat na lang ang naninirahan doon.
19 Ngunit ikaw, O Yahweh, ang hari magpakailanman,
ang iyong luklukan ay walang katapusan.
20 Kay tagal mo kaming pinabayaan.
Kailan mo kami aalalahaning muli?
21 Ibalik mo kami, O Yahweh,
sa dati naming kaugnayan sa iyo!
22 Talaga bang itinakwil mo na kami?
Sukdulan na bang talaga ang galit mo sa amin?
Lumapit Tayo sa Diyos
19 Kaya nga, mga kapatid, tayo'y malaya nang makakapasok sa Dakong Kabanal-banalan dahil sa dugo ni Jesus. 20 Binuksan niya para sa atin ang isang bago at buháy na daang naglalagos hanggang sa kabila ng tabing, at ang tabing na ito'y ang kanyang katawan. 21 Tayo ay may isang Pinakapunong Pari na namamahala sa sambahayan ng Diyos. 22 Kaya't(A) lumapit tayo sa Diyos nang may pusong tapat at may matibay na pananampalataya sa kanya. Lumapit tayong may malinis na budhi sapagkat nilinis na ang ating mga puso at hinugasan na ng dalisay na tubig ang ating mga katawan. 23 Magpakatatag tayo sa ating pag-asa at huwag nang mag-alinlangan pa, sapagkat tapat ang nangako sa atin. 24 Sikapin din nating gisingin ang damdamin ng bawat isa sa pagmamahal sa kapwa at sa paggawa ng mabuti. 25 Huwag nating kaliligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon, gaya ng nakasanayan ng iba. Sa halip, palakasin natin ang loob ng isa't isa, lalo na ngayong nakikita nating malapit na ang Araw ng Panginoon. 26 Matapos nating malaman at tanggapin ang katotohanan at sadyain pa rin nating magkasala, wala nang handog na maiaalay pa para sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan. 27 Ang(B) naghihintay na lamang sa atin ay ang kakila-kilabot na paghuhukom at ang naglalagablab na apoy na tutupok sa mga kaaway ng Diyos! 28 Ang(C) mapatunayang lumabag sa Kautusan ni Moises batay sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi ay walang awang pinapatay. 29 Gaano(D) kabigat, sa akala ninyo, ang parusang nararapat sa taong humamak sa Anak ng Diyos, lumapastangan sa dugong nagpatibay sa tipan at nagpabanal sa kanya, at lumait sa mapagpalang Espiritu? 30 Sapagkat(E) kilala natin ang nagsabi, “Akin ang paghihiganti; ako ang magpaparusa.” At siya rin ang nagsabi, “Hahatulan ng Panginoon ang kanyang bayan.” 31 Kakila-kilabot ang mahulog sa kamay ng Diyos na buháy!
32 Alalahanin ninyo ang mga araw na nagdaan, kung paanong kayo'y nagtiis ng matinding hirap matapos na kayo'y maliwanagan, ngunit hindi kayo nagpadaig. 33 Kung minsan, kayo ang iniinsulto at pinapahirapan sa harap ng madla; kung minsan nama'y kayo ang umaalalay sa mga kasamahan ninyo na pinapahirapan nang gayon. 34 Dinamayan ninyo ang mga nakabilanggo at hindi kayo nalungkot nang kayo'y agawan ng ari-arian, sapagkat alam ninyong higit na mabuti at nananatili ang kayamanang nakalaan sa inyo. 35 Kaya't huwag kayong mawawalan ng pananampalataya sa Diyos, sapagkat dakila ang naghihintay na gantimpala para sa inyo. 36 Kinakailangang kayo'y magtiis upang masunod ninyo ang kalooban ng Diyos at matanggap ninyo ang kanyang ipinangako. 37 Sapagkat,(F)
“Kaunting panahon na lamang,
hindi na magtatagal, at ang darating ay darating na.
38 Ang matuwid kong lingkod ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya,[a]
ngunit kung siya'y tatalikod,
hindi ko siya kalulugdan.”
39 Ngunit hindi tayo kabilang sa mga tumatalikod at napapahamak; kundi sa mga may pananampalataya at naliligtas.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.