Old/New Testament
Pinatay ang Masasamang Pinuno
11 Pagkatapos, dinala ako ng Espiritu sa pintuan ng Templo sa gawing silangan. May dalawampu't limang tao roon, kasama si Jaazanias na anak ni Azur, at si Pelatia na anak ni Benaias; sila'y mga pinuno ng bayan. 2 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, sila ang nagpupunla ng masamang kaisipan sa lunsod na ito. 3 Sinasabi nila sa mga tao na hindi na dapat magtayo muli ng mga bahay sapagkat ang siyudad na ito ang matibay na tanggulan. 4 Kaya, magpahayag ka laban sa kanila.”
5 Nilukuban ako ng Espiritu[a] ni Yahweh at sinabi sa akin, “Sabihin mong ipinapasabi ni Yahweh: Mga Israelita, hindi lingid sa akin ang inyong mga pinagsasabi. Alam ko ang binabalak ninyo. 6 Patuloy ang patayan ninyo sa lunsod na ito at nagkalat ang bangkay sa mga lansangan. 7 Kaya, ito ang sinasabi ko: Ang lunsod ay natulad sa kaldero at ang karne ay ang mga bangkay. Hindi kayo dapat manatili rito. 8 Takot kayo sa tabak kaya ipasasalakay ko kayo sa mga taong bihasa sa paggamit ng tabak. 9 Iaalis ko kayo sa lunsod na ito at ipapabihag sa mga taga-ibang bayan bilang parusa. 10 Mamamatay kayo sa tabak sa may hangganan ng Israel. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh. 11 Kailanma'y hindi ninyo magiging tanggulan ang Jerusalem at hindi kayo magiging ligtas sa loob nito. Paparusahan ko kayo kahit saan kayo magpunta. 12 Ipapakilala ko sa inyo kung sino ako sapagkat hindi kayo lumakad ayon sa aking mga tuntunin at hindi ninyo sinunod ang aking mga utos. Sa halip, namuhay kayo ayon sa tuntunin ng mga bansang nakapaligid sa inyo.”
13 Nang kasalukuyan akong nagpapahayag, patay na bumagsak si Pelatia. Dahil dito'y tumatangis akong nagpatirapa. Itinanong ko, “Panginoong Yahweh, uubusin mo rin ba ang natitira pang Israelita?”
Muling Titipunin ang mga Natirang Israelita
14 Sinabi sa akin ni Yahweh, 15 “Ezekiel, anak ng tao, ang mga kapatid mo at mga dinalang-bihag tulad mo, ang buong sambahayan ni Israel, ay pinagsabihan ng mga nakatira ngayon sa Jerusalem ng, ‘Lumayo kayo kay Yahweh, ang lupaing ito'y ibinigay na sa amin.’ 16 Kaya, ganito ang sabihin mo sa kanila: ‘Pinangalat ko sila sa iba't ibang dako kaya maaari nila akong sambahing pansamantala saanman sila napatapon.’ 17 Sabihin mo na muli ko silang titipunin mula sa mga bansang kinatapunan nila at ibibigay kong muli sa kanila ang lupain. 18 At pagbalik nila roon, aalisin nila ang mga kasuklam-suklam na mga bagay roon. 19 Bibigyan(A) ko sila ng bagong puso at bagong espiritu. Ang masuwayin nilang puso ay papalitan ko ng pusong masunurin 20 upang lumakad sila ayon sa aking mga tuntunin at sumunod sa aking mga utos. Sa gayon, magiging bayan ko sila at ako ang kanilang magiging Diyos. 21 Ngunit pagbabayarin ko ang mga gumawa ng karumal-dumal at kasuklam-suklam na bagay.” Ito ang sabi ng Panginoong Yahweh.
Inalis ng Panginoong Yahweh ang Kanyang Kaluwalhatian sa Jerusalem
22 Pumaitaas(B) ang mga kerubin, kasama ang mga gulong, at ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay nasa itaas nila. 23 Ang kaluwalhatian ni Yahweh ay umalis sa lunsod at nagpunta sa ibabaw ng bundok sa gawing silangan. 24 Inilipad ako ng Espiritu[b] at sa pamamagitan ng pangitain ay dinala ako sa Babilonia, sa lugar ng mga dinalang-bihag. Doon natapos ang pangitain. 25 At sinabi ko sa mga dinalang-bihag ang lahat ng ipinakita sa akin ni Yahweh sa pamamagitan ng pangitain.
Inilarawan ni Ezekiel ang Paglaya ng Israel
12 Sinabi sa akin ni Yahweh, 2 “Ezekiel,(C) anak ng tao, nasa gitna ka ng isang mapaghimagsik na bayan. May mga mata sila ngunit hindi nakakakita; may mga tainga ngunit hindi naman nakakarinig 3 sapagkat sila'y mapaghimagsik. Kaya nga, magbalot ka ng kailangan mo sa paglalakbay bilang isang bihag. Bago dumating ang gabi, maglalakad ka sa lansangan nang nakikita nila at baka sakaling makaunawa sila sa kabila ng pagiging mapaghimagsik na lahi. 4 Samantalang maliwanag pa, maghanda ka ng iyong dala-dalahan nang nakikita nila at kinagabihan ay maglalakad kang parang manlalakbay. 5 Pagkatapos, bumutas ka sa pader at doon ka magdaan. 6 Pasanin mo ang iyong dala-dalahan at lumakad kang nakikita nila. Magtakip ka ng mukha para hindi mo makita ang lupain pag-alis mo pagkat ikaw ang gagawin kong pinakababala sa mga Israelita.”
7 At ginawa ko ang lahat ayon sa utos sa akin. Nang araw na iyon, naghanda ako ng aking madadala bilang isang takas. Kinagabihan, sa pamamagitan lamang ng aking mga kamay, bumutas ako sa pader at nagpatuloy sa paglalakbay na nakikita nila habang pasan ko ang aking mga dala-dalahan.
8 Kinaumagahan, sinabi sa akin ni Yahweh, 9 “Ezekiel, anak ng tao, hindi ba't itinanong sa iyo ng mapaghimagsik na mga Israelitang yaon kung ano ang iyong ginagawa? 10 Sabihin mo sa kanila na ipinapasabi ko: ‘Ang pahayag na ito ay para sa pinuno ng Jerusalem at sa buong Israel. 11 Sabihin mong ang ginawa mo ay pinakababala sa gagawin sa kanila: Itatapon sila, at ipapabihag.’ 12 Pagdilim, papasanin ng pinuno ng Jerusalem ang kanyang dala-dalahan at tatakas sa pamamagitan ng butas sa pader. Magtatakip siya ng kanyang mukha para hindi niya makita ang lupaing iiwan niya. 13 Ngunit(D) susukluban ko siya ng lambat. Huhulihin ko siya at dadalhin sa Babilonia kung saan doon siya mamamatay nang hindi ito nakikita. 14 Ang mga nasasakupan niya ay pangangalatin ko sa lahat ng dako, ang kanyang mga lingkod at buong hukbo. Ang mga ito'y uusigin ko sa pamamagitan ng tabak. 15 At kung mapangalat ko na sila sa iba't ibang lugar, makikilala nilang ako si Yahweh. 16 Ngunit may ilan akong ititira sa kanila para saanman sila mapunta ay maikuwento nila ang kasuklam-suklam nilang gawain. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”
Ang Palatandaan ng Panginginig ng Propeta
17 Sinabi sa akin ni Yahweh, 18 “Ezekiel, anak ng tao, manginig ka sa takot habang kumakain at umiinom. 19 Sabihin mo sa kanila, ‘Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh sa mga Israelita, Kakain kayo at iinom nang nanginginig sa takot. Ang lunsod ay paghaharian ng lagim sapagkat magaganap ang karahasan sa kabi-kabila. 20 Ang mga lunsod ay mawawalan ng tao, at magiging pook ng lagim ang lupain. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.’”
Ang mga Palasak na Kasabihan
21 Sinabi sa akin ni Yahweh, 22 “Ezekiel, anak ng tao, laganap ngayon sa buong Israel ang kasabihang, ‘Humahaba ang mga araw ngunit isa man sa mga hula'y walang katuparang natatanaw.’ 23 Sabihin mo sa kanilang mawawala na ang kasabihang iyan, hindi na ito maririnig sa Israel. Sabihin mo ring malapit nang matupad ang lahat ng inihayag sa kanila. 24 Mula ngayo'y mawawala na ang maling pagpapahayag sa sambayanang Israel. 25 Akong si Yahweh ang magsasabi ng dapat sabihin. Hindi na magtatagal, mga Israelitang mapaghimagsik, at mangyayari sa inyong kapanahunan ang lahat ng aking sasabihin.”
26 Sinabi pa sa akin ni Yahweh, 27 “Ezekiel, anak ng tao, sinasabi ng mga Israelita na ang nakikita mong mga pangitain ay hindi magkakatotoo kung ngayon lamang. Magtatagal pa raw bago mangyari ang inihahayag mo ngayon. 28 Kaya, sabihin mo sa kanilang ipinapasabi ko: ‘Isa man sa mga sinabi ko'y hindi maaantala. Hindi na magtatagal at magaganap ang lahat ng ito.’”
Ang Pahayag Laban sa mga Bulaang Propeta
13 Sinabi sa akin ni Yahweh, 2 “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka laban sa mga propeta ng Israel sapagkat ang ipinapahayag nila sa mga tao ay sarili nilang kaisipan at hindi mula sa akin. Sabihin mo sa kanilang makinig sa mensahe ni Yahweh!”
3 Ito ang ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Kaawa-awa ang kalagayang sasapitin ng mga propetang nagpapahayag ng sariling kaisipan at hindi ang mula sa akin. 4 Bayang Israel, ang iyong mga propeta ay parang mga alamid sa mga pook ng lagim. 5 Hindi nila ginawa ang sirang bahagi ng pader ng sambahayan ni Israel para ito'y manatiling nakatayo sa araw ni Yahweh. 6 Pawang kasinungalingan ang ipinahayag nila. Ang pahayag nila'y, ‘Sinasabi ni Yahweh,’ kahit hindi ko sila sinusugo. Sa kabila noon, inaasam nilang pangyayarihin ko ang kanilang ipinahayag. 7 Huwad ang kanilang pangitain at kasinungalingan ang kanilang pahayag sapagkat sabi nila'y ipinapasabi ko iyon bagama't wala akong sinasabing ganoon.”
8 Kaya't ipinapasabi sa kanila ng Panginoong Yahweh: “Huwad ang inyong pangitain at kasinungalingan ang inyong pahayag. Ako'y laban sa inyo. 9 Paparusahan ko ang mga propetang may huwad na pangitain at nagpapahayag ng kasinungalingan. Hindi sila mapapabilang sa lupong sanggunian ng aking bayan o sa aklat-talaan ng bayan ng Israel. Hindi na kayo makakapasok muli sa lupaing ito. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh. 10 Dinadaya(E) ninyo ang aking bayan. Sinasabi ninyong, ‘Payapa ang lahat’ gayong wala namang kapayapaan. At kapag may nagtatayo ng mahinang pader, tinatapalan ninyo ito ng kalburo. 11 Sabihin mo sa kanila na guguho ang pader na iyon sapagkat bubuhos ang malakas na ulan, babagyo ng yelo at magpapadala ako ng unos. 12 At pagbagsak ng pader na iyon, itatanong sa inyo kung nasaan ang inyong itinapal.”
13 Kaya, ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Dahil sa aking galit, magpapadala ako ng unos. Dahil sa tindi ng aking poot, ibubuhos ko ang malakas na ulan. Dahil sa laki ng aking galit, magpapaulan ako ng yelo upang sirain ang pader na iyon. 14 Ang pader na inyong tinapalan ng kalburo ay iguguho ko hanggang sa pundasyon nito. Pagguho nito, matatabunan kayo. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh. 15 Ang matinding galit ko'y ibubuhos ko sa pader na iyon at sa mga nagtapal niyon. Pagkatapos, sasabihin kong wala na ang pader pati ang mga nagtapal niyon. 16 Ang mga nagtapal ng pader ay ang mga propeta ng Israel na nagsabing maayos ang lahat sa Jerusalem ngunit kabaligtaran ang nangyari.” Ito ang sabi ng Panginoong Yahweh.
Ang Pahayag Laban sa mga Babaing Bulaang Propeta
17 Ang sabi ni Yahweh, “Ngayon, Ezekiel, magpahayag ka laban sa mga kababayan mong babae na nagpahayag ayon sa kanilang sariling isipan. 18 Ganito ang sabihin mo sa kanila: Kahabag-habag ang mga babaing bumibihag sa kalooban ng mga tao sa pamamagitan ng pulseras nila sa kamay at belo sa ulo ayon sa lahi ng tao. Binibihag ba ninyo ang kalooban ng aking bayan para sa inyong kapakinabangan? 19 Ginawan ninyo ako ng malaking kalapastanganan sa harap ng aking bayan sa pamamagitan ng kaunting harina at ng durog na tinapay. Sa pamamagitan ng inyong pagsasabi ng kasinungalingan sa mga mahilig makinig ng kasinungalingan, pinapatay ninyo ang dapat mabuhay at binubuhay ang dapat mamatay.”
20 Kaya nga ipinapasabi ng Panginoong Yahweh, “Nasusuklam ako sa mga pulseras ninyong may salamangka para mabihag ang kalooban ng mga tao. Hahablutin ko iyan sa inyong mga kamay, at palalayaing tulad ng ibon ang isipan ng mga taong nabihag ninyo. 21 Hahaltakin ko rin ang inyong mga belo, at palalayain ko ang aking bayan mula sa inyong kapangyarihan. Hindi na ninyo sila masasakop. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh. 22 Tinakot ninyo ang mga matuwid dahil sa inyong kasinungalingan at pinalakas ninyo ang loob ng masasama para lalong magpatuloy sa kanilang kasamaan. 23 Kaya naman, hindi na ninyo makikita ang huwad ninyong pangitain at hindi na ninyo magagawang magpahayag ng inyong mga kasinungalingan. Ililigtas ko mula sa inyong kapangyarihan ang aking bayan, at malalaman ninyong ako si Yahweh.”
1 Mula(A) kay Santiago, lingkod[a] ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo:
Ipinapaabot ko ang aking pagbati sa lahat ng mga hinirang ng Diyos[b] na nakikipamayan sa iba't ibang bansa.
Pananampalataya at Karunungan
2 Mga(B) kapatid, magalak kayo kapag kayo'y dumaranas ng iba't ibang uri ng pagsubok. 3 Dapat ninyong malaman na nagiging matatag ang inyong pananampalataya sa pamamagitan ng mga pagsubok. 4 At dapat kayong magpakatatag hanggang wakas upang kayo'y maging ganap at walang pagkukulang.
5 Ngunit(C) kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, humingi siya sa Diyos at siya'y bibigyan, sapagkat ang Diyos ay nagbibigay nang sagana at hindi nanunumbat. 6 Subalit ang humihingi ay dapat magtiwala sa Diyos at huwag mag-alinlangan, sapagkat ang nag-aalinlangan ay parang alon sa dagat na itinataboy ng hangin kahit saan. 7 Huwag umasang tatanggap ng anuman mula sa Panginoon ang taong 8 pabagu-bago ang isip at di alam kung ano talaga ang nais niya.
Ang Mahirap at ang Mayaman
9 Dapat magalak ang mahirap na kapatid kapag siya'y itinataas ng Diyos, 10 at(D) gayundin naman ang mayamang kapatid kapag siya'y ibinababâ, sapagkat ang mayaman ay lilipas na gaya ng bulaklak ng damo. 11 Ang damo ay nalalanta sa matinding sikat ng araw, nalalagas ang kanyang mga bulaklak at kumukupas ang kanyang kagandahan. Gayundin naman, ang mayaman ay mamamatay sa gitna ng kanyang mga kaabalahan.
Ang Pagsubok at ang Pagtukso
12 Pinagpala ang taong nananatiling tapat sa kabila ng mga pagsubok; sapagkat matapos niyang malampasan ang pagsubok, tatanggap siya ng gantimpala ng buhay, na ipinangako ng Panginoon[c] sa mga umiibig sa kanya. 13 Huwag(E) sabihin ninuman na tinutukso siya ng Diyos kapag siya'y dumaranas ng pagsubok, sapagkat ang Diyos ay hindi maaaring matukso at hindi rin naman niya tinutukso ang kahit sino. 14 Natutukso ang tao kapag siya'y naaakit at nagpapatangay sa kanyang sariling pagnanasa. 15 At ang pagnanasa kapag naitanim sa puso ay nagbubunga ng kasalanan; at ang kasalanan, sa hustong gulang ay nagbubunga ng kamatayan.
16 Huwag kayong padaya, mga kapatid kong minamahal. 17 Ang lahat ng mabuti at ganap na kaloob ay buhat sa Diyos, mula sa Ama na lumikha ng mga tanglaw sa kalangitan. Hindi siya nagbabago, o nagdudulot ng bahagya mang dilim dahil sa pagbabago. 18 Niloob niyang tayo'y maging anak niya sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang tayo'y maging pangunahin higit kaysa lahat ng kanyang mga nilalang.
Pakikinig at Pagsasagawa
19 Mga(F) kapatid kong minamahal, unawain ninyo ito: maging alisto kayo sa pakikinig, maingat sa pagsasalita at hindi agad nagagalit. 20 Dahil ang galit ng tao ay hindi nakakatulong upang magawa kung ano ang ayon sa kalooban ng Diyos. 21 Kaya't talikuran na ninyo ang inyong maruruming gawa at alisin ang masasamang asal. Mapagpakumbabang tanggapin ninyo ang salitang itinanim sa inyong puso. Ito ay may kakayahang magligtas sa inyo.
22 Mamuhay kayo ayon sa salita ng Diyos. Kung ito'y pinapakinggan lamang ninyo ngunit hindi isinasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili. 23 Sapagkat ang nakikinig ng salita ngunit hindi sumusunod dito ay katulad ng isang taong tumitingin sa salamin, 24 at pagkatapos makita ang sarili ay umaalis at kinakalimutan ang kanyang anyo. 25 Ang taong nagsasaliksik at nagpapatuloy sa pagsunod sa Kautusang ganap na nagpapalaya sa tao ang pagpapalain ng Diyos sa lahat ng kanyang gawain. Siya ang taong gumagawa at hindi siya katulad ng nakikinig lamang at pagkatapos ay nakakalimot.
26 Kung inaakala ninuman na siya'y relihiyoso, ngunit hindi naman siya marunong magpigil ng dila, dinadaya lamang niya ang kanyang sarili. Walang kabuluhan ang kanyang pagiging relihiyoso. 27 Ang relihiyon na dalisay at walang dungis sa harap ng ating Diyos at Ama ay ito: pagtulong sa mga ulila at sa mga biyuda sa kanilang kahirapan, at pag-iingat sa sarili upang huwag mahawa sa kasamaan ng mundong ito.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.