Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Ezekiel 33-34

Ang Tungkulin ng Bantay

33 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ito ang sabihin mo sa iyong mga kababayan: Kapag ipinasasalakay ko ang isang bayan, sila ay kailangang pumili ng isang bantay. Kapag natanawan nito ang sasalakay sa kanila, hihipan niya ang trumpeta bilang babala sa mga tao. Sinumang makarinig sa babala ngunit nagsawalang-bahala at napatay ng mga kaaway, walang pananagutan ang bantay sa kanilang kamatayan. Kasalanan na nila kung mamatay sila sapagkat hindi nila pinansin ang babala; maliligtas sana sila kung sila'y nakinig. Ngunit kung hindi hinipan ng bantay ang trumpeta pagkakita niya sa mga sasalakay at may napatay na kanyang kababayan, ito ay pananagutan niya.

“Ikaw, Ezekiel, ang ginagawa kong bantay ng Israel; anumang marinig mo sa akin ay sabihin mo sa kanila bilang babala. Kapag sinabi ko sa taong masama na siya'y mamamatay at di mo ito ipinaalam sa kanya upang makapagbagong-buhay, mamamatay nga siya sa kanyang kasamaan ngunit pananagutan mo ang kanyang kamatayan. Ngunit kapag binigyan mo ng babala ang masama gayunma'y hindi pa rin ito nagbagong-buhay, mamamatay siyang makasalanan ngunit wala kang dapat panagutan.”

Tungkulin ng Bawat Isa

10 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo sa mga Israelita ang inuulit-ulit nilang sila'y nagumon na sa kasamaan kaya hindi na sila mabubuhay. 11 Sabihin mong ipinapasabi ko na akong si Yahweh, ang buháy na Diyos, ay hindi nasisiyahan na ang sinuma'y mamatay sa kanyang kasamaan; nais kong siya'y magbagong-buhay. Sabihin mo ngang magbagong-buhay sila pagkat di sila dapat mamatay sa kanilang kasamaan. 12 Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo rin sa iyong mga kababayan na ang dating kabutihan ng matuwid ay hindi makakapagligtas sa kanila kung magpakasama sila. Kung ang masama ay magpakabuti, hindi siya paparusahan. Ngunit kung ang mabuti ay magpakasama, paparusahan siya. 13 Sinabi ko nga na ang matuwid ay mabubuhay subalit kung magtitiwala siya sa kanyang kabutihan at nagpakasama, mawawalan ng kabuluhan ang kanyang kabutihan; mamamatay siya sa kasamaang kanyang ginawa. 14 Tungkol sa masama, sinabi kong siya ay mamamatay. Gayunman, kapag tinalikuran niya ang kasamaan at nagbagong-buhay, 15 tumupad sa kanyang pangako, isinauli ang kanyang mga ninakaw, sumunod sa mga tuntunin ng buhay, at hindi na gumawa ng anumang kasamaan, siya ay mabubuhay. 16 Hindi na aalalahanin ang dati niyang kasamaan. At dahil sa kanyang pagpapakabuti, mabubuhay siya.

17 “Ezekiel, sinasabi ng iyong mga kababayan na hindi makatarungan ang ginagawa ko gayong ang pamumuhay nila ang hindi tama. 18 Mamamatay ang matuwid na magpakasama 19 ngunit ang masamang magbagong-buhay at gumawa ng mabuti ay mabubuhay. 20 Gayunma'y sinasabi ninyong hindi matuwid ang aking ginagawa. Mga Israelita, hahatulan ko kayo ayon sa inyong mga gawa.”

Ang Pagbagsak ng Jerusalem

21 Nang(A) ikalimang araw ng ikasampung buwan ng ikalabindalawang taon ng aming pagkabihag, isang pugante mula sa Jerusalem ang nagsabi sa akin, “Wasak na ang Jerusalem.” 22 Umaga nang dumating sa akin ang balita. Noong gabi bago ito dumating, nadama ko ang kamay ni Yahweh. Hinipo niya ang aking bibig at ako'y nakapagsalita.

Ang Kasamaan ng mga Tao

23 Sinabi sa akin ni Yahweh, 24 “Ezekiel, anak ng tao, sinasabi ng mga naninirahan sa wasak na lunsod ng Israel na nag-iisa si Abraham nang ibigay sa kanya ang lupaing ito. Ngayong marami na sila ay kanila na ang lupaing iyon. 25 Sabihin mong ipinapasabi ko: Kumain kayo ng karneng may dugo, sumamba sa mga diyus-diyosan, at pumatay ng tao; sa kabila ba nito'y inaasahan pa ninyong mapapasa-inyo ang lupaing ito? 26 Nanalig kayo sa talim ng tabak, gumawa ng kasuklam-suklam na mga bagay at sinipingan ang asawa ng inyong kapwa; sa kabila ba nito'y inaasahan pa rin ninyong kamtin ang lupain? 27 Sabihin mong ipinapasabi ko na papatayin sa tabak ang lahat ng naninirahan sa wasak na lunsod. Ipalalapa naman sa mga hayop ang nasa kaparangan, at papatayin sa salot ang mga nasa tanggulan at mga taguan. 28 Sisirain ko ang buong lupain, at aalisin ang kapangyarihang ipinagmamalaki nila. Ang matataas na lugar ng Israel ay gagawin kong dakong mapanglaw anupa't ni walang magnanais dumaan doon. 29 Kung mawasak ko na ang buong lupain dahil sa kasuklam-suklam nilang gawain, makikilala nilang ako si Yahweh.”

Ang Bunga ng Pahayag ng Propeta

30 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, nagsasama-sama ang iyong mga kababayan at pinag-uusapan ka sa mga baybay pader at mga pintuan. Sinasabi nila sa isa't isa, ‘Halikayo at tingnan natin kung ano ang ipinapasabi ni Yahweh.’ 31 Sama-sama nga silang pupunta sa iyo upang pakinggan ka ngunit hindi naman nila isasagawa ang kanilang maririnig. Pupurihin nila ang iyong sinasabi ngunit kasakiman din ang maghahari sa kanila. 32 Ituturing ka lamang nilang isang mahusay na mang-aawit at batikang manunugtog. Makikinig sila sa iyo ngunit di naman isasagawa ang kanilang maririnig. 33 Kapag nangyari na ang sinasabi mo sapagkat tiyak namang mangyayari, malalaman nilang may isang propeta ngang nagsabi nito sa kanila.”

Ang Pahayag Laban sa mga Pinuno ng Israel

34 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka laban sa mga pinuno ng Israel. Sabihin mong ipinapasabi ko: Nakatakda na ang parusa sa inyo, mga pinuno ng Israel. Sarili lamang ninyo ang inyong iniintindi at hindi ang mga tupa. Iniinom ninyo ang gatas, nagdaramit kayo ng lana, at nagpapatay ng mga pinatabang hayop, ngunit hindi ninyo pinapakain ang mga tupa. Bakit hindi ninyo pinapalakas ang mahihina, ni ginagamot ang mga maysakit, ni hinihilot ang mga pilay? Bakit hindi ninyo hinahanap ang nawawala, ni ibinabalik ang nalalayo? Sa halip ay ginagamitan ninyo sila ng kamay na bakal. Sila'y(B) nangangalat, at nilalapa ng mababangis na hayop sapagkat ang mga ito'y walang pastol. Ang mga tupa ko'y nagkalat sa mga bundok, burol at sa lahat ng panig ng daigdig, ngunit walang ibig humanap sa kanila.

“Dahil dito, mga pinuno, dinggin ninyo ang aking sinasabi: Ako ang Diyos na buháy. Ang mga tupa ko'y pinipinsala at nilalapa ng mababangis na hayop sapagkat walang nangangalaga sa mga ito. Hindi hinahanap ng mga pastol ang aking mga tupa. Sa halip na alagaan nila ang mga ito, ang sarili nila ang binubusog. Kaya nga makinig kayo, mga pastol. 10 Pakinggan ninyo itong aking sinasabi: Laban ako sa inyo. Pananagutan ninyo ang nangyayari sa aking mga tupa. Hindi ko na kayo gagawing pastol upang hindi na ninyo mabusog ang inyong sarili. Ilalayo ko sa inyo ang aking mga tupa at hindi na ninyo mapapakinabangan ang mga ito.”

Si Yahweh ang Mabuting Pastol

11 Ito ang ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Ako mismo ang maghahanap at mag-aalaga sa aking mga tupa. 12 Kung paanong hinahanap ng pastol ang tupa niyang nawawala, gayon ko hahanapin ang aking tupa. Kukunin ko sila saanman sila itinapon noong panahon ng kanilang kasamaan. 13 Titipunin ko sila mula sa iba't ibang dako upang ibalik sa sarili nilang bayan. Doon ko sila aalagaan sa kaparangan ng Israel, sa tabi ng mga bukal ng tubig at sa magagandang pastulan. 14 Aalagaan ko sila sa sariwang pastulan sa tahimik na kaburulan ng Israel. Mamamahinga sila sa sariwang pastulan at manginginain ng sariwang damo sa kaburulan ng Israel. 15 Ako mismo ang magpapastol sa kanila at hahanap ng kanilang pahingahan. 16 Hahanapin ko ang nawawala, ibabalik ang nalalayo, hihilutin ang napilay, palalakasin ang mahihina, ngunit pupuksain[a] ko ang mga malulusog at malalakas. Ibibigay ko sa kanila ang katarungan.

17 “Sa inyo, aking kawan, ito ang sinasabi ng inyong Diyos na si Yahweh: Ako ang magiging hukom ninyo. Hahatulan ko kayo at ibubukod ang mga tupa sa mga kambing. 18 Hindi na kayo nakuntento sa panginginain; sinisira pa ninyo ang di n'yo maubos. Bakit hindi na lang kayo uminom hanggang ibig ninyo? Bakit binubulabog pa ninyo ang tubig na natitira? 19 Ang kinakain ng aking kawan ay ang tinatapak-tapakan pa ninyo at ang iniinom ay ang binulabog ninyong tubig.”

20 “Dahil dito,” sabi ni Yahweh, “ako mismo ang magbubukod-bukod sa malulusog at mahihinang tupa. 21 Ginigitgit ninyo at sinusuwag ang mga mahihina hanggang sa sila'y mangalat kung saan-saan. 22 Dahil dito, ako ang mangangalaga sa aking kawan at hindi ko papayagang sila'y inyong apihin. Ihihiwalay ko ang mabubuti sa masasama. 23 Itatalaga(C) ko sa kanila ang isang hari, tulad ng lingkod kong si David. Siya ang magiging pastol nila. 24 Akong(D) si Yahweh ang magiging Diyos nila at ang mamamahala sa kanila ay isang haring tulad ng lingkod kong si David. Akong si Yahweh ang maysabi nito.

25 “Gagawa ako ng tipan upang mabuhay sila nang mapayapa. Paaalisin ko sa lupain ang mababangis na hayop upang ang mga tupa ko'y magkaroon ng kapanatagan maging sa kaparangan o sa kagubatan man. 26 Pagpapalain ko sila at ang lupain sa palibot ng burol na itinalaga nila sa akin. At pauulanin ko sa kapanahunan. Sila'y pauulanan ko ng pagpapala. 27 Mamumunga ang mga punongkahoy sa kabukiran. Mag-aani sila nang sagana buhat sa kanilang lupain at sila'y mamumuhay doon nang panatag. At kung mapalaya ko na sila mula sa umaalipin sa kanila, makikilala nilang ako si Yahweh. 28 Hindi na sila lolooban ng ibang bansa ni dadaluhungin ng mababangis na hayop. Mamumuhay na sila nang matiwasay at payapa. 29 Pag-aanihin ko sila nang sagana mula sa kanilang matabang lupain para hindi sila dumanas ng gutom ni kutyain ng ibang bansa. 30 Malalaman ng lahat na ako ang nag-iingat sa Israel na aking bayan. Akong si Yahweh ang nagsabi nito. 31 Kayo ang aking mga tupa sa aking pastulan; ako ang inyong Diyos.”

1 Pedro 5

Pangangalaga at Pagiging Handa

Sa matatandang namumuno sa inyo, nananawagan ako bilang isa ring matandang pinuno ng iglesya na tulad ninyo, bilang saksi sa mga paghihirap ni Cristo at sapagkat makakabahagi ako sa karangalang malapit nang ipahayag. Pangalagaan(A) ninyo ang kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa inyo. Gawin ninyo ito nang maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang. [Iyan ang nais ng Diyos].[a] Gampanan ninyo ang inyong tungkulin, hindi dahil sa kabayaran kundi dahil gusto ninyong makapaglingkod, hindi bilang panginoon ng inyong nasasakupan, kundi maging halimbawa kayo sa kawan. At pagparito ng Pinunong Pastol ay tatanggap kayo ng maluwalhating koronang di kukupas kailanman.

At(B) kayo namang mga kabataan, pasakop kayo sa matatandang pinuno ng iglesya. At kayong lahat ay magpakumbaba sapagkat, “Sinasalungat ng Diyos ang mapagmataas, ngunit pinagpapala niya ang mababang-loob.” Kaya(C) nga, pasakop kayo sa kapangyarihan ng Diyos at dadakilain niya kayo pagdating ng takdang panahon. Ipagkatiwala(D) ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.

Maging handa kayo at magbantay. Ang diyablo, ang kaaway ninyo, ay parang leong umuungal at aali-aligid na naghahanap ng malalapa. Labanan ninyo siya at magpakatatag kayo sa inyong pananampalataya sa Diyos. Tulad ng alam ninyo, hindi lamang kayo ang nagtitiis ng mga kahirapan, kundi gayundin ang inyong mga kapatid sa buong daigdig. 10 Pagkatapos ninyong magtiis sa loob ng maikling panahon, ang Diyos, na siyang pinanggagalingan ng lahat ng pagpapala, ang siyang magbibigay sa inyo ng kagalingan, katatagan, at lakas ng loob at isang pundasyong di matitinag. Siya ang tumawag sa inyo upang makibahagi kayo sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian, kasama ni Cristo. 11 Sa kanya ang kapangyarihan magpakailanman! Amen.

Pangwakas na Tagubilin

12 Sinulatan(E) ko kayo sa tulong ni Silas,[b] na isa nating kapatid at lubos kong pinagkakatiwalaan. Sa pamamagitan ng maikling sulat na ito ay nais kong palakasin ang inyong loob at magpatotoo na ito nga ang kagandahang-loob ng Diyos. Manatili kayo sa pagpapalang ito.

13 Kinukumusta(F) kayo ng mga kapatid na nasa Babilonia, mga pinili ring katulad ninyo; kinukumusta rin kayo ni Marcos, na aking anak sa pananampalataya. 14 Magbatian kayo bilang magkakapatid na nagmamahalan.[c]

Ang kapayapaan ay sumainyong lahat na mga nakipag-isa kay Cristo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.