Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Ezekiel 30-32

Ang Magiging Wakas ng Egipto

30 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka. Sabihin mo sa kanilang ito ang ipinapasabi ko:

Matinding kapighatian sa araw na iyon ang darating,
sapagkat malapit na ang araw, ang araw ni Yahweh.
Magdidilim ang ulap sa araw na iyon, araw ng paghuhukom sa lahat ng bansa.
Sisiklab ang digmaan sa Egipto.
Maghahari sa Etiopia[a] ang matinding dalamhati
kapag namatay na sa Egipto ang maraming tao,
sasamsamin ang kayamanan ng buong bansa
at iiwanan itong wasak.

“Sa digmaang iyon ay mapapatay ang mga upahang kawal ng Etiopia, Libya, Lydia, Arabia, Kub, at ng aking bayan.” Ipinapasabi nga ni Yahweh: “Mapapahamak ang lahat ng tutulong sa Egipto. Ang ipinagmamalaki niyang lakas ay ibabagsak. Mula sa Migdal hanggang Sevene lahat ay kasama niyang pupuksain sa pamamagitan ng tabak. Siya ay magiging pinakamapanglaw sa lahat ng lupain. At ang lunsod niya'y isang pook na wasak na wasak. Kapag ang Egipto ay akin nang tinupok at ang mga kakampi niya ay namatay nang lahat, makikilala nilang ako si Yahweh.

“Sa araw na iyon, ang mga tagapagbalita'y isusugo kong sakay ng mga sasakyang-dagat upang bigyang babala ang Etiopia na wala pa ring kabali-balisa. Sila'y paghaharian ng matinding kapighatian dahil sa pagkawasak na sasapitin ng Egipto; ang araw na iyon ay mabilis na dumarating.” 10 Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: “Ang kasaganaan ng Egipto'y wawakasan ko na sa pamamagitan ng Haring Nebucadnezar. 11 Siya at ang malulupit niyang kawal ang susuguin ko upang wasakin ang Egipto. Tabak nila'y ipamumuksa sa buong lupain. Pagdating ng araw na iyon, makikitang naghambalang ang mga bangkay sa buong lupain. 12 Tutuyuin ko ang Ilog Nilo at ipapasakop ang Egipto sa masasama. Wawasakin ng mga kaaway ang buong bansa. Akong si Yahweh ang maysabi nito.” 13 Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Dudurugin ko ang mga diyus-diyosan nila. Gayon din ang gagawin ko sa mga rebulto sa Memfis. Wala nang tatayo na pinuno sa Egipto. Takot ang paghahariin ko sa buong lupain. 14 Ang dakong timog ng Egipto ay gagawin kong pook na mapanglaw. Susunugin ko ang Zoan sa hilaga at paparusahan ang punong-lunsod ng Tebez. 15 Ang galit ko'y ibubuhos sa bayan ng Pelusium na tanggulan ng Egipto. Sisirain ko ang kayamanan ng Tebez. 16 Tutupukin ko ang Egipto. Mamamahay ang Pelusium sa matinding pighati. Gigibain ang pader ng Tebez at babaha sa lupain. 17 Ang mga binata ng On at Bubastis ay papatayin sa tabak. Ang mga babae naman ay mabibihag. 18 Ang araw ng Tafnes ay magdidilim sa sandaling wakasan ko ang pananakop ng Egipto, at ang kapangyarihan niya'y putulin ko na. Matatakpan siya ng ulap, at mabibihag ang kanyang mamamayan. 19 Ganyan ang parusang igagawad ko sa Egipto. Akong si Yahweh ay makikilala nilang lahat.”

20 Noong ikapitong araw ng unang buwan ng ikalabing isang taon ng pagkakabihag sa amin, sinabi sa akin ni Yahweh, 21 “Ezekiel, anak ng tao, pipilayin ko ang braso ng hari ng Egipto. Hindi ko ito pagagalingin para hindi na makahawak ng tabak. 22 Ito ang sinasabi ko: Ako'y laban sa hari ng Egipto. Babaliin ko pa ang isa niyang kamay para mabitiwan ang kanyang tabak. 23 Ang mga Egipcio'y pangangalatin ko sa iba't ibang bayan, ipapatapon sa lahat ng panig ng daigdig. 24 Palalakasin ko ang pwersa ng hari ng Babilonia at aalisan ko naman ng kapangyarihan ang hari ng Egipto hanggang sa maging sugatan siya at umuungol na malugmok sa harapan ng hari ng Babilonia. 25 Pahihinain ko ang hari ng Egipto ngunit palalakasin ko naman ang hari ng Babilonia. Kapag itinuro niya sa Egipto ang tabak na ibibigay ko sa kanya, malalaman nilang ako si Yahweh. 26 Pangangalatin ko sa lahat ng bansa ang mga Egipcio at ipapatapon sa iba't ibang dako. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”

Itinulad ang Egipto sa Puno ng Sedar

31 Noong unang araw ng ikatlong buwan ng ikalabing isang taon ng aming pagkakabihag, sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo sa hari ng Egipto at sa kanyang mga tauhan:

Ano ba ang nakakatulad mo sa iyong kapangyarihan?
Ang katulad mo ay sedar sa Lebanon.
Mayayabong ang sanga. Malago ang dahon.
Ang taas mo'y walang katulad.
Ang dulo ng iyong sanga ay abot sa ulap.
Sagana ka sa dilig;
may agos pa sa ilalim ng lupang kinatatayuan mo.
Ganoon din sa bawat punongkahoy sa gubat.
Kaya ito ay tumaas nang higit sa lahat.
Ang mga sanga'y mayayabong at mayabong ang dahon
sapagkat sagana nga sa tubig.
At doon ang mga ibo'y gumagawa ng pugad.
Sa lilim nito nagluluwal ng anak ang mga hayop.
At ang mga bansa ay sumisilong sa kanya.
Anong inam pagmasdan ang maganda niyang kaanyuan.
Marami ang sanga. Mayayabong. Malalabay.
Mga ugat nito ay abot sa masaganang bukal ng tubig.
Hindi(A) ito mahihigtan kahit ng sedar sa hardin ng Diyos,
ni maipaparis sa alinmang punongkahoy sa hardin ng Diyos.
Ito'y aking pinaganda. Pinayabong ko ang mga sanga.
Kaya, nananaghili sa kanya ang mga punongkahoy sa hardin ng Diyos, sa Eden.

10 Kaya't sinasabi ng Panginoong Yahweh, kung ano ang mangyayari sa punongkahoy na itong tumaas hanggang sa nakikipaghalikan sa mga ulap. Ngunit habang tumataas, nagiging palalo siya. 11 Kaya naman, ipapasakop ko siya sa isang makapangyarihang bansa upang maranasan niya ang pahirap na marapat sa kanya. 12 Ibubuwal siya ng mararahas na bansa, saka iiwan. Mga sanga nito ay bali-baling babagsak sa mga bundok, kapatagan at tubigan. Mag-aalisan ang mga taong sumisilong sa kanya. 13 Ang mga ibon ay hahapon sa puno nitong nakabuwal, at ang mga hayop na ilap ay lalakad sa mga sanga nitong naghambalang. 14 Mangyayari ito upang kahit na ang punongkahoy na sagana sa dilig ay hindi na makataas hanggang sa ulap. Silang lahat ay pababayaan kong mamatay tulad ng tao. Sa gayon, lahat ay makakaranas ng kamatayan sa walang hanggang kalaliman.”

15 Ipinapasabi nga ito ni Yahweh: “Kapag naihulog na ito sa daigdig ng mga patay, pababayaan ko siyang lumubog sa tubig sa ilalim ng lupa. Pipigilin ko ang agos ng mga tubig para hindi ito umagos sa ibabaw ng lupa. Dahil sa pagkamatay ng kahoy, babalutin ko ng kadiliman ang Bundok Lebanon at malalanta ang mga kahoy doon. 16 Ang mga bansa'y mayayanig sa lakas ng kanyang pagbagsak sa daigdig ng mga patay. Dahil dito, masisiyahan ang mga kahoy sa walang hanggang kalaliman, ang pinakapiling punongkahoy sa Eden at ang mga piling sedar ng Lebanon. 17 Pare-pareho silang dadalhin sa daigdig ng mga patay para doon sila magsama-sama ng mga namatay na. Anupa't ang lahat ng sumilong sa kanya ay mangangalat sa iba't ibang bansa.

18 “Alin sa mga punongkahoy ng Eden ang maitutulad sa karangalan at kapangyarihan nito? Gayunman, ihuhulog siya sa walang hanggang kalaliman, kasama ng mga punongkahoy ng Eden. Isasama siya sa mga napatay sa digmaan. Ang kahoy na ito ay ang Faraon at ang kanyang mga tauhan.”

Itinulad sa Buwaya ang Faraon

32 Noong unang araw ng ikalabindalawang buwan ng ikalabindalawang taon ng pagkakabihag sa amin, sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, managhoy ka para sa hari ng Egipto. Sabihin mo, ikaw ay batambatang leon sa gitna ng maraming bansa. Tulad ka ng buwaya sa mga batis ng Ilog Nilo. Binubulabog mo ang tubig at pinarurumi ng iyong mga paa. Kapag natipon na ang mga bansa, pahahagisan kita ng lambat at ipaaahon sa katihan. Ihahagis ka sa gitna ng parang. Pababayaan kong kainin ka ng mga ibon at hayop. Ang iyong mga laman ay ikakalat sa kabundukan. Ang mga libis ay mapupuno ng iyong bangkay. Ang lupain, kabundukan at mga batis ay matitigmak ng iyong dugo. Sa(B) pagpapaalis ko sa iyo, tatakpan ko ang kalangitan. Tatakpan ko ng makapal na ulap ang mga bituin. Gayon din ang araw; at ang buwan ay hindi na magliliwanag. Ang lahat ng tanglaw sa kalangitan ay pawang matatakpan. Sa lupain nama'y maghahari ang matinding kadiliman.

“Maraming bansa ang magugulo kapag naipamalita kong ikaw ay winasak ng mga bansang hindi mo kilala. 10 Maraming tao ang mamamangha sa nangyari sa iyo; manginginig ang mga hari kapag iwinasiwas ko sa harapan nila ang aking tabak. Ang lahat ay manginginig sa takot kapag nakita nilang ikaw ay aking ibinagsak.” 11 Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh sa hari ng Egipto: “Lulusubin ka ng hari ng Babilonia. 12 Ang mga mamamayan mo ay ipapapatay ko sa mga kawal ng malulupit na bansa. Lilipulin nila ang iyong mamamayan at sisirain ang mga bagay na ipinagmamalaki mo. 13 Papatayin ko ang lahat ng hayop mo sa baybay tubig upang wala nang bumulabog dito. 14 Sa gayon ay lilinaw ang mga tubig nito at aagos na ito nang payapa. 15 Kapag ikaw ay ganap ko nang nawasak at napatay ko na ang lahat ng iyong mamamayan, makikilala mong ako si Yahweh. 16 Ang babalang ito ay magiging awit ng panaghoy. Aawitin ito ng kababaihan para sa buong Egipto. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.”

Ang Daigdig ng mga Patay

17 Noong ika-15 araw ng unang buwan ng ika-12 taon ng pagkabihag sa amin, sinabi sa akin ni Yahweh, 18 “Ezekiel, anak ng tao, tangisan mo ang mga mamamayan ng Egipto, kasama ng mga bansang makapangyarihan. Ihagis mo sila sa walang hanggang kalaliman upang masama sa mga naroon na. 19 Sabihin mo sa kanila,

“Hindi kayo nakahihigit sa iba.
Ihuhulog din kayo sa walang hanggang kalaliman,
    kasama ng mga makasalanan.

20 “Mamamatay ang mga Egipcio, tulad ng mga namatay sa digmaan. Handa na ang tabak na papatay sa kanila. 21 Sila ay buong galak na tatanggapin sa daigdig ng mga patay ng mga bayaning Egipcio at lahat ng nakipaglaban sa panig ng Egipto. Sasabihin nila, ‘Narito na ang mga makasalanang kawal na napatay sa labanan; mamamahinga na ring tulad natin.’

22 “Naroon ang Asiria, napapaligiran ng mga libingan ng kanyang mga tauhan na pawang namatay sa digmaan. 23 Ang puntod niya'y naroon sa kaloob-looban ng walang hanggang kalaliman, napapaligiran ng kanyang mga kawal na napatay sa labanan. Naghasik sila ng takot sa daigdig noong sila'y nabubuhay pa.

24 “Naroon ang Elam na napapaligiran ng kanyang mga kasamahan na pawang namatay sa digmaan. Dati'y kinatatakutan sila sa daigdig ngunit ngayon sila'y nasa kahiya-hiyang kalagayan sa walang hanggang kalaliman, kasama ng mga nauna na roon. 25 Siya'y kasama ng mga hindi tuli na napatay sa digmaan, napapaligiran ng puntod ng kanyang mga tauhan. Naghasik sila ng takot sa ibabaw ng daigdig at ngayo'y inilagay sila sa kahiya-hiyang kalagayan sa walang hanggang kalaliman kasama ng iba pang napatay sa digmaan.

26 “Naroon ang Meshec at Tubal na napapaligiran ng kanilang mga tauhang hindi tuli na pawang napatay sa digmaan, sapagkat nagpunla sila ng takot sa ibabaw ng daigdig. 27 Hindi sila pinarangalan tulad ng mga bayaning nauna sa kanila sa daigdig ng mga patay. Ang mga bayaning iyon ay inilibing na suot ang kanilang kagayakang pandigma at nasa ulunan ang tabak. Sila ay kinatakutan noong nabubuhay. 28 Gayon mamamatay ang mga Egipcio, kasama ng mga hindi tuli na napatay sa digmaan.

29 “Naroon ang Edom, ang mga hari nito at mga pinuno. Sa kabila ng kanilang tinaglay na kapangyarihan, naroon sila ngayon sa walang hanggang kalaliman, kasama ng mga hindi tuli na napatay sa digmaan.

30 “Naroon ang mga pinunong taga-hilaga at lahat ng taga-Sidon. Inilagay rin sila sa kahihiyan dahil sa takot na inihasik nila bunga ng kanilang kapangyarihan. Kasama sila sa walang hanggang kalaliman ng mga hindi tuli na napatay sa digmaan.

31 “Kapag nakita sila ng Faraon, makadarama siya ng kasiyahan, pagkat siya man at ang kanyang buong hukbo ay pinatay sa pamamagitan ng tabak. 32 Hinayaan ko ang hari ng Egipto na magpunla ng sindak sa mga buháy. Ngunit mamamatay din siya at ang lahat niyang kawal at masasama sa mga hindi tuli na napatay sa digmaan. Ang Panginoong Yahweh ang nagsabi nito.”

1 Pedro 4

Ang Panibagong Buhay

Yamang si Cristo'y nagtiis ng hirap noong siya'y nasa buhay na ito, kayo man ay dapat maging handang magtiis, sapagkat ang nagtiis na ng hirap sa buhay na ito ay tumalikod na sa kasalanan. Kaya nga mula ngayon ay mamuhay na tayong sumusunod sa kalooban ng Diyos, at hindi sa pagnanasa ng laman. Sapat na ang panahong inaksaya ninyo sa paggawa ng mga bagay na kinahuhumalingan ng mga Hentil: kahalayan, mga pagnanasa ng laman, paglalasing, walang habas na pagsasaya, pag-iinuman, at kasuklam-suklam na pagsamba sa mga diyus-diyosan. Nagtataka nga sila kung bakit hindi na kayo sumasama ngayon sa kanilang magulong pamumuhay kaya kayo'y kinukutya nila, ngunit mananagot sila sa Diyos na handang humatol sa mga buháy at sa mga patay. Ipinangaral din ang Magandang Balita sa mga patay upang bagama't sila'y nahusgahan ayon sa laman gaya ng lahat ng nasa laman, mabubuhay sila sa espiritu sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.

Ang Mabuting Pangangasiwa sa mga Kaloob ng Diyos

Malapit na ang wakas ng lahat ng bagay, kaya't maging mapagtimpi kayo at panatilihing malinaw ang inyong pag-iisip upang kayo'y makapanalangin. Higit(A) sa lahat, magmahalan kayo nang tapat, sapagkat ang pagmamahal ay pumapawi ng maraming kasalanan. Buksan ninyo para sa isa't isa ang inyong mga tahanan at gawin ninyo ito nang hindi mabigat sa loob. 10 Bilang mabubuting katiwala ng iba't ibang kaloob ng Diyos, gamitin ninyo sa kapakinabangan ng lahat ang kakayahang tinanggap ng bawat isa sa inyo. 11 Ang nangangaral ay dapat salita ng Diyos ang ipangaral. Ang naglilingkod ay dapat maglingkod gamit ang lakas na kaloob sa iyo ng Diyos upang sa lahat ng bagay siya'y papurihan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Sa kanya ang kapangyarihan at karangalan magpakailanman! Amen.

Ang Pagtitiis ng Cristiano

12 Mga minamahal, huwag na kayong magtaka sa mabibigat na pagsubok na inyong dinaranas na para bang ito'y di pangkaraniwan. 13 Sa halip, magalak kayo sa inyong pakikibahagi sa mga paghihirap ni Cristo upang maging lubos ang inyong kagalakan kapag nahayag na ang kanyang kaluwalhatian. 14 Pinagpala kayo kung kayo'y kinukutya dahil kay Cristo, sapagkat sumasainyo ang Espiritu ng kaluwalhatian, ang Espiritu ng Diyos. 15 Huwag nawang mangyaring magdusa ang sinuman sa inyo dahil siya'y mamamatay-tao, magnanakaw, salarin o pakialamero. 16 Ngunit kung kayo'y magdusa dahil sa pagiging Cristiano, huwag ninyong ikahiya ito; sa halip, magpasalamat kayo sa Diyos sapagkat taglay ninyo ang pangalan ni Cristo.

17 Dumating na ang panahon ng paghuhukom, at ito'y magsisimula sa sambahayan ng Diyos. At kung sa atin ito magsisimula, ano kaya ang magiging wakas ng mga hindi sumusunod sa Magandang Balita ng Diyos? 18 Tulad(B) ng sinasabi ng kasulatan,

“Kung ang taong matuwid ay napakahirap maligtas,
    ano kaya ang kahihinatnan ng mga makasalanan at hindi kumikilala sa Diyos?”

19 Kaya nga, ang mga nagdurusa ayon sa kalooban ng Diyos ay dapat magtiwala sa Lumikha, at magpatuloy sa paggawa ng mabuti. Ang Diyos ay laging tapat sa kanyang pangako.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.