Old/New Testament
Ang Pangitain tungkol sa Templo
40 Noong ika-10 araw ng bagong taon at ika-25 taon ng aming pagkabihag, labing-apat na taon pagkatapos masakop ang lunsod ng Jerusalem, nilukuban ako ng kapangyarihan ni Yahweh. 2 Sa(A) isang pangitain, dinala niya ako sa tuktok ng isang napakataas na bundok sa Israel. Sa tapat ko, may nakita akong tila isang lunsod. 3 Inilapit(B) niya ako roon at may nakita akong isang tao sa may pagpasok ng lunsod. Siya'y tila tanso, may hawak na pising lino, at panukat. 4 Sinabi niya sa akin, “Ezekiel, anak ng tao, talasan mo ang iyong mata at tainga. Tandaan mong mabuti ang lahat ng ipapakita ko sa iyo sapagkat ito ang dahilan ng pagkadala sa iyo rito. Pagkatapos, sabihin mo naman ito sa mga Israelita.”
Ang Tarangkahan sa Gawing Silangan
5 Ang(C) nakita ko ay templo na napapaligiran ng pader. Kinuha noong tao ang kanyang panukat na tatlong metro ang haba at sinukat ang pader sa paligid ng templo: Tatlong metro ang kapal nito, gayon din ang taas. 6 Pagkatapos, pumunta siya sa tarangkahan sa gawing silangan. Pumanhik siya sa mga baytang nito at sinukat ang pintuan; ang taas nito ay tatlong metro rin. 7 Sa kabila nito ay may daanan at may tigatlong silid sa magkabila. Ang mga silid na ito ay parisukat; tatlong metro ang haba, gayon din ang luwang at ang pader sa pagitan ay dalawa't kalahating metro. Sa kabila ng mga silid na ito ay may daanan patungo sa malaking bulwagan sa harap ng templo. Ang haba nito ay tatlong metro. 8-9 Sinukat niya ang bulwagan. Ang lalim nito ay apat na metro. Ito ang pinakadulo ng daanan sa pintuang malapit sa templo. Ang kapal ng dulo ng pader nito ay isang metro. 10 Pare-pareho ang sukat ng mga silid na ito, at magkakasingkapal ang mga pader sa pagitan. 11 Sinukat din niya ang pasukan papuntang tarangkahan. Ang kabuuang luwang nito'y anim at kalahating metro at limang metro naman ang tarangkahan. 12 Sa harap ng mga silid ng bantay-pinto ay may pader na kalahating metro ang taas, gayon din ang kapal. Ang mga silid ay kuwadrado: tatlong metro ang haba, gayon din ang luwang. 13 Pagkatapos, sinukat niya mula sa gilid ng unang silid hanggang sa huling silid. Ito'y may labindalawa't kalahating metro. 14 Sinukat din niya ang bulwagan sa pasukan at ito'y may sampung metro. 15 Ang kabuuang haba ng daanan mula sa tarangkahan hanggang sa huling silid ay dalawampu't limang metro. 16 Ang mga silid ay may bintana upang makita ang labas at mayroon din sa mga pader sa pagitan ng mga silid. Sa mga pader naman sa loob ng silid ay may dibuhong puno ng palmera.
Ang Patyo sa Labas
17 Dinala niya ako sa patyo sa labas. Doon ay may tatlumpung silid na nakadikit sa pader. Sa harap ng mga silid na ito ay may bahaging nalalatagan ng bato 18 na abot sa gusali sa pasukan. Ito ay mababa kaysa patyo sa loob. 19 May mas mataas na daanan patungo sa patyo sa loob. Sinukat noong tao ang pagitan ng dalawang daanan at umabot ng limampung metro.
Ang Tarangkahan sa Gawing Hilaga
20 Pagkaraan, sinukat niya ang daanan sa gawing hilaga na papunta rin sa patyo sa labas. 21 Ang tigatlong silid ng mga bantay-pinto, ang mga pader sa pagitan at ang bulwagan ay kasinlaki rin ng nasa tarangkahan sa gawing silangan. Ang haba ng daanan ay dalawampu't limang metro at labindalawa't kalahating metro ang luwang. 22 Ang bulwagan, mga bintana, at dibuhong puno ng palma ay katulad nga ng nasa tarangkahan sa gawing silangan. Pito ang baytang nito at nasa dulo ang bulwagan paharap sa patyo. 23 Sa tapat ng tarangkahang ito ay may tarangkahan ding papasok sa patyo sa loob, tulad ng sa gawing silangan. Sinukat niya ang pagitan ng tarangkahan sa hilaga at ng tarangkahan sa timog at ito'y umabot ng limampung metro.
Ang Tarangkahan sa Gawing Timog
24 Dinala niya ako sa gawing timog at doo'y mayroon ding tarangkahan. Sinukat niya ito. Ito'y kasukat din ng ibang tarangkahan. 25 May mga bintana rin ito sa paligid tulad ng ibang tarangkahan. Ang haba ng daanan nito ay dalawampu't limang metro at labindalawa't kalahating metro naman ang luwang. 26 Pito rin ang baytang nito at nasa dulo ang bulwagan paharap sa patyo. May tig-isang dibuho ng puno ng palmera ang pader ng pasilyo. 27 Mayroon din itong daanan papunta sa patyo sa loob. Ang haba nito ay limampung metro.
Ang Patyo sa Loob: Ang Tarangkahan sa Timog
28 Ako'y ipinasok niya sa patyo sa loob. Sa tarangkahan sa gawing timog kami nagdaan. Sinukat niya ito at kasukat din ng iba. 29-30 Ang bulwagan, mga silid nito, at pader sa pagitan ay tulad din ng sa ibang tarangkahan. May mga bintana rin ito. Ang haba ng pasilyo ay dalawampu't limang metro at labindalawa't kalahating metro naman ang luwang. 31 Ang bulwagan nga nito ay paharap sa panlabas na patyo, may dibuho ring puno ng palmera ang pader ng daanan at walo ang baytang patungo sa tarangkahang ito.
Ang Patyo sa Loob: Ang Tarangkahan sa Silangan
32 Itinuloy niya ako sa loob ng patyo sa gawing silangan. Sinukat niya ang tarangkahan nito. Ito ay kasukat din ng iba, 33 gayon din ang bulwagan, mga silid ng bantay-pinto, at ang pader sa pagitan. Naliligid ito ng mga bintana. Ang haba ng daanan ay dalawampu't limang metro at labindalawa't kalahating metro naman ang lapad. 34 Paharap sa patyo sa labas ang bulwagan, may dibuho ring puno ng palmera ang pader at walong baytang ang hagdan.
Ang Patyo sa Loob: Ang Tarangkahan sa Hilaga
35 Pagkatapos, dinala niya ako sa may tarangkahan sa gawing hilaga at ito'y kanyang sinukat. Kasukat din ito ng iba, 36 gayon din ang bulwagan, mga silid at ang pader sa pagitan. Ang haba ng bulwagan ay dalawampu't limang metro at labindalawa't kalahating metro naman ang lapad. Ito ay may mga bintana rin sa paligid. 37 Paharap sa patyo sa labas ang bulwagan nito, may dibuho ring puno ng palmera ang pader na pasilyo at walo ang baytang ng hagdan.
Ang mga Gusali sa Tabi ng Tarangkahan sa Hilaga
38 Ang patyo sa labas ay may isang kuwarto; nakadikit ito sa tarangkahan sa loob sa gawing hilaga at abot sa bulwagang nakaharap sa patyo. Doon nila nililinis ang mga hayop na pinatay upang sunugin sa altar bilang handog. 39 Sa magkabilang panig ng bulwagan ay may apat na mesa. Dito naman nila pinapatay ang mga hayop na ihahandog, kahit na susunugin, handog para sa kapatawaran ng kasalanan, o handog na pambayad sa kasalanan. 40 May apat na mesa rin sa labas, tigalawa sa magkabila ng tarangkahan sa gawing hilaga. 41 Tig-apat ang mesa sa loob at labas ng bulwagan. Sa mga mesang ito pinapatay ang lahat ng hayop na panghandog. 42 Yari sa tinapyas na bato ang apat na mesang patungan ng hayop na susunugin bilang handog. Ang taas nito ay kalahating metro, 0.7 metro ang lapad at ang haba. Dito inilalagay ang mga kasangkapang pangkatay sa mga handog. 43 Sa paligid ng mga mesa ay may pinakapasamanong singlapad ng isang palad. Sa mesa ipinapatong ang karneng panghandog.
44 Dinala ako sa patyo sa loob. Doon ay may dalawang tanging silid: ang isa'y nakaharap sa timog at ang isa nama'y nakaharap sa hilaga. 45 Sinabi sa akin noong lalaki, “Ang silid na nakaharap sa timog ay ukol sa mga paring nangangasiwa sa templo, 46 at ang nakaharap sa hilaga ay para naman sa mga paring nangangasiwa sa altar. Sila'y mga anak ni Zadok, ang sambahayan mula sa lipi ni Levi na siya lamang maaaring maglingkod sa harapan ni Yahweh.” 47 Sinukat ng lalaki ang patyo sa loob. Ito'y parisukat na limampung metro. Nasa gawing kanluran ang templo at nasa harap nito ang altar.
Ang Patyo sa Loob at ang Templo
48 Isinama niya ako sa bulwagang papasok ng templo. Sinukat niya ang pasukan nito: dalawa't kalahating metro ang lalim at pitong metro naman ang luwang. Ang kapal ng pader ay isa't kalahating metro. 49 Ang haba ng bulwagan ay sampung metro at anim na metro ang lalim. Ito ay may dalawa pang pinakatukod sa magkabila, bukod sa dalawang malalaking poste.
41 Pagkatapos, ipinasok ako ng lalaking iyon sa Dakong Kabanal-banalan. Sinukat niya ang daanan nito: tatlong metro ang taas, 2 limang metro ang luwang at dalawa't kalahating metro naman ang kapal ng pader. Sinukat niya ang bulwagan. Ang haba nito ay dalawampung metro at sampung metro ang luwang. 3 Pumasok siya sa huling silid. Sinukat niya ang daanan nito. Ang taas nito ay isang metro, tatlong metro ang luwang at ang kapal ng pader ay tatlo't kalahating metro. 4 Sinukat niya ang bulwagan. Ang luwang nito ay sampung metro, gayon din ang haba. Sinabi niya sa akin, “Ito ang Dakong Kabanal-banalan.”
Ang mga Silid na Nakadikit sa Pader
5 At sinukat din niya ang panloob na pader ng templo. Ang kapal nito ay tatlong metro. Sa pader na ito na nakapaligid sa templo ay may sunud-sunod na mga silid na tig-dadalawang metro ang luwang. 6 Tatlong palapag ang mga silid, bawat palapag ay may tatlumpung silid. Ang pader ng palapag sa itaas ay manipis kaysa nasa ibaba pagkat sa gilid ng pader nakasalalay ang bawat palapag. 7 Sa labas ng mga silid na ito ay may malapad na hagdanang nakadikit sa pader at siyang daanan papunta sa mga palapag. Kung tingnan sa labas ay waring pareho ang kapal ng pader mula sa ibaba hanggang sa itaas. Ngunit sa loob, ang itaas na palapag ay maluwang kaysa sumusunod na palapag. 8 Nakita kong may balkonaheng dalawa't kalahating metro sa paligid ng templo. Tatlong metro ang taas nito mula sa lupa at kapantay ng pundasyon ng mga silid sa gilid. 9-10 Ang kapal ng pader ng mga silid na ito ay dalawa't kalahating metro. Sa paligid ng templo ay may bahaging bukás sa pagitan ng balkonahe at ng silid ng mga pari. Ang bakanteng lugar ay may sukat na sampung metro. 11 May isang pinto papunta sa lugar ng mga silid sa gawing hilaga at isa sa timog; ito'y palaging bukás. Ang luwang ng asutea sa palibot ng templo ay dalawa't kalahating metro.
Ang Gusali sa Gawing Kanluran
12 Sa dulo sa gawing kanluran ay may isang gusali na apatnapu't limang metro ang haba at tatlumpu't limang metro naman ang luwang; dalawa't kalahating metro ang kapal ng pader nito.
Ang Kabuuang Sukat ng Templo
13 Sinukat ng lalaki ang labas ng templo. Ang haba nito ay limampung metro. Mula sa likod ng templo hanggang sa gusali sa kanluran ay limampung metro rin. 14 Ang pagitan mula sa harap ng templo, pati ng patyo ay limampung metro rin.
15 Sinukat din niya ang haba ng gusali. Ito'y limampung metro pati ang mga silid sa magkabila.
Ang Templo
Ang mga silid na pasukan sa templo, ang Dakong Banal at ang Dakong Kabanal-banalan, at ang bulwagan sa gawing labas ay 16 nababalot ng tabla, mula sa sahig hanggang bintana. 17-18 Ang loob naman ng templo ay balot ng tablang kasintaas ng pinto at may ukit na larawan ng palmera at kerubin; salitan ang larawan ng palmera at kerubin. Bawat kerubin ay may dalawang mukha: 19 isa ay mukha ng tao, mukha naman ng leon ang isa. Ang mga ito'y magkatalikod at parehong nakatingin sa puno ng palmera. Ganito ang larawang nakaukit sa lahat ng dingding ng templo. 20 Kasintaas ng pinto ang mga tablang may nakaukit na larawan ng kerubin at puno ng palmera.
Ang Altar na Kahoy
21 Ang mga hamba ng pinto ng Dakong Banal ay parisukat. Sa harap ng Dakong Kabanal-banalan ay may parang 22 altar na kahoy. Ang taas nito'y isa't kalahating metro, isang metro naman ang luwang. Kahoy ang mga paa nito, gayon din ang patungan at ang dingding. Sinabi sa akin ng lalaki, “Iyan ang mesa sa harapan ni Yahweh.”
Ang mga Pinto
23 Sa magkabilang dulo ng daanan papunta sa Dakong Banal ay may pinto, gayon din ang papunta sa Dakong Kabanal-banalan. 24 Ang mga pinto ay tigalawang paypay; bawat paypay ay may tigalawang bisagra. 25 Ang pinto papunta sa Dakong Banal ay may nakaukit ding larawan ng kerubin at puno ng palmera, tulad ng nasa dingding. May kahoy na panakip sa labas ng bulwagang-pasukan. 26 Sa bawat panig ng Dakong Banal ay may mga bintana at ang mga dingding ay natatakpan ng tablang may inukit na puno ng palmera.
Ang Pangakong Pagdating ng Panginoon
3 Mga minamahal, ito ang ikalawang sulat ko sa inyo. Sa dalawang sulat na ito ay sinikap kong gisingin ang malinis ninyong isipan sa pamamagitan ng pagpapaalala ng ilang mga bagay. 2 Alalahanin ninyo ang mga sinabi noon ng mga banal na propeta at ang utos na ibinigay sa inyo ng Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga apostol na isinugo sa inyo. 3 Una(A) sa lahat, dapat ninyong malaman na sa mga huling araw ay pagtatawanan kayo ng mga taong namumuhay ayon sa sarili nilang pagnanasa. 4 Sasabihin nila, “Nangako siyang darating, hindi ba? Nasaan na siya? Namatay na ang ating mga ninuno ngunit wala pa ring pagbabago buhat nang likhain ang mundong ito.” 5 Sinasadya nilang hindi pahalagahan ang katotohanang ang langit at lupa ay nilikha ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang salita. Nilikha ang lupa buhat sa tubig at sa pamamagitan ng tubig. 6 Sa(B) pamamagitan din ng tubig—ng Malaking Baha—ginunaw ang daigdig nang panahong iyon. 7 Sa pamamagitan din ng salitang iyon ay nananatili ang mga langit at ang lupa upang tupukin sa apoy pagdating ng Araw ng Paghuhukom at pagpaparusa sa masasama.
8 Mga(C) minamahal, huwag ninyong kalilimutan na sa Panginoon, ang isang araw ay tulad ng sanlibong taon, at ang sanlibong taon ay tulad ng isang araw lamang. 9 Ang Panginoon ay hindi nagpapabaya sa kanyang pangako gaya ng inaakala ng ilan. Sa halip, nagbibigay siya ng pagkakataon sa lahat sapagkat hindi niya nais na may mapahamak, kundi ang lahat ay makapagsisi at tumalikod sa kasalanan.
10 Ngunit(D) ang Araw ng Panginoon ay darating tulad ng isang magnanakaw. Sa araw na iyon, ang kalangitan ay biglang mawawala kasabay ng isang malakas na ugong. Matutupok ang araw, buwan at mga bituin. Ang mundo at ang lahat ng mga bagay na naririto ay mawawala.[a] 11 At dahil ganito ang magiging wakas ng lahat ng bagay, mamuhay kayo nang may kabanalan at sikapin ninyong maging maka-Diyos 12 habang hinihintay ninyo ang Araw ng Diyos. Magsikap kayong mabuti upang dumating agad ang araw na ang kalangitan ay matutupok at ang mga bagay na naroroon ay matutunaw sa matinding init. 13 Subalit ayon sa pangako ng Diyos, naghihintay(E) tayo ng bagong langit at ng bagong lupa na paghaharian ng katuwiran.
14 Kaya nga, mga minamahal, habang naghihintay kayo, sikapin ninyong kayo'y madatnang namumuhay nang mapayapa, walang dungis at walang kapintasan. 15 Isipin ninyong kaya nagtitimpi ang Panginoon ay upang bigyan kayo ng pagkakataong maligtas. Iyan ang isinulat sa inyo ng kapatid nating si Pablo, taglay ang karunungang kaloob sa kanya ng Diyos. 16 Sa lahat ng sulat niya tungkol sa paksang ito, ganito ang lagi niyang paalala. May ilang bahagi sa kanyang mga sulat ay mahirap unawain, at binibigyan ng maling kahulugan ng mga mangmang at maguguló ang pag-iisip. Ganyan din ang kanilang ginagawa sa ibang mga Kasulatan, kaya nga't ipinapahamak nila ang kanilang sarili.
17 Ngayong ito'y alam na ninyo, mga kapatid, dapat kayong mag-ingat upang huwag kayong mailigaw ng mga taong walang sinusunod na batas. Sa gayon, hindi kayo matitinag sa inyong mabuting kalagayan. 18 Sa halip, patuloy kayong lumago sa kagandahang-loob ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, at sa pagkakilala sa kanya. Sa kanya ang kaluwalhatian, ngayon at magpakailanman! Amen.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.