Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Daniel 5-7

Ang mga Sulat sa Pader

Minsan, si Haring Belsazar ay nagdaos ng malaking handaan para sa sanlibo niyang tagapamahala, at nakipag-inuman siya sa kanila. Nang lasing na si Haring Belsazar, ipinakuha niya ang mga sisidlang ginto at pilak na sinamsam ng ama niyang si Nebucadnezar sa Templo sa Jerusalem. Ipinakuha niya ang mga ito upang inuman niya at ng mga tagapamahala ng kaharian, ng kanyang mga asawa at mga asawang lingkod. Dinala naman sa bulwagang pinagdarausan ng handaan ang mga kagamitang ginto at pilak na sinamsam mula sa Templo ng Diyos sa Jerusalem, at ininuman nila ang mga ito. Habang sila'y nag-iinuman, pinupuri nila ang kanilang mga diyos na yari sa ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy at bato.

Walang anu-ano'y lumitaw ang isang kamay ng tao at sumulat ito sa pader ng palasyo sa tapat ng lalagyan ng ilawan. Nakita ito ng hari, namutla siya, nangatog ang mga tuhod at nalugmok sa matinding takot. Sumigaw siya, “Dalhin dito ang mga enkantador, mga astrologo, at mga manghuhula.” Sinabi niya sa mga ito, “Sinumang makabasa at makapagpaliwanag sa nakasulat na ito ay bibihisan ko ng damit na kulay ube, kukuwintasan ko ng ginto, at gagawin kong ikatlo sa kapangyarihan sa buong kaharian.” Dumating lahat ang mga tagapayo ng hari ngunit isa ma'y walang makabasa o makapagpaliwanag sa kahulugan ng nakasulat sa pader. Lalong nabagabag at namutla ang hari. Litung-lito naman ang kanyang mga tagapamahala.

10 Ang inang reyna ni Haring Belsazar ay pumasok sa bulwagan nang marinig niya ang pag-uusap ng anak niyang hari at ng mga tagapamahala nito. Sinabi niya, “Mabuhay ang anak kong hari. Huwag kang mabagabag at mamutla sa takot. 11 Sa kaharian mo ay may isang taong kinakasihan ng espiritu ng mga banal na diyos. Noong panahon ng iyong amang si Nebucadnezar, nagpakita siya ng pambihirang katalinuhan, tulad ng katalinuhan ng mga diyos. Ang lalaking iyon ay hinirang noon ng iyong ama bilang pinuno ng mga salamangkero, mga enkantador, mga nakikipag-usap sa mga espiritu, at mga astrologo 12 dahil sa pambihira niyang talino sa pagpapaliwanag ng mga panaginip at ng mga palaisipan, at paglutas ng mabibigat na suliranin. Ang lalaking iyon ay si Daniel na tinawag ng hari na Beltesazar. Ipatawag mo siya at ipapaliwanag niya ito sa iyo.”

Ipinaliwanag ni Daniel ang Nakasulat sa Pader

13 Iniharap nga si Daniel sa hari. Sinabi nito kay Daniel, “Ikaw pala ang Daniel na kasama sa mga dinalang-bihag ng aking amang hari. 14 Nabalitaan kong sumasaiyo ang espiritu ng mga banal na diyos. Mayroon ka raw pambihirang talino at karunungan. 15 Ang sulat na ito ay ipinabasa ko na sa mga tagapayo at mga enkantador upang ipaliwanag sa akin, ngunit hindi nila ito nagawa. 16 Nabalitaan ko na marunong kang magpaliwanag ng mga panaginip at lumutas ng mga palaisipan. Ngayon, kung mababasa mo at maipapaliwanag ang sulat na ito, bibihisan kita ng damit na kulay ube, kukuwintasan kita ng ginto at gagawing ikatlo sa kapangyarihan sa aking kaharian.”

17 Sinabi ni Daniel sa hari, “Mahal na hari, huwag na po ninyo akong bigyan ng anuman; ibigay na lang po ninyo sa iba ang sinasabi ninyong gantimpala. Babasahin ko na lamang po at ipapaliwanag ang nakasulat.

18 “Mahal na hari, ang inyong amang si Nebucadnezar ay binigyan ng Kataas-taasang Diyos ng isang kaharian. Niloob ng Diyos na siya'y maging makapangyarihan at binigyan siya ng karangalan. 19 Dahil sa kapangyarihang iyon, lahat ng tao sa bawat bansa at wika ay nanginig at natakot sa harapan niya. Ipinapapatay niya ang gusto niyang ipapatay at inililigtas niya sa kamatayan ang nais niyang iligtas. Itinataas niya sa tungkulin ang gusto niyang itaas at ibinababâ naman ang gusto niyang ibaba. 20 Ngunit nang siya'y naging palalo, matigas ang ulo at pangahas, inalis siya sa pagiging hari at nawala ang kanyang karangalan. 21 Inihiwalay siya sa lipunan at nanirahang kasama ng maiilap na asno. Ang isip niya'y pinalitan ng isip ng hayop. Kumain siya ng damo, tulad ng mga baka. Sa labas siya natutulog at doo'y nababasa ng hamog. Ganyan ang kanyang kalagayan hanggang sa kilalanin niya na ang Kataas-taasang Diyos ang namamahala sa kaharian ng mga tao, at inilalagay niya sa trono ang sinumang nais niya.

22 “At bagaman alam ninyo ito, Haring Belsazar, hindi kayo nagpakumbaba. 23 Sa halip, nagmataas kayo sa harapan ng Panginoon ng kalangitan. Ipinakuha ninyo ang mga sisidlang mula sa kanyang Templo at ininuman ninyo at ng inyong mga tagapamahala, mga asawa at asawang lingkod. Bukod doon, sumamba kayo sa mga diyos ninyong yari sa ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy at bato, mga diyos na hindi nakakakita, hindi nakakarinig ni nakakaunawa man. At ang Diyos na nagbibigay at nagtatakda ng inyong buhay ay hindi ninyo pinarangalan. 24 Kaya, ipinadala niya ang kamay na iyon at pinasulat sa dingding ng inyong palasyo.

25 “Ito ang nakasulat: Mene, Mene, Tekel, Parsin.[a] 26 Ito naman ang kahulugan: ‘Mene,’ nabibilang na ang araw ng iyong paghahari sapagkat wawakasan na ito ng Diyos. 27 ‘Tekel,’ tinimbang ka at napatunayang kulang. 28 ‘Peres,’ ang kaharian mo ay mahahati at ibibigay sa Media at Persia.”[b]

29 Iniutos ni Haring Belsazar na bihisan si Daniel ng damit na kulay ube at kuwintasan ng yari sa dalisay na ginto. Pagkatapos, ipinahayag niyang ito ang ikatlo sa kapangyarihan sa buong kaharian. 30 Nang gabi ring iyon, pinatay si Belsazar, ang hari ng Babilonia. 31 Ang kanyang kaharian ay kinuha ni Dario, hari ng Media na noo'y animnapu't dalawang taon na.

Si Daniel sa Kulungan ng mga Leon

Si Haring Dario ay pumili ng isandaa't dalawampung pinuno ng mga rehiyon sa buong kaharian. Pumili rin siya ng tatlong mamamahala sa mga pinuno ng rehiyon at mangangalaga sa kapakanan ng hari, at isa rito si Daniel. Si Daniel ang naging pangunahin sa tatlong tagapamahala at sa mga pinuno ng mga rehiyon dahil sa pambihira niyang karunungan. Dahil dito, inisip ng hari na siya ang gawing tagapamahala sa buong kaharian. Kaya, ang dalawang kasama niyang tagapamahala at ang mga pinuno ng mga rehiyon ay humanap ng maibibintang kay Daniel upang huwag matuloy ang magandang balak ng hari para sa kanya. Ngunit wala silang makitang dahilan sapagkat laging matapat si Daniel sa kanyang tungkulin. Kaya't sinabi nila, “Wala tayong maibibintang sa kanya maliban sa mga bagay na may kinalaman sa kautusan ng kanyang Diyos.”

Nagkaisa silang humarap sa hari. Sinabi nila, “Mabuhay ang Haring Dario! Kami pong mga tagapamahala ng kaharian, mga pinuno ng mga rehiyon, at mga tagapayo ay nagkakaisa ng palagay. Mabuti po'y ipag-utos ninyong sa loob ng tatlumpung araw ay walang sasamba o mananalangin sa ibang diyos o tao liban sa inyo. Sinumang hindi susunod sa utos na ito ay ihuhulog sa kulungan ng mga leon. Kaya, mahal na hari, magpalabas po kayo ng gayong kautusan at inyong lagdaan upang maging batas ng Media at Persia—batas na hindi mababago ni mapapawalang bisa.” At gayon nga ang ginawa ni Haring Dario.

10 Nang malaman ni Daniel na nilagdaan na ng hari ang gayong kautusan, umuwi siya. Lumuhod siya't nanalangin at nagpasalamat sa kanyang Diyos sa isang silid sa itaas ng kanyang tirahan sa may bukás na bintanang nakaharap sa Jerusalem. Tatlong beses niyang ginagawa ito sa maghapon gaya ng kanyang kinaugalian. 11 Ngunit binabantayan pala siya ng kanyang mga kaaway. Nang makita siyang nananalangin, 12 siya'y kanilang isinumbong sa hari at sinabing, “Hindi po ba't pinagtibay ninyo ang isang kautusan na sa loob ng tatlumpung araw ay walang mananalangin sa sinumang diyos o tao liban sa inyo at ihahagis sa kulungan ng mga leon ang sinumang lumabag dito?”

Sumagot ang hari, “Ang kautusan ng Media at Persia ay hindi mababago ni mapapawalang bisa.”

13 Sinabi nila, “Mahal na hari, si Daniel po na isa sa mga dinalang-bihag mula sa Juda ay lumabag sa inyong kautusan at tatlong beses pa po kung manalangin araw-araw.”

14 Nang malaman ito ni Haring Dario, nabalisa siya at maghapong inisip kung paano maililigtas si Daniel. 15 Nang magkaroon muli ng pagkakataon ang mga kaaway ni Daniel, lumapit ang mga ito sa hari at sinabi, “Alalahanin ninyo, mahal na hari, na batas sa Media at Persia na hindi maaaring baguhin ang alinmang kautusan na pinagtibay ng hari.”

16 Dahil(A) dito, iniutos ni Haring Dario na ihulog si Daniel sa kulungan ng mga leon. Ngunit sinabi niya rito, “Nawa'y iligtas ka ng Diyos na buong katapatan mong pinaglilingkuran.” 17 Ang bunganga ng kulungan ay tinakpan ng isang malaking bato. Tinatakan ito ng pantatak ng hari at ng kanyang mga tagapamahala para hindi mabuksan ng sinuman. 18 Ang hari naman ay umuwi sa palasyo. Ngunit magdamag itong hindi makatulog. Hindi siya tumikim ng pagkain at ayaw rin niyang paaliw.

19 Kinabukasan, maagang nagbangon ang hari at nagmamadaling pumunta sa kulungan ng mga leon. 20 Pagdating doon, malungkot siyang tumawag, “Daniel, tapat na lingkod ng Diyos na buháy! Iniligtas ka ba niya sa mga leon?”

21 Sumagot si Daniel, “Mabuhay ang hari! 22 Wala(B) pong nangyari sa akin sapagkat ang bibig ng mga leon ay pinatikom ng mga anghel na isinugo ng aking Diyos. Ginawa po niya ito sapagkat alam niyang wala akong kasalanan ni nagawang masama laban sa inyo.”

23 Dahil dito, labis na nagalak ang hari at iniutos na iahon si Daniel mula sa kulungan ng mga leon. Nang siya'y maiahon na, wala silang nakita kahit man lang bahagyang galos sa katawan ni Daniel sapagkat nagtiwala siya sa kanyang Diyos. 24 Ang mga nagbintang kay Daniel ay ipinahulog ng hari sa kulungan ng mga leon pati ang kanilang mga anak at asawa. Hindi pa sila halos sumasayad sa kulungan ay nilapa na sila ng mga leon.

25 Pagkatapos, sinulatan ni Haring Dario ang lahat ng tao sa bawat bansa at wika sa buong daigdig. Isinasaad sa sulat: “Sumainyo ang kapayapaan! 26 Iniuutos ko sa lahat ng aking mga nasasakupan na matakot at gumalang sa Diyos ni Daniel.

“Sapagkat siya ang Diyos na buháy,
    at mananatili magpakailanman.
Hindi mawawasak ang kanyang kaharian,
    at mananatili habang panahon ang kanyang kapangyarihan.
27 Siya ay sumasaklolo at nagliligtas;
    gumagawa siya ng mga kababalaghan sa langit at sa lupa.
Iniligtas niya si Daniel mula sa mga leon.”

28 At naging matagumpay si Daniel sa panahon ni Haring Dario at sa panahon ni Haring Ciro ng Persia.

Ang Pangitain ni Daniel tungkol sa Apat na Halimaw

Noong unang taon ni Belsazar bilang hari ng Babilonia, si Daniel ay nagkaroon ng pangitain sa kanyang panaginip. Isinulat ito ni Daniel.

Isang gabi nakita ko na kabi-kabila ay binabayo ng malakas na hangin ang malaking dagat. Mula(C) sa dagat ay may umahong apat na iba't ibang halimaw. Ang(D) una ay parang leon, ngunit may mga pakpak ng agila; habang ako'y nakatingin, nabunot ang mga pakpak nito. Umangat ito sa lupa at tumayong parang tao. Binigyan ito ng isip ng tao. Ang ikalawa naman ay parang oso. Ang dalawang paa lamang nito sa huli ang inilalakad at may kagat pang tatlong tadyang. May tinig na nag-utos dito, “Sige, magpakasawa ka sa karne.” Ang ikatlo ay kahawig ng leopardo. Ito'y may apat na pakpak sa likod tulad ng sa ibon, apat din ang ulo, at binigyan ito ng kapangyarihan. Pagkaraan,(E) nakita ko ang ikaapat na halimaw. Nakakatakot ito at napakalakas. Bakal ang ngipin nito at niluluray ang anumang makagat at tinatapakan ang matira doon. Kakaiba ito sa tatlong nauna sapagkat ito'y may sampung sungay. Pinagmasdan(F) kong mabuti ang mga sungay at nakita kong may tumutubo pang isa. Ang tatlong sungay ay nabunot upang magkaroon ng puwang ang sungay na tumutubo. Ang sungay na ito ay may mga mata na tulad sa tao at may bibig na nagsasalita ng sobrang kayabangan.

Ang Pangitain tungkol sa Nabubuhay Magpakailanpaman

Habang(G) ako'y nakatingin, mayroong naglagay ng mga trono. Naupo sa isa sa mga ito ang Nabubuhay Magpakailanpaman. Puting-puti ang kanyang kasuotan at gayundin ang kanyang buhok. Ang trono niya'y naglalagablab at ang mga gulong nito'y nagliliyab. 10 Parang(H) bukal ang apoy na dumadaloy mula sa kanya. Pinaglilingkuran siya ng milyun-milyon, bukod pa sa daan-daang milyon na nakatayo sa harap niya. Humanda na siya sa paggagawad ng hatol at binuksan ang mga aklat.

11 Dahil sa sobrang kayabangang sinasabi ng sungay, muli akong tumingin at nakitang pinatay ang ikaapat na hayop at inihagis ito sa apoy. 12 Ang iba namang halimaw ay inalisan ng kapangyarihan ngunit binigyan pa ng panahong mabuhay.

13 Patuloy(I) ang aking pangitain. Nakita ko sa alapaap sa langit ang parang isang tao. Lumapit siya sa Nabubuhay Magpakailanpaman. 14 Binigyan(J) siya ng kapamahalaan, ng karangalan at ng kaharian upang paglingkuran siya ng lahat ng tao sa bawat bansa at wika. Ang pamamahala niya ay hindi magwawakas, at ang kanyang kaharian ay hindi mawawasak.

Ang Kahulugan ng mga Pangitain

15 Akong si Daniel ay nalito at nabagabag dahil sa pangitaing iyon. 16 Kaya't nilapitan ko ang isang nakatayo roon at tinanong ko siya kung ano ang kahulugan ng mga bagay na aking nasaksihan. Ipinaliwanag naman niya ang mga ito sa akin. 17 Ang sabi niya, “Ang apat na halimaw ay apat na kahariang lilitaw sa daigdig. 18 Ngunit(K) ang mga hinirang ng Kataas-taasang Diyos ang bibigyan ng karapatang mamahala magpakailanman.”

19 Hinangad kong malaman ang kahulugan ng ikaapat na halimaw sapagkat malaki ang kaibahan nito sa tatlo at dahil sa nakakatakot ang anyo nito: bakal ang mga ngipin at tanso ang mga panga. Dinudurog nito saka nilulunok ang lahat ng abutan at tinatapakan ang matira. 20 Hinangad ko ring malaman ang kahulugan ng sampung sungay at ang kahulugan noong isang sungay na tumubo at naging dahilan para mabunot ang tatlo. Gusto ko ring malaman ang kahulugan ng mga mata at ng bibig sa sungay na sobrang kayabangan ang pinagsasasabi, at kung bakit ang sungay na ito'y mas malaki kaysa iba.

21 Samantalang(L) ako'y nakatingin, nakita kong dinigma at nilupig ng sungay na ito ang mga hinirang ng Diyos. 22 Pagkatapos,(M) dumating ang Nabubuhay Magpakailanpaman at nagbigay ng hatol sa panig ng mga hinirang ng Kataas-taasang Diyos. Dumating ang araw para ibigay sa bayan ng Diyos ang pamamahala sa kaharian.

23 Ganito ang sinabi niya sa akin: “Ang ikaapat na hayop ay ang ikaapat na kahariang lilitaw sa daigdig. Kakaiba ito sa lahat ng kaharian sapagkat masasakop, yuyurakan at dudurugin nito ang buong daigdig. 24 Ang(N) sampung sungay ay kumakatawan sa sampung hari ng kahariang ito. Sa gitna nila'y lilitaw ang isa na kaiba sa mga nauna at tatlong hari ang kanyang pababagsakin. 25 Magsasalita(O) siya laban sa Kataas-taasan at pahihirapan niya ang mga hinirang ng Kataas-taasang Diyos. Tatangkain niyang baguhin ang kautusan at mga takdang kapanahunan. Ang mga hinirang ng Diyos ay ipapailalim sa kanyang kapangyarihan sa loob ng tatlong taon at kalahati. 26 Ngunit siya'y hahatulan. Kukunin sa kanya ang kaharian at pupuksain siya nang lubusan. 27 Ang(P) kaharian at ang karangalan ng mga kaharian sa buong daigdig ay ibibigay sa mga hinirang ng Kataas-taasang Diyos. Sila ay maghahari magpakailanman. Maglilingkod at susunod sa kanila ang lahat ng kaharian.”

28 Dito natapos ang pangitain. Akong si Daniel ay lubhang nabahala at namutla sa takot. Sinarili ko na lamang ang mga bagay na ito.

2 Juan

Mula sa Matandang pinuno ng iglesya—

Para sa hinirang na Ginang at sa kanyang mga anak, na tunay kong minamahal. Hindi lamang ako kundi ang lahat ng nakakaalam ng katotohanan ay nagmamahal sa inyo, sapagkat ang katotohanan ay nasa atin ngayon at magpakailanman.

Sa pamamagitan ng katotohanan at pag-ibig, ipagkakaloob sa atin ng Diyos Ama at ni Jesu-Cristo na Anak niya, ang pagpapala, habag, at kapayapaan.

Ang Katotohanan at ang Pag-ibig

Labis akong nagalak nang makita ko ang ilan sa iyong mga anak na namumuhay ayon sa katotohanan, alinsunod sa utos ng Ama sa atin. At(A) ngayon, Ginang, hinihiling ko sa iyo na magmahalan tayong lahat. Hindi ito bagong utos kundi isang dating utos na sa simula pa'y nasa atin na. At ganito ang pag-ibig na binabanggit ko: mamuhay tayo nang ayon sa mga utos ng Diyos. Ito ang utos na ibinigay sa inyo noon pang una: mamuhay kayo nang may pag-ibig.

Sapagkat nagkalat sa sanlibutan ang mga mandaraya! Ayaw nilang kilalanin na si Jesu-Cristo'y dumating bilang tao. Ang ganoong tao ay mandaraya at kaaway ni Cristo.[a] Mag-ingat nga kayo upang huwag mawalang saysay ang aming pinagpaguran,[b] sa halip ay lubusan ninyong makamtan ang gantimpala.

Ang hindi nananatili sa turo ni Cristo kundi nagdaragdag dito, ay wala sa kanya ang Diyos. Sinumang nananatili sa turo ni Cristo ay nasa kanya ang Ama at ang Anak. 10 Sinumang dumating sa inyo na ibang turo ang dala ay huwag ninyong tanggapin sa inyong bahay, ni huwag ninyong batiin, 11 sapagkat ang bumabati sa kanya ay nagiging kaisa niya sa masamang gawain.

Panghuling Pananalita

12 Marami pa sana akong sasabihin sa inyo, ngunit ayaw ko nang gumamit ng papel at tinta. Sa halip, ako'y umaasang makapunta diyan at makausap kayo nang personal upang malubos ang ating kagalakan.

13 Kinukumusta ka ng mga anak ng iyong kapatid na babae na hinirang.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.