Old/New Testament
12 Ang Efraim ay umaasa sa wala,
at maghapong naghahabol sa hangin.
Puro kasinungalingan at karahasan ang ginagawa;
nakikipag-isa sa Asiria,
at nakikipagkalakal sa Egipto.”
2 May paratang si Yahweh laban sa Juda.
Paparusahan niya si Jacob ayon sa masama nitong pamumuhay,
at gagantihan ayon sa kanyang mga gawa.
3 Nang(A) (B) sila'y nasa sinapupunan pa, dinaya na ni Jacob ang kanyang kakambal,
at nakipagbuno sa Diyos nang siya'y malaki na.
4 Nakipagbuno(C) siya sa anghel at nagwagi,
umiyak siya at nakiusap na nawa'y pagpalain.
Nakatagpo niya ang Diyos doon sa Bethel,
at ito'y nakipag-usap sa kanya.
5 Si Yahweh ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
Yahweh ang kanyang pangalan.
6 Kaya't manumbalik kayo sa Diyos,
at mamuhay kayong may pag-ibig at katarungan,
patuloy kayong umasa sa kanya.
7 Sinabi ni Yahweh, “Gustung-gusto nilang gamitin
ang timbangang may daya.
8 Nais nilang apihin ang kanilang kapwa.
Sinasabi nila, ‘Ako'y talagang mayaman,
nakamtan ko ang kayamanang ito para sa aking sarili.’
Ngunit lahat man ng kanyang kayamanan ay hindi sapat,
pambayad sa nagawa niyang kasalanan.
9 Ako(D) si Yahweh, ang Diyos
na naglabas sa inyo sa Egipto;
muli ko kayong papatirahin sa mga tolda,
gaya nang panahon ng mga itinakdang kapistahan.
10 “Nagsalita ako sa pamamagitan ng mga propeta;
at sa kanila'y nagbigay ng maraming pangitain.
Maraming talinghaga rin ang sa kanila'y aking itinagubilin.
11 Laganap sa Gilead ang pagsamba sa diyus-diyosan,
at lahat ng sumasamba rito'y nakalaang mamatay.
Naghahandog sa mga diyus-diyosang toro ang mga taga-Gilgal,
at ang mga altar nila'y mawawasak
magiging mga bunton ng bato sa gitna ng kabukiran.”
12 Tumakas(E) si Jacob papuntang Aram,
at doo'y nakatagpo ng mapapangasawa.
Nagpastol siya roon ng mga tupa
upang makamtan ang kamay ng isang dalaga.
13 Inilabas(F) ni Yahweh ang Israel sa Egipto sa pamamagitan ng isang propeta.
At sa pamamagitan din ng propetang ito ay pinangalagaan niya ang Israel.
14 Matindi na ang galit ni Yahweh kay Efraim, dahil sa kasamaang ginagawa nito.
Kaya't siya'y paparusahan ni Yahweh,
at pagbabayarin sa kanyang mga kasalanan.
Ang Pagkawasak ng Efraim
13 Noong una, kapag nagsalita si Efraim,
ang mga tao ay nanginginig sa takot,
sapagkat siya ay pinaparangalan sa Israel.
Ngunit nagkasala siya at nahatulang mamatay dahil sa pagsamba kay Baal.
2 Hanggang ngayo'y patuloy sila sa paggawa ng kasalanan.
Tinutunaw ang mga pilak at ginagawang diyus-diyosan.
Pagkatapos ay sinasabi, “Maghandog kayo rito!
At halikan ninyo ang mga guyang ito.”
3 Kaya nga, matutulad sila sa mga ulap sa umaga
o sa hamog na madaling naglalaho;
gaya ng ipa na inililipad ng hangin,
gaya ng usok na tinatangay sa malayo.
4 Sinabi ni Yahweh, “Ako si Yahweh na inyong Diyos.
Ako ang nagpalaya sa inyo sa Egipto.
Noon, wala kayong ibang Diyos kundi ako,
at walang ibang tagapagligtas maliban sa akin.
5 Kinalinga(G) ko kayo sa ilang,
sa lupaing tuyo at tigang.
6 Ngunit nang kayo'y mabusog ay naging palalo;
at kinalimutan na ninyo ako.
7 Kaya naman, kayo'y lalapain kong gaya ng leon,
gaya ng isang leopardong nag-aabang sa tabing daan.
8 Susunggaban ko kayo, gaya ng osong inagawan ng anak,
lalapain ko kayo gaya ng isang leon,
gaya ng paglapa ng isang hayop na mabangis.
9 Wawasakin kita, Israel;
sino ang sasaklolo sa iyo?
10 Nasaan(H) ngayon ang iyong hari na magliligtas sa iyo?
Nasaan ang hari at ang mga pinunong sa akin ay hiningi mo?
11 Sa(I) galit ko sa inyo'y binigyan ko kayo ng mga hari,
at dahil din sa aking poot, sila'y inaalis ko.
12 “Inilista ko ang ginagawang kalikuan ni Efraim,
tinatandaan kong mabuti para sa araw ng paniningil.
13 Ang Israel ay binigyan ko ng pagkakataong magbagong-buhay,
ngunit ito'y kanyang tinanggihan.
Para siyang sanggol na ayaw lumabas sa sinapupunan.
Siya'y anak na suwail at mangmang!
14 Hindi(J) ko sila paliligtasin sa daigdig ng mga patay.
Hindi ko sila paliligtasin sa kamatayan.
Kamatayan, pahirapan mo sila.
Libingan, parusahan mo sila.
Wala na akong nalalabing awa sa kanila.
15 Bagaman siya'y lumagong gaya ng tambo,
may darating na hangin mula kay Yahweh,
ang hanging silangang nagbubuhat sa ilang,
tutuyuin ang kanyang mga batis
at aagawin ang kanyang yaman.
16 Mananagot ang Samaria,
sapagkat siya'y naghimagsik laban sa Diyos.
Mamamatay sa tabak ang mga mamamayan niya.
Ipaghahampasan sa lupa ang kanyang mga sanggol,
at lalaslasin ang tiyan ng mga nagdadalang-tao.”
Ang Pakiusap ni Hosea sa Israel
14 Manumbalik ka Israel kay Yahweh na iyong Diyos.
Ang pagbagsak mo ay bunga ng iyong kasamaan.
2 Dalhin ninyo ang inyong kahilingan,
lumapit kayo kay Yahweh;
sabihin ninyo sa kanya,
“Patawarin po ninyo kami.
Kami'y iyong kahabagan, kami'y iyong tanggapin.
Maghahandog kami sa iyo ng pagpupuri.
3 Hindi kami kayang iligtas ng hukbo ng Asiria,
hindi kami sasakay sa mga kabayo nila.
Hindi na namin tatawaging diyos
ang mga ginawa ng aming kamay.
Sa iyo lamang nakakasumpong ng awa ang mga ulila.”
4 Sabi ni Yahweh,
“Pagagalingin ko na sila sa kanilang kataksilan,
mamahalin ko na sila nang walang katapusan,
sapagkat napawi na ang galit ko sa kanila.
5 Ako'y matutulad sa hamog na magpapasariwa sa Israel.
Mamumulaklak siyang gaya ng liryo,
at mag-uugat din siyang tulad ng sedar.
6 Kanyang mga sanga ay darami,
gaganda siyang tulad ng puno ng olibo,
at hahalimuyak gaya ng kagubatan ng Lebanon.
7 Magbabalik sila at maninirahan sa ilalim ng aking kanlungan.
Sila'y yayabong na gaya ng isang halamanan,
mamumulaklak na parang puno ng ubas,
at ang bango'y tulad ng alak mula sa Lebanon.
8 Efraim, lumayo ka na sa mga diyus-diyosan!
Ako lamang ang tumutugon at nagbabantay sa iyo.
Ako'y katulad ng sipres na laging luntian,
at mula sa akin ang iyong mga bunga.”
9 Unawain ng matalino ang mga bagay na ito,
at dapat mabatid ng mga marunong.
Matuwid ang mga kaparaanan ni Yahweh,
at ang mabubuti'y doon lumalakad,
ngunit nadarapa ang mga masuwayin.
Pananambahan sa Langit
4 Pagkatapos kong masaksihan ang mga bagay na ito, nakita ko sa langit ang isang bukás na pinto.
At narinig ko ang tinig na parang tunog ng isang trumpeta, na ang sabi sa akin, “Umakyat ka rito, at ipapakita ko sa iyo kung ano pang mga mangyayari pagkatapos nito.” 2 At(A) agad akong napuspos ng Espiritu, at nakita ko sa langit ang isang trono at ang isang nakaupo roon. 3 Ang anyo niya'y maningning na parang mahahalagang batong jasper at kornalina. May isang bahagharing nagniningning na parang esmeralda sa palibot ng trono. 4 Nakapaligid naman dito ang dalawampu't apat pang trono na sa bawat isa'y may nakaupong matanda na nakadamit ng puti at may koronang ginto sa ulo. 5 Mula(B) sa trono ay gumuguhit ang kidlat, kasabay ng mga ugong at mga kulog. Sa harap ng trono ay may pitong nagniningas na sulo; ito ang pitong espiritu ng Diyos. 6 Sa(C)(D) harap ng trono ay may tila dagat na salamin na sinlinaw ng kristal.
Sa apat na panig ng trono ay may apat na buháy na nilalang, na punung-puno ng mga mata sa kanilang harap at likod. 7 Ang unang buháy na nilalang ay katulad ng leon; katulad naman ng baka ang pangalawa; tulad sa mukha ng tao ang pangatlo; at katulad naman ng agilang lumilipad ang pang-apat. 8 Ang(E) bawat isa ay may tig-aanim na pakpak, at punung-puno ng mga mata sa harap at likod. Walang tigil ang kanilang pag-awit araw at gabi,
“Banal, banal, banal, ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
na siyang nakaraan, kasalukuyan, at darating.”
9 Tuwing umaawit ng pagluwalhati, parangal at pasasalamat ang apat na buháy na nilalang sa nakaupo sa trono, na nabubuhay magpakailanman, 10 ang dalawampu't apat (24) na matatandang pinuno naman ay nagpapatirapa sa harap ng trono at sinasamba ang nakaupo doon, ang nabubuhay magpakailanman. Inilalagay nila ang kanilang korona sa harap ng trono, at sinasabi,
11 “Aming Panginoon at Diyos!
Karapat-dapat kang tumanggap ng kaluwalhatian, karangalan, at kapangyarihan;
sapagkat ikaw ang lumalang sa lahat ng bagay,
at ayon sa iyong kagustuhan, sila'y nagkaroon ng buhay at nalikha.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.