Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mikas 6-7

Ang Paratang sa Israel

Pakinggan ninyo ang paratang ni Yahweh laban sa Israel.

Tumayo kayo, O Yahweh, at ilahad ninyo ang inyong paratang. Hayaan ninyong marinig ng mga bundok at ng mga burol ang inyong sasabihin. Mga bundok, mga di natitinag na pundasyon ng daigdig, pakinggan ninyo ang paratang ni Yahweh laban sa Israel na kanyang bayan.

Sinabi niya, “Bayan ko, sagutin ninyo ako. Ano ba ang nagawa ko sa inyo? Paano ba ako naging pabigat sa inyo? Inilabas(A) ko kayo sa lupain ng Egipto at tinubos sa pagkaalipin. Isinugo ko sa inyo sina Moises, Aaron at Miriam upang kayo'y pangunahan. Bayan(B) ko, gunitain ninyo ang plano ni Balac na hari ng Moab, at ang tugon sa kanya ni Balaam na anak ni Beor, at ang nangyari mula sa Sitim hanggang sa Gilgal. Alalahanin ninyo ang mga ito at malalaman ninyo ang ginawa ni Yahweh upang iligtas kayo.”

Ang Hinihingi ni Yahweh

Ano ang dapat kong dalhin sa aking pagsamba kay Yahweh, ang Diyos ng kalangitan? Magdadala ba ako ng guyang isang taon ang gulang bilang handog na sinusunog sa kanyang harapan? Malugod kaya siya kung handugan ko ng libu-libong tupa o umaapaw na langis ng olibo? Ihahandog ko ba sa kanya ang aking anak na panganay, ang laman ng aking laman, bilang kabayaran ng aking mga kasalanan? Itinuro na niya sa iyo, kung ano ang mabuti. Ito ang nais ni Yahweh: Maging makatarungan ka sa lahat ng bagay, patuloy mong mahalin ang iyong kapwa, at buong pagpapakumbabang sumunod ka sa iyong Diyos.

Mainam ang magkaroon ng takot kay Yahweh. Ito ang kanyang panawagan sa lunsod: “Makinig kayo, bayang nagtitipun-tipon sa lunsod! 10 Sa mga bahay ng masasamang tao ay matatagpuan ang mga kayamanang nakuha nila sa masamang paraan. Gumagamit sila ng madayang takalan na aking kinasusuklaman. 11 Mapapatawad ko ba ang mga taong gumagamit ng madayang timbangan? 12 Mapang-api ang inyong mayayaman, at kayong lahat ay sinungaling. Ang kanilang dila'y mahusay sa panlilinlang. 13 Kaya't sinimulan ko na ang inyong pagbagsak at pagkawasak dahil sa inyong mga kasalanan. 14 Kayo'y kakain ngunit hindi mabubusog, sa halip; gutom pa rin ang inyong madarama. Mag-iimpok kayo ngunit wala ring mangyayari, at ang inyong inipon ay masisira sa digmaan.

15 “Kayo'y maghahasik subalit hindi mag-aani. Magpipisa kayo ng olibo ngunit hindi makikinabang sa langis nito. Magpipisa kayo ng ubas ngunit hindi makakatikim ng alak na katas nito. 16 Mangyayari(C) ito dahil sumunod kayo sa masasamang gawain ni Haring Omri at ng kanyang anak na si Haring Ahab. Ipinagpatuloy ninyo ang kanilang mga patakaran kaya't wawasakin ko kayo at hahamakin kayo ng lahat. Kukutyain kayo ng lahat ng bansa.”

Kabulukang Moral sa Israel

Nakakalungkot ang nangyari. Ang katulad ko'y isang taong gutom. Naghahanap ng bungangkahoy ngunit walang makita ni isa man. Wala ni isang ubas o kaya'y isang igos na labis kong kinasasabikan. Wala nang natirang matapat sa Diyos sa lupain. Wala nang matuwid. Ang lahat ay nag-aabang ng mapapatay. Bawat isa'y naghahanda ng bitag laban sa kanyang kababayan. Bihasa sila sa paggawa ng kasamaan, ang pinuno at ang hukom ay humihingi ng suhol. Kasabwat nila sa paggawa ng masama ang mga kinikilalang tao ng bansa. Ang pinakamabuti sa kanila'y parang dawag, parang tinik. Dumating na ang araw ng pagpaparusa sa kanilang mga bantay. Nalalapit na ang araw ng pagkapahiya. Huwag kang magtiwala sa kapwa mo o sa iyong kaibigan. Huwag mong isisiwalat ang iyong lihim kahit sa iyong asawa. Lalapastanganin(D) ng anak na lalaki ang kanyang ama, at lalabanan ng anak na babae ang kanyang ina. Aawayin ng manugang na babae ang kanyang biyenang babae. Ang kaaway ng isang tao'y ang kanya mismong kasambahay.

Ngunit para sa akin, kay Yahweh ako mananalig. Hihintayin kong may pagtitiwala ang Diyos na magliligtas sa akin at ako'y kanyang diringgin.

Ang Gagawing Pagliligtas ni Yahweh

Mga kaaway ko, huwag kayong magalak dahil sa nangyari sa akin! Kung ako ma'y nadapa, muli akong babangon. Kung ako ma'y nasa kadiliman, tatanglawan ako ngayon ni Yahweh. Titiisin ko ang galit niya sapagkat nagkasala ako sa kanya. Magtitiis ako hanggang sa ipagtanggol niya ako at bigyan ng katarungan. Dadalhin niya ako sa kaliwanagan at makikita ko ang kanyang pagliligtas. 10 Ito'y makikita ng aking kaaway, at mapapahiya siya na nagsabi sa akin, “Nasaan si Yahweh na iyong Diyos?” Makikita ko naman ang kanyang pagbagsak, at niyuyurakan siyang parang putik sa lansangan.

11 Mga taga-Jerusalem, darating ang araw na itatayong muli ang inyong mga pader at lalong lalawak ang inyong nasasakupan. 12 Sa araw na iyon ay babalik sa inyo ang mga tao buhat sa Asiria sa silangan hanggang sa Egipto, sa timog; buhat sa dakong ang hangganan ay ang Ilog Eufrates, mula sa malalayong dagat, at kabundukan. 13 Ngunit magiging disyerto ang lupa dahil sa masasamang gawain ng mga naninirahan doon.

Ang Pag-ibig ni Yahweh para sa Israel

14 Yahweh, patnubayan mong gaya ng isang pastol ang iyong bayan, ang bayan na iyong pinili. Bagama't sila'y nag-iisa sa ilang, napapalibutan naman sila ng masasaganang lupain. Hayaan mo silang manirahan at manginain sa sariwang pastulan ng Bashan at Gilead gaya noong unang panahon.

15 Magpakita ka sa amin ng mga kamangha-manghang bagay tulad noong ilabas mo sa Egipto ang iyong bayan. 16 Ito'y makikita ng mga bansa at sila'y mapapahiya sa kabila ng kanilang lakas. Mapapahiya sila at matitigilan. Tatakpan nila ang kanilang mga bibig at mga tainga. 17 Gagapang silang parang mga ahas; nanginginig silang lalabas mula sa kanilang mga tanggulan. Takot na lalapit sila kay Yahweh na ating Diyos.

18 Wala nang ibang diyos na tulad mo, O Yahweh. Pinapatawad mo ang mga kasalanan ng mga nakaligtas sa bayan mong pinili. Hindi nananatili ang iyong galit magpakailanman. Sa halip ay ipinadarama mo sa kanila ang tapat mong pag-ibig. 19 Muli mo kaming kaaawaan. Tatapakan mo ang aming mga kasalanan at ihahagis sa kalaliman ng dagat. 20 Patunayan mo ang iyong katapatan sa bayan ni Jacob at ang iyong pag-ibig sa angkan ni Abraham, gaya ng iyong ipinangako sa aming mga ninuno mula pa noong unang panahon.

Pahayag 13

Ang Unang Halimaw

13 Pagkatapos(A) ay nakita kong umaahon sa dagat ang isang halimaw na may pitong ulo at sampung sungay. May korona ang bawat sungay nito at sa bawat ulo ay nakasulat ang mga pangalang[a] lumalapastangan sa Diyos. Ang(B) halimaw ay parang leopardo, ang mga paa nito'y tulad ng mga paa ng oso, at ang bibig ay parang bibig ng leon. Ibinigay ng dragon sa halimaw ang kanyang sariling lakas, trono at malawak na kapangyarihan. Ang isa sa mga ulo ng halimaw ay parang may sugat na nakamamatay, ngunit ito'y gumaling. Namangha ang buong daigdig sa nangyaring ito, at nagsisunod sila sa halimaw. Sinamba ng lahat ng tao ang dragon sapagkat ibinigay nito ang kanyang kapangyarihan sa halimaw. Sinamba rin nila ang halimaw at sinabi nila, “Sino ang katulad ng halimaw? Sino ang makakalaban sa kanya?”

Pinahintulutang(C) magsalita ng kayabangan ang halimaw, lumapastangan sa Diyos, at maghari sa loob ng apatnapu't dalawang (42) buwan. Nilapastangan nga niya ang Diyos, ang pangalan ng Diyos, ang tahanan ng Diyos, at ang lahat ng nakatira doon. Pinahintulutan(D) din siyang digmain at lupigin ang mga hinirang ng Diyos, at binigyan siya ng karapatang mamahala sa bawat lahi, lipi, wika, at bansa. Sasamba(E) sa kanya ang lahat ng nabubuhay sa ibabaw ng lupa, maliban sa mga taong ang mga pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay bago pa likhain ang sanlibutan. Ang aklat na ito'y pag-aari ng Korderong pinatay.

“Ang lahat ng may pandinig ay makinig! 10 Ang(F) sinumang itinakdang mabihag ay mabibihag nga; ang itinakdang mamatay sa tabak ay sa tabak nga mamamatay. Ito'y isang panawagan na magpakatatag at manatiling tapat ang mga hinirang ng Diyos.”

Ang Ikalawang Halimaw

11 At nakita ko ang isa pang halimaw na lumilitaw mula sa lupa. May dalawang sungay ito na tulad ng mga sungay ng isang batang tupa, ngunit nagsalita ito na parang dragon. 12 Ginamit niya ang lahat ng kapangyarihan ng unang halimaw upang ipatupad ang kagustuhan nito. Ang lahat ng tao sa lupa ay pinilit niyang sumamba sa unang halimaw na nagkaroon ng sugat na nakamamatay ngunit gumaling na. 13 Kahanga-hanga ang mga kababalaghang ginawa ng pangalawang halimaw; nagpaulan siya ng apoy mula sa langit, at ito'y nasaksihan ng mga tao. 14 Nalinlang niya ang lahat ng tao sa lupa sa pamamagitan ng mga kababalaghang kanyang ginawa sa harapan ng unang halimaw. Nahikayat niya ang mga taong gumawa ng isang larawan ng unang halimaw na nasugatan ng tabak ngunit nabuhay. 15 Ipinahintulot din sa kanya na bigyan niya ng hininga ang larawan ng unang halimaw. Kaya't nakapagsalita ang larawan at ipinapatay nito ang lahat ng ayaw sumamba sa kanya. 16 Sapilitang pinatatakan ng ikalawang halimaw ang lahat ng tao sa kanilang kanang kamay o sa noo, maging sila'y dakila o hamak, mayaman o mahirap, alipin o malaya. 17 At walang maaaring magtinda o bumili malibang sila'y may tatak ng pangalan ng halimaw o ng bilang na katumbas ng pangalan niyon. 18 Kailangan dito ang karunungan: maaaring malaman ng sinumang matalino ang kahulugan ng bilang ng halimaw, sapagkat ito'y bilang ng isang tao. Ang bilang ay animnaraan at animnapu't anim (666).

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.