Old/New Testament
Inahit ni Ezekiel ang Kanyang Buhok at Balbas
5 Sinabi sa akin ng Diyos, “Ezekiel, anak ng tao, kumuha ka ng isang matalim na tabak at ahitin mo ang iyong buhok at balbas. Pagkatapos, timbangin mo iyon at pagtatluhing bahagi. 2 Sunugin mo sa gitna ng lunsod ang unang bahagi matapos itong kubkubin. Ang ikalawang bahagi ay tadtarin mo habang naglalakad ka sa buong lunsod. Ihagis mo naman sa hangin ang ikatlong bahagi at pasusundan ko ng tabak. 3 Kumuha ka ng ilang hibla ng buhok at itali mo sa laylayan ng iyong kasuotan. 4 Kapag naitali mo na, kumuha ka pa ng ilang hibla at sunugin mo. Ang apoy nito ay kakalat at susunog sa buong Israel.”
5 Sinabi ng Panginoong Yahweh, “Ang lunsod ng Jerusalem ay ginawa kong pinakasentro ng mga bansa. 6 Ngunit nilabag niya ang aking Kautusan at mga tuntunin. Nagpakasama siya nang higit pa sa mga bansa sa kanyang paligid. Tinalikuran nga niya ang aking Kautusan at iniwan ang aking mga tuntunin. 7 Kaya, ganito ang sabihin mo sa kanila: Dahil sa kaguluhan mong higit pa sa bansa sa inyong paligid, sa pagtalikod ng mamamayan mo sa aking mga tuntunin at Kautusan, at sa inyong paglakad ayon sa tuntunin ng mga bansang iyon, 8 ako ay laban sa inyo ngayon. Paparusahan ko kayo sa harapan ng inyong mga kaaway. 9 At dahil sa inyong kasamaan, gagawin ko sa inyo ang isang bagay na hindi ko pa ginagawa at hindi ko na gagawin pa. 10 Kakainin(A) ng magulang ang kanilang mga sariling anak, at ng mga anak ang kanilang mga sariling magulang. Paparusahan ko nga kayo, at ang matirang buháy ay pangangalatin ko sa lahat ng dako. 11 Kayong lahat ay buong lupit kong ibabagsak dahil sa inyong kasamaan at paglapastangan sa aking Templo sa pamamagitan ng kasuklam-suklam ninyong gawain. 12 Hahatiin ko kayo sa tatlo. Ang unang bahagi ay papatayin ko sa salot at sa matinding taggutom. Ang ikalawa'y sa pamamagitan ng tabak. Ang ikatlo'y ikakalat ko sa lahat ng dako, at patuloy kong uusigin.
13 “Ibubuhos ko sa inyo ang aking poot hanggang sa gumaan ang aking loob. Kung madama ninyo ang bigat ng aking parusa, makikilala ninyo na akong si Yahweh ay marunong mapoot dahil sa matinding panibugho. 14 Gagawin ko kayong isang pook ng lagim, at katatawanan ng lahat ng bansa sa paligid, ng lahat ng makakakita sa inyo. 15 Mabibilad kayo sa kahihiyan at lilibakin. Magsisilbi kayong babala sa mga bansa sa inyong paligid sa sandaling ipataw ko sa inyo ang mabigat na parusa bunga ng matinding poot ko sa inyo. Akong si Yahweh ang nagsabi nito. 16 Mangyayari ito sa sandaling padalhan ko kayo ng matinding taggutom at iba't ibang kahirapan. 17 Padadalhan(B) ko kayo ng taggutom at mababangis na hayop na siyang lalapa sa inyong mga anak. Makakaranas kayo ng salot at digmaan; hahayaan ko rin kayong usigin. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”
Ang Pahayag Laban sa mga Bundok ng Israel
6 Sinabi sa akin ni Yahweh, 2 “Humarap ka sa mga bundok ng Israel at magpahayag laban sa kanila. 3 Sabihin mo, ‘Mga bundok ng Israel, dinggin ninyo itong ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: Tutugisin ko kayo ng tagâ. Gigibain ko ang inyong dambana sa mga burol. 4 Gagawin kong pook ng lagim ang inyong mga altar. Gigibain ko ang dambanang sunugan ninyo ng insenso, at papatayin ko kayo sa harap ng inyong mga diyus-diyosan. 5 Ang mga patay na Israelita'y ibubunton ko sa harapan ng inyong mga diyus-diyosan, at ikakalat ko sa inyong altar ang mga buto ninyo. 6 Saanman kayo magtayo ng bayan, ito'y gigibain ko. Wawasakin ko ang inyong dambana sa mataas na dako. Dudurugin ko ang inyong mga diyus-diyosan, ibabagsak ang inyong mga dambanang sunugan ng insenso, at ipagtatatapon ang inyong mga ginawa. 7 Maraming mamamatay sa inyo. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.’
8 “May ilan akong ititira sa inyo ngunit mangangalat sila sa iba't ibang panig ng daigdig, 9 at mabibihag ng ibang bansa. Kapag sila'y naroon na sa dakong pagdadalahan sa kanila, maaalala nila kung gaano kalaki ang pagdaramdam ko dahil sa pagtalikod nila sa akin upang maglingkod sa mga diyus-diyosan. At sila mismo'y masusuklam sa kanilang sarili dahil sa ginawa nilang kasamaan. 10 Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh at malalaman nilang hindi panakot lamang ang parusang ipapataw ko sa kanila.”
Ang mga Kasalanan ng Israel
11 Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh, “Pumalakpak ka't pumadyak, at sabihing mabuti nga sa sambahayan ng Israel. Uubusin kayo sa pamamagitan ng tabak, ng salot at ng taggutom. 12 Ang nasa malayo ay mamamatay sa salot, at sa tabak naman ang nasa malapit. Ang matirang buháy ay papatayin naman sa gutom. Ganyan ang gagawin ko upang ipadama sa kanila ang aking matinding galit. 13 Makikilala nga nilang ako si Yahweh kapag nakita nilang naghalang ang patay sa harap ng kanilang mga diyus-diyosan, sa mga burol, mga bundok, sa ilalim ng mga punongkahoy at malalagong puno ng ensina, o sa alinmang dakong handugan nila ng mababangong samyo para sa kanilang mga diyus-diyosan. 14 Paparusahan ko nga sila at alinmang lugar na tirahan nila'y paghaharian ko ng lagim mula sa kaparangan ng Diblat. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”
Dumating na ang Wakas
7 Sinabi sa akin ni Yahweh, 2 “Sabihin mo sa bayang Israel: Dumating na ang wakas! Dumating na ang wakas sa apat na sulok ng daigdig. 3 Dumating na ngayon ang inyong katapusan. Ibubuhos ko na sa inyo ang aking matinding poot at hahatulan ko kayo ayon sa inyong mga gawa. Paparusahan ko kayo dahil sa inyong kasamaan. 4 Wala akong patatawarin isa man. Paparusahan ko kayo dahil sa inyong kasamaan. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”
5 Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh, “Hindi na magtatagal at sunud-sunod na kasawian ang aabot sa inyo. 6 Dumating na ang wakas! Ito na ang inyong katapusan. 7 Dumating na ang inyong katapusan, mga mamamayan ng lupain. Dumating na ang panahon, malapit na ang araw ng kaguluhan. Tapos na ang masasayang araw sa tuktok ng bundok. 8 Ibubuhos ko ngayon sa inyo ang aking poot. Uubusin ko sa inyo ang matinding galit ko. Hahatulan ko kayo ayon sa inyong mga gawa. Paparusahan ko kayo dahil sa inyong kasamaan. 9 Wala akong patatawarin ni isa man. Paparusahan ko nga kayo dahil sa inyong kasamaan. Sa gayo'y malalaman ninyo na akong si Yahweh ay talagang nagpaparusa.
10 “Ngayon na ang araw! Ito na ang inyong katapusan. Sukdulan na ang inyong kapalaluan. Laganap na ang karahasan. 11 Laganap na ang karahasan at kasamaan. Walang ititira sa kanila, lahat ay mawawala: kasaganaan, kayamanan, kabantugan. 12 Dumarating na ang panahon. Malapit na ang araw. Nagsisisi ang mga namili at natutuwa ang nagbenta; ang poot ng Diyos ay nag-aalab sa kanila at sila'y pare-parehong babagsakan ng poot ng Diyos. 13 Ang mga ipinagbili ay di na maisasauli sa nagbenta kahit sila mabuhay; wala nang saulian dahil sa kaguluhan. Sila'y pare-parehong babagsakan ng poot ng Diyos at dahil sa kanilang kasamaan, walang matitirang buháy.
Ang Parusa sa Israel
14 “Humudyat na ang tambuli at handa na ang lahat ngunit walang lumabas upang makipagbaka pagkat pare-pareho silang inabot ng aking poot. 15 Nasa labas ng bayan ang digmaan, nasa loob naman ang salot at taggutom. Ang nasa bukid ay namamatay sa digmaan. Ang nasa loob ng bayan ay nauubos sa salot at taggutom. 16 Kung may makatakas man sa bundok, sila'y matatagpuan sa mga bundok, na parang mga kalapating lumisan sa mga libis; sila'y nangangatog[a] sa takot dahil sa kanilang kasamaan. 17 Lahat ng kamay ay nanghihina at bawat tuhod ay nangangatog. 18 Bawat isa'y nakabalot ng sako, pinaghaharian ng matinding takot. Ang kanilang mga ulo'y naahitan, nakatungo dahil sa laki ng kahihiyan. 19 Ipinagtatapon na sa lupa ang kanilang pilak. Ang mga ginto'y wala nang halaga. Ang pilak at ginto nila'y walang maitulong sa kanila sa araw ng poot ni Yahweh. Hindi mapawi ng mga ito ang kanilang gutom, hindi nila ito makain. Ibinagsak sila ng sariling kasamaan. 20 Ang naggagandahan nilang hiyas na ginamit sa kapalaluan at ginawang diyus-diyosan at iba pang kasuklam-suklam na mga bagay ay ginawa kong walang kabuluhan. 21 Ang pilak at ginto nila'y pababayaan kong nakawin ng ibang tao at ipasasamsam sa mga taong walang Diyos, pati itinuturing nilang sagrado upang ipasalaula sa mga ito. 22 Sila'y tatalikuran ko. Pababayaan kong salaulain pati ang aking Templo. Papasukin ito ng mga magnanakaw, sasalaulain, at gagawing isang dakong mapanglaw.
23 “Naghahari ang kaguluhan; laganap ang patayan sa lunsod at ito'y pinaghaharian ng karahasan. 24 Ang mga tirahan nila'y ipasasamsam ko sa pinakamasasamang bayan. Wawakasan ko na ang kanilang pagpapalalo at hahayaan kong masalaula ang kanilang banal na dako. 25 Darating sa kanila ang kaguluhan. Hahanapin nila ang kapanatagan ngunit hindi nila ito makikita. 26 Darating din sa kanila ang sapin-saping kapahamakan at nakakapangilabot na balita. Kaya't sasangguni sila sa propeta ngunit wala itong maipapahayag sa kanila. Hihingi sila ng payo sa mga pari ngunit wala itong maisasagot sa kanila. Pati ang matatanda'y walang masasabi sa kanila. 27 Mananaghoy ang hari, sasakmalin ng takot ang mga pinuno at manginginig sa takot ang mga karaniwang tao. Gagawin ko sa kanila ang nararapat sa kanilang gawa at hahatulan sila ayon sa kanilang pamumuhay. Sa gayon, malalaman nilang ako si Yahweh.”
Ama Natin ang Diyos
12 Kaya nga, dahil napapaligiran tayo ng napakaraming saksi, tanggalin natin ang anumang balakid at ang kasalanang kumakapit sa atin. Buong tiyaga tayong tumakbo sa takbuhing nasa ating harapan. 2 Ituon natin ang ating paningin kay Jesus. Sa kanya nakasalalay ang ating pananampalataya mula simula hanggang katapusan. Dahil sa kagalakang naghihintay sa kanya, hindi niya inalintana ang kahihiyan ng pagkamatay sa krus, at siya ngayo'y nakaupo sa kanan ng trono ng Diyos.
3 Isip-isipin ninyo kung gaano ang tiniis niyang pag-uusig sa kamay ng mga makasalanan, upang hindi kayo manlupaypay o panghinaan ng loob. 4 Hindi pa humahantong sa pagdanak ng dugo ang pakikipaglaban ninyo sa kasalanan. 5 Nalimutan(A) na ba ninyo ang panawagan ng Diyos sa inyo bilang mga anak niya, mga salitang nagpapalakas ng loob?
“Anak ko, huwag mong baliwalain ang pagtutuwid ng Panginoon,
at huwag kang panghihinaan ng loob kapag ikaw ay dinidisiplina niya.
6 Sapagkat dinidisiplina ng Panginoon ang mga minamahal niya,
at pinapalo ang itinuturing niyang anak.”
7 Tiisin ninyo ang lahat ng hirap tulad sa pagtutuwid ng isang ama, dahil ito'y nagpapakilalang kayo'y tinatanggap ng Diyos bilang tunay niyang mga anak. Sinong anak ang hindi dinidisiplina ng kanyang ama? 8 Kung ang pagdidisiplina na ginagawa sa lahat ng anak ay hindi gagawin sa inyo, hindi kayo tunay na mga anak kundi kayo'y mga anak sa labas. 9 Hindi ba't dinidisiplina tayo ng ating mga magulang, at dahil diyan ay iginagalang natin sila? Hindi ba't upang tayo'y mabuhay, mas nararapat na tayo'y pasakop sa Diyos na ating Ama sa espiritu? 10 Sa loob ng maikling panahon, dinisiplina tayo ng ating mga magulang para sa ating ikabubuti. Gayundin naman, itinutuwid tayo ng Diyos sa ikabubuti natin upang tayo'y maging banal tulad niya. 11 Habang tayo'y itinutuwid, hindi tayo natutuwa kundi naghihinagpis, ngunit pagkatapos niyon, mararanasan natin ang kapayapaang bunga ng pagsasanay sa matuwid na pamumuhay.
Mga Babala at mga Tagubilin
12 Dahil(B) dito'y itaas ninyo ang inyong mga nanghihinang kamay at patatagin ang mga nangangalog na tuhod. 13 Lumakad(C) kayo sa daang matuwid upang hindi lumala ang mga paang napilay at sa halip ay gumaling ang nalinsad na buto.
14 Sikapin ninyong makasundo ang lahat, at magpakabanal sapagkat hindi ninyo makikita ang Panginoon kung hindi kayo mamumuhay nang ganito. 15 Pag-ingatan(D) ninyong huwag tumalikod ang sinuman sa inyo sa pag-ibig ng Diyos. Huwag kayong magtanim ng sama ng loob na dahil dito'y napapasamâ ang iba. 16 Pag-ingatan(E) ninyo na huwag makiapid ang sinuman sa inyo, o pawalang-halaga ang mga bagay na espirituwal, tulad ng ginawa ni Esau. Ipinagpalit niya sa pagkain ang kanyang karapatan bilang panganay. 17 Alam(F) ninyo ang nangyari pagkatapos. Hiningi niya sa kanyang ama na igawad sa kanya ang pagpapalang nauukol sa panganay, ngunit ito'y itinanggi sa kanya sapagkat hindi na niya mababago ang kanyang ginawa, anuman ang gawin niyang pakiusap at pagluha.
18 Hindi(G) kayo lumapit sa isang bundok na nakikita, gaya ng mga Israelita sa bundok ng Sinai. Ito'y may apoy na nagliliyab, nababalutan ng dilim at may malakas na hangin. 19 Nakarinig sila roon ng tunog ng trumpeta at ng isang tinig. Nang ang tinig na iyon ay marinig ng mga tao, nakiusap silang huwag na itong magsalita sa kanila, 20 sapagkat(H) hindi nila kayang tanggapin ang utos na ito, “Ang sinumang tumapak sa bundok, kahit hayop, ay babatuhin hanggang sa mamatay.” 21 Talagang(I) nakakakilabot ang kanilang natanaw, kaya't pati si Moises ay nagsabing, “Nanginginig ako sa takot!”
22 Sa halip, ang nilapitan ninyo ay ang Bundok ng Zion at ang lungsod ng Diyos na buháy, ang Jerusalem sa langit, na kinaroroonan ng di mabilang na anghel. 23 Ang dinaluhan ninyo ay masayang pagtitipon[a] ng mga panganay na anak, na ang mga pangalan ay nakatala sa langit. Ang nilapitan ninyo ay ang Diyos na hukom ng lahat, at ang mga espiritu ng mga taong ginawang ganap. 24 Nilapitan ninyo si Jesus, ang tagapamagitan ng bagong tipan, at ang dugong iwinisik na may pangako ng mas mabubuting bagay kaysa sa isinisigaw ng dugo ni Abel.
25 Kaya't(J) huwag kayong tumangging makinig sa kanya na nagsasalita. Ang tumangging makinig sa nagsalita sa kanila dito sa lupa ay hindi nakaligtas sa parusa! Gaano pa kaya tayo, kung tayo'y tatangging makinig sa nagsasalita mula sa langit! 26 Dahil(K) sa kanyang tinig, nayanig noon ang lupa; ngunit ipinangako niya ngayon, “Minsan ko pang yayanigin, hindi lamang ang lupa, pati na rin ang langit.” 27 Ang mga salitang “Minsan pa” ay maliwanag na nagsasabing aalisin ang mga nilikhang nayayanig, upang manatili ang mga bagay na di-nayayanig.
28 Kaya magpasalamat tayo sa Diyos sapagkat tumanggap tayo ng isang kahariang hindi nayayanig. Sambahin natin ang Diyos sa paraang kalugud-lugod sa kanya, may paggalang at pagkatakot, 29 sapagkat(L) tunay nga na ang ating Diyos ay apoy na tumutupok.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.