Old/New Testament
Ang Mapayapang Kaharian
11 Naputol(A) na tulad ng punongkahoy, ang paghahari ng anak ni Jesse.
Ngunit katulad ng pag-usbong ng mga bagong sanga sa pinutol na puno, sa lahi niya'y lilitaw ang isang bagong hari.
2 Mananahan sa kanya ang Espiritu[a] ni Yahweh,
ang espiritu ng karunungan at pang-unawa,
ng mabuting payo at kalakasan,
kaalaman at pagsunod at paggalang kay Yahweh.
3 Kagalakan niya ang sumunod at gumalang kay Yahweh.
Hindi siya hahatol ayon sa kanyang nakita,
o magpapasya batay sa kanyang narinig.
4 Ngunit(B) hahatulan niya ng buong katuwiran ang mga dukha,
at ipagtatanggol ang karapatan ng mga kaawa-awa.
Tulad ng pamalo ang kanyang mga salita,
sa hatol niya'y mamamatay ang masasama.
5 Maghahari(C) siyang may katarungan,
at mamamahala ng may katapatan.
6 Maninirahan(D) ang asong-gubat sa piling ng kordero,
mahihiga ang leopardo sa tabi ng batang kambing,
magkasamang manginginain ang guya at ang batang leon,
at ang mag-aalaga sa kanila'y isang batang paslit.
7 Ang baka at ang oso'y magkasamang manginginain,
ang mga anak nila'y mahihigang magkakatabi,
ang leon ay kakain ng damo tulad ng baka.
8 Maglalaro ang sanggol sa tabi ng lungga ng ahas,
hindi mapapahamak ang batang munti kahit pa isuot nito ang kanyang kamay sa lungga ng ulupong.
9 Walang(E) mananakit o mamiminsala
sa nasasaklaw ng aking bundok na pinagpala;
sapagkat ang buong mundo ay mapupuno ng mga taong kumikilala kay Yahweh,
kung paanong ang karagatan ay napupuno ng tubig.
Ang Pagbabalik ng mga Itinapon
10 Sa(F) araw na iyon, lilitaw ang isang hari mula sa angkan ni Jesse,
at ito ang magiging palatandaan para sa mga bansa.
Ang mga bansa'y tutungo sa banal na lunsod upang siya'y parangalan.
11 Sa araw na iyon, muling kikilos ang Panginoon
upang pauwiin ang mga nalabi sa kanyang bayan na mga bihag sa Asiria, sa Egipto, sa Patros, sa Etiopia,[b] sa Elam,
sa Sinar, sa Hamat at sa mga pulo sa karagatan.
12 Magbibigay siya ng isang palatandaan sa mga bansa,
at titipunin niya ang mga anak nina Israel at Juda na itinapon sa ibang lupain.
Pauuwiin ang mga nangalat na anak ni Juda
mula sa apat na sulok ng daigdig.
13 Mapapawi na ang pagkainggit ng Israel,
at mapuputol na ang pagkamarahas ng Juda.
Hindi na maninibugho ang Israel sa Juda,
at hindi na kakalabanin ng Juda ang Israel.
14 Lulusubin nila ang mga Filisteo sa kanluran
at magkasama nilang sasamsamin ang ari-arian, ang mga bansa sa silangan;
sasakupin nila ang Edom at Moab,
at susundin sila ng mga Ammonita.
15 Tutuyuin(G) ni Yahweh ang Dagat ng Egipto,
at magpapadala siya ng mainit na hangin
upang tuyuin ang Ilog Eufrates.
Ang matitira lang ay pitong maliliit na batis
na tatawiran ng mga tao.
16 At magkakaroon ng isang malapad na daan mula sa Asiria
para sa mga nalabi sa kanyang bayan,
kung paanong ang Israel ay may nadaanan
nang sila'y umalis mula sa Egipto.
Awit ng Pasasalamat
12 Sa araw na iyon ay aawitin ng mga tao ang ganito:
“Yahweh, ikaw ay aking pasasalamatan,
sapagkat kung nagalit ka man sa akin noon,
nawala na ang galit mo ngayon, at ako'y iyong inaliw.
2 Tunay(H) na ang Diyos ang aking kaligtasan,
sa kanya ako magtitiwala at hindi ako matatakot,
sapagkat ang Panginoong Yahweh ang aking kapangyarihan at kalakasan,
siya ang aking tagapagligtas.
3 Malugod kayong sasalok ng tubig sa balon ng kaligtasan.”
4 Sasabihin ninyo sa araw na iyon:
“Magpasalamat kayo kay Yahweh, siya ang inyong tawagan;
ipaalam ninyo sa mga bansa ang kanyang mga gawa,
ipahayag ninyo ang kadakilaan ng kanyang pangalan.
5 Umawit kayo ng papuri kay Yahweh, sapagkat kahanga-hanga ang kanyang mga ginawa,
ibalita ninyo ito sa buong daigdig.
6 Mga taga-Zion, sumigaw kayo at umawit nang buong galak,
sapagkat nasa piling ninyo ang dakila at ang Banal na Diyos ng Israel.”
Paparusahan ng Diyos ang Babilonia
13 Narito(I) ang isang pahayag mula sa Diyos tungkol sa Babilonia, sa isang pangitain na nakita ni Isaias na anak ni Amoz:
2 Itayo mo ang isang bandila sa tuktok ng burol,
isigaw sa mga kawal ang hudyat ng paglusob,
lusubin ang mga pintuan ng palalong lunsod.
3 Inutusan ko na ang aking mga piling kawal,
tinawagan ko na ang magigiting kong mandirigma. Malalakas sila at masisigla,
upang ipalasap ang aking galit.
4 Pakinggan ninyo ang nagkakagulong ingay sa kabundukan
dahil sa dami ng tao.
Pakinggan ninyo ang ugong ng mga kaharian,
ng mga bansang nagkakatipon!
Inihahanda na ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat
ang kanyang mga hukbo para sa isang digmaan.
5 Dumarating sila buhat sa malayong lupain,
buhat sa dulo ng daigdig.
Dumarating na si Yahweh,
upang wasakin ang buong lupain dahil sa kanyang poot.
6 Manangis(J) kayo sapagkat malapit na ang araw ni Yahweh,
darating na ang araw ng pangwawasak ng Diyos na Makapangyarihan.
7 Sa araw na iyon, manghihina ang lahat ng kamay.
Manlulupaypay ang lahat ng tao,
8 ang lahat ng tao'y masisindak,
at manginginig sa takot,
makadarama sila ng paghihirap, tulad ng isang babaing manganganak.
Matatakot sila sa isa't isa;
mamumula ang kanilang mukha dahil sa kahihiyan.
9 Dumarating na ang araw ni Yahweh,
malupit ito at nag-aalab sa matinding poot,
upang wasakin ang lupain
at ang masasama ay lipulin.
10 Hindi(K) na magniningning
ang liwanag ng mga bituin sa kalangitan,
magiging madilim ang araw sa pagsikat,
pati ang buwan ay hindi na magsasabog ng liwanag.
11 “Paparusahan ko ang daigdig dahil sa kasamaan nito,
at ang masasama dahil sa kanilang kasalanan;
wawakasan ko na ang pagmamataas ng mga palalo,
at puputulin ko na ang kayabangan ng mga walang awa.
12 Kaunti lamang ang ititira kong tao
at magiging mahirap pa silang hanapin kaysa gintong lantay na galing sa Ofir.
13 Kaya nga yayanigin ko ang kalangitan,
at ang lupa ay malilihis sa kinalalagyan nito,
sa araw na isinabog ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat
ang kanyang matinding poot.
14 Parang usang hinahabol,
parang tupang walang pastol,
ang mga tao'y babalik sa kani-kanilang bayan,
sila ay tatakas pabalik sa sariling lupain.
15 Ang bawat mahuli'y papatayin sa pamamagitan ng tabak.
16 Sa harapan nila'y
luluray-lurayin ang kanilang mga sanggol,
lilimasin ang mga ari-arian sa kanilang mga tahanan,
at ang kanilang mga asawa'y pagsasamantalahan.”
17 Sinabi pa ni Yahweh,
“Ipasasalakay ko sila sa mga taga-Media,
mga taong walang pagpapahalaga sa pilak
at di natutukso sa ginto.
18 Papatayin nila sa pamamagitan ng pana ang mga kabataang lalaki,
hindi nila kahahabagan ang mga sanggol at mga bata.
19 Ang(L) Babilonia, na pinakamaganda sa mga kaharian,
ang kayamanang ipinagmamalaki ng mga taga-Babilonia,
ay pababagsakin ng Diyos
tulad sa Sodoma at Gomorra.
20 Wala nang taong maninirahan doon kahit kailan,
wala nang Arabong magtatayo ng tolda roon,
wala nang pastol na mag-aalaga ng tupa doon.
21 Mga(M) hayop na maiilap ang mananahan doon,
titirhan ng mga ostrits ang kanyang mga bahay,
pagtataguan ang mga iyon ng mga ostrits
at maglulundagan doon ang mga maiilap na kambing.
22 Aatungal ang mga hiyena sa kanyang mga tore,
aalulong ang mga asong-gubat sa kanyang mga palasyo.
Nalalapit na ang wakas ng Babilonia,
hindi na siya magtatagal.”
Ang Pagkakaisa sa Espiritu
4 Kaya't ako, na isang bilanggo dahil sa Panginoon, ay nakikiusap sa inyo na mamuhay kayo gaya ng nararapat sa mga tinawag ng Diyos. 2 Kayo'y(A) maging mapagpakumbaba, mahinahon at matiyaga. Magparaya kayo dahil sa inyong pagmamahal sa isa't isa. 3 Sikapin ninyong mapanatili ang pagkakaisang mula sa Espiritu, sa pamamagitan ng kapayapaang nagbubuklod sa inyo. 4 May iisang katawan at iisang Espiritu, kung paanong may iisang pag-asa na para doon kayo'y tinawag ng Diyos. 5 May iisang Panginoon, iisang pananampalataya at iisang bautismo, 6 iisang Diyos at Ama nating lahat. Siya ay higit sa lahat, kumikilos sa lahat, at nananatili sa lahat.
7 Ang bawat isa sa ati'y nakatanggap ng tanging kaloob, ayon sa sukat na ibinigay ni Cristo. 8 Ganito(B) ang sinasabi ng kasulatan:
“Nang umakyat siya sa kalangitan,
nagdala siya ng maraming bihag,
at nagbigay ng mga kaloob sa mga tao.”
9 Anong ibig sabihin ng “umakyat siya”? Ang ibig sabihin niyan ay bumabâ muna siya sa mga kailalimang bahagi ng lupa.[a] 10 Ang bumabâ ay siya rin namang umakyat sa kaitaasan ng kalangitan upang mapuno ng kanyang presensya ang buong sangnilikha. 11 At binigyan niya ang ilan ng kaloob upang maging mga apostol, ang iba nama'y mga propeta, ang iba'y mga ebanghelista, at ang iba'y mga pastor at mga guro. 12 Ginawa niya ito upang ihanda sa paglilingkod ang lahat ng mga hinirang, upang maging matatag ang katawan ni Cristo, 13 hanggang makarating tayo sa pagkakaisa ng pananampalataya at pagkakilala sa Anak ng Diyos, at maging ganap ang ating pagkatao ayon sa pagiging-ganap ni Cristo. 14 Nang sa gayon, hindi na tayo magiging tulad sa mga batang madaling matangay ng sari-saring aral. Hindi na tayo maililigaw ng mga taong ang hangad ay dalhin tayo sa kamalian sa pamamagitan ng kanilang katusuhan at panlilinlang. 15 Sa halip, sa pamamagitan ng pagsasalita ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig, tayo'y dapat maging lubos na katulad ni Cristo na siyang ulo nating lahat. 16 Sa pamamagitan niya, ang buong katawan ay pinag-uugnay-ugnay ng mga kasukasuan na mula rin sa kanya. At kung maayos na gumaganap ng tungkulin ang bawat bahagi, lumalaki ang katawan at pinapatatag nito ang sarili sa pamamagitan ng pag-ibig.
Ang Bagong Buhay kay Cristo
17 Sa pangalan ng Panginoon, binabalaan ko kayo: huwag na kayong mamuhay tulad ng mga hindi sumasampalataya. Walang kabuluhan ang kanilang iniisip, 18 at wala silang pang-unawa. Dahil sa kanilang kamangmangan at katigasan ng ulo, wala silang bahagi sa buhay na kaloob ng Diyos. 19 Sila'y naging alipin ng kahalayan at wala na silang kahihiyan. Wala na silang inaatupag kundi pawang kalaswaan.
20 Hindi ganyan ang natutunan ninyo tungkol kay Cristo. 21 Napakinggan na ninyo ang aral ni Jesus at natutunan na ninyo ang katotohanang nasa kanya. 22 Iwan na ninyo ang dating pamumuhay. Hubarin na ninyo ang inyong dating pagkatao na nasisira dahil sa masasamang pagnanasa. 23 Magbago na kayo ng diwa at pag-iisip; 24 at(C) ang dapat ninyong isuot ay ang bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Diyos, at nahahayag sa matuwid at banal na pamumuhay ayon sa katotohanan.
25 Dahil(D) dito, itakwil na natin ang pagsisinungaling at tayong lahat ay magsabi ng totoo sa isa't isa, sapagkat tayo'y bahagi ng iisang katawan. 26 Kung(E) magagalit man kayo, iwasan ninyo ang kayo'y magkasala. Huwag ninyong hayaang lumubog ang araw na galit pa rin kayo. 27 Huwag ninyong bigyan ng pagkakataon ang diyablo. 28 Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw; sa halip, magtrabaho siya nang marangal para sa sariling ikabubuhay at makatulong sa mga nangangailangan. 29 Huwag kayong gumamit ng masasamang salita kundi iyong makapagpapalakas at angkop sa pagkakataon upang makapagdulot ng mabuti sa mga nakakarinig. 30 At huwag ninyong saktan ang kalooban ng Espiritu Santo, sapagkat siya ang tatak ng Diyos sa inyo, ang katibayan na kayo'y tutubusin pagdating ng takdang araw. 31 Alisin na ninyo ang lahat ng sama ng loob, poot at galit; huwag na kayong mambubulyaw, manlalait at mananakit ng damdamin ng kapwa. 32 Sa(F) halip, maging mabait kayo at maawain; magpatawad kayo sa isa't isa tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos dahil kay Cristo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.