Old/New Testament
Babala sa Israel
28 Kawawa ang Israel, sapagkat naglalaho na ang kanyang karangalan;
parang kumukupas na kagandahan ng bulaklak sa ulo ng mga lasenggong pinuno.
May pabango nga sila sa ulo ngunit animo'y patay na nakahiga dahil sa kalasingan.
2 Narito, may inihanda na ang Panginoon, isang taong malakas at makapangyarihan;
sinlakas ito ng isang mapaminsalang bagyo,
taglay ang malakas na hangin, ulan at rumaragasang baha,
upang palubugin ang buong lupa.
3 Yuyurakan ang ipinagmamalaking karangalan
ng mga lasenggong pinuno ng Israel.
4 Mabilis ang pagkawala ng kanyang nagniningning na kagandahan
tulad ng pagkaubos ng mga unang bunga ng igos,
na agad kinukuha at kinakain kapag nahinog.
5 Sa araw na iyon, si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat
ang magiging maningning na korona ng mga nalabing hinirang.
6 Siya ang papatnubay sa mga hukom upang maging makatarungan sa paghatol;
at magbibigay ng tapang at lakas
sa mga tagapagtanggol ng bayan laban sa mga kaaway.
Si Isaias at ang mga Lasenggong Propeta ng Juda
7 Sumusuray na sa kalasingan
ang mga pari at mga propeta kaya sila'y nalilito.
Hindi na maunawaan ng mga propeta ang nakikita nilang pangitain;
at hindi na matuwid ang paghatol ng mga pari.
8 Ang lahat ng mesa'y punô ng kanilang suka,
nakakapandiri ang buong paligid.
9 Ganito ang sinasabi nila laban sa akin:
“Ano kaya ang palagay ng taong ito sa atin;
sino bang nais niyang turuan at pagpaliwanagan?
Ang sinabi niya'y para lamang sa mga batang musmos
na nangangailangan pa ng gatas.
10 Sinong makikinig sa kanyang pamamaraan:
Isa-isang letra, isa-isang linya,
at isa-isang aralin!”
11 Kaya(A) naman magsasalita si Yahweh sa bayang ito
sa pamamagitan ng mga dayuhan, siya'y magtuturo.
12 Ganito ang kanyang sasabihin:
“Narito ang tunay na kapahingahan para sa mga napapagal,”
ngunit hindi nila ito pinakinggan.
13 Kaya ganito ang pagtuturo ni Yahweh sa kanila:
“Isa-isang letra, isa-isang linya,
at isa-isang aralin;”
at sa kanilang paglakad, sila'y mabubuwal,
mahuhulog sa bitag, masasaktan at mabibihag.
Isang Batong Saligan para sa Zion
14 Kaya't ngayon ay dinggin ninyo si Yahweh, kayong mga walang galang na pinuno,
na namamahala sa Lunsod ng Jerusalem.
15 Sapagkat(B) sinabi ninyo, “Nakipagkasundo na kami sa kamatayan,
gayundin sa daigdig ng mga patay.
Kaya hindi na kami mapapahamak
dumating man ang malagim na sakuna;
ginawa na naming kuta ang kasinungalingan,
at pandaraya ang aming kanlungan.”
16 Ito(C) ngayon ang sinasabi ng Panginoong Yahweh:
“Naglalagay ako sa Zion ng batong-panulukan,
subok, mahalaga, at matatag na pundasyon;
‘Ang magtiwala rito'y hindi mapapahiya.’
17 Gagawin kong panukat ang katarungan,
at pamantayan ang katuwiran;
wawasakin ng bagyo
at aanurin ng baha ang lahat ng silungan ng kasinungalingan.”
18 Ang pakikipagkasundo mo sa kamatayan
at sa daigdig ng mga patay ay mawawalan ng bisa at masisira,
at kapag dumating ang baha,
lahat kayo'y matatangay.
19 Araw-araw, sa umaga't gabi
ang bahang ito'y daraan at kayo'y tatangayin;
maghahasik ito ng sindak at takot
upang maunawaan ang mensahe nito.
20 Sapagkat mangyayari sa inyo ang isinasaad ng kasabihan:
‘Maikli ang kamang inyong higaan,
at makitid ang kumot para sa katawan.’
21 Sapagkat(D) tulad ng ginawa sa Bundok ng Perazim,
tatayo si Yahweh at ipadarama ang kanyang galit;
tulad din ng ginawa niya sa Libis ng Gibeon,
gagawin niya ang kanyang magustuhan kahit hindi siya maunawaan,
at tanging siya lang ang nakakaalam.
22 Kaya huwag ka nang magyabang,
baka ang gapos mo ay lalong higpitan.
Sapagkat narinig ko na ang utos ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon,
na wasakin ang buong lupain.
Ang Karunungan ng Diyos
23 Itong aking tinig ay iyong dinggin,
ang sinasabi ko'y iyong unawain.
24 Ang nagsasaka ba'y lagi na lamang pag-aararo
at pagsusuyod ang gagawin sa kanyang bukid?
25 Hindi ba't kung maihanda na ang lupa,
ito'y sinasabugan niya ng anis at linga?
Hindi ba tinatamnan niya ito ng trigo't sebada
at sa mga gilid naman ay espelta?
26 Iyan ang tamang gawain
na itinuro ng Diyos sa tao.
27 Ang anis at linga ay hindi ginagamitan
ng gulong o mabigat na panggiik.
Banayad lamang itong nililiglig o pinapalo.
28 Dinudurog ba ang butil na ginagawang tinapay?
Hindi ito ginigiik nang walang tigil,
pinararaanan ito sa hinihilang kariton
ngunit hindi pinupulbos.
29 Ang mensaheng ito'y mula kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat,
mahusay ang kanyang payo
at kahanga-hanga ang kanyang karunungan.
Kinubkob ang Jerusalem
29 Kawawa ang Jerusalem,
ang lunsod na himpilan ni David!
Hayaang dumaan ang taunang pagdiriwang ng mga kapistahan,
2 at pagkatapos ay wawasakin ko ang lunsod na tinatawag na “altar ng Diyos!”
Maririnig dito ang panaghoy at pagtangis,
ang buong lunsod ay magiging parang altar na tigmak ng dugo.
3 Kukubkubin kita,
at magtatayo ako ng mga kuta sa paligid mo.
4 Dahil dito, ikaw ay daraing mula sa lupa,
maririnig mo ang iyong tinig na nakakapangilabot,
nakakatakot na parang tinig ng isang multo,
at parang bulong mula sa alabok.
5 Ngunit ang lulusob sa iyo ay liliparin na parang abo,
parang ipang tatangayin ng hangin ang nakakatakot nilang hukbo.
6 Si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ay biglang magpapadala
ng dumadagundong na kulog, lindol,
buhawi, at naglalagablab na apoy upang iligtas ka.
7 Ang lahat ng bansang kumalaban sa Jerusalem,
ang kanilang mga sandata at kagamitan,
ay maglalahong parang isang panaginip, parang isang pangitain sa gabi.
8 Parang isang taong gutom na nanaginip na kumakain,
at nagising na gutom pa rin;
o taong uhaw na nanaginip na umiinom,
ngunit uhaw na uhaw pa rin nang siya'y magising.
Gayon ang sasapitin,
ng lahat ng bansang lumalaban sa Jerusalem.
Bulag at Mapagmalaki ang Israel
9 Magwalang-bahala kayo at mag-asal mangmang,
bulagin ang sarili at nang hindi makakita!
Malasing kayo ngunit hindi sa alak,
sumuray kayo kahit hindi nakainom.
10 Sapagkat(E) pinadalhan kayo ni Yahweh
ng espiritu ng matinding antok;
tinakpan niya ang inyong mga mata, kayong mga propeta,
tinakpan din niya ang inyong mga ulo, kayong mga manghuhula.
11 Ang kahulugan ng lahat ng pangitaing ito ay parang aklat na nakasara. Kung ipababasa mo ito sa taong nakakaunawa, ang sasabihin niya'y, “Ayoko, hindi ko mababasa sapagkat nakasara.” 12 Kung ipababasa mo naman sa hindi marunong bumasa, ito ang isasagot sa iyo, “Hindi ako marunong bumasa.”
13 Sasabihin(F) naman ni Yahweh,
“Sa salita lamang malapit sa akin ang mga taong ito,
at sa bibig lamang nila ako iginagalang,
subalit inilayo nila sa akin ang kanilang puso,
at ayon lamang sa utos ng tao ang kanilang paglilingkod.
14 Kaya(G) muli akong gagawa
ng kababalaghan sa harapan nila,
mga bagay na kahanga-hanga at kataka-taka;
mawawalang-saysay ang karunungan ng kanilang mga matatalino,
at maglalaho ang katalinuhan ng kanilang matatalino.”
Ang Pag-asa sa Hinaharap
15 Kaawa-awa ang mga nagtatago kay Yahweh habang sila'y gumagawa ng mga panukala.
Sila na nagsasabing: “Doon kami sa gitna ng dilim
upang walang makakakilala o makakakita sa amin!”
16 Binabaligtad(H) ninyo ang katotohanan!
Masasabi ba ng palayok sa gumagawa nito,
“Hindi naman ikaw ang humugis sa akin;”
at masasabi ba ng nilikha sa lumikha sa kanya,
“Hindi mo alam ang iyong ginagawa”?
17 Tulad ng kasabihan:
“Hindi magtatagal
at magiging bukirin ang kagubatan ng Lebanon,
at ang bukirin naman ay magiging kagubatan.”
18 Sa araw na iyon maririnig ng bingi
ang pagbasa sa isang kasulatan;
at mula sa kadiliman,
makakakita ang mga bulag.
19 Ang nalulungkot ay muling liligaya sa piling ni Yahweh,
at pupurihin ng mga dukha ang Banal na Diyos ng Israel.
20 Sapagkat mawawala na ang malupit at mapang-api,
gayon din ang lahat ng mahilig sa kasamaan.
21 Lilipulin ni Yahweh ang lahat ng naninirang-puri,
mga sinungaling na saksi
at mga nagkakait ng katarungan sa matuwid.
22 Kaya ito ang sinasabi ni Yahweh, ang tumubos kay Abraham,
tungkol sa sambahayan ni Jacob:
“Wala nang dapat ikahiya o ikatakot man,
ang bayang ito mula ngayon.
23 Kapag nakita nila ang kanilang mga anak
na ginawa kong dakilang bansa,
makikilala nila na ako ang Banal na Diyos ni Jacob;
igagalang nila ang itinatanging Diyos ni Israel.
24 Magtatamo ng kaunawaan ang mga napapalayo sa katotohanan,
at tatanggap ng pangaral ang mga matitigas ang ulo.”
Ang Tunay na Pagiging Matuwid
3 Sa wakas, mga kapatid, magalak kayo sa Panginoon. Hindi kaabalahan para sa akin na ulitin ang naisulat ko na, dahil ito naman ay para sa inyong kapakanan.
2 Mag-ingat kayo sa mga taong asal-aso, sa mga taong mahilig sa paggawa ng masama. Sila'y mga taong naghihiwa ng maselang bahagi ng kanilang katawan. 3 Tayo at hindi sila, ang tumanggap ng tunay na pagtutuli, tayong mga sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang Espiritu. Ang ipinagmamalaki natin ay ang ating buhay kay Cristo Jesus at hindi tayo umaasa sa mga pisikal na bagay.
4 Ang totoo, ako'y may sapat na dahilan upang panghawakan ang mga pisikal na bagay. Kung iniisip ninuman na siya'y may katuwirang umasa sa ganitong mga bagay, lalo na ako. 5 Ako'y(A) tinuli sa ikawalong araw mula nang ako'y isilang. Ako'y isang tunay na Israelita, buhat sa angkan ni Benjamin at totoong Hebreo. Kung pagsunod naman sa Kautusan ang pag-uusapan, ako'y isang Pariseo. 6 Kung(B) sa pagiging masugid ko sa Kautusan, inusig ko ang iglesya. Kung sa pagiging matuwid naman ayon sa Kautusan, walang maisusumbat sa akin.
7 Ngunit dahil kay Cristo, ang mga bagay na pinapahalagahan ko noon ay itinuring kong walang kabuluhan ngayon. 8 Oo, itinuturing kong walang kabuluhan ang lahat ng bagay bilang kapalit ng lalong mahalaga, ang pagkakilala kay Cristo Jesus na aking Panginoon. Ang lahat ng bagay ay ipinalagay kong walang kabuluhan at itinuring kong basura, makamtan ko lamang si Cristo 9 at lubos na makipag-isa sa kanya. Ang aking pagiging matuwid ay hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, kundi sa pananalig kay Cristo. Ang pagiging matuwid ko ngayo'y buhat sa Diyos, sa pamamagitan ng pananampalataya. 10 Ang tanging hangarin ko ngayon ay lubusang makilala si Cristo, maranasan ang kapangyarihan ng kanyang muling pagkabuhay, makibahagi sa kanyang mga paghihirap, at maging katulad niya sa kanyang kamatayan, 11 umaasang ako man ay muling bubuhayin mula sa kamatayan.
Magpatuloy Tungo sa Hangganan
12 Hindi sa nakamtan ko na ang mga bagay na ito. Hindi rin sa ako'y ganap na; ngunit sinisikap kong makamtan ang gantimpala sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako'y tinawag ni Cristo Jesus. 13 Mga kapatid, hindi ko ipinapalagay na nakamit ko na ito. Ngunit isang bagay ang ginagawa ko: habang nililimot ko ang nakaraan at sinisikap na marating ang layuning nais kong makamtan, 14 nagpupunyagi ako patungo sa hangganan upang makamtan ang gantimpala ng pagkatawag sa akin ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus, ang buhay na nasa langit.
15 Ganyan ang dapat maging kaisipan nating mga matatag na sa pananampalataya. Kung hindi ganito ang inyong pag-iisip, ipapaunawa iyan sa inyo ng Diyos. 16 Ang mahalaga ay panghawakan natin ang ating nakamtan na.
17 Mga(C) kapatid, magkaisa kayong tumulad sa halimbawang ipinakita ko sa inyo. Pag-ukulan din ninyo ng pansin ang lahat ng sumusunod sa aming halimbawa. 18 Sapagkat tulad ng madalas kong sinasabi sa inyo noon at ngayo'y luhaang inuulit ko, marami ang namumuhay bilang mga kaaway ng krus ni Cristo. 19 Kapahamakan ang kahihinatnan nila sapagkat ang dinidiyos nila ay ang hilig ng kanilang katawan. Ikinararangal nila ang mga bagay na dapat sana nilang ikahiya, at wala silang iniisip kundi ang mga bagay na may kinalaman sa mundong ito. 20 Subalit sa kabilang dako, tayo ay mga mamamayan ng langit. Mula roo'y hinihintay nating may pananabik ang Panginoong Jesu-Cristo, ang ating Tagapagligtas. 21 Sa pamamagitan ng kapangyarihang ginamit niya sa pagpapasuko sa lahat ng bagay, ang ating katawang may kahinaan ay babaguhin niya upang maging katulad ng kanyang katawang maluwalhati.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.