Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Isaias 43-44

Ililigtas ng Diyos ang Kanyang Bayan

43 Israel, ito ang sinasabi ni Yahweh na lumikha sa iyo,
“Huwag kang matatakot sapagkat ililigtas kita.
    Tinawag kita sa iyong pangalan, ikaw ay akin.
Kapag dumaan ka sa malalim na tubig, sasamahan kita;
    tumawid ka man sa mga ilog, hindi ka malulunod;
dumaan ka man sa apoy, hindi ka masusunog,
    hindi ka matutupok.
Sapagkat ako si Yahweh na iyong Diyos,
    ang Banal na Diyos ng Israel na iyong Tagapagligtas.
Ibibigay ko ang Egipto,
    Etiopia[a] at Sheba bilang pantubos sa iyo upang ikaw ay makalaya.
Ibibigay ko ang mga bansa para lang maligtas ka,
    sapagkat mahalaga ka sa akin;
    mahal kita, kaya't pararangalan kita.
Huwag kang matakot, sapagkat ako'y kasama mo!
Titipunin ko kayo mula sa dulong silangan hanggang sa kanluran,
    at ibabalik ko kayo sa inyong dating tahanan.
Sasabihin ko sa mga bansa sa hilaga na kayo'y palayain.
    Sasabihin ko rin sa mga bansa sa timog na huwag kayong pigilan,
hayaan ninyong magbalik ang aking bayan, mula sa malalayong dako;
    mula sa lahat ng panig ng daigdig.
Sila ang aking bayan na aking nilalang,
    upang ako'y bigyan ng karangalan.”

Saksi ni Yahweh ang Israel

Sinabi ni Yahweh,
“Paharapin ninyo sa akin ang aking bayan.
    Sila'y may mga mata ngunit hindi nakakakita,
    may mga tainga ngunit hindi nakakarinig.
Tawagin ang mga bansa sa panahon ng paglilitis.
    Sino sa kanilang diyos ang makakahula sa mangyayari?
    Sino sa kanila ang nakahula sa nangyayari ngayon?
Bayaan silang magharap ng mga saksi
    para patunayan ang kanilang sinasabi
    at patunayang sila ay tama.
10 Bayang Israel, ikaw ang saksi ko,
    pinili kita upang maging lingkod ko,
upang makilala mo ako at manalig ka sa akin.
Walang ibang Diyos maliban sa akin,
    walang nauna at wala ring papalit.
11 Ako ay si Yahweh, wala nang iba pa;
    walang ibang Tagapagligtas, maliban sa akin.
12 Noong una pa man ako'y nagpahayag na.
    Ako ang nagligtas sa iyo, at ang nagbalita ng lahat ng ito.
Noon ay wala pa kayong kinikilalang ibang diyos;
    kayo ang mga saksi ko.
13 Ako ang Diyos at mananatili akong Diyos magpakailanman,
walang makakatakas sa aking kapangyarihan;
    at walang makakahadlang sa aking ginagawa.”

Paglaya Mula sa Babilonia

14 Sinabi pa ni Yahweh,
    ang Tagapagligtas, at Banal na Diyos ng Israel:
“Magpapadala ako ng hukbo laban sa Babilonia alang-alang sa iyo.
    Gigibain ko ang mga pintuan ng kanyang lunsod
    at mauuwi lamang sa iyakan ang kasayahan ng mga tagaroon.
15 Ako si Yahweh, ang iyong Diyos na Banal,
    ang Hari ng Israel na sa iyo'y lumalang!
16 Iyan ang sinasabi ni Yahweh, na siyang gumawa ng daan sa gitna ng dagat,
    upang maging kalsadang tawiran.
17 Siya ang nanguna upang malupig ang isang malaking hukbo.
    Nilipol niya ang kanilang mga kabayo.
At ang kanilang mga karwahe'y winasak;
    sila'y nabuwal at hindi na nakabangon;
    parang isang ilaw na namatay ang dingas.”
18 Ito ang sabi niya:
“Ilibing mo na sa limot, at huwag nang alalahanin pa,
    ang mga nangyari noong unang panahon.
19 Masdan mo, ako ay gagawa ng isang bagong bagay;
    ito'y nagaganap na, hindi mo pa ba makita?
Gagawa ako ng isang daanan sa gitna ng disyerto,
    at magkakaroon ng ilog sa lugar na ito.
20 Pararangalan ako maging ng mababangis na hayop
    gaya ng mga asong-gubat at mga ostrits,
sapagkat nagpabukal ako ng tubig sa disyerto,
    upang may mainom ang mga taong hinirang ko.
21 Nilalang ko sila upang maging aking bayan,
    upang ako'y kanilang laging papurihan!”

Ang Kasalanan ng Israel

22 Sinabi ni Yahweh,
“Ngunit ikaw, Israel, ang lumimot sa akin;
    at ayaw mo na akong sambahin.
23 Hindi ka na nagdadala ng mga tupang sinusunog bilang handog;
    hindi mo na ako pinaparangalan sa pamamagitan ng iyong mga hain.
Hindi kita pinilit na maghandog sa akin,
    o pinahirapan man sa pagsusunog ng insenso.
24 Hindi mo ako ibinili ng mabangong insenso
    o kaya'y hinandugan man lang ng taba ng hayop.
Sa halip ay gumawa ka ng maraming kasalanan,
    pinahirapan mo ako sa iyong kasamaan.

25 “Gayunman, ako ang Diyos
    na nagpatawad sa iyong mga kasalanan;
hindi ko na aalalahanin pa ang iyong mga kasalanan.
26 Magharap tayo sa hukuman,
    patunayan mong ikaw ay may katuwiran.
27 Nagkasala sa akin ang kauna-unahan mong ninuno,
    gayon din ang iyong mga pinuno.
28 Ang aking santuwaryo ay nilapastangan ng iyong mga pinuno,[b]
    kaya pinabayaan kong mawasak ang Israel,
    at mapahiya ang aking bayan.”

Si Yahweh Lamang ang Diyos

44 Sinabi ni Yahweh,
    “Ikaw Jacob, na lingkod ko, ako ay pakinggan;
    lahi ni Israel, ang pinili kong bayan!
Akong si Yahweh ang sa iyo ay lumalang;
    tinulungan na kita mula nang ikaw ay isilang.
Huwag kang matakot, ikaw na aking lingkod,
    ang bayan kong minamahal.
Aking ibubuhos ang saganang tubig sa uhaw na lupa,
    sa tuyong lupa maraming batis ang padadaluyin.
Ibubuhos ko sa iyong mga anak ang aking Espiritu,
    at ang mga liping susunod sa iyo ay pagpapalain.
Sila ay sisibol tulad ng damong sagana sa tubig,
    sila'y dadaloy tulad ng halaman sa tabi ng batis.
Bawat isa'y magsasabing, ‘Ako ay kay Yahweh.’
    Sila ay darating upang makiisa sa Israel.
Itatatak nila sa kanilang mga bisig ang pangalan ni Yahweh,
    at sasabihing sila'y kabilang sa bayan ng Diyos.”

Ang(A) sabi ni Yahweh, ang Hari at Tagapagligtas ng Israel,
    ang Makapangyarihan sa lahat:
“Ako ang simula at ang wakas;
    walang ibang diyos maliban sa akin.
Sino ang makakagawa ng mga ginawa ko?
    Sino ang makakapagsabi sa mga nangyari mula simula hanggang wakas?
Huwag kayong matakot, bayan ko!
Alam mong sa pasimula pa'y ipinahayag ko na ang mga mangyayari;
    kayo'y mga saksi sa lahat ng ito.
Mayroon pa bang diyos maliban sa akin?
Wala nang hihigit pa sa aking kapangyarihan!”

Hinamak ang Pagsamba sa Diyus-diyosan

Walang kuwentang tao ang mga gumagawa ng rebulto, at walang kabuluhan ang mga diyus-diyosang kanilang pinahahalagahan. Mga bulag at hangal ang sumasamba sa mga ito, kaya sila'y mapapahiya. 10 Walang idudulot na mabuti ang paggawa ng mga rebulto para sambahin. 11 Tandaan ninyo, ang sumasamba sa mga ito ay mapapahiya lamang. Ang mga gumagawa nito'y tao lamang, kaya't magsama-sama man sila at ako'y harapin, sila'y matatakot at mapapahiya rin.

12 Ang panday ay kumukuha ng isang pirasong bakal at inilalagay ito sa apoy. Pagkatapos ay pinupukpok niya ito sa pamamagitan ng kanyang malakas na bisig hanggang sa magkahugis. Sa paggawa nito, siya ay nauuhaw, nagugutom at napapagod.

13 Ang karpintero naman ay kumukuha ng isang pirasong kahoy. Ginuguhitan niya ito ng anyong tao, saka inuukit hanggang sa mayari ang isang magandang imahen. Pagkatapos, ilalagay niya ito sa kanyang bahay. 14 Pumipili siya at pumuputol ng isang matigas na kahoy sa gubat tulad ng sedar, ensina at sipres. Maaari din siyang magtanim ng laurel at ito ay hintaying lumaki habang dinidilig ng ulan. 15 Ang(B) kaputol na kahoy nito ay ginagawang panggatong at ang kaputol naman ay ginagawang diyus-diyosan. Ang isang piraso ay iginagatong para magbigay ng init sa kanya at para igatong sa pagluluto. Ang isang piraso ay ginagawang rebulto para sambahin. 16 Ang ibang piraso ng kahoy ay ginagawang panggatong. Dito siya nag-iihaw ng karne at nasisiyahan siyang kumain nito. Kung nadarama niya ang init ng apoy ay nasasabi niya ang ganito: “Salamat at hindi na ako giniginaw!” 17 Ang natirang kahoy ay ginagawa nga niyang diyos na kanyang niluluhuran at sinasamba. Dumadalangin siya sa rebulto, “Iligtas mo ako sapagkat ikaw ang aking diyos!”

18 Ang mga taong gayon ay mga mangmang at hindi inuunawa ang kanilang ginagawa. Tinakpan nila ang kanilang mga mata at sinarhan ang isipan sa katotohanan. 19 Hindi na nila naisip na ang kaputol ng ginawa nilang rebulto ay ginamit na panggatong sa pagluluto ng tinapay at karneng kanilang kinain. Hindi man lamang nila itinanong sa kanilang sarili kung hindi kaya karumal-dumal ang sumamba sa isang pirasong kahoy.

20 Ang mga gumagawa nito'y parang kumakain ng abo.[c] Lubusan na siyang nailigaw ng kanyang maling paniniwala at mahirap nang ituwid. At hindi siya papayag na ang rebultong hawak niya ay hindi mga diyos.

Si Yahweh, ang Manlilikha at Tagapagligtas

21 Sinabi ni Yahweh,
“Tandaan mo Israel, ikaw ay aking lingkod.
Nilalang kita upang maglingkod sa akin.
    Hindi kita kakalimutan.
22 Ang pagkakasala mo'y pinawi ko na, naglahong ulap ang katulad;
    Ika'y manumbalik dahil tinubos na kita at pinalaya.
23 Magdiwang kayo, kalangitan!
    Gayundin kayo, kalaliman ng lupa!
Umawit kayo, mga bundok at kagubatan,
sapagkat nahayag ang karangalan ni Yahweh
    nang iligtas niya ang bansang Israel.

24 “Akong si Yahweh, na iyong Tagapagligtas, ang lumikha sa iyo:
Ako ang lumikha ng lahat ng bagay.
    Ako lamang mag-isa ang nagladlad nitong kalangitan,
    at nag-iisa ring lumikha ng sanlibutan.
25 Aking(C) binibigo ang mga sinungaling na propeta
    at ang mga manghuhula;
ang mga marurunong ay ginagawang mangmang,
    at ang dunong nila'y ginawang kahangalan.
26 Ngunit ang pahayag ng mga lingkod ko'y pawang nagaganap,
    at ang mga payo ng aking mga sugo ay natutupad;
ako ang maysabing darami ang tao sa Jerusalem,
    muling itatayo ang mga gumuhong lunsod sa Juda.
27 Isang utos ko lamang, natutuyo ang karagatan.
28 Ang(D) sabi ko kay Ciro, ‘Ikaw ang gagawin kong tagapamahala.
    Susundin mo ang lahat ng ipapagawa ko sa iyo.
    Ang Jerusalem ay muli mong ipatatayo,
    gayundin ang mga pundasyon ng Templo.’”

1 Tesalonica 2

Ang Paglilingkod ni Pablo sa Tesalonica

Mga kapatid, kayo na rin ang nakakaalam na hindi nawalan ng kabuluhan ang pagpunta namin sa inyo. Alam(A) ninyong hinamak kami't inalipusta sa Filipos, ngunit sa kabila ng maraming hadlang, binigyan kami ng Diyos ng lakas ng loob na ipahayag sa inyo ang Magandang Balita. Ang pangangaral namin ay hindi batay sa kamalian, o sa masamang layunin, o sa hangad na manlinlang. Sapagkat minarapat ng Diyos na ipagkatiwala sa amin ang Magandang Balita, nangangaral kami, hindi upang bigyang-kasiyahan ang tao, kundi ang Diyos na sumisiyasat ng ating puso. Alam ninyo na ang aming pangangaral ay hindi sa pamamagitan ng matatamis na pangungusap, o ng mga salitang nagkukubli ng kasakiman. Saksi namin ang Diyos. Hindi kami naghangad ng papuri ninyo o ninuman kahit bilang mga apostol ni Cristo ay may karapatan kaming humingi ng anuman mula sa inyo. Sa halip ay naging magiliw kami sa inyo, tulad ng inang mapagkalinga sa kanyang mga anak. Dahil sa laki ng aming pagmamahal sa inyo, hindi lamang kami handang ibahagi sa inyo ang Magandang Balita, kundi maging ang aming buhay. Mga kapatid, tiyak na natatandaan pa ninyo kung paano kami nagtrabaho at nagsikap araw-gabi para hindi kami makabigat kaninuman habang ipinapahayag namin sa inyo ang Magandang Balitang mula sa Diyos.

10 Saksi ang Diyos at saksi rin namin kayo, kung paanong naging dalisay, matuwid, at walang kapintasan ang aming pakikitungo sa inyo na mga sumasampalataya. 11 Tulad ng alam ninyo, kami'y naging parang ama sa bawat isa sa inyo. 12 Pinayuhan namin kayo, pinalakas namin ang inyong loob, at inatasan na mamuhay nang kalugud-lugod sa paningin ng Diyos na tumawag sa inyo upang mapabilang sa kanyang kaharian at kaluwalhatian.

13 Kaya nga, palagi kaming nagpapasalamat sa Diyos, sapagkat nang ipangaral namin sa inyo ang kanyang salita, hindi ninyo ito tinanggap bilang salita ng tao, kundi bilang tunay na salita ng Diyos, at ang bisa nito'y nakikita sa buhay ninyo na mga sumasampalataya. 14 Mga(B) kapatid, ang nangyari sa inyo ay tulad ng nangyari sa mga iglesya ng Diyos sa Judea, sa mga nananalig kay Cristo Jesus. Inuusig kayo ng inyong mga kababayan, tulad din ng mga taga-Judea na inusig ng kapwa nila Judio. 15 Ang(C) mga Judiong ito ang pumatay sa Panginoong Jesus at sa mga propeta. Sila rin ang umuusig sa amin. Nagagalit sa kanila ang Diyos at kaaway sila ng lahat ng tao! 16 Ang aming pangangaral sa mga Hentil upang ang mga ito'y maligtas ay kanilang hinahadlangan. Umabot na sa sukdulan ang kanilang kasamaan, kaya't ngayon ay bumagsak na ang poot ng Diyos sa kanila.

Ang Hangad ni Pablo na Dalawin Silang Muli

17 At ngayon, mga kapatid, nang kami'y sandaling napahiwalay sa inyo, hindi sa alaala kundi sa paningin, labis kaming nangulila. Kaya't sabik na sabik na kaming makita kayong muli 18 at nais naming makabalik diyan. Ako mismong si Pablo ay makailang ulit na nagbalak dumalaw sa inyo, ngunit lagi kaming hinahadlangan ni Satanas. 19 Hindi ba't kayo ang aming pag-asa, kaligayahan, at ang koronang maipagmamalaki namin sa harap ng Panginoong Jesus pagparito niya? 20 Oo, kayo ang aming karangalan at kaligayahan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.