Old/New Testament
Si Jeremias sa Bahay ng Magpapalayok
18 Sinabi sa akin ni Yahweh, 2 “Magpunta ka sa bahay ng magpapalayok, at may ipahahayag ako sa iyo.” 3 Kaya nagpunta naman ako, at dinatnan ko ang magpapalayok sa kanyang gawaan. 4 Kapag ang ginagawa niyang palayok ay nasira, hinahalo niyang muli ang putik, at hinuhugisan nang panibago.
5 Pagkatapos, sinabi sa akin ni Yahweh, 6 “O Israel, wala ba akong karapatang gawin sa iyo ang ginawa ng magpapalayok sa putik na iyon? Kayo'y nasa mga kamay ko, tulad ng putik sa kamay ng magpapalayok. 7 Kung sinabi ko man sa isang pagkakataon na aking bubunutin, ibabagsak o lilipulin ang alinmang bansa o kaharian, 8 at ang bansang iyon ay tumalikod sa kanyang kasamaan, hindi ko na itutuloy ang aking sinabing gagawin. 9 Sa kabilang dako, kung sinabi ko man na itatayo ko o itatatag ang isang bansa o kaharian, 10 at gumawa pa rin ng kasamaan ang bansang iyon at hindi nakinig sa akin, babaguhin ko ang aking magandang balak. 11 Kaya nga, sabihin mo sa mga naninirahan sa Juda at sa Jerusalem na may binabalak ako laban sa kanila at ako'y naghahanda upang parusahan sila. Sabihin mo sa kanila na tigilan na ang makasalanang pamumuhay at magbago na sila. 12 Ang isasagot nila, ‘Hindi! Lalo pa kaming magmamatigas at magpapakasama hanggang gusto namin.’”
Itinakwil ng mga Tao si Yahweh
13 Kaya nga, ito ang sabi ni Yahweh:
“Tanungin mo ang alinmang bansa,
kung may nangyari na bang ganito kahit kailan?
Napakasama ng ginawa ng bayang Israel!
14 Nawawalan ba ng yelo ang mabatong kabundukan ng Lebanon?
Natutuyo ba ang umaagos at malamig na batis doon?
15 Subalit ako'y kinalimutan ng aking bayan;
nagsusunog sila ng kamanyang sa mga diyus-diyosan.
Nadapa sila sa daang dapat nilang lakaran,
at hindi na nila dinaanan ang lumang kalsada;
lumakad sila sa mga daang walang palatandaan.
16 Ang lupaing ito'y ginawa nilang pook ng katatakutan,
at pandidirihan habang panahon.
Masisindak ang bawat dadaan dito dahil sa makikita nila;
mapapailing na lamang sila sa malaking pagtataka.
17 Pangangalatin ko ang aking bayan sa harapan ng kanilang mga kaaway,
gaya ng alikabok na hinihipan ng malakas na hangin.
Tatalikuran ko sila at hindi tutulungan
pagdating ng araw ng kapahamakan.”
Ang Pagtatangka Laban kay Jeremias
18 Nang marinig ito ng mga tao, sinabi nila, “Patayin na natin si Jeremias! May mga pari namang magtuturo sa atin, mga matatalino na magbibigay ng payo, at mga propetang magpapahayag ng mensahe ng Diyos. Isakdal natin siya, at huwag nang pakinggan ang mga sinasabi niya.”
19 Kaya nanalangin si Jeremias, “Yahweh, pakinggan mo ang aking dalangin; nalalaman mo ang binabalak ng aking mga kaaway. 20 Ang kabayaran ba ng kabutihan ay kasamaan? Ano't naghanda sila ng hukay upang ako'y patayin? Nalalaman mo kung paano ko sila idinalangin sa iyo upang huwag mong ipalasap sa kanila ang iyong poot. 21 Kaya ngayon, Yahweh, pabayaan mo nang mamatay sa gutom ang kanilang mga anak. Pabayaan mong mamatay sila sa digmaan. Pabayaan mong maulila sa asawa't mga anak ang mga babae, mamatay sa sakit ang mga kalalakihan, at masawi sa pakikidigma ang kanilang mga kabataang lalaki. 22 Magpadala ka ng masasamang-loob upang nakawan ang kanilang mga tahanan nang walang babala. Pabayaan mo silang magsigawan sa takot. Naghanda sila ng hukay upang mahulog ako at ng mga bitag upang ako'y mahuli. 23 Yahweh, nalalaman mo ang kanilang balak na pagpatay sa akin. Huwag mo silang patawarin sa kanilang kasamaan; huwag mong alisin sa iyong paningin ang kanilang kasalanan. Ibagsak mo silang lahat. Parusahan mo sila habang nag-aalab ang iyong poot.”
Ang Basag na Banga
19 Inutusan ako ni Yahweh na bumili ng isang banga. Pagkatapos, inutusan rin niya akong tumawag ng ilang matatandang pinuno sa bayan at ng ilang nakatatandang pari, 2 at(A) isama sila sa Libis ng Ben Hinom, sa makalabas ng Pintuan ng Magpapalayok. Doon ko ipahahayag ang mensaheng ibibigay niya sa akin. 3 Ganito ang sabi niya: “Pakinggan ninyo, mga hari ng Juda at mga taga-Jerusalem, ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: Ang pook na ito'y padadalhan ko ng malagim na kapahamakan, at mangingilabot ang sinumang makakabalita niyon. 4 Ganyan ang gagawin ko sapagkat ako'y itinakwil ng bayang ito, at pinarumi nila ang lupain dahil naghandog sila sa mga diyus-diyosang hindi naman nila nakikilala maging ng kanilang mga ninuno at ng mga hari ng Juda. Ang lupaing ito'y tinigmak nila ng dugo ng mga taong walang kasalanan. 5 Nagtayo(B) sila ng mga altar para kay Baal upang doon sunugin ang kanilang mga anak bilang handog sa kanya. Kailanma'y hindi ko iniutos o inisip man lamang na gawin nila ito. 6 Kaya darating ang panahon na hindi na tatawaging Tofet o Libis ng Ben Hinom ang lugar na ito. Sa halip ay tatawagin itong Libis ng Kamatayan. Ako, si Yahweh, ang nagsabi nito. 7 Sa pook na ito'y bibiguin ko ang lahat ng panukala ng mga taga-Juda at Jerusalem. Ipapalupig ko sila sa kanilang mga kaaway, at marami ang mamamatay sa labanan. Ang kanilang mga bangkay ay kakainin ng mga buwitre at mga hayop sa gubat. 8 Nakakapangilabot na pagkawasak ang magaganap sa lunsod na ito, at ang bawat maparaan dito'y manghihilakbot. 9 Kukubkubin ng mga kaaway ang lunsod na ito upang ang mga nanirahan dito'y patayin sa gutom. At dahil sa matinding gutom ng mga tao, kakanin nila ang laman ng kanilang kapwa, at pati na ng kanilang sariling mga anak.”
10 Pagkatapos, iniutos sa akin ni Yahweh na basagin ang banga sa harap ng mga isinama ko, 11 at sabihin sa kanila: “Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat: Dudurugin ko ang lunsod na ito at ang mga naninirahan dito, gaya ng ginawa mo sa banga; ito'y hindi na muling mabubuo. Pati ang Tofet ay paglilibingan ng mga bangkay sapagkat wala nang ibang mapaglilibingan sa kanila. 12 Ganito ang gagawin ko sa lunsod na ito at sa mga naninirahan dito. Matutulad sila sa Tofet. Akong si Yahweh ang nagsabi nito. 13 Magiging maruming gaya ng Tofet ang mga bahay sa Jerusalem, ang mga palasyo ng mga hari sa Juda, at lahat ng gusali, sapagkat sa mga bubungan ng mga gusaling ito'y nagsunog sila ng kamanyang para sa mga bituin at nagbuhos ng inuming handog sa ibang mga diyos.”
14 Nilisan ko ang Tofet pagkatapos kong sabihin doon ang pahayag ni Yahweh. Pumunta naman ako at tumayo sa bulwagan ng Templo at sinabi sa lahat ng naroroon, 15 “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: Ipapataw ko na sa lunsod na ito at sa mga karatig-bayan ang lahat ng parusang binanggit ko, sapagkat matitigas ang ulo ninyo at ayaw ninyong pakinggan ang aking sinasabi.”
Ang mga Huling Araw
3 Dapat mong malaman na sa mga huling araw ay darating ang mga panahon ng kaguluhan. 2 Sapagkat ang mga tao'y magiging maibigin sa sarili, maibigin sa salapi, palalo, mapagmataas, mapagsamantala, suwail sa magulang, walang utang na loob at lapastangan sa Diyos. 3 Sila'y magiging walang pagmamahal sa kapwa, walang habag, mapanirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, marahas, at walang pagpapahalaga sa mabuti. 4 Sila'y magiging mga taksil, padalus-dalos, mayayabang, maibigin sa kalayawan sa halip na maibigin sa Diyos. 5 Sila'y may anyo ng pagiging maka-Diyos, ngunit hindi naman nakikita ang kapangyarihan nito sa kanilang pamumuhay. Iwasan mo ang ganyang uri ng mga tao. 6 May ilan sa kanila na gagamit ng panlilinlang upang makapasok sa mga bahay ng mga babaing madaling malinlang. Ang mga babaing ito'y inuusig ng bigat ng kanilang mga pagkakasala at itinutulak sa sari-saring pagnanasa. 7 Lahat na'y gustong matutunan ng mga babaing ito ngunit kailanma'y hindi nila nauunawaan ang katotohanan. 8 At(A) tulad nina Janes at Jambres na sumalungat kay Moises, sila ay sumasalungat din sa katotohanan. Wala silang iniisip na kabutihan at hindi tunay ang kanilang pananampalataya. 9 Ngunit hindi magpapatuloy ang kanilang kasamaan, sapagkat makikita ng lahat ang kanilang kahangalan, gaya ng nangyari kina Janes at Jambres.
Mga Huling Tagubilin
10 Ngunit sinunod mo ang aking itinuro sa iyo, ang aking ugali at layunin sa buhay. Tinularan mo ang aking pananampalataya, pagtitiyaga, pag-ibig at katapatan. 11 Nasaksihan(B) mo ang mga pag-uusig at paghihirap na dinanas ko sa Antioquia, Iconio at Listra. Napagtiisan ko ang mga ito! At sa lahat ng ito ay iniligtas ako ng Panginoon. 12 Gayundin naman, ang lahat ng nagnanais mamuhay nang matuwid bilang tagasunod ni Cristo Jesus ay daranas ng mga pag-uusig, 13 samantalang ang masasama ay lalo namang magpapakasama, at ang manlilinlang ay patuloy na manlilinlang at sila man ay malilinlang din.
14 Ngunit ikaw, magpatuloy ka sa mga aral na natutunan mo at matibay mong pinaniwalaan, sapagkat kilala mo ang mga nagturo nito sa iyo. 15 Mula pa sa pagkabata alam mo na ang Banal na Kasulatan, na may kapangyarihang magbigay sa iyo ng karunungan tungo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 16 Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos, at kapaki-pakinabang sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagsaway sa kamalian, sa pagtutuwid sa likong gawain at sa pagsasanay para sa matuwid na pamumuhay, 17 upang ang lingkod ng Diyos ay maging ganap at handa sa lahat ng mabubuting gawain.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.