Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Isaias 53-55

53 Sumagot(A) ang mga tao,

“Sino ang maniniwala sa ibinabalita naming ito?
    Kanino mo ipinakita ang iyong kapangyarihan?
Kalooban ni Yahweh na matulad sa isang halaman ang kanyang lingkod,
    parang ugat na natanim sa tuyong lupa.
Walang katangian o kagandahang makatawag-pansin,
    walang taglay na pang-akit para siya ay lapitan.
Hinamak siya ng mga tao at itinakwil.
    Nagdanas siya ng hapdi at hirap.
Wala man lang pumansin sa kanya.
    Binaliwala natin siya, na parang walang kabuluhan.

“Tunay(B) ngang inalis niya ang ating mga kahinaan,
    pinagaling niya ang ating mga karamdaman.
Subalit inakala nating iyo'y parusa ng Diyos sa kanya.
Ngunit(C) dahil sa ating mga kasalanan kaya siya nasugatan;
    siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan.
Tayo ay gumaling dahil sa pahirap na dinanas niya
    at sa mga hampas na kanyang tinanggap.
Tayong(D) lahat ay tulad ng mga tupang naliligaw;
    nagkanya-kanya tayo ng lakad.
Ngunit ipinataw ni Yahweh sa kanya
    ang kaparusahang tayo ang dapat tumanggap.

“Siya(E) (F) ay binugbog at pinahirapan,
    ngunit hindi kumibo kahit isang salita;
tulad ay tupang nakatakdang patayin,
parang korderong hindi tumututol kahit na gupitan,
    at hindi umiimik kahit kaunti man.
Nang siya'y hulihin at hatulan upang mamatay,
    wala man lamang nagtanggol sa kanyang kalagayan.
Siya ay pinatay dahil sa sala ng sangkatauhan.
Siya'y(G) inilibing na kasama ng masasama at mayayaman,
kahit na siya'y walang kasalanan
    o nagsabi man ng kasinungalingan.”

10 Sinabi ni Yahweh,
“Ang kanyang paghihirap ay kalooban ko;
    ang kanyang kamatayan ay handog para sa kapatawaran ng kasalanan.
Dahil dito'y mabubuhay siya nang matagal,
    makikita ang lahing susunod sa kanya.
    At sa pamamagitan niya'y maisasagawa ang aking panukala.
11 Pagkatapos ng mahabang pagdurusa, muli siyang lalasap ng ligaya;
    malalaman niyang hindi nawalan ng kabuluhan ang kanyang pagtitiis.
Ang tapat kong lingkod na lubos kong kinalulugdan
    ang siyang tatanggap sa parusa ng marami,
    at alang-alang sa kanya sila'y aking patatawarin.
12 Dahil(H) dito siya'y aking pararangalan,
    kasama ng mga dakila at makapangyarihan;
sapagkat kusang-loob niyang ibinigay ang sarili
    at nakibahagi sa parusa ng masasama.
Inako niya ang mga makasalanan
    at idinalanging sila'y patawarin.”

Ang Pag-ibig ni Yahweh sa Israel

54 “Umawit(I) ka Jerusalem, ang babaing hindi magkaanak!
Sumigaw ka sa galak, ikaw na hindi pa nakakaranas manganak.
Magiging mas marami ang iyong mga anak
    kaysa sa kanya na may asawa, sabi ni Yahweh.”
Gumawa ka ng mas malaking tolda,
    palaparin mo ang kurtina niyon.
Huwag mong lagyan ng hangganan ang dakong iyon,
    pahabain mo ang mga tali.
Ibaon mo ng malalim ang mga pantulos.
Sapagkat kakalat kayo sa buong daigdig,
    aangkinin ng inyong lahi ang ibang mga bansa;
    at pananahanan nila ang mga lunsod doon, na iniwanan.

Huwag kang matakot o panghinaan man ng loob,
    sapagkat hindi ka na mapapahiya.
Malilimot mo na ang kahihiyang dinanas mo noong iyong kabataan;
    hindi mo na maaalala ang matinding kalungkutan ng pagiging isang biyuda.
Sapagkat ang Lumalang sa iyo ay ang asawa mo,
    ang pangalan niya'y Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
Ang tagapagligtas mo ay ang Banal na Diyos ng Israel,
    kung tawagin siya'y Diyos ng buong sanlibutan.

Israel, ang katulad mo'y asawang iniwan at ngayo'y nagdurusa,
    isang babaing maagang nag-asawa at pagkatapos ay itinakwil.
Ngunit pinababalik ka ngayon ni Yahweh at sa iyo'y sinasabi,
“Sandaling panahon kitang iniwanan;
    ngunit dahil sa tapat kong pag-ibig, muli kitang kakalingain.
Sa tindi ng aking galit, sandali akong lumayo sa iyo,
    ngunit ipadarama ko sa iyo ang aking kahabagan sa pamamagitan ng pag-ibig na wagas.”
Iyan ang sabi ni Yahweh na magliligtas sa iyo.

“Noong(J) panahon ni Noe, ako ay sumumpang
    hindi na mauulit na ang mundong ito'y gunawin sa tubig.
Aking ipinapangako ngayon, hindi na ako magagalit sa iyo,
    at hindi na kita paparusahan muli.
10 Maguguho(K) ang mga bundok at ang mga burol ay mayayanig,
    ngunit ang wagas na pag-ibig ko'y hindi maglalaho,
    at mananatili ang kapayapaang aking ipinangako.”
Iyan ang sinasabi ni Yahweh, na nagmamahal sa iyo.

Ang Jerusalem sa Panahong Darating

11 Sinabi(L) (M) ni Yahweh,
“O Jerusalem, nagdurusang lunsod
    na walang umaliw sa kapighatian.
Muling itatayo ang mga pundasyon mo, ang gagamitin ko'y mamahaling bato.
12 Rubi ang gagamitin sa iyong mga tore,
    batong maningning ang iyong pintuan
    at sa mga pader ay mga hiyas na makinang.
13 Ako(N) mismo ang magtuturo sa iyong mga anak.
    Sila'y magiging payapa at uunlad ang buhay.
14 Patatatagin ka ng katuwiran,
    magiging ligtas ka sa mga mananakop,
    at wala kang katatakutang anuman.
15 Kung may sumalakay sa iyo,
    hindi ito mula sa akin;
ngunit mabibigo ang sinumang sa iyo ay lumaban.
16 Ako ang lumikha ng mga panday,
    na nagpapaapoy sa baga at gumagawa ng mga sandata.
Ako rin ang lumikha sa mga mandirigma,
    na gumagamit sa mga sandata upang pumatay.
17 Ngunit mula ngayon, wala nang sandatang gagamitin laban sa iyo,
    at masasagot mo ang anumang ibibintang sa iyo.
Ang mga lingkod ko'y aking ipagtatanggol,
    at sila'y bibigyan ng pagtatagumpay.”
Ito ang sinabi ni Yahweh.

Ang Habag ng Diyos

55 Sinabi(O) ni Yahweh,

“Narito ang tubig, kayong mga nauuhaw.
Ang mga walang salapi ay lumapit din dito,
    bumili kayo ng pagkain at ito'y kainin ninyo!
Bumili kayo ng alak at gatas
    kahit walang salaping pambayad.
Bakit(P) gumugugol kayo ng salapi sa mga bagay na hindi nakakabusog?
    Bakit ninyo inuubos ang perang kinita sa mga bagay na sa inyo ay hindi nagbibigay kasiyahan?
Makinig kayong mabuti sa akin at sundin ang utos ko,
    at matitikman ninyo ang pinakamasasarap na pagkain.
Makinig(Q) kayo at lumapit sa akin.
    Sundin ninyo ako at magkakaroon kayo ng buhay!
Isang walang hanggang kasunduan ang gagawin natin;
    pagtitibayin ko ang aking walang hanggang pag-ibig kay David.
Masdan ninyo! Ginawa ko siyang saksi sa mga bansa,
    pinuno at tagapagmana sa mga bayan.
Iyong tatawagin ang mga bansang hindi mo kilala,
    mga bansang hindi ka kilala'y sa iyo pupunta.
Darating sila alang-alang sa iyong Diyos na si Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel,
    sapagkat pinaparangalan ka niya.”

Hanapin mo si Yahweh habang siya'y matatagpuan,
    manalangin ka sa kanya habang siya'y malapit pa.
Dapat nang talikuran ang mga gawain ng taong masama,
    at dapat magbago ng pag-iisip ang taong liko.
Sila'y dapat manumbalik, at lumapit kay Yahweh upang kahabagan;
    at mula sa Diyos, makakamit nila ang kapatawaran.
Ang sabi ni Yahweh,
“Ang aking kaisipa'y hindi ninyo kaisipan,
    ang inyong kaparaanan ay hindi ko kaparaanan.
Kung paanong ang langit ay mas mataas kaysa lupa,
    ang aking kaparaanan ay higit kaysa inyong kaparaanan,
    at ang aking kaisipan ay hindi maaabot ng inyong kaisipan.

10 “Ang(R) ulan at yelo na bumabagsak mula sa langit ay hindi na nagbabalik,
    kundi dinidilig nito ang lupa,
kaya lumalago ang mga halaman at namumunga
    at nagbibigay ng butil na panghasik, at tinapay upang maging pagkain.
11 Gayundin naman ang mga salita na lumalabas sa aking bibig,
    ang mga ito'y hindi babalik sa akin na walang katuturan.
Tutuparin nito ang aking mga balak, at gagawin nito ang aking ninanais.

12 “May galak na lilisanin ninyo ang Babilonia,
    mapayapa kayong aakayin palabas ng lunsod.
Aawit sa tuwa ang mga bundok at mga burol,
    sisigaw sa galak ang mga punongkahoy.
13 Sa halip na mga tinik, kahoy na mayabong ang siyang tutubo;
    sa halip na dawag, mga kakahuyan ay muling darami at magsisilago.
Ang lahat ng ito'y parangal kay Yahweh,
    walang hanggang tanda sa lahat ng kanyang mga ginawa.”

2 Tesalonica 1

Mula(A) kina Pablo, Silas, at Timoteo—

Para sa iglesya sa Tesalonica, na nasa Diyos na ating Ama at nasa Panginoong Jesu-Cristo.

Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at ang kapayapaang mula sa [ating][a] Diyos Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Paghuhukom

Mga kapatid, tama lamang na kami'y laging magpasalamat sa Diyos dahil sa inyo, sapagkat patuloy na lumalago ang inyong pananampalataya kay Cristo at lalong nagiging maalab ang inyong pagmamahalan sa isa't isa. Kaya nga, ipinagmamalaki namin kayo sa lahat ng mga iglesya ng Diyos dahil sa inyong pagtitiis at pananampalataya, sa gitna ng mga pag-uusig at mga kahirapang dinaranas ninyo.

Ang lahat ng ito'y nagpapatunay na makatarungan ang paghatol ng Diyos, upang gawin niya kayong karapat-dapat sa kanyang kaharian na siyang dahilan ng inyong pagtitiis. Gagawin ng Diyos ang nararapat; tiyak na pahihirapan niya ang mga nagpapahirap sa inyo. Kayo namang mga nagtitiis ay aaliwin niyang kasama namin kapag ang Panginoong Jesus ay inihayag na mula sa langit kasama ang kanyang mga makapangyarihang anghel, na may naglalagablab na apoy. Parurusahan ang lahat ng hindi kumikilala sa Diyos at hindi sumusunod sa Magandang Balita ng Panginoong Jesus. Magdurusa(B) sila ng walang hanggang kapahamakan at mahihiwalay sila sa Panginoon at sa dakila niyang kapangyarihan. 10 Mangyayari ito sa Araw ng kanyang pagparito upang tumanggap ng papuri mula sa kanyang mga hinirang at ng parangal ng lahat ng sumasampalataya sa kanya. Kabilang kayo roon sapagkat sinampalatayanan ninyo ang patotoong ipinahayag namin sa inyo. 11 Dahil dito, lagi namin kayong idinadalangin sa Diyos, na nawa'y maging karapat-dapat kayo sa pagkatawag niya sa inyo. At sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, nawa'y ipagkaloob niya sa inyo ang lahat ng mabuti ninyong hinahangad, at maging ganap ang inyong mga gawaing ibinunga ng pananampalataya. 12 Sa gayon, mapaparangalan ninyo ang pangalan ng ating Panginoong Jesus, at kayo naman ay pararangalan din niya, ayon sa kagandahang-loob ng Diyos at ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.