Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Jeremias 12-14

Tinatanong ni Jeremias si Yahweh

12 Ikaw ay matuwid, Yahweh,
    at kung ako ma'y mangatwiran, mapapatunayan mong ikaw ay tama.
Ngunit bayaan mong magtanong ako.
Bakit nagtatagumpay ang masasamang tao?
    At ang mandaraya ay umuunlad?
Sila'y itinatanim mo at nag-uugat,
    lumalago at namumunga.
Maganda ang sinasabi nila tungkol sa iyo
    subalit malayo ka sa kanilang mga puso.
Ngunit ako, Yahweh, ay iyong kilala;
    nakikita mo ako, ang mga ginagawa ko, nasa iyo ang puso ko.
Hilahin mo ang mga taong ito, gaya ng mga tupang kakatayin;
    ihiwalay mo sila hanggang sa sandali na sila ay patayin.
Hanggang kailan pa mananatiling tigang ang lupain,
    at tuyot ang mga damo sa parang?
Nagkakamatay na ang mga ibon at mga hayop
    dahil sa kasamaan ng mga tao doon.
    At sinasabi pa nila, “Hindi niya nakikita ang aming ginagawa.”

At sumagot si Yahweh,
“Jeremias, kung hindi ka makatagal sa pakikipaghabulan sa mga taong ito,
    paano ka makikipagpaligsahan sa mga kabayo?
Kung ika'y nadarapa sa patag na lupain,
    paano ka makakatagal sa kagubatan ng Jordan?
Kahit na ipinagkanulo ka ng iyong mga kapatid at sariling kamag-anak,
    at kasama sila sa panunuligsa sa iyo.
Huwag kang magtitiwala sa kanila bagama't magaganda ang kanilang sinasabi sa iyo.”

Nagdadalamhati si Yahweh Dahil sa Kanyang Bayan

Sinasabi ni Yahweh,
“Pinabayaan ko na ang aking bayan,
    itinakwil ko na ang bansang aking hinirang.
Ang mga taong aking minahal ay ibinigay ko na
    sa kamay ng kanilang mga kaaway.
Lumaban sa akin ang aking bayan,
    tulad ng mabangis na leon sa kagubatan;
    nagtataas sila ng kanilang tinig laban sa akin,
    kaya kinamumuhian ko sila.
Ang bayang pinili ko'y tulad sa isang ibong
    pinagtutulungan ng mga ibong mandaragit.
Tawagin ang lahat ng mababangis na hayop,
    at makisalo sa kanyang bangkay!
10 Sinira ng maraming pinuno ang aking ubasan,
    pati ang aking kabukiran ay kanilang sinagasaan;
    ang aking magandang lupain, ngayon ay wala nang mapapakinabangan.
11 Wala nang halaga ang buong lupain;
    tigang na tigang sa aking harapan.
Ang bayan ngayon ay isa nang ilang,
    at walang nagmamalasakit na sinuman.
12 Mula sa kahabaan ng maburol na ilang
    ay lumusob ang mga mandarambong.
Pinalaganap ko ang digmaan upang mawasak ang buong bayan;
    at walang sinuman ang makakaligtas.
13 Naghasik ng trigo ang mga tao, ngunit tinik ang inani;
    nagpakahirap sila sa paggawa, subalit wala silang pinakinabangan.
Wala silang inani sa kanilang itinanim
    dahil sa matinding galit ko sa kanila.”

Ang Babala ni Yahweh sa mga Karatig-bansa ng Israel

14 Ito ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa masasamang naninirahan sa paligid ng Israel, mga taong nanira sa lupaing ipinamana niya sa kanyang bayan: “Aalisin ko ang mga taong ito sa kanilang bansa, gaya ng halamang binubunot sa lupa. At ililigtas ko ang Juda sa kanilang pananakop. 15 Subalit matapos ko silang alisin, sila'y aking kahahabagan. Ibabalik ko sa kani-kanilang sariling lupain ang bawat bayan. 16 At kung buong puso nilang tatanggapin ang pananampalataya ng aking bayan at kung matututo silang manumpa nang ganito: ‘Saksi si Yahweh’, ang Diyos na buháy[a] gaya ng itinuro nila sa aking bayan na pagsumpa kay Baal—sila ay mapapabilang sa aking bayan at uunlad ang kanilang pamumuhay. 17 Subalit ang alinmang bansang hindi susunod sa akin ay bubunutin at lubos kong wawasakin. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”

Ang Talinghaga ng mga Damit-panloob

13 Ganito ang utos sa akin ni Yahweh, “Bumili ka ng mga damit-panloob na yari sa linen at iyong isuot ngunit huwag mong babasain.” Kaya bumili nga ako ng damit-panloob, ayon sa sinabi ni Yahweh, at aking isinuot. Pagkatapos ay inutusan akong muli ni Yahweh, “Pumunta ka sa Ilog Eufrates; hubarin mo ang damit-panloob, at iyong itago sa isang butas sa bato.” Kaya ginawa ko ang iniutos sa akin ni Yahweh at pagkatapos, ako'y umuwi.

Makalipas ang maraming araw, pinabalik niya ako sa Eufrates upang kunin ang mga damit-panloob na kanyang ipinatago. Nagbalik naman ako sa Eufrates at kinuha ang damit sa aking pinagtaguan. Ngunit sira na ito at hindi na mapapakinabangan.

Muling nagsalita si Yahweh, “Ganyan ang gagawin ko sa palalong Juda at sa mas palalo pang Jerusalem. 10 Ang masasamang taong ito'y hindi sumunod sa aking mga utos; lalo silang nagmatigas at sinunod ang kanilang sariling kagustuhan. Sumamba pa sila at naglilingkod sa mga diyus-diyosan. Matutulad sila sa sirang damit-panloob na wala nang kabuluhan. 11 Kung paanong kumakapit sa katawan ng tao ang damit-panloob, gayon ang nais ko sa mga taga-Israel at taga-Juda—na sila'y kumapit sa akin nang mahigpit. Ginawa ko ito upang sila'y maging karapat-dapat na bansang hinirang, at sa gayo'y papurihan nila at parangalan ang aking pangalan. Ngunit ayaw naman nilang sumunod sa akin.”

Ang Talinghaga ng Lalagyan ng Alak

12 Sinabi ni Yahweh kay Jeremias, “Sabihin mo sa kanila na ganito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: Punuin ninyo ng alak ang bawat tapayan. Ganito naman ang isasagot nila, ‘Alam namin na dapat punuin ng alak ang bawat tapayan.’ 13 Pagkatapos, sasabihin mo sa kanila, ‘Ang mga tao sa lupaing ito ay paiinumin ni Yahweh ng alak hanggang sa sila'y malasing: mula sa mga hari na mga salinlahi ni David, mga pari, mga propeta, at lahat ng tao sa Jerusalem. 14 At pagkatapos, pag-uumpug-umpugin ko silang parang mga tapayan hanggang madurog na lahat, matatanda't mga bata. Hindi ko sila kahahabagan kaunti man kapag ginawa ko ito.’”

Nagbababala si Jeremias tungkol sa Kapalaluan

15 Mga Israelita, si Yahweh ay nagpahayag na!
Magpakumbaba kayo at siya'y dinggin.
16 Parangalan ninyo si Yahweh na inyong Diyos,
    bago niya palaganapin ang kadiliman,
    at bago kayo madapa sa mga bundok kapag dumilim na;
bago niya gawing matinding kadiliman
    ang liwanag na inaasahan ninyo.
17 Ngunit kung hindi kayo makikinig,
    palihim akong tatangis dahil sa inyong kapalaluan;
buong kapaitan akong iiyak, at tutulo ang aking mga luha
    sapagkat nabihag ang bayan ko.

18 Sinabi ni Yahweh kay Jeremias, “Sabihin mo sa hari at sa kanyang inang reyna na bumabâ na sa kanilang trono sapagkat naalis na sa kanilang ulo ang magaganda nilang korona. 19 Nasakop na ang mga bayan sa timog ng Juda; wala nang makapasok doon. Dinalang-bihag ang mga taga-Juda at ipapatapong lahat.”

20 Masdan ninyo, mga taga-Jerusalem! Dumarating na mula sa hilaga ang inyong mga kaaway. Nasaan ang mga taong ipinagkatiwala sa inyo, ang bayang ipinagmamalaki ninyo? 21 Ano ang sasabihin mo kapag sinakop ka at pinagharian ng mga taong inakala mong mga kaibigan? Maghihirap ka tulad ng isang babaing nanganganak. 22 At kung itanong mo kung bakit nangyari ito sa iyo: kung bakit napunit ang iyong damit, at kung bakit ka pinagsamantalahan; ang dahilan ay napakabigat ng iyong kasalanan. 23 Kaya bang baguhin ng isang Etiope ang kulay ng kanyang balat o maaalis kaya ng isang leopardo ang kanyang mga batik? Kapag iyan ay nangyari, matututo na rin kayong gumawa ng matuwid, kayo na walang ginagawa kundi pawang kasamaan. 24 Dahil dito, pangangalatin kayo ni Yahweh, tulad ng ipang ipinapadpad ng hangin. 25 “Iyan ang mangyayari sa inyo,” sabi ni Yahweh. “Iyan ang gagawin ko sa inyo, sapagkat ako'y kinalimutan ninyo at naglingkod kayo sa mga diyus-diyosan. 26 Huhubaran kita at malalantad ka sa kahihiyan. 27 Nakita ko ang mga kasuklam-suklam na gawa mo: Ang iyong pagsamba sa mga diyus-diyosang nasa mga burol at kabukiran; tulad ng lalaking nagnanasa sa asawa ng kanyang kapwa, gaya ng kabayong lalaki na humahalinghing pagkakita sa isang kabayong babae. Nakatakda na ang iyong kapahamakan, Jerusalem! Kailan ka pa kaya magsisisi upang maging malinis ka?”

Ang Matinding Tagtuyot

14 Ito ang pahayag ni Yahweh kay Jere mias tungkol sa tagtuyot:

“Nananangis ang Juda, naghihingalo ang kanyang mga lunsod,
nakahandusay sa lupa ang mga tao dahil sa matinding kalungkutan,
    at napapasaklolo ang Jerusalem.
Inutusan ng mayayaman ang kanilang mga alipin upang kumuha ng tubig;
    nagpunta naman ang mga ito sa mga balon,
    ngunit wala silang nakuhang tubig doon;
    kaya nagbalik sila na walang laman ang mga banga.
Dahil sa kahihiyan at kabiguan
    ay tinatakpan nila ang kanilang mukha,
sapagkat bitak-bitak na ang lupa.
    Tuyung-tuyo na ang lupain dahil hindi umuulan,
nanlupaypay ang mga magbubukid,
    kaya sila'y nagtalukbong na lang ng mukha.
Iniwan na ng inahing usa ang kanyang anak na bagong silang,
    sapagkat wala ng sariwang damo sa parang.
Umakyat sa mga burol ang mga asnong maiilap,
    humihingal na parang mga asong-gubat;
nanlalabo ang kanilang paningin
    dahil sa kawalan ng pagkain.
Nagsumamo sa akin ang aking bayan:
    ‘Yahweh, bagaman inuusig kami ng aming mga kasalanan,
    gayunman, kami'y tulungan mo gaya ng iyong pangako.
Tunay na maraming beses na kaming tumalikod;
    kami ay nagkasala laban sa iyo.
Ikaw ang tanging pag-asa ng Israel,
    ikaw lamang ang makakapagligtas sa amin sa panahon ng kagipitan.
Bakit para kang dayuhan sa aming bayan,
    parang isang manlalakbay na nakikitulog lamang?
Bakit para kang isang taong nabigla,
    parang kawal na walang tulong na magawâ?
Ngunit ang totoo, O Yahweh, kasama ka namin;
    kami ay iyong bayan,
    huwag mo kaming pabayaan.’”

10 Ang sabi ni Yahweh tungkol sa mga taong ito, “Ginusto nilang lumayo sa akin, at walang nakapigil sa kanila. Kaya naman hindi ako nalulugod sa kanila. Hindi ko malilimot ang masasama nilang gawa, at paparusahan ko sila dahil sa kanilang mga kasalanan.”

11 At sinabi sa akin ni Yahweh, “Huwag mong hilingin sa akin na tulungan ko ang mga taong ito. 12 Kahit na sila'y mag-ayuno, magsunog ng mga handog at magdala ng handog na pagkaing butil, hindi ko diringgin ang kanilang panalangin at hindi ako malulugod sa kanila. Sa halip, pababayaan ko silang mamatay sa digmaan, sa matinding gutom, at sa sakit.”

13 Ang sabi ko naman, “Panginoong Yahweh, alam mong sinasabi ng mga propeta na hindi magkakaroon ng digmaan o taggutom, sapagkat iyong ipinangako na kapayapaan lamang ang mararanasan sa buong bayan.”

14 Subalit ganito ang sagot ni Yahweh: “Pawang kasinungalingan ang sinasabi ng mga propetang iyan; hindi ko sila sinugo, inutusan, o kinausap man. Ang mga pangitaing kanilang sinasabi sa inyo ay hindi galing sa akin, kundi pawang kathang-isip lamang nila. 15 Ito ang gagawin ko sa mga propetang hindi ko sinugo ngunit nagpapahayag sa aking pangalan at nagsasabing hindi daranas ng taggutom ang lupain—lilipulin ko sila sa pamamagitan ng digmaan at taggutom. 16 Pati ang mga taong pinagsabihan nila ng mga bagay na ito ay masasawi sa digmaan at sa taggutom. Itatapon sa mga lansangan ng Jerusalem ang kanilang mga bangkay, at walang maglilibing sa kanila. Ganyan ang mangyayari sa kanilang lahat kasama ang kanilang mga asawa't mga anak. Pagbabayarin ko sila sa kanilang kasamaan.”

17 Inutusan ni Yahweh si Jeremias na ipaalam sa bayan ang kanyang kalungkutan; at sabihin,

“Araw-gabi'y hindi na ako titigil ng pag-iyak;
sapagkat malalim ang sugat ng aking bayan,
    sila'y lubhang nasaktan.
18 Kapag lumabas ako sa kabukiran,
    nakikita ko ang mga nasawi sa digmaan;
kapag ako'y pumunta sa mga bayan,
    naroon naman ang mga taong namamatay sa gutom.
Patuloy sa kanilang gawain ang mga propeta at mga pari,
    subalit hindi nila alam kung ano ang kanilang ginagawa.”

Nagmakaawa kay Yahweh ang mga Tao

19 Yahweh, lubusan mo na bang itinakwil ang Juda?
    Kinapootan mo na ba ang mga taga-Zion?
Bakit ganito kalubha ang parusa mo sa amin,
    parang wala na kaming pag-asang gumaling?
Naghanap kami ng kapayapaan ngunit nabigo kami;
    umasa kaming gagaling ngunit sa halip takot ang dumating.
20 Yahweh, kinikilala namin ang aming kasamaan,
    at ang pagtataksil ng aming mga magulang;
    kaming lahat ay nagkasala sa iyo.
21 Huwag mo kaming itakwil, alang-alang sa iyong pangalan;
    huwag mong itulot na mapahiya ang Jerusalem,
    ang kinalalagyan ng marangal mong trono.
Alalahanin mo ang ating kasunduan; huwag mo sana itong sirain.
22 Hindi makakagawa ng ulan ang mga diyus-diyosan ng alinmang bansa;
    hindi makapagpapaambon man lamang ang mga langit.
Nasa iyo, O Yahweh, ang aming pag-asa,
    sapagkat ikaw lamang ang makakagawa ng mga bagay na ito.

2 Timoteo 1

Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos upang ipangaral ang tungkol sa buhay na ipinangakong makakamtan natin sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo Jesus—

Kay(A) Timoteo na minamahal kong anak.

Sumaiyo nawa ang kagandahang-loob, kahabagan, at kapayapaang mula sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

Pasasalamat at Paalala

Tuwing inaalala kita sa aking panalangin araw at gabi, nagpapasalamat ako sa Diyos na aking pinaglilingkuran nang may malinis na budhi gaya ng ginawa ng aking mga ninuno. Kapag naaalala ko ang iyong pagluha, nananabik akong makita ka upang malubos ang aking kagalakan. Hindi(B) ko nalilimutan ang tapat mong pananampalataya, na naunang tinaglay ng iyong lolang si Loida at ni Eunice na iyong ina. Natitiyak kong nasa iyo rin ang pananampalatayang ito. Dahil dito, ipinapaalala ko sa iyo na pag-alabin mong muli ang kaloob na ibinigay sa iyo ng Diyos nang ipatong ko sa iyo ang aking mga kamay. Sapagkat ang espiritung ibinigay sa atin ng Diyos ay hindi espiritu ng kahinaan ng loob, kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig at pagpipigil sa sarili.

Kaya't huwag kang mahihiyang magpatotoo para sa ating Panginoon, at huwag mo rin akong ikakahiya, na isang bilanggo alang-alang sa kanya. Sa halip, makihati ka sa pagtitiis para sa Magandang Balita. Umasa ka sa kapangyarihan ng Diyos na nagligtas at tumawag sa atin para sa isang banal na gawain. Ginawa niya ito, hindi dahil sa anumang nagawa natin, kundi ayon sa kanyang layunin at kagandahang-loob. Sa simula pa, ito ay ibinigay na niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus, 10 ngunit ito'y nahayag na ngayon, nang dumating si Cristo Jesus na ating Tagapagligtas. Winakasan niya ang kapangyarihan ng kamatayan at inihayag ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Magandang Balita.

11 Para(C) sa Magandang Balitang ito, ako'y itinalagang mangangaral, apostol at guro, 12 at iyan ang dahilan kaya ako nagdurusa nang ganito. Ngunit hindi ako nahihiya, sapagkat kilala ko ang aking sinasampalatayanan at natitiyak kong maiingatan niya hanggang sa huling araw ang ipinagkatiwala ko sa kanya.[a] 13 Gawin mong batayan ang mabubuting aral na itinuro ko sa iyo, at manatili ka sa pananampalataya at sa pag-ibig na tinanggap natin sa pamamagitan ng ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus. 14 Sa tulong ng Espiritu Santo na nananatili sa atin, ingatan mo ang mabuting bagay na ipinagkatiwala sa iyo.

15 Alam mong ako'y iniwan ng lahat ng mga nasa Asia, kabilang sina Figelo at Hermogenes. 16 Kahabagan nawa ng Panginoon ang sambahayan ni Onesiforo sapagkat sa maraming pagkakataon ay pinasigla niya ako at hindi niya ako ikinahiya kahit ako'y isang bilanggo. 17 Sa katunayan, pagdating niya sa Roma, pilit niya akong hinanap hanggang sa ako'y kanyang matagpuan. 18 Kahabagan nawa siya ng Panginoon sa Araw na iyon. Alam mo naman kung paano niya ako pinaglingkuran sa Efeso.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.