Old/New Testament
Mga Sugo mula sa Babilonia(A)
39 Nabalitaan ni Merodac-Baladan na hari ng Babilonia, na anak ni Baladan, na si Hezekias ay gumaling sa kanyang karamdaman. Bilang pagbati, nagpadala siya roon ng mga sugong may dalang sulat at regalo. 2 Labis itong ikinagalak ni Hezekias at sa katuwaa'y ipinakita niya sa mga ito ang lahat niyang kayamanan at ari-arian. Ipinakita niya ang mga itinagong pilak, ginto, mga pabango, mamahaling langis, at ang mga sandata sa arsenal. Kaya lahat ng taguan ng kanyang mga kayamanan ay nakita ng mga sugo. 3 Nang dumating si Isaias, tinanong niya si Haring Hezekias, “Saan ba nanggaling ang mga taong ito? Anong sinabi nila sa iyo?” Sumagot ang hari, “Sa malayong lugar sila nanggaling; buhat pa sila sa Babilonia.” 4 Nagtanong na muli si Isaias, “Ano naman ang nakita nila sa inyong palasyo?” Sinabi ng hari, “Lahat ng ari-arian ko sa palasyo, pati ang laman ng mga bodega.”
5 Dahil dito'y sinabi ni Isaias, “Pakinggan ninyo ang ipinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: 6 ‘Darating ang panahon na ang lahat ng ari-arian ninyo, pati ang tinipon ng inyong mga ninuno ay dadalhin sa Babilonia; walang matitira sa mga iyon!’ 7 Pati(B) ang iyong salinlahi na ipapanganak pa lamang ay dadalhin sa Babilonia at gagawin nilang mga eunuko sa palasyo ng hari.” 8 “Ang sinabi mong iyan buhat kay Yahweh ay mabuti,” sagot ni Hezekias. Sinabi niya ito sapagkat iniisip niyang magkakaroon ng kapayapaan at kasaganaan habang siya'y nabubuhay.
Mga Salita ng Pag-asa
40 “Aliwin ninyo ang aking bayan,” sabi ng Diyos.
“Aliwin ninyo sila!
2 Inyong ibalita sa mga taga-Jerusalem,
tapos na ang kanilang pagdurusa
sapagkat nabayaran na nila ng lubos
ang kasalanang ginawa nila sa akin.”
3 Ganito(C) (D) ang isinisigaw ng isang tinig:
“Ihanda ninyo ang daraanan ni Yahweh sa ilang;
gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran sa ilang.
4 Tambakan ang mga libis,
patagin ang mga burol at bundok,
at pantayin ang mga baku-bakong daan.
5 Mahahayag ang kaluwalhatian ni Yahweh,
at makikita ito ng lahat ng tao.
Si Yahweh mismo ang nagsabi nito.”
6 “Magpahayag(E) ka!” ang sabi ng tinig.
“Ano ang ipahahayag ko?” tanong ko.
Sumagot siya, “Ipahayag mong ang lahat ng tao ay tulad ng damo,
ang kanyang buhay ay tulad lamang ng bulaklak sa parang.
7 Natutuyo ang damo, kumukupas ang mga bulaklak,
kapag sila'y mahipan ng hanging mula kay Yahweh.
Tunay ngang ang tao ay tulad ng damo.
8 Oo, ang damo'y nalalanta, at kumukupas ang mga bulaklak,
ngunit ang salita ng ating Diyos ay mananatili magpakailanman.”
Ang Diyos ay Narito Na
9 Umakyat ka sa tuktok ng bundok, O Zion,
magandang balita ay iyong ipahayag, O Jerusalem!
Sumigaw ka at huwag matatakot,[a]
sabihin mo sa mga lunsod ng Juda,
“Narito na ang inyong Diyos!”
10 Dumarating(F) ang Panginoong Yahweh na taglay ang kapangyarihan,
dala ang gantimpala sa mga hinirang.
11 At(G) tulad ng pastol, pinapakain niya ang kanyang kawan;
sa kanyang mga bisig, ang maliliit na tupa'y kanyang yayakapin.
Sa kanyang kandungan ay pagyayamanin,
at papatnubayan ang mga tupang may supling.
Walang Katulad ang Diyos
12 Sino ang makakasukat ng tubig sa dagat sa pamamagitan ng kanyang kamay?
Sino ang makakasukat sa lawak ng kalangitan?
Sinong makakapaglagay ng lahat ng lupa sa isang sisidlan?
Sino kaya ang makakapagtimbang sa mga bundok at burol?
13 Sino(H) ang makakapagsabi ng dapat gawin ni Yahweh?
May makakapagturo ba o makakapagpayo sa kanya?
14 Sino ang kanyang puwedeng sanggunian para maliwanagan?
Sinong nagturo sa kanya ng landas ng katarungan?
Sinong nagkaloob sa kanya ng kaalaman at ng paraan upang makaunawa?
15 Sa(I) harap ni Yahweh ang mga bansa ay walang kabuluhan,
tulad lang ng isang patak ng tubig sa isang sisidlan;
at ang mga pulo ay parang alikabok lamang ang timbang.
16 Hindi sapat na panggatong ang lahat ng kahoy sa Lebanon.
Kulang pang panghandog ang lahat ng hayop sa gubat roon.
17 Sa kanyang harapan, ay walang halaga ang lahat ng bansa.
18 Saan(J) ninyo ihahambing ang Diyos
at kanino ninyo siya itutulad?
19 Siya ba'y maihahambing sa mga imaheng ginawa ng tao,
na binalutan ng ginto,
at ipinatong sa pilak?
20 Hindi(K) rin siya maitutulad sa rebultong kahoy
matigas man ang kahoy at hindi nabubulok,
na nililok upang hindi tumumba
at mabibili lang sa murang halaga.
21 Hindi ba ninyo nalalaman?
Wala bang nagbalita sa inyo noon,
kung paano nagsimulang likhain ang sanlibutan?
22 Ang lumikha nito ay ang Diyos na nakaupo sa kanyang trono doon sa kalangitan;
mula roon ang tingin sa tao'y parang mga langgam.
Ang langit ay iniladlad niyang tulad ng kurtina,
tulad ng tolda upang matirahan.
23 Inaalis niya ang mga pinuno sa kapangyarihan,
at ginagawang walang kabuluhan.
24 Tulad nila'y mga halamang walang ugat,
bagong tanim at natutuyo agad;
at tila dayaming tinatangay ng hangin.
25 Kanino ninyo ihahambing ang banal na Diyos?
Mayroon ba siyang katulad?
26 Tumingala(L) kayo sa langit!
Sino ba ang lumikha ng mga bituin?
Sino ba ang sa kanila'y nagpapakilos,
at sino ba ang nagbigay ng kanilang pangalan?
Dahil sa kanyang dakilang kapangyarihan,
walang nawala sa kanila kahit isa man.
Si Yahweh ang Nagbibigay ng Kalakasan
27 Israel, bakit ka ba nagrereklamo
na tila hindi pansin ni Yahweh ang kabalisahan mo,
o hindi inalalayan sa kaapihang naranasan?
28 Hindi ba ninyo nalalaman, di ba ninyo naririnig?
Na itong si Yahweh, ang walang hanggang Diyos,
ang siyang lumikha ng buong daigdig?
Hindi siya napapagod;
sa isipan niya'y walang makakaunawa.
29 Ang mahihina't mga napapagod ay kanyang pinapalakas.
30 Kahit na ang mga kabataan ay napapagod
at nanlulupaypay.
31 Ngunit muling lumalakas
at sumisigla ang nagtitiwala kay Yahweh.
Lilipad silang tulad ng mga agila.
Sila'y tatakbo ngunit hindi mapapagod,
sila'y lalakad ngunit hindi manghihina.
4 Mga(A) amo, maging mabuti kayo at makatarungan sa mga naglilingkod sa inyo. Alalahanin ninyong kayo man ay may Panginoon sa langit.
Mga Tagubilin
2 Maging matiyaga kayo sa pananalangin, laging handa at nagpapasalamat sa Diyos. 3 Idalangin ninyo sa Diyos na bigyan kami ng pagkakataon na maipangaral ang kanyang salita at maipahayag ang hiwaga ni Cristo, ang sanhi ng pagkabilanggo ko ngayon. 4 Ipanalangin din ninyong maipahayag ko ito nang buong linaw, gaya ng nararapat.
5 Maging(B) matalino kayo sa pakikitungo sa mga hindi nananampalataya at samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon. 6 Sikapin(C) ninyong laging maging kaaya-aya at kapaki-pakinabang ang inyong pananalita sa kanila, at matuto kayong sumagot nang tama sa lahat ng tao.
Pangwakas na Pagbati
7 Si(D)(E) Tiquico ang magbabalita sa inyo tungkol sa kalagayan ko rito. Siya ay minamahal naming kapatid, tapat na lingkod at kamanggagawa sa Panginoon. 8 Pinapunta ko siya riyan para malaman ninyo ang aming kalagayan, nang sa gayon ay lumakas ang inyong loob. 9 Kasama(F) niya ang tapat at minamahal nating kapatid na si Onesimo, na kasamahan ninyo. Sila ang magbabalita sa inyo ng lahat ng nangyari dito.
10 Kinukumusta(G) kayo ni Aristarco, na bilanggo ring kasama ko, at ni Marcos na pinsan ni Bernabe. Tungkol naman kay Marcos, mayroon nang bilin sa inyo na malugod ninyo siyang tanggapin pagdating niya riyan. 11 Kinukumusta rin kayo ni Jesus na kilala rin sa pangalang Justo. Silang tatlo lamang ang mga mananampalatayang Judio na kasama ko rito sa pangangaral tungkol sa kaharian ng Diyos, at sila'y malaking tulong sa akin.
12 Kinukumusta(H) rin kayo ng kasamahan ninyong si Epafras, na lingkod ni Cristo Jesus. Lagi niyang idinadalangin nang buong taimtim na kayo'y maging matatag, ganap, at lubos na panatag sa kalooban ng Diyos. 13 Saksi ako sa pagsisikap niya para sa inyo at sa mga nasa Laodicea at Hierapolis. 14 Nangungumusta(I) rin sa inyo si Demas at ang minamahal nating manggagamot na si Lucas.
15 Ikumusta ninyo ako sa mga kapatid sa Laodicea, gayundin kay Nimfa at sa iglesyang nagtitipon sa kanyang bahay. 16 Pagkabasa ninyo ng sulat na ito, ipabasa rin ninyo ito sa iglesya sa Laodicea. Basahin din ninyo ang sulat kong manggagaling doon. 17 At(J) pakisabi ninyo kay Arquipo na tapusin ang gawaing tinanggap niya sa Panginoon.
18 Ako mismong si Pablo ang sumusulat ng pagbating ito. Huwag ninyong kalimutan na ako'y nakabilanggo.
Sumainyo nawa ang kagandahang-loob ng Diyos.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.