Old/New Testament
Ang Lahat ng Bansa ay Mapapasama sa Bayan ng Diyos
56 Ang sabi ni Yahweh sa kanyang bayan:
“Panatilihin ang katarungan at gawin ang tama,
sapagkat ang pagliligtas ko'y hindi na magtatagal,
at ang aking tagumpay ay mahahayag na.
2 Mapalad ang taong nagsasagawa nito,
siya na tumatalima sa tuntuning ito.
Iginagalang niya ang Araw ng Pamamahinga,
at lumalayo sa gawang masama.”
3 Hindi dapat sabihin ng isang dayuhang nakipagkaisa sa bayan ng Diyos,
na siya'y hindi papayagan ni Yahweh na makisama sa pagsamba ng kanyang bayan.
Hindi dapat isipin ng mga eunuko na hindi sila karapat-dapat na mapabilang sa bayan ng Diyos
sapagkat hindi sila magkakaanak.
4 Ang(A) sabi ni Yahweh:
“Sa mga eunukong gumagalang sa Araw ng Pamamahinga,
na gumagawa ng mga bagay na nakalulugod sa akin
at tapat na iniingatan ang aking kasunduan.
5 Ang pangalan mo'y aalalahanin sa aking Templo at sa gitna ng aking bayan
nang mas matagal kaysa paggunita sa iyo,
kung ikaw ay nagkaroon ng mga anak.
Hindi ka malilimot kahit kailan.”
6 Ito naman ang sabi ni Yahweh sa mga dating dayuhan na ngayo'y kabilang sa kanyang bayan,
buong pusong naglilingkod sa kanya,
iginagalang ang Araw ng Pamamahinga,
at matapat na nag-iingat sa kanyang tipan:
7 “Dadalhin(B) ko kayo sa banal na bundok.
Ipadarama ko sa inyo ang kagalakan sa aking Templo.
Malulugod ako sa inyong mga handog;
at ang aking tahanan ay tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa.”
8 Ipinangako pa ng Panginoong Yahweh,
sa mga Israelitang ibinalik niya mula sa pagkatapon,
na marami pa siyang isasama sa kanila
para mapabilang sa kanyang bayan.
Hinatulan ang mga Pinuno ng Israel
9 Tinawag ni Yahweh ang ibang mga bansa upang salakayin at wasakin ang kanyang bayan,
tulad ng pagsalakay ng mababangis na hayop mula sa kagubatan.
10 Ang sabi niya, “Bulag ang mga pinuno na dapat magpaalala sa mga tao.
Wala silang nalalaman.
Para silang mga asong hindi marunong tumahol.
Ang alam lang nila'y magyabang at mangarap.
Ang ibig ay laging matulog.
11 Para silang asong gutom,
walang kabusugan;
sila'y mga pastol na walang pang-unawa.
Ginagawa nila ang anumang magustuhan
at walang iniisip kundi sariling kapakanan.
12 Ang sabi nila, “Halikayo, at kumuha kayo ng alak,
uminom tayo hanggang mayroon.
Mag-iinuman muli tayo bukas
nang mas marami kaysa ngayon!”
Hinatulan ang Maling Pagsamba
57 Ang taong matuwid kapag namamatay,
walang nakakaunawa at walang nakikialam;
ngunit siya'y kinukuha upang iligtas sa kapahamakan.
2 Mapayapa ang buhay,
ng taong lumalakad sa katuwiran
kahit siya'y mamatay.
3 Halikayo, mga makasalanan upang hatulan.
Wala kayong pagkakaiba sa mga mangkukulam,
nangangalunya at babaing masasama.
4 Sino ba ang inyong pinagtatawanan?
Sino ba ang inyong hinahamak?
Mga anak kayo ng sinungaling.
5 Sinasamba ninyo ang mga diyus-diyosan sa pamamagitan ng pakikipagtalik
habang nasa ilalim ng mga punong ensina na ipinalalagay ninyong sagrado.
Sinusunog ninyo bilang handog ang inyong mga anak,
sa mga altar sa may libis, sa loob ng mga yungib.
6 Makinis na bato'y sinasamba ninyo na tulad ng diyos,
kayo'y kumukuha ng pagkain at alak upang ihandog;
sa gawa bang ito, ako'y malulugod?
7 Sa tuktok ng bundok,
kayo'y umaahon upang maghandog,
at makipagtalik.
8 Pagpasok ng pinto,
nagtayo kayo roon ng diyus-diyosan,
ako'y nilimot ninyo at inyong nilayasan.
Lubos kayong nag-alis ng suot ninyong damit;
sa inyong higaa'y nakipagtalik sa mga lalaking inyong inupahan.
Kayo ay natulog na kasama nila para pagbigyan ang inyong pagnanasa.
9 Kayo ay nagtungo sa hari[a] na may dalang langis ng olibo,
at dinagdagan ninyo ang inyong pabango;
kayo ay nagsugo sa malayong lugar
at kayo mismo ang lumusong sa daigdig ng mga patay.
10 Lubha kayong nagpagod sa maraming lakbayin,
at kailan ma'y hindi sinabi na wala na itong pag-asa.
Kayo ay nagpanibagong-lakas,
at dahil dito ay hindi nanghina.
11 Ang tanong ni Yahweh, “Sino ba ang inyong kinatatakutan
kaya nagsinungaling kayo sa akin
at lubusang tumalikod?
Matagal ba akong nanahimik
kaya kayo tumigil ng pagpaparangal sa akin?
12 Akala ninyo'y tama ang inyong ginagawa.
Ibubunyag ko ang masama ninyong gawa;
at tingnan ko lang kung tutulungan kayo ng mga diyus-diyosang iyan.
13 Ang diyus-diyosang tinatawag ninyo'y hindi makatutulong o makakapagligtas, kahit kayo'y managhoy;
ang mga diyos ninyo'y lilipad kung hangin ay umihip,
kaunting ihip lamang, sila'y itataboy.
Subalit ang taong sa aki'y may tiwala at laging umaasa,
ang banal na bundok at ang lupaing ito'y mamanahin niya.”
Ang Pangakong Tulong at Pagpapagaling ng Diyos
14 Ang sabi ni Yahweh:
“Ang mga hinirang ay inyong bayaang magbalik sa akin,
ang bawat hadlang sa daan ay inyong alisin; ang landas ay gawin at inyong ayusin.”
15 “Ako ang Kataas-taasan at Banal na Diyos,
ang Diyos na walang hanggan.
Matataas at banal na lugar ang aking tahanan,
sa mababang-loob at nagsisisi, ako ay sasama,
aking ibabalik ang pagtitiwala nila at pag-asa.
16 Ako ang nagbigay ng buhay sa aking bayan,
sila'y hindi ko patuloy na uusigin;
at ang galit ko sa kanila'y
hindi mananatili sa habang panahon.
17 Nagalit ako sa kanila dahil sa kanilang kasalana't kasakiman,
kaya sila'y aking itinakwil.
Ngunit matigas ang kanilang ulo at patuloy na sumuway sa akin.
18 Sa kabila ng ginawa nila, sila'y aking pagagalingin at tutulungan,
at ang nagluluksa'y aking aaliwin.
19 Bibigyan(C) ko ng kapayapaan ang lahat, maging nasa malayo o nasa malapit man.
Aking pagagalingin ang aking bayan.
20 Ngunit ang masasama ay tulad ng dagat na laging maalon,
walang pahinga sa buong panahon;
mga burak at putik buhat sa ilalim ang iniaahon.
21 Walang(D) kapayapaan ang mga makasalanan.” Sabi ng aking Diyos.
Ang Tunay na Pagsamba
58 Sinabi ni Yahweh, “Sumigaw ka nang malakas na malakas;
itaas mo ang iyong tinig gaya ng trumpeta.
Ang kasalanan ng bayan ko sa kanila'y ihayag.
2 Sinasangguni nila ako sa araw-araw,
tinatanong nila ako kung paano sila mamumuhay.
Kung kumilos sila ay parang matuwid,
at hindi sumusuway sa mga tuntuning ibinigay ng kanilang Diyos.
Humihingi sila sa akin ng matuwid na pasya;
nais nila'y maging malapit sa Diyos.”
3 Tanong ng mga tao, “Bakit hindi mo pansin ang pag-aayuno namin?
Bakit walang halaga sa iyo kung kami ma'y magpakumbaba?”
Sagot ni Yahweh, “Pansariling kapakanan pa rin ang pangunahing layunin ninyo sa pag-aayuno,
at habang nag-aayuno'y patuloy ninyong inaapi ang mga manggagawa.
4 Ang pag-aayuno ninyo'y humahantong lamang sa karahasan,
kayo'y nagkakagalit at naglalaban-laban.
Hindi tunay ang pag-aayunong ginagawa ninyo ngayon,
kaya tiyak na hindi ko papakinggan, ang inyong mga dalangin sa akin.
5 Ganyan ba ang pag-aayunong aking kaluluguran?
Iyan ba ang araw na talagang nagpapakumbaba ang mga tao?
Hinihiling ko ba na yumuko kayong tulad ng damong hinihipan ng hangin,
o mahiga kayo sa sako at abo?
Pag-aayuno na ba ang tawag ninyo diyan,
isang araw na nakalulugod kay Yahweh?
6 “Ganitong pag-aayuno ang gusto kong gawin ninyo:
Palayain ninyo ang mga di-makatarungang ipinabilanggo;
kalagin ninyo ang tanikala ng inyong mga inalipin.
Palayain ninyo ang mga inaapi,
at baliin ang mga pamatok ng mga alipin.
7 Ang(E) mga nagugutom ay inyong pakainin,
ang mga walang tirahan ay inyong patuluyin.
Ang mga walang maisuot ay inyong bigyan ng mga damit.
At sa mga nangangailangang mga kamag-anak ay huwag kayong magkakait.
8 Kung magkagayon, sisikat ang liwanag sa inyo, at matutulad kayo sa bukang-liwayway,
hindi magtatagal at manunumbalik ang inyong kalusugan.
Mahahayag sa inyong unahan ang mabubuti ninyong gawa,
at sa inyong hulihan ay papatnubayan kayo ng kaluwalhatian ni Yahweh.
9 Sa araw na iyon, diringgin ni Yahweh ang inyong dalangin;
kapag kayo'y humingi ng tulong, sasabihin niya, ‘Naririto ako.’
“Kapag itinakwil ninyo ang pang-aapi,
maling pagbibintang at pagsisinungaling;
10 kapag ang nagugutom ay kusang-loob ninyong pakakainin,
at tutulungan ang mahihirap,
sisikat ang liwanag sa inyong nasa kadiliman,
at ang inyong kapanglawan ay magliliwanag gaya ng sa katanghaliang-tapat.
11 Patuloy kayong papatnubayan ni Yahweh
at ibibigay ang pangangailangan sa gitna ng disyerto.
Palalakasin niyang muli ang inyong mga buto.
At magiging tulad kayo ng isang hardin,
na binubukalan ng masaganang tubig,
o isang batis na hindi natutuyo.
12 Muli ninyong itatayo ang kutang gumuho,
at itatatag ito sa dating pundasyon.
Makikilala kayo bilang tagapagtayo ng mga nawasak na pader,
mga tagapagtatag ng bagong pamayanan.”
13 Sinabi pa ni Yahweh, “Inyong igagalang ang takdang Araw ng Pamamahinga,
huwag kayong gagawa para sa pansariling kapakanan sa araw na banal.
Sa araw na ito'y mamamahinga kayo at huwag maglalakbay,
o gagawa o mag-uusap ng tungkol sa mga bagay na walang kabuluhan.
14 At kung magkagayon, madarama ninyo ang kagalakan ng paglilingkod sa akin.
Bibigyan ko kayo ng karangalan sa harap ng buong daigdig;
at tatamasahin ninyo ang kaligayahan habang naninirahan sa lupaing ibinigay ko sa ninuno ninyong si Jacob.
Mangyayari ito sapagkat akong si Yahweh ang nagsabi nito.”
Ang Suwail
2 Mga(A) kapatid, tungkol naman sa pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo at sa pagtitipon sa atin upang makapiling niya, nakikiusap kami sa inyo 2 na huwag agad magugulo ang inyong isipan o mababahala kung mabalitaan ninyong dumating na ang Araw ng Panginoon. Huwag kayong maniniwala kahit sabihin pa nilang iyon ay pangangaral o pahayag, o isinulat namin. 3 Huwag kayong magpapadaya kaninuman sa anumang paraan. Hindi darating ang Araw ng Panginoon hangga't di pa nagaganap ang huling paghihimagsik laban sa Diyos at ang paglitaw ng Suwail[a] na itinakda sa kapahamakan.[b] 4 Itataas(B) niya ang kanyang sarili at kakalabanin ang lahat ng kinikilalang diyos at sinasamba ng mga tao. Uupo siya sa Templo ng Diyos at magpapakilalang siya ang Diyos.
5 Hindi ba ninyo natatandaan? Sinabi ko na ito sa inyo nang ako'y kasama pa ninyo. 6 Hindi pa nga lamang nangyayari ito dahil may pumipigil pa, at alam ninyo kung ano iyon. Lilitaw ang Suwail pagdating ng takdang panahon. 7 Ngayon pa man ay gumagawa na ang hiwaga ng kasamaan at mananatiling ganyan hangga't di naaalis ang humahadlang sa kanya. Kung maalis na ang humahadlang, 8 malalantad na ang Suwail. Ngunit pagdating ng Panginoong [Jesus],[c] papatayin niya ang Suwail. Bubugahan niya ito ng hininga mula sa kanyang bibig at pupuksain sa pamamagitan ng kanyang nakakasilaw na liwanag.
9 Paglitaw(C) ng Suwail, taglay niya ang kapangyarihan ni Satanas. Gagawa siya ng lahat ng uri ng mapanlinlang na mga himala at kababalaghan. 10 Gagamit siya ng lahat ng uri ng pandaraya sa mga mapapahamak dahil ayaw nilang mahalin ang katotohanan na makakapagligtas sana sa kanila. 11 Dahil dito, hahayaan ng Diyos na sila'y malinlang ng espiritu ng kamalian at maniwala sa kasinungalingan. 12 Sa gayon, mapaparusahan ang lahat ng natuwa sa paggawa ng kasamaan sa halip na maniwala sa katotohanan.
Hinirang Upang Maligtas
13 Mga kapatid na minamahal ng Panginoon, dapat kaming magpasalamat palagi sa Diyos dahil sa inyo. Kabilang kayo sa mga unang pinili niya[d] upang pagkalooban ng kaligtasan sa pamamagitan ng Espiritu Santo at ng inyong pananalig sa katotohanan. 14 Tinawag kayo ng Diyos sa pamamagitan ng Magandang Balita na ipinahayag namin sa inyo upang makasama kayo sa kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 15 Kaya nga, mga kapatid, magpakatatag kayo at panghawakan ninyo ang mga katuruang ipinasa namin sa inyo, sa pamamagitan man ng aming sinabi o isinulat.
16 Aliwin nawa kayo ng ating Panginoong Jesu-Cristo mismo at ng ating Diyos Ama na umibig sa atin, at dahil sa kanyang kagandahang-loob ay nagbigay sa atin ng walang hanggang kaaliwan at magandang pag-asa. 17 Bigyan nawa kayo ng matatag na kalooban para sa lahat ng mabuting gawa at salita.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.