Old/New Testament
Ang Hatol sa Egipto
46 Ito ang sinabi ni Yahweh kay Propeta Jeremias tungkol sa mga bansa. 2 Tungkol(A) sa Egipto, sa hukbo ni Faraon Neco na nilupig ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia, samantalang sila'y nakahimpil sa may Ilog Eufrates sa Carquemis noong ika-4 na taon ng paghahari sa Juda ni Jehoiakim, anak ni Josias:
3 “Ihanda ninyo ang inyong mga kalasag,
at sumugod sa digmaan!
4 Lagyan ninyo ng sapin ang mga kabayo, at sakyan ng mga mangangabayo.
Humanay kayo at isuot ang inyong helmet,
ihasa ang inyong mga sibat,
at magbihis ng mga gamit pandigma!
5 Ngunit ano itong aking nakikita?
Sila'y takot na takot na nagbabalik.
Nalupig ang kanilang mga kawal,
at mabilis na tumakas;
hindi sila lumilingon, sapagkat may panganib sa magkabi-kabila!
6 Ngunit hindi makakatakas kahit ang maliliksi,
at hindi makalalayo ang mga kawal.
Sila'y nabuwal at namatay
sa may Ilog Eufrates sa gawing hilaga.
7 Sino itong bumabangon katulad ng Nilo,
gaya ng mga ilog na ang tubig ay malakas na umaalon?
8 Ang Egipto ang bumabangong tulad ng Nilo,
gaya ng ilog na umaalon.
Sabi niya, ‘Ako'y babangon, aapawan ko ang lupa,
wawasakin ang mga lunsod, at lilipulin ang mga naninirahan doon.
9 Lumusob kayo, mga mangangabayo!
Sumugod kayong nasa mga karwahe!
Sumalakay kayo, mga mandirigma,
mga lalaking taga-Etiopia[a] at Libya na bihasang humawak ng kalasag;
kayo ring taga-Lud na sanay sa pagpana.’”
10 Ang araw na iyon ay araw ni Yahweh,
ang Makapangyarihang Panginoon,
araw ng paghihiganti niya sa mga kaaway.
Ang tabak ay parang gutom na kakain at hindi hihinto hanggang hindi busog,
iinumin nito ang kanilang dugo.
At ihahandog ni Yahweh ang mga bangkay nila
sa lupain sa hilaga, sa may Ilog Eufrates.
11 Umakyat ka sa Gilead, kumuha ka roon ng panlunas.
Walang bisa ang maraming gamot na ginamit mo;
hindi ka na gagaling.
12 Nabalitaan ng mga bansa ang kahihiyan mo,
at umaalingawngaw sa sanlibutan ang iyong sigaw.
Natisod ang kawal sa kapwa kawal;
sila'y magkasabay na nabuwal.
Sumalakay sa Egipto si Nebucadnezar
13 Ito(B) ang sinabi ni Yahweh kay Propeta Jeremias tungkol sa pagdating ni Haring Nebucadnezar upang salakayin ang Egipto.
14 “Ipahayag ninyo sa Egipto,
sa Migdol, sa Memfis, at sa Tafnes:
‘Tumayo kayo at humanda,
sapagkat ang tabak ang lilipol sa inyong lahat.’
15 Bakit tumakas ang itinuturing na malakas na diyus-diyosang si Apis?
Bakit hindi siya makatayo?
Sapagkat siya'y ibinagsak ni Yahweh.
16 Nalugmok ang maraming kawal;
ang wika nila sa isa't isa,
‘Umurong na tayo sa ating bayan
upang tayo'y makaiwas sa tabak ng kaaway.’
17 “Ang Faraon ng Egipto ay tawagin ninyong
‘Ang maingay na ugong na nagsasayang ng panahon.’
18 Sinasabi ng Hari na ang pangala'y Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat.
Ako ang buháy na Diyos!
Gaya ng Tabor sa gitna ng mga bundok,
at ng Carmelo sa may tabing-dagat,
gayon ang lakas ng isang sasalakay sa inyo.
19 Mga taga-Egipto, ihanda ninyo ang inyong sarili sa pagkabihag!
Mawawasak at guguho ang Memfis,
at wala isa mang maninirahan doon.
20 Ang Egipto'y gaya ng isang magandang bakang dumalaga,
ngunit dumating sa kanya ang isang salot buhat sa hilaga.
21 Pati ang kanyang mga upahang kawal
ay parang mga guyang walang kayang magtanggol.
Nagbalik sila at magkakasamang tumakas,
sapagkat sila'y hindi nakatagal.
Dumating na ang araw ng kanilang kapahamakan;
oras na ng kanilang kaparusahan.
22 Siya'y dahan-dahang tumakas, gaya ng ahas na gumagapang na papalayo.
Sapagkat dumating ang makapangyarihang kaaway,
may dalang mga palakol,
tulad ng mamumutol ng mga punongkahoy.
23 Puputulin nito ang mga punongkahoy sa kanyang kagubatan, sabi ni Yahweh,
bagama't ito'y mahirap pasukin;
mas marami sila kaysa mga balang,
at halos hindi mabilang.
24 Mapapahiya ang mga taga-Egipto;
ibibigay sila sa mga taga-hilaga.”
25 Sinabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Paparusahan ko si Ammon na taga-Tebes, ang Faraon, ang Egipto at ang kanyang mga diyos at mga hari, at ang mga nagtitiwala kay Faraon. 26 Sila'y ibibigay ko kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at sa mga pinuno nito. Pagkatapos, pananahanan ang Egipto gaya noong unang panahon.
Ililigtas ni Yahweh ang Kanyang Bayan
27 “Ngunit(C) huwag kang matakot, lingkod kong Jacob;
at huwag kang manlupaypay, Israel.
Ililigtas ko kayo, kahit saan kayo naroon;
kahit nasa lupain ng pagkabihag ang inyong mga anak.
Manunumbalik ang payapang pamumuhay ni Jacob,
at siya'y sasagana at wala nang katatakutan.
28 Inuulit ko, Jacob na aking lingkod, huwag kang matakot,
sapagkat ako'y sumasaiyo,” sabi ni Yahweh.
“Ganap na magwawakas ang lahat ng bansang pinagtapunan ko sa iyo,
subalit ikaw ay hindi ko wawasakin.
Paparusahan kita sapagkat iyon ang nararapat;
hindi maaaring hindi kita parusahan.”
Ang Pahayag ni Yahweh tungkol sa mga Filisteo
47 Ito(D) ang pahayag na tinanggap ni Jeremias kay Yahweh tungkol sa mga Filisteo bago sinalakay ni Faraon ang Gaza:
2 “Tumataas ang tubig sa hilaga,
at babaha, ito'y aapaw sa buong lupain;
magpapasaklolo ang mga tao,
maghihiyawan sa matinding takot.
3 Maririnig ang ingay ng yabag ng mga kabayo,
ang paghagibis ng mga karwahe!
Hindi na maaalala ng mga magulang ang kanilang mga anak;
manghihina ang kanilang mga kamay,
4 sapagkat dumating na ang araw ng pagkawasak ng mga Filisteo.
Ang pinakahuling magtatanggol sa Tiro at Sidon ay babagsak;
sapagkat lilipulin ni Yahweh ang mga Filisteo,
ang nalabi sa baybayin ng Caftor.
5 Parang kinalbo ang Gaza;
pinatahimik ang Ashkelon.
Hanggang kailan magluluksa ang mga Filisteo?
6 Kailan pa magpapahinga ang tabak ni Yahweh?
Lumigpit ka na sa kaluban, at doon manahimik!
7 Paano naman itong mapapahinga?
Hindi pa tapos ang gawaing itinakda sa kanya ni Yahweh
laban sa Ashkelon at sa kapatagang malapit sa dagat;
doon nakatakda ang gawain nito.”
6 Kaya't iwan na natin ang mga panimulang aralin tungkol kay Cristo at magpatuloy tayo sa mga aral na para sa mga may sapat na gulang na. Tigilan na natin ang muling paglalagay ng pundasyon tungkol sa pagtalikod sa mga gawang walang kabuluhan at tungkol sa pananampalataya sa Diyos, 2 tungkol sa mga iba't ibang seremonya ng paglilinis at pagpapatong ng mga kamay, at tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay at sa hatol na walang hanggan. 3 Magpatuloy nga tayo; at iyan ang gagawin natin kung loloobin ng Diyos.
4 Sapagkat paano pang panunumbalikin upang magsisi ang mga tumalikod na sa kanilang pananampalataya? Dati'y naliwanagan na sila, nakalasap ng makalangit na kaloob at naging kabilang sa mga tumanggap ng Espiritu Santo. 5 Nakalasap na rin sila ng kabutihan ng Salita ng Diyos, at nakadama ng kapangyarihan ng Diyos na lubusang mahahayag sa panahong darating. 6 Kapag sila'y tumalikod pagkatapos malasap ang lahat ng ito, hindi na sila maaaring panumbalikin upang magsisi sapagkat muli nilang ipinapako sa krus at inilalantad sa kahihiyan ang Anak ng Diyos.
7 Sapagkat pinagpapala ng Diyos ang lupang pagkatapos tumanggap ng masaganang ulan ay sinisibulan ng halamang pinapakinabangan ng mga magsasaka. 8 Subalit(A) kung mga damo at halamang matitinik ang tumutubo doon, walang kabuluhan ang lupang iyon at nanganganib pang sumpain ng Diyos at tupukin sa apoy.
9 Mga minamahal, kahit ganito ang sinasabi namin, natitiyak namin na nasa mas mabuti kayong kalagayan patungkol sa inyong kaligtasan. 10 Makatarungan ang Diyos; hindi niya malilimutan ang inyong ginawa at ang pagmamahal na inyong ipinakita at hanggang ngayo'y ipinapakita sa pamamagitan ng paglilingkod ninyo sa mga hinirang ng Diyos. 11 Ang nais namin ay patuloy na magsumikap hanggang wakas ang bawat isa sa inyo upang makamtan ninyo ang inyong inaasahan. 12 Kaya't huwag kayong maging tamad. Tularan ninyo ang mga taong dahil sa kanilang pagtitiis at pananalig sa Diyos ay tumatanggap ng mga ipinangako niya.
Tiyak ang Pangako ng Diyos
13 Nang mangako kay Abraham ang Diyos, siya'y nanumpa sa kanyang sariling pangalan, yamang wala nang hihigit pa sa kanya na maaari niyang panumpaan. 14 Sinabi(B) niya, “Ipinapangako ko na lubos kitang pagpapalain at pararamihin ko ang iyong lahi.” 15 Matiyagang naghintay si Abraham at natanggap niya ang ipinangako sa kanya. 16 Nanunumpa ang mga tao sa pangalan ng isang nakakahigit sa kanila, at sa pamamagitan ng panunumpa ay pinapagtibay ang usapan. 17 Gayundin naman, pinagtibay ng Diyos ang kanyang pangako sa pamamagitan ng panunumpa, upang ipakita sa kanyang mga pinangakuan na hindi mababago ang kanyang layunin. 18 Hindi nagbabago at hindi nagsisinungaling ang Diyos tungkol sa dalawang bagay na ito: ang kanyang pangako at sumpa. Kaya't tayong nakatagpo ng kanyang kalinga ay panatag ang loob na umaasa sa mga pangako niya. 19 Ang(C) pag-asang ito ang siyang matibay at matatag na angkla ng ating buhay, at ito'y umaabot hanggang sa kabila ng tabing ng templo, hanggang sa Dakong Kabanal-banalan. 20 Si(D) Jesus ay naunang pumasok doon alang-alang sa atin, at naging Pinakapunong Pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquisedec.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.