Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Jeremias 34-36

Ang Babala ni Jeremias kay Zedekias

34 Ito(A) ang pahayag ni Yahweh kay Jeremias nang ang Jerusalem at mga karatig-bayan ay sinasalakay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia at ng kanyang hukbo, katulong ang lahat ng kaharian at bansang sakop nito. “Pumunta ka at sabihin mo kay Haring Zedekias ng Juda ang ganito: Ang lunsod na ito'y ibibigay ko sa hari ng Babilonia at kanyang susunugin. Hindi ka makakaligtas; mahuhulog kang tiyak sa kamay niya. Makikita mo't makakausap nang harap-harapan ang hari ng Babilonia at dadalhin kang bihag sa bansang iyon. Ngunit pakinggan mo ang sabi sa iyo ni Yahweh, Haring Zedekias: Hindi ka mamamatay sa digmaan; mapayapa kang papanaw, at magsusunog sila ng insenso sa iyong libing, gaya ng ginawa nila sa libing ng iyong mga ninunong hari. Ipagluluksa ka at tatangisan ng ganito, ‘Patay na ang aming hari!’ Ako, si Yahweh, ang nagsabi nito.”

Inulit namang lahat ni Jeremias ang pahayag na ito sa harapan ni Haring Zedekias ng Juda, nang panahong ang hukbo ng Babilonia ay sumasalakay na sa Jerusalem, sa Laquis at Azeka, ang nalalabing mga lunsod sa Juda. Ito na lamang ang natirang lunsod sa Juda na may mga kuta.

Nilabag na Kasunduan tungkol sa mga Aliping Hebreo

Dumating kay Jeremias ang salita ni Yahweh matapos pagkasunduan ni Haring Zedekias at ng mga taga-Jerusalem na palayain ang mga alipin. Lahat ng may aliping Hebreo, maging babae o lalaki, ay magpapalaya sa mga ito; upang hindi manatiling alipin ang kapwa nila Judio. 10 Sumunod naman ang lahat ng pinuno at mga taong may mga alipin sa bahay. Pinalaya nila ang mga ito at hindi na muling aalipinin. 11 Subalit pagkalipas ng ilang panahon, nagbago ang kanilang isip at pilit nilang inaliping muli ang mga aliping pinalaya nila.

12 Sinabi ni Yahweh kay Jeremias: 13 “Nagkasundo kami ng inyong mga ninuno nang araw na sila'y palabasin ko sa Egipto, sa lupain ng kanilang pagkaalipin. Ganito ang aming kasunduan: 14 Pagkalipas(B) ng anim na taon ng paglilingkod, palalayain nila sa ikapitong taon ang sinumang Hebreo na binili nilang alipin. Ngunit hindi nila ako sinunod. 15 Kayo nama'y nagsisi at ginawa ninyo ang matuwid na pasyang palalayain ang inyong mga aliping Hebreo. Pinagtibay ninyo ito sa aking harapan, sa Templong itinayo ninyo para sa aking karangalan. 16 Ngunit nagtaksil din kayo at nilapastangan ninyo ang aking pangalan, nang muli ninyong alipinin ang mga lalaki't babaing inyong pinalaya. 17 Kaya nga, sinasabi ni Yahweh: Hindi ninyo ako sinunod matapos ninyong ipahayag na palalayain ang inyong mga kalahi. Kaya naman, bibigyan ko kayo ng kalayaan, ang kalayaang mamatay sa digmaan, sa salot at sa gutom. Lahat ng bansa ay masisindak sa aking gagawin sa inyo. 18 Nilabag ninyo ang ating kasunduan at hindi ninyo tinupad ang tuntuning sinang-ayunan ninyong gawin. Gagawin ko sa inyo ang ginawa ninyo sa guya na inyong pinatay, hinati, at dinaanan sa pagitan. 19 Ang mga pinuno ng Juda at Jerusalem, mga eunuko, mga pari, at lahat ng dumaan sa guyang hinati ay 20 ibibigay ko sa kaaway. Mamamatay sila at ang bangkay nila'y kakanin ng mga ibon at mababangis na hayop! 21 Ibibigay ko si Haring Zedekias ng Juda at ang kanyang mga pinuno sa mga kaaway na tumutugis sa kanila, at sa hukbo ng hari ng Babilonia na tumigil na sa pagsalakay. 22 Ako ang mag-uutos sa kanila, at muli nilang sasalakayin ang lunsod na ito. Masasakop nila ito at susunugin; gagawin kong tulad sa disyerto ang mga lunsod ng Juda, at wala nang maninirahan doon.”

Ang Pagkamasunurin ng mga Recabita

35 Nang(C) si Jehoiakim na anak ni Josias ang hari sa Juda, sinabi ni Yahweh kay Jeremias, “Puntahan mo at kausapin ang mga Recabita. Pagkatapos ay dalhin mo sila sa isa sa mga silid sa Templo at bigyan ng alak.” Sumunod naman si Jeremias; pinuntahan niya si Jaazanias, anak ng isa ring nagngangalang Jeremias na anak naman ni Habasinias, pati ang mga kapatid nito at ang buong angkan ng mga Recabita. Sila'y dinala niya sa Templo at pinapasok sa silid ng mga anak ni Hanan, anak ni Igdalias na lingkod ng Diyos. Ang silid na ito'y karatig ng silid ng mga pinuno, at nasa itaas naman ang silid ni Maaseias na anak ni Sallum, isang mataas na pinuno sa Templo. Naglabas si Jeremias ng mga lalagyang puno ng alak at ng mga kopa, at sinabi sa mga Recabita, “Uminom kayo.”

Subalit sinabi nila, “Hindi kami umiinom ng alak sapagkat iniutos sa amin ni Jonadab, anak ng aming ninunong si Recab, na huwag kaming iinom ng alak, maging ang aming mga anak. Iniutos din niya na huwag kaming magtatayo ng mga bahay, magbubungkal ng bukirin, at magtatanim ng mga ubasan o bibili ng mga ito. Sinabihan niya kaming manirahan habang buhay sa mga tolda, upang patuloy kaming manirahan sa lupain na pinananahanan namin bilang mga dayuhan. Sinusunod namin ang lahat ng bilin ng aming ninunong si Jonadab. Kahit kailan ay hindi kami uminom ng alak, maging ang aming mga asawa't mga anak. Hindi kami nagtatayo ng bahay, wala kaming mga ubasan, bukirin, o triguhan; 10 sa mga tolda kami nakatira. Sinusunod namin ang lahat ng utos sa amin ni Jonadab. 11 Ngunit nang sakupin ni Haring Nebucadnezar ang bayang ito, nagpasya kaming pumunta sa Jerusalem upang makaiwas sa mga hukbo ng Babilonia at Siria. Kaya naninirahan kami ngayon sa Jerusalem.”

12 Pagkatapos, sinabi ni Yahweh kay Jeremias, 13 “Sabihin mo sa mga taga-Juda at mga taga-Jerusalem: Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: Bakit ayaw ninyong makinig sa akin at sumunod sa mga utos ko? 14 Tingnan ninyo ang mga anak ni Jonadab. Hindi sila umiinom ng alak hanggang sa araw na ito, sapagkat gayon ang minsa'y iniutos ng kanilang ninuno. Ngunit ako'y laging nagsasalita sa inyo, hindi naman kayo sumusunod. 15 Lagi akong nagsusugo ng aking mga lingkod na propeta upang sabihin sa inyong talikuran na ninyo ang inyong masamang pamumuhay at gawin ang nararapat. Binabalaan nila kayo na huwag sasamba at maglilingkod sa ibang diyos, upang patuloy kayong manirahan sa lupaing ibinigay ko sa inyo at sa mga ninuno ninyo. Ngunit ayaw ninyong makinig sa akin; ayaw ninyo akong pansinin. 16 Ang mga salinlahi ni Jonadab ay sumusunod sa utos ng kanilang mga ninuno, subalit kayo ay hindi sumusunod sa akin. 17 Kaya naman, ipadadala ko na ang mga sakunang aking ibinabala. Gagawin ko ito sapagkat ayaw ninyong makinig sa akin, at ayaw ninyong pansinin ang aking pagtawag. Ako si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel ang maysabi nito.”

18 At sinabi ni Jeremias sa angkan ng mga Recabita, “Ganito ang ipinapasabi sa inyo ni Yahweh: Naging masunurin kayo sa utos ng inyong ninunong si Jonadab. Sinunod ninyo ang lahat ng kanyang batas, at tinupad ninyo ang lahat ng iniutos niya sa inyo. 19 Kaya naman, akong si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel ay nangangako: Ang lahi ni Jonadab na anak ni Recab ay hindi mawawalan ng isang lalaking mamumuno at maglilingkod sa akin.”

Binasa ni Baruc ang Kasulatan

36 Noong(D) ika-4 na taon ng paghahari sa Juda ni Jehoiakim, anak ni Josias, sinabi ni Yahweh kay Jeremias, “Kumuha ka ng isang sulatang balumbon at isulat mo ang lahat ng sinabi ko sa iyo laban sa Juda, sa Israel, at sa lahat ng bansa. Isulat mo ang lahat ng sinabi ko sa inyo mula nang una kitang kausapin, sa panahon ni Haring Josias, hanggang sa kasalukuyan. Marahil, kung maririnig ng taga-Juda ang lahat ng kapahamakang binabalak kong iparanas sa kanila, tatalikuran nila ang kanilang masamang pamumuhay. At patatawarin ko naman sila sa kanilang kasamaan at mga kasalanan.”

Kaya tinawag ni Jeremias si Baruc, anak ni Nerias. Isinalaysay niya rito ang lahat ng sinabi sa kanya ni Yahweh, at isinulat namang lahat ni Baruc sa isang kasulatan. Pagkatapos, sinabi niya kay Baruc, “Ayaw na akong papasukin sa Templo. Kaya, ikaw na ang pumaroon sa araw ng pag-aayuno ng mga tao; basahin mo nang malakas ang kasulatang iyan upang marinig nila ang lahat ng sinabi sa akin ni Yahweh. Tumayo ka sa dakong ikaw ay maririnig ng lahat, pati ng mga Judiong nanggaling sa kani-kanilang bayan. Baka sa ganito'y maisipan nilang tumawag kay Yahweh at talikuran ang kanilang masamang pamumuhay sapagkat binabalaan na sila ni Yahweh na labis nang napopoot at galit na galit.” Sumunod naman si Baruc; binasa niya nang malakas sa loob ng Templo ang mga pahayag ni Yahweh na nakasulat sa kasulatan.

Noong ikasiyam na buwan ng ikalimang taon ng paghahari sa Juda ni Jehoiakim, anak ni Josias, ang mga tao'y nag-ayuno upang matamo ang paglingap ni Yahweh. Nag-ayuno ang lahat ng naninirahan sa Jerusalem at sa mga lunsod sa Juda. 10 Si Baruc ay pumasok sa Templo, sa silid ni Gemarias na anak ni Safan na kalihim ng hari. Ang silid na ito'y nasa gawing itaas, sa may pagpasok ng Bagong Pintuan ng Templo. Mula roon, binasa niya sa mga tao ang ipinasulat sa kanya ni Jeremias.

Binasa ang Kasulatan

11 Nang marinig ni Micaias, anak ni Gemarias at apo ni Safan, ang pahayag ni Yahweh na binasa ni Baruc mula sa isang kasulatan, 12 nagpunta siya sa palasyo ng hari, sa silid ng kalihim. Nagpupulong noon ang lahat ng pinuno—si Elisama, ang kalihim, si Delaias na anak ni Semaias, si Elnatan na anak ni Acbor, si Gemarias na anak ni Safan, si Zedekias na anak ni Hananias, at lahat ng iba pang pinuno. 13 Sinabi sa kanila ni Micaias ang narinig niyang binasa ni Baruc sa mga tao. 14 Inutusan ng mga pinuno si Jehudi na anak ni Netanias at apo ni Selemias mula sa lahi ni Cusi, upang sabihin kay Baruc na dalhin ang kasulatang binasa nito sa harapan ng kapulungan. Kaya dumating si Baruc na dala ang kasulatan. 15 “Maupo ka,” sabi nila, “at basahin mo sa amin ang nasasaad sa kasulatan.” Binasa naman ito ni Baruc. 16 Nang marinig nila ang buong kasulatan, may pagkabahala silang nagtinginan, at sinabi kay Baruc, “Ito'y kailangang ipaalam natin sa hari!” 17 At siya'y tinanong nila, “Paano mo naisulat ang lahat ng iyan? Idinikta ba sa iyo ni Jeremias?”

18 Sumagot si Baruc, “Ang bawat kataga nito'y idinikta po sa akin ni Jeremias, at isinulat ko naman po.”

19 At sinabi nila kay Baruc, “Magtago na kayo ni Jeremias. Huwag ninyong ipapaalam kahit kanino ang kinaroroonan ninyo.”

Sinunog ng Hari ang Kasulatan

20 Ang kasulatan ay inilagay ng mga pinuno sa silid ni Elisama, ang kalihim ng hari; pagkatapos, nagtungo sila sa bulwagan ng hari at ibinalita sa kanya ang lahat. 21 Ipinakuha ng hari ang kasulatan kay Jehudi. Kinuha naman nito ang kasulatan sa silid ni Elisama at binasa sa harapan ng hari at sa mga pinunong nakapaligid sa kanya. 22 Noon ay ika-9 na buwan at taglamig. Ang hari'y nasa kanyang silid na may apoy na painitan. 23 Kapag nakabasa si Jehudi ng tatlo o apat na hanay, pinuputol ng hari ang bahaging iyon sa pamamagitan ng isang lanseta at inihahagis sa apoy. Gayon ang ginawa niya hanggang sa masunog ang buong kasulatan. 24 Gayunman, hindi natakot o nagpakita ng anumang tanda ng pagsisisi ang hari, maging ang mga lingkod na kasama niya. 25 Kahit na nakiusap sa hari sina Elnatan, Delaias at Gemarias, na huwag sunugin ang kasulatan, sila'y hindi nito pinansin. 26 Pagkatapos, iniutos ng hari sa kanyang anak na si Jerameel na isama si Seraias na anak ni Azriel at si Selenias na anak ni Abdeel, upang dakpin si Propeta Jeremias at ang kalihim nitong si Baruc. Subalit sila'y itinago ni Yahweh.

Muling Isinulat ang Nilalaman ng Sinunog na Kasulatan

27 Matapos sunugin ng hari ang kasulatang ipinasulat ni Jeremias kay Baruc, sinabi ni Yahweh kay Jeremias 28 na ipasulat uli ang lahat ng nasa kasulatang sinunog ni Haring Jehoiakim. 29 Iniutos rin sa kanya ni Yahweh na sabihin kay Haring Jehoiakim, “Sinunog mo ang kasulatan, at itinatanong mo kung bakit sinulat ni Jeremias na darating ang hari ng Babilonia, sisirain ang lupaing ito, at papatayin ang mga tao at hayop. 30 Kaya ngayon, akong si Yahweh ang nagsasabi sa iyo, Haring Jehoiakim, na sinuman sa mga anak mo'y walang maghahari sa trono ni David. Itatapon sa labas ang iyong bangkay at mabibilad sa init ng araw at lamig ng gabi. 31 Paparusahan kita, at ang iyong mga salinlahi, pati ang iyong mga pinuno, dahil sa mga kasalanan ninyo. Ang mga babala ko'y hindi mo pinansin, gayon din ang mga taga-Jerusalem at taga-Juda, kaya pababagsakin ko na sa inyong lahat ang mga kapahamakang ibinabanta ko.”

32 Kumuha nga si Jeremias ng isa pang kasulatan, at ipinasulat muli kay Baruc ang lahat ng nasa kasulatang sinunog ni Haring Jehoiakim. Marami pang bagay na tulad ng ipinasulat niya kay Baruc ang nadagdag dito.

Mga Hebreo 2

Ang Dakilang Kaligtasan

Kaya nga, dapat lalo nating panghawakang mabuti ang mga narinig natin upang hindi tayo maligaw. Ang mensaheng ipinahayag sa pamamagitan

ng mga anghel ay napatunayang totoo, at sinumang lumabag o hindi sumunod dito ay tumanggap ng kaukulang parusa. Gayundin naman, paano tayo makakaiwas sa parusa kung hindi natin pahahalagahan ang napakadakilang kaligtasang ito? Ang Panginoon ang unang nagpahayag ng kaligtasang ito, at ang mga nakarinig sa kanya ang nagpatunay sa atin na ito'y totoo. Pinatunayan din ito ng Diyos sa pamamagitan ng mga kahanga-hangang tanda at ng iba't ibang himala, at sa pamamagitan ng mga kaloob ng Espiritu Santo na ipinamahagi niya ayon sa kanyang sariling kalooban.

Ang Nagsagawa ng Pagliligtas sa Atin

Hindi sa mga anghel ipinamahala ng Diyos ang daigdig na kanyang lilikhain—ang daigdig na aming tinutukoy. Sa(A) halip ay ganito ang sinasabi ayon sa isang bahagi ng Kasulatan:

“Ano ba ang tao upang iyong pahalagahan,
    o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?
Sandaling panahong siya'y ginawa mong mas mababa kaysa mga anghel,
    pinuspos mo siya ng dangal at ng luwalhati, [ginawa mo siyang tagapamahala ng lahat ng iyong nilikha][a]
    at ipinasakop mo sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay.”

Nang ipinasakop ng Diyos ang lahat ng bagay sa kapangyarihan ng tao,[b] walang bagay na di ipinailalim sa kanya. Sa kasalukuyan, hindi pa natin nakikitang napapailalim sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay. Subalit alam nating si Jesus, kahit na sa kaunting panaho'y ginawang mas mababa kaysa mga anghel, ay binigyan ng karangalan at kaluwalhatian dahil sa pagdurusa niya sa kamatayan. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa atin, niloob niyang si Jesus ay makaranas ng kamatayan para sa lahat. 10 Sa pamamagitan ng kanyang pagdurusa, siya'y ginawang ganap ng Diyos at nang sa gayon ay makapagdala siya ng maraming anak patungo sa kaluwalhatian. Ito'y dapat lamang gawin ng Diyos na lumikha at nangangalaga sa lahat ng bagay, sapagkat si Jesus ang tagapanguna ng kanilang kaligtasan.

11 Si Jesus ang nagpapabanal sa mga tao. Ang kanyang Ama at ang Ama ng mga taong ito ay iisa, kaya't hindi niya ikinahihiyang tawagin silang mga kapatid. 12 Sinabi(B) niya sa Diyos,

“Ipapahayag ko sa aking mga kapatid ang iyong pangalan,
    sa gitna ng kapulungan ika'y papupurihan.”

13 Sinabi(C) rin niya,

“Ako'y mananalig sa Diyos.”

At dugtong pa niya,

“Narito ako, at ang mga anak na kaloob sa akin ng Diyos.”

14 Dahil sa ang mga anak na tinutukoy niya ay tao, naging tao rin si Jesus at tulad nila'y may laman at dugo. Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay mawasak niya ang diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan. 15 Sa pamamagitan din ng kanyang kamatayan ay pinalaya niya ang lahat ng tao na buong buhay nila'y inalipin ng takot sa kamatayan. 16 Hindi(D) ang mga anghel ang kanyang tinutulungan, sa halip ay ang mga anak ni Abraham. 17 Kaya't kinailangang matulad siya sa kanyang mga kapatid sa lahat ng paraan. Upang siya'y maging isang Pinakapunong Pari na mahabagin at tapat na naglilingkod sa Diyos at nag-aalay ng handog para mapatawad ang mga kasalanan ng tao. 18 At ngayo'y matutulungan niya ang mga tinutukso, sapagkat siya man ay tinukso at nagdusa.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.