Old/New Testament
Si Jeremias at ang mga Nalabing Kasama ni Gedalias
40 Nagpahayag muli si Yahweh kay Jeremias matapos itong palayain sa Rama ni Nebuzaradan, ang pinuno ng bantay ng Babilonia. Dinala kami ditong nakagapos, kasama ng iba pang mga taga-Jerusalem at taga-Juda upang dalhing-bihag sa Babilonia.
2 Sinabi sa kanya ni Nebuzaradan, “Ibinabala ng Diyos mong si Yahweh na wawasakin ang lupaing ito. 3 Ang babalang iyon ay isinagawa niya ngayon sapagkat nagkasala at sumuway kay Yahweh ang bayang ito. 4 Subalit ikaw, Jeremias, ay pawawalan ko na. Kung ibig mo'y sumama ka sa akin sa Babilonia, at kakalingain kita. Ngunit kung ayaw mo, ikaw ang bahala. Masdan mo ang buong lupain sa harapan mo; maaari kang magpunta kung saan mo nais.”
5 Hindi sumagot si Jeremias, kaya nagpatuloy si Nebuzaradan. “Kung gusto mo naman, pumunta ka kay Gedalias; siya ang inilagay ng hari ng Babilonia bilang gobernador sa buong lupain ng Juda. Malaya kang makakapanirahan doon o kahit saan na iniisip mong mabuti.” Pagkatapos, binigyan niya si Jeremias ng pagkain at kaloob, at pinaalis na. 6 Si Jeremias nama'y pumunta kay Gedalias sa Mizpa, at doon nakipamayan kasama ng mga taong naiwan sa lupain ng Juda.
Naging Gobernador si Gedalias(A)
7 May(B) mga pinuno at mga kawal ng Juda na hindi sumuko sa mga taga-Babilonia. Nabalitaan nila ang pagkahirang kay Gedalias bilang gobernador ng lupain at tagapamahala sa pinakamahihirap na mamamayan na hindi dinala sa Babilonia. 8 Kaya pinuntahan nila si Gedalias sa Mizpa. Kabilang sa mga pinunong ito sina Ismael na anak ni Netanias, Johanan na anak ni Karea, Seraias na anak ni Tanhumet, ang mga anak ni Efai na taga-Metofat, Jezanias na anak ng taga-Maaca. 9 At sinabi sa kanila ni Gedalias, “Huwag kayong matakot na maglingkod sa mga taga-Babilonia. Manirahan kayo sa lupaing ito, paglingkuran ninyo ang hari ng Babilonia, at kayo'y mapapabuti. 10 Ako ay mananatili rito sa Mizpa upang maging kinatawan ninyo sa mga sugo ng Babilonia na maaaring dumating dito. Kayo'y manirahan sa mga nayong inyong magustuhan. Anihin ninyo ang mga ubas, olibo at iba pang bungangkahoy, at mag-imbak kayo ng langis at alak.” 11 Nabalitaan din ng mga Judio sa Moab, Ammon, Edom, at iba pang bansa, na may mga kababayan silang naiwan sa Juda, at si Gedalias ang inilagay ng hari ng Babilonia para mamahala sa kanila. 12 Kaya sila'y umalis sa lupaing pinagtapunan sa kanila at nakipagkita kay Gedalias sa Mizpa. Nakapagtipon sila ng napakaraming prutas at alak doon.
Pinatay ni Ismael si Gedalias(C)
13 Si Johanan na anak ni Karea, at lahat ng namumuno sa hukbong hindi sumuko ay nagpunta kay Gedalias sa Mizpa. 14 Ang sabi nila, “Alam ba ninyong si Ismael na anak ni Netanias ay sinugo ni Baalis na hari ng mga Ammonita upang patayin kayo?” Subalit ayaw maniwala ni Gedalias. 15 Pagkatapos, palihim na sinabi ni Johanan sa kanya, “Bayaan po ninyong patayin ko si Ismael. Hindi kayo dapat masawi sa kamay ng taong iyon. Kapag kayo'y namatay, mangangalat ang lahat ng Judio na nasa inyong pamamahala; mapapahamak pati ang mga nalabi sa Juda.”
16 Ngunit sumagot si Gedalias, “Johanan, huwag mong gawin iyan. Hindi totoo ang sinasabi mo tungkol kay Ismael.”
41 Si(D) Ismael na anak ni Netanias at apo ni Elisama ay mula sa lahi ng hari at isa sa matataas na pinuno sa palasyo. Noong ikapitong buwan ng taóng iyon, pinuntahan nila si Gedalias sa Mizpa, kasama ang sampu niyang tauhan. At habang sila'y kumakain, 2 tumayo si Ismael at ang sampung tauhan nito at sinunggaban si Gedalias. Pinatay nila ang hinirang ng hari ng Babilonia sapagkat ginawa itong gobernador ng lupain. 3 Pinatay rin ni Ismael ang mga Judiong kasama ni Gedalias sa Mizpa, pati ang mga kawal na taga-Babilonia na nagkataong naroon.
4 Kinabukasan, matapos patayin si Gedalias, at bago pa nalaman ng sinuman, 5 may walumpung kalalakihang dumating buhat sa Shekem, Shilo, at Samaria. Ahit ang kanilang balbas, punit ang damit, at pawang sugatan; may dala silang trigo at insenso upang ihandog sa Templo ni Yahweh. 6 Lumabas mula sa Mizpa si Ismael; umiiyak siyang sumalubong at ang sabi, “Pumasok kayo, naririto si Gedalias na anak ni Ahicam.” 7 Pagkapasok nila sa lunsod, sila'y pinatay ni Ismael at ng mga tauhan nito, at itinapon sa isang hukay ang mga bangkay.
8 May sampung lalaking hindi napatay, at sila'y nakiusap kay Ismael, “Huwag mo kaming patayin. Marami kaming nakaimbak na trigo, sebada, langis, at pulot-pukyutan. Nakatago ang mga ito sa kabukiran.” Kaya, naawa siya at hindi sila pinatay. 9 Ang malaking hukay na ipinagawa ni Haring Asa ng Juda nang pagbantaan siyang salakayin ni Haring Baasa ng Israel ay napuno ng mga bangkay na itinapon doon ni Ismael. 10 Pagkatapos, binihag ni Ismael ang lahat ng nasa Mizpa—ang mga anak na babae ng hari at ang mga mamamayang iniwan ni Nebuzaradan sa pamamahala ni Gedalias. At sila'y umalis patungo sa lupain ng Ammon.
11 Nabalitaan ni Johanan, at ng mga kasama niyang pinuno at mga kawal ang kasamaang ginawa ni Ismael. 12 Isinama nila ang lahat ng kanilang tauhan at hinabol si Ismael; inabutan nila ito sa may malaking deposito ng tubig sa Gibeon. 13 Gayon na lamang ang tuwa ng mga bihag ni Ismael nang makita si Johanan at ang kanyang mga tauhan. 14 At silang lahat ay nagtakbuhan papunta kay Johanan. 15 Subalit si Ismael, kasama ang walo niyang tauhan, ay nagtuloy sa lupain ng mga Ammonita.
16 Tinipon ni Johanan at ng mga pinunong kasama niya ang mga bihag na dala ni Ismael mula sa Mizpa, matapos patayin si Gedalias. Kabilang dito'y mga kawal, babae, bata, at eunuko; silang lahat ay ibinalik ni Johanan buhat sa Gibeon. 17 Nagpunta sila at tumigil sa Gerut-quimam, malapit sa Bethlehem, subalit may balak na magtuloy sa Egipto. 18 Natatakot silang paghigantihan ng mga taga-Babilonia dahil sa ginawa ni Ismael kay Gedalias, na inilagay ng hari ng Babilonia bilang gobernador ng Juda.
Hiniling ng mga Tao na Ipanalangin Sila ni Jeremias
42 Lumapit kay Jeremias si Johanan na anak ni Karea, si Azarias na anak ni Hosaias, ang iba pang pinuno ng hukbo, at lahat ng mamamayan mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila. 2 Ang pakiusap nila sa propeta, “Idalangin ninyo kami kay Yahweh na inyong Diyos, ang lahat ng natirang ito. Kakaunti na lamang kaming natira ngayon tulad ng nakikita ninyo. 3 Hilingin po ninyo na ituro niya sa amin ang nararapat naming puntahan at gawin.”
4 Sinabi sa kanila ni Jeremias, “Oo, idadalangin ko kayo kay Yahweh at sasabihin ko sa inyo kung ano ang sagot niya. Wala akong ililihim na anuman.”
5 Sinabi pa nila kay Jeremias, “Parusahan kami ni Yahweh kapag hindi namin ginawa ang sasabihin niya. 6 Mabuti man ito o hindi, susundin namin ang sasabihin ni Yahweh sapagkat alam naming mapapabuti kami kung susunod sa kanyang salita.”
Tinugon ni Yahweh ang Dalangin
7 Pagkaraan ng sampung araw, tinanggap ni Jeremias ang pahayag ni Yahweh. 8 Kaya tinawag niya si Johanan, ang lahat ng pinuno ng hukbong kasama nito, at ang lahat ng mamamayan, mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila. 9 Sinabi niya sa kanila, “Ganito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, tungkol sa inyong kahilingan: 10 Kung kayo'y mananatili sa lupaing ito, pagpapalain ko kayo at hindi ipapahamak; itatanim at hindi bubunutin. Nalulungkot ako dahil sa kapahamakang ipinadala ko sa inyo. 11 Huwag kayong matakot sa hari ng Babilonia sapagkat ako'y sasainyo at ililigtas ko kayo. 12 Kaaawaan ko kayo upang kaawaan din niya at payagang manatili sa inyong lupain. 13 Datapwat kapag sinuway ninyo ang mensahe ni Yahweh na inyong Diyos, kapag hindi kayo nanatili rito, 14 at sa halip ay pumunta kayo sa Egipto, sa paniniwalang walang digmaan doon, at hindi kayo magugutom, 15 ito ang sinasabi ko sa inyo: Kayong nalabi sa Juda, kapag kayo'y pumunta at nanirahan sa Egipto, 16 aabutan kayo roon ng kaaway na inyong kinatatakutan; daranas kayo ng taggutom na inyong pinangangambahan, at doon kayo mamamatay. 17 Lahat ng maninirahan doon ay mamamatay sa digmaan, sa gutom, at sa salot. Walang makakaligtas sa inyo.”
18 Sinabi pa ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, “Kung paano ko ibinuhos sa Jerusalem ang aking galit at poot, gayon ko ito ibubuhos sa inyo, kapag kayo'y pumaroon sa Egipto. Kayo'y katatakutan, pagtatawanan, susumpain, at hahamakin. At hindi na ninyo makikita pa ang lupaing ito.
19 “Akong si Yahweh ang nagsasabi sa inyo, kayong nalabi sa Juda, na huwag kayong pupunta sa Egipto. Tandaan ninyo, 20 mamamatay kayo kapag kayo'y sumuway. Si Jeremias ay sinugo ninyo upang dumalangin sa akin; sinabi ninyo na inyong gagawin ang anumang sasabihin ko. 21 Ipinahayag ko naman ito sa inyo ngayon, subalit hindi ninyo tinutupad ang ipinapasabi ko. 22 Ngayon nga'y tinitiyak ko sa inyo na kayo'y mamamatay sa digmaan, sa gutom, at sa salot na aking ipadadala sa lugar na ibig ninyong puntahan.”
4 Kaya nga habang nananatili ang pangako ng Diyos, na tayo'y makakapasok sa kapahingahang sinabi niya, mag-ingat kayo at baka mayroon sa inyong hindi makatanggap ng pangakong ito. 2 Sapagkat tulad nila'y napakinggan din natin ang Magandang Balita, ngunit hindi nila pinakinabangan ang balitang kanilang narinig dahil hindi nila ito tinanggap nang may pananampalataya. 3 Tayong(A) mga sumampalataya ay tumatanggap ng kapahingahang ipinangako. Ito'y ayon sa kanyang sinabi,
“Sa galit ko'y aking isinumpa,
‘Hindi sila makakapasok sa lupain ng kapahingahang aking ipinangako.’”
Sinabi niya ito kahit tapos na niya ang kanyang mga gagawin mula nang likhain ang sanlibutan. 4 Sapagkat(B) sinasabi sa isang bahagi ng kasulatan ang ganito tungkol sa ikapitong araw, “At sa ikapitong araw, nagpahinga ang Diyos sa kanyang paglikha.” 5 At(C) muli pang sinabi, “Hindi sila makakapasok sa lupain ng kapahingahang aking ipinangako.” 6 Ang mga unang nakarinig ng Magandang Balita ay hindi nakapasok sa lupain ng kapahingahan dahil hindi sila sumampalataya. Ngunit may mga inaanyayahan pa ring pumasok sa lupaing iyon ng kapahingahan. 7 Kaya't(D) muling nagtakda ang Diyos ng isa pang araw na tinawag niyang “Ngayon”. Pagkalipas ng mahabang panahon, sinabi sa pamamagitan ni David sa kasulatang nabanggit,
“Ngayon, kapag narinig ninyo ang tinig ng Diyos,
huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso.”
8 Kung(E) ang mga tao noon ay nabigyan ni Josue ng lubos na kapahingahan, hindi na sana ipinangako pa ng Diyos ang tungkol sa isa pang araw ng kapahingahan. 9 Kung paanong nagpahinga ang Diyos sa ikapitong araw, mayroon ding kapahingahang nakalaan sa mga taong sumasampalataya sa Diyos, 10 sapagkat(F) ang sinumang makapasok sa lupain ng kapahingahang ipinangako ng Diyos ay magpapahinga rin sa kanyang pagpapagal, tulad ng Diyos na nagpahinga sa kanyang paglikha. 11 Kaya't sikapin nating makamtan ang kapahingahang iyon at huwag mabigong tulad ng mga hindi sumasampalataya.
12 Ang salita ng Diyos ay buháy at mabisa, mas matalas kaysa alinmang tabak na sa magkabila'y may talim. Ito'y tumatagos maging sa kaibuturan ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at buto, at nakakaalam ng mga iniisip at binabalak ng puso. 13 Walang(G) nilalang na makakapagtago sa Diyos; ang lahat ay hayag at lantad sa kanyang paningin, at sa kanya tayo magsusulit ng ating mga sarili.
Si Jesus ang Pinakapunong Pari
14 Kaya nga, magpakatatag tayo sa ating pananampalataya, dahil mayroon tayong Dakilang Pinakapunong Pari na pumasok na sa kalangitan, doon mismo sa harap ng Diyos. Siya'y walang iba kundi si Jesus na Anak ng Diyos. 15 Ang ating Pinakapunong Paring ito ay nakakaunawa sa ating mga kahinaan sapagkat tulad natin, tinukso siya sa lahat ng paraan, subalit kailanma'y hindi siya nagkasala. 16 Kaya't huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos upang makamtan natin ang habag at pagpapala na tutulong sa atin sa panahon ng ating pangangailangan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.