Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Ezekiel 14-15

Ang Hatol Laban sa mga Sumasamba sa Diyus-diyosan

14 Minsan, pumunta sa akin ang ilang pinuno ng Israel upang magpasangguni kay Yahweh. Ang sabi naman sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ang mga ito'y nahumaling na sa diyus-diyosan at naibunsod sa kasamaan. Hindi ko sila tutugunin sa pagsangguni nila sa akin. Sabihin mo na lamang sa kanila na ipinapasabi kong huwag sasangguni sa mga propeta ang sinumang Israelitang sumasamba sa diyus-diyosan na naging dahilan ng patuloy nilang pagkakasala. Kapag sumangguni sila, tuwiran kong ibibigay sa kanila ang sagot na nararapat sa marami nilang diyus-diyosan. Sa pamamagitan ng sagot kong ito, manunumbalik sa akin ang mga Israelitang ito na nahumaling sa pagsamba sa mga diyus-diyosan.

“Sabihin mo nga sa bayang Israel na ipinapasabi ko: Magsisi na kayo at tigilan na ninyo ang pagsamba sa mga diyus-diyosan. Sapagkat ako ang tuwirang sasagot sa sinumang Israelita o nakikipamayan sa Israel na sasangguni sa propeta habang siya ay malayo sa akin, at patuloy sa pagsamba sa diyus-diyosan at sa kanyang kasamaan. Itatakwil ko ang ganoong uri ng tao. Gagawin ko siyang usap-usapan ng lahat at babala para sa iba. Sa gayon, hindi na siya mapapabilang sa Israel. Sa gayo'y makikilala ninyong ako si Yahweh.

“Kapag ang isang propeta ay naakit magpahayag ng mali, ako ang dumaya sa kanya. Kung magkagayon, paparusahan ko siya at hindi na ibibilang sa aking bayan. 10 Siya at ang sasangguni sa kanya ay paparusahan ko. Kung ano ang ipaparusa ko sa propeta ay siya ko ring ipaparusa sa sinumang sasangguni sa kanya. 11 Gagawin ko ito para hindi na lumayo sa akin ang Israel at hindi na sila magpakasama. Kung magkagayon, sila ay magiging bayan ko at ako naman ang kanilang Diyos.” Ito nga ang sabi ni Yahweh, ng Diyos.

Ang Hatol ng Diyos Laban sa Jerusalem

12 Sinabi sa akin ni Yahweh, 13 “Ezekiel, anak ng tao, kapag ang isang bayan ay hindi naging tapat sa akin, paparusahan ko sila, at babawasan ang kanilang pagkain. Padadalhan ko sila ng taggutom hanggang sa mamatay ang mga tao, pati hayop. 14 Kung magkataong naroon sina Noe, Daniel at Job, sila lamang ang maliligtas dahil sa matuwid nilang pamumuhay.

15 “Kapag pinapasok ko sa isang bansa ang mababangis na hayop, sila'y uubusin ng mga ito. Ang dakong iyon ay magiging pook ng lagim hanggang sa ang lahat ay matatakot magdaan doon dahil sa mababangis na hayop. 16 Isinusumpa kong wala akong ititira isa man sa kanila. Magkataon mang naroon sina Noe, Daniel at Job, sila lamang ang maliligtas, ngunit hindi nila maililigtas isa man sa kanilang mga anak.

17 “Kapag pinadalhan ko ng tabak ang isang bansa, silang lahat ay aking papatayin, pati mga hayop. 18 Kung magkataong naroon sina Noe, Daniel at Job, sila lamang ang maliligtas; wala silang maisasama isa man sa kanilang mga anak. Ako ang buháy na Diyos,” sabi ni Yahweh.

19 “Kapag ang isang bansa ay pinadalhan ko ng salot at ibinuhos ko roon ang aking matinding galit, mamamatay silang lahat, pati mga hayop. 20 Ako ang buháy na Diyos,” sabi ni Yahweh. “Naroon man sina Noe, Daniel at Job, hindi rin nila maililigtas kahit isa sa kanilang mga anak, sila lamang tatlo ang maliligtas pagkat matuwid ang kanilang pamumuhay.”

21 Ipinapasabi(A) nga ni Yahweh, “Ano pa ang maaaring asahan ng Jerusalem kapag nilipol ko ang lahat ng naroon sa pamamagitan ng digmaan, taggutom, mababangis na hayop, at salot na siyang apat na paraan ng aking pagpaparusa? 22 Sakali mang may makaligtas, aalis sila sa Jerusalem. At kung makita mo ang paraan ng kanilang pamumuhay, sasabihin mong angkop lamang ang pagpaparusang ipinataw ko. 23 Mawawala ang panghihinayang mo kapag nakita mo ang masamang paraan ng kanilang pamumuhay, at sasabihin mong may sapat akong dahilan sa gayong pagpaparusa sa kanila.”

Itinulad sa Baging na Ligaw ang Jerusalem

15 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ano ba ang kahigtan ng puno ng ubas kaysa punongkahoy sa gubat? Mayroon ba itong ibang mapaggagamitan? Maaari ba itong gawing tulos o sabitan ng kagamitan? Hindi! Ito ay panggatong lamang. At kung masunog na ito'y wala nang silbi. Kung noong buo pa ito ay wala nang mapaggamitan, gaano pa kung uling na. Lalong wala nang gamit!”

Kaya naman ipinapasabi ni Yahweh: “Kung paanong ang baging ay kinukuha sa gubat upang igatong, gayon ang gagawin ko sa mga taga-Jerusalem. Tatalikuran ko sila. Makatakas man sila sa apoy, ito rin ang papatay sa kanila. At makikilala ninyong ako si Yahweh kapag naparusahan ko na sila. Ang lupaing iyon ay gagawin kong pook ng lagim pagkat hindi sila naging tapat sa akin.”

Santiago 2

Babala Laban sa Pagtatangi

Mga kapatid ko, bilang mga mananampalataya kay Jesu-Cristo na ating maluwalhating Panginoon, dapat maging pantay-pantay ang tingin ninyo sa lahat ng tao. Kung may pumasok sa inyong kapulungan na isang lalaking may mga singsing na ginto at nakadamit nang magara, at dumating din doon ang isang dukha na gusgusin ang damit, at inasikaso ninyong mabuti ang nakadamit nang magara at sinabi sa kanya, “Dito kayo maupo,” at sinabi naman ninyo sa mahirap, “Tumayo ka na lang diyan,” o kaya'y, “Sa sahig ka na lang umupo,” nagtatangi na kayo at humahatol nang mali.

Mga kapatid kong minamahal, makinig kayong mabuti! Hindi ba't pinili ng Diyos ang mahihirap sa mundong ito upang maging mayaman sa pananampalataya at maging kasama sa kahariang ipinangako niya sa mga umiibig sa kanya? Ngunit hinahamak ninyo ang mahihirap. Hindi ba't ang mayayaman ang umaapi sa inyo at sila ang kumakaladkad sa inyo sa hukuman? Hindi ba't sila rin ang lumalait sa marangal na pangalang ibinigay sa inyo ng Diyos?

Mabuti(A) ang inyong ginagawa kung tinutupad ninyo ang utos ng Diyos na ating hari, ayon sa Kasulatan, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” Ngunit kung nagtatangi kayo ng tao, kayo'y nagkakasala, at batay sa Kautusan, dapat kayong parusahan. 10 Ang lumalabag sa isang utos, kahit tumutupad sa iba pa, ay lumalabag sa buong Kautusan, 11 sapagkat(B) ang Diyos na nagsabing, “Huwag kang mangangalunya,” ay siya ring nagsabing, “Huwag kang papatay.” Kung hindi ka man nangangalunya, ngunit pumapatay ka naman, nilalabag mo pa rin ang Kautusan. 12 Kaya't mag-ingat kayo sa inyong pagkilos at pananalita, sapagkat hahatulan kayo ayon sa kautusang nagpapalaya sa inyo. 13 Walang awang hahatulan ang di-marunong maawa; ngunit mangingibabaw ang awa sa paghatol.

Pananampalataya at mga Gawa

14 Mga kapatid, ano ang pakinabang kung sabihin ng isang tao na siya'y may pananampalataya, ngunit hindi naman niya ito pinapatunayan sa gawa? Maililigtas ba siya ng ganoong uri ng pananampalataya? 15 Halimbawa, may isang kapatid na walang maisuot at walang makain. 16 Kung sasabihin ninyo sa kanya, “Patnubayan ka nawa ng Diyos; magbihis ka't magpakabusog,” ngunit hindi naman ninyo siya binibigyan ng kanyang kailangan, ano ang silbi niyon? 17 Gayundin naman, patay ang pananampalatayang walang kalakip na gawa.

18 Ngunit may nagsasabi, “May pananampalataya ka at may gawa naman ako.” Ipakita mo sa akin kung paano maaaring magkaroon ng pananampalataya nang walang mga gawa, at ipapakita ko naman sa iyo ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng aking mga gawa. 19 Sumasampalataya ka na ang Diyos ay iisa, di ba? Mabuti naman! Ang mga demonyo man ay sumasampalataya rin, at nanginginig pa. 20 Isa kang hangal! Nais mo pa bang patunayan ko sa iyo na walang kabuluhan ang pananampalatayang walang kasamang gawa? 21 Hindi (C) ba't ang ating amang si Abraham ay itinuring ng Diyos na matuwid dahil sa kanyang mga gawa, nang ihandog niya sa dambana ang anak niyang si Isaac? 22 Dito ay makikita mong magkalakip ang kanyang pananampalataya at mga gawa, at naging ganap ang kanyang pananampalataya dahil sa kanyang mga gawa. 23 Natupad(D) ang sinasabi ng kasulatan, “Si Abraham ay sumampalataya sa Diyos, at dahil dito, siya'y itinuring ng Diyos bilang matuwid,” at tinawag siyang “kaibigan ng Diyos.” 24 Diyan ninyo makikita na itinuturing na matuwid ang isang tao dahil sa kanyang mga gawa at hindi dahil sa pananampalataya lamang.

25 Gayundin(E) si Rahab, ang babaing nagbebenta ng aliw; pinatuloy niya ang mga espiya ng Israel at itinuro pa sa kanila ang ibang daan upang sila'y makatakas. Dahil sa ginawa niyang iyon, siya'y itinuring na matuwid.

26 Patay ang katawang walang espiritu; gayundin naman, patay ang pananampalatayang walang kasamang gawa.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.