Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Ezekiel 16-17

Ang Kawalang Katapatan ng Jerusalem

16 Sinabi pa sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ipamukha mo sa Jerusalem ang kanyang kasuklam-suklam na gawain. Sabihin mong ipinapasabi ni Yahweh na kanyang Diyos: Ikaw ay mula sa Canaan. Amoreo ang iyong ama at Hetea ang iyong ina. Nang ikaw ay isilang, hindi ka pinutulan ng pusod ni pinaliguan ni kinuskos ng asin ni binalot ng lampin. Walang nag-ukol ng panahon upang gawin sa iyo ang isa man sa mga bagay na dapat gawin. Wala man lamang naawa sa iyo. Basta ka na lamang inilapag sa lupa nang ikaw ay isilang.

“Nadaanan kitang kakawag-kawag sa sarili mong dugo. Sinabi ko sa iyo noon na mabubuhay ka at lalaking tulad ng mga halaman sa parang. Lumaki ka nga at naging ganap na dalaga. Malusog ang iyong dibdib. Mahaba ang iyong buhok ngunit ikaw ay hubo't hubad.

“Nang madaanan kitang muli, nakita kong ikaw ay handa nang umibig. Kaya ibinalabal ko sa iyo ang aking kasuotan upang matakpan ang iyong kahubaran. Nangako ako sa iyo nang buong katapatan. Nakipagtipan ako sa iyo, at ikaw ay naging akin. Pinaliguan kita. Nilinis ko ang dugo mo sa katawan, at pinahiran kita ng langis. 10 Dinamtan kita ng may magagandang burda, at sinuotan ng sandalyas na balat. Binalot kita ng pinong lino at damit na seda. 11 Sinuotan kita ng pulseras sa magkabilang braso, at binigyan ng kuwintas. 12 Binigyan din kita ng hikaw sa ilong at tainga. Pinutungan kita ng isang magandang korona. 13 Nagayakan ka ng alahas na pilak at ginto. Ang kasuotan mo'y pinong lino, piling seda, at telang nabuburdahan nang maganda. Ang pagkain mo'y yari sa pinakamainam na harina. Pulot-pukyutan at langis ang iyong inumin. Lumaki kang walang kasingganda at nalagay sa katayuan ng isang reyna. 14 Natanyag sa lahat ng bansa ang iyong kagandahan sapagkat lalo itong pinatingkad ng mga palamuting iginayak ko sa iyo.

15 “Ngunit naging palalo ka dahil sa iyong kagandahan. Kaya nahumaling ka sa kahalayan at ang sarili mo'y ipinaangkin sa lahat ng makita mo. 16 Hinubad mo ang bahagi ng iyong kasuotan, ginamit sa pagtatayo ng altar sa mga burol, at doon mo isinagawa ang iyong kahalayan. Wala pang nangyayaring tulad nito at wala nang mangyayari pa sa hinaharap. 17 Hinubad mo rin ang ilan sa magagandang alahas na ginto at pilak na ibinigay ko sa iyo, at ginawang larawan ng mga tao na iyong sinamba. 18 Binalot mo ito ng balabal mong puno ng magandang burda at ginamit mong pabango ang aking langis at insenso. 19 Tinustusan kita ng pinakapinong harina, langis at pulot-pukyutan, ngunit pati tinapay na ibinigay ko sa iyo ay inihandog mo sa kanila. 20 Ang mga anak na ipinagkaloob ko sa iyo ay inihandog mo rin sa iyong diyus-diyosan. Hindi ka pa nasiyahan. 21 Pinatay mo pati aking mga anak at sinunog bilang handog sa iyong diyus-diyosan. 22 Nang gawin mo ang mga kasamaang ito at ang iyong kahalayan ay hindi mo na naisip ang kalagayan mo noong bata ka: hubad, at kakawag-kawag sa sariling dugo.”

23 Sinabi ni Yahweh, “Kahabag-habag ang kasasapitan mo. Pagkat bukod sa mga kasamaang iyo nang nagawa, 24 nagpatayo ka pa ng nakaarkong altar at nagpagawa ng mataas na entablado sa bawat plasa. 25 Nagpagawa ka ng mataas na entablado sa mga panulukan ng daan at doon mo ipinaangkin ang iyong kagandahan sa bawat magdaan. Maraming beses mo itong ginawa. 26 Maraming ulit ka ring nagpaangkin sa Egipto, ang makasanlibutan mong kapit-bansa, kaya labis akong nagalit sa iyo. 27 Dahil dito, paparusahan kita. Babawasan ko ang iyong mana. Ipapasakop kita sa mga Filisteo, ang mga taong namumuhi sa iyo. Sila ma'y muhi sa mahalay mong gawain.

28 “Dahil sa iyong kawalang kasiyahan, napaangkin ka rin sa taga-Asiria. 29 Hindi ka pa nasiyahan dito, maraming beses mo ring ipinaangkin ang iyong katawan sa bansang Caldea, ang lupain ng mga mangangalakal. Ngunit hindi ka pa rin nakuntento rito.

30 “Naging talamak na ang iyong kasamaan! Nagawa mo ang mga bagay na itong angkop lamang gawin ng isang babaing makapal na ang mukha dahil sa kasamaan. 31 Nagpatayo ka ng nakaarkong altar sa mga panulukan ng daan at ng mataas na tayuan sa bawat plasa. At masahol ka pa sa babaing bayaran sapagkat kung minsa'y ikaw pa ang nagbabayad sa umaangkin sa iyong kagandahan. 32 O babaing mangangalunya, mas gusto mo pang pasiping sa iba kaysa iyong asawa. 33 Ang mga lalaki'y nagbabayad sa mga babaing bayaran, ngunit iba ka. Ikaw pa ang nagbabayad sa sinumang gusto mong umangkin sa iyo para lamang magawâ mo ang iyong kahalayan. 34 Kabaligtaran ka ng babaing bayaran. Hindi ikaw ang hinahanap, ikaw ang naghahanap. Hindi ka nagpabayad, ikaw pa ang nagbabayad. Grabe ka talaga.

Ang Hatol ng Diyos sa Jerusalem

35 “Kaya nga, babaing ubod ng sama, dinggin mo ang salita ni Yahweh. 36 Ito ang kanyang ipinapasabi: Winaldas mo ang iyong ari-arian, inilagay mo ang iyong sarili sa kahiya-hiyang kalagayan dahil sa pagiging mahalay. Sumamba ka sa mga diyus-diyosan. Pinatay mo't inihandog sa mga ito ang iyong mga anak. 37 Kaya, titipunin ko laban sa iyo ang lahat ng naging mangingibig mo, maging mga minamahal o maging kinapopootan mo. Sa harap nila'y huhubaran kita upang malagay ka sa matinding kahihiyan. 38 Hahatulan kitang tulad sa isang babaing taksil sa asawa at berdugo ng sariling mga anak. At sa tindi ng galit ko sa iyo, paparusahan kita ng kamatayan. 39 Ibibigay kita sa kanila. Gigibain nila ang mga altar mong nakaarko at ang mataas na entablado. Huhubaran ka nila ng iyong kasuotan at alahas. Kaya't iiwan ka nilang hubo't hubad. 40 Ipadudumog ka nila sa makapal na tao. Babatuhin ka nila at ipatatadtad sa tabak. 41 Susunugin nila ang iyong mga bahay at paparusahan sa harapan ng kababaihan. Mapuputol na ang iyong kahalayan at ang pag-upa para lang angkinin ka. 42 Ganyan ko ipararanas sa iyo ang aking matinding galit bunga ng panibugho. Sa gayon, mapapawi ang aking galit at papayapa na ang aking kalooban. 43 Hindi mo na naalala ang kalagayan mo noong ikaw ay bata, bagkus ay ginalit mo ako nang lubusan dahil sa iyong kasuklam-suklam na gawain. Kaya naman, pagbabayarin kita nang husto.

Kung Ano ang Puno ay Siyang Bunga

“Dahil sa iyong kahalayang ito at sa kasuklam-suklam mong gawain, 44 ilalapat sa iyo ang kasabihang ‘Kung ano ang puno ay siyang bunga.’ 45 Ang iyong ina ay isang Hetea at isang Amoreo naman ang iyong ama. Itinakwil ng iyong ina ang asawa niya't mga anak. Ganoon din ang ginawa ng mga kapatid mong babae, itinakwil ang asawa't mga anak. 46 Ang Samaria na siyang nakatatanda mong kapatid, pati ng kanyang sakop ay nasa gawing hilaga mo. Sa gawing timog naman, ang Sodoma na siya mong kapatid na bata, pati ng kanyang nasasakupan. 47 Hindi ka pa nasiyahang tumulad sa kasamaan ng iyong mga kapatid. Mas masama ka kaysa kanila.

48 “Ako ang buháy na Diyos,” sabi ni Yahweh. “Ang ginawa mo at ng iyong nasasakupan ay hindi ginawa ng kapatid mong Sodoma at ng sakop nito. 49 Tingnan mo ang mga kasalanan ng Sodoma: siya at ang kanyang mga anak ay may maipagmamalaking kayamanan at kasaganaan sa buhay, ngunit hindi sila marunong tumulong sa mga nangangailangan, 50 naging palalo sila. Bukod doon, gumawa sila ng kasuklam-suklam na mga bagay. Nang makita ko ito, pinarusahan ko sila, gaya ng iyong nalalaman. 51 Ang kasalanan naman ng Samaria ay wala pa sa kalahati ng iyong kasalanan. Mas matuwid siya kaysa sa iyo sapagkat mas maraming kasuklam-suklam na gawain ang iyong ginawa kaysa kanya. 52 Sa iyo babagsak ang bigat ng kahihiyang akala mo ay nararapat sa iyong mga kapatid, sapagkat higit na kasuklam-suklam ang iyong gawain. Kaya, mararanasan mo ang kahihiyan at kadustaan, sapagkat sa mga ginawa mo'y lumabas pang mas mabuti kaysa sa iyo ang mga kapatid mo.

Ibabalik sa Dati ang Sodoma at ang Samaria

53 “Ibabalik ko sa dati ang Sodoma at ang mga sakop nito, ganoon din ang Samaria at ang kanyang nasasakupan; saka pa lamang kita ibabalik sa dati mong kalagayan. 54 Dadanasin mo ang bigat ng parusa at ang kahihiyang bunga ng iyong ginawa. Ito'y magiging pampalubag-loob sa Sodoma at Samaria. 55 Kung maibalik na sa dati ang Sodoma at Samaria, saka lamang kita ibabalik sa dati mong kalagayan. 56 Hindi ba't sinisiraan mo ang Sodoma noong panahon ng iyong kapalaluan, 57 noong hindi pa nalalantad ang iyong kasamaan? Ngayon, ikaw naman ang nalagay sa gayong katayuan. Ikaw ngayon ang usap-usapan ng mga nasasakupan ng Edom. Ikaw ngayon ang kinasusuklaman ng Filisteo. 58 Ngayon ay dadanasin mo ang bigat ng parusang bunga ng iyong mahalay at kasuklam-suklam na pamumuhay.”

Ang Walang Hanggang Kasunduan

59 Ipinapasabi ni Yahweh: “Ilalapat ko sa iyo ang parusang angkop sa pagsira mo sa tipan at pangako. 60 Gayunman, hindi ko na rin kalilimutan ang ginawa kong tipan sa iyo nang ikaw ay bata pa. Ngayon ay gagawa ako ng kasunduan para sa atin, hindi ito masisira kailanman. 61 Kung magkagayon, maaalala mo noong ikaw ay bata pa at mapapahiya ka sa sarili mo kapag nakasama mo na ang mga kapatid mong nakababata at nakatatanda sa iyo. Sila'y isasama ko sa iyo bagaman hindi talagang kabilang sa tipan ko sa iyo. 62 Gagawin ko nga ang aking pakikipagtipan sa iyo. Sa gayo'y makikilala mong ako si Yahweh. 63 Sa sandaling ipatawad ko ang lahat mong kasalanan, matitikom ang bibig mo dahil sa laki ng kahihiyan.”

Ang Talinghaga ng Dalawang Agila at ng Baging

17 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, bigyan mo ng palaisipan ang Israel, para malaman nila na akong si Yahweh ang nagsasalita sa kanila. Ito ang talinghaga: Isang agila ang dumating sa Lebanon. Mahaba ang pakpak nito at malagung-malago ang balahibong iba't iba ang kulay. Dumapo ito sa isang punong sedar. Pinutol nito ang pinakamataas na sanga niyon, tinangay at itinayo sa lupain at itinanim sa matabang lupa sa tabi ng tubig. Tumubo ito at naging baging na gumagapang sa lupa. Ang mga sanga nito'y nakaturo sa puno at ang ugat ay tumubo nang pailalim. Naging baging nga ito, nagsanga at nagsupling.

“Ngunit may dumating na isa pang malaking agila; malapad din ang pakpak at malago ang balahibo. Ang mga sanga at ugat ng baging ay humarap sa agilang ito sa pag-aakalang siya'y bibigyan nito ng mas maraming tubig. Ito'y nakatanim sa matabang lupain sa tabi ng tubig, at maaaring lumago hanggang maging punong balot ng karangalan. Sabihin mong ipinapatanong ko sa kanila: Patuloy kaya itong lalago? Hindi kaya maputol ang mga ugat nito o mabali ang mga sanga at dahil doo'y malanta ang mga usbong? Hindi na kakailanganin ang malakas na tao o ang magtulung-tulong ang marami para mabunot pati ugat nito. 10 Ngunit mabuhay pa kaya ito kung ilipat ng taniman? Kung magbago ng lugar, hindi kaya ito mamatay na parang binayo ng malakas na hangin?”

Ang Kahulugan ng Talinghaga

11 Sinabi sa akin ni Yahweh, 12 “Itanong(A) mo sa mapaghimagsik na bayan ng Israel kung alam nila ang kahulugan ng palaisipang ito. Sabihin mong ang hari ng Babilonia ay lumusob sa Jerusalem. Binihag nito ang hari roon pati ang mga pinuno, at iniuwi sa Babilonia. 13 Kinuha niya ang isa sa mga pinuno at gumawa sila ng kasunduan at pinanumpang magtatapat dito. Binihag niya ang pamunuan ng lupain 14 para hindi ito makabangon laban sa kanya, bagkus ay ganap na tumupad sa mga tuntunin ng kasunduan. 15 Ngunit ang pinunong pinili ng hari ng Babilonia ay naghimagsik at nagsugo sa hari ng Egipto upang humingi ng mga kabayo at maraming kawal. Akala kaya niya'y magtatagumpay siya? Hindi! Makaiwas kaya siya sa parusa kung gawin niya iyon? Hindi! Tiyak na paparusahan ko siya. 16 Ako ang buháy na Diyos,” sabi ni Yahweh. “Isinusumpa kong mamamatay siya sa Babilonia, sa lupain ng haring nagluklok sa kanya sa trono. Mamamatay siya pagkat hindi niya pinahalagahan ang kanyang salita. Sumira siya sa kanilang kasunduan. 17 Kahit ang makapal na kawal ng Faraon ay walang magagawa laban sa mga itinayong tore at mga tanggulan upang sila'y wasakin. 18 Hindi siya makakaiwas; sumira siya sa kasunduan at pagkatapos ay hindi tumupad sa pangako.”

19 Ipinapasabi pa ni Yahweh: “Ako ang Diyos na buháy. Paparusahan ko siya sa pagbaliwala niya sa aking sumpa at sa pagsira sa aking tipan. 20 Susukluban ko siya ng lambat at masusuot siya sa kaguluhan. Dadalhin ko siya sa Babilonia upang doon parusahan dahil sa pagtataksil niya sa akin. 21 Ang mga pili niyang tauhan ay mamamatay sa tabak at ang matitira'y ikakalat ko sa lahat ng dako. Kung magkagayo'y maaalala mo na akong si Yahweh ang maysabi nito.”

22 Ito nga ang ipinapasabi ni Yahweh: “Kukuha ako ng isang usbong ng sedar at aking iaayos. Ang kukunin ko'y ang pinakamura ng pinakamataas na sanga. Itatanim ko ito sa isang mataas na bundok, 23 sa pinakamataas na bundok ng Israel upang lumago at mamungang mabuti at maging isang kahanga-hangang sedar. Sa gayon, lahat ng uri ng hayop ay makakapanirahan sa ilalim nito. Ang mga ibon nama'y makapamumugad sa mga sanga nito. 24 Kung magkagayon, malalaman ng lahat ng punongkahoy na maibababâ ko ang mataas na kahoy at maitataas ko ang mababa; na mapapatuyo ko ang sariwang kahoy at mapapanariwa ko ang tuyong punongkahoy. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito at ito'y gagawin ko.”

Santiago 3

Ang Dila

Mga kapatid, huwag maghangad na maging guro ang marami sa inyo, dahil alam ninyo na tayong mga nagtuturo ay hahatulan nang mas mahigpit kaysa iba. Tayong(A) lahat ay nagkakamali sa iba't ibang paraan. Ang sinumang hindi nagkakamali sa kanyang pananalita ay isang taong ganap at marunong magpigil sa sarili.

Kapag nilagyan ng renda ang bibig ng kabayo, ito'y napapasunod natin at napapabaling saanman natin naisin. Gayundin ang barko. Kahit na ito'y napakalaki at itinutulak ng malalakas na hangin, naibabaling ito saanman naisin ng piloto sa pamamagitan ng napakaliit na timon. Ganyan din ang dila ng tao; maliit na bahagi lamang ng katawan, ngunit napakalaki ng mga ipinagyayabang.

Isipin na lamang ninyo kung paano napapalagablab ng isang maliit na apoy ang isang malawak na kagubatan. Ang(B) dila ay parang apoy, isang daigdig ng kasamaang nagpaparumi sa ating buong pagkatao. Ang apoy nito ay mula sa impiyerno at sinusunog ang lahat sa buhay ng tao. Lahat ng uri ng ibon at hayop na lumalakad, o gumagapang, o nakatira sa tubig ay kayang paamuin, at napaamo na ng tao, ngunit wala pang nakakapagpaamo sa dila. Ito ay kasamaang hindi mapigil, at puno ng kamandag na nakamamatay. Ito(C) ang ginagamit natin sa pagpupuri sa ating Panginoon at Ama, at ito rin ang ginagamit natin sa panlalait sa taong nilalang na kalarawan ng Diyos. 10 Sa iisang bibig nanggagaling ang pagpupuri at panlalait. Hindi ito dapat mangyari, mga kapatid. 11 Hindi lumalabas sa iisang bukal ang tubig-tabang at tubig-alat. 12 Mga kapatid, hinding-hindi makakapamunga ng olibo ang puno ng igos, o ng igos ang puno ng ubas, at lalong hindi rin bumubukal ang tubig-tabang sa bukal ng tubig-alat.

Ang Karunungang Mula sa Diyos

13 Sino(D) sa inyo ang marunong at nakakaunawa? Ipakita niya ito sa pamamagitan ng wastong pamumuhay na bunga ng kapakumbabaan at karunungan. 14 Ngunit kung ang naghahari sa inyong puso ay inggit at makasariling hangarin, huwag ninyo iyang ipagmalaki at huwag ninyong ikaila ang katotohanan. 15 Ang ganyang karunungan ay hindi galing sa langit, kundi makalupa, makalaman at mula sa demonyo. 16 Sapagkat saanman naghahari ang inggit at makasariling hangarin, naghahari din doon ang kaguluhan at lahat ng uri ng masamang gawa.

17 Ngunit ang karunungang mula sa langit, una sa lahat, ay malinis, mapayapa, maamo, mapagbigay, punô ng awa, masaganang namumunga ng mabubuting gawa, hindi nagtatangi at hindi nagkukunwari. 18 Namumunga ng katuwiran ang binhi ng kapayapaang itinatanim ng taong maibigin sa kapayapaan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.