M’Cheyne Bible Reading Plan
Susulatin ang mga batas sa bundok ng Ebal.
27 At si Moises at ang mga matanda sa Israel ay nagutos sa bayan, na sinasabi, Ganapin mo ang lahat ng utos na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito.
2 At mangyayaring sa araw (A)na iyong tatawirin ang Jordan na patungo sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, ay (B)maglalagay ka ng malalaking bato, at iyong tatapalan ng argamasa;
3 At iyong isusulat sa mga ito ang lahat ng mga salita ng kautusang ito, pagka iyong naraanan; upang iyong mapasok ang lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, na isang (C)lupaing binubukalan ng gatas at pulot, na gaya ng ipinangako sa iyo ng Panginoon, ng Dios ng iyong mga magulang.
4 At mangyayari na pagtawid mo ng Jordan, na iyong ilalagay ang mga batong ito, na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito, (D)sa bundok ng Ebal, at iyong tatapalan ng argamasa.
5 At doo'y magtatayo ka ng isang dambana sa Panginoon mong Dios, ng isang dambana na mga bato; (E)huwag mong pagbubuhatan ang mga ito ng kasangkapang bakal.
6 Iyong itatayo na buong bato ang dambana ng Panginoon mong Dios, at maghahandog ka roon ng mga handog na susunugin, sa Panginoon mong Dios.
7 At ikaw ay maghahain ng mga handog tungkol sa kapayapaan, at iyong kakanin doon; at ikaw ay magagalak sa harap ng Panginoon mong Dios;
8 At iyong isusulat na malinaw sa mga batong yaon, ang lahat ng mga salita ng kautusang ito.
9 At si Moises at ang mga saserdote na ang mga Levita ay nagsalita sa buong Israel, (F)na sinasabi, Tumahimik ka at dinggin mo, Oh Israel; sa araw na ito ay naging bayan ka ng Panginoon mong Dios.
10 Iyo ngang susundin ang tinig ng Panginoon mong Dios, at tutuparin mo ang kaniyang mga utos at ang kaniyang mga palatuntunan na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito.
11 At ibinilin ni Moises sa bayan nang araw ding yaon, na sinasabi,
12 Ang mga ito'y tatayo (G)sa ibabaw ng bundok ng Gerizim, upang basbasan ang bayan, pagka inyong naraanan na ang Jordan; ang Simeon, at ang Levi, at ang Juda, at ang Issachar at ang Jose, at ang Benjamin:
13 At ang mga ito'y tatayo sa ibabaw ng bundok ng Ebal upang sumumpa; ang Ruben, ang Gad, at ang Aser, at ang Zabulon, ang Dan, at ang Nephtali.
14 At (H)ang mga Levita ay sasagot, at magsasabi ng malakas na tinig sa lahat ng mga lalake sa Israel.
Sumpang sasalitain sa bundok ng Ebal.
15 (I)Sumpain ang taong gumagawa ng larawang inanyuan o binubo, bagay na karumaldumal sa Panginoon, na gawa ng mga kamay ng manggagawa, at inilagay sa dakong lihim. (J)At ang buong bayan ay sasagot at magsasabi, Siya nawa.
16 (K)Sumpain yaong sumira ng puri sa kaniyang ama o sa kaniyang ina. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.
17 (L)Sumpain yaong bumago ng muhon ng kaniyang kapuwa. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.
18 (M)Sumpain yaong magligaw ng bulag sa daan. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.
19 (N)Sumpain yaong magliko ng matuwid ng taga ibang bayan, ng ulila at ng babaing bao. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.
20 (O)Sumpain yaong sumiping sa asawa ng kaniyang ama; sapagka't kaniyang inilitaw ang balabal ng kaniyang ama. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.
21 (P)Sumpain yaong sumiping sa alinmang hayop. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.
22 (Q)Sumpain yaong sumiping sa kaniyang kapatid na babae, sa anak ng kaniyang ama, o sa anak na babae ng kaniyang ina. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.
23 (R)Sumpain yaong sumiping sa kaniyang biyanan. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.
24 (S)Sumpain yaong sumakit ng lihim sa kaniyang kapuwa. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.
25 (T)Sumpain yaong tumanggap ng suhol upang pumatay ng isang taong walang sala. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.
26 (U)Sumpain yaong hindi umayon sa mga salita ng kautusang ito upang gawin. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.
Pagpapala ay sasalitain sa bundok ng Gerizim.
28 At (V)mangyayaring kung iyong didingging masikap ang tinig ng Panginoon mong Dios, upang isagawa ang lahat niyang utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, ay itataas (W)ka ng Panginoon mong Dios sa lahat ng mga bansa sa lupa:
2 At ang lahat ng pagpapalang ito ay darating sa iyo at (X)aabot sa iyo, kung iyong didinggin ang tinig ng Panginoon mong Dios.
3 Magiging mapalad ka sa bayan, at magiging (Y)mapalad ka sa parang.
4 Magiging mapalad (Z)ang bunga ng iyong katawan, at ang bunga ng iyong lupa, at ang bunga ng iyong mga hayop, ang karagdagan sa iyong bakahan at ang mga anak ng iyong kawan.
5 Magiging mapalad ang iyong buslo at ang iyong palayok.
6 Magiging (AA)mapalad ka sa iyong pagpasok, at magiging mapalad ka sa iyong paglabas.
7 (AB)Pasasaktan ng Panginoon sa harap mo ang iyong mga kaaway na nagbabangon laban sa iyo: sila'y lalabas laban sa iyo sa isang daan at tatakas sa harap mo sa pitong daan.
8 Igagawad sa iyo ng Panginoon ang kaniyang pagpapala sa iyong mga kamalig, at sa lahat ng pagpatungan mo ng iyong kamay at pagpapalain ka niya sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios.
9 (AC)Itatatag ka ng Panginoon na isang banal na bayan sa kaniya, gaya ng kaniyang isinumpa sa iyo; kung iyong gaganapin ang mga utos ng Panginoon mong Dios, at lalakad ka sa kaniyang mga daan.
10 At makikita ng lahat ng mga bayan sa lupa, na ikaw ay tinawag sa pamamagitan (AD)ng pangalan ng Panginoon at sila'y (AE)matatakot sa iyo.
11 At ikaw ay pasasaganain ng Panginoon, sa ikabubuti mo, sa bunga ng iyong katawan, at sa bunga ng iyong mga hayop, at sa bunga ng iyong lupa, sa lupain na isinumpa ng Panginoon sa iyong mga magulang upang ibigay sa iyo.
12 (AF)Bubuksan ng Panginoon sa iyo ang kaniyang mabuting kayamanan, ang langit, upang ibigay ang ulan sa iyong lupain sa kapanahunan, at upang (AG)pagpalain ang buong gawa ng iyong kamay; at ikaw ay magpapahiram sa maraming bansa, at ikaw ay hindi hihiram.
13 At gagawin ka ng Panginoon na (AH)ulo at hindi buntot, at ikaw ay magiging sa ibabaw lamang, at hindi ka mapapasailalim; kung iyong didinggin ang mga utos ng Panginoon mong Dios, na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, na iyong sundin at gawin;
14 (AI)At huwag kang lilihis sa anoman sa mga salita na aking iniuutos sa inyo sa araw na ito, sa kanan o sa kaliwa, upang sumunod sa ibang mga dios na paglilingkuran sila.
Katakotakot na kahihinatnan kung sumuway.
15 Nguni't mangyayari, na kung (AJ)hindi mo didinggin ang tinig ng Panginoon mong Dios, na isasagawa ang lahat ng kaniyang mga utos at ang kaniyang palatuntunan na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, na ang lahat ng sumpang ito ay darating sa iyo at aabot sa iyo.
16 Susumpain ka (AK)sa bayan, at susumpain ka sa parang.
17 Susumpain ang iyong buslo at ang iyong palayok.
18 Susumpain ang bunga ng iyong katawan, at ang bunga ng iyong lupa, ang karagdagan ng iyong bakahan at ang mga anak ng iyong kawan.
19 Susumpain ka sa iyong pagpasok, at susumpain ka sa iyong paglabas.
Pagbubulaybulay at panalangin tungkol sa kautusan ng Dios.
ALEPH.
119 Mapalad silang (A)sakdal sa lakad,
Na nagsisilakad sa kautusan ng Panginoon.
2 Mapalad silang nangagiingat ng kaniyang mga patotoo,
Na nagsisihanap sa kaniya ng buong puso.
3 (B)Oo, silang hindi nagsisigawa ng kalikuan;
Sila'y nagsisilakad sa kaniyang mga daan.
4 Iyong iniutos sa amin ang mga tuntunin mo,
Upang aming sunding masikap.
5 Oh matatag nawa ang aking mga daan,
Upang sundin ang mga palatuntunan mo!
6 (C)Hindi nga ako mapapahiya,
Pagka ako'y nagkaroon ng galang sa inyong lahat na mga utos.
7 Ako'y magpapasalamat sa iyo sa pamamagitan ng katuwiran ng puso,
Pagka aking natutuhan ang mga matuwid mong kahatulan.
8 Aking tutuparin ang mga palatuntunan mo:
Oh huwag mo akong pabayaang lubos.
BETH.
9 Sa paano lilinisin ng isang binata ang kaniyang daan?
Sa pagdinig doon ayon sa iyong salita.
10 Hinanap kita ng aking buong puso:
Oh huwag nawa akong malihis sa iyong mga utos.
11 Ang salita mo'y aking iningatan (D)sa aking puso:
Upang huwag akong magkasala laban sa iyo.
12 Mapalad ka, Oh Panginoon:
(E)Ituro mo sa akin ang mga palatuntunan mo.
13 Aking ipinahayag ng aking mga labi
Ang lahat ng mga kahatulan ng iyong bibig.
14 (F)Ako'y nagalak sa daan ng iyong mga patotoo,
Na gaya ng lahat na kayamanan.
15 Ako'y magbubulay sa iyong mga tuntunin,
At gagalang sa iyong mga daan.
16 (G)Ako'y magaaliw sa iyong mga palatuntunan:
Hindi ko kalilimutan ang iyong salita.
GIMEL.
17 (H)Gawan ng mabuti ang iyong lingkod, upang ako'y mabuhay;
Sa gayo'y aking susundin ang iyong salita.
18 Idilat mo ang aking mga mata, upang ako'y makakita
Ng kagilagilalas na mga bagay sa iyong kautusan.
19 (I)Ako'y nakikipamayan sa lupa:
Huwag mong ikubli ang mga utos mo sa akin.
20 (J)Ang puso ko'y nadudurog sa pananabik.
Na tinatamo sa iyong mga kahatulan sa lahat ng panahon.
21 Iyong sinaway ang mga palalong sinumpa,
Na nagsisihiwalay sa iyong mga utos.
22 Alisin mo sa akin ang kadustaan at kakutyaan;
(K)Sapagka't iningatan ko ang iyong mga patotoo.
23 Mga pangulo naman ay nagsiupo, at naguusap ng laban sa akin;
Nguni't ang lingkod mo'y nagbulay sa iyong mga palatuntunan.
24 (L)Ang mga patotoo mo naman ay aking mga kaluguran.
At aking mga tagapayo.
Ang pagpapalaki sa Sion.
54 Umawit ka, (A)Oh baog, ikaw na hindi nanganak; ikaw ay magbiglang umawit, at humiyaw ng malakas, ikaw na hindi nagdamdam ng panganganak: sapagka't higit ang mga anak ng binawaan kay sa mga anak ng (B)may asawa, sabi ng Panginoon.
2 Iyong palakhin ang dako (C)ng iyong tolda, at maladlad ang mga tabing ng iyong mga tahanan; huwag kang magurong: habaan mo ang iyong mga lubid, at patibayin mo ang iyong mga tulos.
3 Sapagka't ikaw ay lalago sa kanan at sa kaliwa; (D)at ang iyong lahi ay magaari ng mga bansa, at patatahanan ang mga gibang bayan.
4 Huwag kang matakot; sapagka't ikaw ay hindi mapapahiya: o malilito ka man; sapagka't hindi ka malalagay sa kahihiyan: sapagka't iyong kalilimutan ang kahihiyan ng iyong kabataan, at ang pula sa iyong pagkabao ay hindi mo maaalaala pa.
5 Sapagka't ang May-lalang sa iyo ay (E)iyong asawa; ang (F)Panginoon ng mga hukbo ay kaniyang pangalan: at ang Banal ng Israel ay (G)iyong Manunubos, ang Dios ng buong lupa tatawagin siya.
6 Sapagka't tinawag ka ng Panginoon na parang asawang kinalimutan namamanglaw sa kalooban, parang (H)asawa ng kabataan, pagka siya'y itinatakuwil, sabi ng iyong Dios.
7 Sa sangdaling-sangdali ay kinalimutan (I)kita; nguni't pipisanin kita sa pamamagitan ng mga malaking kaawaan.
8 Sa kaunting pagiinit ay ikinubli ko ang aking mukha sa iyo sa isang sangdali; (J)nguni't kinaawaan kita sa pamamagitan ng walang hanggang kagandahang-loob, sabi ng Panginoon, na iyong Manunubos.
9 Sapagka't ito ay (K)parang tubig ng panahon ni Noe sa akin; sapagka't kung paanong ako'y sumumpa, na ang tubig ng panahon ni Noe ay hindi na aahon pa sa lupa, gayon ako'y sumumpa na hindi ako magiinit sa iyo, o sasaway sa iyo.
10 Sapagka't ang mga bundok ay (L)mangapapaalis, at ang mga burol ay mangapapalipat; nguni't ang aking kagandahang-loob ay hindi hihiwalay sa iyo, o (M)ang akin mang tipan ng kapayapaan ay maalis, sabi ng Panginoon na naaawa sa iyo.
Ang lumalaking pagibig ng Panginoon sa Sion.
11 Oh ikaw na nagdadalamhati, na pinapaspas ng bagyo, at hindi naaaliw, narito, aking ilalagay ang (N)iyong mga bato na may magandang mga kulay, at ilalapag ko ang iyong mga patibayan na may mga zafiro.
12 At gagawin kong mga rubi ang iyong mga dungawan, at mga karbungko ang iyong mga pintuang-bayan, at mga mahahalagang bato ang iyong lahat na hangganan.
13 At lahat mong anak ay (O)tuturuan ng Panginoon; at magiging malaki ang kapayapaan ng iyong mga anak.
14 Sa katuwiran ay matatatag ka: ikaw ay malalayo sa kapighatian sapagka't yao'y hindi mo katatakutan; at sa kakilabutan, sapagka't hindi lalapit sa iyo.
15 Narito, sila'y magkakapisan, nguni't (P)hindi sa pamamagitan ko: sinomang magpipisan laban sa iyo ay mabubuwal dahil sa iyo.
16 Narito, aking nilalang ang panday na humihihip sa mga baga, at naglalabas ng kasangkapan para sa kaniyang gawa; at aking nilalang ang manglilipol upang manglipol.
17 Walang almas na ginawa laban sa iyo ay pakikinabangan at (Q)bawa't dila na gagalaw laban sa iyo sa kahatulan ay iyong hahatulan. Ito ang mana ng mga lingkod ng Panginoon, (R)at ang katuwiran nila ay sa akin, sabi ng Panginoon.
2 Nang ipanganak nga si Jesus sa Bet-lehem ng Judea (A)sa mga kaarawan ng haring si Herodes, narito, ang mga Pantas na lalake ay nagsidating sa Jerusalem (B)mula sa silanganan, na nagsisipagsabi,
2 Saan naroon ang ipinanganak na hari ng mga Judio? sapagka't (C)aming nakita ang kaniyang bituin sa silanganan, at naparito kami upang siya'y sambahin.
3 Nang marinig ito ng haring si Herodes, ay nagulumihanan siya, at pati ng buong Jerusalem.
4 At pagkatipon sa lahat ng mga pangulong saserdote at mga (D)eskriba ng bayan, ay siniyasat niya sa kanila kung saan kaya ipanganganak ang Cristo.
5 At sinabi nila sa kaniya, sa Bet-lehem ng Judea: sapagka't ganito ang pagkasulat (E)ng propeta,
6 At ikaw Bet-lehem, na lupa ng Juda,
Sa anomang paraan ay hindi ikaw ang pinakamaliit sa mga pangulong bayan ng Juda:
Sapagka't mula sa iyo'y lalabas ang isang gobernador,
Na siyang magiging pastor ng aking bayang Israel.
7 Nang magkagayo'y tinawag ni Herodes ng lihim ang mga Pantas na lalake, at kaniyang siniyasat ng buong ingat sa kanila ang panahong isinilang ng bituin.
8 At pinayaon niya sila sa Bet-lehem, at sinabi, Kayo'y magsiparoon at ipagtanong ng buong ingat ang tungkol sa sanggol; at pagkasumpong ninyo sa kaniya, ay ipagbigay-alam ninyo sa akin, upang ako nama'y makaparoon at siya'y aking sambahin.
9 At sila, pagkarinig sa hari ay nagsiyaon ng kanilang lakad; at narito, ang bituing kanilang nakita sa silanganan, ay nanguna sa kanila hanggang sa sumapit at tumigil sa tapat ng kinaroroonan ng sanggol.
10 At nang makita nila ang bituin, ay nangagalak sila ng di kawasang galak.
11 At nagsipasok sila sa bahay, at nangakita nila ang sanggol na kasama ng kaniyang inang si Maria; at nangagpatirapa sila at nangagsisamba sa kaniya; at pagkabukas nila ng kanilang mga kayamanan ay inihandog nila sa kaniya ang mga alay, na (F)ginto at kamangyan at (G)mira.
12 At palibhasa'y pinagsabihan sila ng Dios (H)sa panaginip na huwag silang mangagbalik kay Herodes, ay nangagsiuwi sila sa kanilang sariling lupain sa ibang daan.
13 Nang mangakaalis nga sila, narito, ang isang anghel ng Panginoon ay napakita kay Jose sa panaginip, na nagsasabi, Magbangon ka at dalhin mo ang sanggol at ang kaniyang ina, at tumakas ka hanggang sa Egipto, at dumoon ka hanggang sa sabihin ko sa iyo: sapagka't hahanapin ni Herodes ang sanggol upang siya'y puksain.
14 At siya'y nagbangon at dinala ang sanggol at ang ina nito sa kinagabihan, at napasa Egipto;
15 At dumoon hanggang sa pagkamatay ni Herodes: upang maganap ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi, (I)Mula sa Egipto ay tinawag ko ang aking anak.
16 Nang magkagayon, nang mapansin ni Herodes na siya'y pinaglaruan ng mga Pantas na lalake, ay nagalit na mainam, at nagutos, at ipinapatay ang lahat ng mga sanggol na lalake na nangasa Bet-lehem, at sa buong palibotlibot noon, mula sa gulang na dalawang taon hanggang sa pababa, alinsunod sa panahon ng kaniyang maingat na pagkasiyasat sa mga Pantas na lalake.
17 Nang magkagayo'y naganap ang sinalita sa pamamagitan ng propeta Jeremias, (J)na nagsasabi,
18 Isang tinig ay narinig (K)sa Rama,
Pananangis at kalagimlagim na iyak,
Tinatangisan ni Raquel ang kaniyang mga anak;
At ayaw na siyang maaliw, sapagka't sila'y wala na.
19 Nguni't pagkamatay ni Herodes, narito, ang isang anghel ng Panginoon ay napakita (L)sa panaginip kay Jose sa Egipto, na nagsasabi,
20 Magbangon ka at dalhin mo ang sanggol at ang kaniyang ina, at pumatungo ka sa lupain ng Israel: sapagkat nangamatay na ang nangagmimithi sa buhay ng sanggol.
21 At nagbangon siya at dinala ang sanggol at ang kaniyang ina, at pumatungo sa lupa ng Israel.
22 Datapuwa't nang mabalitaan niya na si Arquelao ang naghahari sa Judea na kahalili ng kaniyang amang si Herodes, ay natakot siyang pumatungo roon; at palibhasa'y pinagsabihan ng Dios sa panaginip, ay napatungo siya sa mga sakop ng (M)Galilea,
23 At siya'y dumating at tumahan sa isang bayang tinatawag na (N)Nazaret; upang maganap ang mga sinalita ng mga propeta, na siya'y tatawaging Nazareno.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978