M’Cheyne Bible Reading Plan
Pagpapatawad sa pautang.
15 Sa katapusan ng bawa't (A)pitong taon ay magpapatawad ka ng iyong mga pautang.
2 At ito ang paraan ng pagpapatawad: bawa't may pautang ay magpapatawad ng kaniyang ipinautang sa kaniyang kapuwa; huwag niyang sisingilin sa kaniyang kapuwa, at sa kaniyang kapatid; sapagka't ang pagpapatawad ng Panginoon ay ipinahayag.
3 (B)Sa isang taga ibang lupa ay iyong masisingil; nguni't anomang tinatangkilik mo na nasa iyong kapatid ay ipatatawad ng iyong kamay.
4 Nguni't hindi magkakadukha sa iyo (C)(sapagka't pagpapalain ka nga ng Panginoon sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios na pinakamana upang iyong ariin),
5 (D)Kung iyong didinggin lamang na masikap ang tinig ng Panginoon mong Dios, na isagawa ang buong utos na ito na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito.
6 Sapagka't pagpapalain ka ng Panginoon mong Dios, na gaya ng ipinangako niya sa iyo: at (E)ikaw ay magpapautang sa maraming bansa, nguni't hindi ka mangungutang; at (F)ikaw ay magpupuno sa maraming bansa, nguni't hindi ka nila pagpupunuan.
7 Kung magkaroon sa iyo ng isang dukha, na isa sa iyong mga kapatid, na nasa loob ng iyong mga pintuang-daan sa iyong lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, (G)ay huwag mong pagmamatigasin ang iyong puso, ni pagtitikuman ng iyong kamay ang iyong dukhang kapatid:
8 (H)Kundi iyo ngang bubukhin ang iyong kamay sa kaniya, at iyo ngang pauutangin siya ng sapat sa kaniyang kailangan sa kaniyang kinakailangan.
9 Pagingatan mong huwag magkaroon ng masamang pagiisip sa iyong puso, na iyong sabihin, Ang ikapitong taon, na taon ng pagpapatawad, ay malapit na; at (I)ang iyong mata'y magmasama laban sa iyong dukhang kapatid at hindi mo siya bigyan; (J)at siya'y dumaing sa Panginoon laban sa iyo, (K)at maging kasalanan sa iyo.
10 Siya nga'y bibigyan mo, at ang (L)iyong puso'y huwag magdamdam pagka binibigyan mo siya; (M)sapagka't dahil sa bagay na ito'y pagpapalain ka ng Panginoon mong Dios sa lahat ng iyong gawa, at sa lahat ng hipuin ng iyong kamay.
11 (N)Sapagka't hindi mawawalan ng dukha sa lupain kailan man: kaya't aking iniutos sa iyo, na aking sinasabi, (O)Bubukhin mo nga ang iyong kamay sa iyong kapatid, sa nagkakailangan sa iyo, at sa dukha mo, sa iyong lupain.
Ang alipin ay papagpapaalamin na sagana.
12 (P)Kung ang iyong kapatid, na Hebreong lalake o babae, ay ipagbili sa iyo, at maglingkod sa iyong anim na taon; sa ikapitong taon nga ay iyong papagpapaalaming laya sa iyo.
13 At pagka iyong papagpapaalaming laya sa iyo, ay huwag mo siyang papagpapaalaming walang dala:
14 Iyo siyang papagbabaunin na may kasaganaan ng bunga ng iyong kawan, at ng iyong giikan, at ng iyong pisaan ng ubas, kung paano ang (Q)ipinagpala sa iyo ng Panginoon mong Dios, ay bibigyan mo siya.
15 At (R)iyong aalalahanin na ikaw ay alipin sa lupain ng Egipto, at tinubos ka ng Panginoon mong Dios: kaya't iniuutos ko sa iyo ngayon ang bagay na ito.
16 At mangyayari, na (S)kung sabihin niya sa iyo, Hindi ako aalis sa iyo; sapagka't iniibig ka niya at ang iyong bahay, sapagka't kinalulugdan mo siya;
17 At kukuha ka nga ng isang pangbutas at ibutas mo sa kaniyang tainga sa pintuan, at siya'y magiging iyong alipin magpakailan man. At sa iyong aliping babae man ay gayon din ang iyong gagawin.
18 Huwag mong mamabigatin, pagka iyong papagpapaalaming laya sa iyo: sapagka't ibayo ng kaupahang (T)magpapaupa ang kaniyang ipinaglingkod sa iyo sa anim na taon: at pagpapalain ka ng Panginoon mong Dios sa lahat ng iyong ginagawa.
19 (U)Lahat ng panganay na lalake na ipinanganak sa iyong bakahan, at sa iyong kawan ay iyong itatalaga sa Panginoon mong Dios: huwag mong pagagawin ang panganay ng iyong baka, ni huwag mong gugupitan ang panganay ng iyong kawan.
20 (V)Iyong kakanin sa harap ng Panginoon mong Dios taontaon sa dakong pipiliin ng Panginoon, kakanin mo, at ng iyong mga sangbahayan.
21 (W)At kung may anomang kapintasan, na pilay o bulag, anomang masamang kapintasan, ay huwag mong ihahain sa Panginoon mong Dios.
22 (X)Iyong kakanin sa loob ng iyong mga pintuang-daan: ang marumi at ang malinis ay kapuwa kakain, na gaya ng maliit na usa at gaya ng malaking usa.
23 (Y)Huwag mo lamang kakanin ang dugo niyaon; iyong ibubuhos sa ibabaw ng lupa na parang tubig.
Dalangin ng nagdadalamhati, nang nanglulupaypay, at ibinubugso ang kaniyang daing sa harap ng Panginoon.
102 Dinggin mo ang dalangin ko, Oh Panginoon,
At dumating nawa ang daing ko sa iyo.
2 (A)Huwag mong ikubli ang mukha mo sa akin sa kaarawan ng aking kahirapan:
(B)Ikiling mo ang iyong pakinig sa akin;
Sa araw na ako'y tumawag, ay sagutin mo akong madali.
3 (C)Sapagka't ang mga kaarawan ko'y nangapapawi na parang usok,
At (D)ang mga buto ko'y nangasusunog na parang panggatong.
4 Ang puso ko'y nasaktan na parang damo, at (E)natuyo;
Sapagka't (F)nalimutan kong kanin ang aking tinapay.
5 Dahil sa tinig ng aking daing
Ang mga buto ko'y nagsisidikit sa aking laman.
6 Ako'y parang pelikano sa ilang;
Ako'y naging parang kuwago sa kaparangan.
7 Ako'y umaabang, at ako'y naging parang maya
Na nagiisa sa bubungan.
8 Dinudusta ako ng aking mga kaaway buong araw;
Silang nangauulol laban sa akin ay nagsisisumpa sa akin.
9 Sapagka't kinain ko ang mga abo na parang tinapay,
At hinaluan ko ang (G)aking inumin ng iyak.
10 Dahil sa iyong galit at iyong poot:
Sapagka't ako'y iyong itinaas, at inihagis.
11 (H)Ang aking mga kaarawan ay parang lilim na kumikiling;
At ako'y natuyo na parang damo.
12 Nguni't (I)ikaw, Oh Panginoon, ay mamamalagi magpakailan man;
At (J)ang alaala sa iyo ay sa lahat ng sali't saling lahi.
13 Ikaw ay babangon at (K)maaawa sa Sion:
Sapagka't kapanahunan ng pagkaawa sa kaniya,
Oo, (L)ang takdang panahon ay dumating.
14 Sapagka't nililigaya ang iyong mga lingkod sa kaniyang mga bato,
At nanghihinayang sa kaniyang alabok.
15 Sa gayo'y katatakutan ng mga bansa ang (M)pangalan ng Panginoon.
At ng lahat ng hari sa lupa ang iyong kaluwalhatian;
16 Sapagka't itinayo ng Panginoon ang Sion,
Siya'y napakita (N)sa kaniyang kaluwalhatian;
17 (O)Kaniyang dininig ang dalangin ng tapon,
At hindi hinamak ang kanilang dalangin.
18 Ito'y (P)isusulat na ukol sa lahing susunod:
At (Q)ang bayang lalalangin ay pupuri sa Panginoon.
19 Sapagka't siya'y tumungo (R)mula sa kaitaasan ng kaniyang santuario;
Tumingin ang Panginoon sa lupa mula sa langit;
20 (S)Upang dinggin ang buntong hininga ng bilanggo:
Upang kalagan yaong nangaitakdang patayin;
21 (T)Upang maipahayag ng mga tao ang pangalan ng Panginoon sa Sion,
At ang kaniyang kapurihan sa Jerusalem;
22 Nang ang mga bayan ay mapisan,
At ang mga kaharian, upang maglingkod sa Panginoon.
23 Kaniyang pinahina ang aking kalakasan sa daan;
(U)Kaniyang pinaikli ang mga kaarawan ko.
24 (V)Aking sinabi, Oh Dios ko, huwag mo akong kunin sa kalagitnaan ng aking mga kaarawan;
Ang mga taon mo'y (W)lampas sa mga sali't saling lahi.
25 Nang una ay (X)inilagay mo ang patibayan ng lupa;
At ang mga langit ay gawa ng iyong mga kamay.
26 (Y)Sila'y uuwi sa wala, nguni't (Z)ikaw ay mananatili:
Oo, silang lahat ay maluluma na parang bihisan;
Parang isang kasuutan na iyong mga papalitan, at sila'y mga mapapalitan:
27 Nguni't (AA)ikaw rin,
At ang mga taon mo'y hindi magkakawakas.
28 (AB)Ang mga anak ng iyong mga lingkod ay mangamamalagi,
(AC)At ang kanilang binhi ay matatatag sa harap mo.
Ang pangako ng Panginoon sa kaniyang lingkod.
42 (A)Narito, ang (B)aking lingkod, na aking inaalalayan; (C)ang aking hinirang, (D)na kinalulugdan ng aking kaluluwa; (E)isinakaniya ko ang aking Espiritu; siya'y maglalapat ng kahatulan sa mga bansa.
2 Siya'y hindi hihiyaw, o maglalakas man ng tinig, o iparirinig man ang kaniyang tinig sa lansangan.
3 Ang gapok na tambo ay hindi niya babaliin, ni ang timsim na umuusok ay hindi niya papatayin: siya'y maglalapat ng kahatulan sa katotohanan.
4 Siya'y hindi manglulupaypay o maduduwag man, hanggang sa maitatag niya ang kahatulan sa lupa; (F)at ang mga pulo ay maghihintay sa kaniyang kautusan.
5 Ganito ang sabi ng Dios na Panginoon, na lumikha ng langit, at nagladlad ng mga yaon; siyang naglatag ng lupa at ng nagsisilitaw rito; siyang nagbibigay ng hinga sa bayang nito, at ng diwa sa kanila na nagsisilakad dito:
6 Ako, ang Panginoon, ay tumawag sa iyo sa katuwiran, at hahawak ng iyong kamay, at magiingat sa iyo, at ibibigay (G)kita na pinakatipan sa bayan, (H)na pinakaliwanag sa mga bansa;
7 (I)Upang magdilat ng mga bulag na mata, (J)upang maglabas ng mga bilanggo sa bilangguan, at (K)nilang nangauupo sa kadiliman mula sa bilangguan.
8 Ako ang Panginoon; na siyang aking pangalan: at ang aking kaluwalhatian ay hindi ko ibibigay (L)sa iba, o ang akin mang kapurihan sa mga larawang inanyuan.
9 Narito, ang mga dating bagay ay nangyayari na, at ang mga bagong bagay ay ipinahahayag ko: bago mangalitaw ay sinasaysay ko sa inyo.
10 Magsiawit kayo sa Panginoon (M)ng bagong awit, at ng kapurihan niya na mula sa wakas ng lupa; (N)kayong nagsisibaba sa dagat, at ang buong nariyan, (O)ang mga pulo, at mga nananahan doon,
11 (P)Mangaglakas ng kanilang tinig ang ilang at ang mga bayan niyaon, ang mga nayon na tinatahanan ng (Q)Cedar: magsiawit ang mga nananahan sa Selah, magsihiyaw sila mula sa mga taluktok ng mga bundok.
12 Mangagbigay luwalhati sila sa Panginoon, at mangagpahayag ng kaniyang kapurihan sa mga pulo.
13 Ang Panginoon ay lalabas na parang makapangyarihang lalake; siya'y pupukaw ng paninibugho na parang lalaking mangdidigma: siya'y hihiyaw, oo, siya'y hihiyaw ng malakas; siya'y gagawang makapangyarihan laban sa kaniyang mga kaaway.
Ang Israel ay hindi kinalugdan dahil sa katigasan ng ulo.
14 Ako'y tumahimik ng malaon; ako'y hindi kumibo, at nagpigil ako: ngayo'y hihiyaw akong parang nagdaramdam na babae; ako'y manggigiba at mananakmal na paminsan.
15 Aking gagawing giba ang mga bundok at mga burol, at tutuyuin ko ang lahat nilang mga pananim; at gagawin kong mga pulo ang mga ilog, at aking tutuyuin ang mga lawa.
16 At aking dadalhin ang bulag sa daan na hindi nila nalalaman; sa mga landas na hindi nila nalalaman ay papatnubayan ko sila; aking gagawing kadiliman ang liwanag sa harap nila, at mga likong daan ang matuwid. Ang mga bagay na ito ay aking gagawin, at hindi ko kalilimutan sila.
17 Sila'y mangapapaurong, (R)sila'y mangapapahiyang mainam, na nagsisitiwala sa mga larawang inanyuan, na nangagsasabi sa mga larawang binubo, Kayo'y aming mga dios.
18 Makinig kayong mga bingi; at tumingin kayong mga bulag, upang kayo'y mangakakita.
19 Sino ang bulag (S)kundi ang aking lingkod? o ang bingi, na gaya ng aking sugo na aking sinusugo? sino ang bulag na gaya niya na nasa kapayapaan sa akin, at bulag na gaya ng (T)lingkod ng Panginoon?
20 Ikaw ay nakakakita ng maraming bagay, (U)nguni't hindi mo binubulay; (V)ang kaniyang mga tainga ay bukas, nguni't hindi niya dininig.
21 Kinalulugdan ng Panginoon dahil sa kaniyang katuwiran, na dakilain ang kautusan, at gawing marangal.
22 Nguni't ito ay isang bayang nanakaw at nasamsam; silang lahat ay nangasilo sa mga hukay, at sila'y nangakubli sa mga bilangguan: sila'y pinaka huli at walang magligtas; pinaka samsam, at walang magsabi, Iyong papanumbalikin.
23 Sino sa gitna ninyo ang makikinig nito? na makikinig at didinig para sa panahong darating?
24 Sino ang nagbigay ng Jacob na pinaka samsam, at ng Israel sa mga magnanakaw? di baga ang Panginoon? na laban sa kaniya ay nangagkasala tayo, at sa mga daan niya ay hindi sila nagsilakad, o naging masunurin man sila sa kaniyang kautusan.
25 (W)Kaya't ibinugso niya sa kaniya ang pusok ng kaniyang galit, at ang lakas ng pakikipagbaka; (X)at sinulsulan siya ng apoy sa palibot, (Y)gayon ma'y hindi niya naalaman; at sinunog siya, gayon ma'y hindi siya naglagak ng kalooban.
12 At ang isang dakilang tanda ay nakita sa langit: isang babae na nararamtan ng araw, at (A)ang buwan ay nasa ilalim ng kaniyang mga paa, at sa kaniyang ulo ay may isang putong na labingdalawang bituin;
2 At (B)siya'y nagdadalang tao; at siya'y sumisigaw, na nagdaramdam sa panganganak, at sa hirap upang manganak.
3 At ang ibang tanda ay nakita sa langit: at narito, ang isang malaking (C)dragong mapula, na may pitong ulo at (D)sangpung sungay, at sa kaniyang mga ulo'y may pitong diadema.
4 At kinaladkad ng kaniyang buntot ang ikatlong bahagi ng mga bituin sa langit, (E)at ipinaghagis sa lupa: at lumagay ang dragon sa harapan ng babaing manganganak na, (F)upang lamunin ang kaniyang anak pagkapanganak niya.
5 At siya'y nanganak ng isang anak na lalake, na (G)maghahari na may panghampas na bakal sa lahat ng mga bansa: at ang kaniyang anak ay inagaw na dinala hanggang sa Dios, at hanggang sa kaniyang luklukan.
6 At tumakas ang babae sa ilang, na doon siya'y ipinaghanda ng Dios ng isang dako, upang doon siya ampuning (H)isang libo dalawang daan at anim na pung araw.
7 At nagkaroon ng pagbabaka sa langit: (I)si Miguel at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka sa (J)dragon; at ang dragon at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka;
8 At hindi sila nanganalo, (K)ni nasumpungan pa man ang kanilang dako sa langit.
9 At (L)inihagis ang malaking dragon, (M)ang matandang ahas, ang tinatawag na Diablo at (N)Satanas, (O)ang dumadaya sa buong sanglibutan; siya'y inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya.
10 At narinig ko ang isang malakas na tinig sa langit, na nagsasabi,
(P)Ngayo'y dumating ang kaligtasan, at ang kapangyarihan, at ang kaharian ng ating Dios, at ang kapamahalaan ng kaniyang Cristo: sapagka't inihagis na ang tagapagsumbong sa ating mga kapatid (Q)na siyang sa kanila'y nagsusumbong sa harapan ng ating Dios araw at gabi.
11 At siya'y (R)kanilang dinaig dahil sa dugo ng Cordero, at dahil sa (S)salita ng kanilang patotoo, (T)at hindi nila inibig ang kanilang buhay hanggang sa kamatayan.
12 Kaya't mangagalak kayo, Oh mga langit at kayong nagsisitahan diyan.
(U)Sa aba ng lupa at ng dagat: sapagka't ang diablo'y bumaba sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam niya na kaunting panahon na lamang mayroon siya.
13 At nang makita ng dragon na siya'y inihagis sa lupa, ay inusig niya (V)ang babaing nanganak ng sanggol na lalake.
14 At sa babae'y ibinigay ang dalawang pakpak ng agilang malaki, upang ilipad sa ilang mula sa harap ng ahas hanggang sa kaniyang tahanan, na pinagkandilihan sa kaniyang (W)isang panahon, at mga panahon, at kalahati ng isang panahon.
15 At ang ahas ay nagbuga sa kaniyang bibig sa likuran ng babae ng tubig na gaya ng isang ilog, upang maipatangay siya sa agos.
16 At tinulungan ng lupa ang babae, at ibinuka ang kaniyang bibig at nilamon ang ilog na ibinuga ng dragon sa kaniyang bibig.
17 At nagalit ang dragon sa babae, (X)at umalis upang bumaka sa nalabi sa kaniyang binhi, (Y)na siyang nagsisitupad ng mga utos ng Dios, at mga may (Z)patotoo ni Jesus:
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978