Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Pahayag 19-22

Ang Kasiyahan sa Langit

19 Pagkatapos ng mga ito, narinig ko ang tila malakas na tinig ng napakaraming tao sa langit na nagsasabi,

“Aleluia!
Ang pagliligtas, kaluwalhatian at kapangyarihan ay sa ating Diyos,
    sapagkat (A) ang hatol niya ay tunay at makatarungan;
hinatulan niya ang tanyag na babaing mahalay
    na sumira ng daigdig sa pamamagitan ng kanyang imoralidad
at ipinagbayad siya ng Diyos sa dugo ng kanyang mga lingkod.”

At (B) nagsalita silang muli,

“Aleluia!
Ang usok mula sa tanyag na lungsod ay pumapailanlang magpakailanpaman.”

At ang dalawampu't apat na matatanda at ang apat na buháy na nilalang ay nagpatirapa at sumamba sa Diyos na nakaupo sa trono. At sila'y nagsabi,

“Amen. Aleluia!”

Mula (C) sa trono ay lumabas ang isang tinig,

“Purihin ninyo ang ating Diyos,
    kayong lahat na mga lingkod niya,
kayong mga natatakot sa kanya,
    mga hamak man o dakila.”

At (D) narinig ko ang parang tinig ng napakaraming tao, tulad ng lagaslas ng maraming tubig at tulad ng malalakas na dagundong ng kulog, na nagsasabi,

“Aleluia!
Sapagkat ang Panginoon nating Diyos
    na Makapangyarihan sa lahat ay naghahari.
Magalak tayo at magdiwang,
    luwalhatiin natin siya,
sapagkat sumapit na ang kasal ng Kordero,
    at inihanda ng kanyang kasintahan ang kanyang sarili.
Binigyan siya ng pinong lino
    makintab at malinis upang isuot niya”—

sapagkat ang pinong lino ay ang matutuwid na gawa ng mga banal.

At (E) sinabi sa akin ng anghel, “Isulat mo ito: Pinagpala ang mga inanyayahan sa handaan ng kasal ng Kordero.” At sinabi niya sa akin, “Ito ay tunay na mga salita ng Diyos.” 10 Nagpatirapa ako sa kanyang paanan upang sumamba sa kanya, subalit sinabi niya sa akin, “Huwag mong gawin iyan! Ako ay kapwa mo lingkod na kasama mo at ng iyong mga kapatid na naninindigan sa patotoo ni Jesus. Sa Diyos ka sumamba! Sapagkat ang patotoo ni Jesus ang espiritu ng propesiya.”

Ang Nakasakay sa Puting Kabayo

11 Pagkatapos, (F) nakita kong bumukas ang langit, at doon ay lumitaw ang isang puting kabayo. Tapat at Totoo ang tawag sa nakasakay dito, at makatarungan siyang humahatol at nakikipagdigma. 12 Ang (G) mga mata niya ay parang ningas ng apoy, at sa ulo niya ay maraming korona. Mayroon sa kanyang nakasulat na pangalan na siya lamang ang nakakaalam. 13 Ang (H) suot niyang damit ay itinubog sa dugo, at siya'y tinatawag sa pangalang Ang Salita ng Diyos. 14 At ang mga hukbo ng langit na nakasuot ng pinong lino, puti at dalisay ay sumusunod sa kanya; sila'y nakasakay sa mga puting kabayo. 15 Mula (I) sa kanyang bibig ay lumalabas ang isang matalas na tabak na pantaga sa mga bansa, at siya ay maghahari sa kanila gamit ang tungkod na bakal. Tatapak-tapakan niya ang mga ubas sa pisaan upang lumabas ang katas ng bagsik ng poot ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat. 16 Sa kanyang damit at hita ay may nakasulat na pangalan, “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.”

17 Pagkatapos, nakita (J) ko ang isang anghel na nakatayo sa araw, at siya'y sumigaw ng malakas na nagsasabi sa lahat ng mga ibong lumilipad sa himpapawid, “Halikayo, magsama-sama kayo upang dumalo sa malaking piging na inihanda ng Diyos. 18 Halikayo at kainin ninyo ang karne ng mga hari, ang karne ng mga kapitan, ang karne ng mga taong makapangyarihan, ang karne ng mga kabayo at ng mga nakasakay sa kanila—ang karne ng lahat ng tao, malaya man o alipin, hamak man o dakila.” 19 At nakita ko ang halimaw at ang mga hari sa daigdig kasama ang kanilang mga hukbo na nagsama-sama upang makidigma sa nakasakay sa kabayo at sa kanyang hukbo. 20 Hinuli (K) ang halimaw, kasama ang kanyang huwad na propeta na sa kanyang harapan ay gumawa ng tanda na ginamit niya upang linlangin ang mga tumanggap ng tanda ng halimaw at sa mga sumamba sa larawan niya. Ang dalawang ito ay itinapon nang buháy sa lawa ng nagliliyab na asupre. 21 At ang mga iba naman ay pinatay sa pamamagitan ng tabak ng nakasakay sa kabayo, ang tabak na lumabas mula sa kanyang bibig; at lahat ng mga ibon ay nabusog sa kanilang mga laman.

Ang Sanlibong Taon

20 Pagkatapos ay nakita ko ang isang anghel na bumababa mula sa langit, dala ang susi ng walang hanggang kalaliman at ang isang malaking tanikala. Sinunggaban (L) niya ang dragon, ang matandang ahas, na siyang Diyablo at Satanas, at iginapos niya ito ng sanlibong taon. Itinapon niya ito sa walang hanggang kalaliman, isinara niya ito at tinatakan sa ibabaw, upang hindi na ito makapanlinlang ng mga bansa, hanggang sa matapos ang sanlibong taon. Pagkalipas nito ay pakakawalan siya sa maikling panahon.

Pagkatapos, (M) nakakita ako ng mga trono, at ang mga nakaupo roon ay binigyan ng kapangyarihang humatol. Nakita ko rin ang mga kaluluwa ng mga pinugutan ng ulo dahil sa kanilang patotoo para kay Jesus at paghahayag ng salita ng Diyos. Hindi sila sumamba sa halimaw o kaya'y sa larawan nito at hindi sila tumanggap ng tatak nito sa kanilang mga noo o mga kamay. Nabuhay sila at nagharing kasama ni Cristo sa loob ng sanlibong taon. Ang ibang mga patay ay hindi nabuhay hanggang sa matapos ang sanlibong taon. Ito ang unang muling pagkabuhay. Pinagpala at banal ang mga nakasama sa unang muling pagkabuhay. Walang kapangyarihan sa kanila ang ikalawang kamatayan, kundi sila'y magiging mga pari ng Diyos at ni Cristo, at maghahari silang kasama niya sa loob ng sanlibong taon.

Ang Pagkagapi ni Satanas

Kapag natapos ang sanlibong taon, pakakawalan si Satanas mula sa kanyang bilangguan, at lalabas (N) siya upang linlangin ang mga bansa sa apat na sulok ng lupa, ang Gog at Magog, upang tipunin sila para sa pakikipaglaban; sila'y kasindami ng mga buhangin sa dagat. Sila'y umahon sa malawak na lupa at pinaligiran ang kampo ng mga banal at ang minamahal na lungsod. Ngunit may apoy na bumaba mula sa langit at nilamon sila. 10 Ang diyablong luminlang sa kanila ay itinapon sa lawa ng apoy at asupre, kung saan naroon ang halimaw at ang huwad na propeta at doon ay pahihirapan sila araw at gabi magpakailanpaman.

Ang Paghuhukom sa Harap ng Puting Trono

11 At (O) nakita ko ang isang malaking puting trono at ang nakaupo roon; mula sa kanyang harapan ay tumakas ang lupa at ang langit, at wala nang matagpuang lugar para sa kanila. 12 At nakita ko ang mga patay, mga dakila at mga hamak, na nakatayo sa harap ng trono, at binuksan ang mga aklat. Isa pang aklat ang binuksan, ang aklat ng buhay. Hinatulan ang mga patay ayon sa kanilang mga gawa, batay sa nakasulat sa mga balumbon. 13 Ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kanya, ibinigay rin ng Kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila, at silang lahat ay hinatulan ayon sa kanilang mga gawa. 14 At ang Kamatayan at ang Hades ay itinapon sa lawa ng apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, ang lawa ng apoy. 15 At ang sinuman na ang pangalan ay hindi nakasulat sa balumbon ng buhay ay itinapon sa lawa ng apoy.

Ang Bagong Langit at ang Bagong Lupa

21 Pagkatapos, (P) nakakita ako ng bagong langit at ng bagong lupa; sapagkat lumipas na ang unang langit at ang unang lupa, at wala na ang dagat. Nakita (Q) ko ring bumababa mula sa langit, galing sa Diyos, ang banal na lungsod, ang bagong Jerusalem, inihandang tulad ng isang babaing ikakasal na inayusan para sa kanyang asawa. At (R) mula sa trono, isang malakas na tinig ang aking narinig,

“Masdan ninyo, ang tahanan ng Diyos ay kasama na ng mga tao.
Maninirahan siya sa kanila bilang Diyos nila;
sila'y magiging bayan niya,
at ang Diyos mismo ay makakasama nila at magiging Diyos nila;[a]
papahirin (S) niya ang bawat luha sa kanilang mga mata.
Hindi na magkakaroon ng kamatayan;
ni magkakaroon ng pagluluksa at pagtangis, at kahit kirot ay di na rin mararanasan,
sapagkat lumipas na ang mga unang bagay.”

At nagsalita ang nakaupo sa trono, “Ngayon, ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.” Sinabi rin niya, “Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at totoo.” Pagkatapos (T) ay sinabi niya sa akin, “Nangyari na! Ako ang Alpha at ang Omega, ang simula at ang wakas. Sa nauuhaw ay ibibigay ko nang walang bayad ang tubig mula sa bukal ng tubig ng buhay. Ang (U) nagtatagumpay ay magmamana ng mga ito, at ako ang magiging Diyos niya, at siya'y magiging anak ko. Ngunit para sa mga duwag, sa mga hindi sumasampalataya, sa mga karumal-dumal, mga mamamatay-tao, mga mapakiapid, mga mangkukulam, mga sumasamba sa diyus-diyosan, at sa mga sinungaling, ang kalalagyan nila ay sa lawa na nagliliyab sa apoy at asupre; ito ang ikalawang kamatayan.”

Ang Bagong Jerusalem

Pagkatapos, ang isa sa pitong anghel na may pitong mangkok na puno ng pitong huling salot ay dumating at nagsabi sa akin, “Halika, ipakikita ko sa iyo ang babaing ikakasal, ang asawa ng Kordero.” 10 Habang (V) nasa Espiritu, dinala niya ako sa isang malaki at mataas na bundok, at ipinakita niya sa akin ang banal na lungsod ng Jerusalem na bumababa mula sa langit, galing sa Diyos. 11 Taglay nito ang kaluwalhatian ng Diyos at ang ningning nito ay tulad sa isang mamahaling bato, gaya ng haspe, na kasinlinaw ng kristal. 12 Mayroon (W) itong malaki at mataas na pader na may labindalawang pintuan. Sa mga pintuan ay may labindalawang anghel, at sa mga pintuan ay nakasulat ang mga pangalan ng labindalawang lipi ng mga anak ni Israel. 13 Sa silangan ay may tatlong pintuan, sa hilaga ay may tatlong pintuan, sa timog ay may tatlong pintuan, at tatlo rin sa kanluran. 14 Ang mga pader ng lungsod ay may labindalawang saligan, at sa kanila ay nakasulat ang labindalawang pangalan ng labindalawang apostol ng Kordero.

15 Ang (X) anghel na nakipag-usap sa akin ay may panukat na ginto, upang sukatin ang lungsod at ang mga pintuan at pader nito. 16 Parisukat ang pagkagawa sa lungsod; ang haba nito ay katulad ng luwang nito. Sinukat ng anghel ang lungsod gamit ang kanyang panukat, labindalawang estadia;[b] ang haba, luwang at taas nito ay magkakapareho. 17 Sinukat din niya ang pader nito, isandaan apatnapu't apat na siko ang taas, ayon sa sukat ng tao, na siyang ginamit ng anghel. 18 Ang (Y) (Z) malaking bahagi ng pader ay haspe at dalisay na ginto naman ang lungsod, na kasinlinaw ng kristal. 19 Ang mga saligan ng pader ng lungsod ay napapalamutian ng iba't ibang mamahaling bato. Haspe ang una, safiro ang ikalawa, kalsedonya ang ikatlo, esmeralda ang ikaapat, 20 onise ang ikalima, kornalina ang ikaanim, krisolito ang ikapito, berilo ang ikawalo, topasyo ang ikasiyam, krisoprasio ang ikasampu, hasinto ang ikalabing-isa, amatista naman ang ikalabindalawa. 21 Ang labindalawang pintuan ay labindalawang perlas, ang bawat pintuan ay yari sa isang perlas. Ang lansangan ng lungsod, ay dalisay na ginto, kasinlinaw ng salamin.

22 At wala akong nakitang templo sa lungsod, sapagkat ang templo nito'y ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero. 23 Hindi (AA) na kailangan pa ng lungsod ang araw o buwan upang tumanglaw doon, sapagkat ang kaluwalhatian ng Diyos ang liwanag nito, at ang Kordero ang ilaw nito. 24 Sa pamamagitan ng liwanag nito ay lalakad ang mga bansa, at ang mga hari sa daigdig ay magdadala ng kanilang kaluwalhatian sa lungsod. 25 Ang (AB) mga pintuan nito ay hindi isasara kailanman, sapagkat wala nang gabi doon. 26 Sa loob nito ay dadalhin ang kaluwalhatian at karangalan ng mga bansa. 27 Subalit (AC) hindi makapapasok doon ang anumang maruming bagay, ang sinumang may gawaing karumal-dumal o sinungaling, kundi yaon lamang may mga pangalang nakasulat sa aklat ng buhay ng Kordero.

22 Pagkatapos ay ipinakita (AD) sa akin ng anghel ang ilog ng tubig ng buhay na kasinlinaw ng kristal. Bumubukal iyon mula sa trono ng Diyos at ng Kordero sa (AE) gitna ng lansangan ng lungsod.Naroon sa magkabilang pampang ng ilog ang puno ng buhay na namumunga ng labindalawang uri ng prutas, namumunga ito bawat buwan; at ang mga dahon ng puno ay nakapagpapagaling sa mga bansa. Hindi na (AF) magkakaroon doon ng anumang isinumpa, sapagkat ang trono ng Diyos at ng Kordero ay naroon, at sasambahin siya ng kanyang mga lingkod. Makikita nila ang kanyang mukha, at ang pangalan niya ay masusulat sa kanilang mga noo. Wala (AG) nang gabi; hindi na nila kakailanganin pa ng liwanag o ng araw, sapagkat ang Panginoong Diyos ang magliliwanag sa kanila, at maghahari sila magpakailanpaman.

Ang Pagdating ni Cristo

At sinabi niya sa akin, “Ang mga salitang ito ay tapat at totoo. Ang Panginoon, na siyang Diyos ng mga espiritu ng mga propeta, ay nagsugo ng kanyang anghel upang ipakita sa kanyang mga lingkod kung ano ang malapit nang mangyari.”

“Tingnan mo, ako'y malapit nang dumating! Pinagpala ang nag-iingat ng mga salita ng propesiya ng aklat na ito.”

Akong si Juan ay nakarinig at nakakita sa mga bagay na ito. Matapos kong marinig at makita ang lahat, nagpatirapa ako upang sumamba sa harapan ng anghel na siyang nagpakita ng mga bagay na ito sa akin. Ngunit sinabi niya sa akin, “Huwag mong gawin iyan! Ako'y kapwa mo lingkod at ng mga kapatid mong propeta, at ng mga sumusunod sa mga salita sa aklat na ito. Sa Diyos ka sumamba!”

10 At sinabi pa niya sa akin, “Huwag mong takpan ng tatak ang mga salita ng propesiya ng aklat na ito, sapagkat ang panahon ay malapit na. 11 Hayaang (AH) magpakasama pa ang gumagawa ng masama, at ang marumi ay magpakarumi pa, ang matuwid ay magpakatuwid pa, at ang banal ay manatiling banal.”

12 “Tingnan (AI) mo, ako'y malapit nang dumating; dala ko ang aking gantimpala, upang gantimpalaan ang bawat isa ayon sa kanyang ginawa. 13 Ako (AJ) ang Alpha at ang Omega, ang una at ang huli, ang simula at ang wakas.”

14 Pinagpala (AK) ang mga naghuhugas ng kanilang mga damit, upang magkaroon sila ng karapatan sa puno ng buhay at makapasok sa mga pintuan ng lungsod. 15 Sa labas naman ay ang mga aso, mga mangkukulam, mga mapakiapid, mga mamamatay-tao, mga sumasamba sa diyus-diyosan, at ang bawat mahilig gumawa ng kasinungalingan.

16 “Akong (AL) si Jesus ang nagsugo ng aking anghel sa inyo upang magpatotoo sa mga bagay na ito sa harap ng mga iglesya. Ako ang ugat at ang supling ni David, ang maningning na tala sa umaga.”

17 Sinasabi (AM) ng Espiritu at ng babaing ikakasal, “Halika.”
Magsabi ang bawat nakikinig, “Halika.”
Lumapit ang nauuhaw.
Ang sinumang may nais ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.

18 Binabalaan (AN) ko ang sinumang nakikinig sa mga salita ng propesiya ng aklat na ito: sinumang magdagdag sa mga ito, idadagdag ng Diyos sa kanya ang mga salot na nakasulat sa aklat na ito; 19 at sinumang magbawas mula sa mga salita ng aklat ng propesiyang ito, babawasin ng Diyos ang kanyang bahagi sa puno ng buhay at sa banal na lungsod, na nakasulat sa aklat na ito.

20 Ang nagpapatotoo sa mga bagay na ito ay nagsasabi, “Oo, malapit na akong dumating.”[c]

Amen. Dumating ka nawa, Panginoong Jesus! 21 Pagpalain nawa ng Panginoong Jesus ang lahat. Amen.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.