Chronological
Nagsalita ang Diyos sa Pamamagitan ng Kanyang Anak
1 Noong unang panahon, nagsalita ang Diyos sa ating mga ninuno sa pamamagitan ng mga propeta sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan. 2 Ngunit sa mga huling araw na ito, nagsalita siya sa atin sa pamamagitan ng Anak. Siya ang hinirang ng Diyos na maging tagapagmana ng lahat ng bagay, at sa pamamagitan niya'y ginawa ng Diyos ang buong sanlibutan. 3 Ang Anak ang maningning na sinag ng kaluwalhatian ng Diyos at tunay na larawan ng kanyang kalikasan bilang Diyos. Siya ang nagpapanatili sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng kanyang makapangyarihang salita. Matapos niya tayong linisin sa ating mga kasalanan, umupo siya sa kaitaasan sa kanan ng Diyos na makapangyarihan sa lahat. 4 Higit na mataas ang Anak kaysa mga anghel, kung paanong binigyan siya ng pangalang higit na mataas kaysa kanilang lahat.
Higit na Dakila ang Anak kaysa mga Anghel
5 Sinabi (A) ba ito ng Diyos kailanman kahit kaninong anghel,
“Ikaw ang aking Anak,
naging Ama mo ako ngayon”?
o kaya nama'y,
“Ako'y magiging Ama niya,
at siya'y magiging Anak ko”?
6 At muli, (B) nang kanyang isinugo sa daigdig ang kanyang panganay na Anak ay sinabi niya,
“Sumamba kayo sa kanya, kayong mga anghel ng Diyos.”
7 Tungkol (C) naman sa mga anghel ay sinabi niya,
“Ang mga anghel ay ginagawa niyang hangin,
at ang kanyang mga lingkod ay ningas ng apoy.”
8 Ngunit, (D) tungkol naman sa Anak ay sinabi niya,
“Ang iyong trono, O Diyos, ay magpakailanman;
at ang setro ng katarunga'y ang setro ng iyong kaharian.
9 Inibig mo ang katuwiran, at kinapootan ang kasamaan;
kaya't ang Diyos, na iyong Diyos, ang humirang sa iyo na may langis ng kagalakang higit pa sa iyong mga kasamahan.”
10 Sinabi (E) rin niya,
“Ikaw, Panginoon, ang sa simula pa'y nagtatag ng sandigan ng sanlibutan,
at ang mga langit ay gawa ng iyong mga kamay.
11 Ang mga ito'y mawawalang lahat, ngunit mananatili ka kailanman.
Maluluma silang lahat gaya ng kasuotan;
12 ibabalumbon mo silang parang balabal,
at papalitan silang tulad ng kasuotan.
Ngunit ikaw ay hindi nagbabago,
at hindi magwawakas ang mga taon mo.”
13 Kailanma'y hindi sinabi ng Diyos sa kahit sinong anghel,
“Maupo ka sa aking kanan,
hanggang maipailalim ko sa iyong mga paa ang iyong mga kaaway.”
14 Hindi ba ang lahat ng anghel ay mga espiritung naglilingkod at sinugo upang tumulong sa mga magmamana ng kaligtasan?
Ang Dakilang Kaligtasan
2 Kung gayo'y dapat nating mas bigyang pansin ang mga bagay na narinig natin upang hindi tayo maligaw. 2 Napatunayang totoo ang mensaheng ipinahayag ng mga anghel at sinumang lumabag dito ay tumanggap ng kaukulang parusa. 3 Kaya paano tayo makakaiwas sa parusa kung ipagwawalang-bahala natin ang ganito kadakilang kaligtasan? Ang Panginoon ang nagpahayag nito noong una, at pinatunayan din sa atin ng mga nakarinig sa kanya. 4 Lalo pa itong pinatunayan ng Diyos sa pamamagitan ng mga tanda, ng mga kababalaghan at iba't ibang himala gayundin sa pamamagitan ng mga kaloob ng Banal na Espiritu, na ipinamahagi ayon sa kanyang kapasyahan.
Ang Nagpasimula ng Kaligtasan
5 Sapagkat hindi sa mga anghel ipinasakop ng Diyos ang sanlibutang darating, na siyang tinutukoy namin. 6 Ngunit (F) may nagpatunay sa isang dako, na sinasabi,
“Ano ang tao upang siya'y iyong alalahanin?
O ang anak ng tao upang siya'y iyong kalingain?
7 Siya'y ginawa mong mababa kaysa mga anghel nang sandaling panahon;
siya'y pinutungan mo ng kaluwalhatian at ng karangalan,
at siya'y inilagay mo sa ibabaw ng mga gawa ng iyong mga kamay.[a]
8 Ipinasakop mo ang lahat ng bagay sa kanyang mga paanan.”
Nang masakop niya ang bawat bagay, wala siyang iniwan na hindi niya nasasakop. Ngunit ngayon ay hindi pa natin nakikitang nasasakop niya ang lahat ng mga bagay, 9 kundi nakikita natin si Jesus, na sa sandaling panahon ay ginawang mababa kaysa mga anghel, na dahil sa pagdurusa ng kamatayan ay pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan, upang sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos ay maranasan niya ang kamatayan alang-alang sa lahat.
10 Sapagkat nararapat na ang Diyos na lumikha sa lahat at siyang patutunguhan ng lahat ng mga bagay ay nagdadala ng maraming anak tungo sa kaluwalhatian, at gawing sakdal ang tagapagtatag ng kanilang kaligtasan sa pamamagitan ng mga pagdurusa. 11 Sapagkat iisa ang pinagmulan ng gumagawang banal at ng mga ginawang banal. Dahil dito'y hindi nahihiya si Jesus na tawagin silang mga kapatid. 12 Sinabi(G) niya,
“Ipahahayag ko sa aking mga kapatid ang iyong pangalan,
aawitan kita ng mga himno sa gitna ng kapulungan.”
13 At (H) muli,
“Ilalagak ko ang aking pagtitiwala sa kanya.”
Sinabi din niya,
“Narito ako at ang mga anak na ibinigay sa akin ng Diyos.”
14 Kaya, yamang nakikibahagi ang mga anak sa laman at dugo, at siya man ay nakibahagi rin sa mga bagay na ito, upang sa pamamagitan ng kamatayan ay kanyang mapuksa ang may kapangyarihan sa kamatayan, samakatuwid ay ang diyablo, 15 at mapalaya silang lahat na dahil sa takot sa kamatayan ay nasa ilalim ng pagkaalipin sa buong buhay nila. 16 Sapagkat (I) maliwanag na hindi ang mga anghel ang kanyang tinutulungan, kundi ang mga nagmula sa binhi ni Abraham. 17 Kaya't kailangang siya ay maging kagaya ng kanyang mga kapatid sa lahat ng mga bagay, upang siya ay maging isang maawain at tapat na Kataas-taasang Pari sa mga bagay na nauukol sa Diyos, upang gumawa ng handog na pantubos sa mga kasalanan ng mga tao. 18 Palibhasa'y naranasan niyang tuksuhin, siya'y may kakayahang tumulong sa mga tinutukso.
Higit na Dakila si Jesus kay Moises
3 Kaya, mga kapatid kong banal, mga kabahagi sa makalangit na pagkatawag, isaalang-alang ninyo si Jesus, ang Apostol at Kataas-taasang Pari ng ating ipinapahayag. 2 Tapat (J) siya sa nagtalaga sa kanya, gaya ni Moises na tapat sa buong sambahayan ng Diyos. 3 Sapagkat si Jesus ay itinuring na karapat-dapat sa higit na kaluwalhatian kaysa kay Moises, yamang ang nagtayo ng bahay ay may higit na karangalan kaysa sa bahay. 4 Sapagkat ang bawat bahay ay may nagtayo, subalit ang nagtayo ng lahat ng mga bagay ay ang Diyos. 5 Si Moises, bilang lingkod ng buong sambahayan ng Diyos, ay naging tapat upang magpatotoo sa mga bagay na sasabihin. 6 Subalit si Cristo, bilang isang anak ay tapat sa sambahayan ng Diyos, at tayo ang sambahayang iyon, kung ating iingatang matibay hanggang sa katapusan ang pagtitiwala at pagmamalaki natin dahil sa ating pag-asa.
Kapahingahan para sa Bayan ng Diyos
7 Kaya't (K) gaya ng sinasabi ng Banal na Espiritu,
“Sa araw na ito, kung marinig ninyo ang kanyang tinig,
8 huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso tulad noong sila’y naghimagsik,
noong araw na sila’y subukin sa ilang,
9 kung saan sinubok ako ng inyong mga magulang,
bagaman nakita nila ang aking mga gawa sa loob ng
10 apatnapung taon.
Kaya't nagalit ako sa lahing ito,
at aking sinabi, ‘Ang puso nila'y laging lumalayo sa akin,
at ang mga daan ko'y ayaw nilang alamin.’
11 Kaya sa aking galit ay isinumpa ko,
‘Hindi sila papasok sa kapahingahang ibibigay ko.’ ”
12 Mga kapatid, mag-ingat kayo, baka mayroon sa inyo na magkaroon ng pusong masama at walang pananampalataya, na ito’y naglalayo sa buháy na Diyos. 13 Palakasin ninyo ang loob ng isa't isa araw-araw, habang matatawag pa itong “araw na ito,” baka sinuman sa inyo ay patigasin ng pandaraya ng kasalanan. 14 Sapagkat tayo'y nagiging kabahagi ni Cristo, kung matatag nating panghahawakan hanggang katapusan ang pagtitiwalang ipinakita natin noong una pa man. 15 Gaya (L) ng sinasabi,
“Sa araw na ito, kung marinig ninyo ang kanyang tinig,
huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso, tulad noong sila’y naghimagsik.”
16 Sapagkat (M) sino ba ang mga naghimagsik bagaman sila’y nakarinig? Hindi ba silang lahat na umalis sa Ehipto sa pangunguna ni Moises? 17 Kanino nagalit ang Diyos sa loob ng apatnapung taon? Hindi ba sa mga nagkasala na ang mga bangkay ay kumalat sa ilang? 18 At sino ba ang tinukoy niya noong siya’y sumumpa na sila’y hindi makakapasok sa kanyang kapahingahan? Hindi ba't ang mga matitigas ang ulo? 19 Kaya't nakikita natin na hindi sila nakapasok dahil sa kawalan nila ng pananampalataya.
4 Dahil nananatili pang may bisa ang pangakong makapasok sa kanyang kapahingahan, mag-ingat tayo at baka mayroon sa inyo na hindi makapasok doon. 2 Sapagkat tulad ng naranasan natin ay dumating din sa kanila ang Magandang Balita; ngunit ang salitang narinig nila'y hindi nila pinakinabangan, sapagkat hindi nila sinamahan ng pananampalataya ang kanilang pakikinig. 3 Tayong sumampalataya ay pumapasok sa kapahingahang iyon, gaya ng sinabi ng Diyos,
“Sa aking galit ay isinumpa ko,
hindi sila papasok sa kapahingahang ibibigay ko.”
Sinabi ito ng Diyos kahit na natapos na ang mga gawa niya mula nang itatag ang sanlibutan. 4 Sapagkat (N) ganito ang sinabi tungkol sa ikapitong araw sa isang bahagi ng Kasulatan, “At sa ikapitong araw ay nagpahinga ang Diyos sa lahat ng kanyang mga gawa.” 5 At (O) sa dakong ito naman ay muling sinabi, “Hindi sila papasok sa kapahingahang ibibigay ko.” 6 Kaya't dahil nananatili pang bukás para sa ilan ang makapasok doon, at dahil sa pagsuway ay hindi nakapasok ang mga naunang pinangaralan ng Magandang Balita, 7 muling (P) nagtakda ang Diyos ng isang araw, “Sa araw na ito;” ayon nga sa mga salitang nabanggit, sinabi sa pamamagitan ni David paglipas ng ilang panahon,
“Sa araw na ito, kung marinig ninyo ang kanyang tinig,
huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso.”
8 Sapagkat (Q) kung ang mga Israelita ay nabigyan ni Josue ng kapahingahan, hindi na sana nagsalita pa ang Diyos paglipas ng ilang panahon tungkol sa isa pang araw ng kapahingahan. 9 Kaya't may nakalaan pang isang Sabbath na kapahingahan para sa bayan ng Diyos; 10 sapagkat (R) ang pumasok sa kapahingahang ibinigay ng Diyos ay nagpahinga rin sa kanyang mga gawa, gaya ng Diyos na nagpahinga rin sa kanyang paglikha. 11 Kaya't magsikap tayong pumasok sa kapahingahang iyon, upang walang sinumang mabuwal dahil sa pagsunod sa halimbawa ng pagsuway ng mga Israelita noon.
12 Sapagkat ang salita ng Diyos ay buháy, mabisa, at higit na matalas kaysa alin mang tabak na may dalawang talim. Tumatagos ito hanggang sa pagitan ng kaluluwa at ng espiritu, hanggang sa mga kasukasuan at utak sa buto; at may kakayahang kumilala ng mga pag-iisip at mga hangarin ng puso. 13 Walang nilalang na makapagtatago sa harapan ng Diyos na ating pagsusulitan. Sa mga mata niya ang lahat ng bagay ay hubad at hayag.
Si Jesus ang Dakilang Kataas-taasang Pari
14 Kaya nga, dahil mayroon tayong isang Dakilang Kataas-taasang Pari na pumasok na sa kalangitan, at iyon ay si Jesus na Anak ng Diyos, matatag nating panghawakan ang ating ipinahahayag. 15 Sapagkat mayroon tayong Kataas-taasang Pari na marunong makiramay sa ating mga kahinaan. Tulad natin ay tinukso rin siya sa lahat ng mga paraan, gayunma'y hindi siya nagkasala. 16 Kaya't lumapit tayo na may lakas ng loob sa trono ng biyaya, upang tumanggap tayo ng awa, at makatagpo ng biyaya na makatutulong sa panahon ng ating pangangailangan.
5 Bawat Kataas-taasang Pari ay pinili mula sa mga tao at itinalaga upang mangasiwa sa mga bagay na may kaugnayan sa Diyos para sa kanilang kapakanan—ang maghandog ng mga kaloob at ng mga alay para sa mga kasalanan. 2 May kakayanan siyang makitungo na may kaamuan sa mga mangmang at naliligaw, dahil siya mismo ay mayroon ding kahinaan. 3 Dahil (S) dito ay kailangan niyang maghandog para sa kanyang sariling mga kasalanan, kung paanong kailangan din niyang maghandog para sa kasalanan ng taong-bayan. 4 Hindi (T) maaaring kunin ng sinuman sa kanyang sariling kagustuhan ang karangalan ng pagiging Kataas-taasang Pari malibang siya ay tinawag ng Diyos tulad ni Aaron.
5 Gayundin (U) si Cristo; hindi niya pinarangalan ang kanyang sarili upang maging Kataas-taasang Pari. Sa halip, siya ay itinalaga ng Diyos na nagsabi sa kanya,
“Ikaw ang Anak ko,
Ako, sa araw na ito, ang nagsilang sa iyo.”
6 Sinabi (V) rin niya sa ibang bahagi ng Kasulatan,
“Ikaw ay pari magpakailanman,
ayon sa pagkapari ni Melquizedek.”
7 Noong (W) nabubuhay pa si Jesus dito sa lupa,[b] kalakip ang malakas na pagtangis at pagluha ay naghandog siya ng mga panalangin at mga pakiusap sa Diyos na may kapangyarihang magligtas sa kanya mula sa kamatayan, at siya'y pinakinggan dahil sa kanyang banal na pagpapasakop. 8 Kahit na siya'y Anak, natutunan niya ang pagsunod sa pamamagitan ng mga bagay na kanyang tiniis. 9 Nang siya ay naging ganap, siya ang pinagmulan ng walang hanggang kaligtasan ng lahat ng mga sumusunod sa kanya; 10 yamang siya'y itinalaga ng Diyos bilang Kataas-taasang Pari ayon sa pagkapari ni Melquizedek.
Babala Laban sa Pagtalikod sa Pananampalataya
11 Marami pa kaming masasabi tungkol dito ngunit mahirap ipaliwanag dahil mabagal kayong umunawa.[c] 12 Katunayan, (X) sa panahong ito'y dapat tagapagturo na sana kayo; subalit kailangan pa rin ninyong turuan ng mga panimulang aralin ukol sa Salita ng Diyos. Gatas pa rin ang kailangan ninyo, at hindi solidong pagkain. 13 Sapagkat sinumang umaasa pa sa gatas ay hindi pa sanay sa salita ng katuwiran, dahil sanggol pa lamang. 14 Ngunit ang solidong pagkain ay para sa mga nasa hustong gulang, sa kanila na sa palagiang paggamit ay nasanay na sa pag-alam ng pagkakaiba ng mabuti at masama.
6 Kaya't tayo'y magpatuloy tungo sa pagiging sakdal at huwag manatili lamang sa mga panimulang aralin tungkol kay Cristo. Huwag nang muling ilagay ang saligan tungkol sa pagtalikod mula sa mga patay na gawa at tungkol sa pananampalataya sa Diyos, 2 o kaya’y aralin tungkol sa mga bautismo,[d] pagpapatong ng mga kamay, muling pagkabuhay ng mga patay, at walang hanggang kaparusahan. 3 At gagawin natin ito, kung ipahihintulot ng Diyos. 4 Sapagkat ang mga taong dati nang naliwanagan, mga nakalasap ng makalangit na kaloob, at mga naging kabahagi sa Banal na Espiritu, 5 silang nakalasap ng kabutihan ng salita ng Diyos at ng mga kapangyarihan ng panahong darating, 6 kapag tumalikod ay imposible nang panumbalikin sa pagsisisi, sapagkat muli nilang ipinapako sa krus at inilalagay sa kahihiyan ang Anak ng Diyos. 7 Sapagkat tumatanggap ng pagpapala sa Diyos ang lupang umiinom ng ulang madalas na pumapatak dito at tinutubuan ng mga halamang pinakikinabangan ng mga bumungkal. 8 Subalit (Y) walang saysay ang lupang tinutubuan ng mga tinik at dawag. Nanganganib itong sumpain at ang wakas nito ay ang tupukin.
9 Ngunit, mga minamahal, bagaman ganito ang sinasabi namin, naniniwala naman kami na kayo at ang tungkol sa inyong kaligtasan ay nasa mas mabuting kalagayan. 10 Sapagkat makatarungan ang Diyos; hindi niya kalilimutan ang inyong ginawa at ang pag-ibig na inyong ipinakita sa paglilingkod ninyo sa mga banal alang-alang sa kanyang pangalan. Ito ay patuloy ninyong ginagawa hanggang ngayon. 11 Ninanais namin na bawat isa sa inyo ay magpakita ng gayunding sigasig hanggang wakas upang malaman ninyo ang ganap na katiyakan ng pag-asa. 12 Huwag kayong maging tamad, sa halip ay tularan ang mga taong nagmamana ng mga pangako sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtitiis.
Ang Katiyakan ng Pangako ng Diyos
13 Nang mangako ang Diyos kay Abraham, nanumpa ang Diyos sa kanyang sarili dahil wala na siyang panunumpaan na higit pa sa kanya. 14 Sinabi (Z) niya, “Tinitiyak ko na lubos kitang pagpapalain at ang iyong lahi ay aking pararamihin.” 15 Kaya't pagkatapos ng matiyagang paghihintay, tinanggap ni Abraham ang ipinangako. 16 Nanunumpa ang mga tao sa harap ng higit na mataas sa kanila, at ang sumpang binitawan bilang katibayan ay nagpapatibay sa bawat usapin. 17 Kaya, noong ninais ng Diyos na ipakita sa mga tagapagmana ng pangako na hindi maaaring mabago ang kanyang layunin, pinagtibay niya ito sa pamamagitan ng isang sumpa. 18 Hindi maaaring magsinungaling ang Diyos tungkol sa dalawang bagay na ito: ang kanyang pangako at sumpa. At dahil sa dalawang bagay na ito na di-mababago, tayong nakatagpo ng kanlungan ay magkaroon ng lakas ng loob na panghawakan ang pag-asang nasa ating harapan. 19 Taglay (AA) natin ang pag-asang ito bilang tiyak at matibay na angkla ng ating kaluluwa, isang pag-asa na umaabot sa Kabanal-banalang Dako sa kabila ng tabing ng Templo. 20 Doon (AB) ay nauna nang pumasok si Jesus alang-alang sa atin, yamang siya’y naging Kataas-taasang Pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquizedek.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.