Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Mga Gawa 24-26

Ang Paratang ng mga Judio kay Pablo

24 Pagkaraan ng limang araw, dumating ang Kataas-taasang Paring si Ananias kasama ang ilang matatandang pinuno, at isang tagapagsalitang si Tertulio. Nagharap sila ng sakdal sa gobernador laban kay Pablo. Nang maiharap na si Pablo, nagsimula si Tertulio sa kanyang pagsasakdal laban dito. Sinabi niya,

“Kagalang-galang na Felix, dahil sa iyo'y nagtamo kami ng matagal na kapayapaan, at dumating ang mga pagbabago sa bansang ito dahil sa iyong pagtanaw sa hinaharap. Sa lahat ng paraan at sa lahat ng dako ay kinikilala namin ito nang may lubos na pasasalamat. Ngunit upang kayo ay huwag nang labis na maabala, hinihiling ko sa inyo ang inyong kabutihan na pakinggan kami ng ilang sandali. Natagpuan namin na ang taong ito'y mapanligalig at nanggugulo sa lahat ng mga Judio sa buong daigdig. Isa siyang pinuno sa sekta ng mga Nazareno. Nagtangka pa siyang lapastanganin ang Templo kaya dinakip namin siya. [Nais sana namin siyang hatulan ayon sa aming Kautusan. Ngunit dumating ang kapitang si Lisias at sapilitan siyang inagaw sa aming mga kamay, at inutusan ang mga nagbintang sa kanya na humarap sa inyo.][a] Sa pagtatanong ninyo sa kanya, mula sa kanyang bibig ay kayo mismo ang makaaalam na totoo ang lahat ng aming paratang laban sa kanya.” Sinang-ayunan naman ng lahat ng mga Judiong naroon ang mga ito.

Ang Pagtatanggol ni Pablo sa Harapan ni Felix

10 Nang hudyatan ng gobernador si Pablo upang magsalita, siya'y sumagot:

“Yamang nalalaman kong kayo ay naging hukom sa loob ng maraming mga taon sa bansang ito, buong tiwala kong gagawin ang aking pagtatanggol. 11 Matitiyak ninyo sa inyong pagsisiyasat na wala pang labindalawang araw nang ako'y pumunta sa Jerusalem upang sumamba. 12 Minsan man ay hindi nila ako natagpuang nakikipagtalo kahit kanino o kaya'y nanggugulo sa maraming tao sa Templo man o sa mga sinagoga, o saanmang dako ng lungsod. 13 Hindi rin nila mapapatunayan sa inyo ang mga ibinibintang nila sa akin ngayon. 14 Ngunit ito ang inaamin ko sa inyo: Ayon sa Daan na tinatawag nilang sekta ay sinasamba ko ang Diyos ng aming mga ninuno. Pinaniniwalaan ko ang lahat ng nasusulat sa Kautusan at sa mga propeta. 15 At tulad nila'y umaasa rin ako sa Diyos na muli niyang bubuhayin ang lahat, maging matuwid at di-matuwid. 16 Dahil dito'y lagi akong nagsisikap magkaroon ng malinis na budhi sa harap ng Diyos at sa lahat ng tao. 17 Pagkaraan ng ilang taon, (A) bumalik ako upang magdala ng tulong sa aking mga kababayan at mag-alay ng mga handog sa Diyos. 18 Natapos ko nang gawin ang seremonya ng paglilinis nang ako'y kanilang matagpuan sa templo, na walang kasamang maraming tao at wala ring kaguluhan. 19 Ngunit ilang Judiong galing sa Asia ang naroroon. At kung mayroon man silang sasabihin laban sa akin, dapat silang naririto sa inyong harapan at magsakdal. 20 O kaya'y hayaan ninyong ang mga taong naririto ang magsabi kung may natagpuan silang masama na ginawa nang ako'y humarap sa Sanhedrin. 21 Ang tanging maisasakdal nila laban sa akin (B) ay ang bagay na ito na aking isinigaw habang nakatayo sa gitna nila, ‘Nililitis ako ngayon tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay.’ ” 22 Palibhasa'y may sapat na kaalaman si Felix tungkol sa Daan, ipinagpaliban muna niya ang pagdinig, at sinabi, “Magpapasya ako pagdating ng kapitang si Lisias.” 23 Pagkatapos ay iniutos niya sa senturyon na bantayan si Pablo, ngunit huwag higpitan kundi hayaang dalawin ng kanyang mga kaibigan.

Si Pablo sa Harap nina Felix at Drusila

24 Pagkaraan ng ilang araw, dumating si Felix kasama ang kanyang asawang si Drusila na isang Judio. Ipinatawag niya si Pablo at pinakinggan tungkol sa pananampalataya kay Cristo Jesus. 25 Samantalang tinatalakay niya ang tungkol sa katarungan, pagpipigil sa sarili, at sa darating na paghuhukom, nangilabot si Felix at sumagot, “Makaaalis ka na. Ipatatawag kitang muli kapag nagkaroon ako ng panahon.” 26 Madalas niyang ipinatatawag at kinakausap si Pablo sa pag-asang susuhulan siya nito. 27 Sa pagnanais na bigyang kasiyahan ang mga Judio, pinabayaan ni Felix si Pablo sa bilangguan. Lumipas ang dalawang taon at si Felix ay pinalitan ni Porcio Festo.

Dumulog si Pablo sa Emperador

25 Pagkaraan ng tatlong araw matapos dumating sa lalawigan, pumunta si Festo sa Jerusalem mula sa Cesarea. Lumapit sa kanya doon ang mga punong pari at ang mga pinuno ng mga Judio at idinulog ang kanilang sakdal laban kay Pablo. Nakiusap silang ibalik si Pablo sa Jerusalem, sapagkat may balak silang siya'y tambangan at patayin sa daan. Sumagot si Festo, “Nakabilanggo si Pablo sa Cesarea, at ako mismo ay pupunta roon sa lalong madaling panahon. Pasamahin ninyo sa akin ang inyong mga pinuno, at sila ang magsakdal laban sa taong iyon, kung may nagawa man siyang kasalanan.” Nagpalipas doon si Festo ng hindi hihigit sa walo o sampung araw, pagkatapos ay bumalik sa Cesarea. Kinabukasan, umupo siya sa hukuman at iniutos na dalhin sa kanya si Pablo. Pagdating ni Pablo ay pinaligiran agad siya ng mga Judiong galing sa Jerusalem at nagharap ng marami at mabibigat na mga paratang laban sa kanya, na hindi naman nila mapatunayan. Ipinagtanggol ni Pablo ang sarili at sinabi nito, “Wala akong ginawang anuman laban sa kautusan ng mga Judio, o laban sa templo, o maging sa Emperador.” Ngunit nais ni Festo na pagbigyan ang mga Judio, kaya tinanong niya si Pablo, “Gusto mo bang pumunta sa Jerusalem upang doon kita litisin tungkol sa mga ito?” 10 Sumagot si Pablo, “Nakatayo na ako sa hukuman ng Emperador. Dito ako dapat litisin. Alam na alam ninyong wala akong ginawang masama laban sa mga Judio. 11 Kung ako'y nagkasala at nakagawa ng anumang bagay na karapat-dapat sa kamatayan, hindi ko tatakasan ang kamatayan. Ngunit kung walang katotohanan ang kanilang mga paratang laban sa akin, walang sinuman ang may karapatang magbigay sa akin sa kanila. Dumudulog ako sa Emperador.” 12 Pagkatapos pulungin ni Festo ang sanggunian, sumagot siya, “Sa Emperador nais mong dumulog? Sa Emperador ka pupunta.”

Si Pablo sa Harap nina Agripa at Bernice

13 Makaraan ang ilang araw, dumating si Haring Agripa at si Bernice sa Cesarea upang batiin si Festo. 14 Nang matagal-tagal na sila roon, isinalaysay ni Festo sa hari ang kaso ni Pablo. Sinabi niya, “May iniwan dito si Felix, isang lalaking bilanggo. 15 Noong ako'y nasa Jerusalem ay ipinagbigay-alam ng mga punong pari at ng mga pinuno ng mga Judio ang tungkol sa kanya at hiniling na parusahan ko siya. 16 Sinabi ko sa kanilang hindi kaugalian ng mga Romano na ibigay ang sinumang tao sa mga nagsasakdal sa kanya hanggang hindi nagkakaharap ang isinasakdal at ang mga nagsasakdal. Ito'y upang mabigyan siya ng pagkakataong maipagtanggol ang kanyang sarili. 17 Kaya't nang sila'y magkakasamang dumating dito ay hindi na ako nag-aksaya ng panahon. Kinabukasan din ay umupo ako sa hukuman at ipinatawag ko siya. 18 Nang tumayo ang mga nagsasakdal, walang anuman sa kanilang mga paratang ang mabigat gaya ng inakala kong ipaparatang nila. 19 Sa halip, ang pinagtalunan nila'y tungkol sa kanilang relihiyon, at tungkol sa isang tao na ang pangala'y Jesus. Patay na ang taong ito, ngunit pinaninindigan ni Pablo na siya'y buháy. 20 Dahil naguguluhan ako tungkol dito, tinanong ko si Pablo kung ibig niyang sa Jerusalem siya litisin tungkol sa mga paratang na ito. 21 Ngunit hiniling niya na manatili na lamang sa bilangguan at ipaubaya sa Emperador ang pagpapasya sa kanyang kaso. Dahil dito'y ipinag-utos kong bantayan siya hanggang siya'y maipadala ko sa Emperador.” 22 Sinabi ni Agripa kay Festo, “Ibig ko ring mapakinggan ang taong iyan.” “Mapapakinggan mo siya bukas,” tugon ni Festo.

23 Kinabukasa'y buong ringal na dumating sina Agripa at Bernice. Pumasok sila sa bulwagan ng hukuman kasama ang mga punong kapitan at ang mga kilalang tao sa lungsod. Pagkatapos ay ipinasok si Pablo sa utos ni Festo. 24 Sinabi ni Festo, “Haring Agripa, at lahat ng mga kasama namin ngayon, masdan ninyo ang taong ito na ipinagsakdal sa akin ng sambayanan ng mga Judio dito at sa Jerusalem. Ipinagsisigawan nilang wala na siyang karapatang mabuhay. 25 Ngunit wala akong natagpuang anuman upang parusahan siya ng kamatayan. Sapagkat mismong siya ay dumudulog sa Emperador, ipinasya kong siya'y ipadala roon. 26 Ngunit wala akong maisulat sa Emperador na malinaw na paratang laban sa taong ito. Kaya iniharap ko siya sa inyong lahat, lalung-lalo na sa harapan ninyo, Haring Agripa, upang may maisulat ako pagkatapos natin siyang siyasatin. 27 Sapagkat inaakala kong hindi makatuwiran na ipadala sa Emperador ang isang bilanggo nang hindi nililinaw ang sakdal laban sa kanya.”

Ang Pagtatanggol ni Pablo sa Harapan ni Agripa

26 Sinabi ni Agripa kay Pablo, “Maaari ka nang magsalita para sa iyong sarili.” Iniunat ni Pablo ang kanyang kamay at sinimulan ang kanyang pagtatanggol: “Haring Agripa, itinuturing kong mapalad ako na gagawin ko sa inyong harapan ang pagtatanggol na ito laban sa mga paratang sa akin ng mga Judio, sapagkat bihasa kayo sa lahat ng mga kaugalian at mga usapin ng mga Judio, kaya ipinapakiusap ko sa inyo na matiyaga ninyo akong pakinggan. “Nalalaman ng lahat ng mga Judio ang aking pamumuhay mula sa aking pagkabata sa aking sariling bayan at sa Jerusalem. Alam (C) nila mula pa nang una, kung handa silang magpatunay, na namuhay ako bilang Fariseo, ang pinakamahigpit na sekta ng aming relihiyon. At ngayo'y nakatayo ako rito upang litisin dahil sa aking pag-asa sa pangakong binitawan ng Diyos sa aming mga ninuno. Ito ang pangakong inaasahang matamo ng aming labindalawang lipi kaya't sila'y masigasig na naglilingkod sa Diyos gabi at araw. At dahil sa pag-asang ito, O Haring Agripa, ako'y isinasakdal ng mga Judio! Bakit hindi makapaniwala ang sinuman sa inyo na binubuhay muli ng Diyos ang mga patay? Ako (D) man ay nag-akala noong una na marami akong dapat gawin laban sa pangalan ni Jesus na taga-Nazareth. 10 At iyan nga ang aking ginawa sa Jerusalem. Batay sa kapangyarihang ipinagkaloob sa akin ng mga punong pari, hindi ko lamang ikinulong sa mga bilangguan ang marami sa mga hinirang, kundi sumang-ayon pa ako nang sila'y ipapatay. 11 Madalas kong ginagalugad ang mga sinagoga, at sinuman sa kanila ang abutan ko roon ay aking pinarurusahan at pinipilit ko silang lumapastangan. Sa tindi ng galit ko sa kanila'y pinag-usig ko sila maging sa mga lungsod sa ibang lupain.

Ang Salaysay ni Pablo tungkol sa Kanyang Pagbabagong-loob(E)

12 “Sa layuning ito, ako'y naglakbay patungo sa Damasco taglay ang kapangyarihan at pahintulot ng mga punong pari. 13 Nang katanghalian, habang kami ay nasa daan, nakita ko, Haring Agripa, ang isang liwanag mula sa langit na mas maliwanag pa kaysa araw. Nagningning ang liwanag sa palibot ko at ng aking mga kasamahan. 14 Bumagsak kaming lahat sa lupa, at narinig ko ang isang tinig na nagsabi sa akin sa wikang Hebreo, ‘Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig? Masasaktan ka sa pagsipa mo sa tulis.’ 15 At itinanong ko, ‘Sino po ba kayo, Panginoon?’ At kanyang sinabi, ‘Ako si Jesus na iyong inuusig. 16 Ngayo'y bumangon ka at tumindig. Nagpakita ako sa iyo sapagkat itinalaga kitang maging lingkod at maging saksi sa mga nakita mo sa akin at sa mga ipapakita ko pa sa iyo. 17 Ililigtas kita sa mga kababayan mo at sa mga Hentil, na sa kanila ay isinusugo kita, 18 upang buksan mo ang kanilang mga mata, ibalik sila mula sa kadiliman tungo sa liwanag, mula sa kapangyarihan ni Satanas tungo sa Diyos, upang tumanggap sila ng kapatawaran ng mga kasalanan at mapabilang sa piling ng mga ginawang banal sa pamamagitan ng pananampalataya sa akin.’

Ang Patotoo ni Pablo ang Kanyang Paglilingkod

19 “Pagkalipas noon, O Haring Agripa, hindi ako naging suwail sa pangitain mula sa langit. 20 Nangaral ako, (F) una sa Damasco, pagkatapos ay sa Jerusalem, at sa buong lupain ng Judea, gayundin sa mga Hentil. Ipinangaral kong dapat nilang talikuran ang kanilang kasalanan at magbalik-loob sa Diyos at patunayan sa pamamagitan ng kanilang mga gawa ang kanilang pagsisisi. 21 Dahil dito, dinakip ako ng mga Judio sa Templo at pinagsikapang ako'y patayin. 22 Hanggang ngayon ay hindi ako pinababayaan ng Diyos. Kaya't nakatayo ako ngayon sa inyong harapan at nagpapatotoo sa lahat ng tao maging dakila o hamak. Wala akong itinuturo kundi ang mangyayari na sinabi ng mga propeta at ni Moises: 23 na (G) ang Cristo ay dapat magdusa, at bilang unang muling nabuhay mula sa kamatayan, ay ihayag ang liwanag sa Judio at sa mga Hentil.” 24 Habang sinasabi pa niya ang mga ito, malakas na sinabi ni Festo, “Nababaliw ka, Pablo! Ang labis mong karunungan ang nagpapabaliw sa iyo!” 25 Ngunit sinabi ni Pablo, “Hindi ako baliw, kagalang-galang na Festo. Ang ipinapahayag ko'y mga salita ng katinuan at katotohanan. 26 Alam ng hari ang mga ito, kaya sa harap niya'y nagsasalita ako nang buong laya. Tiyak kong walang nalilingid sa kanya sapagkat hindi sa isang sulok lamang ito nangyari. 27 Haring Agripa, naniniwala ba kayo sa mga propeta? Alam ko pong naniniwala kayo.” 28 Sinabi ni Agripa kay Pablo, “Sa maikling panahon ay hinihikayat mo akong maging Cristiano!” 29 Ngunit sinabi ni Pablo, “Loobin nawa ng Diyos! At maging sa maikli o sa mahabang panahon dalangin kong hindi lamang ikaw, kundi maging ang lahat ng mga nakikinig sa akin ngayon ay maging katulad ko, maliban sa mga tanikalang ito.” 30 Tumayo ang hari, ang gobernador, si Bernice, at lahat ng mga kasama nila. 31 Lumayo sila at nag-usap, “Walang ginagawa ang taong ito na dapat hatulan ng kamatayan o pagkabilanggo.” 32 Sinabi ni Agripa kay Festo, “Maaari na sanang palayain ang taong ito kung hindi niya hiniling na idulog ang kanyang kaso sa Emperador.”

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.