Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Mga Hebreo 11-13

Ang Pananampalataya

11 Ngayon, ang pananampalataya ay pagiging tiyak sa mga bagay na inaasahan at paninindigan sa mga bagay na hindi nakikita. Sa pamamagitan nito, ang mga tao noong unang panahon ay kinalugdan ng Diyos.

Sa (A) pamamagitan ng pananampalataya ay nauunawaan natin na ang sanlibutan ay nilikha sa pamamagitan ng salita ng Diyos, anupa't ang mga bagay na nakikita ay nilikha mula sa mga bagay na hindi nakikita.

Sa (B) pamamagitan ng pananampalataya, si Abel ay nag-alay sa Diyos ng higit na mainam na handog kaysa kay Cain. Sa pamamagitan nito, siya'y pinatunayang matuwid nang tanggapin ng Diyos ang kanyang mga kaloob. Sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya ay nagsasalita pa siya bagaman siya ay patay na. Sa (C) pamamagitan ng pananampalataya, si Enoc ay kinuhang paitaas upang siya'y hindi dumanas ng kamatayan. “Hindi na siya natagpuan, sapagkat siya'y kinuha ng Diyos.” Bago siya kinuha, napatunayang nalugod sa kanya ang Diyos. At kung walang pananampalataya, hindi maaaring malugod ang Diyos sapagkat ang sinumang lumalapit sa kanya ay dapat sumampalatayang may Diyos at siya ang nagbibigay-gantimpala sa mga nagnanais maglingkod sa kanya. Sa (D) pamamagitan ng pananampalataya, pinakinggan ni Noe ang babala ng Diyos tungkol sa mga bagay na hindi pa niya nakikita, kaya't siya'y gumawa ng isang daong para sa kaligtasan ng kanyang sambahayan. Sa pamamagitan nito ay hinatulan niya ang sanlibutan, at siya'y naging tagapagmana ng pagiging matuwid na bunga ng pananampalataya.

Sa (E) pamamagitan ng pananampalataya, sumunod si Abraham nang tawagin siya ng Diyos na pumunta sa isang lugar na kanyang tatanggapin bilang pamana. Sumunod nga siya, bagama't hindi niya nalalaman ang lugar na kanyang pupuntahan. Sa (F) pamamagitan din ng pananampalataya, siya'y nanirahan sa lupang pangako bilang dayuhan. Nanirahan siya sa mga tolda kasama sina Isaac at Jacob, na kapwa mga tagapagmana ng gayunding pangako. 10 Sapagkat inaasahan niya ang lungsod na may mga saligan, isang lungsod na ang nagplano at nagtayo ay ang Diyos. 11 Sa (G) pamamagitan ng pananampalataya, bagaman matanda na at baog si Sarah ay tumanggap pa rin siya ng kakayahang magkaanak, palibhasa'y itinuring ni Abraham[a] na tapat ang nangako. 12 Kaya't (H) mula sa isang lalaki na halos patay na ay isinilang ang isang lahi na kasindami ng mga bituin sa langit at ng di mabilang na mga buhangin sa dalampasigan.

13 Namatay (I) lahat ang mga taong ito na may pananampalataya bagamat hindi nila tinanggap ang mga ipinangako ng Diyos. Ngunit natanaw nila at binati ang mga iyon mula sa malayo. Ipinahayag nila na sila'y pawang mga dayuhan at manlalakbay sa ibabaw ng lupa. 14 Ang mga nagsasabi ng ganoong mga bagay ay nagpapakilalang sila ay naghahanap ng sariling bayan. 15 Kung ang iniisip nila ay ang kanilang pinanggalingang lupain, nagkaroon pa sana sila ng pagkakataong makabalik. 16 Ngunit ang ninanais nila ay higit na mabuting lupain, isang lupaing makalangit. Kaya't hindi ikinahiya ng Diyos na siya'y tawaging Diyos nila, sapagkat sila'y ipinaghanda niya ng isang lungsod.

17 Sa (J) pamamagitan ng pananampalataya, nang subukin ng Diyos si Abraham ay ihinandog niya sa Diyos si Isaac. Siya na tumanggap ng mga pangako ay handang maghandog ng kanyang kaisa-isang anak, 18 gayong (K) sinabi ng Diyos, “Kay Isaac magmumula ang iyong lahi.” 19 Itinuring ni Abraham na may kapangyarihan ang Diyos na buhayin ang sinuman mula sa kamatayan, at sa patalinghagang pananalita, tinanggap nga niya si Isaac mula sa kamatayan. 20 Sa (L) pamamagitan ng pananampalataya, binasbasan ni Isaac sina Jacob at Esau tungkol sa mga bagay na magaganap. 21 Sa (M) pamamagitan ng pananampalataya, nang si Jacob ay mamamatay na, isa-isa niyang binasbasan ang mga anak ni Jose, at sumamba sa Diyos habang nakahawak sa kanyang tungkod. 22 Sa (N) pamamagitan ng pananampalataya, nang malapit nang mamatay si Jose, binanggit niya ang tungkol sa paglikas ng mga Israelita mula sa Ehipto, at nagbiling dalhin nila ang kanyang mga buto.

23 Sa (O) pamamagitan ng pananampalataya, itinago si Moises ng kanyang mga magulang sa loob ng tatlong buwan matapos siyang ipanganak, sapagkat nakita nilang siya ay magandang bata. Hindi sila natakot sa utos ng hari. 24 Sa (P) pamamagitan ng pananampalataya, nang si Moises ay nasa hustong gulang na, tumanggi siya na kilalaning apo ng Faraon.[b] 25 Sa halip, pinili pa niyang makibahagi sa kaapihang dinaranas ng bayan ng Diyos, kaysa magtamasa ng panandaliang ligaya na dulot ng kasalanan. 26 Itinuring niya na mas malaking kayamanan ang magdusa alang-alang kay Cristo, kaysa magtamasa sa mga kayamanan ng Ehipto, sapagkat nakatuon ang kanyang pansin sa gantimpala sa hinaharap. 27 Sa pamamagitan ng pananampalataya ay iniwan niya ang Ehipto, at hindi natakot sa poot ng hari; siya ay matiyagang nagpatuloy sapagkat ang Diyos na hindi nakikita ay kanyang nakita. 28 Sa (Q) pamamagitan ng pananampalataya, isinagawa niya ang Paskuwa at ang pagwiwisik ng dugo, upang huwag silang galawin ng Tagapuksa ng mga panganay. 29 Sa (R) pamamagitan ng pananampalataya, tinahak ng mga Israelita ang Dagat na Pula na parang lumalakad sila sa tuyong lupa, ngunit nang tangkain ng mga Ehipcio na gawin ito ay nalunod ang mga ito. 30 Sa (S) pamamagitan ng pananampalataya, gumuho ang pader ng Jerico matapos itong malibot sa loob ng pitong araw. 31 Sa (T) pamamagitan ng pananampalataya, si Rahab na nagbibili ng aliw, ay hindi napahamak kasama ng mga suwail sapagkat mapayapa niyang tinanggap ang mga espiya.

32 Ano (U) pa ba ang dapat kong sabihin? Kukulangin ako ng panahon kung isasalaysay ko pa ang tungkol kina Gideon, Barak, Samson, Jefta, David, Samuel, at tungkol sa mga propeta. 33 Sa (V) pamamagitan ng pananampalataya, ang mga ito ay lumupig ng mga kaharian, naglapat ng katarungan, nagtamo ng mga pangako, nagpatikom ng bibig ng mga leon, 34 pumatay (W) ng naglalagablab na apoy, nakaligtas mula sa mga talim ng tabak, lumakas mula sa kahinaan, naging makapangyarihan sa digmaan, at nagpaurong ng mga hukbong dayuhan. 35 Sa (X) pamamagitan ng pananampalataya, tinanggap ng mga kababaihan ang mga namatay nilang mahal sa buhay nang ang mga ito'y muling buhayin. Ang iba nama'y pinahirapan at tumangging mapalaya upang makamit ang higit na mabuting pagkabuhay na muli. 36 Ang (Y) iba'y nagtiis ng paghamak at paghagupit, at maging ng pagkagapos at pagkabilanggo. 37 Ang iba ay (Z) pinagbabato hanggang mamatay, ang iba ay nilagari at ang iba ay pinatay sa tabak. Lumakad silang suot ang balat ng mga tupa at kambing, na mga nagdarahop, pinag-uusig, at pinagmamalupitan. 38 Hindi karapat-dapat sa kanila ang daigdig! Nagpalabuy-laboy sila sa mga ilang, sa mga kabundukan, sa mga yungib, at sa mga lungga sa lupa.

39 Ngunit ang lahat ng mga ito, bagaman kinalugdan ng Diyos dahil sa kanilang pananampalataya, ay hindi tumanggap ng ipinangako. 40 Dahil may inihandang mas maganda ang Diyos para sa atin, upang huwag silang gawing sakdal malibang kasama tayo.

Ang Pagdisiplina ng Panginoon

12 Kaya nga, dahil napapalibutan tayo ng ganoon karaming mga saksi, iwaksi natin ang bawat bagay na nagpapabigat sa atin at ang kasalanang mahigpit na pumipigil sa atin, at takbuhin nating may pagtitiyaga ang takbuhing inilagay sa ating harapan. Ituon natin kay Jesus ang ating paningin, sa kanya na nagtatag at nagpasakdal ng ating pananampalataya. Dahil sa kagalakang inilagay sa kanyang harapan ay tiniis niya ang krus, ipinagwalang-bahala niya ang kahihiyan nito, at ngayo’y nakaupo sa kanan ng trono ng Diyos. Pag-ukulan ninyo ng pansin si Jesus na nagtiis ng ganoong matinding poot mula sa mga makasalanan, upang kayo'y huwag manghina o manlupaypay.

Hindi pa umaabot sa pagdanak ng inyong dugo ang pakikipaglaban ninyo sa kasalanan. Nakalimutan (AA) na ninyo ang salitang nagpapalakas ng loob sa inyo bilang mga anak,

“Anak ko, huwag mong ipagwalang-bahala ang pagtutuwid ng Panginoon;
    huwag manghina ang iyong loob kung ikaw ay kanyang sinasaway;
sapagkat ang minamahal ng Panginoon ay kanyang itinutuwid,
    at ang bawat itinuturing na anak ay hinahagupit.”

Magtiis kayo alang-alang sa pagtutuwid. Mga anak ang turing sa inyo ng Diyos; mayroon bang anak na hindi dinidisiplina ng kanyang ama? Kung hindi kayo dinidisiplina, at lahat naman ay dinidisiplina, kayo'y mga anak sa labas, at hindi tunay na mga anak. Bukod dito, tayo bilang tao ay mayroong mga magulang na dumidisiplina sa atin, at sila'y ating iginagalang. Hindi ba dapat na tayo'y lalong pasakop sa Ama ng mga espiritu upang tayo'y mabuhay? 10 Dinidisiplina tayo ng ating mga magulang sa maikling panahon ayon sa kung ano ang sa tingin nila ay mabuti sa atin. Gayundin naman, dinidisiplina tayo ng Diyos para sa ikabubuti natin, upang tayo'y maging banal ding katulad niya. 11 Lahat ng disiplina habang dinaranas ay tila hindi kanais-nais kundi masakit; subalit pagkatapos, ito ay magdudulot ng mapayapang bunga ng katuwiran sa mga sinanay dito.

12 Kaya't (AB) itaas ninyo ang mga kamay ninyong nanghihina at patataging muli ang mga tuhod ninyong nanlulupaypay. 13 Tuwirin (AC) ninyo ang landas na inyong lalakaran, upang huwag malinsad ang pilay, sa halip ay gumaling.

Babala laban sa Pagtanggi sa Biyaya ng Diyos

14 Pagsikapan ninyong mamuhay na may kapayapaan sa lahat ng tao; sikapin din ninyong mamuhay na may kabanalan, sapagkat kung wala nito'y walang sinumang makakakita sa Panginoon. 15 Tiyakin (AD) ninyo na walang sinuman ang mahulog mula sa biyaya ng Diyos; pagsikapan ninyong walang sumibol na ugat ng kapaitan at baka mahawa rito ang marami. 16 Tiyakin (AE) ninyong walang sinuman sa inyo ang maging mapakiapid at walang galang sa Diyos katulad ni Esau. Sa isang pinggang pagkain ay ipinagbili niya ang kanyang karapatan bilang panganay. 17 Alam (AF) ninyo na pagkatapos ng mga ito, nang nais niyang magmana ng pagpapala, siya'y itinakwil sapagkat wala na siyang pagkakataon upang magsisi, bagama't lumuluha pa niyang pinagsikapang makakuha ng pagpapala.

18 Sapagkat (AG) hindi pa kayo lumapit sa bundok na nahahawakan, sa apoy na nagliliyab, sa kadiliman, sa kapanglawan, at sa unos, 19 sa tunog ng trumpeta, at sa tinig na ang mga nakarinig ay nakiusap na huwag na itong magsalita pa ng anuman sa kanila. 20 Sapagkat (AH) hindi nila makayanan ang ipinag-utos: “Kahit na hayop na tumuntong sa bundok ay babatuhin hanggang mamatay.” 21 Nakasisindak (AI) ang tanawin kaya’t sinabi ni Moises, “Nanginginig ako sa takot!” 22 Sa halip, ang nilapitan ninyo'y ang Bundok ng Zion, ang lungsod ng buháy na Diyos, ang makalangit na Jerusalem, ang masayang pagtitipon ng di-mabilang na mga anghel, 23 ang kapulungan ng mga panganay na nakatala sa langit, at ang Diyos na Hukom ng lahat, at ang mga espiritu ng mga matuwid na ginawang sakdal. 24 Lumapit (AJ) na rin kayo kay Jesus na tagapamagitan ng bagong tipan, at sa dugong iwinisik na nagsasalita ng mas mabuting bagay kaysa sinasabi ng dugo ni Abel.

25 Pag-ingatan (AK) ninyong huwag itakwil ang nagsasalita; sapagkat kung hindi nakatakas ang mga nagtakwil sa nagbabala sa kanila dito sa lupa, lalo pa tayo kung tatalikuran natin ang nagbabala buhat sa langit! 26 Sa (AL) panahong iyon ay niyanig ng kanyang tinig ang lupa. Subalit ngayo'y ganito ang pangako niya, “Minsan pang yayanigin ko, hindi lamang ang lupa, kundi pati ang langit.” 27 Ang salitang, “Minsan pa,” ay nagpapahiwatig ng pag-aalis ng mga bagay na niyanig, samakatuwid ay ang mga bagay na nilikha, upang manatili ang mga bagay na hindi nayayanig. 28 Kaya't yamang isang kahariang hindi mayayanig ang tinatanggap natin, magpasalamat tayo sa Diyos at mag-alay sa kanya ng kalugud-lugod na pagsamba, kalakip ang paggalang at pagkamangha, 29 sapagkat (AM) ang Diyos natin ay isang apoy na tumutupok.

Paglilingkod na Kaaya-aya sa Diyos

13 Patuloy kayong magmahalan bilang magkakapatid. Buksan (AN) ninyong lagi ang inyong tahanan para sa mga dayuhan. Ang ilang gumawa nito ay nagpapatuloy ng mga anghel nang hindi namamalayan. Alalahanin ninyo ang mga bilanggo na parang kayo'y nakabilanggo ring kasama nila. Ganoon din ang gawin ninyo sa mga inaapi, na parang kayo ay inaapi ding kasama nila. Kilalanin ang dangal ng pag-aasawa, at huwag dungisan ang pagsasama, sapagkat parurusahan ng Diyos ang mga mapakiapid at mga mangangalunya. Iwasan (AO) ninyo ang pag-ibig sa salapi. Masiyahan na kayo kung ano'ng mayroon kayo, sapagkat sinabi ng Diyos, “Hinding-hindi kita iiwan, ni pababayaan man.” Kaya't (AP) panatag nating masasabi,

“Ang Panginoon ang tumutulong sa akin; hindi ako matatakot.
Ano'ng magagawa sa akin ng tao?”

Alalahanin ninyo ang mga namumuno sa inyo, silang nangaral sa inyo ng salita ng Diyos. Tandaan ninyo ang bunga ng kanilang pamumuhay at sundan ninyo ang halimbawa ng kanilang pananampalataya. Si Jesu-Cristo ay siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman. Huwag kayong padala sa sari-sari at kakaibang mga turo. Mabuti na ang ating mga kalooban ay patatagin ng kagandahang-loob ng Diyos, at hindi ng mga tuntunin tungkol sa mga pagkain. Wala namang pakinabang dito ang mga sumusunod sa mga tuntuning ito. 10 Tayo ay may isang dambana, at ang mga paring naglilingkod sa tabernakulo ay walang karapatang kumain doon. 11 Sapagkat (AQ) dinadala ng Kataas-taasang Pari sa Dakong Kabanal-banalan ang dugo ng mga hayop bilang alay dahil sa kasalanan, ngunit ang katawan ng mga hayop ay sinusunog sa labas ng kampo. 12 Ganoon din ang nangyari kay Jesus. Nagdusa siya sa labas ng lungsod upang sa pamamagitan ng kanyang sariling dugo ay gawin niyang banal ang mga taong-bayan. 13 Kaya't puntahan natin siya sa labas ng kampo upang danasin din natin ang pag-alipusta sa kanya. 14 Sapagkat sa lupang ito'y wala tayong lungsod na magtatagal, ngunit ang hinahangad natin ay ang lungsod na darating. 15 Kaya't sa pamamagitan ni Jesus ay patuloy tayong maghandog ng pagpupuri sa Diyos—ang bunga ng mga labi na nagpapahayag ng kanyang pangalan. 16 Huwag ninyong kaliligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pamamahagi sa iba, sapagkat ang Diyos ay nalulugod sa ganoong mga alay.

17 Sumunod kayo sa inyong mga pinuno at magpasakop sa kanila. Sila ang nagbabantay ng inyong mga kaluluwa, at mananagot sa Diyos tungkol sa tungkuling ito. Sundin ninyo sila upang maging kagalakan at hindi mabigat sa loob ang pagtupad nila ng kanilang tungkulin. Kung hindi, ito ay hindi makabubuti sa inyo.

18 Idalangin ninyo kami. Natitiyak naming kami ay may malinis na budhi at nagsisikap na mabuhay nang marangal sa lahat ng mga bagay. 19 Nakikiusap ako sa inyo na lalo ninyong gawin ito, upang ako'y madaling maibalik sa inyo.

Basbas at Pagbati

20 Ngayon, ang Diyos ng kapayapaan, na sa pamamagitan ng dugo ng walang hanggang tipan ay bumuhay mula sa kamatayan sa ating Panginoong Jesus, ang dakilang pastol ng mga tupa, 21 siya nawa ang magkaloob sa inyo ng lahat ng mabuting bagay upang magawa ninyo ang kanyang kalooban, at sa pamamagitan ni Jesu-Cristo ay gawin sa atin ang nakalulugod sa kanyang paningin, sumakanya ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.

22 Mga kapatid, nakikiusap ako na pagtiisan ninyo ang aking pagpapayo, sapagkat maikli naman ang sulat ko sa inyo. 23 Nais ko ring malaman ninyo na pinalaya na ang ating kapatid na si Timoteo, at kung siya'y dumating agad, isasama ko siya pagpunta ko sa inyo.

24 Ipaabot ninyo ang aming pagbati sa lahat ng mga namumuno sa inyo at sa lahat ng mga banal. Binabati kayo ng mga nasa Italia. 25 Nawa'y sumainyong lahat ang biyaya ng Diyos. Amen.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.