Chronological
Ipinagtanggol ni Pablo ang Kanyang Paglilingkod
10 Ako mismong si Pablo, ay nakikiusap sa inyo, sa ngalan ng kababaang-loob at kahinahunan ni Cristo—akong sinasabing mapagpakumbaba kapag kaharap ninyo, ngunit matapang kapag wala sa harap ninyo! 2 Hinihiling ko na kapag ako'y nariyan na sa inyo, hindi ko na kailangang maging matapang gaya ng alam kong kaya kong gawin laban sa ibang taong nag-aakalang kami ay lumalakad ayon sa pamantayan ng tao. 3 Sapagkat bagaman kami ay nabubuhay pa sa katawang tao, ang pakikipaglaban namin ay hindi ayon sa pamantayan ng tao. 4 Sapagkat hindi galing sa tao ang mga sandatang ginagamit namin sa pakikipaglaban, kundi galing sa Diyos, na may kapangyarihang magwasak kahit ng mga kuta. 5 Ibinabagsak namin ang mga pangangatwiran at anumang kapalaluan na nagmamataas laban sa karunungan ng Diyos, at binibihag namin ang bawat pag-iisip upang sumunod kay Cristo. 6 At kapag ganap na ang inyong pagsunod, nakahanda na rin kaming magparusa sa bawat pagsuway.
7 Ang panlabas na anyo lamang ang tinitingnan ninyo. Kung ang sinuman ay nagtitiwala na siya'y kay Cristo, isipin niyang muli na kung siya'y kay Cristo ay gayundin naman kami. 8 Sapagkat kung labis ko mang ipinagmamalaki ang kapangyarihang ibinigay sa amin ng Panginoon para sa inyong ikatitibay at hindi para sa inyong ikawawasak, hindi ko iyon ikahihiya. 9 Ayaw kong lumabas na tinatakot ko kayo sa pamamagitan ng mga sulat ko. 10 Sapagkat may nagsasabi, “Mabibigat at matitindi ang kanyang mga sulat, ngunit mahina naman siya kapag kaharap, at walang kuwenta ang sinasabi.” 11 Dapat isipin ng ganoong tao na kung ano kami sa aming mga sulat kapag kami'y wala riyan, ganoon din kami sa gawa kapag kami ay nariyan.
12 Wala kaming lakas ng loob na isama o ihambing ang aming sarili sa mga taong napakataas ng tingin sa kanilang sarili. Ngunit kung sinusukat nila ang kanilang sarili sa pamamagitan ng kanilang sarili, at sa kani-kanila ring sarili inihahambing ang mga sarili, sila ay salat sa pang-unawa. 13 Ngunit hindi kami magmamalaki ng lampas sa saklaw, kundi sa loob lamang ng sukat ng pamantayang ibinahagi ng Diyos sa amin, at kayo ay saklaw niyon. 14 Sapagkat hindi namin inilalampas ang aming mga sarili, na para bang hindi namin kayo naabot. Kami nga ang unang dumating sa inyo dala ang ebanghelyo ni Cristo. 15 Hindi kami lumalampas sa sukat sa pamamagitan ng pagmamalaki namin sa pinagpaguran ng iba. Umaasa kami na habang lumalago ang inyong pananampalataya, ang nasasaklaw namin sa inyo ay lalong lalawak, 16 upang maipahayag namin ang Magandang Balita sa mga lupaing lampas pa sa inyo, sa gayo'y hindi namin ipagmamalaki ang gawaing natapos na sa nasasakupan ng iba. 17 Ngunit, “Siyang (A) nagmamalaki ay Panginoon ang ipagmalaki.” 18 Sapagkat hindi ang taong pumupuri sa kanyang sarili ang kapuri-puri, kundi ang taong pinupuri ng Panginoon.
Si Pablo at ang mga Huwad na Apostol
11 Pagtiisan muna sana ninyo itong aking kaunting kahangalan. At pinagtitiisan nga naman ninyo ako! 2 Nakadarama ako para sa inyo ng isang maka-Diyos na pagseselos, sapagkat kayo'y itinakda kong maging asawa ng isang lalaki, si Cristo, at maiharap ko kayo sa kanya bilang isang malinis na birhen. 3 Ngunit (B) natatakot ako na kung paanong si Eva ay dinaya ng ahas sa pamamagitan ng katusuhan nito, ang inyong mga pag-iisip din ay mailigaw mula sa tapat at malinis na pakikitungo kay Cristo. 4 Sapagkat kung may dumating at nangaral ng ibang Jesus na hindi namin ipinangaral, o kung kayo'y tumanggap ng ibang espiritu na hindi ninyo tinanggap noon o ibang ebanghelyo na hindi ninyo tinanggap, pinagtitiisan ninyo itong mabuti. 5 Masasabi kong hindi ako páhuhulí sa magagaling na mga apostol na ito. 6 Hindi man ako mahusay sa pananalita, mayroon din naman akong nalalaman. Nilinaw naming mabuti sa inyo ang bagay na ito.
7 Kasalanan ko ba kung ibinaba ko ang aking sarili upang kayo'y maitaas, dahil ipinangaral ko sa inyo nang walang bayad ang ebanghelyo ng Diyos? 8 Ninakawan ko ang ibang mga iglesya, sa pagtanggap ko ng tustos mula sa kanila upang maglingkod sa inyo. 9 Nang (C) kasama pa ninyo ako at ako'y may pangangailangan, hindi ako naging pabigat sa kaninuman, sapagkat ang mga pangangailangan ko ay tinustusan ng mga kapatid na galing sa Macedonia. Iniwasan ko nga na maging pabigat sa inyo sa lahat ng bagay, at patuloy ko itong gagawin. 10 Habang nananatili sa akin ang katotohanan ni Cristo, walang sinuman sa mga nasasakupan ng Acaia na makapipigil sa akin sa pagmamalaking ito. 11 At bakit? Dahil ba sa hindi ko kayo mahal? Alam ng Diyos na mahal ko kayo!
12 At kung ano ang aking ginagawa ay patuloy kong gagawin, upang alisan ng pagkakataon ang mga naghahangad ng pagkakataong kilalanin bilang kapantay namin tungkol sa mga bagay na ipinagmamalaki nila. 13 Sapagkat ang gayong mga tao ay mga huwad na apostol, mga mandarayang manggagawa, nagpapanggap na mga apostol ni Cristo. 14 At hindi kataka-taka! Sapagkat si Satanas man ay nagpapanggap na isang anghel ng liwanag. 15 Kaya't hindi malayong mangyari na ang kanyang mga lingkod ay magpanggap na mga lingkod ng katwiran. Ang kanilang wakas ay magiging ayon sa kanilang mga gawa.
Mga Paghihirap ni Pablo Bilang Apostol
16 Inuulit ko, huwag isipin ng sinuman na ako'y hangal, ngunit kung gayon ang iniisip ninyo, tanggapin ninyo ako bilang isang hangal upang makapagmalaki naman ako nang kaunti. 17 Ang pagsasalita ko ngayon sa ganitong pagmamalaking may kapalaluan ay hindi mula sa Panginoon, kundi tulad sa isang hangal. 18 Yamang marami ang nagmamalaki sa mga bagay na ipinagmamalaki ng tao, ako man ay magmamalaki. 19 At tuwang-tuwa pa kayo na nagtitiis sa mga hangal, palibhasa'y marurunong kayo! 20 Sa katunayan, natitiis ninyo kapag inaalipin kayo ng sinuman, o kahit kinakatay na kayo, o pinagsasamantalahan, o pinagyayabangan, o kaya'y sinasampal. 21 Kahiya-hiya, ngunit inaamin kong napakahina namin sa ganito! Ngunit anumang buong tapang na maaaring ipagmalaki ng iba—nagsasalita akong tulad ng hangal—may tapang din akong maipagmamalaki iyon. 22 Mga Hebreo ba sila? Ako man. Mga Israelita ba sila? Ako man. Mula ba sila sa binhi ni Abraham? Ako man. 23 Sila (D) ba'y mga lingkod ni Cristo? Lalo na ako, na mas maraming pagod sa pagtatrabaho, mas maraming ulit na nabilanggo, hindi mabilang kung ilang ulit nang nabugbog, at paulit-ulit na nabingit sa kamatayan. Para na akong baliw sa pagsasalita ng ganito. 24 Limang ulit akong nakatanggap sa mga Judio(E) ng apatnapung hagupit, binawasan ng isa. 25 Tatlong (F) ulit akong hinampas ng mga pamalo, minsan ako'y pinagbabato. Tatlong ulit na akong nakaranas ng pagkawasak ng barkong sinasakyan, isang araw at isang gabing ako'y nasa gitna ng dagat. 26 Madalas (G) akong naglalakbay. Nasuong ako sa panganib sa mga ilog, panganib sa mga tulisan, panganib sa aking mga kababayan, panganib sa mga Hentil, panganib sa lungsod, panganib sa ilang, panganib sa dagat, panganib sa kamay ng mga huwad na kapatid. 27 Nagtiis ako ng pagod at hirap, at madalas na walang tulog. Naranasan kong magutom at mauhaw, madalas na walang makain, giniginaw at hubad. 28 Bukod sa iba pang mga bagay, araw-araw ko pang pinapasan ang alalahanin para sa mga iglesya. 29 Kapag may nanghihina, di ba't ako'y nanghihina rin? Kapag may nabuwal dahil sa kasalanan, di ba't ako'y nag-iinit sa galit?
30 Kung kailangan kong magmalaki, ipagmamalaki ko ang mga bagay na magpapakita ng aking kahinaan. 31 Ang Diyos at Ama ng Panginoong Jesus, na siyang karapat-dapat sa papuri magpakailanman, ang nakaaalam na hindi ako nagsisinungaling. 32 Sa (H) Damasco, binantayan ng tagapamahala na nasa ilalim ni Haring Aretas ang lungsod ng mga taga-Damasco upang ako'y dakpin, 33 ngunit ako'y ibinaba sa pamamagitan ng isang tiklis mula sa isang bintana sa pader at ako'y nakatakas sa mga kamay niya.
Mga Pangitain at Pahayag
12 Kailangang ako'y magmalaki, kahit wala akong pakinabang dito. Ngunit tutuloy na rin ako tungkol sa mga pangitain at mga pahayag ng Panginoon. 2 May kilala akong isang lalaking na kay Cristo, na dinala sa ikatlong langit, labing-apat na taon na ang nakalilipas. Hindi ko alam kung siya noon ay nasa katawan, o wala sa katawan. Ang Diyos ang nakakaalam. 3 At alam kong ang taong iyon—kung nasa katawan man, o wala sa katawan, hindi ko alam, ang Diyos ang nakaaalam— 4 ay tinangay at dinala sa Paraiso. Nakarinig siya roon ng mga salitang hindi mabigkas at hindi ipinahihintulot na sabihin ng tao. 5 Ipagmamalaki ko ang taong iyon, at hindi ang aking sarili. Ang tanging maipagmamalaki ko ay ang aking mga kahinaan. 6 Kung naisin ko mang magmalaki ay hindi ako magiging hangal, sapagkat ako'y magsasabi ng katotohanan. Ngunit iniiwasan ko ito upang walang sinumang mag-isip tungkol sa akin nang higit kaysa kanyang nakikita o naririnig sa akin. 7 At upang hindi ako magmayabang dahil sa mga kahanga-hangang bagay na ipinahayag sa akin, binigyan ako ng isang tinik sa laman na nagsilbing sugo ni Satanas upang ako'y pahirapan. Ito nga'y upang hindi ako magmayabang. 8 Tatlong ulit akong nakiusap sa Panginoon tungkol dito na sana'y iwan na ako nito. 9 Ngunit sinabi niya sa akin, “Ang aking biyaya ay sapat na sa iyo, sapagkat ang kapangyarihan ko ay lubos na nahahayag sa kahinaan.” Dahil dito, masaya kong lalong ipagmamalaki ang mga kahinaan ko upang manatili sa akin ang kapangyarihan ni Cristo. 10 Kaya, alang-alang kay Cristo, ako'y may kasiyahan sa gitna ng mga kahinaan, mga panlalait, mga paghihirap, mga pag-uusig, at mga kasawian. Sapagkat kung kailan ako mahina, noon naman ako malakas.
Ang Pagmamalasakit ni Pablo sa mga Taga-Corinto
11 Naging hangal ako! Ngunit itinulak ninyo ako na magkagayon. Dapat sana'y pinuri ninyo ako, sapagkat hindi naman ako páhuhulí sa magagaling na mga apostol na iyon, kahit na ako'y walang kabuluhan. 12 Ang mga pagkakakilanlan ng isang tunay na apostol ay buong sikap kong ipinakita sa inyo sa pamamagitan ng mga himala, mga kababalaghan at ng mga gawang makapangyarihan. 13 Paano nga kayo nalamangan ng ibang iglesya, maliban sa ako'y hindi naging pabigat sa inyo? Patawarin ninyo ako sa pagkakamaling ito! 14 Ngayon, sa ikatlong pagkakataon ay handa akong pumunta sa inyo. At hindi ako magiging pabigat sa inyo, sapagkat hindi ko hinahangad ang anumang mayroon kayo, kundi kayo mismo. Sapagkat hindi ang mga anak ang may tungkuling mag-impok para sa mga magulang, kundi ang mga magulang para sa kanilang mga anak. 15 Malaking kasiyahan sa akin ang gumastos at gastusin para sa inyo. Mababawasan ba ang pagmamahal ninyo sa akin habang lalo ko kayong minamahal? 16 Hindi ako naging pasanin sa inyo. Ngunit ako raw ay tuso at nabitag ko kayo sa daya. 17 Nilinlang ko ba kayo sa pamamagitan ng mga taong sinugo ko sa inyo? 18 Pinakiusapan ko si Tito na pumunta riyan at sinugo ko siyang kasama ng isang kapatid. Pinagsamantalahan ba kayo ni Tito? Hindi ba't pareho lamang ang aming pag-iisip? Hindi ba't pareho lamang ang aming mga hakbang?
19 Marahil, matagal na ninyong iniisip na ipinagtatanggol lang namin sa inyo ang aming mga sarili. At bilang mga na kay Cristo, nagsasalita kami sa harapan ng Diyos. Mga minamahal, ginagawa namin ang lahat ng mga ito upang kayo'y maging matatag. 20 Natatakot ako na baka madatnan ko kayo sa kalagayang hindi ko maiibigan, at ako naman ay nasa kalagayang hindi rin ninyo maiibigan. Baka madatnan ko kayong nag-aaway, nagseselosan, magkakagalit, nagkakanya-kanya, nagsisiraan, nagtsitsismisan, nagpapayabangan, at nagkakagulo. 21 Natatakot ako na sa muli kong pagdating ay ipahiya ako ng Diyos sa harapan ninyo, at kailangan kong magdalamhati dahil sa maraming dati nang nagkasala at hindi pa nagsisisi sa nagawa nilang karumihan, pakikiapid, at kahalayan.
Mga Babala at mga Pagbati
13 Ito (I) ang ikatlong pagpunta ko sa inyo. “Ang bawat paratang ay dapat pagtibayin batay sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi.” 2 Noong nariyan ako sa ikalawa kong pagdalaw, binalaan ko ang mga dati nang nagkasala at lahat ng iba pa. Ngayong ako'y wala diyan sa inyo ay muli akong nagbababala, na sa muli kong pagdating, sila'y hindi makaliligtas sa parusang igagawad ko, 3 yamang naghahanap kayo ng patunay na si Cristo ay nagsasalita sa pamamagitan ko. Hindi siya mahina sa pakikitungo sa inyo, kundi kumikilos na may kapangyarihan sa inyo. 4 Sapagkat siya'y ipinako sa krus noong siya'y mahina, ngunit siya'y nabubuhay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Kami man ay mahihina dahil sa kanya, ngunit dahil sa aming pakikitungo sa inyo ay mabubuhay kami kasama niya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.
5 Suriin ninyo ang inyong mga sarili, kung kayo'y nasa pananampalataya. Subukin ninyo ang inyong mga sarili. Hindi ba ninyo nababatid na si Jesu-Cristo ay nasa inyo—maliban na lamang kung kayo'y hindi nagtagumpay sa pagsubok. 6 At ako'y umaasa na inyong mauunawaan na kami ay hindi bumagsak sa pagsubok. 7 Dalangin namin sa Diyos na huwag sana kayong gumawa ng masama, hindi upang kami'y magmistulang nagtagumpay sa pagsubok, kundi upang magawa ninyo kung ano ang tama, bagaman kami ay magmistulang mga bumagsak sa pagsubok. 8 Sapagkat wala kaming magagawang anuman laban sa katotohanan, kundi tanging para sa katotohanan. 9 Natutuwa kami kung kami'y mahihina ngunit kayo nama'y malalakas. Idinadalangin nga namin ang inyong pag-unlad. 10 Kaya't isinusulat ko ang mga bagay na ito habang ako'y wala pa sa inyo, upang pagpunta ko sa inyo ay hindi ko na kailangang maging mabagsik sa paggamit ko ng kapangyarihang ibinigay sa akin ng Panginoon upang patatagin kayo, at hindi upang wasakin.
11 At ngayon, mga kapatid, kagalakan ang sumainyo. Magpatuloy kayo sa paglago. Maging masigla kayo. Magkasundo kayo. Mamuhay kayo nang may kapayapaan at mapapasainyo ang Diyos ng pag-ibig at ng kapayapaan. 12 Magbatian kayo ng banal na halik. 13 Binabati kayo ng lahat ng mga banal.
14 Sumainyo nawang lahat ang biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo, ang pag-ibig ng Diyos, at ang pakikisama ng[a] Banal na Espiritu.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.