Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
2 Pedro 1-3

Pagbati

Mula kay Simon[a] Pedro, lingkod at apostol ni Jesu-Cristo.

Para sa mga tulad naming tumanggap ng mahalagang pananampalataya sa pamamagitan ng katuwiran ng ating Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo: Sumagana nawa sa inyo ang biyaya at kapayapaan ng Diyos sa pamamagitan ng inyong pagkakilala sa kanya at sa ating Panginoong Jesus.

Ang Pagtawag at Pagpili ng Diyos

Ipinagkaloob niya sa atin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ang lahat ng bagay na kailangan natin sa buhay at sa pamumuhay nang tapat sa kanya. Ito'y sa pamamagitan ng ating pagkakilala sa kanya na tumawag sa atin ayon sa kanyang karangalan at kaluwalhatian. Sa pamamagitan ng mga ito'y ibinigay niya sa atin ang kanyang mga mahahalaga at dakilang pangako upang kayo'y maging kabahagi sa kanyang kalikasan bilang Diyos, yamang nakaiwas na kayo sa kabulukang nasa sanlibutan dahil sa masamang pagnanasa. At dahil dito, sikapin ninyong idagdag sa inyong pananampalataya ang kabutihan; sa kabutihan ang kaalaman; sa kaalaman ang pagpipigil sa sarili; sa pagpipigil sa sarili ang katatagan; sa katatagan ang banal na pamumuhay; sa banal na pamumuhay ang pagmamahalan bilang magkakapatid; at sa pagmamahalan bilang magkakapatid ang pag-ibig. Sapagkat kung taglay ninyo at pinagyayaman ang mga katangiang ito, tutulungan kayo ng mga ito na hindi maging inutil at hindi mawawalan ng silbi sa inyong pagkakilala sa ating Panginoong Jesu-Cristo. Sinumang wala ng mga katangiang ito ay sa malapitan lamang nakakakita at mistulang bulag. Nakalimutan niyang nilinis na siya sa kanyang naunang mga kasalanan. 10 Kaya nga, mga kapatid, lalo ninyong pagsikapan na patatagin ang pagkatawag at pagkapili sa inyo. Kung gawin ninyo ang mga ito, hindi kayo madarapa. 11 Sa ganitong paraan, buong luwalhati kayong papapasukin sa walang hanggang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.

12 Kaya nga lagi ko kayong pinaaalalahanan tungkol sa mga ito, kahit alam na ninyo ang tungkol dito at matatag na kayo sa mga katotohanang tinanggap ninyo. 13 Katunaya'y iniisip kong lagi kayong paalalahanan hangga't nabubuhay ako. 14 At alam kong hindi na magtatagal at paaalisin na ako sa katawang ito, gaya ng sinabi sa akin ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 15 Kaya't ginagawa ko ang lahat upang matiyak ko na kahit nasa kabilang buhay na ako ay maalala pa ninyo ang mga bagay na ito.

Mga Saksi sa Kaluwalhatian ni Cristo

16 Nang ipaalam namin sa inyo ang tungkol sa kapangyarihan at pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo, hindi kami gumawa ng mga alamat na katha lamang ng tao. Kami mismo ay saksi sa kanyang kadakilaan. 17 Sapagkat (A) tinanggap niya mula sa Diyos Ama ang karangalan at kaluwalhatian, nang dumating sa kanya ang isang tinig mula sa Marangal na Kaluwalhatian na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak, na siya kong kinalulugdan.” 18 At kami mismo ang nakarinig ng tinig na ito na mula sa langit sapagkat kasama niya kami sa banal na bundok. 19 Ang mga ito ang lalong nagpatibay ng aming paniniwala sa ipinahayag ng mga propeta, at makabubuti kung ito'y pag-uukulan ninyo ng pansin, sapagkat ito'y tulad ng isang ilawang tumatanglaw sa dakong madilim hanggang dumating ang bukang-liwayway at sumilang ang tala sa umaga sa inyong mga kalooban. 20 Higit sa lahat, dapat ninyong malaman na walang propesiya ng Kasulatan na nahayag dahil sa pansariling pagpapakahulugan ng sinuman. 21 Sapagkat walang propesiyang dumating kailanman na nagbuhat sa kalooban ng tao; sa halip, nagsalita ang mga tao ng mga bagay na galing sa Diyos nang sila'y magpahayag sa ilalim ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu.

Mga Huwad na Propeta

Ngunit noo'y may lumitaw ring mga huwad na propeta sa gitna ng sambayanan, kung paanong sa gitna ninyo'y lilitaw din ang mga bulaang guro. Palihim silang magpapasok ng mga maling aral na makapipinsala sa inyong pananampalataya. Itatakwil nila pati na ang Panginoong tumubos sa kanila, kaya't ito ang magdadala sa kanila ng mabilis na pagkapuksa. At marami ang susunod sa kanilang mga gawang mahahalay, at dahil sa mga ito ay hahamakin ang daan ng katotohanan. Sa kanilang kasakiman, pagsasamantalahan nila kayo sa pamamagitan ng mga pakunwaring salita. Matagal nang nakahanda ang hatol sa kanila at hindi natutulog ang kapahamakang darating sa kanila.

Maging ang mga anghel na nagkasala ay hindi pinaligtas ng Diyos; itinapon niya sila sa impiyerno,[b] kung saan sila'y iginapos sa kadiliman at doon paghihintayin hanggang paghuhukom. Maging (B) ang masasamang tao noong unang panahon ay hindi niya pinaligtas. Ginunaw niya ang unang daigdig sa pamamagitan ng baha at wala siyang iniligtas maliban kay Noe na tagapangaral ng katuwiran, at ang pito niyang kasama. Pinarusahan (C) din ng Diyos at tinupok ang mga lungsod ng Sodoma at Gomorra at ginawang halimbawa ng kasasapitan ng mga masama. Ngunit (D) iniligtas ng Diyos ang matuwid na si Lot, isang taong lubhang nabagabag dahil sa mahahalay na pamumuhay ng masasama noon. Naghirap ang kalooban ng taong ito dahil sa kasamaang araw-araw niyang nasaksihan at napakinggan habang siya'y nakatira doon. Halimbawa ang mga ito na alam ng Panginoon kung paano niya ililigtas mula sa mga pagsubok ang mga tapat sa kanya, at kung paano ilalaan ang masasama sa parusa hanggang araw ng paghuhukom, 10 lalung-lalo na ang mga sumusunod sa masasamang pagnanasa ng likas na pagkatao at humahamak sa maykapangyarihan.

Sila'y pangahas, matitigas ang ulo, at hindi natatakot na lapastanganin ang mga maluwalhating nilalang sa kalangitan. 11 Samantalang ang mga anghel na higit na malakas at makapangyarihan ay hindi nanlait sa kanilang paghaharap sa Panginoon ng sakdal laban sa kanila. 12 Subalit ang mga taong ito'y lumalait sa mga bagay na hindi naman nila nauunawaan. Para silang mga hayop na walang bait at nagpapadala lamang sa kanilang mabangis na simbuyo. Kaya kung paanong isinilang upang hulihin at patayin ang mga ganitong hayop, ang mga taong ito'y papatayin din. 13 Pagbabayaran nila ang ginawa nilang kasamaan sa iba. Hindi na sila nahihiyang magpakasawa sa kamunduhan araw-araw. Nakikisalo sila sa inyong mga handaan, ngunit puro kasiraan at kahihiyan ang kanilang ginagawa. Ikinatutuwa pa nila ang kanilang panlilinlang. 14 Ang mga mata nila'y punung-puno ng pangangalunya at walang kabusugan sa pagkakasala. Inaakit pa nila na magkasala ang mga mahihina. Sanay na sanay ang kanilang puso sa kasakiman. Mga anak na isinumpa! 15 Iniwan (E) nila ang daang matuwid at sila'y naligaw. Sinundan nila ang daan ng anak ni Beor[c] na si Balaam na umibig sa bayad ng masama. 16 Ngunit siya'y sinaway ng isang asno sa kanyang kamalian, isang hayop na hindi makapagsalita, ngunit nagsalita na parang tao upang siya'y pigilan sa kanyang kahibangan.

17 Ang katulad ng mga taong ito'y mga bukal na walang tubig at mga ulap na itinataboy ng malalakas na hangin. Matinding kadiliman ang naghihintay sa kanila. 18 Mga kayabangang walang kabuluhan ang lumalabas sa kanilang bibig, at pinupukaw nila ang masasamang pagnanasa upang akitin pabalik sa kahalayan ang mga taong bahagya pa lang lumalayo sa mga taong namumuhay sa pandaraya. 19 Nangangako sila ng kalayaan sa mga hinihikayat nila gayong sila mismo'y mga alipin ng kabulukan, sapagkat alipin ang sinuman ng anumang nananaig sa kanya. 20 Kung ang mga nakatakas na sa karumihan ng sanlibutan dahil sa kanilang pagkakilala sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo ay muling maakit at nagpadaig sa kasamaan, mas masahol pa sa dati ang magiging kalagayan nila. 21 Mas mabuti pang hindi nila nalaman ang daan ng katuwiran, kaysa matapos nila itong makilala ay talikdan nila ang banal na utos na ibinigay sa kanila. 22 Angkop (F) na angkop sa kanila ang kawikaang, “Bumabalik ang aso sa kanyang sariling suka,” at, “Mas nais ng baboy ang maglublob sa putik kahit nahugasan na.”

Ang Pangakong Pagbabalik ng Panginoon

Mga minamahal, ito ang ikalawang sulat ko sa inyo. Isinulat ko ang dalawang sulat na ito upang ang mga ito'y magsilbing paalalang gigising sa inyong malilinis na isip. Nais kong alalahanin ninyo ang mga ipinahayag noon ng mga banal na propeta, at ang utos na ibinigay ng ating Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga apostol na isinugo sa inyo. Una (G) sa lahat, dapat ninyong malaman na sa mga huling araw ay darating ang manlilibak at lilibakin kayo. Ang mga taong ito'y namumuhay ayon sa kanilang sariling pagnanasa. Sasabihin nila, “Nasaan ang pangako ng kanyang pagdating? Namatay na ang ating mga ninuno ngunit wala pa ring pagbabago mula nang likhain ang mundong ito.” Sinadya (H) nilang huwag pansinin ang katotohanang matagal nang ang langit ay narito at sa pamamagitan ng salita ng Diyos, at inanyuan niya ang lupa mula sa tubig at sa gitna ng tubig. Sa (I) pamamagitan din ng tubig ginunaw noon ng Diyos ang daigdig. Ngunit sa pamamagitan din ng gayunding salita, ang kasalukuyang langit at lupa ay iningatan para sa apoy na inilalaan sa araw ng paghuhukom at pagpaparusa sa masasamang tao.

Subalit (J) huwag ninyong kaliligtaan ang isang bagay na ito, mga minamahal, na para sa Panginoon ang isang araw ay tulad ng sanlibong taon, at ang sanlibong taon ay tulad ng isang araw. Hindi nagpapabaya ang Panginoon tungkol sa kanyang pangako gaya ng inaakala ng iba. Pinagtitiisan lamang kayo ng Panginoon kaya hindi muna niya ginagawa ang ayon sa kanyang pangako. Binibigyan pa niya ng pagkakataon ang lahat na magsisi sapagkat ayaw niyang mapahamak ang sinuman. 10 Ngunit (K) darating ang araw ng Panginoon tulad ng pagdating ng isang magnanakaw. Maglalaho ang kalangitan kasabay ng isang malakas na tunog. Tutupukin ng apoy ang sangkap sa kalangitan at ang lupa at ang lahat ng naroon ay masusunog.[d] 11 At dahil ganito mawawasak ang lahat ng bagay, anong uri ng pagkatao ang dapat ninyong ipamuhay? Hindi ba dapat kayong mamuhay na banal at maka-Diyos 12 habang hinihintay ninyo ang Araw ng Diyos at pinadadali ang pagdating nito? Sa araw na iyon, matutupok ang kalangitan at ang mga bagay na naroon ay matutunaw sa matinding init. 13 Ngunit, (L) naghihintay tayo sa pagdating ng pangako ng Diyos, ang bagong langit at ang bagong lupa na kung saan tinatahanan ng katuwiran.

14 Kaya nga, mga minamahal, habang hinihintay ninyo ang mga bagay na ito, sikapin ninyong mamuhay nang mapayapa, walang dungis at kapintasan sa paningin ng Diyos. 15 Isipin ninyong ang pagtitiis ng Panginoon ay para sa inyong kaligtasan. Ito rin ang isinulat sa inyo ng minamahal nating kapatid na si Pablo, ayon sa karunungang ibinigay sa kanya ng Diyos. 16 Ganito ang lagi niyang sinasabi sa lahat ng kanyang mga sulat ukol sa paksang ito, bagama't may ilang bahagi sa kanyang liham ang mahirap unawain at binibigyan ng maling kahulugan ng mga mangmang at magugulo ang pag-iisip. Ganyan din ang kanilang ginagawa sa ibang mga Kasulatan, kaya nga't ipinapahamak nila ang kanilang sarili. 17 Ngayong alam na ninyo ito, mga kapatid, mag-ingat kayo upang hindi kayo mailigaw ng mga masasamang tao, nang sa gayo'y hindi kayo matinag sa inyong matatag na kalagayan. 18 Sa halip, pagsikapan ninyong lumago sa biyaya at sa pagkakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Sa kanya ang kaluwalhatian ngayon at magpakailanman! Amen.[e]

Judas

Pagbati

Mula (A) kay Judas, lingkod[a] ni Jesu-Cristo at kapatid ni Santiago. Para sa mga tinawag, iniibig ng Diyos Ama at iniingatan para kay Jesu-Cristo:[b] Nawa'y saganang sumainyo ang habag, kapayapaan, at pag-ibig.

Ang Hatol sa mga Huwad na Tagapagturo

Mga minamahal, nais ko sanang isulat sa inyo ang tungkol sa iisang kaligtasang tinanggap nating lahat, ngunit natagpuan kong kailangang isulat sa inyo ang panawagan na ipaglaban ang pananampalatayang minsanan at magpakailanman na ipinagkatiwala sa mga banal. Sapagkat lihim na nakapasok sa inyong samahan ang ilang taong ayaw kumilala sa Diyos. Binabaluktot nila ang aral ukol sa kagandahang-loob ng Diyos at kinakasangkapan ito upang pagbigyan ang kanilang kahalayan. Ayaw rin nilang kilalanin si Jesu-Cristo, ang ating kaisa-isang Pinuno at Panginoon. Noon pa mang una'y nakasulat na ang parusa sa kanila.

Kahit (B) alam na ninyo ang lahat ng ito, nais ko pa ring ipaalala na matapos iligtas ng Panginoon ang isang bayan mula sa lupain ng Ehipto, pinuksa niya ang mga hindi sumampalataya. Alalahanin din ninyo ang mga anghel na hindi nag-ingat sa kanilang makapangyarihang katungkulan at sa halip ay iniwan nila ang kanilang tahanan. Kaya't ginapos sila ng di-mapapatid na tanikala at ikinulong sa malalim na kadiliman. Mananatili sila doon hanggang hatulan sila sa dakilang Araw ng Panginoon. Ganoon din (C) ang sinapit ng Sodoma at Gomorra at ng mga karatig-lungsod. Nalulong din sila sa imoralidad at nahumaling sa kakaibang uri ng pakikipagtalik. Sila'y naging halimbawa nang sila'y parusahan sa apoy na walang hanggan.

Sa gayunding paraan, ang mga mapanaginiping taong ito ay dumudungis sa kanilang katawan, hindi kumikilala sa mga maykapangyarihan at lumalait sa mga maluwalhating nilalang. Kahit (D) si Miguel na arkanghel ay hindi humatol nang may paglapastangan. Nang makipaglaban siya sa diyablo at nakipagtalo tungkol sa katawan ni Moises, ang tanging sinabi niya'y “Sawayin ka ng Panginoon!” 10 Ngunit ang mga taong ito ay lumalapastangan sa anumang hindi nila nauunawaan. Para silang mga hayop na walang pag-iisip na napapahamak dahil sumusunod lamang sila sa kanilang mga nararamdaman. 11 Kaysaklap ng sasapitin nila! (E) Sapagkat tinahak nila ang daan ni Cain. Isinuko ang sarili sa pagkakamali ni Balaam dahil sa pagkakakitaan; at tulad ni Kora ay napahamak dahil sa paghihimagsik. 12 Ang mga taong ito'y kasiraan sa inyong mga piging ng pagmamahalan. Hindi sila nahihiyang nakikisalo sa inyo at sarili lamang ang pinakakain. Tulad sila ng mga ulap na walang dalang tubig at tinatangay lamang ng hangin. Kagaya sila ng mga punongkahoy sa pagtatapos ng taglagas, hindi na aasahang magbunga dahil binunot na at patay na. 13 Tulad nila'y mga alon sa dagat, itinataas nilang gaya ng bula ang kanilang nakahihiyang mga gawa; tulad nila'y mga talang ligaw na nakalaan na sa malalim na kadiliman magpakailanman.

14 Tungkol (F) din sa mga taong ito ang ipinahayag ni Enoc, ang ikapitong salinlahi mula kay Adan. Sabi niya, “Tingnan ninyo! Dumarating ang Panginoon kasama ang kanyang libu-libong mga anghel, 15 upang hatulan ang lahat, at parusahan ang lahat ng hindi maka-Diyos dahil sa kanilang masasamang gawa, at sa lahat ng paglapastangan sa kanya ng mga makasalanan.” 16 Ang mga taong ito ay mareklamo at mahilig mamintas. Sinusunod nila ang kanilang pagnanasa, at mayayabang magsalita at sanay pumuri nang pakunwari makuha lang ang sariling kagustuhan.

Mga Babala at mga Paalala

17 Ngunit kayo, mga minamahal, alalahanin ninyo ang mga babalang ibinigay noon ng mga apostol ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 18 Sinabi (G) nila sa inyo, “Sa huling panahon ay darating ang mga manlilibak na namumuhay sa sarili nilang makamundong pagnanasa.” 19 Ang mga ito ang lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, mga taong makamundo, at walang Espiritu ng Diyos. 20 Ngunit kayo, mga minamahal, patatagin ninyo ang inyong sarili sa pinakabanal na pananampalataya. Manalangin sa tulong ng Banal na Espiritu. 21 Manatili kayo sa pag-ibig ng Diyos; asahan ninyo ang habag ng ating Panginoong Jesu-Cristo na naghahatid sa buhay na walang hanggan. 22 Kahabagan ninyo ang mga nag-aalinlangan. 23 Agawin ninyo ang mga nasa apoy upang masagip sila. Mahabag kayo sa iba na taglay ang takot; kamuhian ninyo pati ang mga damit nilang nabahiran ng kahalayan.

Basbas

24 Sa kanya na may kapangyarihang mag-ingat sa inyo upang hindi kayo mapahamak at may kapangyarihang magharap sa inyo nang walang kapintasan at may lubos na kagalakan sa harap ng kanyang kaluwalhatian, 25 sa iisang Diyos na ating Tagapagligtas, sa pamamagitan ni Jesu-Cristong ating Panginoon, sa kanya ang kaluwalhatian, karangalan, kapangyarihan at kapamahalaan, bago pa nagsimula ang panahon, ngayon, at kailanman. Amen.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.