Chronological
Hindi Ganap na Itinakwil ng Diyos ang Israel
11 Kaya ito (A) ang sinasabi ko: Itinakwil na ba ng Diyos ang kanyang bayan? Huwag nawang mangyari! Ako mismo ay Israelita, mula sa lahi ni Abraham, mula sa lipi ni Benjamin. 2 Hindi itinakwil ng Diyos ang kanyang bayan na kanyang kinilala noong una pa man. Hindi ba ninyo alam ang sinasabi ng Kasulatan tungkol kay Elias, kung paano siyang dumaing sa Diyos laban sa Israel? 3 “Panginoon,”(B) sabi niya, “pinatay nila ang iyong mga propeta at giniba ang iyong mga dambana. Ako na lang ang natitira, at sinisikap nila akong patayin!” 4 Ngunit ano (C) ang sagot sa kanya ng Diyos? “Nagtira ako para sa akin ng pitong libong lalaking hindi yumuyukod kay Baal.” 5 Kaya hanggang sa kasalukuyan ay may nalalabi pa ring mga hinirang sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos. 6 At kung ang paghirang ay sa pamamagitan ng biyaya, ito'y hindi batay sa mga gawa, sapagkat kung gayon, hindi magiging biyaya ang biyaya. 7 Ano ngayon? Hindi nakamtan ng Israel ang pinagsikapan nitong makuha. Ito'y nakamtan ng mga hinirang, subalit ang iba nama'y nagmatigas. 8 Gaya (D) ng nasusulat,
“Binigyan sila ng Diyos ng manhid na diwa,
ng mga matang hindi makakita,
at ng mga taingang hindi makarinig
hanggang sa araw na ito.”
9 Sinabi (E) naman ni David,
“Ang hapag nawa nila'y maging bitag at patibong,
isang katitisuran, at ganti sa kanila;
10 lumabo nawa ang kanilang mga paningin, upang hindi sila makakita,
at sa hirap ay makuba sila habang panahon.”
Ang Kaligtasan ng mga Hentil
11 Kaya't sinasabi ko: natisod ba sila upang tuluyang mabuwal? Huwag nawang mangyari! Sa halip, dahil sa pagsuway nila ay dumating ang kaligtasan sa mga Hentil, upang ibunsod sa selos ang Israel. 12 Ngayon, kung ang pagsuway nila ay nagdulot ng kayamanan para sa sanlibutan, at ang pagkalugi nila ay naging kayamanan para sa mga Hentil, gaano pa kaya ang idudulot ng kanilang lubos na pagbabalik-loob?
13 Ito naman ang sasabihin ko sa inyo, mga Hentil. Dahil ako nga ang apostol para sa mga Hentil, ikinararangal ko ang aking ministeryo 14 sa pag-asang maibunsod ko sa selos ang aking mga kalahi at sa gayon ay mailigtas ko ang ilan sa kanila. 15 Sapagkat kung ang kanilang pagkatakwil ay naging daan ng pagbabalik-loob ng sanlibutan, hindi ba't ang kanilang pagtanggap ay maitutulad sa muling pagkabuhay mula sa kamatayan? 16 Kung ang masa ng tinapay na inialay bilang unang bunga ay banal, banal din ang buong masa na pinagkunan niyon. Kung banal ang ugat, gayundin ang mga sanga. 17 Kung pinutol ang ilang sanga ng punong olibo, at ikaw na sangang ligaw ay idinugtong sa puno upang makabahagi sa katas na nagmumula sa ugat ng punong ito, 18 huwag kang magmalaki sa mga sangang pinutol. Alalahanin mong hindi ikaw ang bumubuhay sa mga ugat, kundi ang ugat ang bumubuhay sa iyo. 19 Maaaring sabihin mo, “Pinutol ang mga sanga upang ako'y maidugtong.” 20 Tama iyan. Ngunit pinutol sila dahil sa kawalan nila ng pananampalataya, at ikaw naman ay idinugtong dahil sa iyong pananampalataya. Kaya't huwag kang magmataas, sa halip ay matakot ka. 21 Sapagkat kung ang mga likas na sanga ay hindi pinanghinayangan ng Diyos, ikaw man ay hindi niya panghihinayangan. 22 Kaya't masdan ninyo ang kabutihan at kabagsikan ng Diyos: kabagsikan sa mga humiwalay, ngunit kabutihan sa iyo, kung mananatili ka sa kanyang kabutihan. Kung hindi, puputulin ka rin. 23 At kung sila'y hindi magpupumilit sa di-pagsampalataya, muli silang idudugtong, sapagkat kaya ng Diyos na sila'y muling idugtong. 24 Kung ikaw na sangang galing sa ligaw na olibo ay naidugtong sa inaalagaang olibo kahit salungat sa likas na paraan, lalo pang maaaring idugtong ang mga likas na sanga sa sarili nitong puno.
Ang Panunumbalik ng Israel
25 Mga kapatid, hindi ko nais na kayong mga Hentil ay maging mataas ang tingin sa sarili. Kaya't nais kong maunawaan ninyo ang hiwagang ito. Nagkaroon ng pagmamatigas ang isang bahagi ng Israel, hanggang makapasok ang kabuuang bilang ng mga Hentil. 26 Sa (F) ganitong paraan maliligtas ang buong Israel. Gaya ng nasusulat,
“Magbubuhat sa Zion ang sasagip sa atin;
aalisin niya ang kasamaan mula sa lahi ni Jacob.”
27 “At ito (G) ang aking pakikipagtipan sa kanila,
kapag pinawi ko na ang kanilang mga kasalanan.”
28 Tungkol sa ebanghelyo, naging kaaway sila ng Diyos alang-alang sa inyo. Tungkol naman sa paghirang, sila'y mga minamahal ng Diyos alang-alang sa kanilang mga ninuno. 29 Sapagkat hindi maaaring bawiin ang mga kaloob at ang pagtawag ng Diyos. 30 Dati kayong mga suwail sa Diyos subalit ngayo'y kinahabagan dahil sa kanilang pagsuway. 31 Ngayon nama'y sila ang naging suwail upang sa pamamagitan ng habag na ipinakita sa inyo, sila rin ay tumanggap ng habag ng Diyos. 32 Sapagkat ibinilanggo ng Diyos ang lahat sa pagsuway upang mahabag siya sa lahat.
33 Napakalalim(H) ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos! Hindi maabot ng isip ng tao ang kanyang hatol, at hindi masiyasat ang kanyang mga paraan!
34 “Sapagkat sino (I) ang nakaaalam sa pag-iisip ng Panginoon,
o sino ang kanyang naging tagapayo?”
35 “Sino (J) ang nakapagbigay sa Diyos ng anuman,
upang siya'y bayaran ng Diyos?”
36 Sapagkat (K) mula sa kanya, at sa pamamagitan niya, at para sa kanya ang lahat ng mga bagay. Sumakanya ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.
Ang Bagong Buhay kay Cristo
12 Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa habag ng Diyos, ipinapakiusap ko sa inyo na ialay ninyo ang inyong mga katawan bilang handog na buháy, banal, at kalugud-lugod sa Kanya. Ito ang inyong karapat-dapat na pagsamba.[a] 2 Huwag kayong makiayon sa takbo ng kapanahunang ito. Sa halip, hayaan ninyong baguhin kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip. Sa gayon, mapapatunayan ninyo kung alin ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos.
3 Ayon sa kaloob na aking tinanggap, sinasabi ko sa bawat isa sa inyo na huwag ninyong ituring ang inyong sarili nang higit sa nararapat. Sa halip, ituring ninyo ang inyong sarili ayon sa sukat ng pananampalatayang ipinagkaloob ng Diyos sa bawat isa sa inyo. 4 Kung (L) paanong ang ating katawan ay binubuo ng maraming bahagi, at magkakaiba ang gawain ng bawat isa, 5 gayundin naman, kahit na tayo'y marami, tayo ay iisang katawan kay Cristo, at bawat isa ay bahagi ng isa't isa. 6 Mayroon (M) tayong mga kaloob na magkakaiba ayon sa biyayang ibinigay sa atin. Kung ang kaloob natin ay pagpapahayag ng propesiya, gamitin natin ito ayon sa sukat ng pananampalataya. 7 Kung paglilingkod, gamitin sa paglilingkod. Kung pagtuturo, sa pagtuturo. 8 Kung pagpapalakas ng loob, sa pagpapalakas ng loob. Kung pagbibigay ay bukas-palad sa pagbibigay. Kung pamumuno, mamuno nang buong sikap. Kung pagkakawanggawa, gawin ito nang masaya.
9 Maging lantay ang pag-ibig. Kamuhian ninyo ang masama at panindigan ang mabuti. 10 Maging mapagmahal sa isa't isa bilang tunay na magkakapatid, at pahalagahan ninyo ang inyong kapwa nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyong mga sarili. 11 Magpakasipag kayo at ang kalooba'y lalo pang pag-alabin sa paglilingkod sa Panginoon. 12 Magalak kayo sa pag-asa, maging matiisin sa pagdurusa, at maging matiyaga sa pananalangin. 13 Tulungan ninyo ang mga kapatid[b] na nangangailangan. Buksan ang inyong mga tahanan sa mga dayuhan. 14 Pagpalain (N) ninyo ang mga umuusig sa inyo; pagpalain ninyo at huwag sumpain. 15 Makigalak kayo sa mga nagagalak; makitangis sa mga umiiyak. 16 Magkaisa (O) kayo sa pag-iisip. Huwag kayong magmataas, sa halip ay makisama sa mga dukha.[c] Huwag ninyong ipalagay na napakagaling ninyo. 17 Huwag ninyong gantihan ang masama ng masama. Sikapin ninyong mamuhay nang marangal sa paningin ng lahat. 18 Sa abot ng inyong makakaya, makipamuhay kayo nang mapayapa sa lahat ng tao. 19 Mga (P) minamahal, huwag kayong maghihiganti, sa halip ay bigyang-daan ang galit ng Diyos. Sapagkat nasusulat, “Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.” 20 Ngunit, (Q) “kung nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo; kung siya'y nauuhaw, painumin mo; sapagkat sa paggawa mo nito ay parang malalagyan mo siya ng baga sa kanyang ulo.” 21 Huwag kang magpadaig sa masama, sa halip ay daigin mo ng mabuti ang masama.
Tungkulin sa mga nasa Kapangyarihan
13 Ang bawat tao'y dapat pasakop sa mga nasa kapangyarihan[d], sapagkat walang kapangyarihang hindi mula sa Diyos; at ang mga kapangyarihang umiiral ay itinatag ng Diyos. 2 Kaya't ang lumalaban sa maykapangyarihan ay sumasalungat sa itinatag ng Diyos. At ang mga sumasalungat ay tatanggap ng hatol sa kanilang sarili. 3 Ang mga namumuno ay hindi nagdadala ng takot sa mga gumagawa ng mabuti kundi sa mga gumagawa ng masama. Kung ayaw mong matakot sa maykapangyarihan, gumawa ka ng mabuti, at pararangalan ka niya. 4 Sapagkat siya'y lingkod ng Diyos sa ikabubuti mo. Ngunit matakot ka kung masama ang ginagawa mo, sapagkat may dahilan ang pagdadala niya ng tabak. Siya'y lingkod ng Diyos upang igawad ang poot ng Diyos sa gumagawa ng masama. 5 Kaya nga, dapat kayong pasakop, hindi lamang upang iwasan ang poot ng Diyos, kundi alang-alang na rin sa budhi.[e] 6 Ito (R) rin ang dahilan kung bakit nagbabayad kayo ng buwis. Sapagkat ang mga namamahala ay mga lingkod ng Diyos na nagtalaga ng kanilang sarili sa gawaing ito. 7 Ibigay ninyo sa lahat ang nararapat sa kanila: buwis sa dapat buwisan; bayad sa dapat bayaran; paggalang sa dapat igalang; parangal sa dapat parangalan.
Tungkulin sa Kapatid
8 Huwag kayong manatiling may pagkakautang kaninuman, maliban sa pagkakautang na magmahalan kayo, sapagkat ang nagmamahal sa kanyang kapwa ay nakatupad na sa Kautusan. 9 Ang (S) mga utos gaya ng, “Huwag kang mangangalunya; Huwag kang papatay; Huwag kang magnanakaw; Huwag kang maging sakim;” at ang iba pang utos, ay nabubuo sa salitang ito, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” 10 Sapagkat ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kapwa, kaya ang pag-ibig ang katuparan ng Kautusan.
11 Gawin ninyo ito dahil alam na ninyong panahon na ngayon upang kayo'y gumising mula sa inyong pagkakahimbing. Ang ating kaligtasan ay mas malapit na ngayon kaysa noong una nang tayo ay sumampalataya. 12 Lumalalim na ang gabi, at papalapit na ang araw. Kaya't hubarin na natin ang mga gawa ng dilim, at isuot ang kasuotang pandigma mula sa liwanag. 13 Mamuhay tayo nang marangal, gaya ng paglakad sa liwanag, hindi sa kalayawan at paglalasing, sa kalaswaan at kahalayan, sa mga away at pagseselos. 14 Sa halip, isapuso ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo, at huwag bigyang-daan ang hilig ng laman patungo sa mga pagnanasa nito.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.