Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Colosas 1-4

Pagbati

Mula kay Pablo, apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, at kay Timoteo na ating kapatid, Sa mga banal at tapat na mga kapatid kay Cristo na nasa Colosas: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama.

Pasasalamat para sa mga Taga-Colosas

Nagpapasalamat kami sa Diyos na Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, sa tuwing kami ay nananalangin para sa inyo, sapagkat nabalitaan namin ang tungkol sa inyong pananampalataya kay Cristo Jesus, at ang inyong pag-ibig para sa lahat ng mga banal, dahil sa pag-asang nakalaan sa inyo sa langit. Nang nakaraang panahon ay narinig ninyo ang tungkol dito sa pamamagitan ng mensahe ng katotohanan, ang ebanghelyo, na dumating sa inyo. Kung paanong sa buong daigdig ay namumunga at lumalaganap ang ebanghelyong ito, ay gayundin naman sa inyo, mula nang araw na inyong narinig at naunawaan ang tunay na kahulugan ng biyaya ng Diyos. Natutuhan (A) ninyo ito kay Epafras, ang minamahal naming kapwa lingkod. Siya ay tapat na lingkod ni Cristo alang-alang sa inyo,[a] at siya ang nagpahayag sa amin tungkol sa inyong pag-ibig sa pamamagitan ng Espiritu.

Dahil dito, mula nang araw na mabalitaan namin ang tungkol sa inyo, ay walang tigil kaming nananalangin para sa inyo. Hinihiling namin sa Diyos na kayo'y mapuspos ng kaalaman tungkol sa kanyang kalooban sa lahat ng espirituwal na karunungan at pang-unawa. 10 Ang kayo'y magpatuloy sa pamumuhay nang karapat-dapat sa Panginoon, nagbibigay-kasiyahan sa kanya sa lahat ng bagay, namumunga sa lahat ng uri ng mabuting gawa, at lumalago sa pagkakilala sa Diyos. 11 Palakasin nawa kayo na taglay ang buong kapangyarihan, ayon sa kanyang maluwalhating kalakasan—upang kayo'y maging matatag at makaya ninyong tiisin ang lahat ng bagay, habang may galak 12 na nagpapasalamat sa Ama, na siyang nagbigay sa atin ng karapatang makibahagi sa pamana para sa mga banal na nasa liwanag. 13 Siya ang nagligtas sa atin mula sa kapangyarihan ng kadiliman at naglipat sa atin tungo sa kaharian ng kanyang minamahal na Anak. 14 (B) Sa kanya ay mayroon tayong katubusan, ang kapatawaran ng mga kasalanan.[b]

Si Cristo, Ang Pangunahin sa Lahat

15 Siya ang larawan ng Diyos na di-nakikita, ang pangunahin sa lahat ng mga nilikha; 16 sapagkat sa pamamagitan niya ay nilikha ang lahat ng bagay na nasa langit at nasa lupa, ang mga bagay na nakikita at ang mga hindi nakikita, maging ang mga trono o mga pamamahala, o mga pamunuan o mga may kapangyarihan—lahat ng bagay ay nilikha sa pamamagitan niya at para sa kanya. 17 Siya mismo ay una sa lahat, at ang lahat ng mga bagay ay nananatiling sama-sama sa pamamagitan niya. 18 Siya (C) ang ulo ng katawan, ang iglesya. Siya ang pasimula, ang pangunahin sa mga binuhay mula sa kamatayan, upang sa lahat ng bagay ay siya ang maging kataas-taasan. 19 Sapagkat ikinalugod ng Diyos na ang kanyang buong kalikasan ay manirahan kay Cristo, 20 at (D) sa pamamagitan niya ay ipagkasundo sa kanyang sarili ang lahat ng bagay, nasa lupa man o sa langit, na sa pamamagitan ng kanyang dugo na dumanak sa krus ay nakamtan ang kapayapaan.

21 At kayo, dati'y napakalayo, mga sumasalungat sa kanya sa inyong pag-iisip at namumuhay sa masasamang gawa. 22 Ngayon ay ipinakipagkasundo niya kayo sa pamamagitan ng kamatayan ng kanyang katawang laman na namatay, upang sa paningin ng Diyos kayo'y maiharap na mga banal, hindi mapaparatangan ng anuman at walang dungis, 23 kung kayo nga'y nananatili sa pananampalataya, naninindigang mabuti, matatag at hindi natitinag sa pag-asang mula sa ebanghelyo. Ito'y inyong narinig at naipangaral na sa lahat ng tao sa silong ng langit; para sa ebanghelyong ito, akong si Pablo ay naging lingkod.

Paglilingkod ni Pablo sa Iglesya

24 Ikinagagalak ko ngayon ang aking mga pagdurusa para sa inyo, at sa pamamagitan ng aking katawan ay nadaragdagan ko ang anumang kakulangan sa mga paghihirap ni Cristo alang-alang sa kanyang katawan, ang iglesya. 25 Ako'y naging lingkod nito, ayon sa katungkulang ipinagkatiwala ng Diyos sa akin, upang maipahayag sa inyo nang lubusan ang salita ng Diyos. 26 Ito ang hiwaga na iningatang lihim sa napakahabang panahon at sa mga salinlahi, ngunit ngayo'y malinaw na inihayag sa kanyang mga banal. 27 Ninais ng Diyos na ipaunawa sa kanila ang napakaluwalhating kayamanan ng hiwagang ito sa gitna ng mga bansa, na ito'y si Cristo na nasa inyo, ang pag-asa tungo sa kaluwalhatian. 28 Siya ang aming ipinangangaral. Binabalaan namin at tinuturuan ang bawat isa nang buong karunungan, upang ang bawat tao ay maiharap naming nasa ganap na kalagayan kay Cristo. 29 Dahil dito'y nagpapakahirap ako, nagsisikap sa pamamagitan ng kanyang lakas na makapangyarihang kumikilos sa akin.

Nais ko ngang malaman ninyo kung gaano katinding laban ang pinagdaraanan ko para sa inyo, at sa mga nasa Laodicea, at sa lahat ng hindi pa nakakakita sa akin nang mukhaan. Ito'y upang lumakas ang kanilang loob, at mabuklod sila sa pag-ibig, nang sa gayon ay makamtan nila ang lahat ng mga kayamanan na nagmumula sa buong katiyakan ng pagkaunawa, upang kanilang makilala ang hiwaga ng Diyos, samakatuwid ay si Cristo. Sa kanya nakatago ang lahat ng mga kayamanan ng karunungan at kaalaman. Sinasabi ko ito upang hindi kayo mailigaw ng sinuman sa pamamagitan ng mga nakabibighaning pangangatuwiran. Bagama't sa katawan ay wala ako riyan, sa espiritu naman ay kasama ninyo ako, at nagagalak na pagmasdang kayo'y namumuhay nang maayos, at matatag sa inyong pananampalataya kay Cristo.

Mamuhay ayon kay Cristo

Kaya't yamang tinanggap ninyo si Cristo Jesus bilang Panginoon, patuloy kayong mamuhay ayon sa kanya, na nakaugat at nakatayo dahil sa kanya, matatag sa pananampalataya, kung paanong kayo'y tinuruan, at nag-uumapaw sa pasasalamat. Mag-ingat kayo upang huwag kayong maging bihag ng sinuman sa pamamagitan ng pilosopiya at walang kabuluhang pandaraya, batay sa tradisyon ng mga tao, batay sa mga mapamahiing aral ng sanlibutan, at hindi batay kay Cristo. Sapagkat sa kanya ay naninirahan ang kabuuan ng kalikasan ng pagka-Diyos sa anyong katawan. 10 At kayo'y ginawang buung-buo dahil sa pakikipag-isa ninyo na siyang ulo ng lahat ng pamunuan at pamamahala. 11 Sa kanya ay nakaranas kayo ng pagtutuling hindi ginamitan ng mga kamay, sa pamamagitan ng pagwawaksi sa makasalanang hilig ng laman, sa pagtutuling ayon kay Cristo. 12 Yamang (E) inilibing kayong kasama niya sa bautismo, kayo'y muling binuhay na kasama niya sa bisa ng pananampalataya sa kapangyarihan ng Diyos, na muling bumuhay sa kanya mula sa kamatayan. 13 At noong (F) kayo'y mga patay dahil sa inyong mga pagsuway at kayo'y nasa di-pagtutuli ng inyong laman, binuhay niya kayong kasama niya. Pinatawad niya tayo sa lahat ng ating mga pagsuway, 14 matapos pawiin ang nakasulat na katibayan laban sa atin na naglalaman ng ating pagkakautang. Pinawalang-bisa niya ito, matapos niyang ipako sa krus. 15 At matapos niyang tanggalan ng kapangyarihan ang mga pamunuan at mga pamamahala, sila'y inilantad niya sa madla upang ipakita ang kanyang pagwawagi laban sa kanila sa pamamagitan ng krus.

16 Kaya't (G) huwag ninyong hayaan ang sinuman na kayo'y hatulan sa mga bagay na may kinalaman sa pagkain at inumin, o sa kapistahan, o sa bagong buwan o sa mga araw ng Sabbath. 17 Ang mga ito ay anino lamang ng mga bagay na darating, ngunit ang totoong bagay ay kay Cristo. 18 Huwag ninyong hayaang mawalan kayo ng gantimpala sa pamamagitan ng huwad na pagpapakumbaba at pagsamba sa mga anghel. Pinanghahawakan ng gayong tao ang mga bagay na diumano'y kanyang nakita at nagmamalaki nang walang kadahilanan bunga ng kanyang makamundong pag-iisip. 19 Ang taong iyon ay hindi (H) nakaugnay kay Cristo, na siyang Ulo, na mula sa kanya ang buong katawan, na tinutustusan at pinagsasama-sama sa pamamagitan ng mga kasukasuan at mga litid, ay lumalaking paglagong naaayon sa Diyos.

Babala Laban sa Maling Turo

20 Kung kayo'y namatay kasama ni Cristo mula sa mga pamahiing aral ng sanlibutan, bakit nabubuhay pa kayo na parang saklaw pa rin ng sanlibutan? Bakit nagpapasakop kayo sa mga tuntuning, 21 “Bawal humipo, bawal tumikim, bawal humawak”? 22 Ang mga ito'y may kinalaman sa lahat ng mga bagay na nasisira pagkatapos gamitin. Ang mga ito'y mga utos ayon sa aral na nagmula sa mga tao. 23 Ang mga ito'y mayroong anyo ng karunungan na nakaugnay sa pagsambang itinakda ng sariling kagustuhan, sa pagpapakababa, at sa pagpapahirap sa katawan, ngunit wala namang halaga sa pagsupil sa hilig ng laman.

Ang Bagong Buhay kay Cristo

Kaya't (I) yamang kayo'y muling binuhay na kasama ni Cristo, pakanasain ninyo ang mga bagay na nasa itaas, na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Diyos. Pag-ukulan ninyo ng pansin ang mga bagay na makalangit at hindi ang mga bagay na makalupa, sapagkat kayo'y namatay na, at ang buhay ninyo kay Cristo ay itinatago ng Diyos. Kapag si Cristo na inyong[c] buhay ay nahayag na, kayo ay mahahayag ding kasama niya sa kaluwalhatian.

Kaya't patayin ninyo ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa lupa: ang pakikiapid, kahalayan, kapusukan, masamang pagnanasa, at kasakiman na katumbas na rin ng pagsamba sa mga diyus-diyosan. Dahil sa mga ito, ang poot ng Diyos ay dumarating sa mga suwail na anak.[d] Ganitong mga landas ang tinatahak ninyo noon, nang kayo'y namumuhay pa sa mga ito. Ngunit ngayon ay talikuran ninyo ang mga bagay tulad ng poot, galit, maruruming pag-iisip, paninirang-puri, at mahalay na pananalita mula sa inyong bibig. Huwag (J) kayong magsinungaling sa isa't isa, yamang hinubad na ninyo ang lumang pagkatao kasama ang mga gawain nito, 10 at (K) kayo'y nagbihis na ng bagong pagkatao, na patuloy na ginagawang bago tungo sa kaalaman ayon sa larawan ng lumikha sa bagong pagkatao. 11 Dito'y wala nang pagkakaiba ang Griyego at Judio, tuli at di-tuli, barbaro, Scita, alipin, at malaya. Sa halip, si Cristo ang pinakamahalaga sa lahat at nasa lahat!

12 Kaya't bilang (L) mga pinili ng Diyos, mga banal at minamahal, isuot ninyo sa inyong pagkatao ang pagkamahabagin, kabaitan, kababaang-loob, kaamuan, at tiyaga. 13 Magparaya kayo (M) sa isa't isa, at kung ang sinuman ay may sama ng loob sa kanino man, magpatawad kayo sa isa't isa. Magpatawad kayo kung paanong pinatawad kayo ng Panginoon. 14 At higit sa lahat, taglayin ninyo ang pag-ibig na siyang nagbubuklod sa lahat sa lubos na pagkakaisa. 15 At hayaan ninyong maghari sa inyong puso ang kapayapaan ni Cristo, na siyang dahilan kaya't tinawag kayo sa isang katawan. At kayo'y maging mapagpasalamat. 16 Manirahan (N) nawang sagana sa inyo ang salita ni Cristo. Kalakip ang buong karunungan ay turuan ninyo at paalalahanan ang isa't isa sa pamamagitan ng mga salmo, ng mga himno at ng mga awiting espirituwal, habang umaawit kayo na may pasasalamat sa Diyos sa inyong mga puso. 17 At anuman ang inyong gagawin, sa salita man o sa gawa, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus, kalakip ang pasasalamat sa Diyos Ama sa pamamagitan niya.

Mga Tagubilin sa mga Pamilyang Cristiano

18 Mga (O) babae, magpasakop kayo sa inyu-inyong asawa, na siya namang nararapat sa Panginoon. 19 Mga (P) lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa at huwag kayong maging malupit sa kanila. 20 Mga (Q) anak, sumunod kayo sa inyong mga magulang sa lahat ng mga bagay, sapagkat ito'y kasiya-siya sa Panginoon. 21 Mga ama, (R) huwag ninyong itulak sa galit ang inyong mga anak upang hindi sila panghinaan ng loob. 22 Mga (S) alipin, sa lahat ng bagay ay sumunod kayo sa inyong mga panginoon dito sa lupa. Buong puso kayong maglingkod; hindi lamang kapag sila'y nakatingin. Gawin ninyo ito nang may takot sa Panginoon upang magbigay-kasiyahan sa tao. 23 Anuman ang inyong gagawin ay buong puso ninyong gawin, na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa mga tao; 24 yamang alam ninyo na tatanggap kayo mula sa Panginoon ng pamana bilang gantimpala. Sa Panginoong Jesu-Cristo kayo naglilingkod. 25 Sapagkat (T) ang gumagawa ng masama ay tatanggap ng kaukulang ganti sa kasamaang ginawa niya; pantay-pantay ang lahat sa bagay na ito.

Kayong mga (U) panginoon, ipagkaloob ninyo sa inyong mga alipin kung ano ang makatarungan at nararapat, sapagkat alam ninyo na kayo ay mayroon ding Panginoon sa langit.

Iba Pang Tagubilin

Magpatuloy kayo at laging maging handa sa pananalangin, na may pagpapasalamat. Kasabay nito'y ipanalangin din ninyo kami upang magbukas ng pintuan para sa amin ang Diyos, upang aming maipangaral ang salita ni Cristo, na dahil dito'y nabilanggo ako. Ipanalangin ninyo na sa pagsasalita ko ay maipahayag ko ito nang malinaw. Makitungo (V) kayo nang may katalinuhan sa mga tagalabas, samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon. Maging maingat kayo palagi sa inyong pananalita na para bang may timplang asin, upang inyong malaman ang nararapat na pagsagot sa bawat tao.

Mga Pagbati at Basbas

Si Tiquico (W) ang magbabalita sa inyo ng lahat ng tungkol sa akin. Siya'y isang minamahal na kapatid, tapat na lingkod, at kapwa manggagawa sa Panginoon. Isinugo ko (X) siya diyan sa inyo dahil dito upang malaman ninyo ang aming kalagayan at upang pasiglahin niya ang inyong mga puso. Kasama (Y) niyang darating si Onesimo, isang tapat at minamahal na kapatid, na kasamahan din ninyo. Ibabalita nila sa inyo ang buong pangyayari dito. 10 Binabati (Z) kayo ni Aristarco na kasama kong bilanggo, at ni Marcos na pinsan ni Bernabe. Tungkol sa kanya'y nakatanggap kayo ng mga tagubilin—siya'y inyong tanggapin kung magpupunta siya sa inyo. 11 Binabati rin kayo ni Jesus na tinatawag na Justo. Ang mga ito lamang ang Judiong kasama[e] ko sa gawain sa kaharian ng Diyos at pinalalakas nila ang aking loob. 12 Binabati (AA) kayo ni Epafras, na kasamahan ninyo, at alipin ni Cristo Jesus. Palagi siyang nagsisikap na kayo'y ipanalangin upang kayo'y makatayo bilang nasa hustong gulang at lubos na panatag sa buong kalooban ng Diyos. 13 Ako mismo'y makapagpapatunay na matindi ang pagmamalasakit niya para sa inyo, gayundin sa mga nasa Laodicea, at sa Hierapolis. 14 Binabati (AB) kayo ng minamahal nating manggagamot na si Lucas, at gayundin ni Demas. 15 Batiin ninyo ang mga kapatid na nasa Laodicea, pati si Nimfa, at ang iglesyang nagtitipon sa bahay niya. 16 Pagkabasa ninyo sa sulat na ito, ipabasa rin ninyo ito sa iglesya ng mga taga-Laodicea; at basahin din naman ninyo ang sulat ko galing sa Laodicea. 17 At (AC) sabihin ninyo kay Arquipo, “Pagsikapan mong gampanan ang katungkulan na iyong tinanggap mula sa Panginoon.”

18 Akong si Pablo ang sumusulat ng pagbating ito gamit ang sarili kong kamay. Alalahanin ninyong ako'y nakatanikala. Sumainyo nawa ang biyaya.[f]

Filemon

Pagbati

Mula kay Pablo, bilanggo dahil kay Cristo Jesus, at mula kay Timoteo na ating kapatid,

Para kay Filemon na minamahal naming kaibigan at kamanggagawa, at (A) kay Apia na kapatid nating babae, at kay Arquipo na ating kapwa kawal, at sa iglesyang nagtitipon sa iyong bahay: Sumaiyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Pag-ibig at Pananampalataya ni Filemon

Lagi akong nagpapasalamat sa aking Diyos tuwing isinasama kita sa aking mga dalangin, sapagkat nababalitaan ko ang pag-ibig na ipinapakita mo sa lahat ng mga banal at ang iyong pananampalataya sa Panginoong Jesus. Idinadalangin kong ang pamamahagi mo ng iyong pananampalataya ay maging mabisa upang lubos mong maunawaan ang mga kabutihang dulot ng ating pakikipag-isa kay Cristo. Kapatid, nagdulot sa akin ng malaking kagalakan at aliw ang iyong pag-ibig, sapagkat dahil sa iyo'y nabuhayan ng loob ang mga banal.

Nakiusap si Pablo para kay Onesimo

Kaya naman, bagama't dahil kay Cristo ay maaari kitang utusan ng dapat mong gawin, mas minabuti kong makiusap sa iyo dahil sa pag-ibig. Akong si Pablo, ngayo'y matanda na at nakabilanggo pa dahil kay Cristo Jesus, 10 ay (B) nakikiusap sa iyo para sa aking anak na si Onesimo na naging anak ko nang ako'y nasa bilangguan. 11 Noon ay hindi ka nakinabang sa kanya, ngunit ngayo'y malaking tulong siya sa iyo at sa akin. 12 Pinababalik ko siya sa iyo, kasama ang aking sariling kalooban. 13 Ibig ko sanang manatili siya dito sa piling ko upang maglingkod sa akin bilang iyong kapalit habang ako'y nakabilanggo dahil sa ebanghelyo. 14 Ngunit ayaw kong gumawa ng anuman na wala kang pahintulot, upang maging bukal sa loob ang iyong kabutihan, at hindi sapilitan. 15 Marahil ito ang dahilan kung bakit nahiwalay siya sa iyo nang sandali, upang sa pagbabalik niya'y makasama mo siya habang panahon, 16 hindi na bilang alipin kundi higit pa sa isang alipin, bilang isang minamahal na kapatid. Napamahal na siya sa akin, ngunit lalo na sa iyo, hindi lang bilang tao kundi bilang kapatid sa Panginoon.

17 Kaya't kung itinuturing mo ako bilang katuwang, tanggapin mo siya na parang ako ang tinatanggap mo. 18 Kung siya ma'y nagkasala sa iyo, o may anumang pagkakautang, ako na lang ang singilin mo. 19 Kamay ko mismo ang sumusulat nito: akong si Pablo ang magbabayad sa iyo. Alalahanin mo lamang na utang mo sa akin ang iyong sarili. 20 Oo, kapatid ko, nais kong tulungan mo ako alang-alang sa Panginoon. Pasiglahin mo naman ang loob ko alang-alang kay Cristo.

21 Sinulatan kita dahil nagtitiwala akong gagawin mo ang hinihiling ko, at maaaring higit pa roon ang gagawin mo! 22 Ipaghanda mo na rin ako ng matutuluyan, sapagkat umaasa ako na sa pamamagitan ng inyong mga panalangin ay maibabalik ako sa inyo.

Pangwakas na Pagbati

23 Binabati (C) ka ni Epafras na kasama kong bilanggo dahil kay Cristo Jesus. 24 Binabati (D) ka rin nina Marcos, Aristarco, Demas, at Lucas na aking mga kamanggagawa. 25 Ang biyaya ng Diyos ang sumainyong lahat. Amen.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.