Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Roma 14-16

Huwag Hatulan ang Iyong Kapatid

14 Tanggapin (A) ninyo ang mahina sa paniniwala, ngunit hindi upang magtalo sa mga bagay na tungkol sa kuru-kuro lamang. May naniniwalang maaari siyang kumain ng anuman. Ngunit ang isa namang mahina sa paniniwala ay gulay lamang ang kinakain. Ang kumakain ng kahit anong pagkain ay huwag humamak sa hindi kumakain. At ang hindi kumakain ay hindi dapat humatol sa kumakain ng kahit anong pagkain, sapagkat siya'y tinanggap ng Diyos. Sino ka upang humatol sa alipin ng iba? Ang kanyang panginoon lamang ang makapagsasabi kung siya'y tama o mali. At siya'y patutunayang tama sapagkat kaya siyang panindigan ng Panginoon. May taong nagpapahalaga sa isang araw nang higit kaysa ibang araw. May iba namang pare-pareho lamang ang turing sa bawat araw. Maging panatag ang bawat isa sa kanyang sariling pag-iisip. Ang nagpapahalaga sa isang araw ay nagpapahalaga nito para sa Panginoon. At ang kumakain ng kahit anong pagkain ay kumakain para sa Panginoon, sapagkat siya'y nagpapasalamat sa Diyos. Iyon namang hindi kumakain ay hindi kumakain para sa Panginoon at nagpapasalamat din sa Diyos. Sapagkat walang sinuman sa atin ang nabubuhay para sa sarili lamang at walang namamatay para sa sarili lamang. Kung nabubuhay tayo, nabubuhay tayo para sa Panginoon; at kung mamamatay tayo, mamamatay tayo para sa Panginoon. Kaya't mabuhay man tayo o mamatay, tayo ay para sa Panginoon. Dahil dito, si Cristo ay namatay at muling nabuhay upang siya'y maging Panginoon ng mga patay at ng mga buháy. 10 Bakit (B) mo hinahatulan ang iyong kapatid? At ikaw naman, bakit mo hinahamak ang iyong kapatid? Tayong lahat ay haharap sa hukuman ng Diyos. 11 Sapagkat (C) nasusulat,

“Yamang ako ay buháy,” sabi ng Panginoon, “sa aking harapan ang bawat isa ay luluhod,
    at ang bawat tao ay magpapahayag ng pagkilala sa Diyos.”

12 Kaya, ang bawat isa sa atin ay magbibigay-sulit ng sarili sa Diyos.

Huwag Maging Sanhi ng Pagkakasala

13 Kaya nga huwag na tayong humatol sa isa't isa. Sa halip, pagpasyahan natin ito, na huwag tayong maglagay ng hadlang sa daan ng ating kapatid o maging sanhi ng pagkakasala ninuman. 14 Sa pamamagitan ng Panginoong Jesus, alam ko at lubos akong naniniwala na walang bagay na likas na marumi. Ngunit kung itinuturing ninuman na marumi ang isang bagay, para sa kanya, ito ay nagiging marumi. 15 Kaya kung dahil sa pagkain ay nasasaktan ang kalooban ng iyong kapatid, hindi ka na namumuhay ayon sa pag-ibig. Namatay rin si Cristo para sa kanya, huwag mo siyang ipahamak dahil sa iyong pagkain. 16 Huwag mong hayaan na ang itinuturing mong mabuti ay masabing masama. 17 Sapagkat walang kinalaman ang pagkain at pag-inom sa paghahari ng Diyos, kundi ang pagiging matuwid, ang mapayapang pamumuhay at kagalakang dulot ng Banal na Espiritu. 18 Sapagkat sinumang naglilingkod kay Cristo sa ganitong paraan ay kalugud-lugod sa Diyos at kaaya-aya sa mga tao. 19 Kaya't pagsikapan nating gawin ang mga bagay na makapagdudulot ng kapayapaan at makapagpapatibay sa isa't isa. 20 Huwag mong wasakin ang gawa ng Diyos dahil lamang sa pagkain. Totoong malinis ang lahat ng bagay, ngunit mali ang kumain ng isang bagay na makatitisod sa iba. 21 Mabuti pang huwag ka nang kumain ng karne o uminom ng alak o gumawa ng anumang bagay na makatitisod sa iyong kapatid. 22 Anuman ang paniniwalaan mo, hayaan mong ikaw na lamang at ang Diyos ang makaalam. Maligaya ang taong hindi sinusumbatan ang kanyang sarili dahil sa mga bagay na itinuturing niyang tama. 23 Ngunit ang may pag-aalinlangan ay hinahatulan kung siya'y kumakain, sapagkat ginagawa niya ito nang hindi batay sa paniniwala. Ang anumang hindi batay sa paniniwala ay kasalanan.

Bigyang-lugod ang Kapwa, Huwag ang Sarili

15 Tayong malalakas ang dapat magtiis sa mga kakulangan ng mga mahihina at huwag ang sarili ang bigyang kasiyahan. Dapat na magsikap ang bawat isa sa atin na bigyang-kasiyahan ang ating kapwa sa kanyang kabutihan upang siya'y maging matatag. Si (D) Cristo man ay hindi naghangad ng sariling kasiyahan. Sa halip, tulad ng nasusulat, “Sa akin bumagsak ang mga pag-alipusta nila sa iyo.” Anumang isinulat noong una ay isinulat upang turuan tayo, nang sa gayon ay magkaroon tayo ng pag-asa sa pamamagitan ng pagtitiis at pagpapasigla na nagmumula sa Kasulatan. Ang Diyos, na pinagmumulan ng tatag at sigla ang siya nawang magkaloob sa inyo ng pagkakasundo na naaayon kay Cristo Jesus. Sa gayon, kayong nabuklod sa isang diwa, ay magpuring iisang tinig sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Ebanghelyo sa mga Judio at sa mga Hentil

Kaya't tanggapin ninyo ang isa't isa, kung paanong tinanggap kayo ni Cristo, upang luwalhatiin ang Diyos. Sinasabi ko sa inyo na si Cristo ay naging lingkod ng mga Judio[a] upang ipakita ang katapatan ng Diyos at upang pagtibayin ang kanyang mga pangako sa mga ninuno, at (E) upang ang mga Hentil ay magpuri sa Diyos dahil sa kanyang habag, gaya ng nasusulat,

“Kaya't kikilalanin kita sa gitna ng mga Hentil,
    at aawitan ko ng papuri ang iyong pangalan.”

10 Sinabi rin, (F)

“Magdiwang kayo, mga Hentil, kasama ng kanyang bayan.”

11 At sinabi rin, (G)

“Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat ng mga Hentil;
    at purihin siya ng lahat ng mga bansa.”

12 Sinabi (H) rin ni Isaias,

“Ang ugat ni Jesse ay sisibol,
    upang maghari sa mga bansa, siya'y babangon;
    Ang pag-asa ng mga Hentil, sa kanya itutuon.”

13 Ang Diyos ng pag-asa ang nawa'y magbuhos sa inyo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng pananampalataya, upang kayo'y mag-umapaw sa pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu.

Ang Pagsusugo kay Pablo

14 Ako mismo ang lubos na naniniwala, mga kapatid ko, na kayo'y punung-puno ng kabutihan, ng lubos na kaalaman, at kaya ninyong magturo sa isa't isa. 15 Gayunman, sa ibang bahagi ng sulat na ito'y buong loob akong nagpapaalala sa inyo tungkol sa ibang bagay. Ginawa ko ito dahil sa biyayang ibinigay sa akin ng Diyos 16 upang maging lingkod ni Cristo Jesus sa mga Hentil. Isang banal na gawain ang aking pangangaral ng ebanghelyo, upang ang mga Hentil ay maging kalugud-lugod na handog sa Diyos, yamang sila ay ginawang banal ng Banal na Espiritu. 17 Dahil kay Cristo Jesus, ipinagmamalaki ko ang paglilingkod ko sa Diyos. 18 Hindi ako maglalakas-loob magsalita ng anumang bagay maliban sa ginawa ni Cristo sa pamamagitan ng aking mga salita at gawa, upang akayin ang mga Hentil sa pagsunod sa Diyos, 19 sa pamamagitan ng kapangyarihan ng mga himala at mga kababalaghan, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos.[b] Kaya't lubos kong naipangaral ang ebanghelyo ni Cristo mula sa Jerusalem at palibut-libot hanggang sa Ilirico. 20 Ang hangarin ko'y maipangaral ang ebanghelyo sa mga dakong hindi pa nakikilala si Cristo, upang hindi ako magtayo sa pundasyong inilagay ng iba. 21 Sa halip, (I) gaya ng nasusulat,

“Silang hindi pa nakababalita tungkol sa kanya ay makakikita,
    at silang hindi pa nakaririnig ay makauunawa.”

Balak ni Pablo na Dumalaw sa Roma

22 Ito (J) ang dahilan kung bakit ako'y madalas na hindi matuloy sa pagpunta sa inyo. 23 Subalit ngayong wala nang lugar na maaari kong puntahan para sa gawain sa mga lupaing ito, at dahil maraming taon ko na ring nais na madalaw kayo, 24 inaasahan kong magkikita tayo pagdaan ko riyan patungong Espanya. Inaasahan ko ring matutulungan ninyo ako sa aking paglalakbay patungo roon, matapos tayong magkasama-sama nang kaunting panahon. 25 Samantala, papunta (K) ako ngayon sa Jerusalem, na may dalang tulong sa mga kapatid[c] doon. 26 Sapagkat minabuti ng mga taga-Macedonia at ng mga taga-Acaia na magkaloob ng tulong para sa mga dukhang kapatid na nasa Jerusalem. 27 Malugod (L) nilang ginawa iyon bilang pagtanaw ng utang na loob sa mga Judio. Sapagkat ang mga Hentil ay naging kabahagi sa mga pagpapalang espirituwal ng mga Judio, nararapat lamang nilang tulungan ang mga Judio sa mga bagay na materyal. 28 Kapag nagawa ko na ito, at natiyak kong natanggap na nila ang kaloob na ito, daraan ako sa inyo patungong Espanya. 29 At alam kong pagpunta ko riyan ay taglay ko ang masaganang pagpapala ni Cristo.

30 Nakikiusap ako sa inyo, mga kapatid, sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo at sa pag-ibig ng Espiritu, na samahan ninyo ako sa taimtim na pananalangin sa Diyos alang-alang sa akin. 31 Idalangin ninyong mailigtas ako sa mga hindi sumasampalataya na nasa Judea, at nawa'y tanggapin ng mga kapatid sa Jerusalem ang paglilingkod ko[d] para sa kanila. 32 Sa gayon, ayon sa kalooban ng Diyos, ay makarating nawa ako sa inyo nang may kagalakan, at magtamasa ng ginhawa na kasama ninyo. 33 Sumainyo nawang lahat ang Diyos ng kapayapaan. Amen.

Mga Pagbati

16 Itinatagubilin ko sa inyo ang kapatid nating si Phoebe, na isang lingkod ng iglesya sa Cencrea. Tanggapin ninyo siya sa Panginoon, tulad ng pagtanggap na nararapat sa mga kapatid.[e] Tulungan ninyo siya sa mga kakailanganin niya sa inyo, sapagkat marami siyang natulungan at isa na ako roon.

Batiin (M) ninyo sina Prisca at Aquila na mga kamanggagawa ko kay Cristo Jesus. Inilagay nila ang kanilang buhay sa panganib dahil sa akin. Hindi lamang ako ang nagpapasalamat sa kanila kundi pati lahat ng mga iglesya ng mga Hentil. Batiin din ninyo ang iglesyang nagtitipon sa bahay nila. Batiin din ninyo ang mahal kong si Epeneto, ang unang sumampalataya kay Cristo sa Asia. Batiin ninyo si Maria, na malaki ang hirap para sa inyo. Batiin ninyo sina Andronico at Junias, mga kamag-anak ko at mga nakasama ko sa bilangguan. Kilala silang kasama ng mga apostol at naunang naging Cristiano kaysa akin. Batiin ninyo si Ampliato na aking minamahal sa Panginoon. Batiin ninyo si Urbano na aming kamanggagawa kay Cristo, gayundin si Estaquis na aking minamahal. 10 Batiin ninyo si Apeles na subok ang katapatan kay Cristo. Batiin ninyo ang sambahayan ni Aristobulo. 11 Batiin ninyo ang kamag-anak kong si Herodion. Batiin ninyo ang mga nasa Panginoon sa sambahayan ni Narciso. 12 Batiin ninyo sina Trifena at Trifosa, masisikap na naglilingkod sa Panginoon. Batiin ninyo ang mahal kong si Persida, na marami nang pagsisikap para sa Panginoon. 13 Batiin ninyo (N) si Rufo, ang hinirang ng Panginoon, at ang kanyang ina, na para ko na ring ina. 14 Batiin ninyo sina Asincrito, Flegonte, Hermes, Patrobas, Hermas, at ang mga kapatid na kasama nila. 15 Batiin ninyo sina Filologo, Julia, at Nereo at ang kanyang kapatid na babae, gayundin si Olimpas, at sa lahat ng mga banal na kasama nila. 16 Magbatian kayo ng banal na halik. Bumabati sa inyo ang lahat ng mga iglesya ni Cristo.

Mga Dagdag na Tagubilin

17 Ipinakikiusap ko sa inyo, mga kapatid, mag-ingat kayo sa mga pinagmumulan ng pagkakampi-kampi at sa mga sanhi ng pagkatisod, na salungat sa aral na inyong natutuhan. Layuan ninyo sila. 18 Sapagkat ang mga katulad nila ay hindi kay Cristong ating Panginoon na pinaglilingkuran kundi sa sarili nilang tiyan. Dinadaya nila ang mga puso ng mga walang muwang sa pamamagitan ng kanilang pananalita na maganda sa pandinig at may mapagkunwaring papuri. 19 Labis akong nagagalak sapagkat napabalita sa lahat ng tao ang inyong pagsunod. Gayunman, nais kong maging matalino kayo tungkol sa mga bagay na mabuti, at maging walang muwang sa masama. 20 At ang Diyos ng kapayapaan ay malapit nang dumurog kay Satanas sa ilalim ng inyong mga paa.

Pagpalain kayo ng ating Panginoong Jesus.[f]

21 Binabati (O) kayo ni Timoteo na aking kamanggagawa, gayundin ng mga kamag-anak kong sina Lucio, Jason at Sosipatro. 22 Akong si Tercio, na tagasulat ng liham na ito, ay bumabati rin sa inyo sa pangalan ng Panginoon. 23 Binabati (P) kayo ni Gaio na tinutuluyan ko, at ng buong iglesya. Binabati kayo ni Erasto na ingat-yaman ng lungsod, at ng kapatid na si Cuarto. 24 [Sumainyong lahat ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Amen.][g]

25 At ngayon, sa Diyos na makapagpapalakas sa inyo sa pamamagitan ng ebanghelyong aking ipinangangaral, at ng mensaheng hatid ni Jesu-Cristo ayon sa pagkahayag sa hiwagang ikinubli sa loob ng napakahabang panahon, 26 ngunit sa utos ng walang hanggang Diyos ay nahayag na ngayon at ipinakilala sa lahat ng mga bansa upang sila'y sumunod sa pananampalataya, sa pamamagitan ng mga kasulatan ng mga propeta— 27 sa Diyos na tanging marunong, sumakanya nawa ang kaluwalhatian magpakailanman sa pamamagitan ni Jesu-Cristo! Amen.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.