Chronological
Ang Babae at ang Dragon
12 May isang kapansin-pansin na tanda na lumitaw sa langit: isang babaing nakadamit ng araw, at ang buwan ay nasa ilalim ng kanyang mga paa, at sa kanyang ulo ay isang koronang may labindalawang bituin. 2 Kagampan siya at sumisigaw sa hirap at sakit dala ng pagluluwal. 3 May isa (A) pang tandang lumitaw sa langit: isang malaking pulang dragon na may pitong ulo at sampung sungay, at sa mga ulo niya'y may pitong korona. 4 Kinaladkad (B) ng kanyang buntot ang ikatlong bahagi ng mga bituin ng langit at itinapon ang mga ito sa lupa. Pagkatapos ay tumayo ang dragon sa harap ng babaing malapit nang manganak, upang pagkapanganak ay lamunin ng dragon ang anak nito. 5 At ang (C) babai'y nagsilang ng isang batang lalaki na mamamahala sa lahat ng mga bansa gamit ang isang pamalong bakal. Ngunit inagaw ang kanyang anak at dinala sa Diyos at sa kanyang trono. 6 Tumakas ang babae patungo sa ilang, at doon ay ipinaghanda siya ng Diyos ng isang lugar upang maalagaan siya sa loob ng isang libo dalawandaan at animnapung araw.
7 At (D) nagkaroon ng digmaan sa langit; si Miguel at ang kanyang mga anghel ay nakipaglaban sa dragon. Nakipaglaban ang dragon at ang kanyang mga anghel, 8 ngunit natalo sila, at wala na ring lugar para sa kanila sa langit. 9 At itinapon (E) ang malaking dragon, ang matandang ahas, na tinatawag na Diyablo at Satanas, ang nandaraya sa buong daigdig. Itinapon siya sa lupa, kasama ang kanyang mga anghel.
10 At (F) pagkatapos ay isang malakas na tinig sa langit ang aking narinig:
“Dumating na ang pagliligtas, ang kapangyarihan,
ang kaharian ng ating Diyos,
at ang pamumuno ng kanyang Cristo,
sapagkat naitapon na ang nang-uusig sa ating mga kapatid,
siya na nagpaparatang sa kanila sa harap ng ating Diyos araw at gabi.
11 Nagtagumpay sila laban sa kanya sa pamamagitan ng dugo ng Kordero
at sa pamamagitan ng salita ng kanilang patotoo;
at hindi nila pinahalagahan ang kanilang buhay sa harap man ng kamatayan.
12 Kaya nga magalak kayo, kalangitan
at pati na ang mga sa inyo'y naninirahan!
Ngunit kaylagim ng sasapitin ninyo, lupa at dagat,
sapagkat sa inyo bumaba ang Diyablong may matinding galit,
sapagkat alam niyang kaunti na lamang ang kanyang panahon!”
13 Nang mapagtanto ng dragon na siya'y itinapon na sa lupa, tinugis niya ang babaing nagsilang ng batang lalaki. 14 Ngunit (G) binigyan ang babae ng dalawang pakpak ng malaking agila, upang makalipad siya palayo sa ahas patungong ilang, upang doon ay maalagaan siya sa loob ng isang panahon, at mga panahon at kalahati ng isang panahon. 15 At binugahan ng ahas ng tubig mula sa kanyang bibig ang babae; ito'y tulad ng isang ilog, upang tangayin nito ang babae. 16 Ngunit tinulungan ng lupa ang babae; nagbuka ng bibig ang lupa at nilunok ang ilog na ibinuga ng dragon. 17 Kaya sa tindi ng galit ng dragon sa babae, umalis iyon upang makipaglaban sa iba pang mga anak nito, sa mga sumusunod sa mga utos ng Diyos at naninindigan sa patotoo ni Jesus. 18 Pagkatapos ay tumayo ang dragon sa dalampasigan.
Ang Dalawang Halimaw
13 At (H) nakita ko ang isang halimaw na umaahon mula sa dagat. Mayroon itong sampung sungay at pitong ulo; at sa mga sungay nito ay may sampung korona, at sa mga ulo nito ay may mga pangalang mapaglapastangan. 2 Tulad (I) ng isang leopardo ang halimaw na nakita ko, ang mga paa nito ay tulad ng sa oso, at ang bibig ay parang sa leon. Ibinigay ng dragon sa halimaw ang kanyang kapangyarihan, ang trono, at ang kanyang malawak na pamamahala. 3 Ang isa sa mga ulo nito ay may malubhang sugat na maaari nitong ikamatay, subalit ito'y gumaling. Namangha ang buong daigdig at sumunod sa halimaw. 4 Sinamba nila ang dragon dahil ibinigay nito ang kanyang kapangyarihan sa halimaw. Sinamba rin nila ang halimaw at sinabi nila, “Sino ang katulad ng halimaw, at sino ang may kakayahang lumaban sa kanya?”
5 Binigyan (J) ng halimaw ang isang bibig na nagsasalita ng mga kapalaluan at mga kalapastanganan, at pinahintulutan nitong mamahala sa loob ng apatnapu't dalawang buwan. 6 Sinimulan niyang lapastanganin ang Diyos, ang pangalan ng Diyos, at ang tahanan ng Diyos, at ang mga naninirahan doon. 7 Pinahintulutan (K) din itong makipaglaban sa mga banal at daigin sila. Binigyan siya ng kapangyarihan sa bawat lipi, bayan, wika, at bansa. 8 Lahat (L) ng naninirahan sa ibabaw ng lupa ay sasamba sa kanya, bawat isang ang pangalan ay hindi nakasulat sa balumbon ng buhay ng Kordero na pinatay mula pa nang likhain ang sanlibutan.[a]
9 Makinig ang may pandinig:
10 (M) Sinumang matakdang mabihag,
sadyang mabibihag;
sinumang matakdang mamatay sa tabak,
sadyang mamamatay sa tabak.
Ito ay panawagan para sa pagtitiis at katapatan ng mga banal.
11 At pagkatapos isa pang halimaw ang nakita kong umaahon mula sa lupa. Mayroon itong dalawang sungay tulad ng sa kordero ngunit nagsasalita itong parang dragon. 12 Ginagamit nito ang lahat ng kapangyarihan ng halimaw na nauna sa kanya, at pinasasamba niya ang lupa at ang mga nakatira dito sa unang halimaw, siya na may malubhang sugat na gumaling. 13 Gumagawa ito ng mga kamangha-manghang tanda, ginagawa nitong magpababa ng apoy sa lupa mula sa langit sa paningin ng mga tao. 14 Sa pamamagitan ng mga tandang pinahintulot na gawin niya sa harapan ng unang halimaw, nililinlang niya ang mga nakatira sa lupa, sinasabihan silang gumawa ng isang larawan ng halimaw na nasugatan ng tabak subalit nabuhay. 15 Pinayagan itong magbigay ng hininga sa larawan ng halimaw upang ang larawan ay makapagsalita at maipapatay ang mga ayaw sumamba sa larawan nito. 16 Pinatatakan nito ang kanang kamay o noo ng lahat—ang mga hamak at ang mga dakila, ang mayayaman at mahihirap, ang mga malaya at mga alipin, 17 upang walang sinuman ang makabili o makapagtinda kung walang tatak ng pangalan ng halimaw o bilang ng pangalan nito. 18 Nangangailangan ito ng karunungan: sinumang may pang-unawa ay unawain ang bilang ng halimaw, sapagkat ito ay bilang ng isang tao. Ang bilang niya ay 666.
Ang Awit ng 144,000
14 Pagkatapos ay tumingin (N) ako, at naroon ang Korderong nakatayo sa bundok ng Zion! Kasama niya ang isandaan apatnapu't apat na libo na ang pangalan niya at ng kanyang Ama ay nakasulat sa kanilang mga noo. 2 Isang tinig ang narinig ko mula sa langit na parang ingay ng maraming tubig at parang dagundong ng malakas na kulog. Ang tinig na narinig ko ay parang tugtugan ng mga manunugtog ng mga alpa. 3 Umaawit sila ng isang bagong awitin sa harapan ng apat na buháy na nilalang at ng mga matatanda. Hindi kayang matutuhan ng sinuman ang awiting iyon maliban sa isandaan at apatnapu't apat na libong tinubos mula sa lupa. 4 Sila ay ang hindi dumungis ng kanilang sarili sa mga babae, sapagkat hindi sila nakipagtalik. Sumusunod sila sa Kordero saan man siya magpunta. Sila'y tinubos mula sa sangkatauhan bilang mga unang alay sa Diyos at sa Kordero. 5 Walang (O) lumabas na kasinungalingan sa kanilang bibig; walang anumang maipaparatang laban sa kanila.
Ang Mensahe ng Tatlong Anghel
6 Pagkatapos, nakita ko ang isa pang anghel na lumilipad sa himpapawid, dala niya ang walang hanggang ebanghelyo upang ipahayag sa mga naninirahan sa lupa, sa bawat bansa, lipi, wika, at bayan. 7 Malakas na sinabi niya, “ Matakot kayo sa Diyos at luwalhatiin ninyo siya, sapagkat ang oras ng kanyang paghuhukom ay dumating na. Sambahin ninyo siya—siyang lumikha ng langit at ng lupa, ng dagat at ng mga bukal ng tubig.”
8 At (P) ang pangalawang anghel ay sumunod na nagsasabi, “Bumagsak, bumagsak ang dakilang Babilonia! Pinainom niya ang lahat ng bansa ng alak ng poot ng kanyang imoralidad.”
9 At pagkatapos, sumunod sa kanila ang ikatlong anghel na nagsasabi nang malakas, “Sinumang sumasamba sa halimaw at sa larawan nito at tumatanggap ng tanda sa kanyang mga noo at sa kanyang mga kamay, 10 ay (Q) iinom din sa alak ng poot ng Diyos, na ibubuhos na walang halo sa kopa ng kanyang galit. Ang taong iyon ay pahihirapan sa apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel at ng Kordero. 11 Ang (R) usok ng kanilang paghihirap ay pumapailanlang magpakailanpaman. Wala silang kapahingahan araw at gabi, silang sumasamba sa halimaw at sa larawan nito at sinumang tumatanggap ng tanda ng pangalan nito.”
12 Ito ay panawagan para sa pagtitiis ng mga banal, sila na tumutupad sa mga utos ng Diyos at patuloy na sumasampalataya kay Jesus.
13 At pagkatapos isang tinig ang narinig ko mula sa langit na nagsasabi, “Isulat mo ito: Mula ngayon, pinagpala ang mga namatay dahil sa Panginoon.” “Totoo,” sabi ng Espiritu, “magpapahinga sila mula sa kanilang mga pagpapagal, sapagkat susundan sila ng kanilang mga gawa.”
Ang Pag-aani sa Lupa
14 Pagkatapos, (S) tumingin ako, naroon ang isang puting ulap, nakaupo sa ibabaw nito ang isang tulad ng anak ng tao na may koronang ginto sa kanyang ulo, at may hawak na isang matalas na karit! 15 Isa (T) pang anghel ang lumabas mula sa templo, sumisigaw nang malakas sa kanyang nakaupo sa ulap, “Gamitin mo na ang iyong karit at gumapas ka, sapagkat ang oras ng paggapas ay dumating na at ang aanihin sa lupa ay handa nang anihin.” 16 Kaya iwinasiwas sa lupa ng nakaupo sa ulap ang kanyang karit, at ginapasan ang lupa.
17 Isa pang anghel ang lumabas mula sa templo sa langit, may dala ring matalas na karit. 18 Pagkatapos ay isa pang anghel ang lumabas mula sa dambana, ang anghel na may kapangyarihan sa apoy. Nagsalita siya nang malakas sa anghel na may matalas na karit, “Gamitin mo ang iyong karit at anihin ang mga kumpol ng ubas sa lupa, sapagkat hinog na ang mga ito.” 19 Kaya iwinasiwas ng anghel ang kanyang karit sa lupa, tinipon ang mga aning ubas at inihagis ang mga ito sa malaking pisaan ng ubas na siyang poot ng Diyos. 20 At (U) pinisa ang mga ubas sa pisaan na nasa labas ng lungsod, at mula sa pisaan ay bumaha ang dugong umabot ang taas hanggang sa renda ng mga kabayo, at ang lawak ay halos tatlong daang kilometro.[b]
Ang mga Anghel na may Huling Salot
15 Pagkatapos ay nakita ko ang isa pang tanda sa langit, kapansin-pansin at kamangha-mangha: pitong anghel na may pitong salot. Ito ang mga huling salot, sapagkat sa mga ito matatapos ang poot ng Diyos. 2 At nakita ko ang isang tulad ng dagat na kristal na may halong apoy, at ang mga nagtagumpay laban sa halimaw at sa larawan nito at sa bilang ng pangalan nito. Sila'y nakatayo sa tabi ng dagat na kristal, at may hawak na mga alpa ng Diyos. 3 Umaawit (V) sila ng awit ni Moises na lingkod ng Diyos, at ng awit ng Kordero:
“Dakila at kamangha-mangha ang iyong mga gawa,
Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat!
O hari ng mga bansa,
ang mga paraan mo'y totoo at makatarungan,
4 (W) Panginoon, sinong hindi matatakot
at magpupuri sa iyong pangalan?
Sapagkat ikaw lamang ang banal.
Darating lahat ang mga bansa
at sila'y sasamba sa iyo,
sapagkat nahayag ang matutuwid mong kahatulan.”
5 Pagkatapos (X) nito'y tumingin ako, at nabuksan sa langit ang templo ng tolda ng patotoo. 6 At lumabas mula sa templo ang pitong anghel na may pitong salot, na nakabihis ng dalisay at makinang na lino, at may mga gintong bigkis sa kanilang dibdib. 7 Isa sa apat na buhay na nilalang ay nagbigay sa pitong anghel ng pitong gintong mangkok na puno ng poot ng Diyos, siya na nabubuhay magpakailanpaman. 8 Ang (Y) templo ay napuno ng usok mula sa kaluwalhatian ng Diyos at mula sa kanyang kapangyarihan, at walang makapasok sa templo hanggang sa matapos ang pitong salot ng pitong anghel.
Mga Mangkok ng Poot ng Diyos
16 At narinig ko mula sa templo ang isang malakas na tinig na nagsasabi sa pitong anghel, “Humayo kayo at ibuhos ninyo sa lupa ang pitong mangkok ng poot ng Diyos.” 2 Kaya (Z) umalis ang unang anghel at ibinuhos ang kanyang mangkok sa lupa, at nagkaroon ng nakapandidiri at napakasakit na sugat ang mga may tatak ng halimaw at mga sumasamba sa larawan nito.
3 Ibinuhos ng ikalawang anghel ang kanyang mangkok sa dagat, at ito'y naging tulad ng dugo ng isang bangkay, at ang bawat nilalang na may buhay sa dagat ay namatay. 4 Ibinuhos (AA) ng ikatlong anghel ang kanyang mangkok sa mga ilog at sa mga bukal ng tubig, at naging dugo ang mga ito. 5 At narinig ko ang anghel ng tubig na nagsasabi,
“O Banal, ikaw na siyang ngayon at noon,
ikaw ay Makatarungan sa iyong ginawang paghatol;
6 Sapagkat sila ang nagpadanak ng dugo ng mga banal at ng mga propeta,
binigyan mo sila ng dugo para inumin.
Dapat lang iyan sa kanila!”
7 At narinig ko ang dambana na nagsasabi,
“Opo, Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
ang mga hatol mo ay totoo at makatarungan!”
8 At ibinuhos ng ikaapat na anghel ang kanyang mangkok sa araw, at pinayagan itong pasuin ang mga tao, 9 at sila ay napaso sa matinding init. Ngunit nilait nila ang pangalan ng Diyos na may kapangyarihan sa mga salot na ito, at hindi sila nagsisi ni lumuwalhati sa kanya.
10 Ibinuhos (AB) ng ikalimang anghel ang kanyang mangkok sa trono ng halimaw, at ang kanyang kaharian ay nagdilim. Dahil sa kirot, kinagat ng mga tao ang kanilang mga dila. 11 Nilait nila ang Diyos na nasa langit dahil sa kanilang mga hirap at mga sugat, at hindi nila pinagsisihan ang kanilang mga gawa.
12 (AC) Ibinuhos ng ikaanim na anghel ang kanyang mangkok sa malaking Ilog Eufrates, at natuyo ang tubig nito upang ihanda ang daan para sa mga hari mula sa silangan. 13 Pagkatapos, nakita kong lumalabas mula sa bibig ng dragon, mula sa bibig ng halimaw, at mula sa bibig ng huwad na propeta ang tatlong maruruming espiritu na parang mga palaka. 14 Sapagkat ang mga ito'y mga espiritu ng demonyo na gumagawa ng mga tanda. Pumupunta sila sa mga hari ng buong sanlibutan upang tipunin sila para sa digmaan sa dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat. 15 “Tandaan (AD) ninyo, dumarating ako na tulad ng isang magnanakaw! Pinagpala ang laging nakahanda at nakadamit, upang hindi siya lumakad nang hubad at mapahiya sa madla.” 16 At (AE) tinipon ng mga espiritu ang mga hari sa lugar na tinatawag sa wikang Hebreo na Armagedon.
17 At ibinuhos ng ikapitong anghel ang kanyang mangkok sa himpapawid, at mula sa templo ay lumabas ang isang malakas na tinig, mula sa trono, na nagsasabi, “Nangyari na!” 18 At (AF) gumuhit ang mga kidlat, nagkaingay, dumagundong ang mga kulog, at lumindol ng malakas, na hindi pa nangyayari buhat nang magkatao sa lupa. Napakalakas ng lindol na iyon. 19 Nahati (AG) sa tatlo ang malaking lungsod, at ang mga lungsod ng mga bansa ay nagbagsakan. Ibinaling ng Diyos ang kanyang pansin sa tanyag na Babilonia, at pinasaid niya rito ang kopa ng alak ng kanyang matinding poot. 20 Tumakas (AH) ang bawat pulo at naglaho ang mga bundok na matagpuan. 21 Mula (AI) sa langit ay bumagsak sa mga tao ang malalaking tipak ng yelo na tumitimbang ng halos isandaang libra, at nilait nila ang Diyos dahil doon. Kasindak-sindak ang salot na iyon.
Ang Babae at ang Halimaw
17 Pagkatapos, (AJ) isa sa pitong anghel na may pitong mangkok ay dumating at nagsabi sa akin, “Halika, ipakikita ko sa iyo ang hatol sa napakahalay na babaing nakaupo sa ibabaw ng maraming tubig. 2 Nakiapid (AK) sa kanya ang mga hari sa daigdig, at nalasing sa alak ng kanyang pakikiapid ang mga naninirahan sa lupa.” 3 At (AL) habang nasa Espiritu, dinala niya ako sa ilang, at nakita ko ang isang babae na nakaupo sa pulang halimaw na puno ng mga pangalang mapaglapastangan at ito ay may pitong ulo at sampung sungay. 4 Ang (AM) (AN) babae ay nakadamit ng kulay-ube at pula, at nababalutan ng ginto at mamahaling bato at perlas, hawak niya ang isang gintong kopa na puno ng mga karumihan at mga kahalayan ng kanyang pakikiapid. 5 Sa kanyang noo ay nakasulat ang isang mahiwagang pangalan: “Tanyag na Babilonia, ina ng mahahalay na babae at ng mga kalaswaan ng daigdig.” 6 At nakita ko ang babae, lasing sa dugo ng mga banal at ng mga nagpatotoo para kay Jesus.
Labis akong nagtaka nang makita ko siya. 7 Ngunit sinabi sa akin ng anghel, “Bakit ka nagtataka? Sasabihin ko sa iyo ang hiwaga ng babae, at ng kanyang sinasakyang halimaw, na may pitong ulo at sampung sungay. 8 Ang halimaw na nakita mo ay buháy noon, at ngayo'y wala na, at malapit nang umahon mula sa walang hanggang kalaliman patungo sa pagkawasak. Ang mga naninirahan sa lupa na ang mga pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay mula pa nang likhain ang sanlibutan ay mamamangha sa sandaling makita nila ang halimaw sapagkat siya'y buháy noon at ngayo'y wala na, at darating pa.
9 “Nangangailangan ito ng isip na may karunungan: ang pitong ulo ay pitong bundok kung saan nakaupo ang babae. Sila rin ang pitong hari, 10 at lima sa kanila ay bumagsak na, ang isa'y buhay pa, ang isa ay hindi pa dumarating; at sa kanyang pagdating, sandali lang siyang mananatili. 11 At ang halimaw na buhay noon at ngayo'y wala na ang ikawalo, ngunit kabilang din sa pito, at siya'y patungo sa pagkawasak. 12 Ang (AO) sampung sungay na nakita mo ay ang sampung hari na hindi pa nakakatanggap ng kaharian, subalit tatanggap sila ng kapangyarihan bilang mga hari sa loob ng isang oras, kasama ng halimaw. 13 Nagkakaisa ang mga ito sa pag-iisip, at ibinigay nila ang kanilang kapangyarihan at pamamahala sa halimaw. 14 Makikipagdigma sila laban sa Kordero, ngunit dadaigin sila ng Kordero, sapagkat siya ang Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari, at ang mga kasama niya ay yaong mga tinawag, mga hinirang at mga tapat.”
15 At sinabi ng anghel sa akin, “Ang mga tubig na iyong nakitang kinauupuan ng mahalay na babae ay mga bayan at napakaraming tao, mga bansa at mga wika. 16 Ang nakita mo namang sampung sungay, ang mga ito at ang halimaw ay masusuklam sa mahalay na babae. Siya'y kanilang pababayaan at iiwang hubad at kanilang lalamunin ang kanyang laman at siya'y susunugin sa apoy. 17 Sapagkat inilagay ng Diyos sa kanilang mga puso na gawin ang kanyang layunin at pagkaisahin sila na ibigay ang kanilang kaharian sa halimaw, hanggang sa matupad ang mga salita ng Diyos. 18 Ang babaing nakita mo ay ang tanyag na lungsod na naghahari sa mga hari ng daigdig.”
Ang Pagbagsak ng Babilonia
18 Pagkatapos ng mga ito, nakita ko ang isa pang anghel na bumababa mula sa langit. Taglay niya ang dakilang kapangyarihan; at naliwanagan ng kanyang kaluwalhatian ang daigdig. 2 Sumigaw (AP) siya nang napakalakas,
“Bumagsak na, bumagsak na ang tanyag na Babilonia!
Tirahan na ito ng mga demonyo,
kulungan ng bawat maruming espiritu,
kulungan ng bawat maruming ibon,
at kulungan ng bawat marumi't nakapandidiring hayop.
3 Sapagkat (AQ) lahat ng bansa ay uminom
ng alak ng kanyang kahalayan,
at sa kanya'y nakiapid ang mga hari ng daigdig,
at mula sa kapangyarihan ng kanyang kaluhuan,
ang mga mangangalakal ng daigdig ay nagpayaman.”
4 Pagkatapos, (AR) mula sa langit ay narinig ko ang isa pang tinig na nagsasabi,
“Lumabas kayo mula sa kanya, bayan ko,
upang kayo'y hindi makabahagi sa kanyang mga kasalanan,
at upang sa kanyang mga salot ay hindi kayo madamay;
5 sapagkat (AS) abot na sa langit ang kanyang mga kasalanan,
at binalingan ng Diyos ang kanyang mga kasamaan.
6 Ibalik (AT) ninyo sa kanya kung ano'ng ibinigay niya,
at bayaran ninyo siya ng doble sa kanyang mga gawa;
sa pinaghaluan niyang kopa, ipaghalo ninyo siya ng doble.
7 Gaya (AU) ng pagpaparangal niya sa kanyang sarili at kaluhuan,
ganoon din karaming pahirap at pighati ang ibigay ninyo sa kanya.
Sapagkat sinasabi niya sa kanyang puso,
‘Nakaupo akong isang reyna,
hindi ako isang balo,
at kailanma'y hindi ko malalasap ang dalamhati.’
8 Dahil dito ay darating ang mga salot sa kanya sa loob ng isang araw—
kamatayan, pagluluksa, taggutom—
at siya'y susunugin sa apoy;
sapagkat ang Panginoong Diyos na humatol sa kanya ay makapangyarihan.”
9 At (AV) ang mga hari ng daigdig na nakiapid sa kanya at nagpasasa sa kaluhuan kasama niya ay tatangisan at pagluluksaan siya kapag nakita na nila ang usok ng pagsunog sa kanya. 10 Tatayo sila sa malayo dahil sa takot sa kanyang paghihirap at sasabihing,
“Kakila-kilabot ang sinapit mo, dakilang lungsod,
makapangyarihang lungsod ng Babilonia!
Sapagkat sa loob ng isang oras, naigawad ang parusa sa iyo.”
11 At (AW) ang mga mangangalakal ng daigdig ay tumatangis at nagluluksa dahil sa kanya, sapagkat wala nang bumibili ng kanilang paninda— 12 panindang (AX) ginto, pilak, mamahaling bato at perlas, pinong lino; granate, sutla at pulang tela; lahat ng uri ng mabangong kahoy, mga kasangkapang garing, mamahaling kahoy, tanso, bakal, at marmol; 13 sinamon, pampalasa, kamanyang, mira at insenso, alak, langis, magandang uri ng harina at trigo, mga baka, mga tupa, mga kabayo at mga karwahe, at mga katawan, samakatuwid ay mga kaluluwa ng tao.
14 “Ang mga bungang ninasa ng kaluluwa mo'y
wala na sa iyo,
at lahat ng mga marangya at maringal na bagay
ay naglaho sa iyo,
at kailanma'y hindi na matatagpuan ang mga ito!”
15 Ang (AY) mga mangangalakal ng mga bagay na ito, na yumaman dahil sa kanya, ay tatayo sa malayo dahil sa takot sa paghihirap niya, na sila'y nagluluksa, malakas na tumatangis, 16 na nagsasabi,
Kaysaklap, kaysaklap ng sinapit ng tanyag na lungsod,
siya na nakasuot ng pinong lino at kulay ube at pulang damit,
at napalamutian ng ginto, mamahaling bato at perlas!
17 Sapagkat (AZ) ang lahat ng yamang iyon ay naglaho sa loob ng isang oras!”
At lahat ng kapitan ng barko at mga naglalayag, ang mga mandaragat at lahat ng mangangalakal sa dagat ay tumayo sa malayo. 18 Sumigaw (BA) (BB) sila habang pinagmamasdan ang usok ng kanyang pagkasunog na nagsasabi,
“Saan mo ihahambing ang tanyag na lungsod?”
19 Nagsaboy sila ng alikabok sa kanilang mga ulo habang tumatangis at nagluluksa na sumisigaw,
“Kaysaklap, kaysaklap ng sinapit ng tanyag na lungsod,
na nagpayaman sa lahat ng may barko sa dagat, mula sa kanyang kayamanan!
Sapagkat sa loob ng isang oras siya ay nawasak.
20 O (BC) langit, magalak ka dahil sa kanya,
kayong mga banal at mga apostol at mga propeta!
Sapagkat alang-alang sa inyo ay iginawad ng Diyos ang parusang hatol sa kanya.”
21 Pagkatapos, (BD) isang malakas na anghel ang dumampot ng isang batong tulad ng isang malaking gilingan at itinapon iyon sa dagat. Ang sabi ng anghel,
“Ganito karahas ibabagsak ang tanyag na lungsod na Babilonia,
at hindi na siya muling makikita;
22 at (BE) (BF) ang himig ng mga manunugtog ng alpa at ng mga musikero at ng mga manunugtog ng plauta, at ng trumpeta
kailanma'y hindi na maririnig mula sa iyo;
at bawat manggagawa ng anumang kalakal
kailanma'y hindi na matatagpuan sa iyo;
ang tunog ng gilingang bato
kailanma'y hindi na maririnig sa iyo.
23 Ang liwanag ng ilawan
kailanma'y hindi na tatanglaw sa iyo;
at ang tinig ng lalaki at babaing ikakasal
kailanma'y hindi na maririnig sa iyo;
sapagkat ang iyong mga mangangalakal ay dating mga kilalang tao sa daigdig,
at sapagkat sa pangkukulam mo ay nadaya ang lahat ng mga bansa.
24 Sa (BG) kanya natagpuan ang dugo ng mga propeta at ng mga banal,
at lahat ng mga pinaslang sa ibabaw ng lupa.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.