Chronological
Pagbati
1 Mula kay Pedro, apostol ni Jesu-Cristo,
Para sa mga hinirang ng Diyos na naninirahan bilang mga dayuhan at nagsikalat sa Ponto, Galacia, Capadocia, Asia at Bitinia. 2 Kayo'y pinili ng Diyos Ama ayon sa kanyang kaalaman sa mula't mula pa at ginawang banal ng Espiritu upang sumunod kay Jesu-Cristo at mawisikan ng kanyang dugo:
Nawa'y sumagana sa inyo ang biyaya at kapayapaan.
Buháy na Pag-asa
3 Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Dahil sa laki ng kanyang dakilang kahabagan ay muli tayong ipinanganak sa isang buháy na pag-asa sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo mula sa kamatayan, 4 upang magkamit ng isang manang hindi nasisira, walang dungis, at hindi kumukupas na inihanda sa langit para sa inyo. 5 Kayo'y iniingatan ng kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya para sa kaligtasang mahahayag sa katapusan ng panahon. 6 Dahil sa mga ito, dapat kayong magalak bagaman sa loob ng maikling panahon ay dumaranas kayo ng iba't ibang pagsubok. 7 Nararanasan ninyo ito upang dalisayin ang inyong pananampalataya. Kaya kung paanong pinararaan sa apoy ang ginto, ang inyong pananampalatayang mas mahalaga kaysa gintong nasisira ay pinararaan din sa apoy ng pagsubok upang mapatunayan kung talagang tapat. Kung magkagayon, tatanggap kayo ng papuri, kaluwalhatian at karangalan sa araw ng pagpapahayag kay Jesu-Cristo. 8 Hindi ninyo siya nakita kailanman ngunit inibig ninyo. Hindi pa rin ninyo siya nakikita hanggang ngayon, subalit sumasampalataya kayo sa kanya. Umaapaw na ang inyong puso sa kagalakang di kayang ilarawan ng salita, 9 sapagkat tinatanggap na ninyo ang bunga ng inyong pananampalataya, ang kaligtasan ng inyong mga kaluluwa. 10 Ang kaligtasang ito ay masusing siniyasat at sinuri ng mga propetang nagpahayag tungkol sa biyayang darating sa inyo. 11 Sinuri nila kung kailan at kanino matutupad ang tinutukoy ng Espiritu ni Cristo na nasa kanila nang kanyang unang ipahayag ang mga pagdurusang mararanasan ni Cristo at ang kaluwalhatian pagkatapos nito. 12 Nang ipahayag sa kanila ito, ipinaunawa ng Diyos sa kanila na ang ginagawa nila'y hindi para sa kanila kundi para sa inyo. Sinabi na sa inyo ang mga bagay na ito ng mga nangaral ng Magandang Balita sa pamamagitan ng Banal na Espiritung isinugo mula sa langit. Maging ang mga anghel ay nasasabik na maunawaan ang mga bagay na ito.
Panawagan Tungo sa Banal na Pamumuhay
13 Kaya't ihanda na ninyo ang inyong isipan para sa dapat ninyong gawin.[a] Magpigil kayo sa sarili at lubos na asahan ang pagpapalang mapasasainyo kapag nahayag na si Jesu-Cristo. 14 Tulad ng mga masunuring anak, huwag na kayong mabuhay sa masasamang hilig na ginagawa ninyo noong wala pa kayong kaalaman. 15 Sa halip, kung paanong banal ang Diyos na tumawag sa inyo, dapat din kayong magpakabanal sa lahat ng inyong ginagawa. 16 Sapagkat (A) nasusulat, “Maging banal kayo, sapagkat ako'y banal.”
17 Dahil tinatawag ninyong Ama ang Diyos na hindi nagtatangi sa kanyang paghatol sa mga gawa ng tao, mamuhay kayong may takot sa kanya sa buong panahon ng inyong pagiging dayuhan. 18 Alam ninyong tinubos kayo mula sa walang kabuluhang paraan ng pamumuhay na minana ninyo sa inyong mga ninuno. At ang ipinantubos sa inyo'y hindi mga bagay na nasisira tulad ng pilak o ginto, 19 kundi ang mahalagang dugo ni Cristo, tulad sa korderong walang dungis at kapintasan. 20 Itinalaga na siya ng Diyos bago pa nilikha ang sanlibutan, ngunit ipinahayag sa katapusan ng panahon dahil sa inyo. 21 Sa pamamagitan ni Cristo ay sumampalataya kayo sa Diyos, na bumuhay at nagparangal sa kanya, kaya't ang inyong pananampalataya at pag-asa ay nasa Diyos. 22 Ngayong malinis na kayo dahil sa inyong pagsunod sa katotohanan, at naghahari na sa inyo ang tapat na pag-iibigan bilang magkakapatid, nawa'y maging maalab at taos sa puso ang inyong pagmamahalan. 23 Sapagkat muli kayong isinilang, hindi sa pamamagitan ng binhing nasisira kundi sa pamamagitan ng buháy at nananatiling salita ng Diyos. 24 Sapagkat, (B)
“Ang lahat ng tao'y gaya ng damo,
at lahat ng kaluwalhatian nila'y tulad ng bulaklak sa parang.
Ang damo'y natutuyo,
at nalalanta ang bulaklak,
25 subalit ang salita ng Panginoon ay nananatili magpakailanman.”
At ang salitang ito ang Magandang Balitang ipinangaral sa inyo.
Ang Batong Buháy at ang Bansang Banal
2 Kaya't talikuran na ninyo ang lahat ng kasamaan, ang lahat ng pandaraya, pagkukunwari, pagkainggit, at paninirang-puri. 2 Gaya ng mga sanggol, manabik kayo sa dalisay na gatas espirituwal, upang sa pamamagitan nito ay lumago kayo sa inyong karanasan ng kaligtasan, 3 yamang naranasan (C) na ninyo ang kabutihan ng Panginoon. 4 Sa paglapit ninyo sa kanya, ang batong buháy na itinakwil ng mga tao ngunit pinili ng Diyos at mahalaga sa kanyang paningin, 5 kayo mismo, tulad ng mga batong buháy, ay itinatayo bilang bahagi ng isang templong espirituwal upang maging mga paring itinalaga para sa Diyos. Kaya't mag-alay kayo ng mga espirituwal na handog na kalugud-lugod sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. 6 Sapagkat (D) ito ang isinasaad ng kasulatan:
“Masdan ninyo, naglalagay ako sa Zion ng isang batong panulok, pinili at mahalaga;
hindi mapapahiya ang sinumang sumasampalataya sa kanya.”
7 Ngayon, (E) sa inyong mga sumasampalataya, siya'y mahalaga; subalit sa mga hindi sumasampalataya,
“Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo
ang siyang naging batong panulok,”
8 at, (F)
“Isang batong katitisuran ng mga tao
at dahilan ng kanilang pagkadapa.”
Sila'y natisod dahil sa pagsuway nila sa salita, at iyon din naman ang kanilang kahihinatnan.
9 Ngunit (G) kayo'y isang lahing pinili, mga paring naglilingkod sa hari, isang bansang banal, sambayanang pag-aari ng Diyos. Hinirang kayo upang inyong ipahayag ang mga kahanga-hangang gawa ng Diyos na tumawag sa inyo mula sa kadiliman at nagdala sa inyo sa kanyang kahanga-hangang liwanag. 10 Noon ay (H) hindi kayo sambayanan, ngunit ngayo'y sambayanan kayo ng Diyos. Noon ay pinagkaitan kayo ng habag, ngunit ngayo'y kinahahabagan kayo.
Mamuhay Bilang mga Lingkod ng Diyos
11 Mga minamahal, ipinapakiusap ko sa inyo bilang mga dayuhan at pansamantalang naninirahan sa daigdig na ito, iwasan ninyo ang makamundong pagnanasa na nakikipaglaban sa inyong kaluluwa. 12 Mamuhay kayo nang kagalang-galang sa gitna ng mga di-sumasampalataya upang kahit na pinaparatangan nila kayo ng masama, makikita nila ang inyong mabubuting gawa at luluwalhatiin nila ang Diyos sa araw ng kanyang paghuhukom. 13 Alang-alang sa Panginoon, pasakop kayo sa bawat pamahalaan ng tao, maging sa haring pinakamataas, 14 o sa mga gobernador na inatasan niya upang parusahan ang mga gumagawa ng masama at parangalan ang mga gumagawa ng mabuti. 15 Sapagkat kalooban ng Diyos na sa paggawa ninyo ng mabuti ay inyong mapatahimik ang mga hangal dahil sa kanilang kamangmangan. 16 Mamuhay kayong tulad ng mga taong malaya, ngunit huwag ninyong gamitin ang kalayaang ito upang bigyang-katwiran ang pantakip sa paggawa ng masama, sa halip, mamuhay kayo bilang mga alipin ng Diyos. 17 Igalang ninyo ang lahat ng tao at mahalin ninyo ang mga kapatid kay Cristo. Matakot kayo sa Diyos. Igalang ninyo ang hari.
Ang Halimbawa ng Pagdurusa ni Cristo
18 Mga alipin, buong galang kayong magpasakop sa inyong mga panginoon; hindi lamang sa mabubuti at mahihinahon, kundi maging sa malulupit. 19 Sapagkat kapuri-puri, na dahil sa pagkakilala ninyo sa Diyos, ay magtiis kayo ng parusa kahit walang kasalanan. 20 Ano'ng pakinabang kung kayo'y parusahan dahil sa paggawa ng masama? Ngunit kalulugdan kayo ng Diyos kung kayo'y magtiis ng dusa dahil sa paggawa ng mabuti. 21 Ito ang dahilan kung bakit kayo tinawag, sapagkat si Cristo ay nagdusa para sa inyo, at nag-iwan siya ng halimbawa upang inyong sundan.
22 “Wala (I) siyang ginawang anumang kasalanan,
at sa bibig niya'y walang kasinungalingang natagpuan.”
23 Nang (J) siya'y alipustain, hindi siya gumanti; nang siya'y nagdusa, hindi siya nagbanta, sa halip, nagtiwala siya sa Diyos na Makatarungang humatol. 24 Sa (K) kanyang pagkamatay sa krus,[b] pinasan niya ang bigat ng ating mga kasalanan upang tayo'y mamatay sa kasalanan at mamuhay sa katuwiran. Sa pamamagitan ng kanyang mga sugat, kayo ay gumaling. 25 Sapagkat kayo'y tulad ng mga tupang naligaw ng landas, ngunit ngayon ay nagbalik na kayo sa kanya, siya na Pastol at Tagapag-alaga ng inyong mga kaluluwa.
Tungkol sa Mag-asawa
3 (L) Sa gayunding paraan, kayong mga babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa, upang kung sila'y hindi pa sumusunod sa salita, ay mahihikayat din sila kahit walang salita kapag nakita nila ang inyong magandang asal, 2 at kapag nakita nila ang inyong pamumuhay na malinis at may takot sa Diyos. 3 Ang (M) kagandahan ninyo ay huwag maging panlabas lamang tulad ng pag-aayos ng buhok at pagsusuot ng mga gintong alahas at mamahaling damit. 4 Sa halip, ang pagandahin ninyo ay ang nakatagong pagkatao, isang hiyas na walang kupas, maamo at mapayapang diwa, bagay na napakahalaga sa paningin ng Diyos. 5 Iyan ang kagandahang ipinakita ng mga banal na babae noong unang panahon. Umasa sila sa Diyos at nagpasakop sa kanilang mga asawa. 6 Tulad (N) ni Sarah, sinunod niya at tinawag na panginoon ang asawa niyang si Abraham. Kayo rin ay mga anak ni Sarah kung tama ang inyong ginagawa at kayo'y hindi nagpapadaig sa takot.
7 (O) Sa gayunding paraan, kayong mga lalaki, unawain ninyo at pakitunguhan nang may paggalang ang inyong asawa, tulad sa mas mahinang kasangkapan. Sila'y inyong kapwa tagapagmana sa kaloob na walang hanggang buhay. Gawin ninyo ito at walang magiging sagabal sa inyong mga panalangin.
Pagdurusa Dahil sa Paggawa ng Mabuti
8 Bilang pagtatapos, magkaisa kayo at magdamayan, magmahalan kayo bilang magkakapatid, maging mahabagin at maging mapagpakumbaba. 9 Huwag ninyong gantihan ng masama ang gawang masama. Huwag ninyong sumpain ang sumusumpa sa inyo. Sa halip, pagpalain ninyo sila sapagkat ito ang dahilan ng pagtawag sa inyo, at kayo'y tatanggap ng pagpapala. 10 Sapagkat, (P) sa nasusulat,
“Sinumang nagpapahalaga sa buhay,
at nais makakita ng mabubuting araw,
dila'y pigilin sa pagsasabi ng kasamaan.
at sa kanyang labi'y dapat walang panlilinlang,
11 lumayo siya sa masama at gumawa ng kabutihan;
hanapin niya ang kapayapaan, at ito'y kanyang sundan.
12 Ang mata ng Panginoo'y nakatuon sa mga matuwid,
at ang kanilang panalangin ay kanyang dinirinig.
Ngunit sa mga taong gumagawa ng masama.
Panginoo'y nagagalit at hindi natutuwa.”
13 At sino naman ang gagawa ng masama sa inyo kung nagsisikap kayong gumawa ng mabuti? 14 Subalit (Q) magdusa man kayo dahil sa paggawa ng mabuti, pinagpala kayo. Huwag kayong matakot at huwag kayong mag-alala sa maaari nilang gawin sa inyo. 15 (R) Sa inyong mga puso ay italaga ninyo si Cristo bilang Panginoon. Lagi kayong maging handang magtanggol sa harap ng sinumang humihingi sa inyo ng paliwanag tungkol sa pag-asang taglay ninyo. 16 Ngunit gawin ninyo ito nang mahinahon at magalang. Panatilihin ninyong malinis ang inyong budhi upang mapahiya ang sinumang humahamak sa inyong magandang asal bunga ng inyong pakikipag-isa kay Cristo. 17 Sapagkat mabuti pang magdusa sa paggawa ng mabuti, kung ito'y kalooban ng Diyos, kaysa magdusa dahil sa paggawa ng masama. 18 Sapagkat si Cristo ay minsan lamang namatay dahil sa mga kasalanan, siya na walang kasalanan para sa mga makasalanan upang maiharap kayo[c] sa Diyos. Namatay siya ayon sa laman, ngunit muling binuhay ayon sa espiritu. 19 Sa ganitong kalagayan, nagtungo siya at nangaral sa mga espiritung nakabilanggo, 20 mga (S) espiritung sumuway noong matiyagang naghihintay ang Diyos nang panahon ni Noe, habang ginagawa nito ang barko. Iilang tao, walo lamang noon ang nakaligtas sa pamamagitan ng tubig. 21 Ang tubig na iyon ang inilalarawan ng bautismong nagliligtas sa inyo ngayon. Hindi ito paglilinis ng dungis ng katawan kundi bilang paghiling sa Diyos ng isang malinis na budhi, sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Cristo. 22 Siya'y umakyat sa langit at ngayo'y nasa kanan ng Diyos. Ang mga anghel, mga kapamahalaan at mga kapangyarihan ay nagpapasakop sa kanya.
Mga Mabubuting Katiwala ng Biyaya
4 Dahil si Cristo mismo ay nagdusa noon sa katawan, dapat din kayong maging handa sa mga pagdurusa, sapagkat ang nagdurusa sa katawan ay tumigil na sa kasalanan, 2 upang ilaan ang nalalabing panahon ng inyong buhay sa pagsunod sa kalooban ng Diyos at hindi sa makamundong hangarin sa buhay. 3 Sapat na ang panahong inaksaya ninyo sa paggawa ng mga di-sumasampalataya sa Diyos tulad ng: kahalayan, masasamang pagnanasa, paglalasing, malalaswang kasayahan, pag-iinuman, at kasuklam-suklam na pagsamba sa mga diyus-diyosan. 4 Nagtataka ang mga dating kasama ninyo kung bakit hindi na kayo nakikisama sa gayunding magulo at walang pakundangang pamumuhay, kaya nilalait nila kayo. 5 Ngunit mananagot sila sa Diyos na handang humatol sa mga buháy at sa mga patay. 6 Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ang Magandang Balita ay ipinangaral maging sa mga patay, upang kahit sila'y nahatulan sa laman tulad sa mga tao, sila'y mabuhay sa espiritu tulad sa Diyos.
7 Malapit na ang wakas ng lahat ng bagay, kaya't panatilihin ninyong malinaw ang inyong pag-iisip at maging mapagtimpi upang kayo'y makapanalangin. 8 Higit (T) sa lahat, patuloy kayong magmahalan, sapagkat ang pag-ibig ang pumapawi ng maraming kasalanan. 9 Patuluyin ninyo nang maluwag sa inyong kalooban ang inyong mga kapatid sa inyong tahanan. 10 Bilang mabubuting katiwala ng mga kaloob ng Diyos, gamitin ninyo ang mga kakayahang inyong tinanggap sa paglilingkod sa isa't isa. 11 Kung nagsasalita ang sinuman, magsalita siya bilang nagpapahayag ng mga salita ng Diyos. Kung siya'y naglilingkod, maglingkod siya sa pamamagitan ng lakas na ibinigay sa kanya ng Diyos. Sa gayon, sa lahat ng bagay ay papupurihan ang Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Sa kanya ang kaluwalhatian at ang kapangyarihan magpakailanpaman. Amen.
Pagdurusa Bilang Cristiano
12 Mga minamahal, huwag kayong magtaka na dumaraan kayo sa mabibigat na pagsubok na para bang hindi ito pangkaraniwang pangyayari. 13 Sa halip, dapat kayong magalak, sapagkat kayo'y nakikibahagi sa mga pagdurusa ni Cristo upang lubos kayong magalak kapag nahayag na ang kanyang kaluwalhatian. 14 Pinagpala kayo kapag kayo'y nilalait dahil sa pangalan ni Cristo sapagkat ang maluwalhating Espiritu ng Diyos ay lulukob sa inyo. 15 Huwag sanang mangyaring maparusahan ang sinuman sa inyo dahil sa pagiging mamamatay-tao, magnanakaw, o sa paggawa ng anumang kasamaan o pakikialam sa buhay ng iba. 16 Ngunit kung kayo'y magdusa dahil sa pagiging Cristiano, huwag ninyong ikahiya ito, sa halip ay magpuri kayo sa Diyos sapagkat taglay ninyo ang pangalan ni Cristo. 17 Panahon na upang simulan ang paghuhukom, at ito'y magsisimula sa sambahayan ng Diyos. At kung sa atin ito nagsisimula, ano pa kaya ang magiging wakas ng mga hindi sumusunod sa ebanghelyo ng Diyos?
18 At (U) kung ang matuwid ay mahirap nang makaligtas,
ano kaya ang sasapitin ng mga makasalanan at hindi kumikilala sa Diyos?
19 Kaya nga ang mga nagdurusa dahil sa pagsunod sa kalooban ng Diyos ay dapat ipagkatiwala ang kanilang sarili sa tapat na lumikha at magpatuloy sa paggawa ng mabuti.
Pangangalaga sa Kawan ng Diyos
5 Sa mga pinuno[d] sa inyo, nananawagan ako bilang kapwa pinuno at saksi sa mga pagdurusa ni Cristo, at bilang kabahagi sa karangalang ihahayag, nakikiusap ako 2 na (V) alagaan ninyo ang kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa inyo. Pamahalaan ninyo ito nang maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang, gaya ng nais ng Diyos.[e] Gawin ninyo ito hindi dahil sa pag-ibig sa salapi, kundi dahil sa pagnanais na maglingkod, 3 hindi bilang panginoon ng inyong nasasakupan, kundi bilang halimbawa sa kawan. 4 At pagdating ng Pinakapunong Pastol, tatanggap kayo ng korona ng kaluwalhatiang di kumukupas kailanman.
5 Kayo (W) namang mga kabataan, pasakop kayo sa mga pinuno.[f] Maging mapagpakumbaba kayo sa pakikitungo sa isa't-isa sapagkat nasusulat,
“Sinasalungat ng Diyos ang mga mapagmataas,
ngunit pinagpapala niya ang mga mapagpakumbaba.”
6 Kaya't (X) magpakumbaba kayo at pasakop sa Makapangyarihang Diyos, at kayo'y itataas niya sa takdang panahon. 7 Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang lahat ng inyong kabalisahan sapagkat siya'y nagmamalasakit sa inyo. 8 Maging handa kayong lagi at magbantay. Ang diyablo na kaaway ninyo ay parang leong umaaligid at umaatungal at naghahanap ng kanyang lalamunin. 9 Labanan ninyo siya at maging matatag sa inyong pananampalataya. Alam naman ninyong ang mga ganitong kahirapan ay dinaranas din ng inyong mga kapatid sa buong daigdig. 10 Pagkatapos ninyong magdusa nang kaunting panahon, ang Diyos na pinagmumulan ng biyaya at tumawag sa inyo na maging kabahagi ng kanyang walang hanggang kaluwalhatian kay Cristo ang siya ring magpapanumbalik, magpapatibay, at magpapalakas sa inyo. 11 Sa kanya ang kapangyarihan magpakailanman! Amen.
Pangwakas na Pagbati
12 Sinulat (Y) ko ang maikling liham na ito sa tulong ni Silas, na itinuturing kong tapat nating kapatid, upang pasiglahin kayo at patotohanang ito ang tunay na biyaya ng Diyos. Dito kayo magpakatatag. 13 Binabati (Z) kayo ng babaing nasa Babilonia, na hinirang din tulad ninyo. Binabati rin kayo ng anak kong si Marcos. 14 Magbatian kayo ng halik ng pag-ibig.
Kapayapaan ang sumainyong lahat na nakay Cristo.[g]
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.