Chronological
1 Mula kay (A) Pablo, apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, at mula kay Timoteo na ating kapatid—
Sa iglesya ng Diyos sa Corinto, kasama ng lahat ng mga banal na nasa buong Acaia: 2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Cristo.
Pasasalamat sa Gitna ng Paghihirap
3 Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng mga kahabagan at Diyos ng lahat ng kaaliwan. 4 Inaaliw niya tayo sa lahat ng ating paghihirap, upang maaliw natin ang nasa anumang paghihirap, sa pamamagitan ng kaaliwang tinanggap natin mula sa Diyos. 5 Sapagkat kung paanong ang paghihirap ni Cristo ay sumasagana sa ating buhay, sa pamamagitan din ni Cristo ay umaapaw ang ating kaaliwan. 6 Ngunit kung pinahihirapan man kami, ito ay upang kayo'y maaliw at maligtas. Kung kami ay inaaliw, ito ay upang kayo'y maaliw, at sa pamamagitan nito'y magkakaroon kayo ng kakayahang magtiis ng mga pagdurusang aming dinaranas. 7 Matibay ang aming pag-asa tungkol sa inyo, sapagkat alam namin na kung kayo'y karamay namin sa pagdurusa, karamay din namin kayo sa kaaliwang tinatanggap namin.
8 Nais (B) naming malaman ninyo, mga kapatid, ang tungkol sa mga paghihirap na sinapit namin sa Asia. Sapagkat napakabigat ang aming naranasan doon na halos hindi namin nakaya, anupa't nawalan kami ng pag-asang mabuhay. 9 Ngunit kami mismo ang tumanggap ng hatol na kamatayan, upang kami ay huwag magtiwala sa aming sarili, kundi sa Diyos na bumubuhay sa mga patay. 10 Siya na nagligtas sa amin mula sa gayong tiyak na kamatayan ang patuloy na magliligtas sa amin. Umaasa kami na patuloy pa niya kaming ililigtas, 11 habang tinutulungan ninyo kami sa pamamagitan ng inyong panalangin para sa amin. Sa gayon ay maraming tao ang magpapasalamat dahil sa mga biyayang ibinigay sa amin bilang kasagutan sa maraming panalangin.
Pagpapaliban ng Pagdalaw ni Pablo
12 Sapagkat ito ang aming maipagmamalaki: nagpapatotoo ang aming budhi na ang pamumuhay namin sa sanlibutan, at lalo na sa inyo ay may kalinisan at katapatang mula sa Diyos, hindi ayon sa makamundong karunungan, kundi sa biyaya ng Diyos. 13 Sapagkat ang isinusulat namin ay ang kaya lamang ninyong basahin at unawain. Umaasa ako na lubos ninyo itong mauunawaan, 14 kung paanong naunawaan ninyo kami nang bahagya, na kami ay maipagmamalaki ninyo gaya ninyo na aming maipagmamalaki sa araw ng Panginoong Jesus.
15 Dahil sa pagtitiwalang ito, binalak kong dalawin muna kayo, upang kayo'y magkaroon ng higit pang pagpapala. 16 Ninais kong dalawin kayo noong ako'y (C) papuntang Macedonia, at mula roon ay bumalik sa inyo, at sa ganoon ay maihatid ninyo ako sa aking paglalakbay papuntang Judea. 17 Nagdalawang-isip ba ako nang binalak kong gawin ito? Katulad ba ako ng makamundong tao kung magplano, na pinagsasabay ang “Oo at Hindi?” 18 Dahil tapat ang Diyos, ang aming salita sa inyo ay hindi “Oo at Hindi.” 19 Sapagkat (D) ang Anak ng Diyos, si Jesu-Cristo na ipinangaral sa inyo sa pamamagitan ko at nina Silvano at Timoteo, ay hindi “Oo at Hindi,” kundi sa kanya ang “Oo” ay “Oo.” 20 Sapagkat gaano man karami ang mga pangako ng Diyos, lahat ng mga ito kay Cristo ay “Oo.” Kaya't sa pamamagitan niya ay nasasabi namin ang “Amen,” sa ikaluluwalhati ng Diyos. 21 At ang nagpapatatag sa amin at sa inyo kay Cristo ay ang Diyos. Hinirang niya kami, 22 tinatakan at ibinigay ang Espiritu sa aming mga puso bilang katibayan.
23 Nagsusumamo ako sa Diyos bilang aking saksi, na hindi ako natuloy sa pagpunta sa Corinto upang hindi kayo mabigatan. 24 Hindi sa ibig naming maging panginoon ninyo sa pananampalataya, sa halip kami ay mga kamanggagawa ninyo upang magdulot sa inyo ng kagalakan, sapagkat kayo'y nananatiling matatag sa pananampalataya.
2 Nagpasya ako na hindi na ako muling dadalaw sa inyo nang may kalungkutan. 2 Sapagkat kung palulungkutin ko kayo, sino ang magpapasaya sa akin, kundi kayo na pinalungkot ko? 3 Kaya't sumulat ako sa inyo, upang pagdating ko ay hindi ako palungkutin ng mga taong dapat ay magpapasaya sa akin. May tiwala ako sa inyong lahat na masaya kayo kung masaya ako. 4 Sumulat ako sa inyo sa gitna ng matinding paghihirap ng kalooban at pangamba ng puso at kasabay ng maraming pagluha, hindi upang kayo'y palungkutin kundi upang malaman ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig ko sa inyo.
Pagpapatawad sa Nagkasala
5 Subalit kung may taong naging sanhi ng kalungkutan, hindi ako ang pinalungkot niya, kundi sa katunayan ay kayong lahat—sinasabi ko ito sa paraang hindi kayo masyadong masasaktan. 6 Sapat na para sa taong iyon ang parusang iginawad sa kanya ng nakararami. 7 Sa halip, patawarin ninyo siya at aliwin, upang hindi siya madaig ng labis na kalungkutan. 8 Kaya't nakikiusap ako sa inyo na ipadama ninyong muli ang inyong pag-ibig sa kanya. 9 Ito ang dahilan kung bakit sumulat ako: upang subukin ko at alamin kung kayo nga'y masunurin sa lahat ng mga bagay. 10 Ang sinumang pinapatawad ninyo ay pinapatawad ko rin. Kung may dapat patawarin ay pinatawad ko na, alang-alang sa inyo, sa harapan ni Cristo, 11 upang hindi tayo madaya ni Satanas. Sapagkat alam na alam natin ang kanyang mga binabalak.
Pangamba ni Pablo sa Troas
12 Pagdating (E) ko sa Troas, may pintuang binuksan para sa akin ang Panginoon upang ipangaral ang ebanghelyo ni Cristo. 13 Hindi mapalagay ang aking kalooban, sapagkat hindi ko natagpuan doon ang aking kapatid na si Tito. Kaya't ako'y nagpaalam sa mga kapatid doon at tumuloy sa Macedonia.
14 Ngunit salamat sa Diyos, na siyang laging nagdadala sa atin sa pagtatagumpay kay Cristo, at sa pamamagitan natin ay nagpapalaganap ng samyo ng pagkakilala sa kanya sa bawat dako. 15 Sapagkat kami ang halimuyak ng handog ni Cristo sa Diyos, na nalalanghap ng mga inililigtas at ng mga napapahamak. 16 Para sa isa kami ay halimuyak ng kamatayan na nagdudulot ng kamatayan; at sa isa naman ay halimuyak ng buhay na nagdudulot ng buhay. Sino ang sapat para sa gawaing ito? 17 Sapagkat hindi kami katulad ng marami na gumagamit ng salita ng Diyos para sa sariling pakinabang, kundi bilang mga tapat na sugo ng Diyos, ay nagsasalita kami para kay Cristo sa paningin ng Diyos.
Mga Lingkod ng Bagong Tipan
3 Ipagmamalaki na naman ba naming muli ang aming sarili? O kailangan ba namin, gaya ng iba, ng mga sulat ng papuri ng aming mga sarili para sa inyo, o mula sa inyo? 2 Kayo mismo ang aming sulat na nakasulat sa aming mga puso at ito'y nauunawaan at nababasa ng lahat ng mga tao. 3 Ipinapahayag (F) ninyo na kayo'y sulat na ipinadala ni Cristo sa pamamagitan ng aming paglilingkod. Kayo'y isinulat hindi ng tinta, kundi ng Espiritu ng Diyos na buháy, hindi sa mga tapyas na yari sa bato kundi sa mga tapyas na gawa sa puso ng tao.
4 Mayroon kaming ganitong pagtitiwala sa pamamagitan ni Cristo sa harapan ng Diyos. 5 Hindi dahil sa mayroon kaming sariling kakayahan upang mag-angkin na sa amin galing ang anuman, kundi sa Diyos nanggaling ang aming kakayahan. 6 Ginawa (G) niya kaming karapat-dapat na maging mga lingkod ng bagong tipan, isang tipan na hindi batay sa titik, kundi sa Espiritu, sapagkat ang titik ay pumapatay, subalit ang Espiritu ay nagbibigay buhay.
7 Ngayon, (H) kung ang paglilingkod[a] na may dalang kamatayan na nakasulat at nakaukit sa mga bato ay dumating na may kaluwalhatian, anupa't ang mga Israelita ay hindi makatitig sa mukha ni Moises dahil sa kaluwalhatian nito, bagama't ang kaluwalhatiang iyon ay lumilipas, 8 di ba't magtataglay ng higit na kaluwalhatian ang paglilingkod na dala ng Espiritu? 9 Kung ang paglilingkod na may dalang kahatulan ay maluwalhati, lalong maluwalhati ang paglilingkod na may dalang katuwiran. 10 Sapagkat sa ganitong kalagayan, ang dating maluwalhati ay wala na ngayong kaluwalhatian, dahil doon sa may higit na kaluwalhatian. 11 At kung ang lumilipas ay dumating na may kaluwalhatian, ang nananatili ay lalong may kaluwalhatian.
12 Kaya't yamang taglay namin ang gayong pag-asa, napakalakas ng loob namin sa pagsasalita. 13 Hindi kami (I) katulad ni Moises, na nagtakip ng kanyang mukha upang hindi makatitig ang mga Israelita sa pagtatapos ng kaluwalhatiang naglalaho. 14 Ngunit nakasara ang kanilang mga pag-iisip, sapagkat hanggang sa araw na ito, kapag kanilang binabasa ang lumang tipan, ang dating talukbong ay naroroon pa rin, sapagkat sa pamamagitan lamang ni Cristo ito maaalis. 15 At hanggang ngayon, tuwing binabasa ang Kautusan ni Moises,[b] may talukbong na nakatakip sa kanilang puso. 16 Gayunman, (J) kapag ang isang tao ay lumalapit sa Panginoon, naaalis ang talukbong na iyon. 17 Ngayon, ang Panginoon ay ang Espiritu, at kung nasaan ang Espiritu ng Panginoon, doon ay may kalayaan. 18 At tayong lahat, na walang talukbong ang mukha, parang sa salamin nakikita sa pamamagitan natin ang kaluwalhatian ng Panginoon. Binabago ang ating anyo upang maging kalarawan niya, mula sa kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian, na nagmumula sa Panginoon na siyang Espiritu.
Mga Kayamanan sa Sisidlang-Lupa
4 Kaya't yamang sa pamamagitan ng kahabagan ng Diyos ay tinataglay namin ang paglilingkod na ito, hindi kami pinanghihinaan ng loob. 2 Sa halip ay itinatakwil namin ang mga kahiya-hiyang bagay na inililihim. Hindi kami namumuhay sa katusuhan at hindi namin binabaluktot ang salita ng Diyos, kundi sa pamamagitan ng pagpapahayag ng katotohanan ay inilalapit namin ang aming sarili sa bawat budhi ng mga tao sa paningin ng Diyos. 3 At kung ang aming ebanghelyo ay natatalukbungan pa, ito ay natatalukbungan lamang sa mga napapahamak. 4 Binulag ng diyos ng sanlibutang ito ang pag-iisip ng mga hindi sumasampalataya, upang hindi nila makita ang liwanag ng ebanghelyo ng kaluwalhatian ni Cristo, na siyang larawan ng Diyos. 5 Sapagkat hindi ang mga sarili namin ang aming ipinangangaral, kundi si Cristo Jesus na Panginoon, at ang aming mga sarili ay mga alipin ninyo alang-alang kay Cristo. 6 Sapagkat (K) ang Diyos na nagsabi, “Magliwanag ang ilaw sa kadiliman,” ay siyang nagliwanag sa aming mga puso upang ihasik ang liwanag ng pagkakilala sa kaluwalhatian ng Diyos na nasa mukha ni Jesu-Cristo.
7 Ngunit taglay namin ang kayamanang ito sa mga sisidlang-lupa, upang ipakita na ang walang kapantay na kapangyarihang ito ay mula sa Diyos, at hindi mula sa amin. 8 Kabi-kabila ang pagpapahirap sa amin, ngunit hindi kami nadudurog; nalilito ngunit hindi nanlulupaypay; 9 pinag-uusig, ngunit hindi pinababayaan; pinababagsak, ngunit hindi nawawasak. 10 Dala-dala namin sa katawan ang kamatayan ni Jesus, upang mahayag din sa aming katawan ang buhay ni Jesus. 11 Sapagkat kaming nabubuhay ay laging nabibingit sa kamatayan dahil kay Jesus, upang ang kanyang buhay ay mahayag sa pamamagitan ng aming katawang may kamatayan. 12 Kaya't ang kumikilos sa amin ay kamatayan, ngunit sa inyo naman ay buhay. 13 Ngunit dahil (L) taglay namin ang gayunding espiritu ng pananampalataya, ayon sa nasusulat, “Sumampalataya ako, kaya't ako ay nagsasalita,” sumasampalataya rin kami, kaya't kami ay nagsasalita. 14 Sapagkat alam namin na ang bumuhay sa Panginoong Jesus ay siya ring bubuhay sa amin na kasama ni Jesus, at dadalhin kaming kasama ninyo sa kanyang harapan. 15 Ang lahat ng mga ito ay para sa inyo, upang ang biyayang nakararating sa mas marami pang mga tao ay lalong magparami ng pagpapasalamat tungo sa ikaluluwalhati ng Diyos.
Mamuhay sa Pananampalataya
16 Kaya't hindi kami pinanghihinaan ng loob; bagaman ang aming panlabas na pagkatao ay nabubulok, binibigyan naman ng panibagong lakas sa araw-araw ang aming panloob na pagkatao. 17 Sapagkat itong magaan at pansamantalang paghihirap ang naghahanda sa atin para sa walang hanggang kaluwalhatian na hindi maihahambing sa anuman. 18 Sapagkat hindi namin pinagmamasdan ang mga bagay na nakikita, kundi ang mga bagay na hindi nakikita, sapagkat ang mga bagay na nakikita ay pansamantala lamang, subalit ang mga bagay na hindi nakikita ay walang hanggan.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.