Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Roma 4-7

Ang Halimbawa ni Abraham

Ano naman ang ating masasabi tungkol sa natuklasan ni Abraham na ating ninuno sa laman? Kung itinuring siyang matuwid dahil sa mga gawa, mayroon siyang ipagmamalaki, ngunit hindi sa harapan ng Diyos. Ano ba (A) ang sinasabi ng Kasulatan? “Sumampalataya si Abraham sa Diyos, at ito ang pinagbatayan ng kanyang pagiging matuwid.” Sa taong nagtatrabaho, ang kanyang tinatanggap ay hindi itinuturing na kaloob kundi sahod. Sa kanya namang walang kalakip na gawa ngunit sumasampalataya sa Diyos at nagtuturing na matuwid sa masama, ang kanyang pananampalataya ang batayan ng kanyang pagiging matuwid. Ganoon din ang sinasabi ni David, na pinagpala ng Diyos ang taong itinuturing na matuwid hindi batay sa anumang gawa:

“Pinagpala (B) ang mga taong pinatawad ang mga pagsuway,
    at silang pinawi na ang mga kasalanan.
Pinagpala ang taong hindi na kailanman sisingilin ng Panginoon sa kanyang kasalanan.”

Ang pagpapala bang ito ay para lamang sa mga tuli, o para din sa mga hindi tuli? Sapagkat sinasabi natin ayon sa kasulatan, “Ang pananampalataya ay pinagbatayan ng pagiging matuwid ni Abraham.” 10 Kailan ito nangyari? Bago o pagkatapos siyang tuliin? Hindi pagkatapos kundi bago siya tinuli. 11 Tinanggap (C) niya ang tanda ng pagtutuli, ang tatak na dahil sa kanyang pananampalataya ay itinuring siyang matuwid sa harapan ng Diyos. Taglay na niya ang pananampalatayang ito bago pa siya tinuli. Sa gayon, siya'y naging ama ng mga sumasampalataya, bagama't hindi mga tuli, ay itinuring na matuwid. 12 Siya rin ang ama ng mga tuli, hindi lamang dahil sila ay tuli, kundi dahil sila ay sumunod din sa mga hakbang ng pananampalataya ng ating amang si Abraham noong hindi pa siya tuli.

Makakamit ang Pangako sa Pamamagitan ng Pananampalataya

13 Sapagkat (D) ang pangako kay Abraham at sa kanyang mga supling na mamanahin nila ang sanlibutan ay dumating hindi dahil sa pamamagitan ng Kautusan, kundi ng pagiging matuwid mula sa pananampalataya. 14 Sapagkat (E) kung silang nasa ilalim ng Kautusan ang magiging mga tagapagmana, walang kabuluhan ang pananampalataya, at wala na ring saysay ang pangako. 15 Sapagkat ang Kautusan ay may dalang poot sa mga lumalabag, at kung walang Kautusan, wala ring paglabag. 16 Ang pangako, (F) kung gayon, ay batay sa pananampalataya, upang ito'y maging isang kaloob na makakamit ng buong lahi ni Abraham, hindi lamang ng mga nasa ilalim ng Kautusan, kundi pati naman ng mga nanampalataya tulad ni Abraham na ama nating lahat. 17 Tulad (G) ng nasusulat, “Ginawa kitang ama ng maraming bansa.” Tinanggap niya ang pangako sa harap ng Diyos na kanyang sinampalatayanan, ang Diyos na nagbibigay-buhay sa mga patay, at lumilikha ng mga bagay na dati ay wala. 18 Sa kabila (H) ng kawalan ng pag-asa, umasa si Abraham na siya'y magiging ama ng maraming bansa sapagkat sinabi sa kanya, “Magiging gayon karami ang iyong lahi.” 19 Hindi (I) nanghina ang kanyang pananampalataya, sa kabila ng katotohanang maituturing na patay na noon ang kanyang katawan, palibhasa'y halos isandaang taon na siya, at baog pa ang kanyang asawang si Sarah. 20 Hindi siya nag-alinlangan sa pangako ng Diyos. Sa halip, lalo siyang pinatatag ng kanyang pananampalataya habang niluluwalhati niya ang Diyos. 21 Lubos na nagtiwala si Abraham na kayang tuparin ng Diyos ang kanyang ipinangako. 22 Sa pagtitiwalang ito ibinatay ng Diyos ang pagiging matuwid ni Abraham.[a] 23 Ang salitang “ibinatay ang kanyang pagiging matuwid” ay isinulat hindi lamang para sa kanya, 24 kundi para rin sa atin. Ituturing tayong matuwid ng Diyos, tayong sumasampalataya sa kanya na muling bumuhay kay Jesus na ating Panginoon. 25 Ibinigay (J) siya upang mamatay dahil sa ating mga pagsuway at muling binuhay upang tayo'y ituring na matuwid.

Mga Bunga ng Pagiging Matuwid

Kaya't yamang tayo'y itinuring nang matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, mayroon na tayong pakikipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Sa pamamagitan din niya ay nabuksan ang daan upang tamasahin natin ang kagandahang-loob ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya.[b] Dahil dito ay nagagalak tayo, dahil na rin sa pag-asang makikibahagi tayo sa kaluwalhatian ng Diyos. At hindi lamang iyan. Nagagalak din tayo sa mga pagdurusang ating nararanasan, sapagkat alam nating ang pagdurusa ay nagbubunga ng pagtitiyaga. Ang pagtitiyaga ay nagbubunga ng katatagan, at ang katatagan ay nagdudulot ng pag-asa. Hindi tayo binibigo ng pag-asa sapagkat ibinuhos ng Diyos sa ating puso ang kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ipinagkaloob sa atin. Sapagkat noong tayo ay mahihina pa, namatay si Cristo sa takdang panahon para sa mga makasalanan. Bihira ang taong mag-aalay ng buhay alang-alang sa isang taong matuwid, bagama't maaaring may mangahas mamatay dahil sa isang mabuting tao. Subalit ipinapakita ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin, na noong tayo'y makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin. At ngayong itinuring na tayong matuwid sa pamamagitan ng kanyang dugo, lalo na tayong maliligtas sa pamamagitan niya mula sa poot ng Diyos. 10 Sapagkat kung noon ngang kaaway tayo ng Diyos ay ipinagkasundo tayo sa kanya sa pamamagitan ng kamatayan ng kanyang Anak, lalo na ngayong ipinagkasundo na tayo sa Diyos! Tiyak na maliligtas tayo sa pamamagitan ng kanyang buhay. 11 At hindi lamang iyan! Nagagalak din tayo sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, sapagkat dahil sa kanya'y nakamtan natin ang pakikipagkasundo sa Diyos.

12 Sa (K) pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan, at ang kamatayan ay pumasok sa pamamagitan ng kasalanan. Dahil dito'y naranasan ng lahat ng tao ang kamatayan, sapagkat ang lahat ay nagkasala. 13 Nasa sanlibutan na ang kasalanan bago pa dumating ang Kautusan, ngunit hindi itinuturing na kasalanan ang kasalanan kung walang Kautusan. 14 Gayunman, naghari ang kamatayan mula kay Adan hanggang kay Moises, pati sa mga taong hindi nagkasala gaya ng paglabag ni Adan, na siyang larawan ng isang paparating.

15 Subalit ang biyaya ng Diyos ay hindi gaya ng pagsuway. Dumating nga ang kamatayan sa marami dahil sa pagsuway ng isang tao; subalit sa pamamagitan din ng isang tao—si Jesu-Cristo—dumating at sumagana sa marami ang handog ng kagandahang-loob ng Diyos! 16 Hindi katulad ng bunga ng pagkakasala ng isang tao ang bunga ng biyaya ng Diyos. Nagbunga ng hatol na parusa ang pagkakasala ng isa, subalit ang biyaya ay nagdulot ng pagiging matuwid ng tao sa kabila ng maraming pagsuway. 17 Sapagkat kung naghari ang kamatayan dahil sa pagsuway ng isang tao, lalong higit ang nakamtan ng mga taong kinahabagan nang sagana at itinuring na matuwid ng Diyos! Maghahari sila sa buhay sa pamamagitan ng isang tao, si Jesu-Cristo. 18 At kung paanong ang pagsuway ng isang tao ay nagbunga ng parusa para sa lahat, sa gayon ding paraan, ang pagiging matuwid ng isang tao ay nagbunga ng pagiging matuwid at buhay para sa lahat. 19 Sapagkat kung marami ang naging makasalanan dahil sa pagsuway ng isang tao, sa pamamagitan din ng pagsunod ng isang tao maraming ituturing na matuwid. 20 Ang pagdating ng Kautusan ay nagbunga ng maraming pagsuway. Ngunit habang dumarami ang kasalanan ay lalong sumasagana ang kagandahang-loob ng Diyos. 21 Kaya nga, kung paanong ang kasalanan ay naghari sa pamamagitan ng kamatayan, gayundin namang ang kagandahang-loob ng Diyos ay maghahari sa pamamagitan ng pagiging matuwid. Magbubunga ito ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon.

Patay sa Kasalanan Ngunit Buháy kay Cristo

Ano ngayon ang sasabihin natin? Magpapatuloy ba tayo sa pagkakasala upang ang kagandahang-loob ng Diyos ay sumagana? Huwag nawang mangyari! Paanong mangyayari na tayong namatay na sa kasalanan ay mabubuhay pa sa kasalanan? Hindi ba ninyo nalalaman na tayong lahat na nabautismuhan kay Cristo Jesus ay nabautismuhan tungo sa kanyang kamatayan? Kung gayon, (L) sa pamamagitan ng bautismo ay namatay na tayo at inilibing na kasama niya upang kung paanong si Cristo ay muling binuhay sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo naman ay lumakad sa panibagong buhay. Sapagkat kung nakiisa tayo kay Cristo sa kamatayan tulad ng sa kanya, tiyak na tayo ay makakasama niya sa muling pagkabuhay na tulad ng sa kanya. Dapat nating malaman ito: na ang dati nating pagkatao ay ipinakong kasama niya sa krus, upang ang makasalanang pagkatao ay mamatay, at nang hindi na tayo pagharian pa ng kasalanan. Sapagkat ang sinumang namatay ay pinalaya na mula sa kasalanan. At kung tayo'y namatay kasama ni Cristo, sumasampalataya tayo na mabubuhay rin tayong kasama niya. Alam nating si Cristo na muling binuhay ay hindi na mamamatay; hindi na siya paghaharian pa ng kamatayan. 10 Nang siya'y namatay, namatay siya nang minsanan para sa kasalanan, at ito'y para sa lahat ng panahon. Ngunit nabubuhay siya ngayon at ang buhay niya ay para sa Diyos. 11 Gayundin naman kayo, ituring ninyo ang inyong mga sarili na patay na sa kasalanan, subalit nabubuhay dahil sa inyong kaugnayan kay Cristo Jesus.

12 Kaya't huwag na ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong katawang may kamatayan, upang huwag na ninyong sundin ang mga hilig nito. 13 Huwag na rin ninyong ialay sa kasalanan ang anumang bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan sa paggawa ng kasamaan. Sa halip, ialay ninyo ang inyong sarili sa Diyos, bilang namatay na at muling binuhay, at ialay sa kanya ang mga bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan ng pagiging matuwid. 14 Hindi na kayo dapat pang pagharian ng kasalanan, yamang wala na kayo sa ilalim ng Kautusan kundi nasa ilalim ng kagandahang-loob ng Diyos.

Mga Alipin ng Katuwiran

15 Ano ngayon? Magpapatuloy ba tayo sa pagkakasala dahil hindi na tayo sakop ng Kautusan kundi ng kagandahang-loob ng Diyos? Huwag nawang mangyari! 16 Hindi ba ninyo alam na kaninuman ninyo ialay ang inyong sarili bilang alipin, kayo'y alipin ng inyong sinusunod, maging ito'y kasalanang hahantong sa kamatayan, o pagsunod na hahantong sa pagiging matuwid? 17 Ngunit salamat sa Diyos, kayong dating alipin ng kasalanan ay buong-pusong sumunod sa aral na doo'y ipinagkatiwala kayo. 18 Pinalaya na kayo sa kasalanan at ngayon ay mga alipin na kayo sa pagiging matuwid. 19 Nagsasalita ako ayon sa pananaw ng tao dahil sa kahinaan ng inyong pagkatao. Kung paanong inialay ninyo bilang alipin ang mga bahagi ng inyong pagkatao sa karumihan at sa kasamaang nagdudulot pa ng lalong kasamaan, ngayon naman ay ialay ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan bilang alipin ng pagiging matuwid na humahantong sa kabanalan. 20 Sapagkat nang alipin pa kayo ng kasalanan, hindi kayo sakop ng pagiging matuwid. 21 Ano naman ang naging bunga ng mga bagay na iyon na nasa inyo noon na ikinahihiya ninyo ngayon? Kamatayan ang kinahinatnan ng mga iyon! 22 Subalit ngayong pinalaya na kayo mula sa kasalanan at naging alipin na ng Diyos, ang bunga nito'y kabanalan, at ang kahihinatnan ay buhay na walang hanggan. 23 Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; ngunit ang walang-bayad na kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

Paglalarawan mula sa Pag-aasawa

Hindi ba ninyo alam, mga kapatid—sinasabi ko ito sa inyong nakauunawa ng Kautusan—na ang Kautusan ay may kapangyarihan lamang sa isang tao habang siya ay nabubuhay? Halimbawa, ayon sa Kautusan, ang asawang babae ay nakatali sa kanyang asawang lalaki habang ito ay nabubuhay. Kung mamatay na ang lalaki, napalaya na ang babae sa Kautusang nagtatali sa kanya sa lalaki. Kaya nga, kung makikisama siya sa ibang lalaki habang buháy pa ang kanyang asawa, ituturing siyang isang mangangalunya. Ngunit kung mamatay ang kanyang asawa, malaya na siya sa Kautusan, at hindi mangangalunya kahit mag-asawa ng ibang lalaki. Gayundin naman, mga kapatid, namatay na kayo sa Kautusan sa pamamagitan ng katawan ni Cristo, upang kayo'y maging pag-aari ng iba, sa kanya na muling binuhay, mula sa kamatayan upang tayo'y magbunga para sa Diyos. Noong tayo'y nabubuhay pa sa laman, ang mga makasalanang pagnanasa, sa pamamagitan ng Kautusan, ay nag-uudyok sa ating mga bahagi upang magbunga tungo sa kamatayan. Ngunit ngayon ay pinalaya na tayo mula sa Kautusan, matapos tayong mamatay sa dating umaalipin sa atin, upang maging alipin tayo sa bagong buhay sa pamamagitan ng Espiritu, at hindi sa pamamagitan ng lumang nakasulat na tuntunin.

Ang Pagkaalipin sa Kasalanan

Ano ngayon ang (M) ibig nating sabihin? Kasalanan ba ang Kautusan? Huwag nawang mangyari! Gayunma'y hindi ko sana nakilala ang kasalanan kung hindi dahil sa Kautusan. Hindi ko sana nakilala ang kasakiman kung hindi sinabi ng Kautusan, “Huwag kang maging sakim.” Sinamantala ng kasalanan ang pagkakataon upang sa pamamagitan ng Kautusan ay gumawa sa aking kalooban ng lahat ng uri ng kasakiman. Sapagkat kung walang Kautusan, patay ang kasalanan. Noong una, nabubuhay akong hiwalay sa Kautusan. Ngunit nang dumating ang utos, muling nabuhay ang kasalanan, 10 at ako'y namatay. Ang Kautusan na dapat sanang magbigay sa akin ng buhay ang nagdulot sa akin ng kamatayan. 11 Sapagkat (N) sinamantala ng kasalanan ang pagkakataong nakita nito sa Kautusan upang ako ay dayain, at sa pamamagitan ng Kautusan ay pinatay ako. 12 Kaya ang Kautusan ay banal at ang tuntunin ay banal, matuwid, at mabuti.

13 Nangangahulugan bang ang mabuting bagay ang nagdulot sa akin ng kamatayan? Huwag nawang mangyari! Ang kasalanan ang pumatay sa akin sa pamamagitan ng mabuting Kautusan. Nangyari ito upang ipakita ang kasalanan bilang kasalanan, at upang sa pamamagitan ng Kautusan ay mapatunayan na ang kasalanan ay napakasama.

14 Alam nating ang Kautusan ay espirituwal, ngunit ako'y makalaman, at aliping ipinagbili sa kasalanan. 15 Hindi (O) ko maunawaan ang aking sarili. Sapagkat kung ano ang nais kong gawin ay hindi ko ginagawa, at kung ano ang kinamumuhian kong gawin ay siya namang aking ginagawa. 16 At kung ginagawa ko ang hindi ko nais, sumasang-ayon ako na mabuti nga ang Kautusan. 17 Kung gayon, hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang naninirahan sa akin. 18 Alam kong walang anumang mabuting naninirahan sa aking likas na pagkatao. Sapagkat ang pagnanais na gumawa ng mabuti ay nasa akin, ngunit hindi ko ito maisagawa. 19 Sapagkat hindi ko ginagawa ang mabuti na nais kong gawin, kundi ang masama na ayaw kong gawin ang aking ginagawa. 20 At kung ang ayaw kong gawin ang aking ginagawa, hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang naninirahan sa akin. 21 Kaya nga natuklasan ko ang isang tuntunin: kapag nais kong gumawa ng mabuti, ang kasamaan ay malapit sa akin. 22 Sa kaloob-looban ng aking pagkatao ay nasisiyahan ako sa Kautusan ng Diyos. 23 Subalit may nakikita akong ibang kautusan sa mga bahagi ng aking pagkatao na nakikipaglaban sa kautusan ng aking pag-iisip, at binibihag ako sa ilalim ng kautusan ng kasalanan na nasa bahagi ng aking pagkatao. 24 Napakalungkot kong tao! Sino ang sasagip sa akin mula sa katawang ito na nagdudulot ng kamatayan? 25 Salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon! Kaya nga, sa aking isip ako ay alipin sa Kautusan ng Diyos, ngunit sa aking laman ako'y alipin sa kautusan ng kasalanan.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.