Beginning
Imoralidad sa Loob ng Iglesya
5 Sa(A) katunayan ay nababalita na may pakikiapid sa inyo, at ang ganyang pakikiapid ay wala kahit sa mga pagano; sapagkat ang isang lalaki ay nakikipisan sa asawa ng kanyang ama.
2 At kayo ay nagmamalaki pa! Hindi ba dapat kayong malumbay, upang maalis sa gitna ninyo ang gumagawa nito?
3 Sapagkat bagaman ako ay wala sa katawan, ako'y nasa harapan ninyo sa espiritu. Kaya't tulad sa isang nasa harapan ninyo, hinahatulan ko na ang gumawa ng bagay na ito,
4 sa pangalan ng ating Panginoong Jesus. Kapag kayo ay nagkakatipon kasama ang aking espiritu na taglay ang kapangyarihan ng ating Panginoong Jesus,
5 ay ibigay ang ganyang tao kay Satanas sa ikawawasak ng laman, upang ang kanyang espiritu ay maligtas sa araw ng Panginoong Jesus.
6 Hindi(B) mabuti ang inyong pagmamapuri. Hindi ba ninyo nalalaman na ang kaunting pampaalsa ay nagpapaalsa sa buong masa?
7 Alisin(C) ninyo ang lumang pampaalsa, upang kayo'y maging bagong masa, kung paanong kayo nga'y walang pampaalsa. Sapagkat si Cristo, ang kordero ng ating paskuwa, ay naialay na.
8 Kaya(D) nga, ipagdiwang natin ang pista, hindi ng may lumang pampaalsa, o sa pampaalsa man ng masamang hangad at kasamaan, kundi sa tinapay na walang pampaalsa ng katapatan at katotohanan.
9 Isinulat ko sa inyo sa aking sulat na huwag kayong makisama sa mga mapakiapid,
10 hindi ang ibig sabihin ay sa mga mapakiapid ng sanlibutang ito, o sa mga masasakim at mga magnanakaw, o sa mga sumasamba sa diyus-diyosan, sa gayo'y kailangan pa kayong lumabas sa sanlibutan.
11 Kundi ngayon ay sinusulatan ko kayo na huwag kayong makisama sa kanino mang tinatawag na kapatid, kung siya'y mapakiapid, o sakim, o sumasamba sa diyus-diyosan, o nagmumura, o maglalasing, o magnanakaw—ni huwag man lamang kayong kumaing kasalo ng ganyang uri ng tao.
12 Sapagkat anong kinalaman ko sa paghatol sa nasa labas? Hindi ba yaong mga nasa loob ang inyong hahatulan?
13 Subalit(E) ang Diyos ang humahatol sa mga nasa labas. “Alisin ninyo ang masamang tao sa gitna ninyo.”
Tungkol sa mga Usapin Laban sa Kapatid
6 Kapag ang sinuman sa inyo ay may reklamo laban sa isang kapatid, mangangahas ba siyang magsakdal sa harapan ng mga masasama at hindi sa harapan ng mga banal?
2 Hindi ba ninyo nalalaman na ang mga banal ay hahatol sa sanlibutan? At kung ang sanlibutan ay hahatulan ninyo, wala ba kayong kakayahang humatol sa napakaliliit na bagay?
3 Hindi ba ninyo nalalaman na ating hahatulan ang mga anghel? Gaano pa kaya ang mga bagay na may kinalaman sa buhay na ito?
4 Kung kayo nga'y mayroong usapin tungkol sa mga bagay ng buhay na ito, itinatalaga ba ninyong hukom ang mga taong maliit lamang ang pagkilala ng iglesya?
5 Sinasabi ko ito upang mapahiya kayo. Wala bang kahit isa mang tao sa inyo na marunong na may kakayahang magpasiya sa kanyang mga kapatid,
6 kundi ang isang kapatid na nagdedemanda laban sa kapatid, at ito'y sa harapan ng mga hindi mananampalataya?
7 Sa katunayan, ang magkaroon kayo ng usapin laban sa isa't-isa ay isa nang pagkatalo para sa inyo. Bakit hindi ninyo hayaan na lamang na kayo'y gawan ng masama? Bakit hindi na lamang kayo padaya?
8 Ngunit kayo mismo ang gumagawa ng masama at nandaraya at ito'y sa inyong mga kapatid.
9 Hindi ba ninyo nalalaman na ang mga masasamang tao ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos? Huwag kayong padaya! Ang mga mapakiapid, mga sumasamba sa diyus-diyosan, mga mangangalunya, mga binabae, mga nakikiapid sa kapwa lalaki,
10 mga magnanakaw, masasakim, mga maglalasing, mga mapagmura, o ang mga manggagantso ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.
11 At ganyan ang mga ilan sa inyo noon. Subalit nahugasan na kayo, ginawa na kayong banal, at inaring-ganap na kayo sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo, at sa Espiritu ng ating Diyos.
12 “Ang(F) lahat ng mga bagay para sa akin ay matuwid;” ngunit hindi lahat ng mga bagay ay makakatulong. “Ang lahat ng mga bagay para sa akin ay matuwid,” ngunit hindi ako paaalipin sa anuman.
13 “Ang pagkain ay para sa tiyan, at ang tiyan ay para sa pagkain,” ngunit ito at ang mga iyon ay wawasakin ng Diyos. Gayunman ang katawan ay hindi para sa pakikiapid, kundi para sa Panginoon, at ang Panginoon ay para sa katawan.
14 At binuhay ng Diyos ang Panginoon at bubuhayin din tayo sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
15 Hindi ba ninyo nalalaman na ang inyong mga katawan ay mga sangkap ni Cristo? Kukunin ko ba ang mga sangkap ni Cristo at gagawin kong mga sangkap ng isang masamang babae? Huwag nawang mangyari.
16 Hindi(G) ba ninyo nalalaman na ang nakikisama sa masamang babae ay nagiging iisang katawan na kasama niya? Sapagkat sinasabi, “Ang dalawa ay magiging isang laman.”
17 Ngunit siya na nakikisama sa Panginoon ay nagiging iisang espiritu na kasama niya.
18 Umiwas kayo sa pakikiapid. Bawat kasalanang maaaring gawin ng tao ay nasa labas ng katawan; ngunit ang gumagawa ng pakikiapid ay nagkakasala laban sa kanyang sariling katawan.
19 O(H) hindi ba ninyo nalalaman na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo, na tinanggap ninyo mula sa Diyos, at kayo ay hindi sa inyong sarili?
20 Sapagkat kayo'y binili sa isang halaga, kaya't luwalhatiin ninyo ng inyong katawan ang Diyos.
Mga Tagubilin tungkol sa Pag-aasawa
7 Ngayon, tungkol sa mga bagay na isinulat ninyo: “Mabuti para sa isang lalaki ay huwag humipo sa babae.”
2 Subalit, dahil sa mga nangyayaring pakikiapid, ang bawat lalaki ay magkaroon ng kanyang sariling asawa, at bawat babae ay magkaroon ng kanyang sariling asawa.
3 Dapat ibigay ng lalaki sa asawa ang karapatan nito, gayundin naman ang babae sa kanyang asawa.
4 Sapagkat ang babae ay walang karapatan sa kanyang katawan, kundi ang asawa, at gayundin ang lalaki ay walang karapatan sa kanyang sariling katawan, kundi ang asawa.
5 Huwag pagkaitan ang isa't isa, maliban kung pagkasunduan ng ilang panahon, upang maiukol ang mga sarili sa pananalangin, at pagkatapos ay muli kayong magsama, baka kayo'y tuksuhin ni Satanas dahil sa kakulangan ng pagpipigil sa sarili.
6 Ngunit ito'y sinasabi ko bilang pagbibigay, hindi isang utos.
7 Ibig ko sana na ang lahat ng tao ay maging gaya ko. Ngunit ang bawat tao'y mayroong kanya-kanyang kaloob mula sa Diyos, ang isa'y ganito at ang iba'y ganoon.
8 Subalit sinasabi ko sa mga walang asawa at sa mga babaing balo, mabuti sa kanila kung sila'y mananatiling gaya ko.
9 Ngunit kung sila'y hindi nakakapagpigil, ay dapat silang magsipag-asawa, sapagkat mas mabuti pang mag-asawa kaysa mag-alab ang pagnanasa.
10 Subalit(I) sa mga may asawa ay aking itinatagubilin, hindi ako, kundi ang Panginoon, na ang babae ay huwag humiwalay sa kanyang asawa.
11 (Subalit kung siya ma'y humiwalay, manatili siyang walang asawa, o kaya'y makipagkasundo sa kanyang asawa), at huwag hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa.
12 Subalit sa iba, ay ako ang nagsasabi, hindi ang Panginoon, na kung ang sinumang kapatid na lalaki ay may asawang hindi mananampalataya, at pumayag siyang mamuhay na kasama niya, ay huwag niya siyang hiwalayan.
13 At kung ang babae ay may asawa na hindi mananampalataya, at pumayag ang lalaking ito na mamuhay na kasama niya, ay huwag niyang hiwalayan ang kanyang asawa.
14 Sapagkat ang lalaking hindi mananampalataya ay nagiging banal sa pamamagitan ng kanyang asawa, at ang babaing hindi mananampalataya ay nagiging banal sa pamamagitan ng kanyang asawa. Kung hindi, ang inyong mga anak ay magiging marumi, ngunit ngayon sila'y mga banal.
15 Subalit kung humiwalay ang hindi mananampalataya, ay hayaan siyang humiwalay; ang kapatid na lalaki o kapatid na babae ay hindi nagagapos sa mga ganitong kalagayan, sapagkat tayo ay tinawag ng Diyos sa kapayapaan.
16 Asawang babae, paano mo malalaman kung maililigtas mo ang iyong asawa? Asawang lalaki, paano mo malalaman kung maililigtas mo ang iyong asawa?
Mamuhay Ayon sa Pagkatawag ng Diyos
17 Hayaang ang bawat isa ay mamuhay ayon sa itinalaga ng Panginoon sa kanya, at ayon sa pagkatawag sa kanya ng Diyos. Ito ang iniuutos ko sa lahat ng mga iglesya.
18 Mayroon bang sinuman na nang siya'y tawagin ay tuli na? Huwag niyang alisin ang mga tanda ng pagtutuli. Mayroon bang sinuman na nang siya'y tawagin ay di-tuli? Huwag siyang magpatuli.
19 Ang pagtutuli ay walang kabuluhan, at ang di-pagtutuli ay walang kabuluhan; kundi ang pagtupad sa mga utos ng Diyos.
20 Ang bawat isa ay hayaang manatili sa kalagayan nang siya ay tawagin.
21 Ikaw ba ay alipin nang ikaw ay tawagin? Huwag kang mag-alala. Subalit kung magagawa mong maging malaya, samantalahin mo ang pagkakataon.
22 Sapagkat ang tinawag sa Panginoon nang siya'y alipin ay malaya sa Panginoon, gayundin ang tinawag nang siya'y malaya ay alipin ni Cristo.
23 Kayo'y binili sa halaga, huwag kayong maging mga alipin ng mga tao.
24 Kaya, mga kapatid, hayaang ang bawat isa'y manatili sa kalagayan nang siya'y tawagin ng Diyos.
Tungkol sa Walang Asawa at sa Balo
25 Ngayon, tungkol sa mga dalaga[a] ay wala akong utos mula sa Panginoon, ngunit ibinibigay ko ang aking kuru-kuro bilang isa na sa pamamagitan ng habag ng Panginoon ay mapagkakatiwalaan.
26 Sa palagay ko, dahil sa kasalukuyang kagipitan, makakabuti sa isang tao ang manatili sa kanyang kalagayan.
27 Nakatali ka ba sa asawa? Huwag mong sikaping mahiwalay. Ikaw ba ay malaya sa asawa? Huwag kang humanap ng asawa.
28 Ngunit kung ikaw ay mag-aasawa, ay hindi ka nagkakasala, at kung ang isang dalaga ay mag-asawa, ay hindi siya nagkakasala. Subalit ang mga tulad nila ay magkakaroon ng kahirapan sa buhay na ito[b] at sinisikap ko lamang na iligtas kayo.
29 Mga kapatid, ang ibig kong sabihin ay maigsi na ang panahon. Mula ngayon, ang mga lalaking may asawa ay maging mga tulad sa walang asawa;
30 at ang mga umiiyak ay maging tulad sa mga hindi umiiyak, at ang nagagalak ay maging tulad sa hindi nagagalak; at ang mga bumibili ay maging tulad sa mga walang pag-aari,
31 at ang mga may pakikitungo sa sanlibutan, ay maging parang walang pakikitungo rito, sapagkat ang kasalukuyang anyo ng sanlibutang ito ay lumilipas.
32 Nais kong maging malaya kayo sa pagkabalisa. Ang walang asawa ay nababalisa sa mga bagay ng Panginoon, kung paano niya mabibigyang-kasiyahan ang Panginoon;
33 ngunit ang may asawa ay nababalisa sa mga bagay ng sanlibutan, kung paano niya mabibigyang-kasiyahan ang kanyang asawa,
34 at ang kanyang pansin ay nahahati. Ang babaing walang asawa at ang dalaga ay nababalisa sa mga bagay ng Panginoon, upang siya'y maging banal sa katawan at sa espiritu, ngunit ang babaing may asawa ay nababalisa sa mga bagay ng sanlibutan, kung paano niya bibigyang-kasiyahan ang kanyang asawa.
35 Sinasabi ko ito ngayon para sa inyong ikabubuti, hindi upang lagyan ko kayo ng silo, kundi kung ano ang nararapat at upang kayo'y makapaglingkod sa Panginoon nang walang sagabal.
36 Ngunit kung ang sinuman ay nag-iisip na hindi siya kumikilos ng nararapat sa kanyang nobya[c] na sumapit na sa kanyang hustong gulang, ay hayaang mangyari ang gusto niya, hayaan silang magpakasal—hindi ito kasalanan.
37 Subalit sinumang nananatiling matibay sa kanyang puso, na hindi naman nangangailangan kundi napipigil niya ang kanyang sariling pagnanais at ipinasiya sa kanyang puso na panatilihin siya bilang kanyang nobya,[d] ay mabuti ang kanyang ginagawa.
38 Kaya't ang magpakasal sa kanyang nobya ay gumagawa ng mabuti at ang umiiwas mag-asawa ay gumagawa ng higit na mabuti.
39 Ang babaing may asawa ay nakatali habang nabubuhay ang kanyang asawa. Ngunit kung patay na ang kanyang asawa, malaya na siyang makakapag-asawa sa kanino mang ibig niya, lamang ay sa Panginoon.
40 Ngunit batay sa aking kuru-kuro, siya ay higit na maligaya kung mananatili siya sa kanyang kalagayan. At iniisip ko rin naman na ako'y may Espiritu ng Diyos.
Tungkol sa mga Pagkaing Inihain sa Diyus-diyosan
8 Ngayon, tungkol sa mga pagkaing inihain sa mga diyus-diyosan: nalalaman natin na tayong lahat ay may kaalaman. Ang kaalaman ay nagpapalaki ng ulo, ngunit ang pag-ibig ay nagpapatibay.
2 Kung ang sinuman ay nag-aakala na siya'y may nalalamang anuman, hindi pa niya nalalaman ang nararapat niyang malaman;
3 subalit kung ang sinuman ay nagmamahal sa Diyos, ang taong ito ay kilala niya.
4 Kaya, tungkol sa pagkain ng mga bagay na inihain sa mga diyus-diyosan, nalalaman natin na ang diyus-diyosan ay walang kabuluhan sa sanlibutan, at walang Diyos liban sa iisa.
5 Sapagkat bagaman mayroong mga tinatawag na mga diyos, maging sa langit o sa lupa, gaya nang pagkakaroon ng maraming mga “diyos” at maraming mga “panginoon,”
6 ngunit sa ganang atin ay may isang Diyos, ang Ama, na sa kanya nagmula ang lahat ng mga bagay, at tayo'y para sa kanya, at may isang Panginoon, si Jesu-Cristo, na sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, at tayo ay sa pamamagitan niya.
7 Gayunman, hindi lahat ng mga tao ay nagtataglay ng kaalamang ito. Subalit ang ilan na hanggang ngayon ay namihasa sa diyus-diyosan, ay kumakain na parang isang bagay na inihain sa diyus-diyosan, at ang kanilang budhi, palibhasa'y mahina, ay nadudungisan.
8 Subalit ang pagkain ay hindi maglalapit sa atin sa Diyos. Hindi tayo nagkukulang kung tayo'y hindi kumain, at hindi tayo higit na mabuti kung tayo'y kumain.
9 Subalit mag-ingat kayo, baka ang kalayaan ninyong ito ay maging katitisuran sa mahihina.
10 Sapagkat kapag nakita ka ng iba na nakikisalo sa pagkain sa templo ng diyus-diyosan, ikaw na nagtataglay ng kaalaman, hindi kaya sila maganyak na kumain ng mga bagay na inihain sa mga diyus-diyosan, yamang mahina ang kanilang budhi?
11 Kaya't sa pamamagitan ng iyong kaalaman ay napahamak ang mahina, ang kapatid na dahil sa kanya'y namatay si Cristo.
12 Kaya't sa pagkakasala laban sa mga kapatid, at sa pagsugat sa kanilang mahinang budhi, ay nagkakasala kayo laban kay Cristo.
13 Kaya, kung ang pagkain ay nakapagpapatisod sa aking kapatid, kailanman ay hindi ako kakain ng karne, upang ako'y huwag makapagpatisod sa aking kapatid.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001