Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Roma 4-7

Ang Halimbawa ni Abraham

Ano nga ang ating sasabihin na natuklasan ni Abraham na ating ninuno ayon sa laman?

Sapagkat kung si Abraham ay itinuring na ganap sa pamamagitan ng mga gawa, ay mayroon sana siyang ipagmamalaki, ngunit hindi sa Diyos.

Sapagkat(A) ano ang sinasabi ng kasulatan? “Sumampalataya si Abraham sa Diyos, at iyon ay ibinilang sa kanya na katuwiran.”

Ngayon sa gumagawa, ang kabayaran ay hindi itinuturing na biyaya, kundi siyang talagang nararapat.

Ngunit sa kanya na hindi gumagawa, kundi sumasampalataya sa kanya na umaaring-ganap sa masamang tao, ang kanyang pananampalataya ay itinuturing na katuwiran.

Gaya naman ng sinasabi ni David tungkol sa pagiging mapalad ng tao na itinuturing ng Diyos na matuwid na hiwalay sa gawa:

“Mapapalad(B) ang mga pinatatawad sa kanilang mga masasamang gawa,
    at ang mga tinakpan ang kanilang mga kasalanan.
Mapalad ang tao na hindi ibibilang laban sa kanya ng Panginoon ang kasalanan.”

Ipinahayag nga ba ang pagiging mapalad na ito sa pagtutuli, o gayundin sa di-pagtutuli? Sapagkat sinasabi natin, “Ang pananampalataya ay ibinilang na pagiging matuwid kay Abraham.”

10 Paano nga ito ibinilang? Iyon ba'y bago siya tinuli o nang tuli na siya? Iyon ay hindi pagkatapos na siya ay tuliin, kundi bago siya tinuli.

11 Tinanggap(C) niya ang tanda ng pagtutuli, na isang tatak ng pagiging matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya na nasa kanya nang siya'y di pa tuli. Ang layunin ay upang siya'y maging ama ng mga sumasampalataya, bagaman sila'y di-tuli, at upang ang pagiging matuwid ay maibilang din sa kanila,

12 gayundin ang ama ng pagtutuli na hindi lamang sa mga pagtutuli kundi pati naman sa mga sumusunod sa mga hakbang ng pananampalataya na taglay ng ating amang si Abraham na nasa kanya bago siya tinuli.

Makakamit ang Pangako sa Pamamagitan ng Pananampalataya

13 Sapagkat(D) ang pangako na kanyang mamanahin ang sanlibutan ay hindi dumating kay Abraham o sa kanyang binhi sa pamamagitan ng kautusan kundi sa pamamagitan ng pagiging matuwid ng pananampalataya.

14 Sapagkat(E) kung silang nasa kautusan ang siyang mga tagapagmana, walang kabuluhan ang pananampalataya, at pinawawalang saysay ang pangako.

15 Sapagkat ang kautusan ay gumagawa ng galit; ngunit kung saan walang kautusan ay wala ring paglabag.

16 Dahil(F) dito, iyon ay batay sa pananampalataya, upang maging ayon sa biyaya; upang ang pangako ay maging tiyak para sa lahat ng binhi, hindi lamang sa nasa kautusan, kundi pati naman sa nasa pananampalataya ni Abraham (na ama nating lahat,

17 gaya(G) ng nasusulat, “Ginawa kitang ama ng maraming bansa”) sa harapan ng Diyos na kanyang sinampalatayanan, na nagbibigay-buhay sa mga patay, at ang mga bagay na hindi buháy noon ay binubuhay niya ngayon.

18 Umaasa(H) kahit wala nang pag-asa, siya'y sumampalataya na siya'y magiging “ama ng maraming bansa” ayon sa sinabi, “Magiging napakarami ang iyong binhi.”

19 Hindi(I) siya nanghina sa pananampalataya, itinuring niya ang sariling katawan tulad sa patay na (sapagkat siya'y may mga isandaang taon na noon), at ang pagkabaog ng bahay-bata ni Sarah.

20 Gayunman, hindi siya nag-alinlangan sa pangako ng Diyos sa pamamagitan ng di-paniniwala, kundi pinalakas siya ng pananampalataya habang niluluwalhati niya ang Diyos,

21 at lubos na naniwala na kayang gawin ng Diyos ang kanyang ipinangako.

22 Kaya't ang kanyang pananampalataya[a] ay ibinilang na katuwiran sa kanya.

23 Ngayo'y hindi lamang dahil sa kanya isinulat ang salitang, “sa kanya'y ibinilang,”

24 kundi dahil din naman sa atin, na ibibilang sa atin na mga sumasampalataya sa kanya na muling bumuhay kay Jesus na ating Panginoon mula sa mga patay,

25 na(J) ibinigay sa kamatayan dahil sa ating mga pagsuway at muling binuhay upang tayo'y ariing-ganap.

Mga Bunga ng Pag-aaring-ganap

Kaya't yamang tayo'y inaring-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya, mayroon tayong[b] kapayapaan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Sa pamamagitan niya'y nakalapit tayo[c] sa biyayang ito na ating pinaninindigan, at nagagalak tayo sa pag-asa ng kaluwalhatian ng Diyos.

At hindi lamang gayon, kundi nagagalak rin tayo sa ating mga kapighatian sa pagkaalam na ang kapighatian ay nagbubunga ng pagtitiis,

at ang pagtitiis ng pagpapatibay; at ang pagpapatibay ng pag-asa.

At hindi tayo binibigo ng pag-asa, sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ibinigay sa atin.

Sapagkat noong tayo ay mahihina pa, sa tamang panahon si Cristo ay namatay para sa masasama.

Sapagkat bihirang mangyari na ang isang tao'y mamatay alang-alang sa isang taong matuwid; bagama't alang-alang sa isang mabuting tao marahil ay may mangangahas mamatay.

Subalit pinatutunayan ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin, na noong tayo'y mga makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin.

Lalo pa nga, ngayong itinuturing tayong ganap sa pamamagitan ng kanyang dugo, ay maliligtas tayo sa galit ng Diyos sa pamamagitan niya.

10 Sapagkat kung noon ngang tayo'y mga kaaway, ay pinakipagkasundo tayo sa Diyos sa pamamagitan ng kamatayan ng kanyang Anak, lalo ngayong ipinagkasundo na, ay maliligtas tayo sa pamamagitan ng kanyang buhay.

11 At hindi lamang gayon, kundi tayo'y nagagalak rin sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na sa pamamagitan niya'y tinamo natin ngayon ang pakikipagkasundo.

12 Kaya't(K) kung paanong sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan, at sa pamamagitan ng kasalanan ay ang kamatayan, kaya't dumating sa lahat ng mga tao ang kamatayan, sapagkat ang lahat ay nagkasala;

13 tunay na ang kasalanan ay nasa sanlibutan bago pa dumating ang kautusan, ngunit hindi ibinibilang ang kasalanan kung walang kautusan.

14 Gayunman, ang kamatayan ay naghari mula kay Adan hanggang kay Moises, kahit sa kanila na hindi nagkasala ng tulad sa paglabag ni Adan, na siyang anyo ng isa na darating.

15 Subalit ang kaloob na walang bayad ay hindi gaya ng pagsuway. Sapagkat kung sa pamamagitan ng pagsuway ng isa ang marami ay namatay, lalo pang sumagana para sa marami ang biyaya ng Diyos, at ang kaloob dahil sa biyaya ng isang tao, na si Jesu-Cristo.

16 At ang kaloob na walang bayad ay hindi gaya ng ibinunga ng pagkakasala ng isang tao; sapagkat ang kahatulan na dumating na kasunod ng pagkakasala ng isa ay nagbunga ng paghatol, subalit ang kaloob na walang bayad na kasunod ng maraming pagsuway ay nagbunga ng pag-aaring-ganap.

17 Sapagkat kung paanong sa pagsuway ng isa ay naghari ang kamatayan sa pamamagitan ng isa; ang tumatanggap ng kasaganaan ng biyaya at kaloob ng pagiging matuwid ay lalo pang maghahari sa buhay sa pamamagitan ng isa, si Jesu-Cristo.

18 Kaya't kung paanong sa pamamagitan ng isang pagsuway ay dumating ang kahatulan sa lahat ng mga tao; gayundin naman sa pamamagitan ng isang matuwid na gawa ay dumating sa lahat ng mga tao ang pag-aaring-ganap at buhay.

19 Sapagkat kung paanong sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao ang marami ay naging mga makasalanan, gayundin sa pamamagitan ng pagsunod ng isa ang marami ay magiging mga matuwid.

20 Subalit dumating ang kautusan na nagbunga ng pagdami ng pagsuway, ngunit kung saan marami ang kasalanan, ay lalong dumarami ang biyaya;

21 upang, kung paanong ang kasalanan ay naghari sa kamatayan, ay gayundin naman ang biyaya ay makapaghahari sa pamamagitan ng pagiging matuwid tungo sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na Panginoon natin.

Patay sa Kasalanan Ngunit Buháy Dahil kay Cristo

Ano nga ang ating sasabihin? Magpapatuloy ba tayo sa pagkakasala upang ang biyaya ay sumagana?

Huwag nawang mangyari. Tayong mga namatay na sa pagkakasala, paano nga tayong mabubuhay pa roon?

O hindi ba ninyo nalalaman na tayong lahat na mga nabautismuhan kay Cristo Jesus ay mga nabautismuhan tungo sa kanyang kamatayan?

Kaya't(L) tayo ay inilibing na kasama niya sa pamamagitan ng bautismo tungo sa kamatayan; na kung paanong si Cristo ay muling nabuhay mula sa mga patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, gayundin naman tayo'y makakalakad sa panibagong buhay.

Sapagkat kung tayo'y naging kasama niya na katulad ng kanyang kamatayan, ay magkakagayon din naman tayo sa kanyang muling pagkabuhay.

Nalalaman natin na ang ating dating pagkatao ay kasama niyang ipinako sa krus, upang ang katawang makasalanan ay mawalan ng bisa, at upang tayo'y hindi na magpaalipin pa sa kasalanan;

sapagkat ang namatay ay pinalaya na mula sa kasalanan.

Subalit kung tayo'y namatay na kasama ni Cristo, sumasampalataya tayo na mabubuhay ding kasama niya.

Nalalaman nating si Cristo na nabuhay mula sa mga patay ay hindi na mamamatay; ang kamatayan ay wala nang paghahari sa kanya.

10 Sapagkat ang kamatayan na ikinamatay niya ay kanyang ikinamatay sa kasalanan nang minsanan; ngunit ang buhay na kanyang ikinabubuhay ay kanyang ikinabubuhay sa Diyos.

11 Gayundin naman kayo, ituring ninyong kayo'y tunay na mga patay na sa kasalanan, ngunit mga nabubuhay sa Diyos kay Cristo Jesus.

12 Kaya't huwag ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong katawang may kamatayan, upang masunod ang mga pagnanasa nito.

13 At huwag din ninyong ihandog ang mga bahagi ng inyong katawan sa kasalanan bilang kasangkapan ng kasamaan tungo sa kasalanan, kundi ihandog ninyo ang inyong sarili sa Diyos, na tulad sa mga buháy mula sa mga patay, at ang mga bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan ng pagiging matuwid tungo sa Diyos.

14 Sapagkat ang kasalanan ay hindi makapaghahari sa inyo, sapagkat wala kayo sa ilalim ng kautusan kundi nasa ilalim ng biyaya.

Mga Alipin ng Katuwiran

15 Ano nga? Magkakasala ba tayo, dahil tayo'y wala sa ilalim ng kautusan, kundi nasa ilalim ng biyaya? Huwag nawang mangyari.

16 Hindi ba ninyo nalalaman na kung kanino ninyo inihahandog ang inyong mga sarili bilang alipin sa pagsunod, kayo'y mga alipin niya na inyong sinusunod; maging ng kasalanan tungo sa kamatayan, o ng pagsunod tungo sa pagiging matuwid?

17 Ngunit salamat sa Diyos, na bagama't kayo'y dating mga alipin ng kasalanan, kayo'y taos-pusong sumunod sa anyo ng aral na doon ay ipinagkatiwala kayo.

18 At pagkatapos na mapalaya kayo sa kasalanan ay naging mga alipin kayo sa paggawa ng matuwid.

19 Nagsasalita ako ayon sa pamamaraan ng tao dahil sa kahinaan ng inyong laman. Sapagkat kung paanong inihandog ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan bilang alipin ng karumihan tungo sa higit at higit pang kasamaan, ngayon naman ay ihandog ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan bilang alipin sa paggawa ng matuwid tungo sa kabanalan.

20 Sapagkat nang kayo ay mga alipin pa ng kasalanan, kayo'y malalaya tungkol sa pagiging matuwid.

21 Kaya't ano ngang bunga mayroon kayo sa mga bagay na ngayo'y ikinahihiya ninyo? Sapagkat ang kahihinatnan ng mga bagay na iyon ay kamatayan.

22 Subalit ngayong pinalaya na kayo sa kasalanan at naging mga alipin ng Diyos, na nagbubunga naman ng kabanalan, ang kahihinatnan ay buhay na walang hanggan.

23 Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; ngunit ang kaloob ng Diyos na walang bayad ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na Panginoon natin.

Paglalarawan mula sa Pag-aasawa

O hindi ba ninyo nalalaman, mga kapatid (sapagkat ako'y nagsasalita sa mga nakakaalam ng kautusan), na ang kautusan ay umiiral lamang sa tao habang siya'y nabubuhay pa?

Sapagkat ang asawang babae ay itinali ng kautusan sa asawang lalaki habang ito ay nabubuhay; ngunit kung mamatay ang asawang lalaki, siya ay nakalagan na sa kautusan ng asawang lalaki.

Kaya nga, kung siya'y makikipisan sa ibang lalaki habang nabubuhay pa ang asawang lalaki, siya'y tatawaging mangangalunya; ngunit kung mamatay ang asawang lalaki, siya ay malaya na sa kautusan, at siya'y hindi isang mangangalunya kung siya man ay makipisan sa ibang lalaki.

Gayundin naman, mga kapatid ko, kayo'y namatay sa kautusan sa pamamagitan ng katawan ni Cristo; upang kayo'y makipisan sa iba, samakatuwid ay sa kanya na bumangon mula sa mga patay upang tayo'y magbunga para sa Diyos.

Sapagkat nang tayo'y nasa laman pa, ang mga pagnanasa ng mga kasalanan na pawang sa pamamagitan ng kautusan ay gumagawa sa mga bahagi ng ating katawan upang magbunga para sa kamatayan.

Subalit ngayon tayo'y nakalagan sa kautusan, yamang tayo'y namatay doon sa umalipin sa atin, upang makapaglingkod sa bagong buhay sa Espiritu, at hindi sa lumang batas na nakasulat.

Ang Kautusan at ang Kasalanan

Ano(M) nga ang ating sasabihin? Ang kautusan ba'y kasalanan? Huwag nawang mangyari. Gayunma'y hindi ko sana nakilala ang kasalanan, kung hindi sa pamamagitan ng kautusan; sapagkat hindi ko sana nakilala ang pag-iimbot kung hindi sinasabi ng kautusan, “Huwag kang mag-iimbot.”

Ngunit ang kasalanan, pagkakita ng pagkakataon sa pamamagitan ng utos, ay gumawa sa akin ng sari-saring pag-iimbot, sapagkat kung walang kautusan ang kasalanan ay patay.

Minsan ako'y nabubuhay na hiwalay sa kautusan; subalit nang dumating ang utos, ay muling nabuhay ang kasalanan,

10 at ako'y namatay, at ang utos na tungo sa buhay ay natuklasan kong ito'y tungo sa kamatayan.

11 Sapagkat(N) ang kasalanan, pagkakita ng pagkakataon sa pamamagitan ng utos, ay dinaya ako, at sa pamamagitan nito ay pinatay ako.

12 Kaya't ang kautusan ay banal, at ang utos ay banal, at matuwid, at mabuti.

13 Kung gayon, ang mabuti ba ang nagdala ng kamatayan sa akin? Hindi, kailanman! Kundi ang kasalanan na gumagawa ng kamatayan sa akin sa pamamagitan ng mabuti, upang ang kasalanan ay maihayag na kasalanan, at sa pamamagitan ng utos ay maging lubos na makasalanan.

Ang Pagnanais ng Mabuti

14 Sapagkat nalalaman natin na ang kautusan ay espirituwal, ngunit ako'y makalaman, na ipinagbili sa ilalim ng kasalanan.

15 Sapagkat(O) ang ginagawa ko'y hindi ko nalalaman; sapagkat ang hindi ko nais ang ginagawa ko; subalit ang kinapopootan ko, iyon ang ginagawa ko.

16 Ngunit kung ang hindi ko nais ang siya kong ginagawa, sumasang-ayon ako na mabuti ang kautusan.

17 Subalit ngayo'y hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang nananatili sa akin.

18 Sapagkat nalalaman ko na walang mabuti na nananatili sa akin, samakatuwid ay sa aking laman. Ang pagnanais ng mabuti ay nasa akin, subalit hindi ko iyon magawa.

19 Sapagkat ang mabuti na aking nais ay hindi ko ginagawa, ngunit ang masama na hindi ko nais ay siya kong ginagawa.

20 Subalit kung ang hindi ko nais ang siya kong ginagawa, ay hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang nananatili sa akin.

21 Kaya nga natagpuan ko ang isang kautusan na kung ibig kong gumawa ng mabuti, ang kasamaan ay malapit.

22 Sapagkat ako'y nagagalak sa kautusan ng Diyos sa kaibuturan ng aking pagkatao.

23 Subalit nakikita ko ang kakaibang kautusan sa aking mga bahagi na nakikipagbaka laban sa kautusan ng aking pag-iisip, at ako'y binibihag sa ilalim ng kautusan ng kasalanan na nasa bahagi ng aking katawan.

24 Kahabag-habag na tao ako! Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawang ito ng kamatayan?

25 Ngunit salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na Panginoon natin. Kaya nga, ako mismo ay naglilingkod sa kautusan ng Diyos sa pamamagitan ng aking pag-iisip, ngunit sa pamamagitan ng laman ay sa kautusan ng kasalanan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001