Beginning
Nagtungo si Pablo sa Jerusalem
21 Nang kami'y humiwalay sa kanila at naglakbay, tuluy-tuloy na tinungo namin ang Cos at nang sumunod na araw ay ang Rodas, at buhat doon ay ang Patara.
2 Nang aming matagpuan ang isang barko na daraan sa Fenicia, sumakay kami at naglakbay.
3 Natanaw namin ang Cyprus sa dakong kaliwa; at naglakbay kami hanggang sa Siria at dumaong sa Tiro, sapagkat ibinaba roon ng barko ang mga karga nito.
4 Hinanap namin doon ang mga alagad at tumigil kami roon ng pitong araw. Sa pamamagitan ng Espiritu ay sinabi nila kay Pablo na huwag siyang pumunta sa Jerusalem.
5 At nang matapos na ang aming mga araw doon, umalis kami at nagpatuloy sa aming paglalakbay, at silang lahat, kasama ang mga asawa at mga anak, ay inihatid kami sa aming patutunguhan hanggang sa labas ng bayan. Pagkatapos naming lumuhod sa baybayin at nanalangin,
6 kami ay nagpaalam sa isa't isa. Pagkatapos, lumulan na kami sa barko at sila'y umuwi na sa kanilang mga bahay.
7 Nang aming matapos na ang paglalakbay buhat sa Tiro, dumating kami sa Tolemaida; at binati namin ang mga kapatid at kami'y nanatiling kasama nila ng isang araw.
8 Kinabukasan,(A) lumabas kami at dumating sa Cesarea; at pumasok kami sa bahay ni Felipe na ebanghelista, na isa sa pito, at nanatili kaming kasama niya.
9 Siya ay may apat na anak na dalaga[a] na nagsasalita ng propesiya.
10 Habang(B) naroon kami ng ilang araw, isang propeta na ang pangalan ay Agabo ang dumating mula sa Judea.
11 Paglapit sa amin, kinuha niya ang sinturon ni Pablo, at ginapos niya ang kanyang sariling mga paa't kamay, at sinabi, “Ganito ang sinasabi ng Espiritu Santo, ‘Ganito gagapusin ng mga Judio sa Jerusalem ang lalaking may-ari ng sinturong ito, at siya'y kanilang ibibigay sa mga kamay ng mga Hentil.’”
12 Nang marinig namin ang mga bagay na ito, kami at pati ang mga tagaroon ay nakiusap sa kanya na huwag nang umahon patungo sa Jerusalem.
13 Kaya't sumagot si Pablo, “Anong ginagawa ninyo, nag-iiyakan kayo at dinudurog ang aking puso? Handa ako na hindi lamang gapusin, kundi mamatay rin naman sa Jerusalem dahil sa pangalan ng Panginoong Jesus.”
14 Nang hindi siya mahimok, tumigil kami, na nagsasabi, “Hayaang mangyari ang kalooban ng Panginoon.”
15 At pagkaraan ng mga araw na ito, naghanda kami at umahon patungo sa Jerusalem.
16 Sumama sa amin ang ilang alagad mula sa Cesarea at dinala kami sa bahay ni Mnason, na taga-Cyprus, isa sa mga naunang alagad, na sa kanya kami manunuluyan.
Ang Pagdalaw ni Pablo kay Santiago
17 Nang makarating kami sa Jerusalem, masaya kaming tinanggap ng mga kapatid.
18 Nang sumunod na araw, sumama si Pablo sa amin kay Santiago; at ang lahat ng matatanda ay naroroon.
19 Pagkatapos niyang batiin sila, isa-isang isinalaysay niya sa kanila ang mga bagay na ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan ng kanyang ministeryo.
20 Nang kanilang marinig iyon, pinuri nila ang Diyos. At sinabi nila sa kanya, “Nakikita mo, kapatid, kung ilang libo sa mga Judio ang sumampalataya; at silang lahat ay pawang masisigasig sa kautusan.
21 Nabalitaan nila ang tungkol sa iyo na itinuturo mo raw sa lahat ng mga Judio na kasama ng mga Hentil na talikdan si Moises, at sinasabi sa kanila na huwag tuliin ang kanilang mga anak ni sumunod sa mga kaugalian.
22 Ano nga ba ang dapat gawin? Tiyak na kanilang mababalitaang dumating ka.
23 Kaya't(C) gawin mo ang sinasabi namin sa iyo. Mayroon kaming apat na lalaki na may panata sa kanilang sarili.
24 Sumama ka sa mga lalaking ito, isagawa ninyo ang seremonya ng paglilinis at ipagbayad mo sila para maahit ang kanilang mga ulo. At malalaman ng lahat na walang katotohanan ang mga bagay na kanilang nabalitaan tungkol sa iyo kundi ikaw mismo ay sumasang-ayon sa pagtupad sa kautusan.
25 Ngunit(D) tungkol sa mga Hentil na naging mga mananampalataya na, kami ay nagpadala na ng liham na aming ipinasiyang umiwas sila sa mga inihandog sa mga diyus-diyosan, sa dugo, sa hayop na binigti,[b] at sa pakikiapid.”
26 Nang magkagayo'y isinama ni Pablo ang mga lalaking iyon. Nang sumunod na araw, pagkatapos malinis ang kanyang sarili, pumasok siya sa templo upang ipahayag kung kailan magaganap ang mga araw ng paglilinis, at ang pag-aalay ng handog para sa bawat isa sa kanila.
Dinakip si Pablo
27 Nang halos matapos na ang pitong araw, ang mga Judiong taga-Asia, nang makita siya sa templo, ay inudyukan ang maraming tao at siya'y kanilang dinakip,
28 na isinisigaw, “Mga lalaking taga-Israel, tumulong kayo! Ito ang taong nagtuturo sa mga tao sa lahat ng dako laban sa sambayanan, sa kautusan, at sa dakong ito; at bukod pa rito'y nagdala rin siya ng mga Griyego sa templo, at dinungisan ang banal na lugar na ito.”
29 Sapagkat(E) nakita nila noong una na kasama niya sa lunsod si Trofimo na taga-Efeso, at iniisip nilang ipinasok siya ni Pablo sa templo.
30 At ang buong lunsod ay nagkagulo at ang mga tao'y sama-samang nagtakbuhan. Kanilang hinuli si Pablo, siya'y kinaladkad palabas sa templo at agad isinara ang mga pinto.
31 Samantalang sinisikap nilang patayin siya, dumating ang balita sa pinunong kapitan ng mga kawal na ang buong Jerusalem ay nagkakagulo.
32 Nagsama siya kaagad ng mga kawal at mga senturion, at tumakbo sa kanila. Nang kanilang makita ang pinunong kapitan at ang mga kawal ay tumigil sila sa pagbugbog kay Pablo.
33 Pagkatapos nito, lumapit ang pinunong kapitan, dinakip siya at ipinagapos ng dalawang tanikala. Itinanong kung sino siya, at kung ano ang ginawa niya.
34 Ang ilan sa maraming tao ay sumigaw ng isang bagay, ang ilan ay iba naman; at nang hindi niya maunawaan ang totoong nangyari dahil sa kaguluhan, ay iniutos niyang dalhin siya sa himpilan.
35 Nang dumating si Pablo[c] sa hagdanan, siya'y binuhat na ng mga kawal dahil sa karahasan ng napakaraming tao.
36 Ang maraming tao na sumunod sa kanya ay patuloy na sumisigaw, “Alisin siya!”
Ipinagtanggol ni Pablo ang Sarili
37 Nang ipapasok na si Pablo sa himpilan, ay sinabi niya sa pinunong kapitan, “Maaari ba akong makipag-usap sa iyo?”
At sinabi ng pinunong kapitan,[d] “Marunong ka ba ng Griyego?
38 Kung gayon, hindi ikaw ang Ehipcio, na nag-udyok ng paghihimagsik nang mga nakaraang araw at nagdala sa apat na libong mamamatay-tao sa ilang?”
39 Sumagot si Pablo, “Ako'y Judio, na taga-Tarso sa Cilicia, isang mamamayan ng isang hindi karaniwang lunsod. Nakikiusap ako, pahintulutan mo akong magsalita sa mga taong-bayan.”
40 Nang siya'y mapahintulutan na niya, si Pablo ay tumayo sa mga baytang at isinenyas ang kamay sa mga tao, at nang magkaroon ng malaking katahimikan, nagsalita siya sa wikang Hebreo, na sinasabi:
22 “Mga ginoo, mga kapatid at mga magulang, pakinggan ninyo ang pagtatanggol na gagawin ko ngayon sa harapan ninyo.”
2 Nang marinig nilang siya'y nagsasalita sa kanila sa wikang Hebreo, ay lalo pa silang tumahimik. Pagkatapos ay sinabi niya,
3 “Ako'y(F) isang Judio, na ipinanganak sa Tarso ng Cilicia, ngunit pinalaki sa lunsod na ito, sa paanan ni Gamaliel, at tinuruan alinsunod sa kahigpitan ng kautusan ng ating mga ninuno, na masigasig para sa Diyos, na tulad ninyong lahat ngayon.
4 Aking(G) pinag-usig ang Daang ito hanggang sa kamatayan, na ginagapos at ipinapasok sa mga bilangguan ang mga lalaki at ang mga babae,
5 tulad ng mapapatotohanan ng pinakapunong pari ng tungkol sa akin at ng buong kapulungan ng matatanda. Mula sa kanila'y tumanggap ako ng mga sulat para sa mga kapatid sa Damasco at nagpunta ako roon upang gapusin ang mga naroroon at ibalik sila sa Jerusalem upang parusahan.
Isinalaysay ni Pablo ang Kanyang Pagbabagong-loob(H)
6 “Habang ako'y naglalakbay at papalapit na sa Damasco, nang magtatanghaling-tapat na, biglang sumikat mula sa langit ang isang malaking liwanag sa palibot ko.
7 Bumagsak ako sa lupa, at narinig ko ang isang tinig na nagsasabi sa akin, ‘Saulo, Saulo, bakit mo ako pinag-uusig?’
8 Sumagot ako sa kanya, ‘Sino ka ba, Panginoon?’ At sinabi niya sa akin, ‘Ako'y si Jesus na taga-Nazaret na iyong pinag-uusig.’
9 Nakita ng mga kasamahan ko noon ang liwanag, ngunit hindi nila narinig ang tinig ng nagsalita sa akin.
10 Sinabi ko, ‘Anong gagawin ko, Panginoon?’ Sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Tumindig ka at pumunta ka sa Damasco; at doo'y sasabihin sa iyo ang lahat ng mga bagay na itinalagang gawin mo.’
11 Nang hindi ako makakita dahil sa kaningningan ng liwanag na iyon, hinawakan ang aking kamay ng mga kasamahan ko, at dinala ako sa Damasco.
12 “Isang Ananias, na lalaking masipag sa kabanalan ayon sa kautusan, at may magandang patotoo tungkol sa kanya ang mga Judio na naninirahan doon,
13 ang lumapit sa akin, tumayo sa tabi ko at nagsabi sa akin, ‘Kapatid na Saulo, muli mong tanggapin ang iyong paningin!’ Nang oras ding iyon, bumalik ang aking paningin at nakita ko siya.
14 Pagkatapos ay sinabi niya, ‘Itinalaga ka ng Diyos ng ating mga ninuno upang malaman mo ang kanyang kalooban, makita mo ang Matuwid, at marinig mo ang tinig mula sa kanyang bibig,
15 sapagkat magiging saksi ka niya sa lahat ng mga tao tungkol sa mga bagay na iyong nakita at narinig.
16 At ngayon, ano pang hinihintay mo? Tumindig ka at magpabautismo, at hugasan ang iyong mga kasalanan, na tumatawag sa kanyang pangalan.’
Isinugo si Pablo sa mga Hentil
17 “Pagbalik ko sa Jerusalem, at habang ako'y nananalangin sa templo ay nawalan ako ng malay,
18 at ang Panginoon[e] ay nakita ko na nagsasabi sa akin, ‘Magmadali ka at umalis agad sa Jerusalem, sapagkat hindi nila tatanggapin ang iyong patotoo tungkol sa akin.’
19 At aking sinabi, ‘Panginoon, sila mismo ay nakaalam na sa bawat sinagoga ay ibinilanggo ko at hinampas ang mga nanampalataya sa iyo.
20 Nang(I) idanak ang dugo ni Esteban na iyong saksi, ako mismo ay nakatayo sa malapit, na sumasang-ayon at nag-iingat sa mga damit ng mga pumatay sa kanya.’
21 At sinabi niya sa akin, ‘Humayo ka, sapagkat susuguin kita sa malayo sa mga Hentil.’”
22 Kanilang pinakinggan siya hanggang sa pagkakataong ito ngunit pagkatapos ay sumigaw sila, “Alisin sa lupa ang ganyang tao! Sapagkat hindi siya karapat-dapat mabuhay.”
23 At samantalang sila'y nagsisigawan, na inihahagis ang kanilang mga damit, at nagsasabog ng alikabok sa hangin,
24 ay ipinag-utos ng pinunong kapitan na siya'y ipasok sa himpilan at sinabing siya'y siyasatin na may paghagupit upang malaman niya kung anong dahilan at sila'y nagsigawan nang gayon laban sa kanya.
25 Ngunit nang siya'y kanilang magapos na ng mga panaling balat, ay sinabi ni Pablo sa senturiong nakatayo sa malapit, “Matuwid ba sa inyo na hagupitin ang isang taong mamamayan ng Roma, na hindi pa nahahatulan?”
26 Nang iyon ay marinig ng senturion, pumunta siya sa pinunong kapitan at sa kanya'y sinabi, “Anong gagawin mo? Ang taong ito ay mamamayang Romano.”
27 Lumapit ang pinunong kapitan at tinanong si Pablo, “Sabihin mo sa akin, ikaw ba'y mamamayang Romano?” At sinabi niya, “Oo.”
28 Sumagot ang pinunong kapitan, “Sa malaking halaga ng salapi ay nakuha ko ang pagkamamamayan kong ito.” At sinabi ni Pablo, “Ngunit ako'y isinilang na mamamayang Romano.”
29 Kaya't agad na lumayo sa kanya ang mga magsisiyasat sa kanya; at ang pinunong kapitan ay natakot din sapagkat nalaman niyang si Pablo ay isang Romano, at siya'y ginapos niya.
Si Pablo sa Harap ng Sanhedrin
30 Nang sumunod na araw, dahil sa pagnanais na malaman ang tunay na dahilan kung bakit siya'y isinakdal ng mga Judio ay kanyang pinawalan siya at iniutos sa mga punong pari at sa buong Sanhedrin na magpulong. Pinababa niya si Pablo at iniharap sa kanila.
23 Habang nakatitig na mabuti si Pablo sa Sanhedrin, ay sinabi niya, “Mga ginoo, mga kapatid, hanggang sa mga araw na ito, ako'y nabuhay nang may malinis na budhi sa harapan ng Diyos.”
2 Pagkatapos, ipinag-utos ng pinakapunong paring si Ananias sa mga nakatayong malapit sa kanya na siya'y hampasin sa bibig.
3 Nang(J) magkagayo'y sinabi sa kanya ni Pablo, “Sasaktan ka ng Diyos, ikaw na pinaputing pader! Nakaupo ka ba riyan upang ako'y hatulan ayon sa kautusan, ngunit ako'y ipinahahampas mo nang labag sa kautusan?”
4 Sinabi ng mga nakatayo sa malapit, “Nilalait mo ba ang pinakapunong pari ng Diyos?”
5 At(K) sinabi ni Pablo, “Hindi ko alam, mga kapatid, na siya'y pinakapunong pari, sapagkat nasusulat, ‘Huwag mong pagsasalitaan ng masama ang isang pinuno ng iyong bayan.’”
6 Nang(L) mapansin ni Pablo na ang ilan ay mga Saduceo at ang iba'y mga Fariseo, ay sumigaw siya sa Sanhedrin, “Mga ginoo, mga kapatid, ako'y isang Fariseo, anak ng mga Fariseo. Ako'y nililitis tungkol sa pag-asa at muling pagkabuhay ng mga patay.”
7 Nang sabihin niya ito, nagkaroon ng pagtatalo ang mga Fariseo at mga Saduceo; at nahati ang kapulungan.
8 (Sapagkat(M) sinasabi ng mga Saduceo na walang muling pagkabuhay, o anghel, o espiritu; ngunit pinaniniwalaan ng mga Fariseo ang lahat ng ito.)
9 Pagkatapos ay nagkaroon ng malakas na sigawan, at tumindig ang ilan sa mga eskriba na kakampi ng mga Fariseo, at mainitang nagtalo na sinasabi, “Wala kaming makitang anumang kasalanan sa taong ito. Ano nga kung siya'y kinausap man ng isang espiritu, o ng isang anghel?”
10 Nang lumalaki ang kaguluhan, sa takot ng pinunong kapitan na baka lurayin nila si Pablo, ay pinababa ang mga kawal, sapilitang ipinakuha siya at siya'y ipinasok sa himpilan.
11 Nang gabing iyon, lumapit sa kanya ang Panginoon at sinabi, “Lakasan mo ang iyong loob! Sapagkat kung paano kang nagpatotoo tungkol sa akin sa Jerusalem, ay kailangang magpatotoo ka rin sa Roma.”
Pinagtangkaan ang Buhay ni Pablo
12 Kinaumagahan, nagkatipon ang mga Judio, at nagsabwatan sa pamamagitan ng isang sumpa, na hindi sila kakain ni iinom man hanggang sa kanilang mapatay si Pablo.
13 Mahigit sa apatnapu ang sumama sa sabwatang ito.
14 Pumunta sila sa mga punong pari at sa matatanda, at nagsabi, “Kami ay namanata sa ilalim ng mahigpit na sumpa, na hindi titikim ng anumang pagkain hanggang sa mapatay namin si Pablo.
15 Kaya't kayo, pati ang Sanhedrin ay sabihan ninyo ang punong kapitan na kanyang ibaba siya sa inyo, na kunwari'y ibig ninyong siyasatin ng lalong ganap ang paratang tungkol sa kanya. At nakahanda na kaming patayin siya bago siya lumapit.”
16 Ngunit narinig ng anak na lalaki ng kapatid na babae ni Pablo ang tungkol sa kanilang pag-aabang kaya siya'y pumunta sa himpilan at ibinalita kay Pablo.
17 At tinawag ni Pablo ang isa sa mga senturion, at sinabi, “Dalhin mo ang binatang ito sa punong kapitan sapagkat siya'y mayroong sasabihin sa kanya.”
18 Kaya't siya'y isinama at dinala sa punong kapitan, at sinabi, “Tinawag ako ng bilanggong si Pablo, at ipinakiusap sa aking dalhin ko sa iyo ang binatang ito na mayroong sasabihin sa iyo.”
19 At hinawakan siya sa kamay ng punong kapitan at sa isang tabi ay lihim na tinanong siya, “Ano ang sasabihin mo sa akin?”
20 Sinabi niya, “Pinagkasunduan ng mga Judio na sa iyo'y ipakiusap na iyong dalhin bukas si Pablo sa Sanhedrin, na kunwari'y may sisiyasatin pa silang mabuti tungkol sa kanya.
21 Subalit huwag kang maniniwala sa kanila, sapagkat mahigit na apatnapu sa kanilang mga tao ang nag-aabang sa kanya. Sila'y namanata sa ilalim ng isang sumpa na hindi kakain ni iinom man hanggang sa siya'y kanilang mapatay. Ngayo'y handa na sila at naghihintay ng iyong pagsang-ayon.”
22 Kaya't pinaalis ng punong kapitan ang binata, at ipinagbilin sa kanya, “Huwag mong sasabihin kaninuman na ipinagbigay-alam mo sa akin ang mga bagay na ito.”
Ipinadala si Pablo kay Gobernador Felix
23 Pagkatapos ay kanyang tinawag ang dalawa sa mga senturion, at sinabi, “Sa ikatlong oras[f] ng gabi, ihanda ninyo ang dalawandaang kawal kasama ang pitumpung mangangabayo at dalawandaang may sibat upang magtungo sa Cesarea.
24 Ipaghanda rin ninyo sila ng mga hayop na masasakyan ni Pablo, at siya'y ihatid na ligtas kay Felix na gobernador.”
25 At siya'y sumulat ng isang sulat, na ganito:
26 “Si Claudio Lisias sa kagalang-galang na gobernador Felix, ay bumabati.
27 Ang taong ito'y hinuli ng mga Judio, at papatayin sana nila, ngunit nang malaman kong siya'y mamamayan ng Roma dumating ako na may kasamang mga kawal at siya'y iniligtas ko.
28 At sa pagnanais kong malaman ang dahilan kung bakit siya'y kanilang isinakdal, ay dinala ko siya sa kanilang Sanhedrin.
29 Nalaman ko na siya'y kanilang isinasakdal tungkol sa mga usaping may kinalaman sa kanilang kautusan, ngunit walang anumang paratang laban sa kanya na marapat sa kamatayan o sa mga tanikala.
30 Nang ipaalam sa akin na may banta laban sa taong iyan, ipinadala ko siya agad sa iyo, at aking ipinag-utos din sa mga nagsasakdal sa kanya na sabihin sa harapan mo ang laban sa kanya.”
31 Kaya't kinuha si Pablo ng mga kawal, ayon sa iniutos sa kanila, at nang gabi ay dinala siya sa Antipatris.
32 Nang sumunod na araw, pinabayaan nilang samahan siya ng mga mangangabayo, samantalang sila'y nagbalik sa himpilan.
33 Nang makarating sila sa Cesarea at maibigay ang sulat sa gobernador, iniharap din nila si Pablo sa kanya.
34 At pagkabasa sa sulat, itinanong niya kung taga-saang lalawigan siya at nang malaman niya na siya'y taga-Cilicia,
35 ay sinabi niya, “Papakinggan kita pagdating ng mga nagsakdal sa iyo.” At ipinag-utos niya na siya'y bantayan sa palasyo ni Herodes.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001