Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Gawa 24-26

Ang Paratang ng mga Judio kay Pablo

24 Pagkaraan ng limang araw, ang pinakapunong pari na si Ananias ay lumusong na kasama ang ilang matatanda, at ang isang Tertulio na tagapagsalita na siyang nagharap ng sakdal sa gobernador laban kay Pablo.

Nang si Pablo[a] ay tawagin, sinimulan siyang paratangan ni Tertulio, na sinasabi,

“Kagalang-galang na Felix, yamang dahil sa iyo'y nagtamo kami ng matagal na kapayapaan, at dumating ang mga pagbabago sa bansang ito dahil sa iyong pagtanaw sa hinaharap.

Kinikilala namin ito sa lahat ng mga paraan at sa lahat ng mga dako, na may lubos na pasasalamat.

Ngunit upang hindi na kayo maabala pa, hinihiling ko sa iyo sa iyong kagandahang-loob na pakinggan mo kami ng ilang sandali.

Natagpuan namin na ang taong ito'y mapanligalig at mapag-udyok ng kaguluhan sa lahat ng mga Judio sa buong daigdig, at isang pinuno sa sekta ng mga Nazareno.

Nagtangka pa siya na lapastanganin ang templo ngunit dinakip namin siya.[b]

[Ngunit dumating ang pangulong pinunong si Lisias at sapilitang inagaw siya sa aming mga kamay, at inutusan ang mga nagbintang sa kanya na humarap sa inyo.]

Sa pamamagitan ng pagsisiyasat ninyo mismo sa kanya, ang lahat ng mga bagay na ito na isinasakdal namin laban sa kanya ay malalaman ninyo mula sa kanya.”

At ang mga Judio ay nakisama rin sa pagsasakdal, na sinasabing ang lahat ng mga ito ay totoo.

Nagtanggol si Pablo sa Harapan ni Felix

10 Nang siya'y hudyatan ng gobernador upang magsalita, si Pablo ay sumagot:

“Yamang nalalaman ko na ikaw ay naging hukom sa loob ng maraming mga taon sa bansang ito, ay masigla kong gagawin ang aking pagtatanggol.

11 Tulad ng nalalaman mo, wala pang labindalawang araw buhat nang ako'y pumunta sa Jerusalem upang sumamba.

12 Hindi nila ako natagpuang nakikipagtalo sa kanino o kaya'y nanggugulo sa maraming tao sa templo man o sa mga sinagoga, ni sa lunsod,

13 ni hindi rin nila mapapatunayan sa iyo ang mga bagay na ngayo'y kanilang ibinibintang sa akin.

14 Ngunit ito ang inaamin ko sa iyo, na ayon sa Daan, na kanilang tinatawag na sekta, ay sinasamba ko ang Diyos ng aming mga ninuno, na pinaniniwalaan ang lahat ng bagay na alinsunod sa kautusan o nasusulat sa mga propeta.

15 Ako'y may pag-asa sa Diyos, na siya rin namang inaasahan nila, na magkakaroon ng muling pagkabuhay ng mga matuwid at ng mga hindi matuwid.

16 Dahil dito'y lagi akong nagsisikap na magkaroon ng isang malinis na budhi sa Diyos at sa mga tao.

17 Nang(A) makaraan ang ilang taon ay naparito ako upang magdala sa aking bansa ng mga limos at mag-alay ng mga handog.

18 Samantalang ginagawa ko ito, natagpuan nila ako sa templo na ginagawa ang rituwal ng paglilinis, na walang maraming tao ni kaguluhan.

19 Ngunit may ilang Judio roon na galing sa Asia—na dapat naririto sa harapan mo at magsakdal, kung mayroon silang anumang laban sa akin.

20 O kaya'y hayaan ang mga tao ring ito na magsabi kung anong masamang gawa ang natagpuan nila nang ako'y tumayo sa harapan ng Sanhedrin,

21 maliban(B) sa isang bagay na ito na aking isinigaw habang nakatayo sa gitna nila, ‘Tungkol sa pagkabuhay ng mga patay ako'y nililitis sa harapan mo sa araw na ito.’”

22 Ngunit si Felix, na may wastong kaalaman tungkol sa Daan, ay ipinagpaliban ang pagdinig, na sinasabi, “Paglusong ni Lisias na punong kapitan, magpapasiya ako tungkol sa inyong usapin.”

23 At iniutos niya sa senturion na siya'y bantayan at bigyan ng kaunting kalayaan at huwag pagbawalan ang kanyang mga kaibigan na tulungan siya sa kanyang mga pangangailangan.

Iniharap si Pablo kina Felix at Drusila

24 Pagkaraan ng ilang mga araw, si Felix ay dumating na kasama si Drusila na kanyang asawa, na isang Judio, at ipinatawag si Pablo, at siya'y pinakinggang magsalita tungkol sa pananampalataya kay Cristo Jesus.

25 Samantalang tinatalakay niya ang tungkol sa katuwiran, pagpipigil sa sarili, at sa paghuhukom na darating, nangilabot si Felix at sumagot, “Umalis ka muna ngayon at kapag nagkaroon ako ng pagkakataon ay ipatatawag kita.”

26 Kanyang inaasahan din na siya'y bibigyan ni Pablo ng salapi. Kaya't madalas niyang ipinapatawag si Pablo,[c] at sa kanya'y nakikipag-usap.

27 Ngunit nang matapos na ang dalawang taon, si Felix ay pinalitan ni Porcio Festo; at sa pagnanais na gumawa ng ikasisiya ng mga Judio, ay pinabayaan ni Felix si Pablo sa bilangguan.

Dumulog si Pablo sa Emperador

25 Pagkaraan ng tatlong araw, pagkarating ni Festo sa lalawigan, pumunta siya sa Jerusalem mula sa Cesarea,

at doon ang mga punong pari at ang mga pinuno ng mga Judio ay nag-ulat sa kanya laban kay Pablo. Sila'y nanawagan sa kanya,

at nakiusap bilang tulong sa kanila laban kay Pablo, na siya ay ilipat sa Jerusalem. Sila'y nagbabalak ng pananambang upang siya'y patayin sa daan.

Sumagot si Festo na si Pablo ay binabantayan sa Cesarea, at siya mismo ay pupunta roon sa lalong madaling panahon.

“Kaya nga,” sinabi niya, “ang mga lalaking may awtoridad sa inyo ay sumama sa akin, at kung may anumang pagkakasala ang taong ito, magharap sila ng sakdal laban sa kanya.”

Pagkatapos na siya'y makatigil sa kanila nang hindi hihigit sa walo o sampung araw, ay pumunta siya sa Cesarea, at nang sumunod na araw ay umupo siya sa hukuman, at iniutos na dalhin si Pablo.

Nang siya'y dumating, ang mga Judio na dumating mula sa Jerusalem ay tumayo sa paligid niya na may dalang marami at mabibigat na mga paratang laban sa kanya na hindi nila mapatunayan.

Sinasabi ni Pablo sa kanyang pagtatanggol, “Hindi ako nagkasala ng anuman laban sa kautusan ng mga Judio, ni laban sa templo, ni laban kay Cesar.”

Ngunit si Festo, sa pagnanais na gawan ng ikalulugod ang mga Judio, ay nagsabi kay Pablo, “Ibig mo bang pumunta sa Jerusalem at doon ka litisin sa mga bagay na ito sa harapan ko?”

10 Ngunit sinabi ni Pablo, “Dudulog ako sa hukuman ni Cesar; doon ako dapat litisin. Wala akong ginawang masama sa mga Judio, tulad ng alam na alam mo.

11 Kung ako ay isang salarin, at nakagawa ng anumang bagay na karapat-dapat sa kamatayan, hindi ako tatakas sa kamatayan. Ngunit kung walang katotohanan ang mga bagay na ipinagsasakdal nila laban sa akin, walang sinumang makapagbibigay sa akin sa kanila. Dudulog ako kay Cesar.”

12 At si Festo, pagkatapos sumangguni sa Sanhedrin, ay sumagot, “Nais mong dumulog kay Cesar; kay Cesar ka pupunta.”

Iniharap si Pablo kina Agripa at Bernice

13 Nang makaraan ang ilang araw, si Haring Agripa at si Bernice ay dumating sa Cesarea upang batiin si Festo.

14 Sa kanilang pagtigil doon ng maraming araw, isinalaysay ni Festo sa hari ang usapin ni Pablo, na sinasabi, “May isang lalaking bilanggo na iniwan ni Felix;

15 at noong ako'y nasa Jerusalem ay ipinagbigay-alam ng mga punong pari at ng matatanda sa mga Judio ang tungkol sa kanya na hinihinging humatol ako laban sa kanya.

16 Sinabi ko sa kanila na hindi kaugalian ng mga taga-Roma na ibigay ang sinumang tao, hanggang hindi nakakaharap ng isinasakdal ang mga nagsasakdal, at siya'y magkaroon ng pagkakataong makagawa ng kanyang pagtatanggol tungkol sa paratang laban sa kanya.

17 Kaya't nang sila'y magkatipon dito, hindi ako nagpaliban kundi nang sumunod na araw ay umupo ako sa hukuman at iniutos kong iharap ang tao.

18 Nang tumayo ang mga nagsasakdal, walang sakdal na masamang bagay na maiharap laban sa kanya na gaya ng aking iniisip.

19 Sa halip, may ilan silang di-pagkakasundo laban sa kanya tungkol sa kanilang sariling relihiyon, at sa isang Jesus, na namatay na, ngunit pinaninindigan ni Pablo na buháy.

20 At ako, palibhasa'y naguguluhan tungkol sa pagsisiyasat ng mga bagay na ito, ay itinanong ko kung ibig niyang pumunta sa Jerusalem at doon siya litisin tungkol sa mga bagay na ito.

21 Ngunit nang maghabol si Pablo na siya'y bantayan para sa pasiya ng emperador, ay ipinag-utos kong bantayan siya hanggang sa siya'y maipadala ko kay Cesar.”

22 At sinabi ni Agripa kay Festo, “Ibig ko rin sanang mapakinggan ang tao.” “Bukas,” sinabi niya, “siya'y mapapakinggan mo.”

23 Kaya't kinabukasan, dumating si Agripa at si Bernice na may buong karilagan. Nang pumasok na sila sa bulwagan ng hukuman kasama ang mga punong kapitan at ang mga pangunahin sa bayan, ipinasok si Pablo sa utos ni Festo.

24 At sinabi ni Festo, “Haring Agripa, at mga nariritong kasama namin, nakikita ninyo ang taong ito. Siya ay ipinagsasakdal sa akin ng buong bayan ng mga Judio, sa Jerusalem at dito, na isinisigaw na hindi siya dapat mabuhay pa.

25 Ngunit aking natagpuang wala siyang ginawang anuman na marapat sa kamatayan; at yamang siya mismo ay dumudulog sa emperador, ipinasiya kong siya'y ipadala.

26 Ngunit wala akong tiyak na bagay na maisusulat sa aking panginoon. Kaya dinala ko siya sa harapan ninyo, at lalung-lalo na sa harapan mo, Haring Agripa, upang pagkatapos nating siyasatin siya, ay magkaroon ako ng maisusulat.

27 Sapagkat inaakala kong hindi makatuwiran na sa pagpapadala ng isang bilanggo, ay hindi mailahad ang sakdal laban sa kanya.”

Nagtanggol si Pablo sa Harapan ni Agripa

26 Sinabi ni Agripa kay Pablo, “May pahintulot kang magsalita para sa iyong sarili.” Iniunat ni Pablo ang kanyang kamay at ginawa ang kanyang pagtatanggol:

“Itinuturing kong mapalad ako, Haring Agripa, na sa harapan mo ay gagawin ko ang aking pagtatanggol sa araw na ito laban sa lahat ng ipinaratang ng mga Judio;

sapagkat bihasa ka sa lahat ng mga kaugalian at mga usapin ng mga Judio, kaya ipinapakiusap ko sa iyo na matiyaga mo akong pakinggan.

“Ang aking pamumuhay mula sa aking pagkabata, na simula pa'y ginugol ko na sa aking bansa at sa Jerusalem, ay nalalaman ng lahat ng mga Judio.

Nalalaman(C) nila mula pa nang una, kung handa silang magpatunay, na alinsunod sa pinakamahigpit na sekta ng aming relihiyon ay namuhay ako bilang isang Fariseo.

At ngayo'y nakatayo ako rito upang litisin dahil sa pag-asa sa pangakong ginawa ng Diyos sa aming mga ninuno;

na inaasahang matamo ng aming labindalawang lipi sa kanilang masigasig na paglilingkod gabi at araw. At dahil sa pag-asang ito ay isinasakdal ako ng mga Judio, O hari!

Bakit inaakala ninyong hindi kapani-paniwalang binubuhay ng Diyos ang mga patay?

“Ako(D) mismo ay napaniwala na dapat akong gumawa ng maraming mga bagay laban sa pangalan ni Jesus na taga-Nazaret.

10 At ginawa ko ito sa Jerusalem; at hindi ko lamang kinulong sa mga bilangguan ang marami sa mga banal, sa pamamagitan ng awtoridad mula sa mga punong pari, kundi nang sila'y ipapatay, ay ibinibigay ko ang aking pagsang-ayon laban sa kanila.

11 Madalas ko silang pinarurusahan sa lahat ng mga sinagoga at pinipilit ko silang manlapastangan; at sa nag-aalab na pagkagalit sa kanila ay pinag-uusig ko sila maging sa mga lunsod sa ibang lupain.

Isinalaysay ni Pablo ang Kanyang Pagbabagong-loob(E)

12 “Kaya't naglakbay ako patungo sa Damasco na taglay ang awtoridad at pahintulot ng mga punong pari.

13 Nang katanghalian, O hari, ay nakita ko sa daan ang isang liwanag mula sa langit na higit na maliwanag kaysa araw, na nagningning sa palibot ko at sa mga naglalakbay na kasama ko.

14 Nang bumagsak kaming lahat sa lupa ay narinig ko ang isang tinig na nagsasalita sa akin sa wikang Hebreo, ‘Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig? Makakasakit sa iyo ang sumikad sa matutulis.’

15 At sinabi ko, ‘Sino ka ba, Panginoon?’ At sinabi ng Panginoon, ‘Ako'y si Jesus na iyong pinag-uusig.

16 Subalit bumangon ka, at ikaw ay tumindig sapagkat sa layuning ito nagpakita ako sa iyo, upang italaga kang lingkod at maging saksi sa mga bagay na nakita mo sa akin at sa mga bagay na ipapakita ko pa sa iyo.

17 Ililigtas kita sa mga kababayan mo at sa mga Hentil, na sa kanila'y isinusugo kita,

18 upang buksan ang kanilang mga mata, at sila'y magbalik mula sa kadiliman tungo sa liwanag at mula sa kapangyarihan ni Satanas tungo sa Diyos, upang makatanggap sila ng kapatawaran ng mga kasalanan at ng isang pook sa piling ng mga ginawang banal sa pamamagitan ng pananampalataya sa akin.’

Isinalaysay ni Pablo ang Kanyang Paglilingkod

19 “Pagkalipas noon, O Haring Agripa, hindi ako naging suwail sa makalangit na pangitain,

20 kundi(F) ipinangaral muna sa mga nasa Damasco, at pagkatapos ay sa Jerusalem, at sa buong lupain ng Judea, at sa mga Hentil, na sila'y magsisi at magbagong-loob sa Diyos at gumawa ng mga gawang naaangkop sa pagsisisi.

21 Dahil dito hinuli ako ng mga Judio sa templo at pinagsikapang ako'y patayin.

22 Hanggang sa araw na ito ay natatamo ko ang tulong mula sa Diyos, kaya't nakatayo akong nagpapatotoo sa maliliit at gayundin sa malalaki, na walang sinasabi kundi ang sinabi ng mga propeta at ni Moises na mangyayari:

23 na(G) ang Cristo ay dapat magdusa at sa pagiging una sa pagbangon mula sa mga patay, ay ipahayag ang liwanag sa bayan, at gayundin sa mga Hentil.”

24 Habang sinasabi niya ang mga bagay na ito sa kanyang pagtatanggol, ay sinabi ni Festo nang may malakas na tinig, “Pablo, ikaw ay baliw; ang labis mong karunungan ay siyang nagpapabaliw sa iyo!”

25 Ngunit sinabi ni Pablo, “Hindi ako baliw, kagalang-galang na Festo; kundi mga salita ng katotohanan at katuwiran ang sinasabi ko.

26 Sapagkat nalalaman ng hari ang mga bagay na ito, at sa kanya'y nagsasalita ako ng buong laya, sapagkat naniniwala ako na sa kanya'y walang nalilingid sa mga bagay na ito; sapagkat ito'y hindi ginawa sa isang sulok.

27 Haring Agripa, naniniwala ka ba sa mga propeta? Nalalaman kong naniniwala ka.”

28 At sinabi ni Agripa kay Pablo, “Sa maikling panahon ay hinihikayat mo akong maging Cristiano!”

29 Ngunit sinabi ni Pablo, “Loobin nawa ng Diyos, na sa madali o matagal man, ay hindi lamang ikaw, kundi maging ang lahat ng mga nakikinig sa akin ngayon, ay maging katulad ko naman, maliban sa mga tanikalang ito.”

30 Pagkatapos ay tumayo ang hari, ang gobernador, si Bernice, at ang mga nakaupong kasama nila,

31 at nang sila'y makalayo, ay sinabi nila sa isa't isa, “Ang taong ito ay walang anumang ginagawa na marapat sa kamatayan o sa mga tanikala.”

32 Sinabi ni Agripa kay Festo, “Ang taong ito ay maaari na sanang palayain kung hindi siya dumulog kay Cesar.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001