Beginning
1 O(A) Teofilo, sa unang aklat ay isinulat ko ang tungkol sa lahat ng ginawa at itinuro ni Jesus mula sa simula,
2 hanggang sa araw na iakyat siya sa langit pagkatapos na makapagbigay ng mga tagubilin sa pamamagitan ng Espiritu Santo sa mga apostol na kanyang hinirang.
3 Pagkatapos na siya'y magdusa ay buháy siyang nagpakita sa kanila sa pamamagitan ng maraming mga katunayan. Nagpakita siya sa kanila sa loob ng apatnapung araw at nagsalita ng mga bagay tungkol sa kaharian ng Diyos.
4 Habang(B) kasalo nila, ipinagbilin niya sa kanila na huwag umalis sa Jerusalem, kundi hintayin ang pangako ng Ama. Sinabi niya, “Ito ang narinig ninyo sa akin;
5 sapagkat(C) si Juan ay nagbautismo sa tubig; subalit hindi na aabutin ng maraming araw mula ngayon, na kayo'y babautismuhan sa Espiritu Santo.”
Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit
6 Nang sila'y nagkakatipon, siya'y kanilang tinanong, “Panginoon, ito ba ang panahon na panunumbalikin mo ang kaharian sa Israel?”
7 At sinabi niya sa kanila, “Hindi ukol sa inyo na malaman ang mga oras o ang mga panahon na itinakda ng Ama sa pamamagitan ng kanyang sariling awtoridad.
8 Ngunit(D) tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo; at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.”
9 Pagkasabi(E) niya ng mga bagay na ito, habang sila'y nakatingin, dinala siya sa itaas at siya'y ikinubli ng ulap sa kanilang mga paningin.
10 Samantalang nakatitig sila sa langit at siya'y papalayo, biglang may dalawang lalaki ang tumayo sa tabi nila na may puting damit,
11 na nagsabi, “Kayong mga lalaking taga-Galilea, bakit kayo'y nakatayong tumitingin sa langit? Itong si Jesus, na dinala sa langit mula sa inyo ay darating na gaya rin ng inyong nakitang pagpunta niya sa langit.”
Ang Kapalit ni Judas
12 Pagkatapos ay bumalik sila sa Jerusalem buhat sa tinatawag na bundok ng mga Olibo, malapit sa Jerusalem, na isang araw ng Sabbath lakarin.[a]
13 Nang(F) sila'y makapasok sa lunsod, umakyat sila sa silid sa itaas na doon ay nakatira sina Pedro, Juan, Santiago at Andres, Felipe at Tomas, Bartolome at Mateo, si Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan,[b] at si Judas na anak ni Santiago.
14 Sama-samang itinalaga ng lahat ng mga ito ang kanilang sarili para sa pananalangin, kasama ang mga babae at si Maria na ina ni Jesus, at ang kanyang mga kapatid.
15 At nang mga araw na ito, tumindig si Pedro sa gitna ng mga kapatid at nagsabi (at nagkakatipon ang maraming tao, na may isandaan at dalawampu),
16 “Mga kapatid, kailangang matupad ang kasulatan, na ipinahayag noong una ng Espiritu Santo sa pamamagitan ni David tungkol kay Judas, na siyang nanguna sa mga humuli kay Jesus.
17 Sapagkat siya'y ibinilang sa atin at siya'y tumanggap ng kanyang bahagi sa paglilingkod na ito.”
18 (Bumili(G) nga ang taong ito ng isang bukid mula sa kabayaran ng kanyang kasamaan; at nang bumagsak ng patiwarik ay pumutok ang kanyang tiyan,[c] at sumambulat ang lahat ng kanyang mga lamang loob.
19 At ito'y nahayag sa lahat ng mga naninirahan sa Jerusalem; kaya't tinawag ang bukid na iyon sa kanilang wika na Akeldama, na ang kahulugan ay, ‘Ang Bukid ng Dugo’.)
20 “Sapagkat(H) nasusulat sa aklat ng Mga Awit,
‘Hayaang mawalan ng tao ang kanyang tahanan,
at huwag bayaang tumira doon ang sinuman;’
at,
‘Hayaang kunin ng iba ang kanyang katungkulan.’
21 Kaya't isa sa mga taong nakasama namin sa buong panahong ang Panginoong Jesus ay kasama namin,
22 magmula(I) sa pagbabautismo ni Juan, hanggang sa araw na siya'y iakyat sa itaas mula sa atin—isa sa mga ito'y dapat maging saksi na kasama natin sa kanyang muling pagkabuhay.”
23 Kanilang iminungkahi ang dalawa, si Jose na tinatawag na Barsabas, na tinatawag ding Justo, at si Matias.
24 Sila'y nanalangin at nagsabi, “Panginoon, ikaw na nakakaalam ng puso ng lahat, ipakita mo kung sino sa dalawang ito ang iyong pinili,
25 upang pumalit sa paglilingkod na ito at sa pagka-apostol na tinalikuran ni Judas, upang siya'y pumunta sa sarili niyang lugar.”
26 At sila'y nagpalabunutan para sa kanila at ang nabunot ay si Matias; at siya'y ibinilang sa labing-isang apostol.
Ang Pagdating ng Espiritu Santo
2 Nang(J) dumating ang araw ng Pentecostes, silang lahat ay nagkakatipon sa isang lugar.
2 Biglang dumating mula sa langit ang isang ugong na gaya ng isang humahagibis na hanging malakas, at pinuno nito ang buong bahay kung saan sila'y nakaupo.
3 Sa kanila'y may nagpakitang parang mga dilang apoy na nahahati at lumapag sa bawat isa sa kanila.
4 Silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo, at nagsimulang magsalita ng iba't ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu.
5 Noon ay may mga naninirahan sa Jerusalem na mga relihiyosong Judio, buhat sa bawat bansa sa ilalim ng langit.
6 Dahil sa ugong na ito ay nagkatipon ang maraming tao at nagkagulo sapagkat naririnig nila ang bawat isa na nagsasalita sa kani-kanilang sariling wika.
7 Sila ay nagtaka, namangha at nagsabi, “Tingnan ninyo, hindi ba mga taga-Galilea ang lahat ng mga nagsasalitang ito?
8 Paanong naririnig natin, ng bawat isa sa atin, ang ating sariling wikang kinagisnan?
9 Ang mga Parto, at mga Medo, at mga Elamita, at mga naninirahan sa Mesopotamia, sa Judea, at sa Capadocia, sa Ponto at sa Asia,
10 sa Frigia at Pamfilia, sa Ehipto at sa mga lupain ng Libya na sakop ng Cirene at mga panauhing taga-Roma, mga Judio, at gayundin ang mga naging Judio,
11 mga Creteo at mga Arabe, ay naririnig nating nagsasalita sa ating mga wika tungkol sa mga makapangyarihang gawa ng Diyos.”
12 Silang lahat ay nagtaka at naguluhang sinasabi sa isa't isa, “Ano ang kahulugan nito?”
13 Ngunit ang mga iba'y nanlilibak na nagsabi, “Sila'y lasing sa bagong alak.”
Nangaral si Pedro
14 Ngunit si Pedro, na nakatayong kasama ng labing-isa, ay nagtaas ng kanyang tinig, at nagpahayag sa kanila, “Kayong mga kalalakihan ng Judea at kayong lahat na naninirahan sa Jerusalem, malaman sana ninyo ito, at makinig kayo sa aking sasabihin.
15 Ang mga ito'y hindi lasing, na gaya ng inyong inaakala, sapagkat ngayo'y ikatlong oras[d] pa lamang.
16 Ngunit ito ay yaong ipinahayag sa pamamagitan ni propeta Joel:
17 ‘At(K) sa mga huling araw, sabi ng Diyos,
mula sa aking Espiritu ay magbubuhos ako sa lahat ng laman;
at ang inyong mga anak na lalaki at mga anak na babae ay magsasalita ng propesiya,
at ang inyong mga kabataang lalaki ay makakakita ng mga pangitain,
ang inyong matatandang lalaki ay mananaginip ng mga panaginip.
18 Maging sa aking mga aliping lalaki at mga aliping babae,
sa mga araw na iyon ay magbubuhos ako mula sa aking Espiritu;
at sila'y magsasalita ng propesiya.
19 At magpapakita ako ng mga kababalaghan sa langit sa itaas,
at mga tanda sa lupa sa ibaba, dugo, at apoy, at makapal na usok.
20 Ang araw ay magiging kadiliman,
at ang buwan ay dugo, bago dumating ang dakila at maluwalhating araw ng Panginoon.
21 At mangyayari na ang bawat tumatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.’
22 “Kayong mga Israelita, pakinggan ninyo ang mga salitang ito: Si Jesus na taga-Nazaret, isang lalaking pinatunayan ng Diyos sa inyo sa pamamagitan ng mga gawang makapangyarihan, mga kababalaghan at mga tanda na ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya sa gitna ninyo, gaya ng nalalaman ninyo—
23 Siya,(L) na ibinigay sa takdang pasiya at paunang kaalaman ng Diyos ay inyong ipinako sa krus at pinatay sa pamamagitan ng kamay ng mga makasalanan.
24 Ngunit(M) siya'y muling binuhay ng Diyos, pagkatapos palayain sa mga hirap ng kamatayan, sapagkat hindi maaaring siya'y mapigilan nito.
25 Sapagkat(N) sinasabi ni David tungkol sa kanya,
‘Nakita ko ang Panginoon na laging kasama ko,
sapagkat siya'y nasa aking kanang kamay, upang huwag akong matinag;
26 kaya't nagalak ang aking puso, at natuwa ang aking dila;
gayundin ang aking katawan ay mananatiling may pag-asa.
27 Sapagkat hindi mo hahayaan ang kaluluwa ko sa Hades,
ni ipahihintulot man na ang iyong Banal ay makakita ng kabulukan.
28 Ipinaalam mo sa akin ang mga daan ng buhay;
pupuspusin mo ako ng kagalakan sa iyong harapan.’
29 “Mga kapatid, may tiwalang masasabi ko sa inyo ang tungkol sa patriyarkang si David. Siya rin ay namatay at inilibing, at nasa atin ang kanyang libingan hanggang sa araw na ito.
30 Yamang(O) siya'y isang propeta at nalalaman niyang nangako ang Diyos sa kanya na ang isa sa kanyang mga inapo ay iluluklok niya sa kanyang trono.
31 Yamang nakita niya ito bago pa mangyari, nagsalita si David tungkol sa muling pagkabuhay ng Cristo:
‘Hindi siya pinabayaan sa Hades,
ni ang kanya mang katawan ay nakakita ng kabulukan.’
32 Ang Jesus na ito'y muling binuhay ng Diyos, at tungkol dito'y mga saksi kaming lahat.
33 Kaya't yamang pinarangalan sa kanang kamay ng Diyos, at tinanggap mula sa Ama ang pangako ng Espiritu Santo, ibinuhos niya ito na pawang nakikita at naririnig ninyo.
34 Sapagkat(P) hindi umakyat si David sa mga langit, ngunit siya rin ang nagsabi,
‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon;
“Maupo ka sa kanan ko,
35 hanggang sa gawin ko ang mga kaaway mo na tuntungan ng iyong mga paa.”’
36 Kaya't dapat malaman nang may katiyakan ng buong sambahayan ng Israel na ginawa siya ng Diyos na Panginoon at Cristo, itong si Jesus na inyong ipinako sa krus.”
37 Nang marinig nila ito, nasaktan ang kanilang puso at sinabi kay Pedro at sa ibang mga apostol, “Mga ginoo, mga kapatid, anong dapat naming gawin?”
38 At sinabi sa kanila ni Pedro, “Magsisi kayo, at magpabautismo ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesu-Cristo upang mapatawad ang inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo.
39 Sapagkat ang pangako ay para sa inyo at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo, bawat isa na tinatawag ng Panginoon nating Diyos sa kanya.”
40 Sa iba pang maraming salita ay nagpatotoo siya at hinimok sila na sinasabi, “Iligtas ninyo ang inyong sarili mula sa baluktot na lahing ito.”
41 Kaya't ang mga tumanggap ng kanyang salita ay binautismuhan at nadagdag nang araw na iyon ang may tatlong libong kaluluwa.
42 Nanatili silang matibay sa turo ng mga apostol at sa pagsasama-sama, sa pagpuputul-putol ng tinapay at sa mga pananalangin.
Ang Pagkakaisa ng mga Mananampalataya
43 Dumating ang takot sa bawat tao at maraming kababalaghan at tanda ang nangyari sa pamamagitan ng mga apostol.
44 At(Q) ang lahat ng mga mananampalataya ay magkakasama at ang kanilang ari-arian ay para sa lahat.
45 Ipinagbili nila ang kanilang mga ari-arian at mga kayamanan at ipinamahagi sa lahat, ayon sa pangangailangan ng bawat isa.
46 At araw-araw, habang sila'y magkakasama sa templo, sila'y nagpuputul-putol ng tinapay sa bahay-bahay, at nagsasalu-salo na may galak at tapat na puso,
47 na nagpupuri sa Diyos, at nagtatamo ng lugod sa lahat ng tao. At idinaragdag sa kanila ng Panginoon araw-araw ang mga naliligtas.
Ang Pagpapagaling sa Lumpo
3 Isang araw, sina Pedro at Juan ay pumanhik sa templo sa oras ng pananalangin, nang ikasiyam na oras.[e]
2 At may isang lalaking lumpo mula pa sa pagkapanganak ang noon ay ipinapasok. Araw-araw siya'y inilalagay nila sa pintuan ng templo na tinatawag na Maganda, upang manghingi ng limos sa mga pumapasok sa templo.
3 Nang nakita niya sina Pedro at Juan na papasok sa templo, humingi siya ng limos.
4 Ngunit pagtitig sa kanya ni Pedro, kasama si Juan, ay sinabi, “Tingnan mo kami.”
5 Itinuon niya ang kanyang pansin sa kanila na umaasang mayroong tatanggapin mula sa kanila.
6 Ngunit sinabi ni Pedro, “Wala akong pilak at ginto, ngunit ang nasa akin ay siya kong ibinibigay sa iyo. Sa pangalan ni Jesu-Cristong taga-Nazaret,[f] tumayo ka at lumakad.”
7 Kanyang hinawakan siya sa kanang kamay, at siya'y itinindig at agad na lumakas ang kanyang mga paa at mga bukung-bukong.
8 Siya'y lumukso, tumayo at nagpalakad-lakad; pumasok siya sa templo na kasama nila, lumalakad, lumulukso, at nagpupuri sa Diyos.
9 Nakita siya ng lahat ng tao na lumalakad at nagpupuri sa Diyos.
10 Nakilala nila na siya nga ang dating nakaupo at namamalimos sa Pintuang Maganda ng templo; at sila'y napuno ng pagtataka at pagkamangha sa nangyari sa kanya.
Nangaral si Pedro sa Portiko ni Solomon
11 Samantalang siya'y nakahawak kina Pedro at Juan, sama-samang nagtakbuhan sa kanila ang mga tao, na lubhang namangha, sa tinatawag na portiko ni Solomon.
12 Nang makita ito ni Pedro, nagsalita siya sa mga tao, “Kayong mga Israelita, bakit ninyo ito ikinamamangha? Bakit ninyo kami tinititigan na para bang sa pamamagitan ng aming sariling kapangyarihan o kabanalan ay napalakad namin siya?
13 Niluwalhati ng(R) Diyos ni Abraham, ng Diyos ni Isaac, at ng Diyos ni Jacob, at ng Diyos ng ating mga ninuno ang kanyang lingkod[g] na si Jesus na inyong ibinigay at inyong itinakuwil sa harap ni Pilato, bagaman siya'y nagpasiyang pawalan siya.
14 Ngunit(S) inyong itinakuwil ang Banal at ang Matuwid at inyong hininging ipagkaloob sa inyo ang isang mamamatay-tao,
15 at inyong pinatay ang May-akda ng buhay, na muling binuhay ng Diyos mula sa mga patay; mga saksi kami sa bagay na ito.
16 At sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanyang pangalan, ang kanyang pangalan ang nagpalakas sa taong ito na inyong nakikita at nakikilala. Ang pananampalataya sa pamamagitan ni Jesus ang nagkaloob sa taong ito ng ganitong sakdal na kalusugan sa harapan ninyong lahat.
17 “At ngayon, mga kapatid, nalalaman kong ginawa ninyo iyon sa inyong kamangmangan tulad ng inyong mga pinuno.
18 Ngunit sa ganitong paraan ay tinupad ng Diyos ang kanyang ipinahayag na mangyayari sa pamamagitan ng lahat ng mga propeta, na ang kanyang Cristo ay magdurusa.
19 Kaya nga magsisi kayo at magbalik-loob upang mapawi ang inyong mga kasalanan,
20 upang ang mga panahon ng kaginhawahan ay dumating mula sa harapan ng Panginoon; at upang kanyang suguin ang Cristo na itinalaga sa inyo, si Jesus.
21 Siya'y dapat manatili sa langit hanggang sa mga panahon ng pagpapanumbalik ng lahat ng mga bagay, na sinabi ng Diyos noong una sa pamamagitan ng bibig ng kanyang mga banal na propeta.
22 Tunay(T) na sinabi ni Moises, ‘Ang Panginoong Diyos ay pipili para sa inyo ng isang propetang gaya ko mula sa inyong mga kapatid.[h] Pakinggan ninyo siya sa lahat ng bagay na sabihin niya sa inyo.
23 Ang(U) bawat tao na hindi makinig sa propetang iyon ay lubos na pupuksain mula sa bayan.’[i]
24 At ang lahat ng mga propeta, mula kay Samuel at ang mga sumunod sa kanya, sa dami ng mga nagsalita, ay nagpahayag din tungkol sa mga araw na ito.
25 Kayo(V) ang mga anak ng mga propeta, at ng tipan na ibinigay ng Diyos sa inyong mga ninuno, na sinasabi kay Abraham, ‘At sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng mga angkan sa lupa.’
26 Nang piliin ng Diyos ang kanyang lingkod siya ay kanyang unang isinugo sa inyo, upang kayo'y pagpalain sa pamamagitan ng pagtalikod ng bawat isa sa inyo sa inyong mga kasamaan.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001