Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Roma 8-10

Pamumuhay ayon sa Espiritu

Ngayon nga'y wala nang kahatulan sa mga na kay Cristo Jesus.

Sapagkat ang kautusan ng Espiritu ng buhay na na kay Cristo Jesus ay nagpalaya sa atin[a] mula sa kautusan ng kasalanan at ng kamatayan.

Sapagkat ang hindi magawa ng kautusan, yamang ito ay pinahina ng laman, ay ginawa ng Diyos sa pagsusugo sa kanyang sariling Anak sa anyo ng makasalanang laman, at tungkol sa kasalanan ay hinatulan niya ang kasalanan sa laman,

upang ang makatuwirang itinatakda ng kautusan ay matupad sa atin, na hindi lumalakad ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu.

Sapagkat ang mga ayon sa laman ay nagtutuon ng kanilang isipan sa mga bagay ng laman; subalit ang mga ayon sa Espiritu ay sa mga bagay ng Espiritu.

Sapagkat ang kaisipan ng laman ay kamatayan; subalit ang kaisipan ng Espiritu ay buhay at kapayapaan.

Sapagkat ang kaisipan ng laman ay pagkapoot laban sa Diyos; sapagkat hindi ito napapasakop sa kautusan ng Diyos, ni hindi nga maaari;

at ang mga nasa laman ay hindi makapagbibigay-lugod sa Diyos.

Ngunit kayo'y wala sa laman, kundi nasa Espiritu, yamang nananatili sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Subalit kung ang sinuma'y walang Espiritu ni Cristo, siya'y hindi sa kanya.

10 At kung si Cristo ay nasa sa inyo, ang katawan ay patay dahil sa kasalanan; ngunit ang espiritu ay buháy dahil sa katuwiran.

11 Ngunit(A) kung ang Espiritu niyaong bumuhay na muli kay Jesus ay nananatili sa inyo, siya na bumuhay na muli kay Cristo[b] mula sa mga patay ay magbibigay ng buhay sa inyong mga katawang may kamatayan, sa pamamagitan ng kanyang Espiritu na naninirahan sa inyo.

12 Kaya nga, mga kapatid, mga may utang tayo, hindi sa laman, upang mamuhay ayon sa laman;

13 sapagkat kung mamuhay kayo ayon sa laman, kayo ay mamamatay, subalit kung sa pamamagitan ng Espiritu ay pinapatay ninyo ang mga gawa ng laman, kayo ay mabubuhay.

14 Sapagkat ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay sila ang mga anak ng Diyos.

15 Sapagkat(B) (C) hindi kayo tumanggap ng espiritu ng pagkaalipin upang muling matakot, kundi tumanggap kayo ng espiritu ng pagkukupkop, na dahil dito'y tumatawag tayo, “Abba![c] Ama!”

16 Ang Espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu na tayo'y mga anak ng Diyos.

17 At kung mga anak, ay mga tagapagmana rin, mga tagapagmana ng Diyos, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo; kung tunay ngang nagtitiis tayong kasama niya, upang tayo'y luwalhatiin namang kasama niya.

Ang Kaluwalhatiang Mapapasaatin

18 Itinuturing ko na ang pagtitiis sa panahong kasalukuyan ay hindi karapat-dapat maihambing sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin.

19 Sapagkat ang masidhing inaasam ng sangnilikha ay ang inaasahang paghahayag ng mga anak ng Diyos.

20 Sapagkat(D) ang sangnilikha ay nasakop ng kawalang kabuluhan, hindi sa kanyang kalooban, kundi dahil doon sa sumakop sa kanya, sa pag-asa

21 na ang sangnilikha naman ay mapapalaya mula sa pagkaalipin sa kabulukan tungo sa kalayaan ng kaluwalhatian ng mga anak ng Diyos.

22 Sapagkat nalalaman natin na ang buong sangnilikha ay sama-samang dumaraing at naghihirap sa pagdaramdam hanggang ngayon.

23 At(E) hindi lamang sangnilikha, kundi pati naman tayo na mayroong mga unang bunga ng Espiritu, na tayo nama'y dumaraing din sa ating mga sarili, sa masidhing paghihintay ng pagkukupkop, ang pagtubos sa ating katawan.

24 Sapagkat tayo'y iniligtas sa pamamagitan ng pag-asang ito, ngunit ang pag-asang nakikita ay hindi pag-asa, sapagkat sino nga ang umaasa sa nakikita?

25 Subalit kung umaasa tayo sa hindi natin nakikita, hinihintay natin itong may pagtitiis.

26 At gayundin naman, ang Espiritu ay tumutulong sa ating kahinaan; sapagkat hindi tayo marunong manalangin nang nararapat; ngunit ang Espiritu mismo ang namamagitan[d] na may mga daing na hindi maipahayag;

27 ngunit ang Diyos na sumisiyasat ng mga puso ay nakakaalam kung ano ang kaisipan ng Espiritu, sapagkat siya ang namamagitan dahil sa mga banal ayon sa kalooban ng Diyos.

28 At nalalaman natin na sa lahat ng mga bagay ang Diyos ay gumagawa sa ikabubuti ng mga umiibig sa kanya, sa kanila na mga tinawag alinsunod sa kanyang layunin.

29 Sapagkat ang mga nakilala niya nang una pa ay itinalaga naman niya na maging katulad sa larawan ng kanyang Anak, upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid;

30 at yaong mga itinalaga niya ay kanya namang tinawag at ang mga tinawag niya ay itinuring niyang ganap; at ang mga itinuring na ganap ay niluwalhati din naman niya.

Ang Pag-ibig ng Diyos

31 Ano nga ang ating sasabihin sa mga bagay na ito? Kung ang Diyos ay kakampi natin, sino ang laban sa atin?

32 Siya na hindi ipinagkait ang kanyang sariling Anak, kundi ibinigay dahil sa ating lahat, bakit naman hindi ibibigay sa atin nang walang bayad ang lahat ng mga bagay?

33 Sino ang magsasakdal ng anuman laban sa mga pinili ng Diyos? Ang Diyos ang siyang umaaring-ganap.

34 Sino ang hahatol? Si Cristo Jesus na namatay, oo, siyang muling binuhay mula sa mga patay, na siya ring nasa kanan ng Diyos, na siya ring namamagitan para sa atin.

35 Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo? Ang kahirapan ba, o ang kapighatian, o ang pag-uusig, o ang taggutom, o ang kahubaran, o ang panganib, o ang tabak?

36 Gaya(F) ng nasusulat,

“Dahil sa iyo kami'y pinapatay sa buong araw;
    kami ay itinuring na mga tupa sa katayan.”

37 Ngunit sa lahat ng mga bagay na ito, tayo'y higit pa sa mga nagtatagumpay sa pamamagitan niya na sa atin ay umibig.

38 Sapagkat ako'y naniniwalang lubos, na kahit ang kamatayan man, ni ang buhay, ni ang mga anghel, ni ang mga pinuno, ni ang mga bagay na kasalukuyan, ni ang mga bagay na darating, ni ang mga kapangyarihan,

39 ni ang kataasan, ni ang kalaliman, ni ang alin pa mang nilalang, ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos, na na kay Cristo Jesus na Panginoon natin.

Ang Pagkahirang ng Diyos sa Israel

Sinasabi ko ang katotohanang na kay Cristo; hindi ako nagsisinungaling, ito'y pinatotohanan ng aking budhi sa pamamagitan ng Espiritu Santo,

na mayroon akong malaking kalungkutan at walang tigil na kirot sa aking puso.

Sapagkat mamagalingin ko pang ako ay sumpain at mawalay kay Cristo alang-alang sa aking mga kapatid, na aking mga kamag-anak ayon sa laman.

Sila'y(G) mga Israelita, na sa kanila ang pagkukupkop, at ang kaluwalhatian, at ang mga tipan, at ang pagtanggap sa kautusan, at ang pagsamba at ang mga pangako;

sa kanila ang mga patriyarka, at sa kanila nagmula ang Cristo ayon sa laman, na siyang nangingibabaw sa lahat, Diyos na maluwalhati magpakailanman. Amen.

Subalit hindi sa ang salita ng Diyos ay nabigo. Sapagkat hindi lahat ng buhat sa Israel ay kabilang sa Israel;

ni(H) hindi rin dahil sila'y binhi ni Abraham ay mga anak na silang lahat, kundi, “Kay Isaac tatawagin ang iyong binhi.”

Samakatuwid, ay hindi mga anak sa laman ang mga anak ng Diyos, kundi ang mga anak ng pangako ay siyang itinuturing bilang binhi.

Sapagkat(I) ito ang salita ng pangako, “Sa mga ganito ring panahon ay darating ako, at magkakaroon si Sarah ng isang anak na lalaki.”

10 At hindi lamang iyon; kundi gayundin kay Rebecca nang siya'y naglihi sa pamamagitan ng isang lalaki, na si Isaac na ating ama.

11 Sapagkat bagaman ang mga anak ay hindi pa isinisilang, at hindi pa nakakagawa ng anumang mabuti o masama, (upang ang layunin ng Diyos ay manatili alinsunod sa pagpili,

12 na(J) hindi sa pamamagitan ng mga gawa, kundi doon sa tumatawag) ay sinabi sa kanya, “Ang nakatatanda ay maglilingkod sa nakababata.”

13 Gaya(K) ng nasusulat,

“Si Jacob ay aking minahal,
    ngunit si Esau ay aking kinasuklaman.”

14 Ano nga ang ating sasabihin? May kawalang-katarungan ba sa Diyos? Huwag nawang mangyari.

15 Sapagkat(L) sinasabi niya kay Moises,

“Ako'y maaawa sa aking kinaaawaan,
    at ako'y mahahabag sa aking kinahahabagan.”

16 Kaya ito ay hindi ayon sa kalooban o pagsisikap ng tao, kundi ayon sa habag ng Diyos.

17 Sapagkat(M) sinasabi ng kasulatan kay Faraon, “Dahil sa layuning ito, ay itinaas kita, upang aking maipakita sa pamamagitan mo ang aking kapangyarihan, at upang ang aking pangalan ay maipahayag sa buong lupa.”

18 Kaya nga siya'y may awa sa kanyang maibigan, at kanyang pinagmamatigas ang puso ng sinumang kanyang maibigan.

Ang Poot at Habag ng Diyos

19 Kaya't sasabihin mo sa akin, “Bakit humahanap pa siya ng kamalian? Sapagkat sino ang makakasalungat sa kanyang kalooban?”

20 Ngunit,(N) sino ka, O tao, na makikipagtalo sa Diyos? Sasabihin ba ng bagay na hinubog doon sa humubog sa kanya, “Bakit mo ako ginawang ganito?”

21 O wala bang karapatan ang magpapalayok sa luwad, upang gumawa mula sa iisang limpak ng isang sisidlan para sa marangal na gamit at ang isa'y para sa pangkaraniwang gamit?

22 Ano nga kung sa pagnanais ng Diyos na ipakita ang kanyang poot, at ipakilala ang kanyang kapangyarihan, ay nagtitiis na may pagtitiyaga sa mga kinapopootan niya[e] na inihanda para sa pagkawasak;

23 upang maipakilala niya ang kayamanan ng kanyang kaluwalhatian sa mga kinaaawaan,[f] na kanyang inihanda nang una pa para sa kaluwalhatian,

24 maging sa atin na kanyang tinawag, hindi lamang mula sa mga Judio, kundi mula rin sa mga Hentil?

25 Gaya(O) naman ng sinasabi niya sa Hoseas,

“Tatawagin kong ‘aking bayan’ ang hindi ko dating bayan;
    at ‘minamahal’ ang hindi dating minamahal.”
26 “At(P) mangyayari, na sa lugar na kung saan ay sinabi sa kanila, ‘Kayo'y hindi ko bayan,’
    doon sila tatawaging ‘mga anak ng Diyos na buháy.’”

27 At(Q) si Isaias ay sumisigaw tungkol sa Israel, “Bagaman ang bilang ng mga anak ng Israel ay maging tulad ng buhangin sa dagat, ang nalalabi lamang ang maliligtas:

28 sapagkat mabilis at tiyak na isasagawa ng Panginoon ang kanyang salita sa lupa.”

29 At(R) gaya ng sinabi nang una ni Isaias,

“Kung hindi nag-iwan sa atin ng isang binhi ang Panginoon ng mga hukbo,
    tayo'y naging katulad sana ng Sodoma,
    at naging gaya ng Gomorra.”

Ang Israel at ang Ebanghelyo

30 Ano nga ang ating sasabihin? Ang mga Hentil na hindi nagsumikap sa katuwiran ay nagkamit ng katuwiran, samakatuwid ay katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya;

31 ngunit ang Israel na nagsusumikap sa katuwiran sa pamamagitan ng kautusan, ay hindi nakaabot sa pagsunod sa kautusang iyon.

32 Bakit? Sapagkat hindi nila pinagsikapan iyon batay sa pananampalataya, kundi batay sa mga gawa. Sila'y natisod sa batong katitisuran,

33 gaya ng nasusulat,

“Tingnan ninyo,(S) inilalagay ko sa Zion ang isang batong ikabubuwal at batong katitisuran,
    at ang sumasampalataya sa kanya'y hindi malalagay sa kahihiyan.”

10 Mga kapatid, ang nais ng aking puso at ang dalangin ko sa Diyos alang-alang sa kanila ay ang sila ay maligtas.

Ako'y makapagpapatotoo na sila'y may sigasig para sa Diyos, subalit hindi ayon sa kaalaman.

Sapagkat sa kanilang pagiging mangmang sa katuwiran ng Diyos, at sa pagsisikap nilang maitayo ang sariling pagiging matuwid ay hindi sila nagpasakop sa pagiging matuwid ng Diyos.

Sapagkat si Cristo ang kinauuwian ng kautusan upang maging matuwid ang bawat sumasampalataya.

Ang Kaligtasan ay para sa Lahat

Sapagkat(T) sumusulat si Moises tungkol sa pagiging matuwid na batay sa kautusan, na “ang taong gumagawa ng mga bagay na ito ay mabubuhay sa mga ito.”

Ngunit(U) sinasabi ng pagiging matuwid na batay sa pananampalataya ang ganito, “Huwag mong sabihin sa iyong puso, ‘Sino ang aakyat sa langit?’” (Ito ay upang ibaba si Cristo.)

“O, ‘Sino ang mananaog sa kailaliman?’” (Ito ay upang iakyat si Cristo mula sa mga patay.)

Ngunit ano ang sinasabi nito? “Ang salita ay malapit sa iyo, nasa iyong bibig, at sa iyong puso.” Ito ay ang salita ng pananampalataya na aming ipinangangaral.

Sapagkat kung ipahahayag mo sa pamamagitan ng iyong bibig si Jesus na Panginoon, at sasampalataya ka sa iyong puso na binuhay siyang muli ng Diyos mula sa mga patay, ay maliligtas ka.

10 Sapagkat sa puso ang tao'y nananampalataya kaya't itinuturing na ganap, at sa pamamagitan ng bibig ay nagpapahayag kaya't naliligtas.

11 Sapagkat(V) sinasabi ng kasulatan, “Ang bawat sumasampalataya sa kanya ay hindi malalagay sa kahihiyan.”

12 Sapagkat walang pagkakaiba sa Judio at Griyego; sapagkat ang Panginoon ay siya ring Panginoon ng lahat, at siya'y mapagbigay sa lahat ng tumatawag sa kanya.

13 Sapagkat,(W) “Ang lahat ng tumatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.”

14 Ngunit paano nga silang tatawag sa kanya na hindi nila sinampalatayanan? At paano sila sasampalataya sa kanya na hindi nila napakinggan? At paano sila makikinig kung walang mangangaral?

15 At(X) paano sila mangangaral kung hindi sila sinugo? Gaya ng nasusulat, “Anong ganda ng mga paa ng mga nagdadala ng mabuting balita ng mabubuting bagay!”

16 Subalit(Y) hindi lahat ay sumunod sa ebanghelyo. Sapagkat sinasabi ni Isaias, “Panginoon, sino ang naniwala sa aming balita?”

17 Kaya ang pananampalataya ay nanggagaling sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng salita ni Cristo.[g]

18 Ngunit(Z) sinasabi ko, hindi ba nila narinig? Talagang narinig nila, sapagkat

“Ang tinig nila ay kumalat sa buong lupa,
    at ang kanilang mga salita, hanggang sa mga dulo ng daigdig.”

19 Ngunit(AA) sinasabi ko, hindi ba naunawaan ng Israel? Una ay sinasabi ni Moises,

“Papanibughuin ko kayo doon sa mga hindi isang bansa,
    sa pamamagitan ng isang bansang hangal ay gagalitin ko kayo.”

20 At(AB) si Isaias ay buong tapang na nagsasabi,

“Ako'y natagpuan nila na mga hindi humahanap sa akin;
    ako'y nahayag sa kanila na hindi nagtatanong tungkol sa akin.”

21 Subalit(AC) tungkol sa Israel ay sinasabi niya, “Sa buong araw ay iniunat ko ang aking mga kamay sa isang suwail at mapagsalungat na bayan.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001