Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Gawa 18-20

Sa Corinto

18 Pagkatapos ng mga bagay na ito, umalis si Pablo[a] sa Atenas, at pumunta sa Corinto.

Natagpuan niya roon ang isang Judio na ang pangalan ay Aquila, isang lalaking tubong Ponto, na kararating pa lamang mula sa Italia, kasama si Priscila na kanyang asawa, sapagkat ipinag-utos ni Claudio na ang lahat ng Judio ay umalis sa Roma. Pumunta si Pablo[b] sa kanila;

at dahil ang hanapbuhay niya'y tulad din ng kanila, tumuloy siya sa kanila, at sila'y magkakasamang nagtrabaho—parehong paggawa ng tolda ang hanapbuhay nila.

At siya'y nakikipagtalo tuwing Sabbath sa sinagoga at sinisikap na mahikayat ang mga Judio at mga Griyego.

Nang sina Silas at Timoteo ay dumating mula sa Macedonia, si Pablo ay naging abala sa pangangaral at pinatotohanan sa mga Judio na ang Cristo ay si Jesus.

Nang sila'y tumutol at lapastanganin siya, ipinagpag niya ang kanyang kasuotan at sa kanila'y sinabi, “Ang inyong dugo'y sumainyong sariling mga ulo! Ako'y malinis. Mula ngayon, pupunta ako sa mga Hentil.”

Siya'y umalis doon at pumasok sa bahay ng isang lalaking ang pangalan ay Tito Justo, na sumasamba sa Diyos; ang kanyang bahay ay katabi ng sinagoga.

At si Crispo, ang pinuno sa sinagoga ay nanampalataya sa Panginoon, kasama ang kanyang buong sambahayan; at marami sa mga taga-Corinto dahil sa pakikinig kay Pablo ay nanampalataya at nabautismuhan.

Isang gabi, sinabi ng Panginoon kay Pablo sa isang pangitain, “Huwag kang matakot, kundi magsalita ka, at huwag kang tumahimik;

10 sapagkat ako'y kasama mo, at walang taong gagalaw sa iyo upang saktan ka; sapagkat marami akong tao sa lunsod na ito.”

11 At siya'y nanatili roon ng isang taon at anim na buwan, na itinuturo sa kanila ang salita ng Diyos.

12 Subalit nang si Galio ay proconsul ng Acaia, ang mga Judio ay nagkaisang dakpin si Pablo at siya'y dinala sa harapan ng hukuman.

13 Kanilang sinabi, “Hinihikayat ng taong ito ang mga tao na sumamba sa Diyos laban sa kautusan.”

14 Ngunit nang magsasalita na si Pablo ay sinabi ni Galio sa mga Judio, “Kung ito'y tungkol sa masamang gawa o mabigat na kasalanan, ay may dahilan akong pagtiisan kayong mga Judio,

15 ngunit yamang ito ay usapin tungkol sa mga salita at mga pangalan at sa inyong sariling kautusan, kayo na ang bahala rito; wala akong hangad na maging hukom sa mga bagay na ito.”

16 At sila'y pinaalis niya sa hukuman.

17 Sinunggaban nilang lahat si Sostenes, ang pinuno sa sinagoga, at siya'y binugbog sa harapan ng hukuman. Ngunit hindi pinansin ni Galio ang mga bagay na ito.

Ang Pagbabalik sa Antioquia

18 Ngunit(A) si Pablo ay nanatili pa ng ilang araw, pagkatapos ay nagpaalam na sa mga kapatid, at buhat doo'y naglakbay patungo sa Siria, at kasama niya sina Priscila at Aquila. Inahit niya ang kanyang buhok sa Cencrea, sapagkat siya'y may panata.

19 Pagdating nila sa Efeso sila'y iniwan niya roon; ngunit pumasok muna siya sa sinagoga at nakipagtalo sa mga Judio.

20 Nang siya'y pinakiusapan nila na tumigil pa roon ng mas mahabang panahon, ay hindi siya pumayag,

21 kundi nang siya'y nagpaalam sa kanila, ay sinabi, “Babalik uli ako sa inyo kung loloobin ng Diyos.” At siya'y naglakbay buhat sa Efeso.

22 Nang dumaong na siya sa Cesarea, siya'y pumunta[c] sa Jerusalem at bumati sa iglesya, at pagkatapos ay nagtungo sa Antioquia.

23 Pagkatapos gumugol ng ilang panahon doon, umalis siya at nagpalipat-lipat sa mga lupain ng Galacia at Frigia, na pinapalakas ang lahat ng mga alagad.

Si Apolos sa Efeso at sa Corinto

24 Dumating noon sa Efeso ang isang Judio na ang pangalan ay Apolos, na tubong Alejandria. Siya ay mahusay magsalita at dalubhasa sa mga kasulatan.

25 Ang taong ito'y tinuruan sa Daan ng Panginoon; at palibhasa'y may maalab na espiritu, nagsalita siya at nagturo nang wasto tungkol kay Jesus, bagaman ang nalalaman lamang niya ay ang bautismo ni Juan.

26 At siya'y nagsimulang magsalita ng buong tapang sa sinagoga, ngunit nang siya'y marinig nina Priscila at Aquila ay kanilang isinama siya at ipinaliwanag sa kanya nang mas matuwid ang Daan ng Diyos.

27 Nang ibig niyang lumipat sa Acaia, pinalakas ng mga kapatid ang kanyang loob at sinulatan nila ang mga alagad na siya'y tanggapin. Nang siya'y dumating, kanyang lubos na tinulungan ang mga taong sa pamamagitan ng biyaya ay sumampalataya.

28 Sapagkat may kapangyarihan niyang dinaig nang hayagan ang mga Judio, ipinapakita niya sa pamamagitan ng mga kasulatan na ang Cristo ay si Jesus.

Si Pablo sa Efeso

19 Samantalang si Apolos ay nasa Corinto, si Pablo ay dumaan sa mga dakong loob ng lupain at nakarating sa Efeso. Doon ay nakatagpo siya ng ilang mga alagad.

At sinabi niya sa kanila, “Tinanggap ba ninyo ang Espiritu Santo nang kayo'y nanampalataya?”

Sinabi nila, “Hindi, ni hindi pa namin narinig na may Espiritu Santo.”

Kaya't sinabi niya, “Kung gayo'y sa ano kayo binautismuhan?”

Sinabi nila, “Sa bautismo ni Juan.”

Sinabi(B) ni Pablo, “Nagbautismo si Juan ng bautismo ng pagsisisi, na sinasabi sa mga tao na sila'y manampalataya sa darating na kasunod niya, samakatuwid ay kay Jesus.”

Nang kanilang marinig ito, sila'y binautismuhan sa pangalan ng Panginoong Jesus.

Nang maipatong na ni Pablo sa kanila ang kanyang mga kamay, bumaba sa kanila ang Espiritu Santo at sila'y nagsalita ng mga wika at nagpropesiya.

Silang lahat ay may labindalawang lalaki.

Siya'y pumasok sa sinagoga, at sa loob ng tatlong buwan ay nagsalita ng may katapangan, na nangangatuwiran at nanghihikayat tungkol sa mga bagay na nauukol sa kaharian ng Diyos.

Ngunit nang magmatigas ang ilan at ayaw maniwala, na nagsasalita ng masama tungkol sa Daan sa harapan ng kapulungan, kanyang iniwan sila at isinama ang mga alagad, at nakipagtalo araw-araw sa bulwagan ni Tiranno.[d]

10 At ito'y nagpatuloy sa loob ng dalawang taon, kaya't ang lahat ng mga naninirahan sa Asia ay nakarinig ng salita ng Panginoon, ang mga Judio at gayundin ang mga Griyego.

Ang mga Anak ni Eskeva

11 Gumawa ang Diyos ng mga di-pangkaraniwang himala sa pamamagitan ng mga kamay ni Pablo,

12 kaya't nang ang mga panyo o mga tapis na napadikit sa kanyang katawan ay dinala sa mga maysakit, nawala sa kanila ang mga sakit, at lumabas sa kanila ang masasamang espiritu.

13 Ngunit may ilang mga Judiong pagala-gala na nagpapalayas ng masasamang espiritu ang nangahas na bigkasin ang pangalan ng Panginoong Jesus sa mga may masasamang espiritu, na sinasabi, “Inuutusan ko kayo sa pamamagitan ni Jesus na ipinangangaral ni Pablo.”

14 Pitong anak na lalaki ng isang pinakapunong paring Judio, na ang pangalan ay Eskeva, ang gumagawa nito.

15 Ngunit sinagot sila ng masamang espiritu, “Kilala ko si Jesus, at kilala ko si Pablo; ngunit sino kayo?”

16 At ang taong kinaroroonan ng masamang espiritu ay lumukso sa kanila, at silang lahat ay dinaig niya, kaya tumakas sila sa bahay na iyon na mga hubad at sugatan.

17 Nalaman ito ng lahat ng naninirahan sa Efeso, mga Judio at gayundin ng mga Griyego; at sinidlan silang lahat ng takot, at pinuri ang pangalan ng Panginoong Jesus.

18 Marami rin naman sa mga nanampalataya ang dumating na ipinahahayag at ibinubunyag ang kanilang mga gawain.

19 Marami sa mga gumagamit ng mga salamangka ay tinipon ang kanilang mga aklat at sinunog sa paningin ng madla; at kanilang binilang ang halaga niyon, at napag-alamang may limampung libong pirasong pilak.

20 Sa gayo'y lumago at lubos na nanaig ang salita ng Panginoon.

Nagkagulo sa Efeso

21 Pagkatapos mangyari ang mga bagay na ito, ipinasiya ni Pablo sa Espiritu, na dumaan sa Macedonia at sa Acaia, at pumaroon sa Jerusalem, na sinasabi, “Pagkapanggaling ko roon, ay kinakailangang makita ko rin ang Roma.”

22 Isinugo niya sa Macedonia ang dalawa sa naglilingkod sa kanya, sina Timoteo at Erasto, samantalang siya ay tumigil nang ilang panahon sa Asia.

23 Nang panahong iyon ay nagkaroon ng malaking gulo tungkol sa Daan.

24 Sapagkat may isang tao na ang pangalan ay Demetrio, isang panday-pilak na gumagawa ng mga dambanang pilak ni Artemis, ay nagbibigay ng hindi maliit na pinagkakakitaan sa mga panday.

25 Ang mga ito ay kanyang tinipon pati ang mga manggagawa ng mga gayong hanapbuhay, at sinabi, “Mga ginoo, alam ninyo na mula sa gawaing ito ay mayroon tayong pakinabang.

26 Inyo ring nakikita at naririnig na hindi lamang sa Efeso, kundi halos sa buong Asia, na ang Pablong ito ay nakaakit at naglayo ng napakaraming tao, na sinasabing hindi mga diyos ang ginagawa ng mga kamay.

27 At may panganib na hindi lamang mawalan ng dangal ang hanapbuhay nating ito, kundi ang templo ng dakilang diyosang si Artemis ay mawalan din ng halaga. At siya ay maaari pang matanggal sa kanyang kadakilaan, siya na sinasamba ng buong Asia at ng sanlibutan.”

28 Nang marinig nila ito ay napuno sila ng galit at nagsigawan, “Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso!”

29 Napuno ng kaguluhan ang lunsod at sama-sama nilang nilusob ang tanghalan, at sinunggaban sina Gayo at Aristarco, mga taga-Macedonia, na kasama ni Pablo sa paglalakbay.

30 Nais ni Pablo na pumunta sa mga tao ngunit hindi siya pinayagan ng mga alagad.

31 Maging ang ilan sa mga pinuno sa Asia, na kanyang mga kaibigan, ay nagpasugo sa kanya at siya'y pinakiusapang huwag mangahas sa tanghalan.

32 Samantala, ang iba ay sumisigaw ng isang bagay, at ang ilan ay iba naman, sapagkat ang kapulungan ay nasa kaguluhan at hindi nalalaman ng karamihan kung bakit sila'y nagkakatipon.

33 Ilan sa maraming tao ang nag-udyok kay Alejandro at pinapunta ng mga Judio sa unahan. At sumenyas si Alejandro na nais niyang ipagtanggol ang sarili sa mga taong-bayan.

34 Ngunit nang makilala nila na siya'y isang Judio, sa loob ng halos dalawang oras silang lahat ay nagsigawan na may isang tinig, “Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso!”

35 Nang mapatahimik na ng kalihim ng bayan ang maraming tao, ay kanyang sinabi, “Mga lalaking taga-Efeso, sino sa mga tao ang hindi nakakaalam na ang lunsod ng mga taga-Efeso ay tagapag-ingat ng templo ng dakilang Artemis, at ng banal na batong nahulog mula sa langit?

36 Yamang hindi maikakaila ang mga bagay na ito, dapat kayong huminahon at huwag gumawa ng anumang bagay na padalus-dalos.

37 Dinala ninyo rito ang mga taong ito, na hindi mga magnanakaw sa templo ni mga lumalapastangan man sa ating diyosa.

38 Kaya't kung si Demetrio at ang mga panday na kasama niya ay mayroong reklamo laban sa kanino man, bukas ang mga hukuman, at may mga proconsul; hayaan ninyong doon magharap ng reklamo ang isa't isa.

39 Ngunit kung may iba pang bagay kayong hinahangad, ito ay lulutasin sa karaniwang kapulungan.

40 Sapagkat nanganganib tayong maparatangang nanggugulo sa araw na ito, palibhasa'y wala tayong maibibigay na dahilan upang bigyang-katuwiran ang gulong ito.”

41 Nang masabi na niya ang mga bagay na ito, pinaalis niya ang kapulungan.

Nagtungo si Pablo sa Macedonia at Grecia

20 Pagkatapos na tumigil ang kaguluhan, ipinatawag ni Pablo ang mga alagad at pagkatapos na mapangaralan sila ay nagpaalam sa kanila, at umalis patungo sa Macedonia.

Nang malakbay na niya ang mga lupaing ito, at mapalakas ang loob nila sa pamamagitan ng maraming salita ay nagtungo siya sa Grecia.

Doon ay nanatili siya ng tatlong buwan. Nang siya'y maglalakbay na patungong Siria, nagkaroon ng masamang balak ang mga Judio, kaya't ipinasiya niyang bumalik na dumaan sa Macedonia.

Siya'y sinamahan ni Sopatro na taga-Berea, na anak ni Pirro; ng mga taga-Tesalonica na sina Aristarco at Segundo, ni Gayo na taga-Derbe, at ni Timoteo, at ng taga-Asia na sina Tiquico at Trofimo.

Nauna ang mga ito at hinintay kami sa Troas,

ngunit naglakbay kami mula sa Filipos pagkaraan ng mga araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa, at sa loob ng limang araw ay dumating kami sa kanila sa Troas, kung saan kami tumigil ng pitong araw.

Ang Huling Dalaw ni Pablo sa Troas

Nang unang araw ng sanlinggo, nang kami ay nagtitipon upang magputul-putol ng tinapay, si Pablo ay nagsalita sa kanila; yamang nagbabalak siya na umalis kinabukasan, nagpatuloy siya sa pagsasalita hanggang hatinggabi.

Maraming ilaw sa silid sa itaas na pinagtipunan namin.

At may isang binata na ang pangalan ay Eutico na nakaupo sa bintana. Nakatulog siya nang mahimbing samantalang si Pablo ay nagsasalita nang mahaba; at dahil natalo ng antok ay nahulog siya mula sa ikatlong palapag, at siya'y patay na binuhat.

10 Ngunit nanaog si Pablo, dumapa sa ibabaw niya, at siya'y niyakap na sinabi, “Huwag kayong mabahala sapagkat nasa kanya ang kanyang buhay.”

11 Nang si Pablo ay makapanhik na at makapagputul-putol na ng tinapay at makakain na, nakipag-usap siya sa kanila nang matagal hanggang sa sumikat ang araw, pagkatapos siya'y umalis na.

12 Kanilang dinalang buháy ang binata, at lubusan silang naaliw.

Mula sa Troas Patungo sa Mileto

13 Ngunit nang nauna kami sa barko, naglakbay kami patungo sa Asos, na mula roon ay binabalak naming isama si Pablo, sapagkat gayon ang kanyang ipinasiya, na binalak niyang sa lupa maglakbay.

14 Nang salubungin niya kami sa Asos, siya'y isinama namin, at nakarating kami sa Mitilene.

15 Sa paglalakbay namin mula roon, dumating kami nang sumunod na araw sa tapat ng Chios. Nang sumunod na araw ay tumawid kami patungong Samos, at nakarating kami sa Mileto nang sumunod na araw.

16 Ipinasiya ni Pablo na lampasan ang Efeso, upang huwag na siyang gumugol ng panahon sa Asia; sapagkat siya'y nagmamadali na makarating sa Jerusalem, kung maaari ay sa araw ng Pentecostes.

Nagpaalam si Pablo sa Matatanda sa Efeso

17 Mula sa Mileto ay nagpasugo siya sa Efeso at ipinatawag ang matatanda ng iglesya.

18 Nang sila'y makarating sa kanya, ay sinabi niya sa kanila,

“Nalalaman ninyo kung paanong namuhay akong kasama ninyo sa buong panahon mula sa unang araw na ako'y tumuntong sa Asia,

19 na naglilingkod sa Panginoon ng buong kapakumbabaan at may luha, at may mga pagsubok na dumating sa akin dahil sa mga pagtatangka ng mga Judio.

20 Hindi ko ipinagkait na ipahayag sa inyo ang anumang bagay na kapaki-pakinabang, at hayag na nagtuturo sa inyo, at sa mga bahay-bahay,

21 na nagpapatotoo sa mga Judio at gayundin sa mga Griyego tungkol sa pagsisisi tungo sa Diyos at pananampalataya sa ating Panginoong Jesu-Cristo.

22 At ngayon, bilang bihag sa Espiritu[e] ay patungo ako sa Jerusalem, na hindi nalalaman ang mga bagay na mangyayari sa akin doon;

23 maliban na ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo sa akin sa bawat lunsod, na sinasabing ang mga tanikala at ang kapighatian ay naghihintay sa akin.

24 Ngunit(C) hindi ko itinuturing ang aking buhay na mahalaga sa aking sarili, upang maganap ko lamang ang aking katungkulan at ang ministeryong tinanggap ko sa Panginoong Jesus, na magpatotoo sa magandang balita ng biyaya ng Diyos.

25 “At ngayon, nalalaman ko na kayong lahat na aking nilibot na pinapangaralan ng kaharian, ay hindi na muling makikita pa ang aking mukha.

26 Kaya nga pinatototohanan ko sa inyo sa araw na ito, na ako'y walang pananagutan sa dugo ng sinuman sa inyo,[f]

27 sapagkat hindi ko ipinagkait na ipahayag sa inyo ang buong kapasiyahan ng Diyos.

28 Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan. Sa kanila'y inilagay kayo ng Espiritu Santo na mga tagapangasiwa[g] upang pangalagaan ninyo ang iglesya ng Diyos[h] na binili niya ng kanyang sariling dugo.

29 Alam ko na pag-alis ko ay papasok sa kalagitnaan ninyo ang mababangis na asong-gubat na walang patawad sa kawan;

30 at lilitaw mula sa inyo na ring kasamahan ang mga taong magsasalita ng mga bagay na lihis, upang akitin ang mga alagad na sumunod sa kanila.

31 Kaya't kayo'y maging handa at alalahanin ninyo na sa loob ng tatlong taon ay hindi ako tumigil sa gabi at araw ng pagbibigay-babala na may pagluha sa bawat isa.

32 Ngayo'y ipinagkakatiwala ko kayo sa Diyos, at sa salita ng kanyang biyaya, na makapagpapatibay sa inyo at makapagbibigay sa inyo ng mana na kasama ng lahat na mga ginawang banal.

33 Hindi ko pinag-imbutan ang pilak, o ang ginto, o ang damit ninuman.

34 Kayo mismo ang nakakaalam na ang mga kamay na ito ay naglingkod sa aking mga pangangailangan at sa mga kasama ko.

35 Sa lahat ng bagay ay ipinakita ko sa inyo na sa ganitong paggawa ay dapat tulungan ang mahihina, at alalahanin ang mga salita ng Panginoong Jesus, na siya mismo ang nagsabi, ‘Higit na mapalad ang magbigay kaysa tumanggap.’”

36 Pagkatapos niyang magsalita ay lumuhod siya at nanalanging kasama nilang lahat.

37 At silang lahat ay nag-iyakan, niyakap si Pablo at siya'y hinagkan,

38 na ikinalulungkot higit sa lahat ang salitang sinabi niya, na siya'y hindi na nila makikita pang muli. Pagkatapos ay kanilang inihatid siya sa barko.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001