Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Roma 14-16

Huwag Humatol sa Iyong Kapatid

14 Ngunit(A) ang mahina sa pananampalataya[a] ay tanggapin ninyo, hindi upang mag-away tungkol sa mga kuru-kuro.

May taong naniniwala na makakain ang lahat ng mga bagay; ngunit ang mahina ay kumakain ng mga gulay.

Huwag hamakin ng kumakain ang hindi kumakain; at ang hindi kumakain ay huwag humatol sa kumakain; sapagkat sila'y tinanggap ng Diyos.

Sino kang humahatol sa alipin ng iba? Sa kanyang sariling panginoon siya ay tatayo o mabubuwal. Subalit siya'y patatayuin, sapagkat magagawa ng Panginoon na siya'y tumayo.

May taong nagpapahalaga sa isang araw nang higit kaysa iba, ngunit may iba namang nagpapahalaga sa bawat araw. Hayaang mapanatag ang bawat tao sa kanyang sariling pag-iisip.

Ang nagpapahalaga sa araw ay nagpapahalaga nito sa Panginoon; at ang kumakain ay kumakain para sa Panginoon, sapagkat siya'y nagpapasalamat sa Diyos; at ang hindi kumakain para sa Panginoon ay hindi kumakain at nagpapasalamat sa Diyos.

Walang sinuman sa atin ang nabubuhay sa kanyang sarili, at walang sinumang namamatay sa kanyang sarili.

Kung nabubuhay tayo, sa Panginoon tayo'y nabubuhay; o kung namamatay tayo, sa Panginoon tayo'y namamatay. Kaya't mabuhay man tayo o mamatay, tayo'y sa Panginoon.

Sapagkat dahil dito si Cristo ay namatay at muling nabuhay, upang siya'y maging Panginoon ng mga patay at gayundin ng mga buháy.

10 At(B) ikaw, bakit mo hinahatulan ang iyong kapatid? O ikaw naman, bakit hinahamak mo ang iyong kapatid? Sapagkat tayong lahat ay tatayo sa harapan ng hukuman ng Diyos.

11 Sapagkat(C) nasusulat,

“Kung paanong buháy ako, sabi ng Panginoon, ang bawat tuhod ay luluhod sa akin,
    at ang bawat dila ay magpupuri[b] sa Diyos.”

12 Kaya't ang bawat isa sa atin ay magbibigay-sulit sa Diyos ng kanyang sarili.

Huwag Maging Dahilan ng Pagkakasala ng Iyong Kapatid

13 Huwag na tayong humatol pa sa isa't isa; kundi ipasiya na huwag maglagay ng batong katitisuran o ng balakid sa daan ng kanyang kapatid.

14 Nalalaman ko, at naniniwala akong lubos sa Panginoong Jesus na walang anumang bagay na marumi sa kanyang sarili, maliban doon sa nagpapalagay na ang isang bagay ay marumi, sa kanya ito ay marumi.

15 Kung dahil sa pagkain ay nasasaktan ang kalooban ng iyong kapatid, hindi ka na lumalakad ayon sa pag-ibig. Huwag mong ipahamak dahil sa iyong pagkain ang mga taong alang-alang sa kanila ay namatay si Cristo.

16 Huwag nga ninyong hayaan na ang inyong kabutihan ay masabing masama.

17 Sapagkat ang kaharian ng Diyos ay hindi ang pagkain at pag-inom, kundi ang pagiging matuwid, kapayapaan, at ang kagalakan sa Espiritu Santo.

18 Sapagkat ang naglilingkod nang ganito kay Cristo ay kalugud-lugod sa Diyos, at tinatanggap ng mga tao.

19 Kaya nga sundin natin ang mga bagay na magbubunga ng kapayapaan, at ang mga bagay na makapagpapatibay sa isa't isa.

20 Huwag mong wasakin ang gawa ng Diyos dahil sa pagkain. Tunay na ang lahat ng mga bagay ay malilinis; gayunman ay masama para sa iyo na sa pamamagitan ng iyong kinakain ay matisod ang iba.

21 Mabuti ang hindi kumain ng karne, ni uminom ng alak, ni gumawa ng anuman na ikatitisod ng iyong kapatid.

22 Ang paniniwalang nasa iyo ay taglayin mo sa iyong sarili sa harapan ng Diyos. Mapalad ang hindi humahatol sa kanyang sarili dahil sa bagay na kanyang sinasang-ayunan.

23 Ngunit ang nag-aalinlangan ay hinahatulan kung kumakain, sapagkat hindi batay sa pananampalataya; at ang anumang hindi batay sa pananampalataya[c] ay kasalanan.

Bigyang-lugod ang Kapwa, Huwag ang Sarili

15 Kaya't tayong malalakas ay nararapat magtiis sa kahinaan ng mahihina, at hindi upang magbigay-lugod sa ating mga sarili.

Bawat isa sa atin ay magbigay-lugod sa kanyang kapwa para sa kanyang kabutihan, tungo sa ikatitibay niya.

Sapagkat(D) si Cristo man ay hindi nagbigay-lugod sa kanyang sarili; kundi gaya ng nasusulat, “Ang mga pag-alipusta ng mga umaalipusta sa iyo ay nahulog sa akin.”

Sapagkat ang anumang mga bagay na isinulat noong una ay isinulat upang tayo ay matuto, upang sa pamamagitan ng pagtitiyaga at sa pagpapasigla ng mga kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.

Ngayon, ipagkaloob nawa ng Diyos ng pagtitiis at kaaliwan, na kayo ay magkaisa ng pag-iisip sa isa't isa ayon kay Cristo Jesus,

upang kayo na may isang pag-iisip sa pamamagitan ng isang bibig ay luwalhatiin ninyo ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Ebanghelyo sa mga Hentil

Kaya't tanggapin ninyo ang isa't isa, gaya naman ni Cristo na tinanggap kayo sa ikaluluwalhati ng Diyos.

Sapagkat sinasabi ko na si Cristo ay naging lingkod sa pagtutuli upang ipakita ang katotohanan ng Diyos, upang kanyang mapagtibay ang mga pangako sa mga ninuno,

at(E) upang ang mga Hentil ay lumuwalhati sa Diyos dahil sa kanyang kahabagan, gaya ng nasusulat,

“Kaya't ikaw ay aking pupurihin sa gitna ng mga Hentil, at aawit ako ng papuri sa iyong pangalan.”
10 At(F) muling sinasabi niya,
“Magalak kayo, kayong mga Hentil, kasama ng kanyang bayan.”
11 At(G) muli,
“Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat ng mga Hentil; at purihin siya ng lahat ng mga bayan.”
12 At(H) muli, sinasabi ni Isaias,
“Darating ang ugat ni Jesse,
    siya ang babangon upang maghari sa mga Hentil;
    sa kanya aasa ang mga Hentil.”

13 Puspusin nawa kayo ng Diyos ng pag-asa, ng buong kagalakan at kapayapaan sa pananampalataya, upang kayo'y sumagana sa pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

Ang Dahilan ng Ganitong Sulat ni Pablo

14 At ako naman sa aking sarili ay naniniwalang lubos tungkol sa inyo, mga kapatid ko, na kayo man ay punung-puno ng kabutihan, pinuspos ng lahat ng kaalaman, na may kakayahang magturo sa isa't isa.

15 Ngunit sa ibang bahagi ay sinulatan ko kayong may katapangan bilang pagpapaalala sa inyo, dahil sa biyayang sa akin ay ibinigay ng Diyos,

16 upang ako'y maging ministro ni Cristo Jesus sa mga Hentil, na naglilingkod sa banal na gawain sa ebanghelyo ng Diyos, upang ang paghahandog ng mga Hentil ay maging kalugud-lugod, yamang ito'y ginawang banal ng Espiritu Santo.

17 Kay Cristo Jesus, kung magkagayon, ay mayroon akong dahilan upang ipagmalaki ang tungkol sa aking gawain para sa Diyos.

18 Sapagkat hindi ako mangangahas magsalita ng anumang bagay, maliban sa mga ginawa ni Cristo sa pamamagitan ko, upang sumunod ang mga Hentil, sa salita at sa gawa,

19 sa kapangyarihan ng mga tanda at ng mga kababalaghan, sa kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos;[d] kaya't buhat sa Jerusalem at sa palibot-libot hanggang sa Ilirico, ay aking ipinangaral na lubos ang ebanghelyo ni Cristo.

20 Kaya't ginawa kong mithiin na maipangaral ang ebanghelyo hindi doon sa naipakilala na si Cristo, upang hindi ako makapagtayo sa ibabaw ng pinagsaligan ng iba,

21 kundi,(I) gaya ng nasusulat,
“Silang hindi pa nabalitaan tungkol sa kanya ay makakakita, at silang hindi pa nakarinig ay makakaunawa.”

Ang Balak ni Pablo na Dumalaw sa Roma

22 Ito(J) ang dahilan kaya't madalas akong nahahadlangan sa pagpunta sa inyo.

23 Subalit ngayon, yamang ako ay wala nang lugar para sa gawain sa mga lupaing ito, at yamang matagal ko nang nais na pumunta sa inyo,

24 inaasahan kong makikita ko kayo sa aking paglalakbay patungo sa Espanya, at ako'y tutulungan ninyo patungo doon, pagkatapos makasama kayo na may kasiyahan nang kaunting panahon.

25 Ngunit(K) ngayon, ako'y patungong Jerusalem, upang maglingkod sa mga banal.

26 Sapagkat minabuti ng Macedonia at ng Acaia na gumawa ng isang ambagang laan sa mga dukha sa mga banal na nasa Jerusalem.

27 Ito'y(L) kalugud-lugod sa kanila; at sila ay may utang na loob sa kanila, sapagkat kung ang mga Hentil ay naging mga kabahagi sa kanilang mga bagay na espirituwal, nararapat naman nilang paglingkuran ang mga iyon sa mga bagay na ayon sa laman.

28 Kapag nagampanan ko na ito, at aking maibigay na sa kanila ang nalikom, magdaraan ako sa inyo patungong Espanya.

29 At nalalaman ko na pagpunta ko sa inyo, ay darating akong puspos ng pagpapala ng ebanghelyo ni Cristo.

30 Ngayo'y isinasamo ko sa inyo, mga kapatid, alang-alang sa ating Panginoong Jesu-Cristo, at sa pag-ibig ng Espiritu, na kayo'y magsikap na kasama ko sa inyong mga panalangin sa Diyos para sa akin,

31 upang ako'y mailigtas sa mga hindi sumasampalataya na nasa Judea, at upang ang aking pamamahagi sa Jerusalem ay maging kalugud-lugod sa mga banal;

32 upang sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, ako'y makarating sa inyo na may kagalakan, at makapagpahingang kasama ninyo.

33 Ngayon, ang Diyos ng kapayapaan ay sumainyo nawang lahat. Amen.

Mga Pagbati

16 Ipinagtatagubilin ko sa inyo si Febe na ating kapatid na babae, na lingkod sa iglesya na nasa Cencrea,

upang tanggapin ninyo siya sa Panginoon, ayon sa nararapat sa mga banal, at tulungan ninyo siya sa anumang bagay na kakailanganin niya sa inyo, sapagkat siya nama'y naging katulong ng marami, at ng aking sarili.

Batiin(M) ninyo si Priscila at si Aquila na aking mga kamanggagawa kay Cristo Jesus,

na ipinain ang kanilang leeg para sa aking buhay, sa kanila'y hindi lamang ako ang nagpapasalamat, kundi pati ang lahat ng mga iglesya ng mga Hentil.

Batiin din ninyo ang iglesya na nasa kanilang bahay. Batiin ninyo si Epeneto na minamahal ko, na siyang unang nahikayat kay Cristo sa Asia.

Batiin ninyo si Maria, na lubhang maraming nagawa para sa inyo.

Batiin ninyo si Andronico at si Junias, na aking mga kamag-anak, at mga kasama ko sa pagkabilanggo. Sila'y kilala sa mga apostol at sila ay nauna sa akin kay Cristo.

Batiin ninyo si Ampliato na aking minamahal sa Panginoon.

Batiin ninyo si Urbano na aming kamanggagawa kay Cristo, at si Estaquis na minamahal ko.

10 Batiin ninyo si Apeles na subok kay Cristo. Batiin ninyo ang mga kasambahay ni Aristobulo.

11 Batiin ninyo si Herodion na aking kamag-anak. Batiin ninyo ang mga kasambahay ni Narciso, yaong nasa Panginoon.

12 Batiin ninyo si Trifena at si Trifosa, na manggagawa ng Panginoon. Batiin ninyo si Persida na minamahal, na marami ang nagawa para sa Panginoon.

13 Batiin(N) ninyo si Rufo na hinirang sa Panginoon, at ang kanyang ina at ina ko rin.

14 Batiin ninyo si Asincrito, si Flegonte, si Hermes, si Patrobas, si Hermas, at ang mga kapatid na kasama nila.

15 Batiin ninyo si Filologo at si Julia, si Nereo at ang kanyang kapatid na babae, at si Olimpas, at ang lahat ng mga banal na kasama nila.

16 Magbatian kayo ng banal na halik. Binabati kayo ng lahat ng mga iglesya ni Cristo.

Mga Dagdag na Tagubilin

17 Ngayo'y isinasamo ko sa inyo, mga kapatid, na tandaan ninyo ang mga lumilikha ng pagkakabaha-bahagi at ng mga katitisuran na laban sa mga aral na inyong natutunan; lumayo kayo sa kanila.

18 Sapagkat ang mga gayon ay hindi naglilingkod kay Cristo na Panginoon natin kundi sa kanilang sariling tiyan; at sa pamamagitan ng kanilang mahusay na pananalita at matatamis na talumpati[e] ay dinadaya nila ang mga puso ng mga walang muwang.

19 Ang inyong pagsunod ay naging bantog sa lahat ng mga tao, kaya't nagagalak ako tungkol sa inyo. Ngunit nais kong kayo'y maging marurunong sa kabutihan, at walang sala tungkol sa kasamaan.

20 At si Satanas ay dudurugin ng Diyos ng kapayapaan sa madaling panahon sa ilalim ng inyong mga paa. Ang biyaya nawa ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo.

21 Binabati(O) kayo ni Timoteo na aking kamanggagawa, at nina Lucio, Jason at Sosipatro, na aking mga kamag-anak.

22 Akong si Tercio, na sumusulat ng sulat na ito, ay bumabati sa inyo sa Panginoon.

23 Binabati(P) kayo ni Gayo na tinutuluyan ko, at ng buong iglesya. Binabati kayo ni Erasto na ingat-yaman ng lunsod, at ng kapatid na si Cuarto.

[24 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyong lahat. Amen.]

25 At ngayon, sa Diyos[f] na may kapangyarihang magpatibay sa inyo ayon sa aking ebanghelyo at sa pangangaral ni Jesu-Cristo, ayon sa pahayag ng hiwaga na inilihim sa napakahabang panahon,[g]

26 subalit nahayag na ngayon, at sa pamamagitan ng mga kasulatan ng mga propeta, ay ipinakilala sa lahat ng mga bansa tungo sa pagsunod sa pananampalataya, ayon sa utos ng Diyos na walang hanggan—

27 sa iisang Diyos na marunong, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, sumakanya ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001