Beginning
Kinahabagan ng Diyos ang Israel
11 Sinasabi(A) ko nga, itinakuwil ba ng Diyos ang kanyang bayan? Huwag nawang mangyari. Sapagkat ako man ay Israelita, mula sa binhi ni Abraham, mula sa lipi ni Benjamin.
2 Hindi itinakuwil ng Diyos ang kanyang bayan na nang una pa'y kilala na niya. O hindi ba ninyo nalalaman ang sinasabi ng kasulatan tungkol kay Elias? Kung paanong nagmakaawa siya sa Diyos laban sa Israel?
3 “Panginoon,(B) pinatay nila ang iyong mga propeta, giniba nila ang iyong mga dambana; at ako'y naiwang nag-iisa, at tinutugis nila ang aking buhay.”
4 Subalit(C) ano ang sinasabi sa kanya ng kasagutan ng Diyos? “Nagtira ako para sa akin ng pitong libong lalaki na hindi lumuhod kay Baal.”
5 Gayundin sa panahong kasalukuyan ay may nalalabi na hinirang sa pamamagitan ng biyaya.
6 Ngunit kung ito'y sa pamamagitan ng biyaya, ito'y hindi na batay sa mga gawa; kung hindi, ang biyaya ay hindi biyaya.
7 Ano ngayon? Ang hinahanap ng Israel ay hindi niya nakamtan, ngunit ito'y nakamtan ng hinirang at ang iba'y pinapagmatigas,
8 ayon(D) sa nasusulat,
“Binigyan sila ng Diyos ng espiritu ng pagkakahimbing,
ng mga matang hindi tumitingin,
at ng mga taingang hindi nakikinig
hanggang sa araw na ito.”
9 At(E) sinasabi ni David,
“Ang kanilang hapag nawa'y maging isang silo, isang bitag,
isang katitisuran, at isang ganti sa kanila;
10 magdilim nawa ang kanilang mga mata, upang sila'y huwag makakita,
mabaluktot nawa ang kanilang likod nang habang panahon.”
11 Sinasabi ko nga, natisod ba sila upang mahulog? Huwag nawang mangyari. Subalit sa pagkahulog nila'y dumating ang kaligtasan sa mga Hentil, upang pukawin sila sa paninibugho.
12 Ngayon kung ang pagkahulog nila ay siyang kayamanan ng sanlibutan, at ang pagkalugi nila ay siyang kayamanan ng mga Hentil, gaano pa kaya ang lubos na panunumbalik nila?
Ang Kaligtasan ng mga Hentil
13 Ngayo'y nagsasalita ako sa inyong mga Hentil. Palibhasa ako nga'y isang apostol sa mga Hentil, niluluwalhati ko ang aking ministeryo
14 baka sakaling mapukaw ko sa panibugho ang aking mga kapwa Judio at mailigtas ang ilan sa kanila.
15 Sapagkat kung ang pagkatakuwil sa kanila ay siyang pakikipagkasundo ng sanlibutan, ano kaya ang pagtanggap sa kanila, kundi buhay mula sa mga patay?
16 Kung ang masang inialay bilang unang bunga ay banal, ay gayundin ang buong limpak; at kung ang ugat ay banal, gayundin ang mga sanga.
17 Subalit kung ang ilang mga sanga ay nabali, at ikaw, na isang olibong ligaw ay isinanib sa kanila, at ikaw ay naging kabahagi nila sa ugat ng katabaan ng punong olibo,
18 huwag kang magmalaki sa mga sanga. Ngunit kung magmalaki ka, alalahanin mong hindi ikaw ang nagdadala sa ugat, kundi ang ugat ang nagdadala sa iyo.
19 Sasabihin mo nga, “Ang mga sanga ay nabali upang ako ay maisanib.”
20 Tama; sa kawalan nila ng pananampalataya ay nabali sila, at sa iyong pananampalataya'y nakatayo ka. Huwag kang magmalaki kundi matakot ka.
21 Sapagkat kung hindi pinanghinayangan ng Diyos ang mga likas na sanga, ikaw man ay hindi panghihinayangan.
22 Tingnan mo nga ang kabaitan at ang kabagsikan ng Diyos: sa mga nahulog ay kabagsikan, ngunit sa iyo ay ang kabaitan ng Diyos kung mananatili ka sa kanyang kabaitan; kung hindi, ikaw man ay puputulin.
23 At sila man, kung hindi sila magpapatuloy sa di-pagsampalataya, sila ay mapapasanib, sapagkat makapangyarihan ang Diyos upang sila'y isanib na muli.
24 Sapagkat kung ikaw nga na pinutol mula sa likas na olibong ligaw, at salungat sa kalikasan, ay isinanib ka sa pinayabong na punong olibo; gaano pa nga ang mga ito, na mga likas na sanga na maisasanib sa kanilang sariling punong olibo?
Nahahabag ang Diyos sa Lahat
25 Upang kayo'y huwag magmarunong sa inyong sarili, mga kapatid, nais kong malaman ninyo ang hiwagang ito, na ang pagmamatigas ay nangyari sa isang bahagi ng Israel hanggang makapasok ang buong bilang ng mga Hentil.
26 Sa(F) ganoon ang buong Israel ay maliligtas; gaya ng nasusulat,
“Lalabas mula sa Zion ang Tagapagligtas;
ihihiwalay niya ang kasamaan mula sa Jacob.”
27 “At(G) ito ang aking tipan sa kanila,
kapag inalis ko ang kanilang mga kasalanan.”
28 Tungkol sa ebanghelyo, sila'y mga kaaway alang-alang sa inyo; subalit tungkol sa paghirang, sila'y mga minamahal alang-alang sa mga ninuno.
29 Sapagkat ang mga kaloob at ang pagtawag ng Diyos ay hindi mababago.
30 Kung paanong kayo nang dati ay mga masuwayin sa Diyos, subalit ngayon kayo'y tumanggap ng habag sa pamamagitan ng kanilang pagsuway,
31 gayundin naman ang mga ito na ngayon ay naging mga masuwayin upang sa pamamagitan ng habag na ipinakita sa inyo, sila rin ay tumanggap ngayon ng habag.
32 Sapagkat kinulong ng Diyos ang lahat sa pagsuway upang siya'y mahabag sa lahat.
Papuri sa Diyos
33 O(H) ang kalaliman ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman ng Diyos! Hindi masuri ang mga hatol niya, at hindi masiyasat ang kanyang mga daan!
34 “Sapagkat(I) sino ang nakakaalam ng pag-iisip ng Panginoon?
O sino ang kanyang naging tagapayo?”
35 “O(J) sino ang nakapagbigay na sa kanya,
at siya'y mababayaran?”
36 Sapagkat(K) mula sa kanya, at sa pamamagitan niya, at para sa kanya ang lahat ng mga bagay. Sumakanya nawa ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.
Pamumuhay Cristiano
12 Kaya nga, mga kapatid, isinasamo ko sa inyo, alang-alang sa mga kahabagan ng Diyos, na inyong ialay ang inyong mga katawan na isang handog na buháy, banal, na kasiya-siya sa Diyos, na siya ninyong makatuwirang paglilingkod.[a]
2 Huwag ninyong tularan ang sanlibutang ito; kundi magbago kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo kung alin ang mabuti, kasiya-siya, at lubos na kalooban ng Diyos.
3 Sapagkat sinasabi ko, sa pamamagitan ng biyaya na ibinigay sa akin, na ang bawat isa sa inyo ay huwag mag-isip sa kanyang sarili nang higit kaysa nararapat niyang isipin; kundi mag-isip nang may katinuan, ayon sa sukat ng pananampalataya na ipinamahagi ng Diyos sa bawat isa.
4 Sapagkat(L) kung paanong sa isang katawan ay mayroon tayong maraming mga bahagi, at ang mga bahagi ay hindi magkakatulad ang gawain;
5 kaya't tayo na marami, ay iisang katawan kay Cristo, at mga bahagi na sama-sama sa isa't isa.
6 Tayo(M) ay may mga kaloob na magkakaiba ayon sa biyaya na ibinigay sa atin: kung propesiya ay gamitin ito ayon sa sukat ng pananampalataya;
7 kung paglilingkod ay sa paglilingkod, o ang nagtuturo ay sa pagtuturo;
8 o ang nangangaral ay sa pangangaral; ang nagbibigay ay magbigay na may magandang-loob; ang namumuno ay may pagsisikap; ang mahabagin ay may kasiglahan.
9 Ang pag-ibig ay maging walang pagkukunwari. Kapootan ninyo ang masama; panghawakan ang mabuti.
10 Magmahalan kayo na may pag-ibig bilang magkakapatid; sa pagpaparangal sa iba ay mag-unahan kayo,
11 huwag maging tamad sa pagsisikap, maging maalab sa espiritu, na naglilingkod sa Panginoon.
12 Magalak kayo sa pag-asa, maging matiisin sa kapighatian, matiyaga sa pananalangin.
13 Magbigay sa mga pangangailangan ng mga banal at magmagandang-loob sa mga dayuhan.
14 Pagpalain(N) ninyo ang mga umuusig sa inyo; pagpalain ninyo, at huwag ninyong sumpain.
15 Makigalak kayo sa mga nagagalak; makiiyak kayo sa mga umiiyak.
16 Magkaisa(O) kayo ng pag-iisip. Huwag ninyong ituon ang inyong pag-iisip sa mga palalong bagay, kundi makiayon kayo sa mga bagay na may kapakumbabaan. Huwag kayong magmagaling sa inyong mga sarili.
17 Huwag ninyong gantihan ang sinuman ng masama sa masama. Isipin ninyo ang mga bagay na kapuri-puri sa harapan ng lahat ng mga tao.
18 Kung maaari, hanggang sa inyong makakaya, ay makipamuhay kayo nang mapayapa sa lahat ng mga tao.
19 Mga(P) minamahal, huwag ninyong ipaghiganti ang inyong sarili, kundi ipaubaya iyon sa galit ng Diyos; sapagkat nasusulat, “Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.”
20 Kaya't(Q) “kung ang iyong kaaway ay magutom, pakainin mo; kung siya'y mauhaw, painumin mo; sapagkat sa paggawa mo ng ganito ay mga baga ng apoy ang ibubunton mo sa kanyang ulo.”
21 Huwag kang padaig sa masama, kundi daigin mo ng mabuti ang masama.
Tungkulin sa mga may Kapangyarihan
13 Ang bawat tao ay magpasakop sa mga namamahalang awtoridad, sapagkat walang pamamahala na hindi mula sa Diyos; at ang mga pamamahalang iyon ay itinalaga ng Diyos.
2 Kaya't ang lumalaban sa may kapangyarihan[b] ay lumalaban sa itinalaga ng Diyos; at ang mga lumalaban ay tatanggap ng kahatulan sa kanilang sarili.
3 Sapagkat ang mga pinuno ay hindi kilabot sa mabuting gawa, kundi sa masama. At ibig mo bang huwag magkaroon ng takot sa may kapangyarihan? Gawin mo ang mabuti, at magkakamit ka ng kapurihan mula sa kanya:
4 sapagkat siya'y lingkod ng Diyos para sa kabutihan mo. Ngunit kung masama ang ginagawa mo, matakot ka, sapagkat hindi walang kabuluhan ang pagdadala niya ng tabak. Siya'y lingkod ng Diyos, upang ilapat ang poot sa gumagawa ng masama.
5 Kaya't nararapat na magpasakop, hindi lamang dahil sa galit, kundi dahil din sa budhi.
6 Sapagkat(R) sa gayunding dahilan ay nagbabayad din kayo ng buwis, sapagkat ang namamahala ay mga lingkod ng Diyos na patuloy na nangangasiwa sa bagay na ito.
7 Ibigay ninyo sa lahat ang sa kanila'y nararapat: buwis sa dapat buwisan; ambag sa dapat ambagan; paggalang sa dapat igalang; parangal sa dapat parangalan.
Tungkulin sa Kapwa
8 Huwag kayong magkautang ng anuman sa kaninuman, kundi mag-ibigan sa isa't isa, sapagkat ang umiibig sa kanyang kapwa'y nakatupad na ng kautusan.
9 Ang(S) mga utos na, “Huwag kang mangangalunya; Huwag kang papatay; Huwag kang magnanakaw; Huwag kang mag-iimbot;” at kung mayroon pang ibang utos, ay nauuwi sa salitang ito, “Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”
10 Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kanyang kapwa; ang pag-ibig ang siyang katuparan ng kautusan.
11 Bukod dito, alam ninyo ang panahon, na ngayo'y oras na upang magising kayo sa pagkakatulog. Sapagkat ngayon ay higit na malapit na sa atin ang kaligtasan kaysa noong tayo'y sumampalataya nang una.
12 Malalim na ang gabi, at ang araw ay malapit na. Kaya't iwaksi na natin ang mga gawa ng kadiliman, at ating isakbat ang mga sandata ng liwanag.
13 Lumakad tayo nang maayos, gaya ng sa araw; huwag sa kalayawan at paglalasing, huwag sa kalaswaan at sa kahalayan, huwag sa mga away at paninibugho.
14 Kundi isuot ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo, at huwag ninyong paglaanan ang laman, upang masunod ang mga pagnanasa nito.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001