Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Juan 13-15

Hinugasan ni Jesus ang mga Paa ng mga Alagad

13 Bago magpista ng Paskuwa, alam na ni Jesus na dumating na ang oras ng kanyang pagpanaw sa sanlibutang ito patungo sa Ama. Yamang minamahal niya ang sariling kanya na nasa sanlibutan, sila ay kanyang minahal hanggang sa katapusan.

Nang oras ng hapunan, inilagay na ng diyablo sa puso ni Judas Iscariote, na anak ni Simon, na ipagkanulo siya.

Alam ni Jesus na ibinigay na ng Ama ang lahat ng mga bagay sa kanyang mga kamay, at siya'y nanggaling sa Diyos at patungo sa Diyos.

Kaya tumindig siya pagkatapos maghapunan, itinabi ang kanyang damit, at siya'y kumuha ng isang tuwalya, at ibinigkis sa kanyang sarili.

Pagkatapos ay nagsalin siya ng tubig sa palanggana, at nagsimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad, at pagkatapos ay pinunasan ng tuwalya na nakabigkis sa kanya.

Lumapit siya kay Simon Pedro na nagtanong sa kanya, “Panginoon, huhugasan mo ba ang aking mga paa?”

Sumagot si Jesus sa kanya, “Ang ginagawa ko'y hindi mo pa nauunawaan ngayon, ngunit malalaman mo pagkatapos ng mga ito.”

Sinabi sa kanya ni Pedro, “Hindi mo huhugasan ang aking mga paa kailanman.” Sinagot siya ni Jesus, “Kung hindi kita huhugasan, ay hindi ka magkakaroon ng bahagi sa akin.”

Sinabi sa kanya ni Simon Pedro, “Panginoon, hindi ang aking mga paa lamang, kundi pati ang aking mga kamay at ang aking ulo.”

10 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ang napaliguan na ay hindi na kailangang hugasan maliban ang kanyang mga paa, sapagkat malinis nang lubos. Kayo'y malilinis na, ngunit hindi ang lahat.

11 Sapagkat nalalaman niya kung sino ang magkakanulo sa kanya, kaya't sinabi niya, “Hindi lahat sa inyo ay malilinis.”

12 Kaya(A) nang mahugasan niya ang kanilang mga paa, at makuha ang kanyang mga damit at muling maupo, ay sinabi niya sa kanila, “Nalalaman ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo?

13 Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon at tama kayo, sapagkat ako nga.

14 Kung ako nga, na Panginoon at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, kayo man ay dapat ding maghugas ng mga paa ng isa't isa.

15 Sapagkat kayo'y binigyan ko ng halimbawa, upang gawin din ninyo ayon sa ginawa ko sa inyo.

16 Katotohanang(B) sinasabi ko sa inyo, ang alipin ay hindi higit na dakila kaysa kanyang panginoon, o ang sinugo ay higit na dakila kaysa nagsugo sa kanya.

17 Kung nalalaman ninyo ang mga bagay na ito, mapapalad kayo kung inyong gagawin.

18 Hindi(C) ako nagsasalita tungkol sa inyong lahat; nakikilala ko ang aking mga hinirang. Ngunit ito ay upang matupad ang kasulatan, ‘Ang kumain ng aking tinapay ay nagtaas ng kanyang sakong laban sa akin.’

19 Sinasabi ko na sa inyo ngayon bago ito mangyari, upang kapag ito ay nangyari ay maniwala kayo na Ako Nga.

20 Katotohanang(D) sinasabi ko sa inyo, ang sinumang tumatanggap sa aking sinugo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tinatanggap siya na nagsugo sa akin.”

Hinulaan ni Jesus ang Pagkakanulo sa Kanya(E)

21 Nang masabi ni Jesus ang mga bagay na ito, siya'y nabagabag sa espiritu, at nagpatotoo, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ako'y ipagkakanulo ng isa sa inyo.”

22 Ang mga alagad ay nagtinginan sa isa't isa na hindi tiyak kung sino ang tinutukoy niya.

23 Isa sa kanyang mga alagad, na minamahal ni Jesus, ang nakahilig malapit kay Jesus.

24 Hinudyatan siya ni Simon Pedro upang itanong kay Jesus kung sino ang tinutukoy niya.

25 Kaya't yamang nakahilig malapit kay Jesus ay sinabi sa kanya, “Panginoon, sino ba iyon?”

26 Sumagot si Jesus, “Siya iyong aking bibigyan ng tinapay pagkatapos na maisawsaw ko ito.” Kaya't nang maisawsaw niya ang tinapay, ay kinuha niya at ibinigay niya kay Judas, na anak ni Simon Iscariote.[a]

27 Pagkatapos na matanggap ang kapirasong tinapay, si Satanas ay pumasok sa kanya. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Gawin mong mabilis ang iyong gagawin.”

28 Hindi nalalaman ng sinumang nasa hapag ang dahilan kung bakit niya sinabi ang mga ito sa kanya.

29 Iniisip ng ilan na sapagkat si Judas ang may hawak ng supot, ay sinabi ni Jesus sa kanya, “Bumili ka ng mga bagay na ating kailangan sa pista,” o, magbigay siya ng anuman sa mga dukha.

30 Kaya't pagkatapos tanggapin ang tinapay ay nagmamadali siyang lumabas. Noon ay gabi na.

Ang Bagong Utos

31 Nang siya'y makalabas na, ay sinabi ni Jesus, “Ngayon ay niluwalhati ang Anak ng Tao, at ang Diyos ay niluwalhati sa kanya;

32 kung ang Diyos ay niluwalhati sa kanya, luluwalhatiin din siya ng Diyos sa kanya, at luluwalhatiin siya kaagad.

33 Maliliit(F) na mga anak, makakasama pa ninyo ako nang kaunting panahon. Ako'y inyong hahanapin. At gaya ng sinabi ko sa mga Judio ay sinasabi ko sa inyo ngayon, ‘Sa pupuntahan ko, ay hindi kayo makakapunta.’

34 Isang(G) bagong utos ang sa inyo'y ibinibigay ko, na kayo'y magmahalan sa isa't isa. Kung paanong minahal ko kayo, magmahalan din kayo sa isa't isa.

35 Sa pamamagitan nito ay makikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo'y may pag-ibig sa isa't isa.”

Sinabi ni Jesus ang Pagkakaila ni Pedro(H)

36 Sinabi sa kanya ni Simon Pedro, “Panginoon, saan ka pupunta?” Sumagot si Jesus, “Sa pupuntahan ko ay hindi ka makakasunod sa akin ngayon; ngunit pagkatapos ay makakasunod ka.”

37 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Panginoon, bakit hindi ako makakasunod sa iyo ngayon? Ang aking buhay ay ibibigay ko para sa iyo.”

38 Sumagot si Jesus, “Ang buhay mo ba'y ibibigay mo dahil sa akin? Katotohanang sinasabi ko sa iyo, hindi titilaok ang manok, hanggang ipagkaila mo ako ng tatlong beses.

Si Jesus ang Daan tungo sa Ama

14 “Huwag mabagabag ang inyong puso. Sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya rin naman kayo sa akin.

Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan. Kung hindi gayon, sasabihin ko ba sa inyo na ako'y paparoon upang ihanda ko ang lugar para sa inyo?

At kung ako'y pumunta roon at maihanda ko ang isang lugar para sa inyo, ako'y babalik at kayo'y tatanggapin ko sa aking sarili, upang kung saan ako naroroon, kayo rin ay naroroon.

Nalalaman ninyo ang daan patungo sa lugar na aking pupuntahan.”[b]

Sinabi sa kanya ni Tomas, “Panginoon, hindi namin alam kung saan ka pupunta. Paano namin malalaman ang daan?”

Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay. Sinuman ay hindi makakarating sa Ama kundi sa pamamagitan ko.

Kung ako'y kilala ninyo ay makikilala rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon siya'y inyong nakikilala at siya'y inyong nakita.”

Sinabi sa kanya ni Felipe, “Panginoon, ipakita mo sa amin ang Ama, at kami ay masisiyahan na.”

Sinabi sa kanya ni Jesus, “Mahabang panahon nang ako'y kasama ninyo, at hindi mo ako nakikilala, Felipe? Ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama. Paano mong nasabi, ‘Ipakita mo sa amin ang Ama?’

10 Hindi ka ba sumasampalataya na ako'y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? Ang mga salitang aking sinasabi sa inyo'y hindi ko sinasabi mula sa aking sarili, kundi ang Ama na nananatili sa akin ang gumagawa ng kanyang mga gawa.

11 Sumampalataya kayo sa akin na ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin. Subalit kung hindi ay sumampalataya kayo sa akin dahil sa mga gawa.

12 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang sumasampalataya sa akin ay gagawin din ang mga gawang aking ginagawa, at lalong dakilang mga gawa kaysa rito ang gagawin niya, sapagkat ako'y pupunta sa Ama.

13 At anumang hingin ninyo sa aking pangalan ay aking gagawin, upang ang Ama ay maluwalhati sa Anak.

14 Kung kayo'y humingi ng anuman sa pangalan ko ay gagawin ko.

Ang Pangakong Espiritu Santo

15 “Kung ako'y inyong minamahal ay tutuparin ninyo ang aking mga utos.

16 At hihingin ko sa Ama, at kayo'y bibigyan niya ng isa pang Mang-aaliw,[c] upang makasama ninyo siya magpakailanman.

17 Ito ang Espiritu ng katotohanan na hindi kayang tanggapin ng sanlibutan; sapagkat siya'y hindi nito nakikita o nakikilala man. Siya'y nakikilala ninyo, sapagkat siya'y nananatiling kasama ninyo at siya ay mapapasa inyo.

18 Hindi ko kayo iiwang nag-iisa, ako'y darating sa inyo.

19 Kaunti pang panahon at hindi na ako makikita ng sanlibutan, ngunit makikita ninyo ako; sapagkat ako'y nabubuhay ay mabubuhay rin kayo.

20 Sa araw na iyon ay malalaman ninyong ako'y nasa aking Ama, at kayo'y nasa akin, at ako'y nasa inyo.

21 Siyang mayroon ng aking mga utos at tinutupad ang mga iyon ay siyang nagmamahal sa akin, at ang nagmamahal sa akin ay mamahalin ng aking Ama, at siya'y mamahalin ko, at ihahayag ko ang aking sarili sa kanya.”

22 Si Judas (hindi ang Iscariote) ay nagsabi sa kanya, “Panginoon, paano mong ihahayag ang iyong sarili sa amin, at hindi sa sanlibutan?”

23 Sumagot si Jesus sa kanya, “Kung ang isang tao ay nagmamahal sa akin, ay kanyang tutuparin ang aking salita, at siya'y mamahalin ng aking Ama, at kami'y lalapit sa kanya, at kami'y gagawa ng tahanang kasama siya.

24 Ang hindi nagmamahal sa akin ay hindi tumutupad ng aking mga salita, at ang salitang inyong narinig ay hindi akin, kundi sa Amang nagsugo sa akin.

25 Ang mga bagay na ito'y sinabi ko sa inyo, samantalang ako'y nananatiling kasama pa ninyo.

26 Subalit ang Mang-aaliw, ang Espiritu Santo na susuguin ng Ama sa aking pangalan, siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalala sa inyo ng lahat ng aking sinabi sa inyo.

27 Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo, ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo. Hindi gaya ng ibinibigay ng sanlibutan ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag mabagabag ang inyong puso, o matakot man.

28 Narinig ninyong sinabi ko sa inyo, ‘Ako ay aalis, at babalik ako sa inyo. Kung ako'y inyong minamahal, kayo'y magagalak sapagkat ako'y pupunta sa Ama; sapagkat ang Ama ay higit na dakila kaysa akin.’

29 At ngayon ay sinabi ko sa inyo bago pa mangyari, upang kung ito'y mangyari, kayo ay maniwala.

30 Hindi na ako magsasalita pa ng marami sa inyo, sapagkat dumarating ang pinuno ng sanlibutan. Siya'y walang kapangyarihan sa akin.

31 Subalit ginagawa ko ang ayon sa iniutos sa akin ng Ama, upang malaman ng sanlibutan na minamahal ko ang Ama. Tumindig tayo at umalis na tayo rito.

Si Jesus ang Tunay na Puno ng Ubas

15 “Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang tagapag-alaga.

Ang bawat sanga sa akin na hindi nagbubunga ay inaalis niya; at ang bawat sanga na nagbubunga ay nililinis niya upang lalong magbunga.

Kayo'y malilinis na sa pamamagitan ng salita na aking sinabi sa inyo.

Kayo'y manatili sa akin, at ako'y sa inyo. Gaya ng sanga na hindi magbubunga buhat sa kanyang sarili malibang nakakabit sa puno, gayundin naman kayo, malibang kayo'y manatili sa akin.

Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin at ako'y sa kanya ay siyang nagbubunga ng marami. Sapagkat kung kayo'y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa.

Kung ang sinuman ay hindi manatili sa akin, siya'y itatapong katulad ng sanga at matutuyo, at sila ay titipunin at ihahagis sa apoy at masusunog.

Kung kayo'y mananatili sa akin, at ang mga salita ko'y mananatili sa inyo, hingin ninyo ang anumang inyong nais, at ito'y gagawin para sa inyo.

Sa pamamagitan nito'y naluluwalhati ang aking Ama, na kayo'y magbunga ng marami, at maging mga alagad ko.

Kung paanong minahal ako ng Ama, ay gayundin naman minamahal ko kayo. Manatili kayo sa aking pagmamahal.

10 Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, ay mananatili kayo sa aking pag-ibig gaya ng aking pagtupad sa mga utos ng aking Ama, at ako'y nananatili sa kanyang pag-ibig.

11 Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo upang ang aking kagalakan ay mapasainyo, at ang inyong kagalakan ay malubos.

12 Ito(I) ang aking utos, na kayo'y magmahalan sa isa't isa, gaya ng pagmamahal ko sa inyo.

13 Walang may higit pang dakilang pag-ibig kaysa rito, na ibigay ng isang tao ang kanyang buhay dahil sa kanyang mga kaibigan.

14 Kayo'y aking mga kaibigan kung ginagawa ninyo ang mga bagay na aking iniuutos sa inyo.

15 Hindi ko na kayo tatawaging mga alipin, sapagkat hindi nalalaman ng alipin kung ano ang ginagawa ng kanyang panginoon. Ngunit tinatawag ko kayong mga kaibigan sapagkat ang lahat ng mga bagay na narinig ko sa aking Ama ay ipinaalam ko sa inyo.

16 Ako'y hindi ninyo pinili, ngunit kayo'y pinili ko, at itinalaga ko kayo upang kayo'y humayo at magbunga, at ang mga bunga ninyo'y mananatili, upang ang anumang inyong hingin sa Ama sa aking pangalan ay ibigay niya sa inyo.

17 Ang mga bagay na ito ay iniuutos ko sa inyo, upang kayo'y magmahalan sa isa't isa.

Poot ng Sanlibutan

18 “Kung kayo'y kinapopootan ng sanlibutan, ay alamin ninyo na ako muna ang kinapootan nito bago kayo.

19 Kung kayo'y taga-sanlibutan, iibigin kayo ng sanlibutan na parang sa kanya. Ngunit dahil kayo'y hindi taga-sanlibutan, kundi kayo'y pinili ko mula sa sanlibutan, kaya napopoot sa inyo ang sanlibutan.

20 Alalahanin(J) ninyo ang salitang sinabi ko sa inyo, ‘Ang alipin ay hindi higit na dakila kaysa kanyang panginoon.’ Kung ako'y kanilang inusig, kayo man ay kanilang uusigin din; kung tinupad nila ang aking salita, ang inyo man ay tutuparin din nila.

21 Subalit ang lahat ng mga bagay na ito ay gagawin nila sa inyo dahil sa aking pangalan, sapagkat hindi nila nakikilala ang nagsugo sa akin.

22 Kung hindi ako dumating at nagsalita sa kanila ay hindi sana sila nagkasala. Subalit ngayo'y wala na silang maidadahilan sa kanilang kasalanan.

23 Ang napopoot sa akin ay napopoot din sa aking Ama.

24 Kung ako'y hindi gumawa sa gitna nila ng mga gawang hindi ginawa ng sinuman, hindi sana sila nagkaroon ng kasalanan. Subalit ngayon ay kanilang nakita at kinapootan nila ako at ang aking Ama.

25 Ito(K) ay upang matupad ang salitang nasusulat sa kanilang kautusan, ‘Ako'y kinapootan nila nang walang kadahilanan.’

26 Subalit kapag dumating na ang Mang-aaliw, na aking susuguin sa inyo mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan, na mula sa Ama, siya ang magpapatotoo tungkol sa akin.

27 At kayo rin ay magpapatotoo, sapagkat kayo'y nakasama ko buhat pa nang simula.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001