Beginning
Nag-ulat si Pedro sa Iglesya sa Jerusalem
11 Nabalitaan ng mga apostol at ng mga kapatid na nasa Judea na tinanggap din ng mga Hentil ang salita ng Diyos.
2 Kaya't nang umahon si Pedro sa Jerusalem ay nakipagtalo sa kanya ang mga nasa panig ng pagtutuli,
3 na sinasabi, “Bakit pumunta ka sa mga taong hindi tuli at kumain kang kasalo nila?”
4 Ngunit si Pedro ay nagpasimulang magpaliwanag sa kanila nang sunud-sunod, na sinasabi:
5 “Ako'y nananalangin sa bayan ng Joppa; habang nasa kawalan ng malay ay nakakita ako ng isang pangitain na may isang bagay na bumababa, gaya ng isang malapad na kumot, na sa apat na sulok ay inihuhugos mula sa langit at bumaba sa akin.
6 Nang titigan ko iyon ay nakita ko ang mga hayop sa lupa na may apat na paa at mga hayop na mababangis at mga hayop na gumagapang at mga ibon sa himpapawid.
7 Nakarinig din ako ng isang tinig na nagsasabi sa akin, ‘Tumindig ka, Pedro; magkatay ka at kumain.’
8 Subalit sinabi ko, ‘Hindi maaari, Panginoon, sapagkat kailanman ay walang anumang marumi o karumaldumal ang pumasok kailanman sa aking bibig.’
9 Ngunit sumagot sa ikalawang pagkakataon ang tinig mula sa langit, ‘Ang nilinis ng Diyos ay huwag mong ituring na marumi.’
10 Ito'y nangyari ng tatlong ulit, at muling binatak ang lahat ng iyon papaakyat sa langit.
11 Nang sandaling iyon, may dumating na tatlong lalaki sa bahay na aming kinaroroonan, na mga sinugo sa akin buhat sa Cesarea.
12 Iniutos sa akin ng Espiritu na ako'y sumama sa kanila at huwag mag-atubili. At sinamahan din ako nitong anim na kapatid; at pumasok kami sa bahay ng lalaki.
13 Kanyang isinalaysay sa amin kung paanong nakita niya ang anghel na nakatindig sa kanyang bahay, at nagsasabi, ‘Magsugo ka sa Joppa at ipatawag mo si Simon, na tinatawag na Pedro.
14 Magsasabi siya sa iyo ng mga salitang ikaliligtas mo, ikaw at ng buong sambahayan mo.’
15 Nang ako'y magsimulang magsalita, bumaba sa kanila ang Espiritu Santo na kung paanong bumaba rin sa atin noong una.
16 At(A) naalala ko ang salita ng Panginoon, kung paanong sinabi niya, ‘Si Juan ay nagbautismo sa tubig, subalit kayo'y babautismuhan sa Espiritu Santo.’
17 Kung ibinigay sa kanila ng Diyos ang gayunding kaloob na gaya naman ng kanyang ibinigay sa atin nang tayo'y nanampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo, sino ba ako na makakahadlang sa Diyos?”
18 Nang marinig nila ang mga bagay na ito, tumahimik sila at niluwalhati ang Diyos, na sinasabi, “Kung gayo'y binigyan din ng Diyos ang mga Hentil ng pagsisisi tungo sa buhay.”
Ang Iglesya sa Antioquia
19 Samantala,(B) ang mga nagkawatak-watak dahil sa pag-uusig na nangyari kay Esteban ay naglakbay hanggang sa Fenicia, sa Cyprus, at sa Antioquia, na hindi sinasabi kaninuman ang salita, maliban sa mga Judio.
20 Subalit may ilan sa kanila, mga lalaking taga-Cyprus at taga-Cirene, nang dumating sa Antioquia, ay nagsalita din sa mga Griyego, na ipinangangaral ang Panginoong Jesus.
21 Sumasakanila ang kamay ng Panginoon at ang napakalaking bilang na sumampalataya ay nagbalik-loob sa Panginoon.
22 Nakarating ang balita tungkol sa kanila sa mga pandinig ng iglesya na nasa Jerusalem at kanilang sinugo si Bernabe sa Antioquia.
23 Nang siya'y dumating at nakita ang biyaya ng Diyos, ay nagalak siya at kanyang hinimok ang bawat isa upang manatili sa Panginoon na may katapatan ng puso;
24 sapagkat siya'y mabuting lalaki at puspos ng Espiritu Santo at ng pananampalataya. At napakaraming tao ang idinagdag sa Panginoon.
25 At si Bernabe ay nagtungo sa Tarso upang hanapin si Saulo.
26 Nang siya'y kanyang matagpuan ay kanyang dinala siya sa Antioquia. At nangyari na sa buong isang taon ay nakasama nila ang iglesya, at nagturo sa napakaraming tao; at sa Antioquia ang mga alagad ay pinasimulang tawaging mga Cristiano.
27 Nang mga araw ngang ito ay may lumusong sa Antioquia na mga propetang galing sa Jerusalem.
28 (C) Isa sa kanila na ang pangalan ay Agabo, ang tumayo at ipinaalam sa pamamagitan ng Espiritu na magkakaroon ng matinding taggutom sa buong sanlibutan; at ito'y nangyari sa kapanahunan ni Claudio.
29 Ang mga alagad, ayon sa kakayahan ng bawat isa, ay nagpasiyang magpadala ng tulong sa mga kapatid na naninirahan sa Judea;
30 at kanilang ginawa ito at ipinadala nila sa matatanda sa pamamagitan ng mga kamay nina Bernabe at Saulo.
Muling Inusig ang Iglesya
12 Nang panahong iyon, inilapat ni Herodes ang kanyang mga kamay upang pagmalupitan ang ilan sa mga kaanib ng iglesya.
2 Pinatay niya sa pamamagitan ng tabak si Santiago na kapatid ni Juan.
3 Nang makita niya na ito'y ikinasiya ng mga Judio, kanya namang isinunod na dakpin si Pedro. Ito ay nang panahon ng pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa.
4 (D) Nang siya'y mahuli na niya, kanyang inilagay siya sa bilangguan at siya'y ibinigay sa apat na pangkat na mga kawal upang siya'y bantayan at binabalak na siya'y iharap sa taong-bayan pagkatapos ng Paskuwa.
5 Habang si Pedro ay nasa bilangguan, ang iglesya ay taimtim na nanalangin sa Diyos para sa kanya.
Pinalaya ng Anghel si Pedro
6 Nang gabing si Pedro ay malapit nang ilabas ni Herodes, natutulog siya sa pagitan ng dalawang kawal na nakagapos ng dalawang tanikala at ang mga bantay sa harap ng pintuan ay nagbabantay sa bilangguan.
7 At biglang nagpakita ang isang anghel ng Panginoon at tumanglaw ang isang liwanag sa kulungan. Tinapik niya si Pedro sa tagiliran at siya'y ginising, na sinasabi, “Bumangon kang madali.” At nalaglag ang mga tanikala sa kanyang mga kamay.
8 Sinabi sa kanya ng anghel, “Magbihis ka at isuot mo ang iyong mga sandalyas.” At iyon nga ang ginawa niya. At sinabi niya sa kanya, “Ibalot mo sa iyong sarili ang iyong balabal at sumunod ka sa akin.”
9 Si Pedro[a] ay lumabas, at sumunod sa kanya. Hindi niya alam na tunay ang nangyayari sa pamamagitan ng anghel, ang akala niya'y nakakakita siya ng isang pangitain.
10 Nang sila'y makaraan sa una at sa pangalawang bantay, dumating sila sa pintuang-bakal na patungo sa lunsod. Ito'y kusang nabuksan sa kanila, sila'y lumabas at dumaan sa isang lansangan at agad siyang iniwan ng anghel.
11 Nang matauhan si Pedro, ay kanyang sinabi, “Ngayo'y natitiyak ko na sinugo ng Panginoon ang kanyang anghel at iniligtas ako sa kamay ni Herodes at sa lahat ng inaasahan ng mga Judio.”
12 Nang kanyang mabatid ito, pumunta siya sa bahay ni Maria, ang ina ni Juan na tinatawag na Marcos, na kinaroroonan ng maraming nagkakatipon at nananalangin.
13 Nang siya'y kumatok sa tarangkahan ay isang babaing katulong na ang pangalan ay Roda ang lumapit upang alamin[b] kung sino ang kumakatok.
14 Nang makilala niya ang tinig ni Pedro, sa tuwa'y hindi niya binuksan ang pintuan, kundi tumakbo sa loob at ipinagbigay-alam na nakatayo si Pedro sa harap ng pintuan.
15 Kanilang sinabi sa kanya, “Nasisiraan ka na.” Ngunit ipinilit niya na gayon nga. Ngunit kanilang sinabi, “Iyon ay kanyang anghel.”
16 Ngunit nagpatuloy si Pedro ng pagkatok at nang kanilang buksan, siya'y kanilang nakita at sila'y namangha.
17 Sila'y sinenyasan niya ng kanyang kamay upang tumahimik at isinalaysay sa kanila kung paanong inilabas siya ng Panginoon sa bilangguan. At sinabi niya, “Ipagbigay-alam ninyo ang mga bagay na ito kay Santiago, at sa mga kapatid.” At siya'y umalis at pumunta sa ibang dako.
18 Nang mag-umaga na, malaki ang kaguluhang nangyari sa mga kawal tungkol sa kung anong nangyari kay Pedro.
19 Nang siya'y maipahanap na ni Herodes at hindi siya natagpuan, siniyasat niya ang mga tanod at ipinag-utos na sila'y patayin.
At buhat sa Judea si Pedro[c] ay pumunta sa Cesarea, at doon nanirahan.
Namatay si Herodes
20 Noon ay galit na galit si Herodes sa mga taga-Tiro at taga-Sidon. Kaya't sila'y nagkaisang pumaroon sa kanya, at nang mahikayat na nila si Blasto na katiwala ng hari, ay kanilang ipinakiusap ang pagkakasundo, sapagkat ang lupain nila'y umaasa sa lupain ng hari para sa pagkain.
21 Sa isang takdang araw ay isinuot ni Herodes ang damit-hari at naupo sa trono, at sa kanila'y nagtalumpati.
22 Ang taong-bayan ay nagsisigaw, “Tinig ng diyos at hindi ng tao!”
23 Agad siyang sinaktan ng isang anghel ng Panginoon sapagkat hindi niya ibinigay ang kaluwalhatian sa Diyos. Siya'y kinain ng mga uod at namatay.
24 Ngunit ang salita ng Diyos ay patuloy na lumago at lumaganap.
25 At nagbalik galing sa Jerusalem sina Bernabe at Saulo nang magampanan na nila ang kanilang paglilingkod at kanilang isinama si Juan na tinatawag ding Marcos.
Isinugo sina Bernabe at Saulo
13 Sa iglesya na nasa Antioquia ay may mga propeta at mga guro, si Bernabe, si Simeon na tinatawag na Niger, si Lucio na taga-Cirene, si Manaen na kinakapatid ni Herodes na tetrarka, at si Saulo.
2 Samantalang sila'y sumasamba sa Panginoon at nag-aayuno, sinabi ng Espiritu Santo, “Ibukod ninyo para sa akin sina Bernabe at Saulo sa gawaing itinawag ko sa kanila.”
3 Nang magkagayon, nang sila'y makapag-ayuno na at makapanalangin at maipatong ang mga kamay nila sa kanila, ay kanilang pinahayo sila.
Ang Pangangaral sa Cyprus
4 Sila na isinugo ng Espiritu Santo ay pumunta sa Seleucia at buhat doo'y naglayag patungong Cyprus.
5 Nang sila'y makarating sa Salamis, kanilang ipinangaral ang salita ng Diyos sa mga sinagoga ng mga Judio. Kasama rin nila si Juan bilang katulong.
6 Nang kanilang mapuntahan na ang buong pulo hanggang sa Pafos, nakatagpo sila ng isang salamangkero, isang bulaang propetang Judio, na ang pangalan ay Bar-Jesus.
7 Kasama siya ng proconsul na si Sergio Paulo na isang lalaking matalino. Kanyang ipinatawag sina Bernabe at Saulo at nais na mapakinggan ang salita ng Diyos.
8 Ngunit si Elimas na salamangkero (sapagkat iyon ang kahulugan ng kanyang pangalan) ay humadlang sa kanila na pinagsisikapang ilayo sa pananampalataya ang proconsul.
9 Subalit si Saulo, na tinatawag ding Pablo, na puspos ng Espiritu Santo ay tumitig sa kanya nang mabuti,
10 at sinabi niya, “Ikaw na anak ng diyablo, at kaaway ng lahat ng katuwiran, punung-puno ng lahat ng pandaraya at panlilinlang, hindi ka ba titigil sa pagbaluktot sa matutuwid na daan ng Panginoon?
11 At ngayon, laban sa iyo ang kamay ng Panginoon, mabubulag ka, at hindi mo makikita ang araw ng ilang panahon.”
May ulap at kadiliman na agad nahulog sa kanya at siya'y lumibot na humahanap ng sa kanya'y aakay sa kamay.
12 Nang makita ng proconsul ang nangyari, siya'y naniwala sapagkat siya'y namangha sa turo ng Panginoon.
Sa Antioquia ng Pisidia
13 At umalis mula sa Pafos si Pablo at ang kanyang mga kasama at nakarating sa Perga sa Pamfilia. Ngunit iniwan sila ni Juan at nagbalik sa Jerusalem.
14 Ngunit naglakbay sila mula sa Perga at nakarating sa Antioquia ng Pisidia. At nang araw ng Sabbath, sila'y pumasok sa sinagoga at umupo.
15 Pagkatapos ng pagbasa ng kautusan at ng mga propeta, ang mga pinuno sa sinagoga ay nagpautos sa kanila na sinasabi, “Mga kapatid, kung mayroon kayong anumang salitang magpapalakas ng loob ng mga tao ay sabihin ninyo.”
16 Kaya't tumindig si Pablo at sa pagsenyas ng kanyang kamay ay nagsabi,
“Mga lalaking Israelita, at kayong may takot sa Diyos, makinig kayo.
17 Hinirang(E) ng Diyos nitong bayang Israel ang ating mga ninuno, at ginawang dakila ang bayan nang sila'y nakipamayan sa Ehipto, at sa pamamagitan ng nakataas na bisig ay kanyang inilabas sila roon.
18 (F) Sa halos apatnapung taon ay kanyang pinagtiyagaan sila sa ilang.
19 Nang(G) mawasak na niya ang pitong bansa sa lupain ng Canaan, ibinigay niya sa kanila ang kanilang lupain bilang pamana,
20 sa(H) loob ng halos apatnaraan at limampung taon. Pagkatapos ng mga bagay na ito ay kanyang binigyan sila ng mga hukom hanggang kay Samuel na propeta.
21 (I) Pagkatapos ay humingi sila ng hari at ibinigay sa kanila ng Diyos si Saulo na anak ni Kish na isang lalaki sa lipi ni Benjamin na naghari sa loob ng apatnapung taon.
22 (J) Nang siya'y alisin niya, si David ay ginawang hari nila. Sa kanyang patotoo ay sinabi niya tungkol sa kanya, ‘Natagpuan ko si David na anak ni Jesse, na isang lalaking kinalulugdan ng aking puso, na gagawa ng buong kalooban ko.’
23 Mula sa binhi ng taong ito, ang Diyos ay nagkaloob ng isang Tagapagligtas sa Israel na si Jesus, gaya ng kanyang ipinangako.
24 Bago(K) pa siya dumating ay nangaral si Juan ng bautismo ng pagsisisi sa buong bayan ng Israel.
25 At(L) samantalang tinatapos ni Juan ang kanyang gawain ay sinabi niya, ‘Sino ba ako sa inyong akala? Hindi ako siya. Ngunit may dumarating na kasunod ko. Hindi ako karapat-dapat na magkalag ng sandalyas ng kanyang mga paa.’
26 “Mga kapatid, mga anak ng lahi ni Abraham, at ang mga sa inyo'y may takot sa Diyos, sa atin ipinadala ang salita ng kaligtasang ito.
27 Sapagkat hindi nakilala ng mga naninirahan sa Jerusalem at ng mga pinuno nila si Jesus[d] ni ang mga tinig ng mga propeta na binabasa tuwing Sabbath, tinupad nila ang mga salitang ito sa pamamagitan ng paghatol sa kanya.
28 At(M) kahit na hindi sila nakatagpo sa kanya ng anumang kadahilanang dapat ikamatay, gayunma'y kanilang hiningi kay Pilato na siya'y patayin.
29 Nang(N) matupad na nila ang lahat ng mga bagay na nasusulat tungkol sa kanya, kanilang ibinaba siya sa punungkahoy at inilagay sa isang libingan.
30 Ngunit siya'y binuhay ng Diyos mula sa mga patay.
31 At(O) sa loob ng maraming mga araw ay nakita siya ng mga kasama niyang pumunta buhat sa Galilea patungo sa Jerusalem, na siyang mga saksi niya ngayon sa taong-bayan.
32 Ipinangangaral namin sa inyo ang mabuting balita ng pangako ng Diyos sa ating mga ninuno,
33 na(P) ang mga bagay na ito ay tinupad din niya sa atin na kanilang mga anak, nang kanyang muling buhayin si Jesus; gaya naman ng nasusulat sa ikalawang awit,
‘Ikaw ay aking Anak,
sa araw na ito ay naging anak kita.’
34 (Q) Tungkol sa pagkabuhay niya mula sa mga patay, upang hindi na magbalik sa kabulukan, ay ganito ang sinabi niya,
‘Ibibigay ko sa iyo ang banal at mga maaasahang pangako kay David.’
35 Kaya't(R) sinasabi rin niya sa isa pang awit,
‘Hindi mo hahayaan na ang iyong Banal ay makakita ng pagkabulok.’
36 Sapagkat si David, pagkatapos niyang maglingkod ayon sa kalooban ng Diyos sa kanyang sariling salinlahi, ay namatay[e] at isinama sa kanyang mga ninuno, at nakakita ng pagkabulok.
37 Subalit ang binuhay ng Diyos ay hindi nakakita ng kabulukan.
38 Kaya mga kapatid, maging hayag nawa sa inyo na sa pamamagitan ng taong ito'y ipinahahayag sa inyo ang kapatawaran ng mga kasalanan;
39 at sa pamamagitan niya ang bawat nananampalataya ay pinalalaya sa lahat ng bagay, kung saan hindi kayo kayang ariing-ganap ng kautusan ni Moises.
40 Kaya nga mag-ingat kayo, baka dumating sa inyo ang sinabi ng mga propeta:
41 ‘Tingnan(S) ninyo, mga mapanlibak!
Manggilalas kayo at mapahamak;
sapagkat ako'y gumagawa ng isang gawa sa inyong mga araw,
isang gawang sa anumang paraa'y hindi ninyo paniniwalaan kung sabihin sa inyo ng sinuman.’”
42 At sa pag-alis nina Pablo at Bernabe,[f] nakiusap ang mga tao na ang mga bagay na ito ay muling sabihin sa kanila sa susunod na Sabbath.
43 Nang matapos ang pulong sa sinagoga, marami sa mga Judio at masisipag sa kabanalan na naging Judio ay sumunod kina Pablo at Bernabe, na nagsasalita at humikayat sa kanila na magpatuloy sa biyaya ng Diyos.
44 Nang sumunod na Sabbath ay nagtipon ang halos buong lunsod upang pakinggan ang salita ng Panginoon.[g]
45 Subalit nang makita ng mga Judio ang napakaraming tao, napuno sila ng inggit, nanlapastangan at sinalungat ang mga bagay na sinabi ni Pablo.
46 At nagsalita ng buong katapangan sina Pablo at Bernabe, na nagsasabi, “Kinakailangang ipahayag muna ang salita ng Diyos sa inyo. Yamang inyong itinatakuwil ito, at hinahatulan ninyong hindi kayo karapat-dapat sa buhay na walang hanggan, kami ngayon ay babaling sa mga Hentil.
47 Sapagkat(T) ganito ang ipinag-utos sa amin ng Panginoon, na sinasabi,
‘Inilagay kitang isang ilaw sa mga Hentil,
upang ikaw ay magdala ng kaligtasan hanggang sa dulo ng daigdig.’”
48 Nang marinig ito ng mga Hentil, nagalak sila at niluwalhati ang salita ng Diyos; at sumampalataya ang lahat ng mga itinalaga sa buhay na walang hanggan.
49 Kaya't lumaganap ang salita ng Panginoon sa buong lupain.
50 Subalit inudyukan ng mga Judio ang mga kilalang babaing masisipag sa kabanalan at ang mga pangunahing lalaki sa lunsod, at nagsimula ng pag-uusig laban kina Pablo at Bernabe, at kanilang pinalayas sila sa kanilang mga nasasakupan.
51 Kaya't(U) ipinagpag nila ang alikabok ng kanilang mga paa laban sa kanila, at nagtungo sila sa Iconio.
52 At ang mga alagad ay napuspos ng kagalakan at ng Espiritu Santo.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001