Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Corinto 1-4

Pagbati

Si Pablo na tinawag upang maging apostol ni Jesu-Cristo sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, at si Sostenes na ating kapatid,

Sa(A) iglesya ng Diyos na nasa Corinto, sa mga ginawang banal kay Cristo Jesus, mga tinawag na banal, kasama ng lahat na sa bawat lugar ay tumatawag sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo na kanila at ating Panginoon:

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Ako ay laging nagpapasalamat sa aking Diyos tungkol sa inyo, dahil sa biyaya ng Diyos na ibinigay sa inyo sa pamamagitan ni Cristo Jesus,

na sa lahat ng mga bagay ay pinayaman kayo sa kanya sa bawat uri ng pananalita at kaalaman,

kagaya ng patotoo ni Cristo na pinagtibay sa inyo.

Kaya't kayo'y hindi nagkukulang sa anumang kaloob habang kayo'y naghihintay sa pagpapakita ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Siya rin ang magpapalakas sa inyo hanggang sa katapusan, na hindi masusumbatan sa araw ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Diyos ay tapat, na sa pamamagitan niya ay tinawag kayo tungo sa pakikisama ng kanyang Anak, si Jesu-Cristo na ating Panginoon.

Pagkakabaha-bahagi sa Iglesya

10 Mga kapatid, ngayon ay nananawagan ako sa inyo sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na kayong lahat ay magsalita ng isang bagay lamang, at huwag magkaroon sa inyo ng mga pagkakabaha-bahagi, kundi kayo'y magkaisa sa isang pag-iisip at layunin lamang.

11 Sapagkat iniulat sa akin ng mga kasamahan ni Cloe ang tungkol sa inyo, na sa inyo'y may mga pagtatalu-talo, mga kapatid ko.

12 Ang(B) ibig kong sabihin ay ang bawat isa sa inyo ay nagsasabi, “Ako'y kay Pablo,” o “Ako'y kay Apolos,” at “Ako'y kay Cefas,” at “Ako nama'y kay Cristo.”

13 Si Cristo ba ay nahati? Si Pablo ba ay ipinako sa krus dahil sa inyo? O kayo ba ay binautismuhan sa pangalan ni Pablo?

14 Ako(C) ay nagpapasalamat sa Diyos na hindi ko binautismuhan ang sinuman sa inyo, maliban kay Crispo at kay Gayo;

15 baka masabi ng sinuman na kayo'y binautismuhan sa pangalan ko.

16 Binautismuhan(D) ko rin ang sambahayan ni Estefanas. Maliban sa kanila, hindi ko alam kung ako ay may binautismuhan pang iba.

17 Sapagkat hindi ako isinugo ni Cristo upang magbautismo, kundi upang ipangaral ang magandang balita, hindi sa pamamagitan ng mahusay na pananalita, upang ang krus ni Cristo ay huwag mawalan ng kapangyarihan.

Si Cristo ang Kapangyarihan at Karunungan ng Diyos

18 Sapagkat ang salita ng krus ay kahangalan sa mga napapahamak, ngunit sa atin na inililigtas, ito ay kapangyarihan ng Diyos.

19 Sapagkat(E) nasusulat,

“Aking wawasakin ang karunungan ng marurunong,
    at ang pang-unawa ng mga matatalino ay aking bibiguin.”

20 Nasaan(F) ang taong marunong? Nasaan ang eskriba? Nasaan ang bihasang makipagtalo ng panahong ito? Hindi ba't ginawa ng Diyos na kahangalan ang karunungan ng sanlibutan?

21 Sapagkat yamang sa karunungan ng Diyos ay hindi nakilala ng sanlibutan ang Diyos sa pamamagitan ng karunungan nito, ay kinalugdan ng Diyos na iligtas ang mga sumasampalataya sa pamamagitan ng kahangalan ng pangangaral.

22 Sapagkat ang mga Judio ay humihingi ng mga tanda, at ang mga Griyego ay humahanap ng karunungan,

23 subalit ipinangangaral namin ang Cristo na ipinako sa krus, na isang katitisuran sa mga Judio at kahangalan sa mga Hentil,

24 ngunit sa kanila na mga tinawag, maging mga Judio at mga Griyego, si Cristo ang kapangyarihan ng Diyos at ang karunungan ng Diyos.

25 Sapagkat ang kahangalan ng Diyos ay higit na matalino kaysa mga tao, at ang kahinaan ng Diyos ay higit na malakas kaysa mga tao.

26 Sapagkat tingnan ninyo ang inyong pagkatawag, mga kapatid: kakaunti sa inyo ang matatalino ayon sa pamantayan ng tao,[a] hindi marami ang makapangyarihan, hindi marami ang isinilang na marangal.

27 Kundi pinili ng Diyos ang mga bagay na kahangalan sa sanlibutan upang kanyang hiyain ang matatalino. Pinili ng Diyos ang mga bagay na mahihina sa sanlibutan upang kanyang hiyain ang malalakas.

28 Pinili ng Diyos ang mga bagay na mababa at hinahamak sa sanlibutan, maging ang mga bagay na walang halaga upang pawalang-saysay ang mga bagay na mahahalaga,

29 upang walang sinuman[b] ang magmalaki sa harapan ng Diyos.

30 Subalit kayo ay na kay Cristo Jesus, na naging karunungan para sa atin mula sa Diyos, at katuwiran at kabanalan, at katubusan,

31 upang(G) ayon sa nasusulat, “Ang nagmamalaki ay ipagmalaki ang Panginoon.”

Ang Cristong Ipinako sa Krus

Mga kapatid, nang ako ay dumating sa inyo, hindi ako dumating na nagpapahayag sa inyo ng patotoo ng Diyos sa pamamagitan ng matatayog na pananalita o karunungan.

Sapagkat aking ipinasiyang walang anumang malaman sa gitna ninyo, maliban na si Jesu-Cristo, at siya na ipinako sa krus.

Ako'y(H) nakasama ninyo na may kahinaan, takot, at lubhang panginginig.

Ang aking pananalita at ang aking pangangaral ay hindi sa pamamagitan ng mapang-akit na mga salita ng karunungan, kundi sa pagpapamalas ng Espiritu at ng kapangyarihan,

upang ang inyong pananampalataya ay huwag maging batay sa karunungan ng mga tao, kundi sa kapangyarihan ng Diyos.

Ang Tunay na Karunungan ng Diyos

Subalit sa mga may gulang na ay nagsasalita kami ng karunungan, gayunma'y hindi ang karunungan ng panahong ito, o ng mga pinuno sa panahong ito, na ang mga ito'y mauuwi sa wala.

Kundi nagsasalita kami tungkol sa karunungan ng Diyos, na hiwaga at inilihim, na itinalaga ng Diyos bago ang mga panahon para sa ikaluluwalhati natin.

Walang sinuman sa mga pinuno ng sanlibutang ito ang nakaunawa nito, sapagkat kung naunawaan nila, ay hindi sana nila ipinako sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian.

Subalit(I) kagaya ng nasusulat,

“Ang mga bagay na hindi nakita ng mata, at hindi narinig ng tainga,
    at hindi pumasok sa puso ng tao,
    ay ang mga bagay na inihanda ng Diyos para sa kanila na nagmamahal sa kanya.”

10 Ngunit ang mga ito ay ipinahayag sa amin ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu; sapagkat sinisiyasat ng Espiritu ang lahat ng mga bagay, maging ang malalalim na mga bagay ng Diyos.

11 Sapagkat sinong tao ang nakakaalam ng isipan ng isang tao, kundi ang espiritu ng tao na nasa kanya? Kaya't walang nakakaalam ng mga isipan ng Diyos, maliban sa Espiritu ng Diyos.

12 Ngayon ay aming tinanggap, hindi ang espiritu ng sanlibutan, kundi ang Espiritung mula sa Diyos, upang aming malaman ang mga bagay na walang bayad na ibinigay sa amin ng Diyos.

13 Na ang mga bagay na ito ay aming sinasabi hindi sa mga salitang itinuro ng karunungan ng tao, kundi ng itinuturo ng Espiritu na ipinapaunawa ang mga espirituwal ng mga espirituwal.

14 Ngunit ang taong hindi ayon sa espiritu ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Diyos, sapagkat ang mga iyon ay kahangalan sa kanya at hindi niya iyon nauunawaan, sapagkat ang mga iyon ay nauunawaan sa pamamagitan ng espiritu.

15 Ngunit nauunawaan ng taong espirituwal ang lahat ng mga bagay, subalit hindi siya nauunawaan ng sinuman.

16 “Sapagkat(J) sino ang nakakaalam ng pag-iisip ng Panginoon, upang siya'y turuan niya?” Subalit nasa amin[c] ang pag-iisip ni Cristo.

Tungkol sa Pagkakabaha-bahagi sa Iglesya

Subalit ako, mga kapatid, ay hindi makapagsalita sa inyo na tulad sa mga taong espirituwal, kundi tulad sa mga makalaman, tulad sa mga sanggol kay Cristo.

Pinainom(K) ko kayo ng gatas at hindi ng matigas na pagkain, sapagkat hindi pa ninyo kaya ito. Hanggang ngayon ay hindi pa ninyo kaya,

sapagkat kayo ay makalaman pa. Sapagkat habang sa inyo'y may mga paninibugho at mga pagtatalo, hindi ba kayo'y makalaman, at kayo'y lumalakad ayon sa pamantayan ng mga tao?

Sapagkat(L) kapag sinasabi ng isa, “Ako ay kay Pablo,” at ang iba, “Ako ay kay Apolos,” hindi ba kayo'y mga tao?

Ano nga ba si Apolos? At ano si Pablo? Mga lingkod na sa pamamagitan nila ay sumampalataya kayo, ayon sa itinakda ng Panginoon sa bawat isa.

Ako(M) ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang nagpalago.

Kaya't walang anuman ang nagtatanim, o ang nagdidilig, kundi ang Diyos na nagpapalago.

Ngayon, ang nagtatanim at ang nagdidilig ay iisa, at ang bawat isa ay tatanggap ng kanyang upa ayon sa kanyang paggawa.

Sapagkat kami ay mga kamanggagawa ng Diyos, kayo ang bukid ng Diyos, ang gusali ng Diyos.

10 Ayon sa biyaya ng Diyos na ibinigay sa akin, na tulad sa isang matalinong tagapagtayo, inilagay ko ang pinagsasaligan, at iba ang nagtatayo sa ibabaw nito. Dapat ingatan ng bawat tao ang pagtatayo niya sa ibabaw nito.

11 Sapagkat sinuman ay hindi makapaglalagay ng ibang saligan, maliban sa nakalagay na, na ito'y si Cristo Jesus.

12 Subalit kung ang sinuman ay magtatayo sa ibabaw ng saligang ito ng ginto, pilak, mahahalagang bato, kahoy, dayami, pinaggapasan,

13 ang gawa ng bawat isa ay mahahayag, sapagkat ang Araw ang magbubunyag nito. Sapagkat ito ay mahahayag sa pamamagitan ng apoy at ang apoy ang susubok kung anong uri ng gawain ang ginawa ng bawat isa.

14 Kung ang gawa ng sinumang tao na kanyang itinayo sa ibabaw ay manatili, siya ay tatanggap ng gantimpala.

15 Kung ang gawa ng sinumang tao ay matupok, siya ay malulugi, bagaman siya ay maliligtas, ngunit tanging sa pamamagitan ng apoy.

16 Hindi(N) ba ninyo nalalaman na kayo ay templo ng Diyos, at ang Espiritu ng Diyos ay naninirahan sa inyo?

17 Kung ang sinuman ay magtangkang gumiba sa templo ng Diyos, ang taong ito'y gigibain ng Diyos, sapagkat ang templo ng Diyos ay banal, at ang templong ito ay kayo.

18 Huwag dayain ng sinuman ang kanyang sarili. Kung ang sinuman sa inyo ay nag-aakalang siya ay marunong sa kapanahunang ito, ay magpakahangal siya, upang siya ay maging marunong.

19 Ang(O) karunungan ng sanlibutang ito ay kahangalan sa Diyos. Sapagkat nasusulat, “Hinuhuli niya ang marurunong sa kanilang katusuhan.”

20 At(P) muli, “Nalalaman ng Panginoon na ang pangangatuwiran ng marurunong ay walang kabuluhan.”

21 Kaya't huwag magmalaki ang sinuman sa mga tao, sapagkat ang lahat ng mga bagay ay sa inyo.

22 Kahit si Pablo, o si Apolos, o si Cefas, o ang sanlibutan, o ang buhay, o ang kamatayan, o ang mga bagay na kasalukuyan, o ang mga bagay na darating, lahat ay sa inyo,

23 at kayo'y kay Cristo, at si Cristo ay sa Diyos.

Ang Ministeryo ng mga Apostol

Kaya't ituring ninyo kami bilang mga lingkod ni Cristo, at mga katiwala ng mga hiwaga ng Diyos.

Bukod dito, kailangan sa mga katiwala na sila ay matagpuang tapat.

Subalit para sa akin ay isang napakaliit na bagay ang ako'y hatulan ninyo o ng alinmang hukuman ng tao. Ako man ay hindi humahatol sa aking sarili.

Sapagkat wala akong nalalamang anuman laban sa aking sarili, bagaman hindi sa ako'y napawalang-sala, kundi ang humahatol sa akin ay ang Panginoon.

Kaya't huwag muna kayong humatol ng anuman nang wala pa sa panahon, hanggang sa dumating ang Panginoon. Siya ang magdadala sa liwanag sa mga bagay na sa ngayon ay nakatago sa kadiliman, at ibubunyag ang layunin ng mga puso. Kung magkagayon, ang bawat isa ay tatanggap ng papuri mula sa Diyos.

Mga kapatid, ang mga bagay na ito ay ginamit kong halimbawa sa aking sarili at kay Apolos para sa inyo, upang sa pamamagitan namin ay matuto kayo na huwag lumampas sa mga bagay na nakasulat, upang sinuman sa inyo ay huwag magmataas laban sa iba.

Sapagkat sino ang nakakakita ng kaibahan mo? At ano ang nasa iyo na hindi mo tinanggap? At kung tinanggap mo, bakit mo ipinagmamalaki na parang hindi mo tinanggap?

Kayo ay mga busog na, kayo ay mayayaman na, kayo ay naging mga hari nang wala kami. Ibig ko sanang kayo ay maging hari upang kami rin ay maging haring kasama ninyo.

Sapagkat iniisip ko, na kaming mga apostol ay ipinakita ng Diyos na kahuli-hulihan sa lahat, kagaya ng mga taong nahatulang mamatay, sapagkat kami ay naging panoorin ng sanlibutan, ng mga anghel, at ng mga tao.

10 Kami'y mga hangal alang-alang kay Cristo, ngunit kayo'y marurunong kay Cristo. Kami ay mahihina, ngunit kayo'y malalakas. Kayo ay mararangal ngunit kami ay walang karangalan.

11 Hanggang sa oras na ito ay nagugutom kami, nauuhaw, mga hubad, binubugbog, at walang tahanan,

12 at(Q) kami'y gumagawa sa pamamagitan ng sarili naming mga kamay. Bagaman nilalait, kami ay nagpapala, bagaman inuusig ay nagtitiis kami,

13 bagaman mga sinisiraang-puri, kami ay nakikiusap. Kami'y naging tulad ng basura sa sanlibutan, dumi ng lahat ng mga bagay hanggang ngayon.

Payong Magulang

14 Hindi ko isinusulat ang mga bagay na ito upang kayo'y hiyain, kundi upang kayo ay paalalahanan tulad sa aking mga minamahal na anak.

15 Sapagkat bagaman nagkaroon kayo ng sampung libong mga guro kay Cristo, ay wala naman kayong maraming mga ama; sapagkat kay Cristo Jesus ay ipinanganak ko kayo sa pamamagitan ng ebanghelyo.

16 Kaya't(R) hinihimok ko kayo na tumulad sa akin.

17 Dahil dito, aking isinugo[d] sa inyo si Timoteo na aking minamahal at tapat na anak sa Panginoon, na siyang magpapaalala sa inyo ng aking mga daan na na kay Cristo gaya ng itinuturo ko saan mang dako sa bawat iglesya.

18 Subalit ang iba ay nagmamataas na parang hindi na ako darating sa inyo.

19 Ngunit ako'y darating agad sa inyo, kung loloobin ng Panginoon, at aking aalamin, hindi ang salita ng mga taong nagmamataas, kundi ang kapangyarihan.

20 Sapagkat ang kaharian ng Diyos ay hindi sa pananalita, kundi sa kapangyarihan.

21 Anong ibig ninyo? Darating ba ako sa inyo na may pamalo o may pag-ibig sa espiritu ng kaamuan?

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001